You are on page 1of 2

City Schools Division of Imus, binuksan

Christian Mespher A. Hernandez


Ngayon ang anak ay marunong nang tumayo sa sarili nitong mga paa. Pormal nang humiwalay ang bagong City Schools Division of Imus mula sa inang Division of Cavite province sa inagurasyong ginanap noong Martes ng umaga, Dis. 20. Alinsunod ang pagtatayo ng bagong dibisyon sa RA 10161 o An Act Converting the Municipality of Imus in the Province of Cavite into a Component City to be known as the City of Imus na nilagdaan ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong Abril 11. Pinangunahan ni Mayor Emmanuel Manny S. Maliksi ang naturang okasyon at ipinakilala si Dr. Lualhati O. Cadavedo bilang unang division schools superintendent ng bagong sangay. Nagpahayag ng pagtanaw ng utang na loob sina Maliksi at Cadavedo sa inang dibisyon at nangakong hihingin pa rin ang gabay nito sa mga unang taon ng pagsasarili. Tugon ni Dr. Yolanda V. Carpina, schools division superintendent ng Cavite province, natutuwa siya at ang iba pang mga opisyal na ngayon ay magsasarili na ang Imus. Bagaman at malungkot umano ang mahiwalay sa isat isa, makaaasa aniya ang mga uupong opisyal ng DepEd Imus na patuloy na susuporta ang inang dibisyon sa anumang kailangan ng anak nito. Dinaluhan ng mga konsehal ng bayan at iba pang lokal na opisyal, mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd), mga punong-guro, mga guro, at ilang bisita ang simpleng programa. Namahagi ang pamahalaang lungsod ng mga bagong iPod sa mga punongguro at tigda-dalawang desktop computer sa bawat paaralan. Kaugnay pa nito, binasbasan ang bagong Division Office na itinayo sa Brgy. Toclong I-C at binuksan na rin ang apat na District Offices: District 1 sa Imus Pilot Elementary School, District 2 sa Gov. D. M. Camerino Elementary School, District 3 sa Buhay na Tubig Elementary School, at District 4 sa Malagasang II Elementary School. Matatandaang dalawa lamang ang orihinal na distrito ng Imus kung saan si Gng. Dalisay S. Esguerra ang tagapamanihala sa Imus I at si Dr. Cadavedo naman sa Imus II. Inanunsyo rin sa naturang pagtitipon ang nakatakdang pagsasarili ng DepEd Bacoor sa Marso 2013.

CAPTION ANG PAGSILANG. Pinangunahan nina (mula kaliwa) Dr. Yolanda V. Carpina, Cavite Schools Division Superintendent; bagong-talagang City Schools Division of Imus Superintendent Lualhati O. Cadavedo; Mayor Manny Maliksi; Vice Mayor Mandy Ilano at city accountant ang ribbon-cutting ng bagong gusali ng City Schools Division of Imus sa inagurasyon nito noong Dis. 20.

You might also like