You are on page 1of 2

Filipino

Baitang 10 • Yunit 1: Mitolohiyang Mediterranean

Ang Kahon ni Pandora

Sa tulong ni Hephaestus, nilalang ni Zeus mula sa tubig at luwad ang kauna-unahang babae
sa mundo. Binigyan ito ng kagandahan ni Aphrodite, binigyan din ng pagkahilig sa musika
ni Apollo. Binigyan din siya ni Hermes ng kakayahan para sa pagtatalumpati, at binihisan
siya ni Athena. Naging magandang babae ang kanilang nilalang. Ipinagmamalaki ng mga
diyos at diyosa ang kanilang nilikha kaya pinangalanan nila itong Pandora na
nangangahulugang “alaala ng mga diyos at diyosa.” Hinandogan naman siya ni Zeus ng
isang munting kahon na may magandang disenyo at masining na pagkakaukit. May kasama
rin itong gintong susi. Ibinilin nito na kailangang lagi niyang nasa tabi ang kahon at hindi
dapat ito mabuksan.

Pinapunta ni Zeus si Pandora sa daigdig upang ihandog kay Epimetheus. Ngunit nagbabala
ang kapatid nitong si Promotheus na huwag tanggapin ang handog. Naniniwala siyang
gusto lamang makaganti ni Zeus sa pagkuha niya ng apoy mula sa isang panday para
ipagkaloob sa mga tao. Bagaman, nagbitiw na ng kaparusahan si Zeus sa mga tao na hindi
na mabibigyan ang mga ito ng apoy, batid ni Promotheus na hindi pa rin ito sapat para kay
Zeus. Ngunit nabighani na sa kagandahan ni Pandora si Epimetheus at nagdesisyong
pakasalan na ito. Kaya wala nang nagawa pa si Promotheus.

Naging mabuting asawa si Pandora at naging abala lamang sa pag-aasikaso sa kaniyang


asawa. Siya ang naglilinis ng bahay, nagluluto ng masasarap na pagkain, mahusay na
naghahabi, at naging masunurin sa bawat ninanais ng kaniyang asawa.

Binantayang maigi ni Pandora ang kahon na handog sa kaniya ni Zeus. Hindi ito nawawaglit
sa kaniyang paningin. Lagi niyang tinatandaan ang bilin sa kaniya na huwag itong
bubuksan. Nilalabanan niya nang maigi ang tukso na hindi ito buksan. Ngunit, dumating
ang oras na hindi niya ito malabanan at binuksan niya ang kahon gamit ang kaniyang
gintong susi. Iniangat niya ito nang kaunti upang masilip kung ano ang nilalaman nito.
Filipino

Baitang 10 • Yunit 1: Mitolohiyang Mediterranean


Inasahan niyang may makikita siyang ginto o kayamanan sa kahon ngunit nadismaya siya
na wala siyang natagpuan dito.

Sa isang iglap, biglang napuno ng munting mga kulisap at insekto ang kaniyang silid. Gulat
na gulat si Pandora sa nangyari. Kinagat siya ng ibang mga kulisap kaya agad niyang isinara
ang munting kahon. Mabilis namang lumabas ng bahay ang mga kulisap at mga insekto.
Nakaramdam ng sakit at hapdi si Pandora sa kagat ng mga kulisap. Naitanong na lamang
niya sa kaniyang sarili kung ano nga ba ang kaniyang nagawa.

Hindi alam ni Pandora na ang mga lumabas sa munting kahon ay ang sakit, kalupitan,
kapalaluan, kalungkutan, kamatayan, at iba pang miserableng karanasan na mangyayari sa
sangkatauhan.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay naglipana na ang kapahamakan sa daigdig. Buti na


lang may natirang bagay sa kahon, at ito ay ang pag-asa. Kung nawala ang pag-asa mas
magiging malupit sana ang daigdig.

Sagutin Natin
Sagutin ang sumusunod na mga tanong:
1. Sino ang kauna-unahang babaeng nilikha ng mga diyos at diyosa ayon sa mito ng
mga Griyego?
2. Ano ang bagay na ibinigay ni Zeus sa kanilang nilalang?
3. Ano ang bagay na nilabag ng nilalang na babae na siyang nagdulot ng kaguluhan sa
daigdig?

You might also like