You are on page 1of 2

TALAMBUHAY (Isang pagsasanay sa FILKOM 3)

Umaga ng ika-16 ng Agosto, taong 1990, sa isang maliit na ospital ng Tondo, isang ina ang nakatakdang
magsilang ng kanyang panganay na anak. Anumang oras noon, ipapanganak niya ang unang regalo ng
Diyos sa kanya. Bagama't di kasama ang tunay ama na kanyang magiging anak, matapang niyang
hinarap ang pagsubok na ito ng buhay. Hindi nga nagtagal, isinilang ang bata. Ako 'yon, si Gabriel. Anak
ni Cristy at Noel.

Lumaking may takot sa Diyos, impluwensya na rin ng mga magulang. Si Gabriel, mas kilala bilang Oggie,
ay nasundan pa ng tatlong supling na sina Rafael, Miguel at Angelica Urielle.

Katulad ng maraming tao. May suot din akong maraming maskara. Huwad na mukhang ipangtatakip sa
tunay na mukhang sinugatan ng mga pangyayaring pinagdaanan sa nakalipas na panahon. Sa
pagbabago ng mga taong nakakasama, nagbabago ang maskarang suot ko. Sa pagpapalit ng kasuotan,
bagong mukha ang masisilayan. Minsan, ang nakasimangot na mukha, kailangang patungan ng
nakangiting maskara upang maitago ang sakit na nararamdaman. Takot akong makaapekto ng kapwa
ako. Hindi ko gustong may isa pang tao na magiging miserable dahil miserable ako. Pero alam ko na
darating ang panahong huhubarin ko ang lahat ng huwad na mukha at ipakita sa lahat ang tunay na
mukha kong sugatan. Sugat na dulot ng hagupit ng buhay ngunit sya namang nagpatatag ng aking
pagkatao.

Labing siyam na taong gulang na ako ngayon, marami ng pagsubok ang pinagdaanan. Nakatapak ng
bubog, napaso ng apoy, nasugatan sa tuhod, umakyat sa entablado, pinalakpakan, kinutya, umiyak,
tumawa, natulog sa oras na pagising na ang iba, gumusing sa pag-idlip nila. Naranasan kong madapa,
madulas, matae sa pantalon, mahulog sa kanal, maubusan ng ulam, makakain ng tutong, bumagsak sa
quiz, mapalo ng patpat ng teacher, mapunitan ng notebook at libro dahil di gumagawa ng assignment,
nanligaw at nabasted, sinagot, binreak at marami pang iba.

Labing siyam na taon, ilang buwan na lang, magiging dalawpung taon. Sino na ba ako ngayon? Bukod sa
ako ay nag-aaral sa Pamantasan ng Montalban ng BEED Early Childhood Education? Bukod sa ako'y
mahilig mag-Facebook at maglakwatsa? Maaabot ko pa ba ang langit? Mararating ko pa ba ang tuktok ng
aking mga pangarap? Susunduin pa ba ako ng mga bituin upang sabihin na natupad ko na lahat ng
mithiin ko sa buhay?

Napakahirap maging ako. Ang hirap maging Gabriel. Lalo na kung maraming mata ang nakatingin sa'yo
at handang sitahin bawat pagkakamali at pagkukulang mo. Ang hirap maging ako. Lalo na kung
maraming tengang nakikinig sa bawat salitang lalabas sa bibig mo at sabihing nabibingi na sila dahil ang
mga sinasabi ko ay wala namang kwenta. Mahirap maging ako. Lalo na kung maraming isip at puso ang
naniniwala na ako ay isang matatag at magaling na tao gayong sa kabila ng lahat ng ito ay isang Gabriel
na pupunta sa isang sulok at iiyak kapag hindi na kaya ng sariling isip at puso ang mga pinagdaraanang
problema. Kailan ko pwedeng sabihing, "Oggie, magpahinga ka muna. Matulog ka at iwang
pansamantala ang nakakapagod na ikot ng mundo." Hihintayin ko ang araw na darating ang sandaling
kailangan ko na lang matulog sa gabi, kumain ng almusal sa umaga, hindi na iisiping kailangan kong
kumilos ng mabilis dahil mahuhuli na ako sa klase. Nangangarap na darating panahong wala na akong
iisiping problema at di na kailangan pang mag-sakripisyo.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, nakakakita ng ligaya, napupunan ng ngiti sa ang bawat lungkot sa piling
ng mga taong labis na nagmamahal at nagpapasaya. Sa kanila ako kumukuha ng lakas at inspirasyon
upang harapin ang bawat umaga ng may pag-asa. Nariyan ang aking pamilya na takbuhan kapag di na
kayang mag-isa. Ang mga kaibigang kasama sa bawat pagsubok, sa tawanan at iyakan. Sa mga kaklase
kong kasama ko sa bawat pagharap ng pinakamahirap na exams, mga nakakamatay na essay o sa mga
dialogue activities sa english. Lahat sila, kasama sa aking mga tawa at ngiti. Dadalhin ko habang buhay
sa aking puso ang pasasalamat sa kanila sa lahat ng naitulong nila sa akin.

Sino ako sampu hanggang dalawampung taon mula ngayon?

Marami akong pangarap. Maraming gustong tuparin. Pero napakarami pang dapat pagdaanan.

Ako si Gabriel Lucas Cayetano. Labing siyam na taong gulang. Isang kabataan. Isang anak, kapatid,
kaibigan, kaklase at higit sa lahat, ako ay ANAK NG DIYOS.
Sa Kanya, alay ko ang lahat ng pagbagsak ko at ang bawat pagtayong muli.

You might also like