You are on page 1of 13

Apostolic Vicariate of Bontoc-Lagawe Educational System (AVBLES)

CATHOLIC SCHOOLS IN MOUNTAIN PROVINCE (CSMP)

FILIPINO 9
IKATLONG MARKAHAN
MGA AKDANG PAMPANITIKAN NG
KANLURANG ASYA
ENHANCED CONTENT STANDARDS:
Naipamamalas ng mga mag-aaral ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga akdang pampanitikan ng
Kanlurang Asya na masasalamin sa kultura, paniniwala at estilo ng pamumuhay ng mga tao sa
Mountain Province.

ENHANCED PERFORMANCE STANDARDS:


Nakapagsasagawa nang mahusay na pagtatanghal ng kultura ng Mountain Province batay sa
napiling mga akdang pampanitikang Asyano na sumasalamin din sa kulturang Asyano.

ESSENTIAL LEARNING COMPETENCIES:


ELC 1: Nakasusulat ng sariling parabula na may pangunahing paksa sa pagpapahalagang kultural ng
lugar na kinabibilangan habang isinasaalang-alang ang kayarian ng salitang gagamitin.
ELC 2: Nakalilikha ng sariling maikling kuwento na may pagsasaalang-alang sa paggamit ng mga
angkop na pang-ugnay na hudyat sa pagkakasunod-sunod ng mga pangayayari sa kuwento na
sumasalamin sa kultura ng Mountain Province.
ELC 3: Nakalilikha ng sariling alamat ng isang bagay na makikita sa lugar na kinabibilangan na may
pagsasaalang-alang sa paggamit ng mga pang-abay na pamanahon, panlunan at pamaraan sa
pagbuo ng akda.
ELC 4: Nakapagsasagawa nang mahusay na pagtatanghal ng kultura ng Mountain Province batay
sa napiling mga akdang pampanitikang Asyano na sumasalamin din sa kulturang Asyano

ARALIN 1: Panitikan: Parabula ng “Alibughang Anak”


Gramatika/Retorika: Kayarian ng Salita ARALIN
2: Panitikan: Sino ang Nagkaloob?
Gramatika/Retorika: Panandang Diskurso
ARALIN 3: Panitikan: Ang Pinagmulan ng Tatlumpu’t Dalawang Kuwento ng Trono
Gramatika/Retorika Retorika: Uri ng Pang-abay
ARALIN 4: Naipakikita sa masining na pagtatanghal ang kulturang Mountain Province na masasalamin
din sa kultura ng Kanlurang Asya (Paglikha ng Sariling Iskrip para sa isang Pagtatanghal)

Prepared by: Giphanie M. Atiwag

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 1 | 13
SAHSi

ARALIN 1: Panitikan: Parabula ng “Alibughang Anak” Gramatika/Retorika:


Kayarian ng Salita

Ang Israel ay matatagpuan sa Kanlurang Asya. Republika ang kanilang pamahalaan.


Alam mo ba?
Bago magdeklara ng kalayaan ang Israel noong Mayo 14, 1948 ay maraming
pinagdaanang mapapait na karanasan ang mga Israelita. May mataas na pagpapahalaga ang Israel sa
pag-aaral kaya ang unang batas na itinakda ng bansang ito ay ang libreng pag-aaral para sa lahat at
sapilitang pagpapapasok sa mga paaralan ng mga batang 5 hanggang 16 taon. Libre ang pag-aaral
hanggang 18 taon. Dalawang uri ng edukasyon ang nakatatanggap ng pondo mula sa pamahalaan ng
Israel. Ang paaralang pang-Hudyo na Hebreo ang wikang ginagamit at ang paaralang pang-Arabe na
wikang Arabe ang ginagamit. Jerusalem ang kabisera ng Israel, ito ang tinatawag na Promised Land.
Bagama’t ang relihiyon ng karamihan ng tao sa Israel ay Judaismo, mapapansin ding marami sa mga
pangyayari sa Bibliya ay nangyari sa bansang Israel. Sa araling ito ay mababasa mo ang isang
parabulang hango sa Bibliya.
Parabula ng Alibughang Anak

May isang mayamang ama na may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, “Ama, ibigay
na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.” At ibinahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian.
Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain,
taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa ‘di wastong pamumuhay. Nang
malustay niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at
nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya’y pinapunta sa
bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga
bungang-kahoy na ipinakakain sa baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya
ang kanyang ginawa, ang sabi niya sa kanyang sarili, “Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na
pagkain at lumalabis pa, samantalang ako’y namamatay sa gutom dito. Babalik ako sa kanya at
sasabihin ko ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin
ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.’” At tumindig siya at pumaroon sa
kanyang ama.
Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang
sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi
na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.” Ngunit tinawag ng ama ang kanyang alila, “Madali!
Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suotan siya ng singsing at panyapak.
Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong
ito, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.” At sila’y nagsaya.
Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay ay narinig niya ang
tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong. “Bakit? May ano sa atin?”
“Dumating po ang inyong kapatid!” tugon ng alila. “Ipinakatay ng inyong ama ang pinatabang guya,
sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.” Nagalit ang panganay at ayaw nitong pumasok sa
bahay. Kay’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi niya, “Pinaglingkuran ko po
kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsan ay hindi ninyo
ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit
nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagkatay
pa ninyo ng pinatabang guya!” sumagot ang ama, “Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko
ay sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit
muling nabuhay; nawala ngunit muling nasumpungan.

Alamin Natin… Salaysay


Isang paraan ng pagpapahayag na nagkukuwento ang pasalaysay. Ang isang salaysay ay
nagpapahayag ng magkakasunod at magkakaugnay na mga pangyayaring pinagagalaw patungo sa
isang tiyak na katapusan.
May dalawang hulwarang balangkas ang salaysay. Ito ay ang magkakasunod at magkakaugnay na
mga pangyayari, mayroon itong simula, may gitna, at may wakas. Bago lumikha ng isang salaysay
dapat isaalang-alang ang tatlong hakbang- pagpili ng paksa, pagsusuri ng paksa, at pagbuo ng
paksa.

Mga Uri ng Salaysay


1. Pangkasaysayan (Historical narrative)

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 2 | 13
2. Pantalambuhay (biographical narrative)
3. Pakikipagsapalaran (narrative of adventure)
4. Paglalakbay (travel narrative)
5. Nagpapaliwanag (expository)
6. Anyong Pampanitikang Salaysay gaya ng mga sumusunod:
a. Parabola d. maikling kuwento
b. Pabula e. nobela
c. Anekdota

Paraan ng Pagsasalaysay
1. Panauhan
2. Paggamit ng Usapan
3. Gawaing mapalapit sa mga mambabasa ang mga pangyayari
4. Paggamit ng Kongkretong detalye

Maganda rin ang pagbibigay ng magandang pamagat sa salaysay. Upang makapukaw ng


interes ang pamagat ito ay dapat maging kaakit-akit, may orihinalidad, di-pangkaraniwan,
makahulugan, kapansin-pansin, at kapana-panabik.

Paraan ng Pagpili ng Pamagat para sa Salaysay


1. Pangunahing tauhan sa salaysay
2. Pinakamahalagang bagay sa salaysay
3. Pook na may malaking kinalaman sa pangyayari
4. Isipan o damdaming namamayani sa salaysay
5. Isang mahalagang pangyayari sa kuwento
6. Katotohanang pinapatunayan sa salaysay
Sa pagbasa ng salaysay ay maaari mong masalamin ang kultura ng bansang
pinagmulan ng salaysay. Kagaya ng lamang ng bansang Israel kung saan nagmula ang Banal
na Kasulatan

Kasanayang Panggramatika At Panretorika


Sa binasa mong parabula, kapansin-pansin na ang nakatatandang kapatid ay may hinanakit sa
kanyang nakababatang kapatid at maging sa kanyang ama. Ano kaya ang maaaring mangyari
pagkatapos ng piging na inihanda para sa nakababatang kapatid? Tunghayan natin.

Nagmumukmok na nakaupo sa isang sulok ang nakatatandang kapatid. Hindi siya lumabas upang
makisaya sa piging. Masama pa rin ang loob niya. Lumapit sa kanya ang nakababatang kapatid.

Nakababatang Kapatid: Kuya, patawarin mo ako. Alam kong ako ay isang makasalanan at ikaw ay
naging napakabuting anak. Nagsisisi ako nang lubos.
Nakatatandang Kapatid: Napakasakit ng ginawa mo sa amin. Sa panahong nawala ka ay dadalawa
kami ni Ama na gumawa ng mga dapat gawin. Araw-araw ka naming hinintay pero hindi ka dumating.
Ngayong bumalik ka ay naghanda pa ng malaking piging para sa iyo.
Nakababatang Kapatid: Hindi ko ginusto ang piging, pero dahil ibinigay ito ni Ama ay nagpapasalamat
ako. Ang nais ko lang ay tanggapin ako kahit alila lamang. Matatanggap ko iyon. Alam ko na kung
paano maghirap. Sunod-sunod na makamalasan ang dumapo sa akin. Sadyang napakahirap maging
hampaslupa. Mabuti pa ang baboy na inalagaan ko, kumakain sila sa tamang oras, habang ako’y…

Hindi na kinailangan pang magsalita muli ng nakababatang kapatid. Niyakap na siya ng kanyang
kapatid at kapwa sila napaluha.
Pansinin ang ilang salitang nakasalungguhit sa binasa. Mapapansin mong magkakaiba ang
kayarian nila.
KAYARIAN NG SALITA
Ang mga salita ay may iba’t ibang kayarian. Ito ay payak, maylapi, inuulit, at tambalan.

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 3 | 13
Piging Lumabas Dadalawa
makasalanan Araw-araw hampaslupa
1. Payak Sunod-sunod
Payak ang salita
kung wala itong panlapi, walang katambal at hindi inuulit. Binubuo ito ng salitang-ugat lamang.
Halimbawa: anak, kapatid, bahay
2. Maylapi
Maylapi ang kayarian ng salita kung binubuo ito ng salitang-ugat na may kasamang
panlapi.
Halimbawa: pinagsumukapan, magdinuguan

Ang sumusunod ay mga panlaping ikinakabit sa salita:


a. Unlapi- panlaping ikinakabit sa unahan ng salita
b. Gitlapi- panlaping nasa gitna ng salita
c. Hulapi- panlaping ikinakabit sa hulihan ng salita
d. Kabilaan- panlaping ikinakabit sa unahan at hulihan ng salita
e. Laguhan – panlaping ikinakabit sa unhan, gitna, at hulihan ng salita

3. Inuulit
Inuulit ang kayarian ng salita kapag ang kabuoan o isa o higit pang pantig sa dakong unahan ay
inuulit.
Halimbawa: iilan-ilan, uulan
Iba’t ibang uri ng Pag-uulit
a. Inuulit na Ganap- buong salitang-ugat ang inuulit
Halimbawa: gabi-gabi
b. Inuulit na Parsyal- isang pantig o bahagi lamang ng salita nag inuulit
Halimbawa: lilima, pupunta
c. Magkahalong Ganap at Parsyal- buong salita at isang bahagi ng pantig ang inuulit
Halimbawa: iilan-ilan. tutulog-tulog

4. Tambalan
Tambalan ang kayarian ng salita kung ito ay binubuo ng dalawang pinagsasama para makabuo
ng isang salitang pinagsama.
Dalawang Uri ng Tambalan
a. Tambalang di ganap- kapag ang kahulugan ng salitang pinagtambal ay nananatili.
Halimbawa: bahay-kubo, kuwentong-bayan
b. Tambalang ganap- kapag nakabubuo ng ibang kahulugan kaysa sa kahulugan ng dalwang
salitang pinagsama.
Halimbawa: dalagambukid, bahaghari

ARALIN 2: Panitikan: Sino ang Nagkaloob?


Gramatika/Retorika: Panandang Diskurso
Alam mo ba?
Hindi naging madali para sa Islamic Republic of Pakistan na makamtan ang kasarinlan, ngunit
lumaya rin ito noong ika-14 ng Agosto, 1947, matapos mahati sa dalawa ang British Indian Empire- ang
India at ang Pakistan.
Islamabad ang kabisera ng Pakistan at Urdu naman ang pambansang wika nila. Pak at Urdu ang
tawag sa kanilang pera.
Kapansin-pansin ang kanilang watawat na matingkad na luntian ang kulay at may patayong
puting guhit. Makikita mo rin dito ang disensyo ng crescent at talang may limang sulok. Ipinapahiwatig
ng dibuho ng kanilang watawat ang kanilang matibay na pananalig sa Islam. Sa kasalukuyan, 95% ng
kanilang populasyon ang Muslim at 5% lamang ang nabibiang sa iba’t ibang relihiyon.
Sa araling ito babasahin mo ang isang kuwento mula sa Pakistan at makikita mo ang matinding
pananalig ng isang anak sa Diyos na siyang nagkaloob ng lahat.

Sino ang Nagkaloob?

Isang mayabang na hari ang may pitong anak na dalagang may nakasisilaw na kagandahan at
busilak na kawalang-malay. Mahal na mahal niya ang kanyang mga anak, lalo na ang pinakabata. Hindi
lamang iyon ang pinakamaganda sa lahat kundi siya ring pinakamahusay magluto sa buong kaharian.
Tuwing umaga, bago pulungin ang korte, tinatawag at tinatanong niya ang kanyang mga anak: “Sabihin
ninyo, mahal kong mga anak, sino ang nagkakaloob ng lahat ng inyong kinakain?” anim sa kanila ang

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 4 | 13
dagling sumagot: “Amang hari, kayo po ang nagkakaloob ng aming pagkain.” Ngunit ang ikapitong
prinsesa ay laging tahimik lamang.
Isang araw, pinilt ng hari na sumagot din ang ikapitong prinsesa. Sabi nito: “Ama, Diyos po ang
nagkakaloob ng lahat. Lahat ng nasa atin, lahat ng ating kinakain, kinukuha natin sa Kanya.”
Ang sagot na ito’y ikinagalit ng palalong hari. “Lumayas ka!” sigaw niyon, at inutusan nito ang isa alila
para ilabas ang prinsesa at iwan ito sa gitna ng gubat.
Habang ang dalaga’y nakaupo sa gubat, at malungkot na pinag-iisipan ang kanyang kasawian, siya’y
nakatulog. Kinaumagahan ay nagising siya sa malamig at malamyos na himig ng isang plawta. Dumilat
siya at nakita ang isang binatang tumutugtog ng plawta.
Nang tanungin ng prinsesa ang lalaki kung paano itong napunta sa gubat, sumagot ang lalaki:
“Pinapastulan ko po ang mga kalabaw ng aking amo, at kahapo’y nawalan ako ng isa. Kaya natatakot
akong umuwi, at lagi kong tinutugtog ang aking plawta para maakit bumalik ang nawawalang kalabaw.
Pero kayo, magandang prinsesa, paano kayong napunta rito sa gubat?”
Ang sagot ng prinsesa: “Hindi rin ako makauwi. Bakit di ka maging katulong ko at magkasama tayong
hahanap ng matitirhan.”
Pumayag ang binata at sila’y naglakbay patungo sa silangan. Maghapon silang naglakbay nang gutom
at uhaw. Nang humahaba na ang mga anino at lumalamig na ang hangin, sila’y dumating sa mga pader
ng isang siyudad.
Ang sabi ng prinsesa: “Pumasok ka sa siyudad at hanapin doon ang pinakamayamang magaalahas.
Sabihin sa kanyang isang prinsesa ang naghihintay sa kanya sa labas ng pader.”
Madaling nakabalik ang lalaki, kasama ng pinakamayamang mag-aalahas ng siyudad. Bilang kapalit
ng kaakit-akit na kuwintas na may pambihira at napakamamahaling mga bato, ibinigay ng magaalahas
ang lahat ng hiniling ng prinsesa- isang kabayong may montura (saddle) para sa kanya, salapi, at para
sa binata ay isang barong angkop sa isang katulong ng maharlika.
Nagpatuloy sa paglalakbay ang prinsesa at ang binata. Sa wakas, dumating sila sa isang lugar
na nagustuhan nila, at ang prinsesa’y nagpasiyang magpatayo roon ng sarili niyang munting palasyo.
Tinuruan din niya ang hamak na pastol ng kalabaw ng tungkol sa mga sining ng pakikipaglaban at ng
kapayapaan.
Isang araw, habang sila’y namamasyal, sinabi ng prinsesa sa binata: “Pakikuha mo ako ng kaunting
inumin at ako’y mamamatay na sa uhaw.”
Ang binata’y agad naghanap ng tubig. At dahil Diyos ang nagkakaloob, ay madaling nakakita ang
binata ng isang batis ng malamig na tubig. Pinuno niya ang isang tasa at paalis na siya nang makakita
ng magaganda’t nagkikislapang mga rubi na nasa ilalim ng tubig. Pumulot siya ng ilan at inipit ang mga
iyon sa lupi ng kanyang turban.
Pagkaraan ng isang buwan at kalahati, ang palasyo’y yari na, at ang prinsesa at ang kanyang katulong
ay lumipat na roon. Madalas kunin ng lalaki sa kanyang turban ng mga rubi at pinaglalaruan niya ang
mga ito. Isang araw, naisip niyang kung susundan niya ang batis, maaaring makita niya ang
pinagmulan ng gayong kagagandang hiyas.
Inihatid siyang palayo nang palayo ng batis sa silangan, hanggang matagpuan niya ang sariling
nakatayo sa tapat ng pader ng isang malaking palasyo. Ang batis ay umaagos sa ilalim ng pader.
Gumapang siyang papasok at naglibot-libot doon. Tila walang tao sa palasyo. Sa wakas, nabuksan
niya ang isang tarangkahan patungo sa isang patyo sa loob na inaagusan ng batis ding iyon. At doon
sa tabi ng batis ay nakalagay ang ulo ng isang magandang babae, may dugong pumapatak mula roon.
Ang mga patak ng dugo ay nagiging mga rubing kumikislap pagbagsak sa tubig. Sa di-kalayuan,
nakabuwal ang walang ulong katawan ng babae.
Tumakbo siyang palayo ngunit natalisod siya sa isang makapal na tablang nakabuwal sa lupa.
Biglang-bigla, lumipad ang putol na ulo at muling umugnay sa katawan, at ang babae ay muling
nabuhay. Naawang tiningnan ng babae ang natakot na binate at sinabi, “Binata, anong kapalaran ang
nagdala sa iyo rito? Tumakbo ka para makaligtas, kundi’y aabutan ka rito ng genie at lulurayin ka niya.”
Naglakas-loob ang binata at nagtanong ito: “Sino ka?”
“Ako’y anak ng Hari ng mga Diwata,” sagot ng babae. Ang pangalan ko’y Lai Pari, o Pulang
Diwata. Ibig akong mapangasawa ng genie na may-ari ng palasyong ito, pero galit ako sa kanya. Kaya
ikinulong niya ako rito. Tuwing umaga, bago siya umalis para maghanap ng makakain, inilalagay niya
ako sa mahiwagang tablang ito at ang ulo ko’y natatanggal. At pagbalik niya sa gabi, binubuhay niya
akong muli. Nadidinig kong dumarating na siya. Dali, ibalik mo sa dati ang tabla para mamatay akong
muli, at magtago ka’t galit iyon.”
Sinunod ng binate ang utos ng Pulang Diwata, at katatago pa lamang niya nang mabilis na pumasok
ang umuungol na genie: “Nakakaamoy ako ng tao! Nakakaamoy ako ng tao!”
Mabilis na binuhay ng genie ang babae at winika; “Nakakaamoy ako ng tao at ako’y gutom na gutom.
Sabihin mo sa akin kung nasaan ang tao para makain ko siya.” Ngunit nagmaang-maangan ang
Pulang Diwata. Kaya muli siyang pinatay ng genie at ito’y nagpatuloy sa pangangaso.

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 5 | 13
Pagkaalis ng genie, pagapang na lumabas mula sa pinagtataguan ang binata at muli niyang binuhay
ang babae sa pamamagitan ng mahiwagang tabla. Nagplano sila ng pagtakas. Sinabi sa kanya ng
Pulang Diwata na pumanaog siya sa isang munting kuwartong madilim, na katatagpuan niya ng isang
loro sa isang gintong hawla. “Pag nangangaso ang genie, iniiwan niya ang kanyang kaluluwa sa lorong
iyon, at kung wala siyang kaluluwa, mamamatay siya,” paliwang niya. “Dali, dalhin mo sa akin ang loro.”
Kadadala pa lang ng binata ng loro nang biglang ang mundo’y waring niyanig ng kulog at bagyo. Sa
pagsambulat ng usok ay lumitaw ang genie, na halos mabaliw sa galit. Tiyak na papatayin niya ang
dalawa. Ngunit mabilis na kinuha ng Pulang Diwata ang loro mula sa hawla at sinakal ang ibon.
Pagdaka’y bumagsak sa lupa ang genie, at namatay na parang bato.
Nakatakas nag dalawa mula sa palasyo ng genie, dala-dala ang mahiwagang tabla. Isinama ng binate
sa pag-uwi ang Pulang Diwata. Masiglang tinanggap ng prinsesa ang diwata, at madaling naging
parang magkapatid ag dalawang babae. Tuwing gabi, nahihiga sa mahiwagang tabla ang Pulang
Diwata, ang kanyang ulo’y natatanggal sa kanyang katawan, at ang dugo’y nabubuong bunton ng
kumikinang na mga rubing walang kapantay sa kagandahan. Tuwing umaga, ginagalaw ng prinsesa at
ng binata ang tabla, at ang Pulang Diwata ay muling nabubuhay.
Pagkaraan ng ilang panahon, nagpasiya ang Pulang Diwata na umalis para sa isang mahabang
paglalakbay. Gayunman, bago umalis, nagtayo siya ng isang bagong palasyo para sa prinsesa sa
tulong ng mahiwagang tabla, at inanyayahan nila ang maraming panauhin sa malaking handaan sa
bagong palasyo. Kabilang sa mga panauhin ay ang amang hari ng prinsesa. Ang prinsesa mismo ang
nagluto ng mga paboritong pagkain ng hari para sa handaang iyon.
Nang makaupo na ang mga panauhin para sa handaan, ang hari’y napaiyak, ang mga luha’y
gumugulong sa kanyang balbas. Ang lasa ng masarap na pagkain ay nagpagunita sa kanya ng anak
na dalagang noong nagdaang panahon ay nagluluto ng gayong pagkain para sa kanya. Kay dalas
niyang pagsisihan ang pagpapalayas sa anak, at kay dalas niyang hanapin iyon sa kagubatan ngunit
hindi siya nagtagumpay.
Tinanong ng Pulang Diwata ang hari kung ano ang dahilan ng kalungkutan nito. Sinabi ng hari kung
ano ang nangyari. Nagtanong ang diwata: “Pero mahal pa po ba ninyo ang inyong anak?”
Ang sabi ng hari: “Oo, ang tanging hiling ko lamang ay makita siya bago ako mamatay.”
Bilang sagot, pumalakpak ang Pulang Diwata, at hayun! Sa harap ng hari ay nakatayo ang prinsesa,
ang nawalang anak na dalagang ngayo’y nasa hustong gulang na, hindi ikapito o pinakabata sa
katalinuhan.
Nagyakap at napaiyak ang dalawa. Sa wakas, lumuhod ang prinsesa at nagwika “O, Ama kong Hari,
hindi po ba ang Diyos na mabait, ang Diyos na mahabagin, ang siyang nagkakaloob ng lahat ng
bagay? Tingnan ninyo kung paanong ibinigay Niya sa akin ang palasyong ito at ang malaking
kayamanang mga rubi, samantalang hindi man lamang ninyo matagpuan ang isang nawawalang anak.”
Napagtanto ng hari ang kanyang pagkakamali, “Oo,” sabi niya, “ang Diyos ang tunay na nagkakaloob
ng lahat.” At ang hari at ang kanyang anak ay nabuhay na maligaya mula noon.
-Mula sa salin sa Ingles ni Iqbal Jatoi ng muling salaysay ni
Ahmed Basheer, isinalin sa Filipino ni Rogelio Mangahas

Alamin Natin… Iba pang Uri ng Maikling Kuwento


Marami pang iba’t ibang uri ng kuwento ang kinaiibigang basahin ng marami tulad ng sumusunod:
1. Kuwento ng Pakikipagsapalaran- sa ganitong uri ng kuwento, ang pagkawili ay nasa
balangkas sa halip na sa mga tao.
2. Kuwentong kababalaghan- ang ganitong uri ng kuwento ay pumaimbulog dahil sa
paniniwala ng mga tao sa mga kababalaghan at kataka-kata.
3. Kuwentong Sikolohiko- Ang ganitong uri ng maiklin kuwento ang pinakamahirap sulatin
sapagkat sinisikap nitong pasukin ang kasulok-sulukang pag-iisip ng tauhan at ilahad ito sa
mga mambabasa.
4. Apologo- Ang layunin ng kuwentong ito ay hindi lumibang sa mga mambabasa kundi ang
mangaral sa kanila.
5. Kuwentong Pangkatauhan- Ang nangingibawbaw sa kuwentong ito ay ang katauhan ng
pangunahing tauhan.

Kasanayang Panggramatika at Panretorika Basahin at Suriin:


Kahanga-hanga ang isang taong may matibay na pananalig sa Diyos at nagninilay sa kanyang mga
salita, katulad nito “Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo” Filipos
4:13. Anumang bagyo o problemang dumating sa kanya ay hindi siya kayang igupo nito dahil
nananalig siyang may Diyos na sa kanya ay gagabay upang mapagtagumpayan ang mga unos ng
buhay. Naniniwala rin siyang anuman ang ipinagkaloob ng Diyos ay makakaya niyang balikatin dahil
may dahilan para sa lahat ng ito. Pansinin mo ang mga taong matibay ang pananampalataya,

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 6 | 13
nananatili silang positibo sa gitna ng matitinding suliranin sa buhay. Tulad ng ikapitong prinsesa sa
maikling kuwentong binasa, hindi kayang bayaran ang kanyang paniniwalang Diyos ang nagkaloob ng
lahat. Kung tutuosin bilang isang prinsesa ay maaari na siyang sumunod sa lahat ng sasabihin ng
kanyang ama upang maging komportable ang kanyang buhay, ngunit pinilit pa rin niyang mabuhay
nang tama. Kung ako ang tatanungin isa siyang dakila. Ang maganda niyan sa bandang huli ay
napatunayan niya ring angDiyos nga ang nagkakaloob ng lahat ng biyaya.

Pag-isipan at Pag-usapan

• Bakit kahanga-hanga ang isang taong may matibay na pananalig sa Diyos?


• Sa iyong palagay, bakit kaya nakakayang balikatin ng isang taong nanampalataya ang lahat ng
suliraning kanyang nararanasan?

Pansinin mo ang mga salitang nakasulat nang madiin. Ano ang ang tungkulin o gamit ng mga ito sa
talata? Nakatutulong ba sila sa paglalahad ng maayos at malunaw na pahayag? Ating alamin at
gamitin ang iba’t ibang panandang pandiskurso.
Panandang Pandiskurso

Nakatutulong sa pagbibigay-linaw at ayos ng pahayag ang paggamit ng panandang pandiskurso.


Maaaring ang pananda ay maghudyat ng pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o di kaya ay
maghimaton tungkol sa pagkakabuo ng diskurso. Ginagamit din ang mga ito upang ipakita ang
pagbabago ng paksa, pagtitiyak, pagbibigay-halimbawa, opinion, at paglalahat. Ang sumusunod
ay halimbawa ng mga panandang pandiskurso.
1. Panandang naghuhudyat ng pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari
Nang sumunod na araw pagkatapos
Sa dakong huli sa bandang huli
2. Panandang naghuhudyat ng pagkakabuo ng diskurso
Ang mga sumusunod ay uri ng panandang naghuhudyat ng pagkakabuo ng diskurso:
a. Pagbabagong lahad
Kung tutuosin sa ganang akin
Sa ibang salita kung iisipin
b. Pagtitiyak
Kagaya ng tulad ng
c. Paghahalimbawa
Halimbawa sa pamamagitan
d. Paglalahat
Sa madaling sabi bilang pagtatapos
Bilang paglalahat
e. Pagbibigay-pokus
Pansinin na tungkol sa
Bigyang pansin ang
f. Pagkakasunod-sunod ng pangyayari
Ang sumunod una
Ang katapusan
g. Panandang naghuhudyat ng pananaw ng may-akda
Kung ako ang tatanungin sa aking palagay
Sa tingin ko kaya lamang
bagaman

ARALIN 3: Panitikan: Ang Pinagmulan ng Tatlumpu’t Dalawang Kuwento ng Trono


Gramatika/Retorika Retorika: Uri ng Pang-abay

Alam mo ba?
Sa India ay kilala ang apat na uri ng kalagayang panlipunang tinatawag nilang varnas o caste
system. Ang pinakamataas sa mga ito ay ang Brahman o ang mga kaparian; sumusunod ang uring
Kshatriya o ang mga mandirigma; kasunod ang Vaishya o mga mangangalakal; at huli ang Sudra o
ang mga mangagawa. Ang mataas na pagtingin sa mga Brahman o Brahmin ay nagsimula pa noong
panahong Vedic. Magmula noon hanggang ngayon, wala nang masyadong nagbago sa ganitong

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 7 | 13
pagtingin kaya naman ang mga Brahman ay patuloy pa ring nakatatanggap ng pagkilala subalit ito’y
hindi na naisasalin sa materyal na benepisyo sapagkat hindi na ito tinatanggap sa kasalukuyan.
Sanggunian: 2013 Encyclopedia Britannica Online
Ang Pinagmulan ng Tatlumpu’t Dalawang
Kuwento ng Trono (Simhasana Battisi)
(Isang Alamat Mula sa India)

Noong unang panahon, sa isang lugar na tinatawag na Bharat na ngayo’y kilala na bilang bansa
ng India, may isang binata ang naninirahan kasama ang kanyang matandang ina. Sila’y kabilang sa
mataas na uring panlipunang tinatawag na Brahman subalit sila nama’y napakadukha. Tanging maliit
na dampa lamang at kapirasong lupang tinatamnan nila ng gulay ang kanilang pag-aari. Dahil sa
kanilang kalagayan ay wala nang pag-asa ang binatang Brahman na makapag-asawa dahil wala silang
salapi o ari-ariang maiaalay sa pamilya ng mapapangasawa.

“Dapat siguro’y manghiram o mangutang ka muna sa ating mga kamag-anak at kaibigan” Ang
payo ng ina sa kanyang anak. “Noong kumikita ka’y napakarami mo rin namang taong natulungan,” ang
dugtong pa niya.
Nahihiya man ay nakumbinsi naman ng ina ang binatang Brahman na humingi ng tulong sa
kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Gustong-gusto niyang makapag-asawa upang may makasama
sila ng kanyang matandang ina sa kanilang munting dampa.
Pagkalipas nga lang ng ilang linggo ay halos mapuno ang dalawang banga ng ginto at salaping
iniambag ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak. At dahil dito, sa wakas ay nakapagpakasal ang
binatang Brahman. Siya ngayon ay may isang maganda at mapagmahal na asawang nagngangalang
Mela. Ang kanyang ina man ay masayang-masaya dahil may malakas at masipag na manugang siyang
makatutulong sa mga gawaing mahirap na para sa isang matandang tulad niya tulad ng pagkuha ng
panggatong sa gubat at pagluluto ng pagkain sa pamilya.
Sa tuwing umaalis ang kanyang manugang para mangahoy ay laging nagpapaalala sa kanya
ang matandang babae. “Mag-iingat ka sa mga espiritu, anak. Itali mong mabuti ang iyong buhok dahil
iyan ang hahatakin ng espiritu upang makuha ka,” ang lagi niyang paalala.
“Huwag po kayong mag-alala, Inang. Lagi ko pong itinatali ang aking buhok”, sagot naman ni
Mela sa kanyang biyenan. Maingat nga niyang itinali ang kanyang buhok sapagkat alam niyang sa
dinadaanan niyang mga puno ay may nakatirang Shakchunni, isang espiritu ng maybahay na walang
hangad kundi ang magpanggap bilang asawa. Ito ang nais ng mga espiritu, ang muling maging bahagi
ng pamilya at magpanggap bilang tao. Subalit hindi nila maiisahan si Mela dahil hindi lang siya
maganda, maayos din siya sa katawan at higit sa lahat ay matalino.
Ang akala niya’y masisiyahan ang kanyang asawa sa kung anong mayroon sila subalit
nagkamali siya. Ngayong ubos na ang salapi at ginto sa kanilang banga ay gusto uli ng lalaking umalis
at makipagsapalaran upang magkaroon pa ng mas maraming kayamanan. “Asawa ko, bakit kailangan
mo pang umalis? Masaya ako kahit mahirap ang ating buhay basta’t magkakasama tayo,” ang
lumuluhang pakiusap ni Mela sa asawa.
“Kailangang kong umalis, Mela. Tingnan mo nga ang buhay natin, napakahirap. Gusto kong
magkaroon ng malaking bahay at maraming salapi,” ang sabi ng lalaki. Hindi na nga napigil ni Mela ang
kanyang asawang dali-daling umalis para magtrabaho sa lungsod. Ang hindi alam ng mag-asawa ay
isang espiritu pala ang nakikinig sa kanila sa punong pipal na nasa tabi ng kanilang bahay. Naulinigan
niya ang usapan ng dalawa. Napangiti ang espiritu. “Sa wakas, magkakaroon na rin ako ng pamilya,”
ang nakangising sabi nito sa sarili. “Sige, iwan mo na ang asawa at ina mo para sa akin na sila.”

Malungkot na malungkot si Mela at ang kanyang biyenan sa pag-alis ng Brahman. Magkatabi


silang lumuluha nang biglang may kumatok. Halos mapalundag sa tuwa ang dalawang babae nang
makita nilang bumalik agad ang Brahman. “Hindi na ako tumuloy. Hindi ko pala kayo kayang iwan,” ang
masayang sabi nito sabay yakap sa dalawang babaeng naiiyak sa tuwa dahil sa pagbabalik ng
inaakala nilang Brahman na walang iba kundi ang espiritu pala sa punong pipal. Wala naman silang
napansing kakatwa sa lalaking bumalik sa kanilang buhay kaya’t ang buong akala nila ay ang Brahman
nga ito. Kasama nilang namuhay ang impostor sa loob ng isang taon.
Samantala, ang tunay na Brahman ay nagtatrabaho sa lungsod. Naging labis siyang abala sa
kanyang mga gawain at sa layuning makapag-ipon ng pera tulad ng ipinangako niya sa kanyang ina at
asawa kaya’t hindi siya makadalaw o makasulat man lang. Subalit pagkaraan ng isang taon ay hindi na
niya matiis ang pananabik na makita ang ina at asawa kaya’t nagpasiya siyang bumalik sa nayon.
Nagmamadali siyang bumalik sa dampa, puno ng pananabik. “Tiyak na magiging napakasaya ni Inang
at ni Mela kapag nakita nila akong muli at ipakikita ko sa kanila ang aking mga pasalubong.
Masayang-masaya ang Brahman nang pumasok siya sa pinto ng dampa. Nabigla siya nang
datnang kumakain ng tanghalian ang kanyang ina at asawa kasama ang lalaking kamukhang-kamukha

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 8 | 13
niya. Biglang tumayo ang lalaki at itinulak ang totoong Brahman palabas ng pinto. “Umalis ka rito! Ina,
Mela huwag ninyong papasukin ang lalaking iyan. Siya’y isang espiritung nagpapanggap na ako,”ang
sabi nito habang itinutulak nito palayo ang bagong dating.
Litong-lito ang ina at si Mela sapagkat magkamukhang-magkamukha ang dalawang Brahman.
“Ina, Mela, ako ito. Ako ang iyong anak, Ina! Mela, ako ang iyong asawa. Huwag kayong maniwala sa
espiritung iyan!” ang sigaw ng tunay na Brahman subalit nakasara na ang kanilang pinto. Anumang
pakiusap niya ay hindi siya pinagbubuksan ng ina at asawa.

Hindi malaman ng totoong Brahman kung ano ang gagawin. “Ito ba ang naging bunga ng aking
paglayo? Nagkaroon nga ako ng salapi at kayamanan subalit nawala naman sa akin ang
pinakamahalagang tao sa buhay ko,” ang nawawalan ng pag-asa at buong pagsisising bulong niya sa
sarili.
Sa wakas, naipasya niyang humingi ng tulong sa rahang namumuno sa bansa. Matiyagang
nakinig ang raha sa kanyang istorya at pagkaraan ay nag-utos iyon na paharapin sa kanya ang
dalawang binata. Tinitigan niya ang una at pagkatapos ay ang ikalawa. Magkamukhang-magkamukha
sila. Tinanong niya sila ng mga tanong na maaaring makapagpatunay kung sino ang tunay at kung sino
ang impostor ngunit pareho silang alam na alam ang mga tamang sagot kaya hindi rin
mapagpasiyahan ng raha kung sino sa dalawa ang tunay na Brahman. Araw-araw ay pumupunta ang
tunay na Brahman sa korte ng raha. Ngunit hindi niya makumbinsi ang raha na isang nagpapanggap na
espiritu ang umagaw sa kanyang mga mahal sa buhay.
Isang araw, habang malungkot siyang naglalakad pabalik mula sa korte ng raha, nadaanan niya
ang isang grupo ng mga batang lalaking naglalaro sa bukid.Isa sa mga bata ang patakbong lumapit sa
binatang Brahman. “Bakit ka malungot?” tanong niya.
“Wala na ang aking ina at asawa. Naagaw sila ng isang impostor na espiritu,” iyak ng Brahman.
“Hay napakalungkot ng buhay ko”
“Lumapit ka sa aming raha,” sabi ng bata. “Lumapit ka at sabihin mo sa kanya ang iyong mga
problema at baka matulungan ka niya.”
“Pero kagagaling ko lang sa raha. Maging siya ay hindi naniniwalang ako ang tunay na Brahman.”
“Hindi, hindi ng rahang iyon. Lumapit ka sa aming raha.” Himok ng bata.
“Sinong raha? Tiyak na walang ibang raha sa bayang ito.”
“Basta sumama ka at tingnan mo.” Ang bata ay hindi na naghintay ng sagot. Hinila niya ang kamay ng
Brahman at dinala sa lugar na may iba pang mga batang naglalaro. Isang batang mukhang matalino
ang nakaupo sa kanilang gitna at nakaharap sa isang bunton ng lupa.
Ang batang nagdala sa Brahman ay yumukod nang mababa at nagsalita: “Inyong kamahalan,
ang lalaking ito ay may mahiwagang pangyayaring sasabihin at hihingi sa inyo ng payo.”
“Sabihin mo ang iyong kuwento, lalaki, at makikinig kami,” sabi ng batang lalaking tinatawag na
“Inyong Kamahalan” ng iba pang mga bata.
“Nagbibiro ba kayo? Ina at asawa ko ang nawala sa akin. Wala akong panahong
makipagbiruan,” ang nayayamot na sabi ng Brahman.
“Hindi kami nagbibiro, gusto ka talaga naming tulungan,” sabi ng batang nasa tabi ng bunton ng
lupa. Ang boses niya’y tunay na nakikiramay. Ang mga bata ay hindi man lamang tumatawa sa kaniya.
Kaya’t nakumbinsi ang kawawang Brahman na sabihin ang lahat ng nangyari.
Malulutas ko ang iyong problema,” ang sabi ng bata pagkatapos marinig ang kuwento ng
Brahman, “Pero may kondisyon.”
“Ano iyon?”
“Ibibigay ko ang hatol bukas ng umaga, pero papuntahin mo rito ang raha at ang kanyang mga
ministro at lahat ng tao sa bayan.”
“Pero… paano ko sila mapapapunta rito? Papupugutan ako ng ulo ng raha kapag sinabi ko iyan sa
kanya.”
“Buweno, nasa iyo na iyan,” matatag na sabi ng bata.
Lalong nag-alala ang Brahman. Ngunit tila wala ng ibang paraan kaya tinapangan niya ang sarili
at pumunta siyang muli sa raha para sabihin ang kanyang kakatwang pakiusap. Sa halip magalit ay
naging interesado ang raha at pumayag na pumunta sa bukid at dalhin ang lahat ng kanyang mga
ministro. Kinaumagahan, ang raha, ang binatang Brahman, at ang lahat ng tao sa nayon ay pumunta
sa bukid. Mangyari pa, ang ina, ang asawa at maging ang espiritu ay naroon din. Nakangisi ang espiritu
dahil hindi siya naniniwalang magtatagumpay ang batang lalaki kung saan maging ang
makapangyarihang raha ay nabigo.
Yumukod ang batang lalaki sa raha at pumunta sa kanyang puwesto sa bunton ng lupa.
“Pumarito ako ngayong umaga sapagkat ipinangako kong lulutasin ang misteryong lumilito sa akin,”
matigas na sabi ng raha sa bata. “Pero, tandaan mo na kapag nabigo ka ay paparusahan ka nang
mabigat.”

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 9 | 13
“Opo, Inyong kamahalan,” pormal na sagot ng bata.
Pigil ng mga tao ang kanilang paghinga. Isang batang lalaki ang magbibigay ng katarungan
habang ang pinakamakapangyarihang pinuno ng bansa ay nakatayo at nanunuod lamang!
Ang batang lalaki ay humingi muna ng isang boteng may mahaba at makitid na leeg. Nang iyon
ay mailagay na sa kanyang harapan ay nagsalita siya: “Ito ang pagsubok na lulutas sa suliranin ng mga
taong ito. Kung sino sa inyo ang makapapasok sa loob ng boteng ito ay siyang tunay na Brahman.”
“At kung sino ang hindi makapasok diyan ay mamamatay!” ang makapangyarihang sabi ng bata.
“Teka, teka, ang naiiyak na tutol ng tunay na Brahman sa pagsubok na sa tingin niya’y hindi
makatarungan. Paano ako makakapasok diyan ay ang laki-laki ko!” ang kanyang malakas na tutol.
“Kung gayon ay hindi ikaw ang tunay na Brahman. Ikaw, kaya mo?” ang tanong ng bata sa isa
pang Brahman. “Oo naman, manood kayo,” ang masayang-masayang sabi ng espiritu. Agad siyang
naganyong hangin at isinilid ang sarili sa loob ng bote. Ito lang ang hinihintay ng bata. Nang
makapasok na ang espiritu ay agad niyang tinakpan ang bote.

“Heto ang impostor na espiritu,” ang sabi niya habang inaabot sa tunay na Brahman ang bote. Nagawa
niyang magpanggap dahil sinamantala niya ang iyong paghahangad ng maraming yaman.”

“Nagsisisi po ako,” ang mahinang sabi ng tunay na Brahman. “Ang tunay ko po palang
kayamanan ay ang aking minamahal na ina at asawa,” ang dugtong pa habang niyayakap ang kanyang
pamilya.
Hindi makapaniwala ang raha. “Saan galing ang iyong katalinuhan? Ni ang rahang tulad ko’y
hindi naisip ang ginawa mong paraan,” ang sabi niya.
“Mga ordinaryong bata po kami na nagpapastol ng mga baka. Isang araw, habang
nangingingain ang aming mga baka ay natagpuan naming ang bunton ng lupang ito. Nagpapalitan kami
sa pag-upo sa harap nito. Napansin po naming ang sinumang maupo sa harap ng bunton na ito ay
nagkakaroon ng pambihirang katalinuhan. Sa araw na ito nagkataong ako ang nakaupo subalit wala po
akong kapangyarihan. Ang lahat ay nagmumula sa bunton ng lupa na ito,” paliwanag ng bata sa raha.
Ipinag-utos ng raha na hukayin ang bunton ng lupa. At sa ilalim ng lupa, natagpuan nilang
nakabaon ang isang magandang tronong tila plataporma. Nababalutan iyon ng mga alahas at
sinusuportahan ng magagandang inukit na mga pigura ng tatlumpu’t dalawang anghel.
Agad na umakyat sa kinaroroonan ng trono ang raha upang maupo. Inaakala niyang sa pag-
upo rito ay magiging matalino rin siya sa pagpapasiya at makilala ng buong mundo ang kanyang
katalinuhan ngunit bago pa siya makaupo ay may narinig na siyang tinig. Isa sa mga nililok na pigura
ang nagsalita: “Hinto,” sabi niyon. “Ang tronong ito ay pag-aari ng dakilang Raha Vikramaditya. Bago ka
maupo rito, ipakita mo munang kapantay mo siya sa tapang at katarungan. Makinig ka at sasabihin
namin sa iyo kung gaano siya kadakila.”
Pagkatapos, isa-isang nagkuwento ang tatlumpu’t dalawang anghel tungkol sa katalinuhan at
kagitingan ni Raha Vikramaditya. At nang ang huling istorya ay maikuwento, binuhat ng mga anghel
ang trono, pataas nang pataas sa kalawakan at lumipad silang kasama niyon sa malayo, malayong-
malayo. Naiwan ang raha na nag-iisip na hindi niya pa taglay ang mga katangiang magbibigay sa
kanya ng karangalang maupo sa trono. Ang ilan sa mga katangiang ito ay kabutihan, lubos na
katapatan, pagiging patas at walang kinikilingan, at pagiging makatarungan.

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 1 | 13
0
Subalit bago tayo magwakas, makabubuting sabihin na ito ang pinagmulan ng tatlumpu’t
dalawang kuwentong naging popular sa buong India. Kilala ng mga ito ngayon bilang Simhasana
Battisi o Ang Tatlumpu’t dalawang Kuwento ng Trono.

- Muling Isinalaysay mula sa The GhostBrahman


www. Guternberg.org

Alamin Natin… Pagsulat ng Mabisang Wakas ng Akda


Sa pagsulat ng isang akda, mahalaga ang pagbuo ng isang banghay para mapaghandaan ang isang
mahusay na simulang aakit sa mga mambabasa upang huwag bitawan ang binabasa, isang
suliraning aakit sa kanilang ipagpatuloy ang pagbabasa, isang kasukdulang magdudulot ng labis na
kapanabikan, at isang wakas na mag-iiwan ng kakintalan sa mga mambabasa. Makabubuting maupo
at pagnilayan ang mga bahaging ito bago pa man simulant ang pagsulat.
Ang pagsulat ng wakas ay karaniwang isang hamon lalo na sa isang baguhang manunulat. Madalas
kasing napapahaba ang kuwento at minsa’y nawawala na ang kawilihan ng mambabasa subalit hindi
pa rin ito nagwawakas. Naririto ang ilang mungkahi para sa pagsulat ng isang mabisang wakas.
 Bago pa man simulan ang kuwento ay isipin na kung saang bahagi ito magwawakas.
Makabubuting magsisimula ka pa lang ay alam mo na kung saan magwawakas. Kung alam mo
na kung saan magwawakas ay maiaayon mo ang mga pangyayari para umakma ito sa wakas
na iniisip mo.
 Isipin ang pinakatamang panahon kung kailan wawakasan ang kuwento.
Dapat na alam ng manunulat kung kalian ang tamang panahon para wakasan ang
kuwento para mapanatili ang interes ng mambabasa rito. Minsan ay bitin ang kuwento
dahil nagwakas agad ito nang hindi pa umaabot sa kasukdulan. Minsan naman ay
napakahaba ng mga pangyayari pagkatapos ng kasukdulan kaya’t nawala na ang
interes ng mambabasa ay hindi pa ito natatapos.
 Hingin ang opinion ng iba tungkol sa isinulat na wakas.
Makabubuting ipabasa sa iba ang isinulat at hingin ang kanilang opinion lalo na sa
pagwawakas. Alamin sa kanila kung angkop ba ang wakas, kung tama ba ang timing o
panahon ng pagwawakas, at kung nakaugnay ba ang pagwawakas sa kabuoan ng
kuwento.
 Basahin nang basahin at saka ayusin.
Makabubuti kung babasahin nang paulit-ulit at saka ayusin upang lalo pang mapagbuti
hindi lang ang wakas kundi ang kabuoan ng kuwento. Kapag kasi maganda ang wakas
ay tiyak na gaganda rin ang kuwento at magugustuhan ito ng mga mambabasa.

Kasanayang Panggramatika At Panretorika


Basahin ang ilang hindi pangkaraniwang bagay na kaugnay ng bansang India.
Hindi kailanman sumakop ng kahit anong bansa ang India sa 100,000 taong kasaysayan
nito.
Sa India matatagpuan ang pinakamalaki, pinakamatanda, at patuloy na lumalagong
sibilisasyon.
India ang nakaimbento ng ating paraan ng pagbilang o ang tinatawa na number system. Dito rin
nagsimula ang mga asignaturang Algebra, Trigonometry, at Calculus.
Ang templo ng Vishnu sa Lungsod ng Tirupathi na binuo noon pang ikasampung siglo ay ang
pinakamalaking destinasyon ng mga taong naglalakbay sa mga banal na lugar. Higit pa itong
malaki kaysa Roma o sa Mecca. May humigit-kumulang 30,000 bisita ang dumadalaw sa
templo kaya’t umaabot sa anim na milyong dolyar ang naiipong koleksiyon mula sa mga taong
ito arawaraw.
Ang kabuoang disntansiyang nalalakbay nang 14,300 na tren ng Indian Railways araw-araw ay
katumbas ng tatlo at kalahating beses na layo ng distansiya ng mundo sa buwan. Ito na rin ang
pinakamalaking employer sa buong India.
Hindi maaaring maglabas ng pera ng Indian na tinatawag na rupee palabas ng kanilang bansa.
Ipinagbabawal ito ng kanilang batas.
Ang Kumbh Mela ay isang malaking pagdiriwang ng relihiyong Hindu. Ito ay ipinagdiriwang sa
India tuwing ika-12 taon. Noong taong 2001, umabot sa 60 milyong tao ang dumalo kaya’t
tinagurian itong pinakamalaking pagdiriwang sa buong mundo.
Sa India nagsimula ang yoga at nanatili nang mahigit 5000 taon.

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 11 | 13
Pagtuonan ng pansin ang mga salitang nakasulat nang madiin sa binasa. Masasabi mo ba kung
paano ginamit ang mag salitang ito? Pang-abay ang tawag sa mga salitang ito. Ang pang-abay ay may
pagkakatulad sa gamit ng pang-uri bagama’t naiba lamang ang tinuturingan nito. Masasabi mo ba ang
kanilang pagkakaiba? Alamin pa ang ilang mahahalagang impormasyon hinggil sa pang-abay.
Uri ng mga Pang-abay
Ang pang-abay ay mga salitang nagbibigay-turing sa isang pandiwa, pang-uri, at kapwa pang-abay.
Ito ay may iba’t ibang uri.
1. Pamanahon- nagsasaad ng panahon kung kailan ginawa ang kilos ng pandiwa. Sumasagot ito
sa tanong na kailan.
Halimbawa: Ang templo ng Vishnu sa Lungsod ng Tirupathi ay binuo noon pang ikasampung
siglo.
2. Panlunan- nagsasaad ng pook, lunan, o lugar na pinangyarihan ng kilos. Sumasagot ito sa
tanong na saan at nasaan?
Halimbawa: Sa India matatagpuan ang pinakamatandang sibilisasyon.
3. Pamaraan- nagsasaad kung paano ginaganap ang kilos na sumasagot sa tanong na paano.
Halimbawa: Masigasig na nakilahok sa pagdiriwang ang 60 milyong taong dumalo sa Kumbh
Mela.
4. Pang-agam- nagsasaad ito ng pag-aalinlangan o kawalang katiyakan.
Halimbawa: Marahil mahirap humanap ng matutuluyan noon.
5. Ingklitik- Kataga sa Filipino na karaniwang nakikita pagkatapos ng unang salita sa
pangungusap. Ito ay ang man, kasi, sana, nang, kaya, yata, tuloy, lamang/lang, din/rin, ba, pa,
muna, pala, na, naman, at daw/raw.
Halimbawa: Ito na raw ang pinakamalaking pagdiriwang sa buong mundo.
6. Benepaktibo- ang tawag sa pang-abay na nagsasaad ng benepisyo para sa isang tao. Ito
ay karaniwang binubuo ng pariralang pinangungunahan ng para sa.
Halimbawa: Ang anim na milyong dolyar na nakokolekta araw-araw ay ginagamit para sa mga
pangangailangan ng templo.
7. Kawsatibo- ito naman ang tawag sa pang-abay na nagsasaad ng parirala o sugnay na
pinangungunahan ng dahil sa.
Halimbawa: Dahil sa Indian Railways ay nabigyang-hanapbuhay ang maraming tao sa India
8. Kondisyonal- pang-abay na nagsasaad ng kondisyon para maganap ang kilos na isinasad
ng pandiwa. Ito ay may mga sugnay o pariralang pinangungunahan ng kung, kapag o pag, at
pagka.
Halimbawa: Magiging maunlad ang isang bayan kung susuporta ang mga taumbayan.
9. Panang-ayon- ang pang-abay na ito ay nagsasaad ng pagsang-ayon. Ang mga halimbawa
nito ay oo, opo, tunay, talaga, totoo, sadya, at iba pa
Halimbawa: Tunay na Malaki ang kontribusyon ng India sa sibilisasyon ng mundo.
10. Pananggi- ito naman ang mga pang-abay na nagsasaad ng pagtanggi, tulad ng hindi/di at
ayaw. Halimbawa: Hindi kailanman sumakop ng kahit na anong bansa ang India sa kanyang
100,000 kasaysayan.
11. Panggaano – ang pang-abay na ito ay nagsasaad ng sukat o timbang. Halimbawa: Nanatili
nang limanlibong taon ang yoga sa India.

ARALIN 4: PANAPOS NA GAWAIN (PERFORMANCE TASK) Panitikan: Dula-dulaan

Alam mo bang…
Ang dula, sa Ingles ay play, ay isang uri ng panitikan na sadyang nilikha para itanghal sa entablado o
teatro at panoorin ng madla. Ito ay binubuo ng mga yugto, samantalang ang yugto ay binubuo naman
ng mga eksena. Ang mga manunulat na mandudula, dramatista, o dramaturgo. Ang mga pangyayari o
kaganapan sa buhay ng tao ang kalimitang paksain ng mga dula, bagaman mayroon ding nalilikha
mula sa imahinasyon ng mandudula. Ag lahat ng dula ay may iskrip (ang nakasulat na manuskrito
kung saan matutunghayan ang lahat ng mangyayari sa dula, mula sa anyo o disenyo ng entablado,
musikang ilalapat, kasuotan ng mga actor, hanggang sa diyalogong sasabihin ng mga actor.)
Ang nagbibigay-katuturan sa iskrip ay ang director. Siya ang taong namamahala sa pagsassagawa ng
dula. Tinitiyak niya na ang lahat ng detalye na nasusulat sa iskrip ay maisasakatuparan. Tinitiyak din
niya na ang mga diyalogong sasabihin at emosyong ipadarama ng mga actor ay mararanasan o
mararamdaman ng mga manonood.

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 12 | 13
Ang Kasaysayan ng Dula
Sa pangkalahatan, ang dula ay isang uri ng panitikan na nagsasalaysay ng pangyayari sa buhay ng tao
hindi lamang sa pamamagitan ng pagsasalita kundi pati na rin sa kanyang paggalaw. Bawat bansa sa
mundo ay may kaniya-kaniyang tatak sa larangan ng pagsasadula.
Sa Pilipinas, sinasabi na ang dulang Pilipino ay kasintanda ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi pa man
dumarating ang mga mananakop sa ating bansa, ang ating mga ninuno ay may sarili nang
pamamaraan ng pagsasadula na nagmula sa kanilang mga awit, sayaw, at tula, na kanilang
isinasagawa sa tuwing may mahalagang pagdiriwang o pangyayari sa kanilang buhay, tulad ng
ligawan, kasalan, binyagan, kaarawan, panganganak, at marami pang iba. Masasabing ang sinaunang
dulang Pilipino ay tunay na sumasalamin sa Kulturang Pilipino. Ilan sa mga katutubong dula ay ang
bika at balak, hugas kalawang, kasayatan, atbayok at embayoka.
Sa pagdating ng mga manankop na Espanyol, ang katutubong dula ay nagkaroon ng pagbabagong-
bihis. Nahaluan ang mga ito ng kaisipan at kultura ng mga Espanyol. Bukod dito, nagpakilala rin sila ng
sarili nilang dula, tulad ng komedya na kanilang ginamit upang maipalaganap ang relihiyong
Kristiyanismo sa buong bansa. Ilan pang uri ng dula sa Panahon ng Kastila ay ang senakulo,
panunuluyuan, tibag, moriones, at pangangaluluwa.
Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sinasabing umusbong ang makabuluhang uri ng dula
sapagkat ang tema o paksa ng mga dula noon ay nauukol sa kalagayan ng bansa at sa pagpupunyagi
ng mga Pilipino. Ang sarsuwela ay halimbawa ng dula sa panahon ng Amerikano.
Ano mang pagbabago ang pinagdaanan at pagdadanan pa ng dulang Pilipino, hindi maikakalia na ito
ay bahagi ng tradisyon at kulturang Pilipino na nagpapakilala sa atin sa buong mundo. Kaya huwag
nating itong ikahiya o kalimutan na lang.sss
Elemento ng Dula
1. Actor- Ang mga actor o gumaganap ang nagsasabuhay sa mga tauhan sa iskrip. Sila ang
nagbibigkas ng dayalogo, nagpapakita ng iba’t ibang damdamin at pinapanood na tauhan sa
dula.
2. Direktor o Tagadirehe- Ang director ang nagpapakahulugan sa isang iskrip. Siya ang
nagiinterpret sa iskrip mula sa pagpapasya sa itsura ng tagpuan, ng damit ng mga tauhan
hanggang sa paraan ng pagganap at pagbigkas ng mga tauhan ay dumidepende sa
interpretasyon ng director sa iskrip.
3. Iskrip- Ito ang pinakakaluluwa ng isang dula. Ang lahat ng bagay na isasaalang-alang sa
dula at nararapat na naaayon sa iskrip. Walang dula kapag walanag iskrip.
4. Manonood- Hindi maituturing na dula ang isang binansagang pagtatanghal kung hindi ito
napanood ng ibang tao. Hindi ito maituturing na dula sapagkat ang layunin ng dula’y
maitanghal at kapag sinasabing maitanghal dapat mayroong makasaksi o manood.
5. Tangahalan- Anumang pook na pinagpasyahang pagtanghalan ng isang dula ay tinatawag
na tanghalan. Tanghalan din ang tawag sa kalsadang pinagtatanghalan ng isang dula o ang
silid na pinagtatanghalan ng mga mag-aaral sa kanlang klase.

Apostolic Vicariate of Bontoc


-Lagawe Educational System
– Catholic Schools in Mountain Province Page 13 | 13

You might also like