ni Nida C. Santos Sa isang barangay, may isang pamilya na nagmamay-ari ng poso. Dito kumukuha ng tubig ang lahat ng tao sa barangay. Mayroon silang isang anak na lalaki na ang pangalan ay Mac-Mac. Palagi niyang kasamang maglaro ang pinsan na si Remo. Naglalaro sila ng tubig sa may poso. Nakita ng kanyang nanay na nagsasayang sila ng tubig. Sinabihan sila na huwag maglaro ng tubig. Mahirap kapag nawalan tayo ng tubig, wala tayong ipangluluto at ipanghuhugas ng pinggan, sabi ng nanay niya. Pagkatapos ni Mac-mac maglaro, sinabihan siya ng kanyang nanay na maligo. Sumagot si Mac- mac, Opo nanay, maliligo na po ako. Naghanda naman ang nanay ng damit na isusuot. Pagkalipas ng kalahating oras, nagtaka ang kanyang nanay kung bakit wala pa siya. Pinuntahan siya ng nanay sa may poso at nakitang naglalaro ng tubig. Nakita ng nanay na umaapaw na ang tubig sa timba kaya agad itong lumapit kay Mac-mac, Tama na ang pagligo mo, tama na Mac-mac! Tapusin mo na iyan, marami ka nang nasayang na tubig. Sana sinahod mo ng palanggana ang pinagliguan mo para pandilig ng halaman. sabi ng nanay. Opo nanay. nagmamadaling sumunod si Mac-mac sa kanyang nanay. Pagkatapos maligo ay nag-almusal na ang mag- anak. Habang nagaalmusal, Magsepilyo ka ng ngipin pagkatapos kumain, sabi ng tatay kay Macmac. Sinunod ni Mac-mac ang bilin ng tatay. Habang nagsesepilyo, naglalaro na naman ng tubig sa gripo si Mac-mac. Sinaway siya ng kanyang nanay. Macmac itigil mo ang paglalaro ng tubig sa gripo. Mabuti kung laging may tubig, isara mo ang gripo kung hindi na ginagamit, paalala ng nanay. Isang umaga nagising si Mac-mac na maraming tao sa paligid ng kanilang bahay. Nakita niyang mahaba ang pila at nagtatalo-talo. Ngunit walang tumutulong tubig sa poso. Naalala niya ang ginagawang pagsasayang ng tubig. Naisip niyang dapat isara ang gripo habang nagsesepilyo at sahurin ng palanggana ang tubig na kanyang ipinapanligo. Dahil sa nakita niya, nangako siya sa kanyang tatay at nanay na magtitipid na ng tubig. Lumapit siya sa kanyang nanay at tatay at sinabing, Tatay, nanay, simula po ngayon ay di ko na po sasayangin ang tubig upang di maubos ang tubig sa ating poso at gripo. Natuwa sina tatay at nanay sa kanilang narinig kay Mac-mac Isang hapon, nagkaroon na ulit ng tubig ang kanilang poso. Natuwa si Mac-Mac. Nasiyahan din ang mga tao sa pagkakaroon muli ng tubig na magagamit nila sa kanilang pangangailangan at gawain. Simula noon ay nagtipid na si Mac-mac ng tubig.