You are on page 1of 3

Ville St.

John Academy
Maharlika Ave., Phase V, Marcelo Green Village, P’que City, 1700

Filipino 103
Repleksyong Papel:
Ang Talumpati ni Greta Thunberg sa
UN Climate Action Summit

Isinumite ni: Ma. Sophia P. Pobocan


Isinumite kay: G. John Peter G. Marcoleta
Ikalabindalawang baitang- STEM
Ika-1 ng Oktubre 2019
Moderno at progresibo. Ito ang dalawang salitang naglalarawan sa mundo natin
ngayon. Madaming teknolohiya at imbensyon ang nabubuo sa iba’t-ibang sulok ng mundo
na ang layunin ay mapabuti at paunlarin ang mundo. Ngunit, hindi naiisip ng karamihan
na sa pagbilis ng pagkaunlad ng mundo ay siyang pumapatay rin sa ating tahanan.
Makasariling hangarin at kasibaan sa yaman ang tunay na humihimok sa mga tao na
isantabi ang kalagayan ng kalikasan sapagkat sa mundong mabilis ang takbo kailangan
makasabay ang mga tao upang mabuhay, dahil wala na ang pagtutulungan at tanging
pangsariling kaunlaran lamang iniintindi ng tao sa paraan ng negosyo at politika.

Sa talumpati ni Greta Thunberg napagtanto ko na ako at ang mga kapwa kabataan


ko ang napipilit na humanap ng solusyon upang patagalin pa ang buhay ng daigdig. Ang
mga hangarin ng mga politiko na iangat ang kanilang ekonomiya sa maling paraan ang
wawasak sa mga kagubatan sa buong mundo at papatay sa mga hayop na tumitira dito
ng payapa tulad ng pagkasunog ng Amazon Forest at mga kagubatan sa Indonesia. Hindi
masamang magasam na paangatin ang ekonomiya ng kanilang bansa ngunit kung ang
daang tatahakin upang ito’y makamit ay makakasira sa ating Inang Kalikasan mas mabuti
pang ‘wag nalang ituloy at humanap ng ibang paraan upang ito ay magawa. Dati pa
lamang ay may mga isyu na tungkol sa mga pagawaan at mga kompanyang lumalabag
sa batas pangkapaligiran subalit kapag ito’y napaguusapan ay wala lang sa gobyerno.
Walang kumikilos para protektahan ang kapaligiran. Kailan ba gagawan ng paraan ang
pagkasira ng kalikasan? Kapag di na tayo makakain? Kapag ang baha’y halos maging
tumaas na alon ng tsunami? Nasa huli ang pagsisisi. Naiisip ko bakit mga kabataan
lamang ang inaasahang gumawa at maghanap ng solusyon para sa nasisirang kalikasan.
Bakit kabataan lang? Hindi ba’t ang mga politiko at negosyante ang nangangako ng
pagbabago. Kaming mga kabataan ang nagdudusa sa mga resulta ng pagkagahaman
ng mga kompanya sa pera.

Ang tanging umuusbong sa mga tao ngayon ay ang pagkahumaling sa yaman.


Gagawin nila ang lahat para lang yumaman. Ito na ang mundo ngayon. Isinasantabi ng
mga tao, ng mga politiko, at ng mga negosyante ang mga senyas na ang mundo’y
namamatay na at ngayon na nahahalata na ang sakit ng mundo na’tin ipinapasa sa mga
kabataan ang responsibilidad na ayusin ito. Masakit para sa aming kabataan na mawalan
ng pag-asa na magkaroon ng mahabang buhay dahil ano pang ang titirahan namin at ng
mga susunod na henerasyon kung wala na kaming titirahan. Ito ang hinanakit naming
mga kabataan ngayon. Kami ang inaasahan na humanap ng solusyon sa problemang
ang may mga sapat na gulang ang nagsimula. Inaasahan nila ng kaming kabataan ang
magbibigay at lumikha ng teknolohiya na magiging solusyon sa problemang magdudulot
ng mass extinction.
Ngayon, labingwalong buwan nalang ang binibigay sa atin ng mga scientists para
masolusyunan ang sira na mula pa sa mga nakaraang dekada. Hindi ba’t ang daya at
hindi patas na sa henerasyon naming mapupunta ang mga resulta ng kapabayaan ng
ibang henerasyon? Kami na gusto lamang na makaranas at makalanghap ng sariwang
hangin ay kailangan lumikha muna ng imbensyon para sa ikasasaayos ng kalikasan para
lang maramdaman at maranasan ang paglanghap ng sariwang hangin. Kami na gusto
lamang mapahalagahan ang kalikasan, makapagsulat ng mga tula tungkol sa mga
punong natatanaw naming sa aming mga bintana o di kaya habang nasa sasakyan, kami
ang maghihirap dahil sa maagang pagkamulat sa problema ng mundo. Kaya naiintindihan
ko si Greta Thunberg. Ang sakit na ikaw ang asahan iligtas ang mundo kapag ikaw ay
bata palang na dapat ang pinoproblema ay paano makikipagbati sa kaibigan n’yang
nakaaway dahil hindi siya piniling partner sa isang asignatura. Ito ang problemang
kakagisnan ng mga bata at kabataan: ang pagkamatay ng mundo.

Ngunit, salamat sa tapang at lakas ng aking kapwa kabataan tulad ni Greta na


siyang minumulat ang mata ng bawat tao sa katotohanang hindi lamang sa mga
negosyante at politiko natin dapat isisi ang pagkasira ng mundo kun’di tayo din na may
kontribusyon dito. Ngayong alam na natin ang katiwalian sa paligid natin oras na para
tayo ang kumilos. Sino pa ba ang liligtas sa mundo kun’di tayong mga nakatira dito.
Nakikita na natin ang mali, ngayon itama na natin. Kung hindi kikilos ang mga mas
nakakatanda, tayo nalang ang huling pag-asa ng mga susunod na henerasyon upang
magbigay ng solusyon. At ito’y simulan natin sa ating mga sarili. Gawin nating pangarap
ang magkaroon ng sariwa at natural na hangin sa ating paligid. Tulungan natin ang ating
mga sarili at sa ang susunod pa na henerasyon. Ang pagbabago ay dapat simulan natin
sa ating mga sariling bahay bago ang buong mundo.

You might also like