You are on page 1of 2

Manuel Roxas

Anak nila Gerardo Roxas Senior at Rosario Acuña. Isinilang noong unang araw ng
Enero, 1892 sa lalawigan ng Capiz. Bago maging Pangulo, maraming posisyon sa
gobyerno ang kanyang pinagdaanan. Nagsimula ang kanyang pagsisilbi bilang halal
na Konsehal ng Capiz. Matapos nito ay naging pinakabatang gobernador naman ng
kanyang probinsya.Napabilang din si Roxas sa mababang kapulungan ng Kongreso
kung saan sa loob ng 12 sunod-sunod na taon ay nagsilbi siya bilang Speaker of the
House. Bukod sa mga iyan, naging miyembro rin si Roxas ng Constitutional
Convention, Secretary of Finance, tagapangulo ng National Economic Council at
National Development Company, Brigadier General ng United States Army Forces in
the Far East, Guerilla Leader at Military Leader ng Philippine Commonwealth Army.
Naihalal din siya bilang senador ng bansa kung saan siya ang napiling maging
tagapangulo ng Senado. Nang sumunod na taon, bago ganapin ang halalang
pampanguluhan, tumiwalag si Roxas at ang ilan niyang mga kaibigan sa Nacionalista
Party upang buoin ang Partido Liberal. Si Roxas ang naging kandidato ng partidong
ito para sa pagka-pangulo. Nakalaban niya sa halalang iyon si Pangulong Sergio
Osmeña na tumatakbo para sa kanyang ikalawang termino. Nanalo si Roxas nang
makakuha siya ng 54% ng kabuuang boto. Nanumpa siya bilang Pangulo noong ika-
28 ng Mayo, taong 1946. Ilang buwan matapos ang pag-umpisa ng kanyang termino,
naiproklama ang Kasarinlan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos. Ito ang dahilan
kung bakit si Roxas ay tinaguriang huling pangulo ng Commonwealth at unang
pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas. Lugmok sa problema ang bansa sa pag-
uumpisa ng kanyang panunungkulan. Matindi ang tinamong pinsala ng bansa sa
giyera. Sa pamamagitan ng ayuda mula sa United Nations at pag-utang sa Estados
Unidos, nasimulan agad ang mga proyekto para sa muling pagsasaayos ng mga
nasirang istraktura tulad ng mga kalsada at paaralan. Sa admnistrasyon din ni Roxas
nagbuo ang konsepto ng pagtatatag ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang
mapayabong ang ekonomiya ng bansa. Dagdag pa r’yan, tinutukan din ni Roxas ang
Sektor ng Agrikultura. Ipinroklama niyang gawing epektibo sa buong bansa ang Rice
Share Tenancy Act of 1933, na sinusugan ng Republic Act 1946 o ang Tenant Act.
Ipinagkaloob din ni Roxas ang amnestiya sa lahat ng mga kinasuhan at sinasabing
nakipagsabwatan sa mga Hapon, kabilang na si dating Pangulong Jose P. Laurel. Ang
desisyong ito ni Pangulong Roxas ay nagbunga ng muling pagkakaisa ng mga
Pilipino. Bagama’t pagbangon ang naging tema ng bawat pagkilos ng
Administrasyong Roxas, binalot naman ito ng mga kontrobersiya. Kabilang dito ang
kurapsyon sa kanyang pamahalaan at ang pang-aabuso ng militar sa kanayunan na
nagpaigting muli sa kilusang makakaliwa – ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon o
HUKBALAHAP, na pinamumunuan ng kanilang supremong si Luis Taruc. Sa
kasaysayan, ang dalawang problemang ito ang naging mantsa sa magandang
pamamalakad sa kanyang gobyerno. Hindi natapos ni Pangulong Roxas ang kanyang
termino. Noong ika-15 ng Abril 1948, matapos ang kaniyang talumpati sa Clark Field,
Pampanga, inatake sa puso si Roxas at namatay sa araw ding iyon. Manuel Roxas, ang
Ikalimang Pangulo ng Pilipinas.

You might also like