You are on page 1of 6

Suarez, Owen Jaime L.

Ang Buhay ng Isang Estudyanteng Atleta

Ang pangarap ay hindi lamang isang imahinasyon na naroroon sa kaisipan ng mga


indibidwal. Ito ay isang mapaghamong laro at aral kung saan determinasyon ang
babatay sa tatag ng kaisapan at kalooban ng tao. Ang pagiging isang estudyanteng
atleta ay ang pagharap ng isang indibidwal sa dalwang mundong kanyang gagalawan --
ang mundo ng pampalakasan at ang mundo sa loob ng silid-aralan. Hindi biro ang
dedikasyon at disiplina na ilalaan ng isang manlalaro upang mapagtagumpayan ang
dalawang mundong ito na kakailanganin nyang harapin ng sabay. (Rimm, 2009)

Mananatiling panaginip ang mga pangarap kung sa pagdanas ng pagkabigo ay


magpapatalo sa lungkot at kawalan ng tiwala sa sarili. Kung kaya't tibay ng buong
katawan, mentalidad, sosyalidad at espiritwal na pananampalataya sa Diyos ay
kailangan.

Iisa ang mundo, ngunit nagiging dalawa ito para sa mga estudyanteng atleta na
nagmimithing ibigay ng pantay ang lakas at pagsisikap tungo sa tagumpay na
hinahanap. Ang isang mukha ng mundong gagalawan ng isang estudyanteng atleta ay
ang mundo ng pampalakasan. Ito ay ang mundo kung saan huhubugin hindi lamang
ang pisikal na katatagan kundi kasama na rin ang talas ng kaisipan upang maisagawa
ng maayos ang mga itinakdang gawin. Ang mundo ng isports ay nagbibigay ng
kahulugan sa kung paanong ang isang indibiwal ay maaaring sumali sa hamon ng
paaralan at buhay. Ang mga atleta’y naglalaro at binibigay ang kanilang lakas at talento,
manalo man o matalo. Dahil sa mga programang ganito sa paaralan, nasasanay ang
mga estudayante sa isport at edukasyon, mga tungkol sa kabutihan ng buhay, sining,
agham, negosyo at pamahalaan na nagdadawit ng tiyaga at disiplina sa sarili. (Rimm,
2009).

Hindi maiiwasan ngunit patuloy na mararamdaman ang pagod kung saan pilit
nilalabanan upang magpatuloy pa sa paghahanda para sa paligsahan. Bawat umaga
ay patuloy na gigisingin ang mga sarili kahit na hindi pa naalis ang pagod dulot ng
ensayo kahapon. Tatakbuhin ang mga layo na kailangan, kung saan bawat hakbang ay
makikita ang determinasyon ng pusong nagaalab sa pagkamit ng tagumpay. Bubuhatin
ang mga kagamitang nagpapalakas ng katawan kasabay ng kaisipang nagtataglay ng
katatatagan at ng pusong nagaalay ng dedikasyon. "Ang dami n'yong pinagdaanan,
pero 'yung mga pinagdaanan gawing blessing. Kung nakaya ko lahat ng mga stuggle at
paghihirap sa training, kakayanin n'yo kasi may pangarap kayo." (Diaz, 2016)

Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakakayanan ang hirap ng ensayo.


Dumarating din ang mga pagkakataon kung saan nakakaramdam ng pagkabigo at
muntikang pagsuko. Hindi maiwasang bumigat ang pakiramdam sa hirap na dala ng
mga panahong hindi husto sa mga naiplano. Ngunit, paano pa matatalo ang bagyo
kung sa pagdating pa lamang ng ulan ay susuko na ang mga manlalaro? (Cueto,2014)

Maraming hirap at maraming pagsisikap ang nagpupuno sa pusong nangangarap


ng tagumpay. Kung kaya't sa pagkapagod at panghihina ng katawan, kalooban ay mas
lalong kailangang tibayan. Sa pagdating ng paligsahan, matutunog na hiyawan at
masigabong palakpakan ng pagpupugay ang mangingibabaw sa pandinig ng bawat isa.
Nakabibinging suporta hindi para dagdagan ang kaba sa dibdib ng bawat manlalaro
kundi para ibsan ang takot at pagdududa sa sariling kakayahan. Nang sa gayon ay
tumaas ang kumyansa sa sarili at matulungang mapagtagumpayan ang larong
kinabibilangan. Malaking tulong ang suporta at pagtitiwala upang maipamalas at
maibuhos ng buong puso at kalooban ang angking kakayanan at galing na bunga ng
pagsusumikap at hirap na kanilang naranasan. (Abarra, 2013)

Sa katunayan sa pagdating ng araw ng paligsahan, pahinga na ang pisikal na


katawan ng mga manlalaro, tanging isip na lang muna ang pinapagana upang maging
kondisyon ang buong katawan bago pa man magsimula ang laro. Hindi matatawaran
ang pakiramdam pag nagtatagumpay ngunit batid din na sa lahat ng paligsahan, may
darating na kabiguan. Masayang manalo, ngunit kailan ba magiging masaya rin ang
matalo? May pagkukulang man ang isang tao sa kakayahan na mapagtagumpayan ang
laro, hindi dapat ito rason para lalong magpatalo sa pagkabigo. Bagkus, anong
gandang gawin na ang kabiguang naranasan ay syang naging daan upang mas lalong
maipamalas ang kaisipang iisa ang direksyon-- ang pagtagumpayan ang larong
kinabibilagan.
Ngunit ang pagiging manlalaro ay hindi lamang umiikot sa kung mananalo o
matatalo sa kompitesyon. Kasama rin ito sa nabubuong pagkakaisa at pagsasamahan
ng mga manlalaro sa bawat isa. Batid kong ito ay isa sa pinakamagandang regalo na
naibibigay ng pagiging isang atleta. Maraming benipisyo ang makukuha sa paglalaro.
Bukod sa pagkakaroon ng mas malusog at malakas na pangangatawan, natututunan
din ang pagkakaroon ng iba pang mga katangian kagaya ng, pagiging tapat, pagiging
madisiplina at pagtanggap sa kabiguan. Marami ring eksperto at mga ilang
pageeksperimento na nagpatunay na maraming magandang resulta ang nakukuha sa
paglahok sa mga pampaligsahang laro dahil maraming problema ang nakakayang
iresulba sa pamamagitan ng mga natutunan sa isports. (Torre, 2014)

Ang isa pang mundo na ginagalawan ng mga estudyanteng-atleta ay ang mundo sa


loob ng silid-aralan. Ito’y isa pang mundo sa mga estudayanteng atleta na inaasahang
kanilang mapagtatagumpayan. Ang paaralan ay nagbibigay ng mga kaalaman para
bigyang oportunidad ang pisikal, mental at sosyolohikal na mas mapaunlad pa upang
maging aktibong at responsableng mamamayan sa lugar na kanilang kinabibilangan.
(Kirchner, 2005). Marami mang maaring matutuhan sa labas ng paaralan, iba pa rin ang
mga aral na makukuha sa loob ng silid-aralan. Ito ay ang mga bagay na ating
magagamit upang makamit natin ang pagtatagumpay sa pamamagitan ng pagtatapos
ng pag-aaral. (Magay, 2011)

Maraming balakid ang kanilang nararanasan sa kanilang pagpasok sa paaralan,isa


na dito ay ang pagkapagod ng katawan, pagpunta sa mga ensayo at pagdayo sa iba’t
ibang pampalakasang laro ngunit, hindi ito magiging hadlang upang sukuan ang pag-
aaral. Dahil napakalinaw para sa isang estudyanteng-atleta na ang pag-aaral ay isang
yaman na kahit kanino man ay hindi mananakaw ng iba. (Mantiles, 2017).

Hindi lamang dapat nating pagtuunan ng pansin ang mga leksyon na binibigay sa
atin ng paaralan ngunit pati na rin ang mga aral na hindi natin makikita sa kahit anong
libro bagkus ay ipaparanas sa atin bilang pagiging isang estudyante. Hindi lamang mga
leksyon ang sumasaklaw sa paaralan ngunit nagbibigay din ito ng mga aral na hindi
makikita sa loob ng apat na sulok na silid-aralan. (Guillermo, 2015)
Hindi maitanggi na may mga atleta ang hindi kayang pagsabayin ang kanilang mga
responsibilidad bilang estudyante. Dalawang bagay ang kadalasang nagiging problema
ng ilan sa mga estudyanteng atleta: atendans at performans. Ngunit disiplina lamang
ang kailangan. Hindi maaring gawing rason o hadlang ang isports sa pag-aaral
sapagkat una sa lahat, malaking bahagi ng pag-aaral ang isport. Kinakailangan lamang
magkaroon ng sapat na kaalaman at karunungan ang mga atleta sa tamang paggawa
sa kanilang mga gawain at responsibilidad bilang mga estudyante. (Tobias, 2008)

Sa paglipas ng panahon, mas dumadami ang bilang ng mga indibidwal na


nagnanais na sumali sa mga larong pampalakasan kasabay ng kanilang pag-aaral.
Dahilan sa mga positibo at mga pag-unlad na kayang maibigay ng isports sa kanilang
sarili at sa kanilang buhay. Ang pagiging isang estudyanteng atleta ay hindi madali,
nangangailangan ito ng tamang disiplina at malaking responsibilidad. Maraming
naidudulot na epekto sa pag-aaral ang pakikibahagi sa isports. Maari itong maging
maganda dahil ito ay nakakatulong sa pag-aaral at hindi rin maiiwasang ito’y magiging
masama dahil nahahati ang prayoridad at kung minsan pa’y napapabayaan ang mga
tungkulin sa loob ng silid-aralan. Walang madaling gawin, lahat ay kailangang
paghirapan. Ayon kay Charles Barkley, isang sikat na atleta sa mundo, kung takot
magkamali, mahirapan o matalo ang isang indibidwal, hindi siya karapat dapat na
magtagumpay. Maraming pananaw tungkol sa nararanasan ng mga estudyanteng
atleta. Maraming pagsusuri, eksperimento at pag aaral kung saan nagiging tanong ay
kung paano parehas na mapagtatagumpayan ng mga ito ang dalwang mundong
kanyang kinakaharap. Mabibilang man ang sagot ukol dito, mapapatunayan na sa
mismong indibidwal matatagpuan ang tunay na sagot sa kung paano niya haharapin
ang kanyang mga responsibilidad na bagamat mahirap, ay parehong naglalaan ng mga
aral na kanyang magagamit sa paglipas ng panahon. Minsan man ay hindi pansin,
ngunit hindi madali at basta basta ang buhay ng isang estudyanteng atleta. Ngunit ayon
kay Matt Biondi, anumang hirap at pait ang maranasan sa buhay, kung may kasamang
pagsisikap lahat ito ay matutumbasan ng kakaiba at kaytamis na tagumpay.
Sanggunian:

Abarra, A. (2017). Ensayo para sa kabataang atleta; Ano ba ng dapat? Mula sa


www.pinoyathletics.info

Cueto, L. (2014). Ang Personal Blog ni Lancelot Cueto mula sa


www.lancecueto.wordpress.com

Diaz, H. (2016). Mula sa mga interbyu at pagsasalahad ng kanyang buhay.

Eugenio, A. (2014). Kahalagahan ng sports mula sa


www.pinoygazetteofficial.blogspot.com

Guillermo, L. (2015). Epekto ng Ektra Curricular Activity mula sa


www.lovelyguillermobbc.blogspot.com

Kirchner, G. (2008). Physical Education for Elementary School Children. Brown


Company Publishers.

Magay D. -- Mga interbyu at sanaysay patungkol sa kanya bilang nagging manlalaro sa


Olympics.

Manitiles, D. (2017). Replektibong sanaysay patungkol sa isang natatanging


karanasan bilang mag-aaral. Mula sa www.dianmantiles.wordpress.com

Rimm, S. (2009). “Paano makakatulong ang isport sa iyong mga anak”

Tobias (2008) Akademik vs. Atletics mula sa


http:///varsitarian.net/sports/academicsvsatheletics

Torre (2014). Mula sa paglalahad niya bilang isang propesyunal na manlalaro ng


ahedres.

You might also like