You are on page 1of 1

Ang Sapatero at ang mga Duwende

May isang sapatero na ubod ng hirap at may materyales lang para sa isang pares na sapatos.
Isang gabi ginupit na niya at inihanda ang mga materyales para gawin sa umaga ang
sapatos.Anong laking gulat niya nang magisnan niya kinaumagahan na yari na ang mga sapatos
at kay husay pa ng pagkakagawa! Madaling naipagbili niya ang sapatos at nakabili siya ng
materyales para sa dalawang pares.

Inihanda na uli ang mga gagamitin para sa kinabukasan. Paggising niya sa umaga nakita uli na
yari na ang dalawang pares na sapatos.Naipagbili niyang madali ang mga sapatos at bumili
naman siya uli ng mga gamit para sa apat na pares. Inihanda niya uli ito sa mesa para magawa sa
umaga.
Ganoon na naman ang nangyari, na tila may tumutulong sa kanya sa paggawa ng mga sapatos.
Kinalaunan, sa tulong ng mahiwagang mga sapaterong panggabi, gumaling ang buhay ng
sapatero.
“Sino kaya ang mabait na tumutulong sa akin,” tanong niya sa asawa. “Sino nga kaya? Gusto
mo, huwag tayong matulog mamaya at tingnan natin kung sino nga siya?” alok ng babae.Ganoon
nga ang ginawa ng mag-asawa kinagabihan.

Nagkubli sila sa likod ng makapal na kurtina para makita kung ano nga ang nangyayari sa gabi.
Nang tumugtog ang alas dose, biglang pumasok sa bintana ang dalawang kalbong
duwende.Tuloy-tuloy ito sa mesa at sinimulan agad ang pagtatrabaho. Pakanta-kanta pa at
pasayaw-sayaw pa na parang tuwang-tuwa sila sa paggawa. Madali nilang natapos ang mga
sapatos at mabilis din silang tumalon sa bintana.

“Mga duwende pala!” sabi ng babae. “Kay babait nila, ano?”“Oo nga. Paano kaya natin sila
pasasalamatan? Ayaw yata nilang magpakita sa tao.”“Hayaan mo.

Itatahi ko sila ng mga pantalon at baro at iiwan na lang natin sa mesa sa gabi.” Dalawang pares
na maliliit na pantalon at dalawang pang-itaas ang tinahi ng babae para sa mga matutulunging
duwende. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli uli sila sa likod ng kurtina.

Tuwang-tuwa ang maliliit na sapatero nang makita ang mga damit dahil nahulaan nilang para sa
kanila iyon. Isinuot nila ang mga ito at sumayaw-sayaw sa galak.
Pagkatapos nilang magawa ang mga sapatos na handang gawin, mabilis silang tumalon sa
bintana na suot ang mga bagong damit.Buhat noon hindi na bumalik ang dalawang duwende
ngunit nagpatuloy naman ang swerte sa buhay ng mag-asawa na marunong gumanti sa utang na
loob.

You might also like