You are on page 1of 11

Ang Panitikang Popular at Pagtuturo Nito

Prop. Oscar V. Campomanes, Kagawaran ng Ingles, Ateneo de Manila University

(Lektyur 1, Kumperensiya ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino Inc. [PSLLF], Ang
PSLLF: Hamon sa Pagpapataas ng Kalidad sa Pagtuturo ng Linggwistika at Literaturang Filipino, College of St.
Benilde Hotel International Conference Center, Malate, Maynila, Oktubre 22, 2009)
Nais ko munang linawin ang layon ng panayam na ito, lalo na't baka sa pamagat o nabansagang
paksa pa lamang ay iisipin agad-agad na may ambisyon akong turuan kayo kung paano magturo (how)
ng panitikang popular at anong klase nito (what) ang nararapat ituro. Una, sarili kong paniniwala na
ang mga kongkretong pamamaraan at nilalaman ng pagtuturo ng panitikan o kulturang popular
(practical pedagogy of popular literature/culture), o anupamang paksain at materyal, ay binubuo ng mga
personal at kanya-kanyang stratehiya, katig, at ideya na mahirap ipangalandakang wasto para sa lahat
at dapat tularan ng nakararami. Pangalawa, sa tinagal-tagal ko na ring pagtuturo sa akademyang
Pilipino at sa pagmamanman sa estilo at gawi ng pagtuturo ng mga kasamahan sa tatlong pamantasan
una sa La Salle, at pagkatapos ay sa UST at Ateneo, at maging sa ibang kontekstong lokal na rin
kung saan ako pinalad magkataong pagmasdan at tasahin ang pagtuturo ng ibaay labis akong
namangha at patuloy na namamangha sa kagalingan at lugod sa pagtupad ng tungkulin ng mga gurong
Filipino, sa kanilang mga kakaibang kasanayan na nagagamit at di-malilipos na potensyal na lalo pang
gumaling sa napiling propesyon.
Pag-iisip at Mapanuring Pag-iisip
Samakatuwid, nais kung ipaubaya sa inyo ang praktika at mas ninanais kong pagtuunan ng
pansin ngayong umaga ang teorya ng pagtuturo ng panitikan at kulturang popular. Isa sa mga laging
nakakaligtaan, sa tingin ko, sa tuwinang nagtatakda tayo ng pagsasanay sa pagtuturo ng anuman, ay
isa pang at ang pangunahing antas na lubhang mahalaga sa buong proseso: ang pagtuturo sa nagtuturo,
ang mga sariling pangangailangan bilang mga guro (teaching the teacher, the teacher's self-education) na hindi
inaalintana muna ang aktuwal na pagtuturo at ipinapasintabi muna ang interes ng mga mag-aaral.
Maari nang laktawan ang 'ano' (substance) at 'paano' (style and strategies) ng pagtuturo natin, sapagkat
ang mga ito ay mga bagay na pinagpapalagay nang bahagi ng batayang kaalaman ng sinumang
sertipikadong sumubaybay at magbigay-gabay sa pag-aaral ng mga estudyante sa bawat lebel ng
sistemang pang-edukasyon. Piho ko na mas may kagamitan sa mga sariling pangangailangan bilang
mga guro, sa pagtuturo sa sarili, ang anggulo at aspeto na siya kong sinadyang pag-uusapan natin
ngayon: ang pag-iisip at pagninilay-nilay, at kritikal na pagdadalumat (thinking/reflection and critical
thinking/conceptualization), tungkol sa bisa at kahalagahan ng materyal na itinalaga ng mga organisador
sa atin, na walang iba kundi ang panitikan at kulturang 'popular' bilang angkla at salik ng pagtuturo
ng panunuring at pagbasang pampanitikan (the critique and interpretation of literary texts).
Sa kalaunan, iyon naman talaga ang pinakalayunin nating mga guro ng panitikan at ng mga
kursong may nilalamang pangkalinangan: ang ipaabot at makintal sa kamalayan ng ating mga magaaral ang kabuluhan at bisa ng pag-iisip, at kritikal na pag-iisip (thinking and critical thinking), na
maaaring nilang mailapat at gawing lapit sa pamumuhay at mga gawain at suliranin sa pang-arawaraw. Sa tutoo lang, may kagyat na kinalaman ang paksang ito ng pag-iisip at mapanuring pag-iisip sa
mga uri at anyo ng panitikang at kulturang 'popular' at pampubliko na siyang tampulan ng diskusyon
1

natin ngayon. Wika nga ng istoryador at kritiko ng sining na si Dafydd Jones:


To thinkand to think about thinkingis to participate in a common activity, and
thought is a public matter that everybody....should be required to attend to.
Thinking takes the specific instance to construct a generalisation, but the
general proves of little consequence unless....it is conceived in its relation to its
special or specific forms. Thus read, thinking is a contradictory process, necessarily
struggling between generalisation and specialisation, but not necessarily
working towards synthesis or resolution [even as we must acknowledge that it
is in the nature of the mind to seek to 'harmonise' the contradictions of the
world, to relativise and equate them]precisely the opposite on occasion, to
capitalise on contradiction and conflict, and actively to counter any potential
synthesis or resolution (2006, 10; sariling diin).

Sa siniping ito, masdan muna ang kanyang deskripsyon ng pag-iisip, at pag-iisip tungkol sa
pag-iisip, bilang gawaing naglulugal sa atin sa pinakabuod ng larangang pampubliko (commons; public
sphere) at gawaing may magkakambal na kahulugang 'karaniwan' (kumon, ordinaryo) at kabahagi o
pakikibahagi (something we share in common) sa nakararami at sa bawat kasama sa katipunan na
pangkalahatang tinaguriang public. Upang maumpisahang maintindihan nang malaliman ang potensya
(sa magkatambal na mga saysay nito ng power at possibility) ng katagang 'popular,' maikukuro na, sa
ganang kanya, ang pag-iisip, at pag-iisip tungkol sa pag-iisip, ay isang usaping pampubliko (a public
matter) at kumon/ordinaryong gawaing siyang nagiging pangunahing batayan ng pagbubuklod nating
lahat bilang may kumonalidad (commonality) at komunidad (community). Ang nosyon ng 'popular' o
pampubliko/komunal samakatuwid ay may malalim na kuneksyon sa gawain ng pag-iisip at
mapanuring pag-iisip.
Taliwas ito sa elitistang aktitud na ang pag-iisip, at ang mas mataas na antas ng pag-iisip
tungkol sa pag-iisip, ay tungkulin at espesyalisasyon lamang ng mga intelektwal at yaong mga
binasbasan ng panahon at pagkakataon, maging ng sinasabing likas na kakayahan, na magsagawa nito
bilang hanapbuhay at propesyon o bilang lider sa piniling larangan! (Pansinin na marami sa atin bilang
mga guro ay asiwa sa taguring na 'intelektwal' at itinatalaga natin iyan sa mga kasamahang may mga
pinakamataas na kasanayan o pormal na sertipikasyonbagaman kung lilimiin karamihan naman sa
kanila ay hindi mga tunay na intelektwal kasi nga hindi naman palaisip at bagkus ay nag-aambisyong
maging mga administrador sa pamantasan lamango dili kaya ay laging pinapalagay na akmang titulo
lang ng mga walang magawang iba o matwid sa buhay!)
Pansinin din ang punto ni Jones na ang proseso ng pag-iisip ay lupos ng kontradiksyon at
salungatanang halimbawang pinamalas niya rito ay sa pagitan ng pangkalahatan (general) at ng
pambihira o pangnatatangi (particular/specific) sa tuwing tayo ay nag-iisip, yaong maselang pagtutulay
natin sa pagitan ng panlalahat (generalization) at pantitiyak (specification, exemplification) na kalimitan ay
ninanais nating humantong sa paglalagom at resolusyon (synthesis), ngunit aniya ay dapat kabakahin
sapagkat ang tunay na pag-iisippag-iisip na kritikal o mapanuriay sasamalantahin at
patitingkarin ang katunayan ng kontradiksyon na kaakibat ng pag-iisip mismo. Ito ngayon ang nais
kung tuntunin muna, bago ako pumalaot sa paksang tinukoy na: ang implisitong tali (knot) na naguugnay sa kritika (critique: thinking that is critical) at krisis (crisis: kawalan ng, o pagsagka sa, lagom at
resolusyon) sa pangkalahatang gawain ng pag-iisip, at pagninilay-nilay tungkol dito.
Hindi ko na bubusisiin ang malinaw na etimolohikal na kaugnayan ng mga katagang 'kritika' at
'krisis' sa isa't isa. Ang gusto kung palawigin pa at may asa akong luminaw sana ay ang lumalabas sa
2

punto ni Jones na siyang dapat obheto o tunguhin ng pag-iisip na tunay o kritikal: ang panatalihing
bukas (open) o walang takda (indeterminate) ang kaisipannatin, bilang mga guro, at ng ating mga magaaral at tinuturuan. Ano ang kahalagahan o bisa ng simplengngunit siguro ay imposiblengtakda
ng di-pagtatakda at tunguhing walang hantungan na ito o open-ended thinking (kung iisipin nga naman
na it is in the nature of the mind to seek to 'harmonise' the contradictions of the world, to relativise and equate them)?
At ano naman kaya ang kinalaman ng ganitong kritikal na pag-iisip sa ating nominal na paksa: ang
gawain ng pagtuturo at ang, ayon na rin sa pamagat ng panayam, panitikang popular (pansinin na
binura ko na ang pang-ukol na ng sa pariralang pagtuturo ng panitikang popular at pinalitan ng
pangatnig na at; pansinin din na ang diin na ngayon ay sa pang-uring 'popular')? Hayaan ninyo akong
ipagpaliban muna ang mga posibleng kasagutan sa mga tanong na ito at balikan na lamang sila sa aking
kongklusyon. Ang mahalaga ay napasailalim ko na sa 'krisis,' sa tulong ng sipi mula kay Jones, ang
ating mga kinagisnang pamamaraan ng at aktitud sa pag-iisip, at ang asa ko ay naipahiwatig na nang
kahit kaunti ang mga nagtutunggaling tendensiya ng panlalahat at pantititiyak kung ang pinag-iisipan
at ang sinusuri ay ang gawain ng pag-iisip mismo.
Dadako na ako sa pag-iisip at pagninilay-nilay tungkol sa mga kataga at kategoryang ating
ginagamit na para bagang malinaw na sa atin kung ano ang tinutukoy at hindi na dapat mabuksan pa
bilang paksa ng talastasan at pagsusuri: 'panitikan,' at 'popular' (maging ang pinsang buo nitong huli
na laging umaanino rito pero hindi masyadong napag-iisipan at napag-uusapan din: 'masa' (mass/es)).
Bakit kailangan nating suriin at pag-isipan ng masinsinan ang mga kataga at kategoryang ginagamit sa
ating mga diskurso at kaisipan patungkol sa nilalamang kurikulum at mga kaalamang sinasaklaw ng
sistemang pang-edukasyon, lalo kung ito ay mga terminong matagal nang tanggap, o institutionalized
(establisado) na, tulad ng 'panitikan,' 'kulturang popular,' atmpb.? Parang simple lang ang kasagutan
pero maaari ding bunuin ito mamaya sa malayang talastasan na bubuntot sa panayam: pagkatapos ng
tinatawag na 'Linguistic Turn' sa mga agham-pantao (human sciences) na tinulungang mailunsad ng
rebolusyonaryong obra at teorya ng strukturalismo ng lingwistikong Swiso na si Ferdinand de
Saussure (1959 [1916]) noong nagdaang ika-20 siglo, ang ganitong pagsusuri ng wika at paggamit sa
wika (language as structure/system and language-use) ay naging karaniwang kalakaran na, laging inaasahan
at tinuturing na mahalagang unang at katapusang aspeto ng anumang uri ng pagsusuri sa anumang
larangan (field/s). Bumubukal ang ganitong pagtingin at pamamaraan ng pagsusuri mula sa
parsimonyong tuklas ni Saussure na ang wika, bukod sa pagiging at nagsisilbing batayang bukluran
ng mga komunidad pantao (speech community), pagsasarili (human subjectivity), at may angking
kakayahang tukuyin o lumikha ng tinawag ni Saussure o ibinibilang natin na realia (object world)
mismo, ay siya ring nagtatakda ng o nagbibigay hugis at anyo sa kaisipan (thought) at kung wala nito ay
hindi na natin maubos-maisip kung paano magiging posible pa ang mag-isip.1
1

May mga ganitong kahalintulad na punto ring tinunton ng mga linggwistikong katulad ng Ruso na si Lev Vygotsky
(1986 [1934]), ng Ingles na si John. L. Austin (1961 [1930s-50s]), at ng Amerikanong si Charles Sanders Pierce (1931-35,
1958), maging ng pilosopong si Ludwig Wittsgenstein (1951/53 [1930s-40s]) at ng Marxistang si Valentin. Voloshinov
(1973 [ca. 1930s]), pero masasabing ang mga tuklas ni Saussure (the problem of language in its generality, sa akmang
pormularyo ni Julia Kristeva tungkol sa tinalunton ni Saussure sa kanyang makabagong linggwistika [1989]) ang may
pinakamalawak na iral at bisa sa iba't-ibang mga disiplina at agham-pantao. Sa Pilipinas, ang pinakamarubdob na at
nagsasariling humahawan ng teorya ng wikang Filipino bilang teoryang pangkultura at pangkabihasnan, ng diskursong
pambayan at pagsasarili, na may karagdagang pagdiriin sa mga kaugnay na tuklas at kaalaman mula sa istoryograpiya,
antropolohiya, arkeolohiya, at maging ng klasikong pilolohiya ay si Z.A. Salazar; tingnan, bilang introduksyon sa
napakarami na niyang obra, ang kanyang nakakagitlang 'pakikipagtalaban' sa kritisismong inabante ng nakababatang
iskolar na si Bomen Guillermo na ginawang mahabang talababa sa kanyang salin kay Marx at Engels (2000, 159-245);
tingnan din ang mas buo nang materyalistang kritika, lalo na ng 'linguistic/cultural determinism na maaaring
kinakatawan ng mga teoryang katulad kay Salazar, na binatay sa sariling MA tesis sa UP ni Guillermo (2009).

Panitikan, Popular
Panandalian ko lamang kayong hihikayating pag-isipan ang kategorya ng 'panitikan'kung
ano ang sinasaklaw, nito, kung paano ito maikakawing sa ideya o nosyon ng 'popular,' dahil sa
katunayan, ang salitang at kategoryang 'panitikan' ay malaon at matagal nang napalawak ng teoryang
mapanuri (critical theory) sa pakahulugan at saklaw. Ang datihan at kumbensyonal na saysay nito na
tumutukoy sa malikhaing panulat (fine writing/creative writing), at panulat na maaaring idambana bilang
mga huwarang teksto ng pamayanan at kultura (Tradition, canon) ay hindi na namamayaning
pamantayan o sukatan ngayon sa pagbilang at pag-antanda ng kung ano ang mapanitik/malikhain at
hindi (literary/non-literary). Dahil sa masusing pagtasa, panunuri, at pagsipat ng iba't ibang henerasyon
ng mga sumasalungat na kritiko nitong mga nagdaang dekada (kadalasang 'iba' at 'iba't iba' dahil
peminista, ethniko o katutubong minorya, taga-Ikatlong Daigdig o galing sa Katimugan/'Global South,'
atmpb.), ang kategoryang panitikan ay sumasaklaw na ng iba't ibang klase ng teksto, anyo ng panulat
(genre), estilo ng paglikha at pamamahayag, at pag-akda. Hindi kalabisang sabihin na ang tanging
sukatan na lamang ngayon para matawag at mapabilang na 'panitikan' ang isang akda o tradisyon ay
ang kundisyong ito ay nakatitik/naisatitiko, bilang paghiram mula sa mga intelektwal na Amerikano
Latinoletrado (isipin na hindi ibig sabihin nito ay nasulat o written, nalimbag o published/printed, kundi,
sa pangkalahatan, ay 'nabuo' at 'naipahayag' sa pamamagitan ng wika pakahulugang naglalapit sa atin
sa orihinal na termino at demokratikong saysay ng mga antigong Griyego para sa paglikha at sa
pinakamasining na anyo ng panitikan, ang pagtula: poeisis, making, pagbuo/paggawa).2
Ang susing-salita (keyword) na 'popular,' sa kabilang banda, ay nababalot sa mga nag-iiba,
nagsasalungatan, at suson-susong kahulugan at pang-unawa. Sa ating pambansang wika, ang
pinakakaraniwang pakahulugan natin nito ay 'bantog' o 'sikat' (kilalang-kilala at rekognisado ng mga
nakararami o ng madla). Ito, halimbawa, ang habol ng mga kasumpa-sumpang trapo sa ating mga
mamamayan at botante upang mahalal sa puwesto at poder at maipagpatuloy nang walang humpay
ang pandarambong nila sa kabang-bayan: ang maging at manatiling popular. Bagaman karaniwan, ang
kahulugang ito ang salalayango kaya, ay bumubuntot nasaysay ng mas pundamental na sintido sa
pangkalahatang kasaysayan ng 'popular' bilang kataga sa wikang Ingles: ang isa ay 'popular' kung
kabilang at may kinalaman sa madla/masa (of, or having to do with, the people) o sa pamayanan
(public/populace).
Sa masinsing etimolohiya ng makabagong Marxista na si Raymond Williamspangunahing
teorista ng Cultural Studiesna siyang nagsisilbing gulugod ng aking sariling pagtatasa sa susingsalita na ito:
Popular was originally a legal and political term, from popularis [Latin]
belonging to the people. [For instance] an action popular, from C15, was a legal
suit which it was open to anyone to begin. Popular estate and popular
government, from C16, referred to a political system constituted or carried on
by a whole people, but there was also the sense (cf. COMMON) of 'low' or
'base'. The transition to the predominant modern meaning of 'widely favoured'
or 'well-liked' is interesting in that it contains a strong element of setting out to
gain favour, with a sense of calculation that has not quite disappeared...[Most]
who have left records of the use of the word saw the matter from this point of
2 Para sa katumbas na o mas masalimuot pa ngang kasaysayan, etimolohiya, at pag-inog ng salitang Culture sa Ingles
('Kultura ' din o ang katutubong 'Kalinangan,' sa ating wika), tingnan ang pagsusuri sa Campomanes 2004.

view, downwards....[eg.] Popularity was defined in 1697....as 'a courting the


favour of the people by undue practices'....A primary sense of 'widely-favoured'
was clear by lC18; the sense of 'well-liked' is probably C19....The shift in
perspective is then evident. Popular was being seen from the point-of-view of
the people rather than from those seeking favour or power from them. Yet the
earlier sense has not died (Williams 1983 [1976], 236-7).

Agad-agad sa maaga/makabago at nagiging palasak nang paggamit sa wikang Ingles, maaaninag na


may mga magkasalungat (contradictory; critical) na saysay na ang salitang 'popular' (at kung saan may
kontradiksyon o tunggalian ay doon nananahan ang krisis; sa kasong ito, ang krisis ay krisis ng pangunawa [understanding]). Sa isang banda, ang 'popular' pag ginamit na pang-uri sa estado o gobyerno ay
may diin sa kapangyarihang representatibo at positibo ng nakararami at sambayanan; at sa kabilang
banda, pag ginamit mismo na pang-uri para sa pinakabukal ng pang-uuri, ang madla/masa/marami, ay
may pakahulugan sa Ingles na base (mababang-uri) at low (hampas-lupa/mababa/mababaw)!3
Bukod pa rito, pag ginamit ang 'popular' sa mga ibang o kaugnay na konteksto, mayroon ding
pangalawang salungatan sa pagitan ng saysay na umuugat sa makasariling punto de bista ng
namumulitika o yaong may pagtingin sa madla o populace bilang bukal ng anumang kagustuhan o
interes (favour, calculation)masdan at isaisip muli ang nakaririmarim na pagsuyo ng mga trapo ng
'popularidad' mula sa sambayanan at ang sinikong paggamit nila ng kanilang nakamit o gustong
makamtan na popularidad laban sa mga itoat ang saysay ng lehitimasyon na nakapinid sa kaibuturan
ng kolektibong punto de bista at obhetibong pangangailangan at interes ng mga nakararami (shift in
perspective....[to] the point-of-view of the people rather than those seeking favour or power from them). Tanging sa
kontekstong pampulitika lamang may mas buong kabuluhan, samakatuwid, ang karaniwang pangunawa ng 'popular' na umusbong noong huli ng ika-18 siglo na widely-favoured at ang lumaganap noong
ika-19 siglo na well-liked, yaong sa atin ay para bagang likas na kahulugan ng 'popular' bilang 'bantog' o
'sikat,' isang karaniwang pakahulugan na sa ganitong konteksto at kasaysayan ay lumalabas na hindi
payak, bagkus kumplikado, at nagtutulak sa ating pumalaot sa mapanganib at madulas na terra ng
pulitika at pamumulitika, halimbawa.
Pag nailapat at naitali na, muli bilang pang-uri, sa mga kasing- or mas masalimuot na salita
3 Mas tumitingkad ang mga huling saysay na ito ng 'mababang-uri' at 'hampas-lupa,' ani Williams, kung ang salitang mass/
es (masa) ang ginagamit sa halip ng, o bilang pamalit sa, popular (at populace):
Terms of contempt for the majority of a people a have a long and abundant
history. In most early descriptions, the significant sense [of mass/es] is of base or low,
from the implicit and often explicit physical model of a society arranged in successive
stages or layers....Mass had been widely used , in a range of meanings, from C15, from
fw masse, F and massa, La body of material that can be moulded or cast....and by
extension any large body of material. Two significant but alternative senses [developed]:
(I) something amorphous and indistinguishable; (ii) a dense aggregate. The possible
overlaps and variations are obvious (Williams 1983 [1976], 192-193).
Ang tinutumbok dito ni Williams ay, mula sa ika-15 siglo, ang katagang 'masa,' mula sa ninunong salita
(forerunning word; fw) sa Pranses na masse at sa Latinong massa ay may nakapunla nang mga sintidong pakutya
para sa nakararami/madla: malabo at mahirap kilalanlin ang kaanyuan (amorphous) at masinsin at siksik ang
pagkakapangkat-pangkat (densely aggregated), samakatuwid madaling mahulma (mould, cast) o mamanipula, at
kung sa katunayan ay hindi man, dapat tratuhing ganito at ganoon na nga, na siya nating kalimitang pinupuna ay
kagawian at tendensiya ng komunikasyong at midyang pangmasa (mass communication/mass media) at ng elit/mga
trapo o mga nakapagyayaring-hari (ruling class/es).

tulad ng 'kultura' o sa isang kongkretong anyo nito, 'panitikan,' ay mas nagiging maigting ang mga
kontradiksyong lumilitaw, at samakatuwid ang mga tiyempong o pagkakataong kritikal, sa proseso at
daloy ng malay na pag-iisip o sa praktikal na pagsasawika ng mga kaakibat na diwa at ideyang
sumisingaw dahil dito. Pag pinanatili sa kaisipan ang datos na sa paggamit, kung minsan o sa
kadalasan, ng terminong 'popular' ay di nalalayo na parang nakataling anino ang salitang
'masa'/'pangmasa' bilang halos-kusang (reflexive) kapalit o pamalit na salita nito, walang preno ang
maaaring pagdagsa ng mga problemadong konsepto o dalumat sa ating pagninilay-nilay. Kaya paulitulit na pinupunto ni Williams sa iba't ibang bahagi ng kanyang napakalagong obra ng kritisismong
panglipunan, pangkultura, at pampanitikan ang kahalagahan ng pag-iiba sa, o kaibhan ng, popular
culture (at literature na rin) mula sa mass culture. Paulit-ulit niyang sinasabi na ang kaibhang o
distinksyong ito ay kritikal at mapagpasya (decisive), lalo na't:
Popular culture was not identified by the people but by others, and it still carries
two older senses: inferior kinds of work (cf. popular literature, popular press
as distinguished from quality press); and work deliberately setting out to win
favour (popular journalism as distinguished from democratic journalism, or
popular entertainment); as well as the more modern sense of well-liked by
many people with which, of course, in many cases, the earlier senses overlap.
The sense of popular culture as the culture actually made by people for themselves is
different from all these. It relates, evidently, to Herder's sense of Kultur des Volkes,
lC18 [and] what came through in English as folk-culture....([Williams, 1983
<1976>, 237; sariling diin).

Kakatwa na kabahagi pala ng 'kulturang (at panitikang) popular' sa 'kulturang pangmasa' ang
pinomenang mga iba ang nagtakda at nag-antanda sa kanila [o pareho silang pilit pa ring tinuturol o
kinokontrola ng mga iba bilang mga prosesong at produktong sosyal] (not identified by the people but by
others). Sino kaya ang mga ibang ito? Sa masasabing kanyang pinakabantog na obra, Culture and Society,
1780-1950, ay ipinapagunita ni Williams sa atin at kinilatis niya nang husto ang isang proseso at aparato
na siyang, aniya, may kagyat at patuloy na kinalaman at kabatiran sa paglikha at pagpapayabong ng
'popular/mass culture(s)': ang komunikasyong at midyang pangmasa. The [development and]
existence of immensely powerful media of mass communications is at the heart of these problems [of
conceptualization and critical thinking about the 'popular'], for through these public opinion has been
observably moulded and directed, often by questionable means, often for questionable ends (Williams
1961, 317). Katulad ng mga trapo at nakapagyayaring-hari na aking pakutyang ginawang halimbawa ng
mga tao or pwersang hindi tunay na 'nabibilang' sa madla/pamayanan, samakatuwid, ang mass media
(lalo na, bilang nangangalakal na industriya, at ang mga mismong dambuhalang korporasyon at
konglomerado na nagpapatakbo ng mass communication) ay masasabing may pagtingin din sa kultura at
pamamayahag ng nakararami na inferior (o base at low, sa datihang terminolohiya) dahil ang tingin
lamang sa pamayanan/publiko ay mga 'masa' (balikan ang talababa blg. 3: malabo at mahirap
kilalanlin ang kaanyuan (amorphous) at masinsin at siksik ang pagkakapangkat-pangkat (densely
aggregated), samakatuwid madaling mahulma (mould, cast) o mamanipula, at kung sa katunayan ay hindi
man, dapat tratuhing ganito at ganoon na nga).4
4 Kaiba ang aktitud at perspektibang makauri tulad nito, ani Williams, kung ibabalik at ihahambing ang mga ganitong
pagpapakahulugan at pagpapahalaga ng populace bilang mass/es sa ating mga karaniwang karanasan (we have to
return the meanings to experience):
I do not think of my relatives, friends, neighbors, colleagues, acquaintances,

Kongklusyon: Krisis (Kontradiksyon), Kritika


Saglit nating iwan ang larangan ng pagsususuring-wika at dumako sa kasaysayan at
ekonomiyang pampulitika (political history and political economy) upang mapalawig at lalong mas
mapahalagahan ang puntong ito at mga kaugnay na punto ni Williams sa sinipi. Saglit din nating
iwanan si Williams at sumangguni sa kritisismo ng pinakabatikang estudyante niya na siyang
nagpatuloy at nagrepaso/nagpayaman ng kanyang mga akda at teorya sa Cultural Studies, si Stuart
Hall. Ipinagdidiinan ni Hall sa isang bantog na sanaysay niya na:
Throughout the long transition into capitalism...there is a more or less
continuous struggle over the culture of the working people, the labouring
classes and the poor. This fact must be the starting point for any study, both
of the basis for, and of the transformations of, popular culture. The changing
balance and relations of social forces throughout that history reveal themselves,
time and again, in struggles over the forms of the culture, traditions and ways of
life of the popular classes. Capital has a stake in the culture of the popular
classes because the constitution of a whole new social order around capital
required a more or less, if intermittent, process of education, in the broadest
sense (1998, 442; sariling diin)

Kung gugunitain na ang midya at komunikasyong pangmasa, sampu ng mga nahubog na mga
teknik at patuloy na umiinog na teknolohiya ng mga itomula sa imbensyon ng imprenta
noong ika-15 siglo hanggang sa potograpiya, radyo at pelikula noong gitna at huling ika-19
siglo, at ng telebisyon at kompyuter noong ika-20 sigloay nabigyang pamukaw at sa
kalaunan ay ginawang lunduyan at inangkin at ngayon ay pinamamahalaan ng interes ng
Kapital/ismo at naghararing uri, hindi magtataka na maging ang kultura (sa lahat ng kaanyuan
nito) ay magiging at naging mahalagang komoditi at tampulan ng kalakal, at pati na rin ng
tinatawag dito ni Hall na tunggaliang uri (social contradictions, o sa lumang o klasikong idyoma
ng pagsusuring Marxista, class struggle/s).5
[for example] as masses; we, none of us, can or do. The masses are always the others
whom we don't know, and can't know. Yet now, in our kind of society, we see these
others regularly, in their myriad variations; stand, physically, beside them. They are
here, and we are here with them. And that we are with them of course is the whole
point. To other people, we also are masses. Masses are other people....There are in fact
no masses; there are only ways of seeing people as masses. In [our] society there are
many opportunities for such ways of seeing (1960, 318-9; sariling diin).
5 Nakakagitla at nakakamulat ang brilyanteng pagkawing ni Williams ng kasaysayang pangwika ng salitang kamag-anak
ng popular/populace, ang mass/es, sa mga determinasyon at konteksto ng kasaysayan at ekonomiyang pampulitika, na
bukod sa nangungunang suri kaugnay sa punto ni Hall sa itaas ay umaayon sa larong at hilagyong semantiko ng (mga)
salitang ito:
Masses was a [modern word] for mob [pangkatin/pulutong, or mga
magkalipumpon?]...It seems probable that three social tendencies joined to confirm its
meaning. First, there was the concentration [by the modern period, the period of
capitalism] of population in the industrial towns, a physical massing of persons which
the great increase in total population accentuated, and which has continued
with....urbanization [itself]. Second, there was the concentration of workers into
factories: again, a physical massing, made necessary by machine production; also, a
social massing, in the work-relations made necessary by the development of large-scale
collective production. Third, there was the consequent development of an organized and

Isa sa mga kailangan pang pag-aralan at pag-isipan/usapan ng masusi at malaliman pero


hindi na kayang masakop ng aking panayam, samakatuwid, ay ang sentral na papel na
ginagampanan at gawain ng mga media and techniques/technologies of mass communication.6 Sapat na
sigurong imungkahi sa ganitong konteksto na ang isang malinaw ngunit kailangan pang
busisiing epekto at mandato ng mga ito, dahil na rin kontrolado ng Kapital at Kalakal, ay ang
tinatawag ni Hall na cultural domination ng iilan sa karamihan. Isang mahalagang punto ni Hall
patungkol dito, gayunpaman, ay hindi ito ang klase ng dominasyon o pagyayaring-hari na buo,
di-matitinag, at purong makapangyarihan dahil na rin sa kalikasan ng kulturaangkin man ng
mga naghahari o pinaghaharianbilang tampulan at bukas na larangan ng mga
kontradiksyong sosyal at nagtutunggaling uri; samakatuwid mas maigi siguro itong tawaging
egemonya o gahum:
Cultural domination has real effectseven if these are neither all-powerful nor
all-inclusive. If we were to argue that these imposed forms have no influence, it
would be tantamount to arguing that the culture of the people can exist as
separate enclave, outside the distribution of cultural power and the relations of
cultural force....I think there is a continuous and necessarily uneven and
unequal struggle, by the dominant culture, to disorganise and reorganise
popular culture....there are points of resistance; there are also moments of
supersession. This is the dialectic of cultural struggle. In our times it goes on
continuously, in the complex lines of resistance and acceptance, refusal and
capitulation, which make the field of culture a sort of constant battlefield. A
battlefield where no once-for-all victories are obtained but where there are
always strategic positions to be won and lost (Hall 1998, 447; sariling diin).

Bilang pasintabi, dahil hindi diretsahang kumakausap sa mga kritikal na proposisyon ni Hall pero
malinaw na may kaugnayan sa mga ito, ani Regis Debray na, sa kaso ng kultura at panitikang popular,
ang spesipikong pagsusuri at kritikal na pagsusuri sa tinawag ni Hall na dialectic of cultural struggle, kung
saan may malaking papel na ginagampanan ang masmidya (o sa taguring ni Debray, networks of
distribution), ay dapat kumilala sa field of culture as a sort of constant battlefield bilang hiwalay pero
self-organizing working class: a social and political massing. The masses, in practice,
have been any of these particular aggregates, and because the tendencies have been
interrelated, it has been possible to use the term with a certain unity. And then on the
basis of each tendency, the derived ideas have arisen: from urbanization, the mass
meeting; from the factory, in part in relation to the workers but mainly in relation to the
things made, mass-production; from the working class, mass-action. Yet masses was a
new word for mob, and the traditional characteristics of the mob were retained in its
significance: gullibility, fickleness, herd-prejudice, lowness of taste and habit. The
masses, on this evidence, formed the perpetual threat to culture (1960, 317; sariling
diin).
Kakatwa rin at isang matalim na parikala na sa ganitong pagpapakuhulugan sa masa, sila mismo ay
titingnan o tinitingnan na banta laban sa at kasangga ng pagpapaunlad at pagbabantayog ng 'kultura'--dahil sinasabi
ngang mababang-uri at mababa/w silakung kaya't kung taguriang 'popular culture' o 'mass culture' man ang
kulturang napapasakamay nila o ipinapataw sa kanila ng mga iba ay lalabas ito na, sa katawagan natin sa Ingles,
'oxymoron,' o mas akma sa anggulo at metodo ng pag-iisip at kritikal na pag-iisip na aking pinagtutuunan ng
pansin, 'a contradiction in terms'!
6 Bilang isang posibleng introduksyon o unang babasahin, tingnan ang maikli ngunit malamang pakikipagpalitang-kuro sa
mamamahayag na si Andrew Joscelyne ng datihang rebolusyonaryong Pranses at ngayon ay kritiko/teorista ng mass and
global culture na si Regis Debray (n.d.)

estratehikong espasyo ng mga transpormasyonlinggwistiko man, o materyalna nangyayari, o


inaasam-asam ng mga nagsasalungatang interes (mungkahi ni Debray na tawagin ang espesyal na
espasyong ito na mediosphere, at ang katawagan na nilikha niya sa ganitong pag-iisip at pagsusuri ay
mediology Debray [n.d., p. 1]). Umaagapay ang mga ganitong kritikal na tunguhin at pamamaraan sa
alam nating tagurian na likas at uminog na mandato at gawain ng masmidya, media-tion (o
pamamagitan, o sa isang teknolohikal o reduktibong pormularyo, channeling). Dito rin papasok ang
sinasabi ng isang bantog na tagasalin ng mga pertinenteng akda sa kritisismong pangkultura ng
Hudyong-Alemang pilosopo at kritiko na si Walter Benjamin na radikal ng pang-unawa nitong huli sa
nosyon ng medium/media bilang bukas at magagamit na proseso at aparato sa direksyon ng
transpormasyon: A medium, for Benjamin at least, is defined as a complex of relationshipstoday we
might say 'links'rather than an aggregate of self-contained meaningful works or facts (De Boever and
Murray 2008, 11).7
Piho kung walang magiging pagtututol si Hall sa ganitong mga tunguhin at pamamaraan ng
pag-iisip at mapanuring pag-iisip tungkol sa kultura at panitikang popular.8 At sa yugtong itona
siya nang nagtatapos ng aking diskusyonay maaari ko nang balikan ang mga katanungang inilatag sa
umpisaano nga ba ang kinalaman ng bukas, dahil kritikal, na pag-iisip at pag-iisip tungkol sa pagiisip, halimbawa na nauukol sa 'panitikan/kultura' at 'popular,' sa pagtuturo ng mga ito bilang
natatanging gawain at layon ng disiplina natin? Paano nga bang intindihin na ang pagsasakritika (critical
thinking) ay, unang-una at siguro hanggang makakaya bago pagnasaan nang obsesibo ang paglalagom at
resolusyon, isang pagsasakrisis, o padiriin at pagpapatingkad ng mga kontradiksyon at salungatansa
mismong pag-iisip, sa mga pang-unawa sa mga susing-salitang ginagamit tulad ng popular/pangmasa,
panitikan, kultura, sa kaayusang panglipunan, atmpb.? Sapagkat ang pagiging bukasat pagbubukas
hal. ng kaisipan, ay pangunahing tungkulin sa gawain ng transpormasyon (na sa tingin ko, at wala
naman sigurong magpapasubali nito, ay siyang ambisyon natin sa pagtuturo, hal. ang pagbabago sa
kamalayan at mga kagawiang pagsusuri at pag-iisip ng ating mga estudyante at ng sarili); at sapagkat
ito ang angkop na at akmang lapit at lapat, maging pang-unawa, sa kalikasan ng ating gustong ituro at
pagisipan sa pagtuturo: ang popular, ang masa ng lipunan, ang kanilang mga kultura at panitikan.
Sa pagbabalik kay Williams at bilang pagtuhog sa pumapagitnang paksa ng mga saysay at
kasaysayan ng magpinsang-buo (siguro nga ay magkakambal) na mga susing-salita ng 'popular' at
'(pang)masa,' aniya na matapos malaman at maintindihan ang bisa at kapangyarihan ng mga
namamayani sa pamayananna makikita sa nagsasalungatang pang-unawa at pakahulugan ng mga
nakagawiang pantukoy sa huli,
7 Interesante ang dagdag na elaborasyon na ginawa ng tagasalin na ito sa mapanuring pag-iisip at pagdadalumat ni
Benjamin tungkol sa pangkalahatang nosyon ng medium/media: From his earliest until his latest writings, Walter
Benjamin tends to form many of his key concepts by nominalizing verbs through the addition of the suffix '-ability': in
German, '-barkeit.' Examples are: communicability with respect to language, criticizability with respect to the Romantic
notion of literature....This gives a very particular cast to his manner of forming concepts: instead of seeking to designate
what processes or phenomena have in common, such '-abilities' designate what [Jacques] Derrida once called a
'structural possibility,' a potentiality based not on what actually is but on what might be. Such concepts are thereby
directed more toward a possible future than an already existing present. They put the emphasis therefore on the potential
to transform realityor on reality itself as a process of transformation. At mas interesante pa na batay rito ay maaaring
tingnan ang espasyo at gawain ng medyasyon (media-tion), samakatuwid, bilang 'mediability' o mediality (!)
8 Pahabol nga niya: [T]ransformations' are at the heart of the study of popular culture. I mean the active work on
existing traditions and activities, their active reworking, so that they come out a different way: they appear to 'persist'
yet from one period to another, they come to stand in a different relation to the ways working people live and the ways
they define their relations to each other, to the 'others' and to their conditions of life....Popular culture is neither, in a
'pure' sense, the popular tradition of resistance to these processes; nor is it the forms which are superimposed on and
over them. It is the ground on which the transformations are worked (1998, 443).

the point is not to reiterate the objective conditions [or tendencies] but to
consider, personally and collectively, what these have done to our thinking.
The fact is, surely, that a way of seeing other people has become characteristic
of our kind of society, has been capitalized for the purposes of political or
cultural exploitation. What we see, neutrally, is other people, many others,
people unknown to us. In practice, we mass them, and interpret them,
according to some convenient formula...It is the formula, not the mass, which
is our real business to examine (1960, 319; sariling diin).

Maraming, maraming salamat! Naimbag nga agsapa kadakayo amin.

10

TALASANGGUNIAN

Austin, J. L. 1961 [ca. 1930s-50s]. Philosophical Papers. Oxford: Clarendon Press.


Campomanes, Oscar. 2004. Culture and Governance in Reciprocity. Culture and Governance, eds. Ma. Antoinette
Virtucio and Oscar V. Campomanes. Pasig City: Development Academy of the Philippines.
Debray, Regis. n.d. Revolution in the Revolution. Wired [ Wired Digital Inc.].
http://www.wired.com/archive/3.01/debray_pr.html
de Boever, Arne and Alex Murray. 2008. 'Falling Out of One's Role with Art:' Samuel Weber on Benjamin's
-Abilities. Parrhesia 4: 11-16.
de Saussure, Ferdinand.1959 [1916]. Course in General Linguistics, transl. Wade Baskin. New York, Toronto and
London: McGraw Hill.
Guillermo, Ramon. 2009. Pook at Paninindigan: Kritika ng Pantayong Pananaw. Diliman: University of the Philippines
Press.
Hall, Stuart. 1998. Notes on Deconstructing 'the Popular.' Cultural Theory and Popular Culture. New York: Pearson/
Prentice-Hall.
Jones, Dafydd. 2006. Introduction. Dada Culture: Critical Texts on the Avant-Garde, ed. D. Jones. New York:
Editions Rodopi, B.V. Amsterdam.
Kristeva, Julia. 1989. Language: The Unknown. New York: Columbia University Press.
Pierce, Charles Sanders. 1931-35, 1958. The Collected Papers of Charles Sanders Pierce. Cambridge: Harvard University
Press.
Salazar, Zeus A., transl. 2000. Karl Marx & Friedrich Engels, Manifesto ng Partido Komunista. Diliman: Palimbagan ng
Lahi.
Voloshinov, V. 1973 [ca. 1930s]. Marxism and the Philosophy of Language. Cambridge: Harvard University Press.
Vygotsky, Lev. 1986 [1934]. Thought and Language. Cambridge: Massachussetts Institute of Technology Press..
Williams, Raymond. 1983 [1976]. Keywords: A Vocabulary of Culture and Society, rev. ed. New York: Oxford
University Press.
Williams, Raymond. 1960. Culture and Society, 1780-1950. Garden City, NY: Anchor, Doubleday.
Wittsgenstein, Ludwig. 1953 [ca. 1930s-40s]. Philosophical Investigations. London: Basil Blackwell

11

You might also like