You are on page 1of 2

Work Immersion sa Senior High School,

kailangan nga ba?

DUMAGSA ang mga mag-aaral ng Grade 12 sa mga pampubliko at pribadong insitutusyon sa iba’t ibang
lugar sa Filipinas para sa kanilang kauna-unahang work immersion sa ilalim ng K to 12 Program.

Sa unang linggo pa lamang ng ikalawang semestre ng taong panuruan, kanya-kanya nang punta ang mga
“excited” na mag-aaral sa mga work immersion venue o lugar na napili ng kanilang mga paaralan para sa
kanilang work immersion batay sa kanilang specialization sa senior high school. Kabilang sa mga work
immersion venue na ito ang mga restaurant, shop/boutique, pagawaan, banko, opisina, ospital, paaralan
at pabrika.

Sa loob ng sampung araw o sa kabuuang oras na 80, ginugol ng mga mag-aaral ang kanilang buong
atensiyon sa kanilang work immersion dala ang hangarin na mas lalong madagdagan ang kanilang
kaalaman sa tulong ng kanilang Partner Institution Supervisor at ng kanilang mga guro sa work
immersion.

Isinasaad sa DepEd Order No. 30 s. 217 na ang work immersion ay isa sa pangunahing katangian ng SHS
Curriculum at ang pagpapatupad nito ay kinakailangan upang mabigyang pagkakataon ang mga mag-
aaral na maging pa-milyar sa klase o uri ng trabaho at lugar na kanilang pupuntahan pagkatapos ng
kanilang pag-aaral.

Sa pamamagitan ng work immersion, inaasahan na makikita at mas mauunawaan ng mga mag-aaral ang
kahalagahan at aplikasyon ng kanilang mga natutunan sa paaralan, mas lalong madaragdagan ang
kanilang kaalaman at kasanayan, mas higit uunlad ang kanilang kakayahan sa pakikipagtalastasan at
pakikitungo sa ibang tao at malilinang sa kanila ang tamang gawi, asal at pagmamahal sa trabaho.

Bago pa man sinimulan ang pagpapatupad ng senior high school noong 2016, umani nang pamumuna
ang work immersion bilang isang uri ng papapalawig at pagpapalalim sa K to 12 Curiculum dahil sa mga
isyung nakadikit dito lalo at wala pang panuntunan na inilatag noon ang DepEd kung paano ito
ipatutupad.

Pangunahing isyu sa pagpapatupad ng work immersion ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang sila ay
nasa work immersion venue at kung sino ang mananagot kung may mangyaring ‘di inaasahan sa mag-
aaral.

Bukod dito, malaking usapin din kung sapat ang bilang ng mga partner institution na tatanggap sa mga
mag-aaral para sa kanilang work immersion. Isyu din kung sapat ang 80 oras para sa work immersion
upang maisakatuparan ang layunin nito.

Sa paglabas ng DepEd Order No. 30 s. 2017 na naglalaman ng panuntunan sa pagsasagawa ng work


immersion napawi ang pangamba ng mga magulang tungkol sa isyu ng kaligtasan ng kanilang mga anak
na sasailalim sa work immersion.

Alinsunod sa nasabing kautusan, kinakailangan ang pahintulot ng magulang bago sumabak ang mag-
aaral sa kanyang work immersion saan man ito gagawin. Ibig sabihin, nasa magulang pa rin ang desisyon
kung pahihintulutan niya ang kanyang anak sa kaniyang work immersion o gagawa na lang ng research
project or culminating activity bilang kapalit ng work immersion.
Sinasabi rin sa kautusan na dapat suriin at piliin ng paaralan ang work immersion venue kung ito ba ay
ligtas at magandang learning environment para sa mga mag-aaral. Kinakailangan na ang partner
institution ay rehistrado o kinikilala ng accrediting agency ng pamahalaan upang mapangalagaan ang
kapakanan ng mga mag-aaral.

Ang pagbibigay diin ng kautusan sa pagkakaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng


paaralan at ng partner ins-titution nito ay paraan din upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral
at ang pagkakaroon nila ng magandang karanasan sa work immersion.

Ayon sa kautusan, dapat nakasaad sa MOA ang pagbuo ng Joint Working Group na mangangasiwa sa
lahat ng aspekto ng paghahanda para sa matagumpay na work immersion. Dapat nakasaad din sa MOA
ang pagbibigay ng insu-rance sa mga mag-aaral mula sa MOOE ng pampublikong paaralan o sa insurance
fee na binayaran ng mga mag-aaral mula sa pribadong paaralan.

Sinagot din ng kautusan ang isyu tungkol sa sapat na bilang ng akmang work immersion venues at oras
ng work immersion. Nakasaad sa panuntunan ng work immersion na bagamat layunin nito na maihanda
ang mga mag-aaral sa maaari nilang maging trabaho sa hinaharap, ang programang ito ay idinesenyo sa
paraan na maaaring malinang ng mga mag-aaral ang iba pang kasanayan hindi lamang ang may
kinalaman sa kanilang work immersion venue.

Ibig sabihin, bagamat ang isang mag-aaral ng cookery ha-limbawa ay nasa isang restaurant para sa
kanyang work immersion, hindi lang ang kasa-nayan sa paggawa ng tinapay ang kanyang puwedeng
malinang. Maaari rin niyang malinang ang iba pang kaalaman at kasanayan na maaaring gamitin sa iba
pang uri ng hanapbuhay.

Maaaring hindi sapat ang minimum na 80 hours upang may matutunan ang mag-aaral sa kanyang work
immersion. Gayonpaman, sinasabi sa kautusan na pinapayagan ang flexibility sa pagsasagawa ng work
immersion kung kaya’t may Work Immersion Delivery Options na maaaring isaalang-alang depende sa
pangangailan ng paaralan at available resources ng ka-partner na institusyon.

Halimbawa, sa halip na 80 hours, maaaring gawing 240 hours ang work immersion ng isang mag-aaral sa
computer programming upang mas lalo niyang mapaghusay ang kanyang kakayanan ngunit ito ay
depende sa available resources ng partner institution.

Ilang linggo na lang at matatapos na ang kauna-una-hang work immersion ng mga mag-aaral sa senior
high school. Maraming mag-aaral ang natuwa sa kanilang naging karanasan sa kanilang work immersion
lalo’t nagkaroon sila ng kalayaan mula sa loob ng apat na sulok ng kanilang paaralan kahit sa loob ng
sampung araw lamang.

Marami rin mga partner institution ang lubos na ikinasiya ang pagkakaroon nila ng mga mag-aaral ng
work immersion. Ang iba sa kanila ay nag-aalok pa ng trabaho sa mga mag-aaral na nagpakita ng
kahusayan at kasipagan.

Naging maayos man ang pagsasagawa ng work immersion sa kabuuan, kinakailangan pa rin ang
obhetibong ebalwasyon ng implementasyon ng work immersion sa bawat paaralan, dibisyon at rehiyon
sapagkat tanging sa pa-mamagitan nito masasagot ang katanungang: Kailangan ba ang work immersion
sa senior high school at paano mapabubuti ang implementasyon nito sa susunod na mga taon?

ni Marlon P. Daclis
http://www.hatawtabloid.com/2018/02/20/work-immersion-sa-senior-high-school-kailangan-nga-ba/

You might also like