You are on page 1of 1

Lumaya(g)

"Fioning, gising na!", sigaw ng aking ina sa aking natutulog na diwa. Minulat ko agad
ang aking mga mata at bumangon sa mabilisang kamatayan. Alas syete na ngunit
madilim pa rin. Tila nababalot ng kadiliman ang buong paligid, nagmulat ba ako o patuloy
pa rin akong nakapikit? Sisilip sana ako sa bintana ngunit may biglang nagbabala. "Anak,
nakakasakit ng mata ang isang eklipse. Huwag kang tumingin ng walang protekyon.
Mabilis matatapos ang dilim. Sumunod ka lang sa akin.", babala ng aking ama. Sumunod
ako at nasubaybayan ang ganda ng pagtakip ng buwan sa araw. Ito ang nangyari sa ika-
labinlimang araw ng Marso 2020.

Hindi tiyak ninuman kung kailan ang pisikal na pagkikita. Ang pagbalik namin ng
aking kapatid sa aming eskwelahan. Ang muli naming pagkikita ng aking mga kamag-
anak. Maituloy ang naantalang plano ng aking mga kaibigan na magsama-sama sa
iisang bahay. Masulit ang natitirang sandali bilang isang Senior High school na puno ng
galak kasama ang mga kaklase na mariing naantala dulot ng pandemyang kinakaharap.

Gumising ako isang umaga na biglang nagbago ang lahat. Ang bawat oras ay
nakakatakot at kakila-kilabot, na sa unang hakbang ng aking mga paa palabas ng
tahanan ay nakapagbibigay na agad ng pangamba sa aking sarili at pamilya. Isang
kalaban na hindi nakikita ang maaaring kumuha ng buhay atang katawa'y maging abo na
lamang.Maraming salita ang maaaring maging buod sa aking pagkaka-tanikala sa
umpisa ng Quarantine. Maraming bagong karanasan ang nangyari. Mga pangyayaring
hindi inaasahan. Mga alaga kong hayop ay magkasunod na namaalam. Ganito ang
epekto, ngayon ay hinaharap ang walang kasiguraduhan. “Kita tayo, hindi ko lang alam
kung kailan”linyahan na aking paulit-ulit na nababasa sa mundo ng social media. Nahinto
ang mga kaganapang sa akin ay napakahalaga at naawat din hindi lang ang hanap-
buhay, pati na rin ang sa aki'y nagbibigay buhay.

Bilang isang tinedyer na madalang makita sa lansangan, at nasanay na hindi


lumalabas ng bahay. Mariin kong napagtanto na ang aking sarili ay nakatanikala sa mga
akala: Akalang magaganap at akala natin ay kailangan. Noon bukas ang pinto, akala ko'y
malaya pero ang totoo, nakakulong ako sa aking mga nakasanayan at pinaglalaanan.
Bilanggo na, sa paniniwalang "Ito lang ang kaya kong gawin".

Noon pa pala ako mahilig maglagay ng takip sa mukha, pagmaskara ng ngiti sa


nakakasalamuhang tao. Dalawang sakit ang aking mariin na nasaksi; ang sakit na
lumalaganap at ang sakit na nakatira sa aking sarili na ngayon ay parehas kong
hinihintay na humilom.

Ngunit sa kabila nito, magsusuot pa rin ako ng maskara sa aking mukha dahil
kasama ito sa bagong normal, bilang proteksyon at simbolo ng sensiridad. Dahil mata at
kilay lamang ang nakikita, parte ng mukhang mababanaag ang tunay na nararamdaman.

Aking magagamit ang mga aral na napulot ko at mga bagong pananaw ko sa aking
pamilya, komunidad, kapwa at sa Diyos. Sabi nga sa liriko ng isang kanta "There's a
rainbow always after the rain". Aking inihahalintulad ang sitwayon natin sa isang eklipse.
Madilim man ang nakikita natin sa ating paligid, kapag tiningnan natin ang kalangitan
nang may proteksyon at pagsunod, ay makikita natin ang kagandahan nito.

Hindi natin alam kung kailan maitutuloy ang mga nakatalang naantala, pero batid
ko'y tayo ay gumigising at bumabangon tuwing umaga, bilang paghahanda sa paglaya.
Sa paglaya ay paglayag sa mas malayo at malayang hinaharap.

You might also like