may isang batang lalaki na nag ngangalang Saxeus na ang
ibig sabihin ay bato. Sumakto naman ang kanyang pangalan sa kanyang ugali. Si Saxeus ay may maamong mukha na akala mo'y isang anghel na nagmula sa langit, pero.. gaya nga ng sabi nila, "looks can be deceiving." Ang batang lalaki ang tinaguriang may pinakamatigas nga ulo at pinakapasaway, o pwede narin natin sabihing pinakasalbaheng bata sa kanilang lugar. Kabaligtaran naman ng kaniyang personalidad ang kaniyang nanay na nag-ngangalang si Gaia na ang ibig sabihin ay magiting na ina ng lahat. Isa siyang mahinhin na babae at may napakalawak na pasensya para sa pasaway niyang anak. Kahit kailan hindi niya ito pinagbuhatan ng kamay. Talagang napakamahal ni Gaia ang kaniyang anak na kahit ano pang kabalastugan ang pinanggagawa nito ay pinapatawad niya parin. Ang ina nya, si Gaia, ay isa naman sa pinakamabait at mahinhin na tao sa kanilang lugar. Maganda sya at maraming tao ang nagugustuhan sya. Isang araw, si Saxeus ay nagabihang umuwi kung kaya ang kanyang ina ay nagtaas ng kanyang boses. "Saxeus! Bakit gabi ka na umuwi? Kanina pa kita hinahanap, labis na ang pag-aalala ko kung nasaan ka," wika ni Gaia. Hindi nagustuhan ni Saxeus ang pagtaas ng boses ng kanyang ina. "Lagi ka nalang ganito! Hindi mo iniisip na may taong nag-aalala sa'yo tuwing gagabihin kang umuwi o kaya tuwing aalis ka ng bahay nang walang paalam," dagdag pa ng ina. Bigla namang sumagot si Saxeus na hindi na ikinagulat ni Gaia. "Wala akong pake-alam sa mga sermon mo ina, kaya kung maari itikom mo na iyang bibig mo. Hindi kita kailangan. Hindi ko kailangan ang inang tulad mo!" Agad na tumakbo si Saxeus sa kanyang silid pagkatapos niyang sagot-sagutin ang kanyang ina. Bakas sa itsura ng naiwang ina na nasaktan siya sa mga salitang binitawan ng kanyang anak kahit hindi naman ito totoo. Pero kahit ganoon ka salbahe ang kanyang anak na si Saxeus, mahal na mahal pa din niya ito at patuloy niya paring iniisip ang kapakanan ng anak kaysa sa kanyang sarili. Kaya ng gabing iyon ay naghanda parin siya nang hapunan para sa kaniyang minamahal na anak. Kumatok siya sa pinto ng anak matapos maglagay ng mga pinggan at putahe sa lamesa. “Anak lumabas kana riyan, kakain na tayo.” "Ayoko, wala akong gana! At saka, hindi ka naman masarap mag luto at puro gulay naman ang ulam natin. Wala na bang iba?!" tugon ng anak sa ina.“Anak, nakakabuti naman ang gulay para sa ating katawan. Pinapalakas tayo nito kaya sige na, kumain kana” kalmadong sabi ng ina sa anak. "Blah-blah-blah-blah," paulit-ulit na sabi ni Saxeus. "Ayoko nga kasi sabing kumain!" naiiritang ani ng anak. "Sige, kung 'yan ang desisyon mo," malungkot na sabi ni Gaia. Noong gabing iyon, mag-isang kumain sa kanilang hapag ang ina. Lumipas ang panahon, mas napapadalas na gabihin sa pag uwi si Saxeus. Sa mga naunang gabi, palagi siyang sine-sermonan ni Gaia kaya gabi-gabi rin siyang naiirita at nagagalit sa ina. Pero nitong mga nakaraang gabi, nagulat na lamang si Saxeus na hindi na niya naaabutan sa tapat ng kanilang bahay ang nag- aalalang ina. Kinaumagahan, nang magising si Gaia mula sa kaniyang tulog napansin niya na parang may nasusunog na amoy. Agad agad siyang tumayo at sinilip ang labas ng kanilang bahay. Natagpuan niya si Saxeus na sinusunog ang mga halaman nila sa bakuran. Nanlaki ang mga mata niya at napatakip sa bibig “Anak! Anong ginagawa mo?!” “Ang aga aga sumisigaw ka, Nay.” reklamo ng bata. “Sinusunog ko lamang ang mga ito dahil napapangitan ako,” bagot na sabi ni Saxeus at tinalikuran ang ina. Napaiyak na lamang si Gaia at hinayaan nalang ang anak sa gusto. Hindi alam ni Saxeus na may tinatagong karamdaman na pala ang kanyang ina. Iyon ang dahilan kung bakit sa tuwing uuwi siya sa kanilang tahanan, walang nag-aabang na ina para sermonan siya. Habang tumatagal, napapansin ni Saxeus ang kalagayan ng kaniyang ina. Nang sumapit ang isang gabi, habang papasok siya sa kanilang tahanan. Nagulat siya ng makita ang kanyang ina na nakaabang sa kanya. Sasalubungin siya sana nito ngunit nagdere-deretso lang ito papasok sa kanyang silid. "Huwag ngayon tanda," wika ni Saxeus. Ang kaninang masayang mukha ni Gaia ay napalitan ng matinding lungkot dahil sa inasal ng anak. Pumasok si Saxeus sa kanyang kwarto at sumunod ang kanyang ina ngunit hindi nya ito pinapasok. Tinatawag sya ng kanyang ina ngunit ayaw niyang lumabas. Ligid sa kanyang kaalaman, ito na pala ang huling pagkakataon na makikita nyang buhay ang kanyang ina. Kinabukasan, naalimpungatan siya sa isang malakas na kalabog. Nagmamaktol siya palabas ng kanyang silid dahil naistorbo ng kung sino man ang gumawa ng malakas na tunog ang kanyang tulog. Nang tuluyan siyang makalabas, may nakita siyang katawang nakahandusay sa sahig ng kanilang kusina. Laking gulat niya nang mapansin kung sino ito. Dali-dali niyang pinuntahan ang nanghihinang katawan ng kanyang inang si Gaia. Halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman sa sinapit ng ina. "Ina, ina! Anong nangyari sa'yo?!" kinakabahang tugon ni Saxeus. "Anak, sana'y mapatawad mo ko kung nagkulang ako bilang isang ina. Basta lagi mong tandaan na mahal na mahal ka ni inay," nakangiti at buong pusong habilin ni Gaia sa kay Saxeus. Unti-unti naring pumipikit ang mga mata ng ina hanggang siya'y nalagutan na ng hininga. "Ina! Inaaa! Huwag mo akong iwan ina! Pa-pangak- ko, magiging mab-buting a-anak na ak-ko sa'yo. Hindi na kita sasagutin t-tuwing ses-sermonan mo ako. Hindi n-na ako gagab-bihin sa pag-uwi inay basta't huwag mo lang ako iwan!" umiiyak na sambit ng anak. "Ni minsan, hindi ka nagkulang bilang isang ina. Ako dapat ang humingi ng patawad dahil sa mga pinang- gagagawa ko. Pangako ina, babawi ako. Magpapakabait na ako. Patawad, ina..." Magmula noong araw na iyon, tinupad ni Saxeus ang mga binitawan niyang pangako sa namayapa na niyang ina.