You are on page 1of 13

Ang Magnanakaw ng Salapang

by Romar Monteroso

Tick…tock, tick…tock. Ang mga kamay ng orasan ay tila hindi na tumigil sa paggalaw, kasabay
nito ay ang walang humpay na pagtatalo ng mga diyos at diyosa, bawat isa ay handang magbigay
ng kanilang opinyon. Sa kanang bahagi ng silid ay makikita ang isang lalaki na nakaupo. Siya ay
may mahabang kayumangging buhok, may malaking katawan at tila may iniisip na malalim. Siya
ay si Poseidon, ang diyos ng dagat at lindol. Samantala, sa gitna ng silid ay makikita ang isang
matangkad na lalaki na nakatingin sa bintana. Taglay din niya ang isang malaking pangangatawan
katulad ng Poseidon. Ang kanyang pangalan ay Zeus, ang hari ng Olympus, ang diyos ng
kalangitan at mga kulog at ang kapatid ni Poseidon. Tick...tock, tick...tock, ang mga kamay ng
orasan ay higit na mas mabilis kaysa dati at tila walang planong tumigil. Kasabay nito ay ang
paiksi ng paiksing pasensya at kumukulong dugo ni Zeus. Nang hindi na makatiis, ay padabog at
dali-dali itong pumunta sa harap ni Poseidon. Tinitigan niya ito ng masama at nagbanta. Sinabi
niya na kapag wala pa sa kanyang mga kamay ang kanyang kidlat sa itinakdang oras ay hindi na
siya magdadalawang isip pa na ipapatay niya ang kanyang anak. Pagkarinig nito, si Poseidon ay
biglang natahimik, ang kanyang mga mata na dating kalmado at sing-asul ng karagatan, ngayon
ay puno na ng galit tila nagbabadya ng isang malakas na bagyo. Katulad ng isang karagatan na
may matinding alon at handing lunurin ang sinuman. Tumayo si Poseidon ng matatag at direktang
tinitigan sa mata si Zeus. Binigyan niya ito ng babala na kapag nalaman niya na pinakialaman ni
Zeus ang kanyang anak sa kahit anong paraan, ay tinitiyak niya na magkakaroon ng digmaan sa
kanilang dalawa. Sa sandaling tumigil sa pagsasalita si Poseidon, ang kamay ng orasan ay umabot
na sa labindalawa, sa wakas, ito na nga ang tanda na hinihintay ni Zeus. Ngumiti si Zeus sa
kanyang kapatid at lumakad papalabas ng palasyo. Pilit siyang pinapabalik ni Poseidon sa palasyo
ngunit ‘di niya ito pinansin. Bago makaapak si Zeus sa huling hagdanan ay hinabol siya ni
Poseidon at muling pinaalala sa kanya ang maaring kahihinatnan na haharapin niya kung siya man
ay magtatangkang saktan ang kanyang anak at hindi raw ito magpapakita ng awa kahit na sila ay
magkapatid.
Sa kabiguan ng kanyang anak na si Percy upang ibalik ang bolt ng kidlat kay Zeus,
sinubukan ni Poseidon na makausap si Percy ngunit hindi niya ito makausap. At habang ang bawat
minuto sa orasan ay dumadaan, si Poseidon ay nakakakuha ng higit at higit na sabik na pag-iisip
kung ano ang maaaring gawin o ginawa ni Zeus sa kanyang anak. Kadalasan, nakikita siya sa
kanyang palasyo na naglalakad ng pabilog o nakaupo sa kanyang trono na nag-iisip nang malalim.
Tatlong araw na ang nakalilipas ngunit wala paring koneksyon si Poseidon sa kanyang anak. Sa
wakas ay nagkaroon siya ng kaunting sinag ng pag-asa, nagpunta siya sa isang manghuhula at
nalaman na si Percy ay nakulong sa loob ng isang madilim na hawla, sa kasamaang palad ang
manghuhula ay hindi alam kung saan ito ay matatagpuan. Nagalit siya, kung kaya’t binalak niya
harapin ang kanyang kapatid na si Zeus upang tinanong ang kinaroroonan ni Percy. Mula Atlantis
ay dali-daling pumunta ng Mt. Olympus si Poseidon, at pagkarating niya sa palasyo ni Zeus ay
bigla niyang sinunggaban ang kapatid. Pinagsabihan ni Poseidon si Zeus na hindi na niya dapat
pinakialaman ang kanyang anak dahil alam na niya kung ano mangyayari kung ginawa niya iyon.
Ramdam ni Zeus ang suntok ng kanyang kapatid ngunit siya ay naiwang nalilito sapagkat alam
niya sa sarili niya na hindi niya ginawa ang gayong pagkilos. Nagalit si Zeus at binawian ang
kapatid, sinabi niya na hindi niya ginawa ang ganoong akusasyon sa kanya dahil kung gagawin
niya iyon ay matagal nang patay ang anak ni Poseidon at pinaalala niya kay Poseidon na mukhang
nakalimutan niya na ang kanyang anak na si Percy ay nabigong ibalik ang kanyang kidlat. Ngunit
hindi naniwala si Poseidon dito at kinulong si Zeus sa isang bolang tubig na madaling nakawala si
Zeus. Ang parehong nabulag ng galit at ang dalawa ay nagkaroon ng isang mahusay na labanan na
ikinabulabog ng mga diyos at diyosa sa Mt. Olympus. Sila ay nagulat dahil sa napakalawak na
kapangyarihan na ipinakita ng dalawang diyos at nagpasya na umalis sa palasyo dahil ayaw nilang
masama sa gulo. Kamao sa kamao, ang dalawa ay tila walang planong tumigil at sumuko. Sa bawat
suntok nina Poseidon at Zeus ay yumanig ang buong Mt. Olympus. Labinlimang minuto ang
lumipas, at ang dalawa diyos ay mukhang pagod na, ngunit wala sa kanila kahit na si Poseidon o
Zeus ang nagkaroon ng kalooban na sumuko at ayusin ito nang mayapa. Hinahangad padin ng
dalawa na matugunan ang kanilang gusto. Sa gitna ng laban ay nagkarinig ang dalawa ng isang
malakas na ungol na tila gawa ng isang halimaw at nakaramdam sina Poseidon at Zeus ng isang
pagyanig ng lupa sa ibaba ng Mt. Olympus. Alam ng dalawa na hindi iyong galling sa kanila dahil
natigil sila sa pakikipaglaban at kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay may isang mensaherong
nagngangalang Hermes ang gumambala sa dalawang magkapatid. Sinabi niya na ang kanila pang
isang kapatid ay naghahasik ng gulo sa paanan ng Mt. Olympus. Pagkadinig ng dalawa ay
nagmadali silang lumabas ng palasyo at nakita nga ang kanilang kapatid. Nakasakay sa Kraken,
hawak ang kidlat ni Zeus at kasama ang mga ilang alagad niya na galling sa Tartarus. “Hades.”
Ang sambit ng dalawa. Siya ang nakakatandang kapatid nina Poseidon at Zeus at ang diyos ng
kadiliman at ng mga patay at ang hari ng underworld. Gamit ang kidlat ni Zeus, si Hades ay
nagkalat ng takot sa Olympus. Ngunit bago pa niya magamit ito, ay sinalubong siya ng kanyang
dalawang kapatid. Bumaba siya sa Kraken at sinabi niya na ito ay isang kaaya-aya na pagbati mula
sa kanilang dalawa at nagtanong kung mayroong isang maliit na muling pagsasama-sama ng
pamilya. Akma na niyang yayakapin ang mga kapatid ngunit agad na hinawakan ni Zeus sa leeg
si Hades at tinanong kung bakit nasa kanya ang kanyang kidlat. Pinaalala niya kay Hades na nasa
batas ng mga Olympians ipinagbabawal na nakawin ang mga kapangyarihan ng ibang diyos o
diyosa. Nakiusap si Hades kay Zeus na pakawalan siya at sinabi na siya raw ay magpapaliwanag.
At binitawan ni Zeus ang leeg ni Hades. Tumawa ito at hinimas ang kanyang leeg. Humingi siya
ng tawad kay Zeus at akmang isasauli ang kidlat nito ngunit bago pa ito mahawakan ni Zeus ay,
“Pschew!” Tumilapon si Zeus, pinatamaan pala ito ng kidlayt ni Hades. Nagulat sina Poseidon at
Zeus sa ganoong pagkilos ng kapatid. Humalakhak si Hades at sinabi sa kanyang mga kapatid na
hindi ito tanga upang ibalik ang kidlat ni Zeus, ang pinakamalakas na sandatang nagawa at
gagamitin niya raw ito upang patayin si Zeus at kunin ang trono bilang hari ng Olympus.
Tinulungan ni Poseidon si Zeus upang tumayo at tila kilala na ng dalawa kung sino ang tunay na
dahilan sa kanilang pag-aaway kanina Kung kaya’t nagpagpasiyahan ng dalawa na magsanib
pwersa at talunin si Hades. Gamit ang kapangyarihan ni Poseidon at natitirang lakas ni Zeus buong
lakas nilang kinalaban si Hades. Sila ay nahirapan sapagkat hindi lang si Hades ang kanilang
proproblemahin, kundi pati narin ang alaga nitong Kraken at ang iabng alagad niya, kung kaya’t
naisipan nang ilabas ni Poseidon ang kanyang salapang at sa sandaling inilabas niya ito ay
nagsidatingan ang ibang mga diyos at diyosa at kinalaban ang mga alagad ni Hades. Nakampante
na si Poseidon at buong pwersang sinugod si Hades, habang sinuportahan siya ni Zeus sa likod.
Mahirap, ngunit sa huli ay napagtagumpayan nina Poseidon at Zeus. natalo nila si Hades at naibalik
na sa mga kamay ni Zeus ang kanyang kidlat. Ngunit sa kasawiang palad ay naputol ang isa sa
mga talim nito at nahulog sa Mt. Olympus di na muling nakita ni Poseidon. Nalaman din nya na
si Hades pala ang nagkulong sa kanyang anak na si Percy, at kasalukuyan na nakapiit ngayon sa
isa sa mga selda sa ibaba ng bahay ni Hades sa Tartarus. Tumingin si Poseidon kay Zeus at hiniling
kung maari niya bang kausapin ang kanyang anak kahit ngayon sa sandaling ito lang. Pumayag
naman si Zeus, kung kaya’t nagmadaling pumunta si Poseidon sa Tartarus upang sunduin ang
kanyang anak. Pagkadating niya sa bahay ni Hades ay sinalubong siya ni Persephone ang asawa
ni Hades at tinanong ni Poseidon kung nasaan ang kanyang anak. Agad na lumakad si Persephone
at sinundan naman ito ni Poseidon. At doon nga nakita ni Poseidon si Percy kasama ang kanyang
ina. Agad niya itong niyakap ngunit tinulak siya ni Percy papalayo. Nagpakilala si Poseidon sa
kanya at sinabi niyang siya ang kanyang ama. Ngunit isang malamig na balikat ang sumalubong
kay Poseidon. Humingi ng paliwanag si Percy kung bakit siya umalis noon at di na muling bumalik
at kung mahal niya ba talaga silang mag-ina. Sumagot si Poseidon at sinabi niya na mahal na mahal
niya sila at napilitan lang siya na umalis dahil gumawa ng isang batas si Zeus na hindi na maaring
magkaroon ng koneksyon ang mga diyos o diyosa sa mga magiging mortal nilang anak. Dahil sa
tingin ni Zeus ay nakakasagabal na ito sa mga tungkulin ng pagiging isang diyos o diyosa. Kung
kaya’t napilitan si Poseidon na bumalik upang matugunan ang kanyang mga tungkulin. Medyo
nasiyahan si Percy sa sagot ni Poseidon at gamit ang mga perlas ni Persephone ay umalis na siya
kasama ang kanyang ina at ang kanyang tagapagbantay na si Grover at si Annabeth patungo sa
Camp Half Blood. Nagpaalam na si Percy sa kanyang ama pero bago pa man apakan ni Percy ang
perlas ay hinawakan siya ni Poseidon sa balikat at sinabing mahal na mahal niya ang dalawa at
naririto lang raw siya upang gabayan siya, handa siyang tulungan kung siya nangangailangan ng
tulong. At inapakan na nga ni Percy ang perlas at naglaho na sila na parang abo. Bumalik na si
Poseidon sa Mt. Olympus at pagkadating na pagkadating ni Poseidon sa Mt. Olympus ay nagtungo
siya agad kay Zeus upang pag-usapan nila kung ano ang gagawin kay Hades at napagpasiyahan
nila na parusahan ito ng isandaang taong pagkakakulong kasama ang mga titans sa pinakailalim
na parte ng Tartarus. At pagkatapos noon ay nagtungo naman siya kay Hephaestus at pinatignan
ang kanyang salapang. Ngunit sabi ni Hephaestus ay hindi niya ito maayos kung wala ang isa
nitong talim dahil ang salapang raw na iyon ay hindi nya gawa kundi ng mga anak niyang
Telekhines. Ito raw ay gawa sa pinakamatigas at pinakapurong metal sa buong Olympus at sa
kasamaang palad ay patay na ang mga Telekhines na gumawa sa salapang ni Poseidon. Ang
maibibigay na lamang na kapalit ni Hephaestus ay isang ulit na salapang na gawa sa mas mababang
uri ng metal kaysa sa una niyang salapang. Nang walang magawa ay tinanggap na lamang ni
Poseidon ang bagong gawa na salapang ni Hephaestus at bumalik muna sandali sa Atlantis upang
malaman niya kung anong na ang nangyari sa kanyang kaharian. Malungkot itong bumalik at
nagbabakasakali padin na mahanap ang nawawalang talim ng kanyang dating salapang dahil may
sentimental na halaga iyon sa kanya. Kinabukasan, nagkaroon ng pagtitipon sa palasyo ni Zeus sa
Mt. Olympus at inaasahang dumalo lahat ng mga diyos at diyosa. At gaya ng inaasahan ay dumalo
nga lahat ng diyos at diyosa pati narin si Poseidon. Masayang masaya ang lahat ng mga diyos at
diyosa na nag-iinuman at nagkwekwentuhan. Pagkatapos ng pagtitipon ay makikita Poseidon na
pabalik na sa kanyang kwarto sa may Mt. Olympus at mukhang lasing ngunit naisipan niya munang
pumunta muna sa mundo ng mga tao at mas magsaya pa. Sa may dalampasigan, sa ilalim ng dilaw
na buwan ay nakita niya ang isang babae, maputi, matangkad, makinis at may mahabang itim na
buhok. Siya ay si Dorothea Gonzales, nakatayo at dinadama ang bawat simoy ng hangin sa dagat.
Noong gabing iyon, may mga mata’y nagkita tulad ng silverlining sa pagitan ng buwan at ng
karagatan, ang buong mundo’y tumigil, bawat pintig ay nakakagigil, dalawang puso papalapit sa
isa’t isa tila’y wala nang makapipigil at walang salita ang magkapagpapaliwanag kung gaano ka
espesyal ang bawat minutong lumilipas. Sa gabing iyon ay may nalunod sa karagatan gawa ni
Poseidon, para isang patibong na wala nang kawala. Ang dalawa ay nagsaya buong gabi hanggang
sila ay nagsawa sa di inaasahang pagkakataon ay may mayroong nangyari sa kanilang dalawa
noong gabi na iyon. Kinabukasan ay natauhan si Poseidon at umalis nang walang pasabi habang
natutulog si Dorothea. At pagkagising na lamang ni Dorothea ay nagulat ito nang wala na sa tabi
niya ang lalaking kanyang napusuan. Lumipas ang ilang araw at makikita si Dorothea na pagala
gala sa dalampasigan nagbabakasakaling makita ulit ang lalaking kanyang iniibig ngunit,
hanggang ngayon ay hindi parin nagpapakita, sinubukan niyang isigaw ang kanyang ngalan ngunit
walang sumasagot ilang raw na siyang naghahanap ngunit walang nagpapakita kaya’t
pinagpasyahan na niyang itigil ang kahibangan ito at tanggapin na hindi na ulit babalik ang lalaki
na kanyang inibig. Pinagdesisyunan ni Dorothea na hindi na muling tatapak ang kanyang mga paa
sa dalampasigang ito, subalit ng akma na siyang aalis ay may nakita siyang kumikinang na bagay
sa may buhangin, pinuntahan niya ito ay nakita ang isang matulis at makinang na bagay na tila
gawa sa ginto. Pinulot niya ito at inisip na ito ang magiging simbolo ng pagmamahal niya para sa
kanyang pag-ibig na naglaho parang kisapmata, kahit mahirap ay sinubukan niyang umahon sa
karagatang gawa ni Poseidon.
Lumipas ang anim na taon, tuluyan nang nakalimutan ni Dorothea si Poseidon at
nagpatuloy siyang mamuhay. Nagkaroon siya ng asawa na sa kasamaang palad ay namatay ng
maaga at nabiyayaan ng isang malusog na lalaking anak na pinangalangan niyang Reymour
Monteroso. Nahirapang alagaan ni Dorothea si Reymour dahil siya ay magaang nabiyuda at mag-
isa niyang tinaguyod at sinuportahan ang anak. At habang lumalaki ang bata ay kailangan niya
itong ilipat lipat ng eskwelahan sapagkat marami sa mga naging guro ni Reymour ang nagsabi na
siya raw laging wala sa pokus tuwing klase, late tuwing klase at makikita na lamang sa may
pawntayn ng eskwelahan naglalaro ng tubig o kaya naman ay magpagtatawanan dahil para daw
gumagalaw ang mga letra sa libro sa tuwing siya ay nagbabasa. Ipinatingin ni Dorothea si Reymour
sa doctor at sinabi raw na meron raw siyang malubhang karamdaman ng ADHD na nagiging sanhi
kung bakit hindi siya makapagpokus. Kung kaya’t naisipan munang i-homeschooling ni Dorothea
si Reymour hanggang sa siya ay makatuntong ng sekundaryang paaralan. Kinakitaan rin ni
Dorothea ang anak ng angking galing sa paglanggoy at sa murang edad ay kaya niyang makatagal
sa tubig ng hindi nalulunod kahit walang nakatingin, kung kaya’t ang nagiging bonding ng mag-
ina ay ang pagpunta sa may swimming pool at maglanggoy langgoy. Dumaan ang mga panahon
at nakakilala ulit si Dorothea ng isang lalaki na naging asawa niya ulit sa kasawiang palad isa itong
lasenggero ngunit wala paring nagbago sa pamumuhay nila ni Reymour, mag-isa niya pading
itinataguyod ang pamilya. Dumating ang 2019 ng Hunyo, iyon ang unang araw ng klase, sa wakas
ay nagtapos si Reymour sa kanyang junior high at ngayon ay isa nang senior high school student.
Siya ngayon ay nag-aaral sa Binmaley Catholic School at nasa ika-11 na baitang. Pagkapasok na
pagkapasok niya sa may geyt ng eskwelahan ay may biglang umakbay sa kanya. Kinamusta niya
si Reymour at binati siya ng maligayang bati. Isang alaala ang pumasok sa kokote ni Reymour,
naalala niya na malapit na pala siyang maglabinwalng taong gulang sa susunod na apat araw. Siya
ay si Mikhail Yulich Fernandez, ang isa sa mga kaklase ni Reymour noong siya ay nasa
elementarya at ang nakababatang kaibigan ni Reymour. Si Mikhail na siguro ang pinakamalapit
na tao kay Reymour bukod sa kanyang ina at ama. Napagpasiyahan ng dalawa na sabay nilang
titignan ang kanilang magiging seksyon at laging gulat na lamang nila nang sila ay nasa parehong
ika-unang seksyon ng ika-pitong baitang. At sa unang araw ng klase ay napagtawanan na agad si
Reymour dahil nasita siya na wala sa kanyang sarili, nakatingin sa malayo, at natutulala habang
nagbabasa. Dumating ang oras na ng tanghalian ngunit imbes na kumain ay mas pinili ni Reymour
na magtungo sa may pool, kasama niya si Mikhail na inoorasan ang tagal niya sa ilalim ng tubig
nang hindi umaahon. Sinabi niya na kapag nasa ilalim raw siya ng tubig ay nagiging payapa at
kalmado ang kanyang isip. Ilang minuto ang nakalilipas at nasa ilalim parin ng tubig si Reymour,
patuloy siyang inoorasan ni Mikhail at nang di inaasahan ay umahon na sa pool si Reymour.
Manghang mangha si Mikhail ng tinignan niya ang kanyang orasan, hindi siya makapaniwala na
ang kanyang kaibigan ay nakatagal sa ilalim ng tubig nang di humihinga ng halos sampung minuto.
Binigyan niya si Reymour ng tuwalya, at inasar asar kung paano niya nagagawang tumagal. Subalit
pati si Reymour ay hindi rin alam kung paano niya iyon nagagawa. Mayroong na lamang
dalawampung minuto bago ang kanilang susunod na klase at nagpagpasiyahan ng dalawa na
kumain dahil gutom na sila. Pumunta sila sa may canteen ng eskwelahan at bumili ng pagkain.
Habang naroon sila ay napag-usapan ng dalawa kung ano ba ang susunod na klase at nalaman nila
na ang susunod ay ang asignaturang “Griyegong Literatura.” Kriiing! Kriiing! Tumunog na ang
bell iyon na ang hudyat nang umpisa na mga klase sa tanghali. Pumunta na ang bawat estudyante
sa kani kanilang silid-aralan pati narin sina Reymour at Mikhail, at dahil unang araw ng klase ay
nagkaroon ng pagpapakilala. Natapos na lahat ng estyudante sa pagpapakilala at sumunod naman
ang kanilang guro. Siya ay naka-wheelchair, may kayumangging balat at mababang ngunit buong
boses. Nagpapakilala siya bilang G. Chiron na agad naman niyang sinundan ng tanong na kung
meron ba sila paboritong Griyegong diyos o diyosa. Isa-isa ay tumayo ang mga estyudante at
nagbanggit ng kani kanilang mga paboriting Griyegong diyos at diyosa. Isa-isa ding natapos ang
lahat hanggang sa nakarating na kay Reymour. At gaya ng inaasahan ay hindi nakinig si Reymour
noong nagsalita ang guro kung kaya’t kapa kapa siya nung tumayo. Hindi maipinta sa mukha ni G
Chiron ang labis na pagdududa, kumunot ang kanynag noo at tinignan si Reymour ulo hanggang
paa na para bang iniinspeksyon. Tinanong ni Reymour ang tanong at inulit naman ito ni G. Chiron.
Bigla namang napalunok si Reymour dahil ni isang diyos o diyosa ay wala siyang kilala. Hindi na
siya mapakali sapagkat wala siya alam, naisip niyang tumingin kay Mikhail para humingi ng
tulong ngunit tinawanan lang siya nito at sinenyasan na nagsasabing “Kaya mo yan.” Inuulit muli
ni G. Chiron ang tanong at pinagpapawisan na si Reymour ng husto. Hindi siya makatingin sa
kanyang guro dahil sa hiya, sinubukan niyang tumungin sa may paligid at sa wakas ay nakakuha
siya ng ideya. Sa kanyang armchair ay nakabukkas ang libro ng “Griyegong Literatura,” patago
siyang tumingin sa kanyang libro at biglang gumalaw ang mga letra, nang di namalayan ni
Reymour ay nakabuo na pala siya ng isang pangalan, at malakas niyang binasa ito sa buong klase.
“Poseidon.” Ang kanyang kabadong sambit. Tumango lang si G. Chiron at sinabi na maganda ang
kanyang napili. Umupo na si Reymour at pinunasan ang kanyang pawis, humarap siya kay Mikhail
at sinenyasan ito ng “thumbs up,” na nagpakalma kay Reymour. Apat na araw ang madaling
lumipas, katulad ng ibang araw maagang gumigising si Reymour upang pumasok sa eskwelahan.
Ngayon ay papunta na si Reymour sa eskwelahan, katulad ng iba pang araw, ito rin ay isang
karaniwang araw ng pasok, yun ang inisip niya. Sa kanyang daan papuntang eskwelahan, ay bigla
nalang may umakbay sa kanya. Pagkakita niya ay si Mikhail pala, na nanghihingi ng kanyang
libre. Napabuntong hininga na lamang si Reymour, muntik na niyang makalimutan na kaarawan
niya pala ngayon. Napatawa nalang si Mikhail at sinabi na pupunta nalang raw siya sa bahay ni
Reymour dahil nag-imbita ang kanyang nanay. Natapos na ang eskwelahan, pinauwi na ang mga
estyudyante, hinatak na ni Mikhail ang pabagal bagal na Reymour upang sila ay makauwi na at
maipagdiwang ang kaarawan ni Reymour. Sa wakas ay nakarating na sila sa bahay ni Reymour,
at masayang sinalubong si Reymour na kanyang nanay. Pinagluto niya raw ito ng masasarap na
pagkain, naroon din ang lola ni Reymour na masayang makita ang apo at ang kanyang lasinggerong
tatay kasama ang mga kainuman niya. Kinantahan ng lahat si Reymour ng maligayang kaarawan
at lahat ay nagsaya. Habang ang lahat ay nagsasaya, tinawag ni Dorothea ang kanyang anak at
may ibinigay na lalagyan. Binuksan ito ni Reymour at nakita ang isang kwintas, matalim at kulay
ginto. Nanlaki ang mga mata ni Reymour dahil ito ay pareho sa alahas ng kanyang ina at alam
niyang mahalaga ito sa kanya, kung kaya’t hindi niya ito tinanggap, ngunit pinilit parin ng kayang
ina na kunin ito dahil ito raw ang magiging simbolo pagmamahal sa kanya. At dahil hindi na siya
nakatanggi ay tinanggap niya itong ng buong puso at sinabing iingatan niya ito. Kukunin na niya
sana ito upang isuot subalit ng bigla niyang hawakan ang talim ay isang imahe ng lugar at tao ang
kanyang biglaang nakita. Natumba si Reymour at pinagpawisan, agad tumawag ng saklolo ang
kanyang. Balisa at humihinga ng mabigat si Reymour, ang kanyang mga mata ay dilat at puno ng
takot hindi parin makapaniwala sa nakita. Tinatanong ng kanyang ina kung ano ang mangyari
ngunit hindi makapagsalita si Reymour. Dali daling kumuha si Mikhail ng tubig at nang siya ay
sasaklolo na ay nanlaki rin ang kanyang mga mata sa nakitang kwintas at napaatras. Tinignan niya
si Reymour at tila may gulo sa isip ni Mikhail. Sa mukha ni Mikhail ay parang may alam si Mikhail
na hindi alam ng mag-ina. Samantala, sa Mt. Olympus naman ay makikita si Poseidon na nakaupo
sa kanyang trono kasama ang ibang Olympian na diyos at tinatanaw niya ang kanyang buong
kaharian gamit ng isang perlas ng sa hindi inaasahan ay nakaramdam siya ng pagkabalisa at
matinding dagok. Ang kanyang dating salapang na naging ornamento sa kanyang trono ay
naglalabas ng onda. Napatayo si Poseidon at halatang gulat na gulat sa pangyayari. Lahat ng mga
taon na kanyang ginugol upang limutin na hindi na mahahanap ang talim ng kanyang dating
salapang, lahat ito’y napawalang bisa. Hindi ito makapaniwala at dahil sa galit ay hinampas niya
sa lupa ang kanyang bagong salapang na naging dahilang ng lindol. Nagulat ang mga diyos at
diyos pati narin si Zeus at tinanong kung ano ang nangyayari sa kanya. Nang matauhan ay sinabi
niya ang sitwasyon at umalis agad sa Mt. Olympus. Siya nakipagsundo siya sa mga “harpies” na
kalahating ibon at kalahating tao na hanapin kung saan maan lupalop naparoroon ang talim ng
kanyang salapang, binago niya ang mga anyo ng ibang harpies upang sila ay makapaghanap sa
mundo ng mga tao. Pinangako niya sa kanyang sarili na hahanapin niya iyon ano man ang
mangyari at ano man ang kanyang kailangang gawin ay gagawin niya makamtan lang ito ulit.
Samantala, natapos ng maaga ang pagdiriwang ng kaarawan ni Reymour. Pinatulog na ni Dorothea
ang kanyang anak at nagligpit na na pinagkainan. Tinulungan siya ni Mikhail at sinabi kung
maaring ba niyang mahiram muna si Reymour bukas kahit ilang oras dahil may gusto raw siyang
ipakita kay Reymour. Pumayag naman basta’t mag-iingat ang dalwa. Nagbabakasakali si Dorothea
na mawala sa isipan ng kanyang anak ang mga nakita niya kahapon. Kinabukasan ay, maagang
dumating sa kanilang bahay si Mikhail, sakto ay nakabangon narin si Reymour, kakatapos lang
mag-almusal at halatang bagong ligo. Tinanong ni Reymour kung saan ba sila pupunta at tinugon
naman to Mikhail at sinabi na sikreto daw ito at kung gusto niya malaman ay magmadali na siyang
magbihis. At dahil doon ay pumunta na ng kwarto si Reymour at dali daling nagbihis. Nag-aayos
na siya ng gamit ng makita niya ulit ang lalagyan kung saan nakalagay ang kwintas nagdalawang
isip siya kung dadalhin ba niya ito o hindi. Nang napag-isipan niya ng mabuti ay nagpasiya siyang
dalhin ito upang pag-usapan nadin nila ni Mikhail, dahil sa ngayon ay hindi niya pa kayang sabihin
sa kanyang ina kung ano ba ang nakita niya. Nang natapos ng magbihis si Reymour ay nagpaalam
na siya sa kanyang ina at sumama kay Mikhail. At dahil hindi makatiis si Reymour ay tanong siya
ng tanong kay Mikhail kung saan ba sila pupunta, at ang sabi naman ni Mikhail ay sa isang resort
na pagmamay-ari raw ng kanyang pinsan. Matapos ang ilang minutong pagsakay sa jeep ay
narating na nila ang resort na sinasabi ni Mikhail. “Tritonian Springs.” Ang sabi sa logo na
makikita sa harapan ng gusali. Kita sa laki ng gusali na hindi lamang ito isang ordinaryong resort
kundi ay para sa mga mayayaman. Pagpasok nila sa gusali ay sinalubong agad ng isang
tagapagsilbisi si Mikhail at itinuro ang daan. Walang nagawa si Reymour kundi ang sumunod at
habang naglalakad ay tumitingin na siya sa paligid at makikita ang mga pinta na di hamak ay gawa
ng isang magaling na tagapinta. Karamihan sa mga pinta ay mga isda o kaya naman ang diyos na
si Poseidon. Nang nasa dulo na sila ng pasilyo ay nadaan ng mata ni Reymour ang isang pinta na
binigyan siya ng panginginig. Ang pintang iyon ay katulad ng lugar na nakita niya noong
hinawakan niya ang kwintas. Natigil si Reymour sa kanyang paglalakad at tinignan ito mabuti.
“Atlantis.” Ang sabi ni Mikhail, napatingin naman si Reymour sa kanya at pinaulit ang sinabi,
“The Great City of Atlantis.” Ang kanyang ulit. Sinabi ni Mikhail na ito raw ang sinasabing
kaharian ng Griyegong diyos ng karagatan na si Poseidon. Ngumiti na lamang si Mikhail at sinabi
kay Reymour na ipagpatuloy ang paglalakad sapagkat sila ay malapit na. Sa wakas ay nakarating
nadin sila, isang kwarto ang bumungad sa paningin ni Reymour. May karatula ito na “C,” sa harap
ng pintuan. Ibinigay ng tagapagsilbi ang susi kay Mikhail at binuksan niya ang kwarto. Pagbukas
ay makikita kung gaano ka elegante ang buong kwarto. Makikita na ang buong kwarto ay parang
isang dagat dahil sa mga magandang ornamento nito at ang bawat ay disensyo metikulosong
ginawa samantalang sa labas ay makikita ang isang napakalaki at napakalinaw na pool. Bakas sa
mukha ni Reymour ang pagkamangha dahil di niya inaakala na ganto pala ang pamumuhay ng
kanyang matalik na kaibigan. Tinanong ni Reymour kung binibiro niya ba siya ni Mikhail at baka
sa susunod na araw ay sisingilin siya. Natawa na lamang si Mikhail sa sinabi ng kaibigan at tinapik
na lang siya sa kanyang balikat at sinabing regalo na niya raw ito para sa kanyang napatamlay na
kaarawan. “Ahhh ganon ba?” Ang sarkastikong wika ni Reymour. Biglang kinuha niya si Mikhail
sa kanyang damit at kinaladkad patungo sa pool. Ang dalawa ay nagsaya kasama ang ibang mga
bisita at kahit sandali ay nakalimutan ni Reymour ang masamang pangitain. Subalit ang hindi niya
alam ay sa araw na iyon, ay mababago ang lahat ng pananaw niya sa buhay. Tanghaling tapat na
at naiwan ang dalawa sa pool masayang masaya nagkwekwentuhan ang dalawa. Naisip ni Mikhail
na hamunin ang kaibigan na lumusong sa tubig at tumagal ng kahit tatlumpong minuto. Kapag
nagawa niya iyon ay sa susunod na lingo ay ililibre niya ito ng kahit anong gusto niya. At hindi
naman nagpatalo si Reymour. Tinapon niya ang tuwalya niya kay Mikhail at lumusong sa pool.
Sinimulang orasan ni Mikhail si Reymour at nagpakitang gilas pa si Reymour nang kanyang
paglanggoy noong una. Sampung minuto na ang nakalipas at hindi parin umaahon si Reymour,
tila ba’y nililibak niya si Mikhail sa pagme-“meditate” niya sa tubig. Tumawa nalang si Mikhail
at nambiro, tinatanong kung kaya pa ba ni Reymour at paulit ulit niyang sinasambit na aahon na
ang kaibigan. Hindi pinansin noong una ni Mikhail ngunit ngayon ay kitang kita na, hindi siya
makapaniwala sa nakita may namumuong parang bula na nagiging panakip ni Reymour kaya’t
hindi siya nalulunod, sinarili niya muna ito at hindi pinaalam sa kanyang kaibigan. Tiiit! Tiiit! At
ang relo ni Mikhail tumunog na, mukhang lumipas na ang tatlumpong minuto, kaya’t nang Makita
ang sensyas ng kaibigan ay umahon na si Reymour. At pagkaahon ay bigla niyang kinantyawan
ang kaibigan at sinabi na mukhang may manglilibre sa kanya sa susunod na lingo. Ngunit tahimik
lang si Mikhail pero sa kanyang isipan ay nagtatalo ang mga hindi makapaniwalang selula ng
kanyang utak, may isang boses sa kanyang utak na nagtatanong kung kilala niya ba talaga ang
kaibigan. Napuno ang kanyang utak ng pagdududa kaya nagdadalawang isip siya kung aamin ba
ito o hindi. Pero mas piniling itago ito ni Mikhail subalit napansin siya kaagad ni Reymour.
Tinanong ni Reymour kung may problem ba, umiling nalang ito nang hindi tumitingin sa kaibigan.
Kaso nagmatigas si Rymour at kinulit ang kaibigan, at nang napuno na si Mikhail ay pasigaw
niyang sinabi na wala sa kaibigan kita sa mga mata niya ang pagkalito. Nagulat ang Reymour sa
ginawang pagkilos ni Mikhail ngayon niya lang nakita nagalit at seryoso ang pinakamatalik niyang
kaibigan, umatras na si Mikhail ngunit nagpumilit padin si Reymour, hinawakan niya si Mikhail
sa balikat, tinignan niya ito ng direkta sa mata, at sinabing kilala na niya raw siya at alam niya
kung may problem aba o hindi. Tinanggal ni Mikhail ang mga kamay ni Reymour sa balikat niya
at umatras ng konti, tinignan niya rin ng direkta sa mata si Reymour sinabi ang mga salitang, “Sino
ka ba talaga?” Nanlaki ang mga mata ni Reymour, natulala siya sa sinabi ng kaibigan at ang
kanyang isip ay napuno ng mga tanong, Sinabi ni Reymour ang kanyang pangalan at nagpakakilala
ulit, sinabing siya ang kanyang matalik na kaibigan. Ngunit ang utak ni Mikhail ay puno talaga ng
duda at nang hindi natiis ay itinaas niya ang kanyang dalawang kamay, lumiwanag ang kanyang
mga mata at gumawa siya ng dalawang malaking latigo na gawa sa tubig. Nanlaki ang mga mat
ani Reymour sa nakikita, sa isip niya ay sinusubukan niya na gumising sa pag-aakalang isa lamang
itong masamang panaginip. Sinubukan niya na ding sampalin ang sarili ngunit walamng nangyari.
At dahil sa galit at lito pinakawalan ni Mikhail ang dalawang latigong tubig at idinerekta kay
Reymour. Napasigaw nalang si Reymour habang itinakip niya ang dalawa niyang kamay sa
kanyang mukha at sa ‘di inaasahang pangyayari ay tumigil ang dalawang latigong tubig, ginalaw
ni Reymour ang kanyang mga kamay at laking gulat niyang ng sumunod ang tubig sa kumpas ng
kanyang kamay. Nagulat si Mikhail sa ginawa ni Reymour at tila natauhan sa kanyang
nasasiksihan. Lumapit siya kay Reymour na agad namang umatras at tinapik ito sa balikat at
sinabing anak nga talaga siya ni Poseidon. Hindi naniwala si Reymour sa sinabi ng kanyang
kaibigan at sa parehong oras ay hindi din siya makapaniwala na nagawa niyang paamuhin ang
tubig. Tinawag ni Mikhail ang ngalan ni Reymour at binigyan ito ng tuwalya. Mas nagulo ang isip
ni Reymour, ngayon ay kwinestiyon na niya rin ang kanynag pagkatao. Humingi ng paumanhin si
Mikhail at sinabi na may utang siyang paliwanag sa kanya. Inumpisahan niya sa pagpaapkilala sa
sarili. Siya raw ay si Mikhail Yulich Fernandez, anak ni Triton at isang demigod, kalahating tao at
kahalating diyos at pinakita niya ang marka ng mga anak ni Triton na nasa likuran niya. Nabigla
si Reymour at tinanong kung nasa impluwensiya raw ng droga ang kanyang kaibigan. Tinanong
niya si Mikhail kung ang demigod na sinasabi niya ay pareho sa pinag-aralan nila sa eskwelahan.
Tinawanan lang ito ni Mikhail, at nagpatuloy sa pagpapaliwanag. Sinabi niya na ang gusali raw na
ito ay isa sa mga portal papuntang “Camp Half Blood.” At nagsisilbing libangan ng ibang mga
demigods sabay turo sa isang babae maputi na agad namang kumaway sa direksyon nina Mikhail.
Sa campong iyon raw matatagpuan ang mga katulad nilang demigods. Pinatigil niya si Mikhail sa
pagsasalita ng marinig niya na isa din siyang demigod. Kinontra niya ito dahil hindi naman raw
nagkaroon ng koneksyon ang kanyang ina sa kahit anong diyos. Ngunit sumumbat naman si
Mikhail at sinabing hindi iyon maari dahil hindi maaring mapasakamay ng isang mortal ang isa sa
mga pinakamalakas na sandatang nagawa sa Olympus, sabay turo sa kwintas ni Reymour, sinabi
niya na ito raw ay parte ng salapang na sandata ni Poseidon. At bago pa makapagsalita si Reymour
ay inunahan na siya ni Mikhail at sinabing anak siya ni Poseidon, ang diyos ng karagatan at lindol.
Sarkastikong tumawa si Reymour at tumingin si salamin sabay inspeksyon sa buong mukha
hanggang sa kanyang leeg, tinignan niya kung meron ba siya hasang na katulad sa mga isda.
Sinabi ni Mikhail na kahit din siya ay hindi makapaniwala sa kanyang mga sinasabi ngunit ng
makita niya ang kwintas na bigay ng kanyang ina at nang mapaamo niya ang tubig ay nakumbinsi
si Mikhail na siya nga ang anak ni Poseidon. At marahil ang naging dahilan kung bakit hindi siya
makilala bilang isang demigod ay dahil siguro sa kanyang lasing pa sa lasing niyang tatay. At
habang nagpapaliwanag si Mikhail ay biglang….Skreeee! Isang halimaw galling himpapawid ang
inatake si Reymour ay hinablot ang kwintas nito. Agad naman itong inaksyonan ni Mikhail at
inatake gamit ang kanyang latigong tubig. Nabitawan ng halimaw ang kwintas na dali dali namang
kinuha ni Reymour. Agad na tumakas ang halimaw at kinuha ni Mikhail ang kamay ni Reymour
at kumaripas ng takbo papunta sa isang tagong parte ng gusali. Tinanong niya ni Reymour si
Mikhail kung ano ito at sinabing isa raw itong harpy, kalahating ibon at kalahating tao. Nang
makarating sa may tagong parte ng gusali ay binuksan niya ang isang pinto dito ay bumulugta sa
kanilang mga mata ang isang portal na may nakaukit na Half Blood sa dingding. Tinulak ni Mikhail
si Reymour sa portal at sumunod naman ito. Samantala ang nakatakas na harpy at agad naman
bumalik sa Olympus upang mag-ulat nang kanyang nakita. Nang narinig ito ni Poseidon ay nagalit
ito at kinuha sa leeg ang harpy. Pumunta ito sa Tartarus at kinausap ang kapatid na si Hades.
Nakipagsundo ito na mababawasan ang oras ng kanyang pananatili ung ipapahiram niya ang
kanyang mga cerberus. Ngunit si Hades bilang matinik na diyos ay di pumayag at sinabing
ipapahiram niya lamang ang kanyang mga cerberus, kung pakakawalan niya ito. At dahil sabik na
sabik nang makuha ni Poseidon ang talim ay pinakawalan niya si Hades pero binataan niya ito na
kapag nalaman niya na siya ang nagpatago sa talim ng kanyang salapang ay siya na mismo ang
papatay sa kanya. Tumawa nalang si Hades at sumipol. Pagkalipas ng ilang segundo ay dumating
na ang mga cerberus, ni Hades. Sinabi niya kay Hades na utusan niya ang kanyang mga Cerberus
upang hanapin ang mortal na may hawak sa tali at ibinigay ni Poseidon ang harpy na inaamoy ng
mga cerberus at bigla din ginawang pagkain. Samantala, nakarating na sina Reymour at Mikhail
sa Camp Half Blood at hindi makapaniwala si Reymour sa mga nangyari. Agad silang binati ng
isang lalaki na kasingtangkad niya at may mga matang sing-asul ng karagatan katulad ng sakanya.
Nagpakilala siya bilang Percy Jackson, ang anak ni Poseidon at kasama niya ang isang magandang
dilag na may mahabang at magandang dilaw na buhok. Siya ay si Annabeth Chase ang anak ni
Athena. Ipinakilala ni Mikhail si Reymour bilang anak ni Poseidon at laking gulat nang narinig ito
ni Percy. Niyakap niya ito at sinabing “Welcome home, brother.” Windang na windang na ang ulo
ni Reymour ngunit kinakaya niya paring ipasok sa kanyang kokote ang bawat taong nakilala niya
at pangyayaring naganap ngayon araw. At di pa doon natapos ang pagpapakilala, mula sa kawalan
ay may biglang tumapik sa kanyang balikat na ikinagulat ni Reymour nang tinignan niya ito ay
nakita niya ito ang kanyang guro sa “Griyegong Literatura” si G. Chiron. Halos mahimatay si
Reymour sa kanyang dahil ang kanyang gurong naka- wheelchair ay mayroong pambaba ng isang
kabayo. Humingi ng paumanhin si G. Chiron kung kinailangan niyang makita siya ng ganto. Pero
sabi niya ay masasanay din si Reymour, tumawa si G. Chiron at sinabi na noong unang kita palang
niya ay nakukutoban na niya na si Reymour ay isang demigod ngunit hindi niya lang magawa
kumpirmahin. Huminga ng malalim si Reymour at kumurap kurap, sinabi na niya na siya nga
talaga ay isang demigod ngunit tinanong niya kung may koneksyon ba ang kanyang sakit na
ADHD at ang mga lumilipad na letra. Tumawa ang lahat at ito ay sinagot ni Percy. Sinabi niya na
ganyan din siya dati nung nalaman niya ngunit sabi niya ay masasanay din siya, at kung tungkol
sa kanyang ADHD ay dahil ito sa kanyang instincts tuwing naglalaban, hindi siya maaring tumayo
lang sa isang lugar at iyon ang nagiging isa sa mga paraan upang siya ay makasurvive sa isang
laban at tungkol naman sa mga lumlilipad na letra tuwing siuya ay nagbabasa, pinaliwanag ni
Percy na ang kanyang mata ay naka-program para sa Griyegong letra kung kaya’t minsan ay
nakabubuo siya ng mga salita. Inakbayan ni Percy si Reymour at sinabing magkapareho silang
dalawa, at pabirong sinabi na magkapatid nga sila. Ngunit ng sinabi ni Mikhail na nasa kamay ni
Reymour ay isa sa talim ni Poseidon ay nagulat ang lahat at sinabing kailangan niya iyong ibalik
dahil kung hindi at maraming masamang mangyayari sa kanya. Kaya naman ay tinanong ni
Reymour kung saan ang lagusan papuntang sa kanyang ama upang maibali na niya ito subalit hindi
pumayag si G. Chiron dahil alam niyang may nakaabang na panganib sa paligid at wala pang alam
si Reyour sa pakikipaglaban. Maggagabi na kaya’t minabuti munang pagpahingahin ni G. Chiron
si Reymour at bukas na bukas ay tuturuan siya ng mga pangunahing kaalaman sa pakikipaglaban.
Sinama na siya ni Percy sa kanyang cottage dahil sa kanila naman daw iyon dahil pareho silang
anak ni Poseidon. Nakahiga na ang lahat, at mahimbing na natutulog ngunit hindi padin maipikit
ni Reymour ang kanyang mga mata. Hindi parin siya makapaniwala sa mga nangyari at biglang
naisip niya ang kanyang ina na siguradong nag-aalala na sa kanya ngayon. Nang di inaasahan ay
biglang nagsalita si Percy at sinigurado na magiging okay din ang lahat at masasanay rin siya.
Nang hindi niya namalayan ay nakatulog na si Reymour. Kinabukasan, ay maaga siyang ginising
ni Mikhail. At sinabing maghanda na dahil sila ay lalahok sa isang laro na tinatawag nilang
“Capture the Flag.” Binigyan ni Mikhail ng baluti at helmet si Reymour na agad naman niyang
sinuot. Pagkatapos niyang mag-ayos ay pumunta na sila sa lugar kung saan gaganapin ang laro.
Hinati ang mga demigods sa dalawang pangkat, ang puti at ang itim at napabilang si Reymour sa
pangkat ng mga itim. Ang namuno sa puti ay si Annabeth samantalang sa itim naman ay si Percy.
Binigyan ang bawat ng pangkat ng kanilang watawat at sari sariling sandata. Ginood luck ni Percy
si Reymour at sinabing kakayanin niya ito. Nag-umpisa ang laro ng sinabi ni G. Chiron. At nag si
pormasyon ang dalawang pangkat, ang iba ay sumugod sa kabilang pangkat habang ang iba naman
ay pinoprotektahan ang kanilang watawat. At sakto ay may biglang sumugod kay Reymour na
madali naman niyang napatumba, nakita ito Percy at sinabi na hanapin niya ang watawat ng
kalaban. Pero bago umalis si Reymour ay binigyan siya ng paalala ni Percy na kapag nasa peligro
na siya ay lumapit lang siya sa tubig. At nagmadali nang umalis sa lugar nila Percy si Reymour at
hinanap ang watawat ng kabilang kalaban, at sa kanyang pag-iikot ikot at nakita niya ang watawat
ng kabilang pangkat at nakabantay si Annabeth. Sinubukan kunin ni Reymour ang watawat ng
hindi napapansin ngunit napansin siya ni Annabeth. Sinabi ni Annabeth na hindi lang iyon ganun
kadali. Inatake ni Annabeth si Reymour na madali namang nakaiwas. Sinabi niya na hindi niya
kaya na manakit ng babae, ngunit patuloy padin sa pag-atake si Annabeth. Nang wala nang
magawa ay sinugod nadin ni Reymour si Annabeth. Subalit hindi niya natamaan si Annabeth at
bagkus ay natamaan ni Annabeth na ikanasanhi nang pagkasugat ni Reymour sa paa, sunod itong
nasugatan sa may kaliwang braso. Nang aatakihin na sana ito ni Annabeth ay biglang may naipong
tubig sa may harap ni Reymour na nagsilbing sanggalang sa atake ni Annabeth. Ginamit niya rin
ito upang itulak si Annabeth na naging sanhi ng pagkatumba niya. Nang nakakita ng pagkakataon
ay tumakbo ng mabilis si Reymour at agad kinuha ang watawat ng kabilang pangkat. Natapos na
ang laro ng biglang pumito si G. Chiron at nakitang hawak ni Reymour ang watawat, at nagsaya
ang itim na pangkat. Nagkaroon ng isang pagsasalo salo sa campo at dahil sa laro ay biglang
nakilala agad si Reymour. Ngunit naisipan muna niyang mapag-isa upang makatawag sa kanyang
ina. Ngunit bago pa siya maka-dial ng numero ay tumatawag na pala ang kanyang ina. Agad niyang
sinagot ito at ang narinig niya sa kabilang linya ay isang humihinga ng malalim na ina. Dinig sa
kanyang boses ang takot at pananabik na makita ang anak. Humingi ng saklolo ang ina ni Reymour
at biglang naputol ang tawag nang walang nasasabi si Reymour. Agad siyang tumakbo kay Mikhail
at humingi ng tulong. Kasama ni Mikhail si G. Chiron at ikwinento ni Reymour kung ano ang
kanyang nadinig. Nagpaghinalaan ni G. Chiron na pinaghahanap na si Reymour. Napagpasiyahan
ni Reymour na kailangan niyang pumunta sa kanilang bahay sa lalong madaling panahon upang
sagipin ang kanyang ina. Ngunit hindi pumayag si G. Chiron at sinabing hindi ito maari dahil baka
mas malala pang halimaw ang kanyang makaharap, sumang-ayon din si Mikhail tama ang sinasabi
ni G. Chiron. Wala nagawa si Reymour kundi bumalik sa cottage ngunit labag sa kanyang loob
ang desisyon ni G. Chiron kaya naman ay nag-ayos ng kanyang gamit at pagpatak ng alas dose ay
tatakas siya. At alas dose na ng hatinggabi nang tulog na ang lahat ay napagpasiyahan niyang
tumakas sa campo. Ngunit pagkalabas niya ng cottage ay nakita niya sina Mikhail, Percy at
Annabeth na may dalang mga bag. Napa-ikot ang mata at napabuntong hininga si Reymour marahil
ay dahil alam na niya kung ano ang pakay ng tatlo. At dahil gusto niyang makumpirma ay tinanong
niya kung sigurado bang sasama sila sa kanila at sagot nila ay isang masiglang oo. Inaabot sila ng
kinabukasan upang marating ang bahay nila Reymour at pagkabukas nila ng pintuan ay kita agad
ang gulo na parang may ipo ipong sumalanta sa bahay nila Reymour. Makikita din ang bakas ng
mga kalmot sa sahig at dingding. Tinignan ito ni Percy at napag-alaman na isang cerberus ang
sumalakay sa bahay ni Reymour. Hindi makalma ang isip ni Reymour hinanap hanap niya sa buong
bahay ang kanyang ina ngunit hindi niya makita. Napahagulgol na lamang si Reymour at sinisisi
ang kanynag pagiging demigod. Sinubukan na patahanin ni Mikhail si Reymour at sinabing
hahanapin niya ang kanyang nanay. Natigil si Reymour sa pag-iyak at tumayo, kita sa kanyang
mga mata ang namumuong galit at poot. Tinanong niya si Percy kung mayroon ba siyang alam na
paraan upang makapunta sa Atlantis dahil ibabalik niya na raw ang sa kanyang ama ang kwintas
na suot suot ni Reymour. Tumango si Percy at sinabi na may alam siyang lagusan na matatagpuan
sa Binmaley Beach, pero sinabi niya na hindi dapat siya doon naghahanap kung hindi ay sa Mt.
Olympus dahil doon laging namamalagi ang kanilang ama. At nagtungo nga ang apat sa may ika-
11 na baitang ng Binmaley Catholic School, sinabi ni Percy na may sikretong lagusan rito na
papuntang Olympus ngunit sinigurado muna ni Percy kung sigurado ba si Reymour sa gagawin
niyang pagbulabog sa Olympus dahil maari siyang patayin ng kanilang ama. Sinabi ni Percy na
kahit ama nila si Poseidon ay hindi siya nagpapakita ng awa lalo na kapag galit. Ngunit desidido
si Reymour na pumunta sa Mt. Olympus dahil sa tingin niya ay maibabalik niya ang kanyang ina
sa ganoong paraan. Nang sigurado na ay nagtungo sila sa kwarto ng may STEM-WISDOM sa
pinto, napangiti na lang si Annabeth ng nakita niya ito. At sa may blackboard ay may ginawang
incantasyon si Percy at biglang nahati ang blackboard at lumitaw ang isang mala-elevator na may
disensyo ng ginto. Pumasok ang apat sa elevator at habang papataas ito ay nagdasal si Reymour n
asana ay nasa mabuting kalagayan ang kanyang ina. Hinawakan niya ang kwintas at tinanggal ito
sa kanyang leeg. Tumigil na sa paggalaw ang elevator at nakarating na sila sa Mt. Olympus at
tanaw na ng apat ng Parthenon na kung nasaan ang mga diyos. Papalakad na sila ng may biglang
may umatakeng mga harpies. Napilitan silang lumaban ngunit hindi na kayang mag-aksaya ng
panahon si Reymour at dahil sa galit ay nakagawa siya ng isang malaking bola ng tubig na ibinato
niya sa mga harpies na ikinamatay naman ng mga harpies. Dahil sa ginawang pagkilos ni Reymour
na iyon ay nabulabog ang buong Mt. Olympus at naramdaman iyon ni Poseidon at ng ibang diyos
at diyosa na naging sanhi lumabas ang mga diyos at diyosa sa Parthenon. At doon ay nakita nila
ang isang galit na galit na lalaki na hinahanap at sinisigaw ang pangalan ni Poseidon. Lumabas si
Poseidon at hinarap ang nagwawalang lalaki, tumawa siya at sinabi na sa wakas ay nakita niya na
din ang magnanakaw ng kanyang salapang. Galit na tinanong ni Reymour kung siya ba si Poseidon
at agad niya itong sinugod. Gumawa ng isang barrier gamit ng tubig si Poseidon kung kaya’t di
nakalapit si Reymour at bigla niyang inilabas ang isang babae na nakakulong sa loob ng isang
hawlang tubig. Nang di makatiis ay gumawa nang malaking bola ng tubig na mas malaki noong
una na ikinagulat ni Poseidon. Pinigilan siya ni Percy ngunit di nakinig si Reymour. Mas lalong
nagalit si Poseidon dahil nakita niya na kayang gumamit ni Reymour ng tubig na may katumpakan
at kalakasan, hindi niya matanggap na nagkaroon siya ng anak sa babaeng iyon. Nang marinig ito
ay mas nagalit si Reymour. “Hyaaah!” Ibinato ni Reymour ang bolang tubig kay Poseidon ngunit
wala man lang epekto. Inilabas ni Poseidon ang kanyang salapang at akmang papatayin si Reymour
ngunit humarang si Percy sa harap ni Reymour. Pinatigil niya ang dalawa at sinabi na maaring
itong maresolba ng maayos. Humarap si Percy sa kanyang ama at sinabi na kung maari ay
tanggapin niya din si Reymour dahil sa gusto man niya o hindi ay anak niya padin ito, ipinaliwanag
niya din kung papaano nakuha ni Reymour ang talim ng kanyang salapang. Kinuha ni Percy kay
Reymour ang kwintas at ibinigay kay Poseidon. Pinakawalan ni Poseidon si Dorothea at sinalo ni
Reymour. Agad na ginamitan ni Reymour ng kapangyarihan ang kanyang ina upang palabasin ang
tubig. Nakahinga ang kanyang ina at niyakap ito ni Reymour ng mahigpit. Bumalik na si Poseidon
sa loob ng Parthenon nang wala man lang sinasabing salita.
Bumalik na sa dati ang lahat. Naayos na ang dating salapang ni Poseidon at ‘di na muling
ginambala sina Reymour. Kahit na labag sa kanya ay binigyan na niya si Reymour ng kanyang
basbas at tinanggap na niya ito bilang anak. Bumalik na sina Reymour kasama ang kanyang ina sa
mundong tao at nagdesisyon na lumipat kung saan mas malapit sa “Camp Half Blood.” Namuhay
ng masaya at payapa ang lahat. At simula noon ay nagbago na ang buhay ni Reymour, tinanggap
na niya ng buo ang kanyang pagiging demigod at nakisalamuha sa iba ring demigods.
--WAKAS—
Hango sa: “The Lightning Thief”
ni Rick Riordan

You might also like