You are on page 1of 1

June 26, 2011

OSTIYA, NAGING TUNAY NA KARNE ALAK, NAGING TUNAY NA DUGO

Lanciano, Italya. Ika-walong siglo. Sa loob ng simbahan ng St. Legontian, sa pagmimisa ng isang Basilian monk, pinagdudahan niya kung talaga bang nagiging katawan at dugo ni Kristo ang tinapay at alak. Sinagot ng Diyos ang kanyang pagdududa sa pamamagitan ng isang himala, ang tinapay ay naging sariwang laman at ang alak ay naging sariwang dugo. Ang tinapay na naging laman ay may sukat na kasing laki ng malaking ostiya na ginagamit sa misa. Ang kulay nito ay light brown at nagiging kulay rosas kapag ang liwanag ay mula sa likuran. Ang sariwang dugo naman ay namuo sa limang magkakaibang hugis at laki. Ito ay naganap pagkatapos ng mismong Konsagrasyon. Hindi naiwasang may mga nagduda sa nasabing himala. Baka daw huwad o peke ang himalang iyon. Baka daw hindi naman tunay na laman at dugo ang mga iyon. O kaya naman ay baka daw karne at dugo lamang iyon ng baboy na ginamit upang kunwari ay may himala. Marami at ibat ibang pagsusuri(at pagkilala) ang isinagawa ng Simbahan mula 1574 hinggil sa nasabing himala. Noong 1970-71, pati na noong 1981, nagsagawa ng siyentipikong pag-susuri ang bantog na siyentipikong si Prof. Odoardo Linoli, isang kinikilalang propesor ng Anatomy, Pathological Histology, Chemistry at Clinical Microscopy. Katulong din sa ginawang pagsusuri si Propesor Ruggero Bertilli ng University of Sienna. Ang kanilang mga pagsusuri ay gumamit ng mga tiyak at hindi mapag-aalinlanganang siyentipikong pamamaraan. Ang mga sumusunod na konklusyon ang naging resulta ng mga ginawang pagsusuri: 1. Ang laman ay tunay na laman; ang dugo ay tunay na dugo. Hindi peke. 2. Ang laman ay laman ng tao; ang dugo ay dugo ng tao. Hindi sa hayop. 3. Ang laman ay binubuo ng mga himaymay na matatagpuan sa puso. Samakatuwid, ang laman ay galling sa puso. 4. Patunay: Sa lamang ito ay natagpuan ang mga sumusunod na bahagi ng isang puso: myocardium, endocardium, vagus nerve, left ventricle of the heart. 5. Ang dugo ay kauri ng natagpuang dugo sa laman. Parehong AB. Kaya masasabing isang katawan lang ang pinanggalingan ng laman at dugong iyon. (Magugunita na type AB din ang natagpuang dugo sa Shroud of Turin.) 6. Sa sinuring dugo ay natagpuan ang protina na may daming karaniwang nakikita sa normal na sariwang dugo 7. Natagpuan din sa dugo ang mga mineral na normal na nakikita sa sariwang dugo: Chlorides, phosphorous, magnesium, potassium, sodium at calcium. 8. Matapos ang labindalawang-daang taon, ang nasabing laman at dugo ay hindi pa rin nabubulok. Hanggang ngayon, walang makapagpaliwanag nito. Marahil, walang makapagpapaliwanag ng mga ito kailan man, sapagkat hindi naman talaga kayang ipaliwanag ng tao ang isang himala. Ang totoo, hindi naman kasi kailangan ang paliwanag ng tao; ang kailangan ng tao ay ang maniwala. Maniwala na si Kristo ay kapiling natin sa Misa, sa kanyang Katawan at Dugo. Maniwala na ang tinapay at alak ay nagiging tunay na katawan at dugo ni Kristo. Maniwala na ibinibigay sa atin ni Kristo ang kanyang laman dahil mahal Niya tayo. Ang laman ay hindi laman sa braso, o sa binti, kundi laman na galing sa Kanyang Kamahal-mahalang Puso. Mahal na mahal tayo ng Panginoon. Kailangan bang isa pang himala upang ikaw ay maniwala?

You might also like