You are on page 1of 1

EDITORYAL - Bansa, malulunod sa plastic na basura

(Pilipino Star Ngayon) - August 4, 2019 - 12:00am

MARAMI na namang plastic na basura ang isinuka ng Manila Bay at namulaklak sa kahabaan ng
Roxas Boulevard. Daang truck na naman ng basurang plastic ang hahakutin at tila wala nang
katapusan ang paulit-ulit na pagluluwa ng basura mula sa nagngangalit na Manila Bay. Kailan
matatapos ang pagtatapon ng mga single-use plastic. Hindi lang tao ang napipinsala sa
basurang plastic kundi pati mga isda.

Parami nang parami ang gumagamit ng plastic at wala namang nakakaisip ng paraan kung
paano lilimitahan ang paggamit nito. Okey sana ang gamit na plastic subalit ang hindi okey ay
ang mga iresponsableng gumagamit nito. Karamihan ay tapon na lang nang tapon pagkatapos
gamitin. Hahantong ang basura sa estero o kanal, tatangayin sa dagat at doon na nagsisimula
ang maraming problema.

Ang mga plastic ay kakainin ng mga isda kabilang ang balyena. Ngayong taon na ito, ilang
balyena na ang sumadsad sa mga dalampasigan at namatay. Nang suriin kung ano ang
ikinamatay ng mga ito, napag-alaman na dahil sa mga nakaing plastic na basura.

Noong nakaraang linggo, isang sperm whale na naman ang natagpuang patay sa dalampasigan
sa Davao City. Ang balyena na tumitimbang ng 200 kilos. Nang biyakin ang tiyan, natagpuan sa
bituka nito ang nylon rope at mga pira-pirasong plastic cups. Ang mga iyon ang nagbara sa
bituka na hinihinalang dahilan ng pagkamatay ng balyena.

Noong nakaraang Marso 15, isang balyena rin ang natagpuang patay sa Mabini, Compostela
Valley. Nang suriin kung ano ang dahilan ng pagkamatay, napag-alaman na dahil sa mga kinaing
plastic ng basura na tumitimbang ng 40 kilos. Nakita ang16 na empty bags ng bigas, 4 na
banana plantation style bags, at iba’t ibang plastic shopping bags.

Ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansa sa Asia na maraming plastic na basura. Nangunguna ang
China at pumapangalawa ang Indonesia.

Sa Bangkok, Thailand ipinatutupad na ang pagbabawal sa paggamit ng plastic bilang lalagyan ng


mga gulay at iba pang grocery items. Sa halip na plastic, dahon ng saging ang ginagamit doon.
Kailangan ang isang batas na naglilimita sa paggamit ng plastic. Likhain sana ito ngayong 18th
Congress. Dapat mabawasan ang mga plastic para mailigtas ang bansa sa pagkasira at ganundin
sa pagkamatay ng mga isda kabilang na ang balyena.

Read more at https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/opinyon/2019/08/04/1940379/editoryal-bansa-


malulunod-sa-plastic-na-basura#1Umx8uyFkofcmVqP.99

You might also like