You are on page 1of 27

Kabanata 1: Isang Pagtitipon

Narrator: Alamin ninyo ang kuwento ng mga taga-San Diego; maraming malungkot, masungit, marami rin ang
nagsasaya, parang walang problema, o di kaya’y nagkukunwaring walang probema.
Sa Kalye Anloague ng Binundok, sa isang malaking bahay, nakatira si Don Santigo de los Santos, na higit na
kilala bilang Kapitan Tiago. Kilala siya sa buong bayan dahil sa kanyang kayamanan, lalo’t higit sa kanyang
kabaitan. Isang gabi sa kanyang tahanan…
[Makikita si Tiya Isabel na nag-aabot ng sigarilyo at hitso sa mga dayuhang babae. Narinig ni Tiya Isabel na
tila may nabasag na pinggan at mabilis nyang nakapagsalita ng…]

Tiya Isabel: Hesusmaryosep! Maghintay lang kayo mga bulagsak!


Panauhin 1: Napakalaking handaan nito! ano sa tingin mo?
Panauhin 2: Naturalmente! Si Don Santiago ay napakayaman. Hindi na niya aalalahanin ang gumasta ng
labis.
Narrator: Nahahati ang bulwagan ng bahay sa dalawa. sa isang banda, naroon ang mga kalalakihan at
kababaihan. Nagkakasayahan sila habang nagpapalitan ng mga kuro-kuro at biruan. Sa isang banda ay
makikita sina Padre Damaso, ang dating kura ng San Diego, si Padre Sibyla na kura ng Binundok, si Ginoong
Laruja, at si Tinyente Guevarra. Kumpara sa mas maraming mga nasa kabilang banda, mas maingay pa ang
usapan ng apat na nabanggit. Pinakamaingay sa kanila si Padre Damaso.
P. Damaso: Tshh…Nakayayamot ang bansang ito! Halatang iba ang pamamahala dito kumpara sa
pamamahala sa Madrid! Ang masama pa, puro mga Indio ang nakatira! Ayoko talaga sa mga Indio!
Dalawampung taon akong nagsilbi at nagtiis sa pagdidildil ng kanin at saging sa bayan ng San Diego bilang
Kura Paroko. Ngunit nang umalis ako ay iilang matatanda at hermanos terceros lamang ang naghatid sa akin!
Mga walang utang na loob.
G. Laruja: Magdahan-dahan kayo Padre Damaso, pagkat nasa ilalim tayo ng bubong ng isang Indio!
P. Sibyla: Tama siya, Reverencia. Baka magdamdam si Kapitan Tiago.
P. Damaso: Hmp! Huwag kayong mag-alala. Matagal nang hindi itinuturing ni Tiago ang sarili niya bilang
Indio. Malayong-malayo na siya sa ganoong mga walang galang na tao.
G. Laruja: Sigurado naman hong hindi naman kasing-saklap ng nangyari sa inyo ang sa amin.
P. Damaso: Naku! Sigurado akong nagsayang ka lamang ng pera sa pagpunta rito. Wala kang ibang kakainin
kundi tinola sa mga handaan at matutulog na hindi nasisiyahan.

Kabanata 2: Si Crisostomo Ibarra


Narrator: Natigilan ang lahat nang biglang dumating ang maybahay, si Kapitan Tiago, kasama ang isang
mukhang galing sa mahabang paglalakbay.

Kapitan Tiago: Mga ginoo, ikinalulugod kong ipakilala ang anak ng aking nasirang kaibigang si Don Rafael.
Tinyente Guevarra: (bubulong kay G. Laruja) Sino kaya ang bisitang kasama ni Don Santiago?
Kapitan Tiago: Siya ay si Juan Crisostomo Ibarra. Galing siya ng Europa. Sinundo ko siya mula sa kanyang
paglalakbay.
Ibarra: ikinalulugod ko po kayong lahat na makiklala. Aba, Padre Damaso, ang kura ng San Diego.
ikinagagalak ko pong makitang muli ang isang matalik na kaibigan ng aking ama. (waring makikipagkamay)
Uhh, mukhang nagkakamali ako. Patawad ho, Reverencia.
P. Damaso: Hindi ka nagkakamali, hijo. Ngunit hindi ko kailanman naging matalik na kaibigan ang iyong ama.
T. Guevarra: Kung gayon ay ikaw pala ang anak ng nasirang si Don Rafael Ibarra.
Ibarra: (yuyukod upang magpakita ng pagsang-ayon)
T. Guevarra: Nawa’y ang kasiyahang napagkait sa iyong ama ay mapasayo.
Ibarra: Gracias, señor.
T. Guevarra: Isang mabait na tao ang iyong ama. Nakilala ko at malimit kong makasama ang inyong ama at
masasabi kong isa siya sa mga kagalang-galang at matapat na mamamayan ng Pilipinas.
Ibarra: Maraming salamat po. Pinawi ng mga papuri ninyo sa aking ama ang mga duda ko tungkol sa nangyari
sa kanya, gayong ako na kanyang anak ay walang kaalam-alam.

Narrator: Pagkaraan ay makikita si Ibarra na nakikipagkilala sa mga kalalakihan at kababaihan sa kabilang


banda ng bulwagan.
Ibarra: Marapatin ninyong gayahin ko ang tradisyon sa Alemanya na pagpapakilala ng bisita kung wala siyang
kakilala. ikinagagalak ko kayong makilala, ako si Juan Crisostomo Ibarra.
Kalalakihan: Ikinagagalak ka naming makilala, Crisostomo Ibarra.
Ibarra: (ngingiti at matatawa) Kahit na magaganda ang mga taga-Europa ay wala pa ring tatalo sa ganda ng
mga kababaihan sa ating bansa.
Babae 1: Sus! Kasinungalingan.
Babae 2: Marahil ay dala mo rin iyang iyong tinuran mula sa ibang bansa.
(tatawa ang mga kababaihan habang naukas ang mga pamaypay)

Kabanata 3: Ang Hapunan


Narrator: Natigilan uli ang lahat nang may ipinahayag si Kapitan Tiago…

Kapitan Tiago: Mga mahal kong panauhin, halina’t pumunta tayo sa hapag. Handa na ang hapunan!

Narrator: Masayang nagsipuntahan sa hapag ang mga panauhin. Nag-alukan pa ng silya ang dalawang kura,
kahit na parehas nilang gustong umupo sa kaliwang kabisera ng mesa. Sa huli ay naupo rin si Padre Sibyla sa
silya na ikinaama rin ng loob ni Padre Damaso. Naupo na lamang siya sa tabi ng pari. Tinola ang ipinahanda
ni Kapitan Tiago, gaya ng inaasahan. Nagpasahan na ng ulam. Ang mas masaklap, puro leeg at pakpak ang
natira kay Padre Damaso habang sa iba ay puro hita. Dahil sa sobrang inis ay humigop na lamang siya ng
sabaw at dinurog ang papaya ng may malakas na tunog mula sa pinggan, at saka padabog na ibinagsak ang
kubyertos sa tabi ng pinggan. Nang malapit nang matapos ang hapunan ay nagsalita si Ginoong Laruja…

G. Laruja: Ilang taon kang nawala sa ating bayan, Señor Ibarra?


Ibarra: Pitong taon po, ginoo.
G. Laruja: Sa iyong pitong taon sa Europa, malamang ay nakalimutan mo na ang iyong bayan.
Ibarra: Ang totoo po niyan ay parang ang aking bayan ang tila nakalimot sa akin. Lagi kong iniisip ang aking
bayan kahit na ako’y malayo.
D. Victorina: Totoo ba yan hombre?
Ibarra: Opo, Doña Victorina. Kahit kalian ay hindi ako nakalimot sa aking bayan.
G. Laruja: sa mga bansang napuntahan mo, ano para sa iyo ang pinakamaganda at tumatak sa iyong isipan?
Ibarra: Patawarin mo ako, Ginoo, ngunit bukod sa Inang Espanya ay wala na akong naibigan pa kundi ang
ating bansa. Pagkatapos ko kasing mabasa at mapag-aralan ang kasaysayan at kultura ng isang bansa ay
nakalilimutan ko na rin ang magaganda kong naaalala sa bansang iyon.
P. Damaso: Kung gayon ay isa kang bulag na hangal, hijo. Bakit ka pa nagsayang ng pera upang pumunta ng
Europa kung wala ka naming nagustuhan? Ang iyong mga napag-aralan ay alam din naman ng kahit sinong
mag-aaral na tanungin mo sa ating bansa.
Ibarra: Senyores, wag kayong magtaka sa aming dating kura. Ganyang-ganyan din ang pakikitungo sa akin
noong bata pa ako at mukhang hindi na siya nagbago. Salamat pa rin sa kanya dahil nagugunita ko ang mga
panahong ang kanyang Reverencia ay madalas dumalaw sa aming tahanan at nakakasalo sa pagkain ang
aking ama.
P. Damaso: (biglang natigilan at naitapon sa mesa ang iniinom) Uhh, Naku! nawa’y tanggapin ninyo ang aking
sinserong paumanhin.
Ibarra: Senyores, Kapitan Tiago, kababalik ko lamang mula Europa kaya’t nawa’y maintindihan niyo na
kailangan ko agad na lumisan. Pupunta pa ako ng San Diego sa makalawa para sa Todos Los Santos kaya’t
may kailangan akong katagpuin.
Kapitan Tiago: Hindi ka na ba talaga mapipigilang umalis? Sana’y mahintay mo pa ang pagdating ng aking
bulaklak na si Maria Clara. Alam kong matagal ka na niyang hinihintay.
Ibarra: Paumanhin aking Don ngunit mahalaga ang aking katatagpuin ngayon. Muchas Gracias sa hapunan
Kapitan.
Kapitan Tiago: Walang anuman, Ibarra. Patnubayan ka ng Diyos sa iyong paglalakbay.

Narrator: Pagkaalis ni Ibarra ay halata sa mukha ni Padre Damaso ang matinding inis tungkol sa buong araw.

P. Damaso: Nakita ninyo? Minsan ay napakasama ng nagiging bunga ng pagpapadala ng inyong mga anak
sa ibang bansa upang mag-aral. Lumalaki ang kanilang ulo at itinuturing na ang sarili na mas mataas.
Nawawalan sila ng galang!
Kabanata 4: Erehe at Pilibustero
Narrator: Si Ibarra’y lumalakad na di batid kung saan siya patututungo. Sa mahinang lakad ay narating niya
ang Liwasan ng Binundok. Nagpatuloy siya sa daang Sakristiya, naroon ang mga Intsik na nagtitinda ng
sorbetes at mga babaeng nagbibili ng punungkahoy

Ibarra: (Sa sarili) Diyos ko, sa gabing ito’y parang pangarap lamang ang pitong taon ko sa Espanya.

Narrator: Naramdaman niya ang dantay ng isang magaang kamay sa kanyang balikat. Namalas niya ang
tinyenteng nakangiti.

T. Guevarra: Binata, mag-iingat ka sa mga lihim ninyong kaaway. Ang nangyari sa inyong ama ay dapat
maging isang aral sa inyo.
Ibarra: Ipagpatawad ninyo sa wari ko’y naging mahal sa inyo ang aking ama. Ngunit sa aking pagkakabatid ay
wala ako o kahit ang aking ama na mga lihim na kaaway.
T. Guevarra: Madalas ang sobrang kapanatagan ay nagdadalasa atin sa ilang kapahamakan. (tumigil at
nagmuni-muni bago sumagot ulit) Hanggang sa huling hininga ng inyong amang si Don Rafael ay hindi siya
makapaniwala na mayroon pala siyang nagtatagong mga kaaway.
Ibarra: (maluha-luha) Ngayon ay alam ko na ang dahilan kung bakit si Kapitan Tiago ay nag-aalangan na
magsabi sa akin ng mga nangyari sa aking ama. Ngunit bakit siya nakulong sa piitan? Ano ang naging
kasalanan niya?
T. Guevarra: Ang tanging kasalanan niya ay dahil siya ang pinakamayamang tao sa buong San Diego. Ngunit
huwag kayong mag-alala. Ang mabulok sa bilangguan sa bansang ito ay maituturing na kabayanihan.
(playback ng storya at ang magsasalita bilang Narrator ay si T. Guevarra)

T. Guevarra: Ang iyong ama, gaya ng alam ng mundo ay isa sa mga kagalang-galang na tao sa buong San
Diego. Ngunit kinaiinisan at kinamumuhian rin siya ng iba sa kanyang mga kababayan. Dahil sa siya ay may
naiibang pilosopiya mula sa nakararami, pinapalagay ng mga kaaway niya na siya ay isang erehe at
pilibustero. Mula sa pulpito ng simbahan ay ikinakalat ni Padre Damaso ang ganitong mga pasaring, kahit na
walang pangalang nababanggit:
P. Damaso: Wala nang mas hihigit pang bobo sa mga taong nagkukunwaring matalino. May mga tao kasing
nagmamarunong sa pamamalakad ng pamahalaan,gayong wala naman silang alam! Kaya’t kung kayo’y
tumutulad sa mga ganito ay magsisi na kayo! Hindi dapat nakikialam ang mga mamamayan sa pamamalakad
ng pamahalaan, lalo na kung sila’y mangmang at walang pinag-aralan gaya ng iba!
T. Guevarra: Minsan ay may isang Artilyero na nangongolekta ng tributo sa mga mamamayan. Ang
Artilyerong ito ay mangmang at hindi marunong magbasa at sumulat. Galit ang mga tao sa kanya dahil sa
kanyang kalupitan. Upang makaganti, ang ibang mga mamamayan ay binabaligtad ang kanilang cedula kapag
pinipirmahan na ito ng kabesa. Isang araw, isang bata kasama ang kanyang kapatid ang nanloko sa kabesa.
Bata 1: (natatawa)Ginoo, maari mo bang basahin ang laman ng sulat?
Artilyero: Umalis kayo sa dinaraaanan ko kung ayaw niyong makulong sa kwartel!
Bata 2: Talaga? Ikukulong mo kami? Basahin mo muna ito.
Bata 1: Ano ka ba, hindi siya makababasa. Kasi, mas matalino ang tiyan niya kaysa sa ulo niya! (tatawa
kasabay ni Bata 2)
Artilyero: Mga lapastangang bata! (pinagsisipa at pinagsusuntok ang mga bata)
T. Guevarra: Nakita noon ng ama mo ang nangyari kaya’t sumaklolo ito sa mga bata.
D. Rafael: Maawa ka sa mga bata, Ginoong Kabesa. Huwag mo silang saktan!
Artilyero: Huwag kang makialam dito, tanda! (susuntukin si D. Rafael)
(Nasalag ni D. Rafael ang suntok at inindahan ng kanan sa pisngi ang kabesa. Nabuwal ang kabesa at
nabagok ang ulo sa isang usling bato.)
D. Rafael: Iyan ang dapat sa iyo.
T. Guevarra: Nakita iyong ng mga tao. Sinaklolohan nila ang Artilyero at naidala sa pagamutan. Kinalaunan ay
namatay ang Artilyero, na siyang ikinakulong ng iyong ama, Ibarra. Lumabas ang kanyang mga lihim na
kaaway, kasama si Padre Damaso. Malapit na sana siyang mapalaya noong hindi mapatunayan sa tribunal
ang kanyang kasalanan, ngunit inakusahan siya ng iba pang salang hindi niya ginawa. Lumipas ang ilang taon
at hindi na malaman ang tunay na sakdal sa kanya. Naroong siya’y kasama sa ilang himagsikan ng mga
tulisan, nangamkam ng mga bukid, isang erehe at pilibustero, nagbabasa ng mga pahayagan mula sa Madrid,
nagtatago ng mga liham at larawan ng isang binitay na pari, at marami pang iba. Nagusot nang nagusot ang
usapin.
Sa wakas ay umiral din ang katwiran. Mapalalaya na siyang muli dahil sa kawalan ng ebidensya sa mga
paratang. Ngunit sa kasawiang-palad, namatay na ang iyong ama dahil sa hindi magandang kondisyon sa
piitan. Nabulok siya sa bilangguan dahil sa kanyang kayamanan. Patawad Señor Ibarra.
Ibarra: (naluluha) Ngayon ko lang nalaman ang tunay na nangyari sa aking mahal na ama. Napakalupit ng
sinapit ng aking ama.
T. Guevarra: Patawad po ngunit kailangan ko nang umalis. Ipauubaya ko na lamang kay Kapitan Tiago ang
iba pang nangyari upang kanyang ikwento.
Ibarra: Muchas Gracias, tinyente sa pagbahagi mo ng iyong alam sa nangyari sa aking ama.
T. Guevarra: De nada, Señor Ibarra.

Narrator: Nagpaalam na ang dalawa sa isa’t-isa. Nagpunta na sa kwartel ang tinyente, habang sumakay
naman si Ibarra ng kalesa at nagpahatid sa Fonda de Lala.

Kabanata 6: Si Kapitan Tiago


Narrator: Samantala, sa bahay ni Kapitan Tiago…

K. Tiago: Nabusog kaya ang mga bisita sa handaan, Isabel?


T. Isabel: Palagay ko’y oo, Santiago. Paniguradong nabusog sila sa dami ng handa.
K. Tiago: Nakalulungkot lamang at kailangang umalis agad ni Ibarra sa gitna ng kasiyahan.

Narrator: Sa pag-uusap ng dalawa ay sumabad si Maria Clara, ang kanilang itinatanging dilag.

T. Isabel: Osya, maiwan ko na muna kayong mag-ama at mag-aayos pa ako sa kusina.


Maria Clara: Tila yata may bumabagabag sa inyong kalooban, ama. Mayroon nga po ba?
K. Tiago: Walang anuman, hija. Nagpapasalamat lamang ako sa Panginoon at biniyayaan niya tayo ng
maayos na buhay. Ngunit sa wari ko’y mas masaya sana tayo kung ang iyong ina ay hindi nawala sa atin ng
maaga.
M. Clara: Papa, huwag niyo nang balikan pa ang nakaraan. Mabuti pa ay matulog na kayo. Panigurado ay
pagod na pagod na kayo mula sa pagtanggap ng mga bisita kanina.
K. Tiago: Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos at biniyayaan niya ako ng napakabait at napakapitagang anak
katulad mo.

Narrator: Habang nahihiga si Kapitan Tiyago sa kanyang kama ay naiisip niya ang mga panahong lumipas.

K. Tiago: Kung buhay lamang talaga si Pia, ang kaligayahan ko ay paniguradong buong-buo.

Narrator: Naaalala pa noon ni Kapitan Tiago ang mga larawan ng nakalipas: ang pagsayaw nila ng asawa sa
Obando upang magkaanak, na sinundan ng kanyang pagiging tatay kay Maria Clara. Nawala lamang ang saya
sa kanyang mukha nang maalala niya ang pagkamatay ng kanyang kabiyak. Namatay ito dahil sa hirap sa
panganganak kay Maria Clara.

K. Tiago: (pagod) Hay, buhay. (tumigil ng saglit) Oh Pia, aking mahal na esposa, nawa’y makapiling ng
Lumikha ang iyong kaluluwa. Sumalangit ka nawa.

Kabanata 7: Ang Pag-uusap sa Asotea


Narrator: Kinaumagahan, makikita si Maria Clara na nakaupo sa isang silyon katabi ng isang bintana, abala
sa pagbuburda. Bakas sa kanyang kilos na may hinihintay siyang bisita.

M. Clara: (silip ng silip sa bintana) Mahabaging Panginoon, tanghali na. Ano kaya ang dahilan ng kanyang
pagkahuli?

Narrator: Ang kanyang pagkainip ay napawi nang may kalesang pumara sa tapat ng kanilang tahanan.

Kutsero: How! How!


Ibarra: (bumaba ng kalesa) Magandang araw po, Tiya Isabel. Nais ko po sanang makausap si Maria Clara.
T. Isabel: Ay, nandyan siya sa loob. Halika, tuloy ka. (ituturo kay Ibarra ang daan)
K. Tiago: Como estas, Ibarra. Salamat naman at dumalaw kang muli sa aming tahanan.
Ibarra: Magandang tanghali, Don Tiago. Nais ko lang po sanang makausap ang inyong anak.
K. Tiago: Aba’y sige. Clarita! Nais kang makausap ni Ibarra! Isabel, sunduin mo siya sa kwarto at malamang
ay nag-aayos iyon o nahihiya. (susunduin ni T. Isabel si Maria Clara sa kwarto) Oh, ayan na siya. Maaari na
kayong mag-usap sa asotea. kailangan mo ba ng maiinom, Ibarra?
Ibarra: Gracias, Señor ngunit hindi na ho kailangan.

Narrator: Maya-maya pa ay makikita na ang dalawang nag-uusap sa asotea.

Ibarra: Maswuerte ako at naipagkasundo tayo ng ating mga magulang upang ikasal. Dahil kung hindi ay hindi
na ako makakikita pa ng isang babaeng katulad mo.
Maria Clara: (may dalang pamaypay at binubukas-sara iyon) Napakatamis ng iyong dila, Crisostomo. Siguro’y
dahil diyan ay nabihag mo ang maraming kababaihan sa mga bansang iyong napuntahan.
Ibarra: Isa nang magandang obra ng Diyos ang aking sinisinta. Bakit pa ba ako hahanap ng iba?
Maria Clara: (nagtakip ng bibig ng pamaypay) Sinungaling. Hindi ako makapaniniwalang sinasara mo ang
iyong mata pagdating sa ganda ng ibang dilag sa Europa.
Ibarra: Ang kagandahan ay nasa panlasa ng tao. Ito ay naroroon sa taong sumusuri ng kagandahan. At mula
sa aking puso, sinsasabi ko sayong ikaw ang aking pinaka-iniibig. (tumigil ng saglit) Patawad aking sinta,
ngunit kailangan ko nang lisanin ang iyong piling. Bukas ay Todos Los Santos, kaya’t kailangan kong puntahan
ang isang tao doon upang tulungan ako bukas.
Maria Clara: Naiintindihan ko, Ibarra. Nawa’y makapaglakbay ka ng ligtas at matiwasay.
Ibarra: Paalam, aking minamahal.
Maria Clara: Patnubayan ka nawa ng Maykapal. (nag-antanda ng krus)

Narrator: Halata sa mukha ni Maria Clara ang sobrang kalungkutan.

K. Tiago: (kay T. Isabel) Tingnan mo ang nagagawa ng pag-ibig, Isabel.


T. Isabel: Oo nga, Tiago. Sadyang napakatamis at napakapait ng pag-ibig.
K. Tiago: Paano mo nalaman iyon? Hindi ka pa naman nakaranas na umibig hindi ba? (tatawa)
T. Isabel: Hay naku, Tiago. Ako’y tigil-tigilan mo nga. Hindi ako manhid sa mga dating manliligaw. (tatawa rin)
K. Tiago: Clarita, kung ikaw ay nababagabag, magtulos ka ng kandila para kay San Roque at San Rafael.
paniguradong gagabayan nila si Ibarra para sa kanyang paglalakbay.
Maria Clara: (magsisindi ng kandila sa altar)

Kabanata 9: Mga Bagay-bagay Ukol sa Bayan


Narrator: Kinaumagahan, aalis sina Tiya Isabel at Maria Clara, nang makasalubong nila si Padre Damaso na
papunta ng kanilang bahay.

T. Isabel & Maria Clara: Magandang umaga po, Reverencia.


P. Damaso: Magandang umaga rin Isabel, Maria Clara. Mukhang may pupuntahan kayo, ah. Saan ang inyong
tungo?
Maria Clara: Pupunta kami ng Beateryo, padre. Kukunin ko lamang ang aking mga natirang gamit doon.
P. Damaso: Sige. O bueno, kakausapin ko lamang ang iyong ama. (aantandaan ng krus ang dalawa) Nawa’y
ligtas kayong makapaglakbay.
T. Isabel: Muchas Gracias, Padre.
P. Damaso: (bubulong) Tingnan lamang natin kung sino ang masusunod sa atin.

Narrator: Nang umalis na ang dalawa, pumanhik na ng hagdan ang pari habang mukahang may iniisip.

P. Damaso: Santiago? Santiago!


K. Tiago: Padre, ano ang sadya ninyo?
P. Damaso: May gusto akong sabihin sayong importante. Doon tayo sa lugar na hindi tayo maririnig.
(aalis ang dalawa sa set)

Narrator: At nang matapos ang pag-uusap nila…


P. Damaso: Tandaan mo nang mabuti ang mga sinabi ko sa iyo, Santiago. Iniisip ko lamang ang inyong
kapakanan.
K. Tiago: Naiintindihan ko ho, Padre. Masusunod ang inyong kahilingan.

Narrator: Sa pagkabagabag ni Kapitan Tiago ay pinatay niya ang pinasindi niyang kandila kahapon kay Maria
Clara.

P. Damaso: Bueno, aalis na ako. (bubulong) Sinabi na nga ba at ang kahilingan ko rin ang masusunod.

Kabanata 12: Araw ng mga Patay


Narrator: Samantala, sa San Diego, ay abala ang mga sepulturero, sapagkat bukas ay Todos Los Santos.
Nag-uusap ang dalawa sa kanila, habang may hinuhukay na bangkay.

Sepulturero 1: Oy! (Naninigarilyo). Sa ibang lugar na tayo maghukay…bagung-bago pa yan.


Sepulturero 2: Pare-parehong bagong libing ang mga yan.
Sepulturero 1: Ayoko na… May dugo pa ang mga buto! At ang buhok.
Sepulturero 2: Masyado ka namang maselan…kung ikaw pa ang humukay ng ginawa ko…isang bangkay na
20 araw pa lang nailililibing. Madilim ang gabi noon, umuulan…namatay pa ang aking ilawan.
Sepulturero 1: (Nangilabot) Nakakakilabot naman ang sinabi mo.
Sepulturero 2: Natanggal ang mga pako sa ataul kaya’t lumabas ang kalahating katawan ng bangkay.
Saksakan ng baho ang bangkay at binuhat ko pa iyon sa gitna ng malakas na malakas na ulan.
Sepulturero 1: (Hindi makapaniwala) Bakit mo ginawa iyon? Bakit mo hinukay ang bangkay? Sinong nag-utos
sayo?
Sepulturero 2: Sino pa kundi ang kurang malaki.
Sepulturero 1: Anong ginawa mo sa bangkay?
Sepulturero 2: Para kang guwardyang sibil kung magtanong. Ang utos sakin ang kurang malaki, ilibing ko sa
libingan ng mga Intsik ang bangkay na hinukay ko. Hindi ko nagawa dahil malakas ang ulan saka malayo
ang libingan ng mga Intsik.
Sepulturero 1: (Umahon sa hukay at nangilabot pa lalo) Ayoko nang maghukay…natamaan ko yung isang
bungo, nabiyak! Paniguradong hindi ako makatutulog mamayang gabi.
Sepulturero 2: (Napahalakhak at tinanaw ang isang sepulturero bago umalis.) (Unti-unti nang dumarami ang
mga nagluluksang tao sa sementeryo)

Kabanata 13: Ang Babala ng Sigwa


Narrator: Dahil sa Todos Los Santos noong araw na iyon, ang sementeryo ng bayan ng San Diego ay
nabuhay muli dahil sa pagdagsa ng mga tao. pumunta rin si Ibarra para bisitahin ang puntod ng ama, kasama
ang isang utusan.

Ibarra: Alam ho ba ninyo ang puntod ng aking ama?


Utusan: Opo, Señorito. Tinamnan ko ho ng halamang Adelfa ang puntod at nilagyan ng malaking krus upang
hindi ko ho ito makalimutan.

Narrator: Nakalipas na ang ilang oras ngunit hindi pa rin nila makita ang puntod.

Ibarra: (medyo galit) Akala ko ho ba ay alam ninyo ang kinalalagyan ng puntod ng aking ama?
Utusan: Dispensa po, Señorito. Alam ko naman po iyon talaga, eh. hindi ko lang po talaga maintindihan kung
bakit tayo nawawala. (makikita ang isang puntod na nahukay at ituturo ito) Ayun po, oh. Alam ko ho ay diyan
siya nakalibing.
Ibarra: Magtanong ka doon sa sepulturero kung bakit ganoon ang puntod.
Utusan: Mawalang-galang na po. Alam po ba ninyo kung nasaan na ang malaking krus sa puntod na iyon na
may pangalang “Don Rafael Ibarra”?
Sepulturero: Ahh. Yung krus sa puntod na may mga bulaklak? Sinunog ko na.
Utusan & Ibarra: Sinunog?!
Sepulturero: Opo. Pinasunog yon ng kurang malaki.
Ibarra: Kung gayon ay bakit hinukay ang bangkay ng aking papa? Saan mo dinala ang bangkay niya?!
Sepulturero: inutos po ng kurang malaki na ilibing siya sa libingan ng mga Intsik.
Ibarra: (galit) At ginawa mo naman ang sinabi niya?!
Sepulturero: (nanginginig na sa takot) H-hindi po. Mabigat noon ang bangkay at napakalakas ng ulan. Kaya
inilagak ko muna sa ilog ang bangkay niya. Patawad po, Señor.

Narrator: Sa sobrang sakit ng nadama para sa ama ayt hindi na napigilan pa ni Ibarra ang damdamin. Nang
hindi na niya kaya, ay mabilis siyang tumalikod at umalis. Sa kanyang daan pauwi ay nakasalubong niya ang
kura ng San Diego, si Padre Salvi. Tiningnan siya ng masama ni Ibarra, hinila ang kanyang suot na sutana at
kinausap.

Ibarra: Ikaw! Ikaw ba ang gumawa ng ganoong kalapastanganan sa aking ama? Ikaw ba?! Sumagot ka!
P. Salvi: Kung anuman iyon, sinasabi ko sa iyo ngayon pa lamang na wala akong alam tungkol sa sinasabi
mo.
Ibarra: Kung hindi ikaw, sino?!
P. Salvi: Sigurado akong hindi ako ang iyong hinahanap, kundi ang pinalitan kong kura na si Padre Damaso.
Ibarra: (sa sobrang galit ay napaupo at napaiyak muli)

Narrator: Sobrang galit at muhi ang naramdaman ni Ibarra para kay Padre Damaso. Dahil sa kanyang hindi
mapigilang emosyon ay tinahak na lamang niya ang daan patungo ng kanilang bahay. Ang pari naman ay
nabuwal sa pagkakabitaw sa kanya ni Ibarra.

Utusan: (itatayo ang pari) Patawad po, Reverencia para sa aking Señor Ibarra. Hindi po niya alam ang
kanyang nagagawa dahil sa sobrang galit.
P. Salvi: Napatawad ko na siya. Ngunit kahit para sa akin ay napakasakit ng sinapit niya. Hindi ko siya
masisisi sa kanyang nagawa. (aantandaan ng krus ang tinahak na daan ni Ibarra) Gabayan nawa siya ng
Maykapal.

Narrator: Nakauwi na si Ibarra ng kanilang tahanan. Galit at malungkot pa rin siya, kaya’t noong siya na lang
ang nasa bahay ay ibinuhos niya ang kanyang emosyon na parang hindi pa niya iyon nagagawa noon. Hindi
na alintana ni Ibarra ang paglipas ng oras hanggang sa tumunog ang kampana sa kampanaryo ng simbahan.

Kabanata 15: Ang Mga Sakristan


Narrator: Samantala, sa ikalawang palapag ng kampanaryo ng simbahan ay makikita sina Crispin at Basilio,
magkapatid na sakristan ng simbahan. Sampung taong gulang si Basilio, habang pitong taong gulang si
Crispin.

Basilio: Crispin, hilahin mo nang mabuti ang tali. (tunog ng batingaw)


Crispin: Magpahinga naman tayo, Kaka. Kanina pa tayo nakatayo at nagpapatunog ng kampana. (tunog ng
batingaw)
Basilio: Hindi pa pwede. Papagalitan tayo ng Sakristan Mayor.
Crispin: Oo nga pala. Ilan daw ang susuweldohin mo ngayon buwan?
Basilio: Dalawang reales na lamang, Crispin.
Crispin: Bayaran mo na kaya yung sinabi nila na ninakaw ko na ginto sa simbahan? Sige na, para hindi na
sila manggulo at maka-uwi na ako.
Basilio: Naku, Crispin! Dalawang multa na ang inabot ko sa Sakristan Mayor. At ang sinasabi nilang ninakaw
mo ay dalawang onsa ng ginto. Tatlumpu’t dalawang reales iyon! Kumbaga’y tatlumpu’t dalawang kamay.
Hindi sasapat ang suweldo ko sa hinihingi nila.
Crispin: Natatakot na kasi ako, eh. Napakasama kasi ng Kura at lalo na ng Sakristan Mayor.
Napakasinungaling nilang lahat. umuwi ka na lang ngayon, Kaka. Sabihan mo si Inang na ayaw na nating
mag-sakristan. alam ko naming paniniwalaan ka ni Inang kaya ikaw na lang ang magsabi sa kanya. Sabihin
mo sa Inang na may sakit ako. Kaya hindi ako maka-uwi.
Basilio: Huwag kang magsalita ng ganyan, Crispin.

Narrator: At dumating ang itinuturing nilang berdugo ng simbahan: ang Sakristan Mayor.
Sakristan Mayor: Mga pasaway na bata! Kahit kalian kayo, wala na kayong magawang tama sa simbahan!
Ikaw Basilio! Magmumulta ka ng dalawang reales dahil sa hindi magandang tunog ng kampana! Hindi ka rin
uuwi ng alas-otso kundi alas-diyes na ng gabi!
Basilio: Ngunit huhulihin na ako ng gwardya…
Sakristan Mayor: Wala akong pakialam! Sasagot ka pa? (aambang sasampalin si Basilio) At ikaw Crispin!
Hindi ka uuwi hangga’t hindi mo inilalabas ang dalawang onsang gintong ninakaw mo! Kahit kailan mga wala
kayong galang! Pati simbahan pinagnanakawan ninyo!
Crispin: Hindi ko naman poi yon ninakaw eh. Wala po akong ninakaw na kahit ano.
Sakristan Mayor: At sumasagot ka pa? Ito ang sa iyo! (pinagsusuntok at kakaladkarin na si Crispin)
Crispin: Aray ko po, tama na po! (namimilipit na at naiiyak sa sakit)
Basilio: (umiiyak) Tama na po! Maawa na kayo!
Sakristan Mayor: Huwag mo akong pigilan! (sinampal at natumba si Basilio)
Crispin: (umiiyak) Kaka, huwag mo akong iwan! Huwag mo akong iwan!
Basilio: Crispin!

Narrator: Wala nang nagawa pa si Basilio para sa kapatid. Tanging mga hambalos, impit na sigaw, at daing
na lamang ang kanyang narinig. Pagkatapos noon ay nakabibinging katahimikan. Pagdating ng ikasampu ng
gabi ay nakapinid na ang buong simbahan. Kaya’t kinalag niya ang tali ng batingaw upang makapadausdos
siya mula sa bintana ng kampanaryo. May maririnig na dalawang putok ng baril sa lansangan, ngunit walang
sinuman ang pumansin.

Kabanata 16: Si Sisa


Narrator: Samantala, sa labas ng bayan ay makikita ang maliit na dampa nina Sisa, ang ina nina Basilio at

Crispin. Masaya siyang nagluluto ng tuyong tawilis, tapang baboy-ramo, at isang hita ng patong-bundok na
nahingi niya kay Pilosopo Tasyo. Nagsaing din siya ng maputing kanin at namitas ng kamatis sa kanyang
bakuran upang gawing sawsawan.
Sisa: Naku! Sigurado akong matutuwa ang mga anak ko sa inihanda kong ulam. Nakikita ko nang gutom na
gutom sina Crispin at Basilio mula sa simbahan. Siguradong magugustuhan ni Crispin ang tuyong tawilis na
pinakapaborito niya habang pinipigaan ng kamatis! At, buti na lang nakahingi ako kay Pilosopo Tasyo ng
tapang baboy-ramo at hita ng patong bundok. Siguradong maglalaway si Basilio kapag nakita ito!

Narrator: Habang naghahanda si Sisa ay siya naming pagdating ng kanyang asawa, si Pedro.

Pedro: Nagugutom ako, Sisa. Aba, ang sarap ng hinain mo ah. Matikman nga.
Sisa: Pero, Pedro sa mga…..

Narrator: Bago pa matapos ni Sisa ang sinsasabi ay nakain na ng kanyang sugapang asawa ang ulam.
Pakiramdam niya ay siya ang kinakain nito. Wala na lang siyang magawa kundi ang pigilan ang luha.

Pedro: Aalis na ako. (kinuha ulit ang panabong na manok)


Sisa: Hindi mo man lang hihintayin ang pagdating ng mga anak mo? Alam ko ay susweldo si Basilio ngayong
araw.
Pedro: Ah, ganun ba? Ipagtabi mo ako ng isang reales. Sige na at baka mahuli ako sa sultada ng tinali ko.

Narrator: Wala nang nagawa pa si Sisa. Sobra ang kalungkutan niya kaya’t pinasaya na lamang niya ang
sarili sa pagkanta. Nagluto na lamang siya ng natirang tatlo pang tawilis at tiniis ang kanyang gutom, dahil
alam niyang hindi na kakasya pa ang ulam sa tatlong katao. Nagulat na lamang siya dahil sa sumunod na
nangyari. Dumating si Basilio na humahangos.

Basilio: Inang! Inang! buksan po ninyo ang pinto!

Kabanata 17: Si Basilio


Narrator: Nanginig sa takot si Sisa nang marinig ang tinig ng kanyang anak na parang humahangos. At mas
lalo pa siyang natakot noong makita niya ang anak na tigmak ng dugo ang mukha.
Sisa: Hesusmaryosep! anong nangyari sa iyo, Basilio?
Basilio: Huwag kayong mag-alala Inang. Naiwan si Crispin sa kumbento.
Sisa: Naiwan? At siya ba’y buhay?
Basilio: (tititigan ang ina at tatango ng bahagya)
Sisa: Salamat at buhay siya. Bakit ka duguan? Naku naman…
Basilio: Ako po’y tumakas sa kumbento. Ngayon lamang ako pinauwi ng Sakristan Mayor dahil hindi daw ako
makauuwi kundi alas-diyes ng gabi. Bawal nang maglakad ng alas-nuwebe kaya’t noong nakasalubong ko ang
mga guardia civil sa bayan at sinigawan ako ng “quien vive” ay nagtatakbo ako. Pinaputukan po nila ako at
isang punglo ang dumaplis sa aking noo.
Sisa: Walang hiya talaga ang mga guardia civil. Sadyang wala silang puso. Halika anak at gamutin natin ang
sugat mo.

Narrator: Hinugasan ni Sisa ang sugat ng anak at nilagyan ng pampahilom. Hiniling ni Basilio sa ina na ilihim
ang nangyari sa kanya. Pinakain na niya ang anak ng iniluto niyang tawilis.

Sisa: Pasensya ka na anak at tawilis lamang ang natira sa inyo. Naghanda ako ng masarap na ulam ngunit
kinain itong lahat ng inyong ama. Pagpasensyahan mo na lamang din siya.
Basilio:Hindi ka po ba niya sinaktan? (hahawakan at titingnan ang mga braso ng nanay)
Sisa: Huwag kang mag-alala. Hindi naman niya ako ginawan ng masama. Bakit daw hindi makauuwi si
Crispin?
Basilio: Pinarusahan po siya ng Sakristan Mayor dahil nagnakaw daw siya ng dalawang onsa ng ginto. Hindi
naman siya nagnakaw talaga, ngunit hindi daw siya pauuwiin hanggang hindi niya daw iyon ibinabalik.
Sisa: Mahabaging panginoon, kawawa naman ang aking bunso. Hindi naman ganoong tao ang anak ko.
Hayaan mo anak at kakausapin ko ang kura bukas. Dadalhan ko siya ng gulay bukas at hihilingin ang
kalayaan ng iyong kapatid. Matulog ka na at huwag mo nang isipin pa iyon.

Narrator: Natulog na ang mag-ina sa kanilang papag. Naglalaro pa rin sa isipan ni Basilio ang sinapit ni
Crispin sa sulok ng kumbento habang takot na takot. Umuukilkil sa isipan niya ang mga daing at sigaw ni
Crispin habang wala siyang magawa dahil sa sariling takot. Sa kapaguran, nakatulog si Basilio.
Saglit pa lamang nakaiidlip ay nanaginip si Basilio tungkol sa kapatid.
(role-play sa malapit sa hinihigaan nina Basilio)

Basilio: (nakakunot ang noo at pailing-iling habang natutulog kasama ang nanay)
P. Salvi: (may hawak na yantok) Walang galang na bata! Magnanakaw!
Crispin: (umiiyak at natatakot) Kura, maawa na po kayo sa akin. (magtatago sa likod ng Sakristan Mayor)
Sakristan Mayor: (ilalantad ang bata sa kura) Huwag kang magtago, hangal! Kasalanan mo iyan!
(Galit na galit ang Kura kaya’t pinaghahampas ang bata ng yantok.)
P. Salvi: (pinapalo ang bata) Lapastangan ka, ha. Tingnan natin kung hindi mo pa ibalik nang ninakaw mo!
Crispin: Hindi po ako ang nagnakaw! Maawa na po kayo! Ang Sakristan Mayor po ang nangnakaw!
Sakristan Mayor: (sasama na rin sa pagpalo) Huwag kang magbintang! Kahit kalian talaga ay napakasama
mo. Napakasama ninyong magkapatid!
Crispin: Inay! Kuya! Tulungan niyo ako! Maawa na kayo sa akin! Inay! (hindi na makatiis at kinagat ang kamay
ng Kura)
P. Salvi: (nabitawan ang yantok) Aray! Walang hiya kang bata ka!
Sakristan Mayor: (pinulot ang yantok at pinalo sa ulo ang bata)
Crispin: (nabuwal at napahiga)
P. Salvi & Sakristan Mayor: (sinipa-sipa ang bata ngunit hindi na ito gumagalaw)
(Kakaladkarin si Crispin ng dalawa at aalis. Maririnig na lamang ang putok ng isang baril sa panaginip)
Basilio: (magigising at sisigaw) Crispin! (maiiyak ng sobra na ikinagising ni Sisa)
Sisa: Diyos ko, anak. anong nangyari sa iyo? May problema ba?
Basilio: (umiiyak pa rin) Inay, ayoko na pong magsakristan. Sunduin niyo na po si Crispin bukas sa kumbento
at kunin ang aking huling sahod. Ipakikiusap ko po kay Don Ibarra na tanggapin akong tagapastol ng hayop
nila. Paaralin niyo po si Crispin kay Pilosopo Tasyo. Mabait si Don Crisostomo. Baka bigyan pa po niya ako ng
gatas na gustong-gusto ni Crispin o kaya ay isang batang kalabaw. Pag malaki na ako ay magsasaka ako at
mag-aararo. Di ba mainam iyon, Inang? Pumayag na kayo, huwag nyo na po akong gawing sakristan.
Sisa: Oo,anak. Sige na, tumahan ka na. (yayakapin ang anak)
Kabanata 18: Mga Kaluluwang Nagdurusa
Narrator: Kinaumagahan ay maagang namitas si Sisa ng mga pinakahinog at pinakaberdeng gulay sa
kanyang gulayan. Inilagay niya ito sa isang bakol at saka umalis upang pumunta sa simbahan at kausapin ang
Kura. Sa kumbento ng simbahan…

Sisa: Tao po, magandang araw po.


Kusinera: (mataray) Sino kayo?
Sisa: Ako po si Sisa, ang ina ng sakristan na si Crispin. May dala ho akong mga gulay para sa Kura. (iaabot
ang basket)
Kusinera: (hahawakan at susuriin ang mga gulay) O, sige. Ilagay mo na lang diyan.
Sisa: Saan ho?
Kusinera: Kahit saan diyan.
Sisa: Maaari ko ho bang makausap ang kura?
Kusinera: Hindi maari. May sakit ang Kura.
Sisa: Kung gayon ay kahit makausap ko na lamang ang anak kong si Crispin.
Kusinera: Huwag ka nang magkaila. Alam ng lahat na si Crispin ay nasa inyo nang bahay.
Sisa: Si Basilio ho ay nasa bahay ngunit si Crispin ay naiwan dito. Ibig ko sanang makita…
Kusinera: Naiwan nga ngunit tumakas din pagkatapos magnakaw ng maraming bagay. Baka nga hinahanap
na siya ng mga guardia civil sa inyo, eh. Alam mo, napakabuti mong asawa ngunit masasama naman ang mga
anak mo tulad ng kanilang ama. Lalo na yung maliit? Naku! Baka higitan pa niya ang ama niya.
Sisa: (mapapaupo sa bangko ng kusina at mapapaiyak)
Kusinera: Hindi mo ba naintindihan? May sakit ang Kura! (itutulak si Sisa palabas) Hala, doon kayo
humagulgol sa lansangan! Sulong!
Sisa: (sa pagkapahiya ay tatakpan ng panyo ang mukha at mabilis na umalis)

Kabanata 21: Kasaysayan ng Isang Ina


Narrator: Tumatakbo na si Sisa dahil sa takot na mahuli ang kanyang mga anak dahil sa kasalanang hindi nila
ginawa. sa kalituhan ay halos madapa-dapa siya sa daan.

Sisa: O Diyos ko, huwag po ninyong pababayaan ang aking anak!

Narrator: Pagdating sa kanilang dampa ay nagulat siya sa nakita. May mga guardia civil na naghahanap sa
kanilang bahay, tila may hinahanap na tao. Nagtago muna siya, ngunit nakita rin ng mga ito.

GC 1: Ikaw ba si Sisa ang ina ng mga magnanakaw na bata?


Sisa: Opo, ako si Sisa. Ngunit hindi mga magnanakaw ang aking mga anak.
GC2: Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Ilabas mo ang iyong mga anak! Nakatakas ang nakatatandang
anak mo. Nasaan yung mas bata?
Sisa: Hindi ko alam dahil hindi pa siya umuuwi simula kahapon!
GC 1: Kung gayon ay ikaw ang isasama naming. Hindi ka makalalabas ng kwartel habang hindi mo itinuturo
ang mga anak mo!

Narrator: Dinala na ng mga guardia civil ang kaawa-awang si Sisa sa kuwartel ng mga guardia civil. Doon
siya ikinulong habang hindi niya itinuturo ang mga anak.

GC 2: (itinulak si Sisa sa kulungan) Iyan, diyan ka nababagay. Mabubulok ka sa bilangguan na iyan hanggang
sa ituro mo ang iyong mga anak.

Narrator: Walang magawa si Sisa kundi ang umiyak. Nakarating sa Alperes ang balita kaya’t nagdesisyon
itong palayain si Sisa, dahil na rin sa kawalan ng katibayan.

Alperes: (kausap ang isang guardia civil) Ang krimeng iyan ay kasalanan ng kura! Pakawalan ang bihag at
huwag na siyang abalahin kailanman! Kung gustong makuha ng kura ang nawalang ginto, sabihin mo ay
manalangin siya kay San Antonio! Pari siya ay hindi niya alam ang bagay na iyon? Huh!
GC 3: Si, Señor Alperes. (aalis at pupuntahan ang selda ni Sisa) O, makakalaya ka na daw. Wala nang
ipapakain sa iyo ang gobyerno dito! (tatawa)
GC 1: Kasi naman eh. Mag-aasawa na lang yung wala pang kwenta. Tapos mag-aanak pa ng magnanakaw!
Tsk. Tsk. Tsk.

Narrator: Mabilis na tumakbo papalayo ng kuwartel si Sisa habang umiiyak. Gula-gulanit na ang kanyang
damit dahil sa pangit na kondisyon sa kulungan. Hindi na ininda ni Sisa ang nangyari sa kanya, bagkus ay
hinanap na lamang niya ang kanyang mga anak. Nagpunta siya sa kanilang dampa upang tingnan kung
nandoon si Basilio.

Sisa: (nasa dampa, sumisigaw) Basilio! Crispin! Mga anak ko! Nasaan na kayo?
Basilio: (hinahanap ang ina sa lansangan) Inang! Inang! Nasaan na kayo, Inang? Inang!

Narrator: Pumunta si Sisa sa bahay ni Pilosopo Tasyo, ngunit wala siyang nadatnang tao.

Sisa: Basilio! Crispin! Mga anak ko! Nandyan ba kayo? Tandang Tasyo! Andyan ho ba ang mga anak ko?
Wala atang tao. (iiyak)
Basilio: (Uuwi sa dampa) Inang! Inang! Nandyan ba kayo, Inang? Inang! (sumilip sa bangin malapit sa bahay)
GC 3: Hoy! Ikaw yung hinahanap naming bata ah. Huwag kang gagawa ng masama!

Narrator: Sa takot ni Basilio ay napatakbo siya at di sinasadyang napunit ang tela ng kanyang damit na may
bahid na ng dugo at nasabit sa sanga ng isang malagong halaman malapit sa bangin. Nakarinig si Sisa ng
putok ng baril mula sa kanilang bahay kaya’t pinuntahan niya iyon.
(hindi na naabutan ni Sisa ang guardia civil at si Basilio)

Sisa: Diyos ko po! Mga anak ko! Crispin, Basilio! (titingin sa may bangin at makikita ang piraso ng damit ni
Basilio na may dugo) Basilio? Basilio! Damit ito ni Basilio! May dugo. Mapula. (tatawa at ngingiti) Damit ni
Basilio may dugo! (tatawa ng malakas)

Narrator: Kinaumagahan, makikita na si Sisa na pagala-gala sa lansangan, kinakausap ang lahat ng lalang ng
kalikasan.

Basilio: Nasa bahay, sa labas ng Bayan


Sisa: (nakatingala) Crispin! Basilio! Nasan na kayo? Mahal kong mga anak! Hangin, nakita mo ba ang mga
anak ko? Hindi? (iiyak at tatawa ulit) Ikaw puno, nakita mo ba ang mga anak ko? Hindi rin? (iiyak at tatawa ulit)
(haharap sa audience) Kayo? Nakita niyo ba ang anak ko? Nakita niyo ba siya? (kakausapin ang mga
naglalakad na extra sa set) Kapag nakita niyo ang mga anak kong sina Basilio at Crispin, sabihan ninyo ako
ha? (tatawa at maiiyak)
Basilio: (Hinahanap ang nanay sa dampa) Inang! Inang! Nandito na ako Inang! Inang! Inang! (maiiyak)

Kabanata 22: Liwanag at Dilim


Ibarra: Ipapahanda ko ang lahat ng kailangan bago magbukangliwayway
Maria Clara: Ayokong makasama ang kura.
Ibarra: Bakit? (nagtataka)
Maria Clara: Pakiwari ko’y binabantayan niya ang lahat ng kilos ko. Natatakot ako sa kanyang mga tingin.
Kinikilabutan ako sa tinig niya na waring napakahiwaga. Madalas ay hindi ko maunawaan ang kanyang mga
sinasabi. Itinatanong niya sa akin kung hindi ko raw ba napapanaginipan ang sulat at ang aking ina. Maging
sina Sinang at Andeng ay nakababalitang hindi raw masyadong kumakain ang kura at tila napapabayaan ang
sarili. (takot)
Ibarra: Ngunit hindi maaaring hindi natin siya kumbidahin. May kaugalian tayo dito. At isa pa’y narito na siya.

Narrator: Papunta si Padre Salvi kina Crisostomo Ibarra at Maria Clara. Napipilitan ang ngiti nito.

Padre Salvi: Malamig ang hangin dito sa labas, baka kayo magkasakit. Hindi ba kayo natatakot magkasakit o
magkasipon? (Nginig ang tinig ng kura at hindi siya makatingin ng diretso sa dalawa)
Ibarra: Maganda ang gabi, Padre. Napakasarap lumanghap ng sariwang hangin.
Ibarra: Isang kasiyahan sa bukid ang inihanda naming ang aking mga kaibigan. Maaari po ba kayong
dumalo?
Padre Salvi: Saan magaganap ang kasiyahan?
Ibarra: Sa may batis po sa gubat idaraos, malapit sa puno ng balite. Iyo po ang napiling lugar ng mga dalaga.
Padre Salvi: Para patunayan na ako’y walang sama ng loob sa iyo dahil sa nangyari, malugod kong
tinatanggap ang iyong paanyaya.
Ibarra: Maria Clara, aalis na ako. Magkita nalang tayo bukas. Padre Salvi mauna na po ako sa inyo.

Narrator: Isang lalaki ang sumalubong kay Ibarra habang siya’y naglalakad.

Lalaki: Hindi po ninyo ako nakikilala, ginoong Crisostomo. Subalit may dalawang araw ko ng hinihintay ang
iyong pagdating ditto sa bayan ng San Diego.
Ibarra: May kailangan kayo sa akin?
Lalaki: Tinatawag nila akong tulisan kaya’t wala isa mang nagnanais tumulong sa akin. Nawawala po ang
aking mga anak at nabaliw ang aking asawa.
Ibarra: Anong kailangan ninyo sa akin, ginoo?
Lalaki: Nais ko pong humingi ng tulong sa inyo.
Ibarra: Sumabay kayo sa akin sa paglalakad at saka ninyo sabihin ang inyong pakay.

Narrator: Naglakad na ang dalawa hanggang sa tuluyang nawala.

Kabanata 23: Ang Pangingisda


Narrator: Naglalakad na patungo sa lawa ang magkakaibigan, kadalagahang kasama ang kanilang mga ina at
mga tiyahin. Kasama ang mga katulong na babae na may dalang baong pagkain at kagamitan para sa piknik.
Sinaway sila ni Tiya Isabel sa kanilang kaingayan.

Tiya Isabel: Baka nakakabulabog ang ingay ninyo sa mga natutulog pa. Huwag kayong maingay. Hindi
ganyan ang dalagang Pilipina noong kapanahunan namin.

Narrator: Natanawan nila ang paparating ng mga kalalakihan at ang isa’y tumugtog pa ng gitara. (naglalakad
na rin ang mga lalaki)

Sinang: Tila may ibig mamalimos (pabiro)

Narrator: Nagbigay galang ang mga binata samntalang naging pino na ang kilos ng mga dalaga ng nasa
harapan na nila ang mga ito.

Ina1: Hindi kaya umulan? (nag-aalala)


(dumating si Ibarra at nakihalubilo. Sasakay na ng Bangka. Sumakay na sila sa Bangka [2 bangka meron: isa
sa mga babae at isa sa mga lalaki])
Tiya Isabel: Magsipagdasal tayo.

Narrator: Samantala, ay kinausap ni albino ang katabing binata.

Albino: Takpan mo ang tapal sa tapat sa tabi ng paa mo at may butas. Delikadong mapasukan ng tubig.

Narrator: Nagsigawan ang mga babae nang malaman na may butas ang Bangka nila lumipat ang ilang mga
lalaki sa Bangka ng mga babae. Si Ibarra ay tumala kay M. Clara. Si Albino lumapit kay Victoria. Naging pares-
pares ang magkakatala sa bangka. Ang bangkero ay tahimik lang na nagsasagwan. Papunta sila sa baklad ni
Kapitan Tiago. Di naglaon ay dumating din sila sa isa sa mga baklad.

Tiya Isabel: Ihanda na ang paasim sa sabaw, kailangang maihulog na ang mahuhuling isda sa kumukulong
sabaw.
Narrator: Si Andeng ang sumunod sa utos. Nilagyan niya ng paasim na kamyas at kamatis ang sabaw. Si
Iday ang tumugtog ng alpa. Hiniling niya si Victoria na awitin ang kundiman ng pinag-iisang dibdib.

Iday: Victoria, maaari mo bang awitin ang kundiman ng pinag-iisang dibdib?


Victoria: Paumanhin, pero ayaw ko.
Iday at mga kasamahan: Sige na Victoria…… (kinukulit)
Victoria: (tumatanggi)
Sinang: Si Maria Clara na lang. Maria Clara, maaari ka bang umawit?
Lahat: Oo nga. Sige na. (pinipilit)
Maria Clara: Malulungkot ang aking mga awit.
Lahat: Ayos lang yan.. Pumayag ka na.. sige na..!

Narrator: Napapayag nila si Maria Clara. Kumanta na siya. Tahimik na nakinig ang lahat. Walang
pumalakpak. Natulala ang mga nakatingin. Nagulantang sila ni Albino dahil sa pag-ihip nito na ubod ng lakas
sa tambuli. Nagbalik ang tawanan ng mga tao.

Andeng: Kumukulo na ang sabaw!

Narrator: Isang mangingisda ang nagsalok ng isda sa baklad. Wala siyang nahuli ni isang isda kahit paulit-ulit
na siyang nagsasalok. Nagulat ang mga tao.

Mangingisda: Nakapagtataka, bago pa mag-undas huling pinandaw ito.

Narrator: Si Leon ay tumulong sa pagsalok ngunit nagulat siya dahil ang tumambad sa kanya ay isang
buwaya.

Leon: Buwaya? May buwaya sa baklad na ito?

Narrator: Ang bangkero ay kumuha ng lubid at tumalon sa tubig. Nagsigawan at natakot ang mga nanduon.

2 kasamahan: Sino ang binatang iyon?

Narrator: Saglit na lumitaw ang ulo ng bangkero na hatak ang dulo ng lubid. Nagpalakpakan ang lahat.
Naiahon ng bangkero ang buwaya sa baklad pero habang tinatalian na ang bunganga, lumaban ito kaya
nahulog sa tubig ang buwaya kasama ang bangkero. Nagsigawan ang lahat. Tumalon si Crisostomo na may
hawak na patalim. Nagulat ang lahat. Pumula ang tubig. Tumalon na rin ang ilang mga lalaki para tulungan
ang dalawa pero bago pa man sila makalapit sa dalawa, napatay na rin sa wakas ang buwaya. Si Maria Clara
ay hindi halos makahinga dahil sa ginawa ni Ibarra. Ang lahat ay natuwa sa pagkaligtas ng dalawa – ang iba’y
nagtawanan, ang iba naman napaiyak.

Bangkero: Utang ko sa inyo ang aking buhay.


Ibarra: Hindi kayo dapat naging mapusok. Hindi ninyo dapat biruin nang ganoon na lamang ang kamatayan.
(mababa ang tinig).
Maria Clara: Paano kung ikaw ang napahamak?!
Ibarra: Kung napahamak ako at sinundan…. (natigilan si Ibarra dahil bigla niyang naalala ang amang itinapon
ang bangkay sa ilog.)…Nasa piling na ako ng aking pamilya. Siya nga pala, ano ang pangalan mo, magiting na
bangkero?
Bangkero: Elias, Elias po, Señor.

Kabanata 25: Sa Bahay ng Pilosopo


Narrator: Nang sumunod na umaga, Si Ibarra ay humingi ng payo kay Pilosopo Tasyo.

Pilosopo Tasyo: Nariyan pala kayo, ginoo!


Ibarra: Naabala ko po ata kayo.
Pilosopo Tasyo: May maipaglilingkod ba ako sayo?
Ibarra: May nais lamang po akong isangguni sa inyo. (hangang-hanga habang tinitingnan ang isinusulat ni
Pilosopong Tasyo) Bakit po kayo nagsusulat ng isang heroglipiko?
Pilosopo Tasyo: Dahil hindi ako sumusulat sa aking panahon kundi nagsusulat ako para sa hinaharap. Ha!
Sa panahon ngayon na mababasa ang aking mga sinusulat, hay, tiyak na hindi ito pahahalagahan at
susunugin pa ito. Ngunit ang susunod na salinlahi'y higit na matatalino at kung ito'y kanilang mababasa ay
sasabihin nilang hindi pala lahat ay natutulog sa panahon ng kanilang mga ninuno.
Ibarra: Anong wika po kayo sumusulat?
Pilosopo Tasyo: Sa sariling wika natin na tagalog.
Ibarra: Maari po bang gamitan ng heroglipiko ang wikang tagalog?
Pilosopo Tasyo: Maari. Higit na mabuti ang alpabetong tagalog kaysa wikang Latin. Nga pala, natatandaan
mo ba yung pagkapatay sa buwaya? Opinyon ko lang naman, subalit, tingin ko'y sinadya niyang gambalain
ang inyong kasiyahan sapagkat hindi siya imbitado at dumating pang lasing ang kanyang asawa.
Ibarra: (napangiti) Nais ko po sanang humingi ng payo sa inyo gaya ng ginagawa ng aking ama noong siya'y
nabubuhay pa. Nais ko pong magpatayo ng isang paaralan at bilang pag-alala na rin ito sa aking kasintahan.
Pilosopo Tasyo: (napangiti) Ah, matagal ko nang pinangarap iyan. Pangarap ng isang baliw. At iisipin din ng
mga tao baliw kayo dahil humihingi kayo ng payo sa isang taong napagkakamalan nilang baliw. Ha! Para sa
kanila, ang matatalino'y mga kapitan kahit walang pinag-aralan at walang ginawa kundi maging sunud-sunuran
sa kura. Bakit hindi kayo humingi ng payo sa kura, o sa kapitan o sa iba pang may tungkulin? Maari nyo silang
sundin, maari rin hindi.
Ibarra: Naniniwala ako na mangyayari ang aking plano na walang sagabal.
Pilosopo Tasyo: Matutuloy ang plano ninyo kung kayo'y makikipagtulungan sa mga taong sinasabi ko.
Ibarra: Totoong makapangyarihan ang kura subalit hindi ako lubusang naniniwala sa mga mapang-abusong
lakas at kapangyarihan. Ang taong bayan ay maniniwala sa katuwiran at pamahalaang may mabuting
hangarin.
Pilosopo Tasyo: Ang pamahalaan ay walang ibang pinakikinggan kundi ang kura. Sumusunod lamang ang
kamay sa idinidikta ng isip.
Ibarra: Parang isang pagmamalabis ang inyong pahayag. Sa katunayan ay wala pa pong bayang dumaraing.
Pilosopo Tasyo: Pipi ang bayan kaya hindi dumaraing. Ngunit hindi magtatagal ay darating din ang panahong
iyon. Malalaman ninyo ang kanilang mga pagtitiis.
Ibarra: Nauunawaan ko ang inyong ibig sabihin. Ngunit dapat ninyong malaman na ang mga nanggagaling sa
utos sa itaas ay hindi ipinatutupad pagdating na sa ibaba. Ang nanunungkulan ay mapang-abuso. Dalawa
lamang ang maaari ninyong gawin, ang yumukod sa mga makapangyarihan o hindi yumukod na kapalit ay
kapahamakan. Hindi ko ba maaaring mahalin ng sabay ang Espanya at ang aking bayan? Bakit ako yuyukod
kung hindi kailangan?
Pilosopo Tasyo: Sapagkat ang lupang iyong tinatakpan ay nasa kapangyarihan ng mga taong nagpapahalik
ng kanilang mga kamay.
Ibarra: Nagpapahalik ng kamay? Nalimutan po ba ninyong sila ang may kagagawan ng pagkamatay ng aking
ama? Hindi ko nais ipaghiganti ang aking ama alang-alang sa kapakanan ng relihiyon.
Pilosopo Tasyo: Hay, iho. Huwag muna ninyong gawin ang inyong plano hangga't hindi ninyo lubusang
natatanggap ang kasawian ng inyong ama.
Ibarra: Matutulungan kaya nila ako at paniwalaang ang paaralang ipatatayo ko ang magiging tulay upang
lumaya sa kamangmangan ang bayang ito at matuklasan nila ang pangangamkam ng kumbento?
Pilosopo Tasyo: Mabigo man kayo, nakakatuwang ginawa ninyo ang nararapat ninyong gawin.
Ibarra: Naniniwala na ako sa inyong sinasabi. Ngayon din ay pupuntahan ko ang kura at sana'y hindi siya
katulad ni Padre Damaso. Salamat po ginoo. Ako'y papatungo na.

Kabanata 32: Ang Panghugos


Narrator: Sinunod ni Ibarra ang payo sa kanya ng pilosopo. Sa kabutihang palad ay nagtagumpay ang
proyekto. Nakapag-ipon sila ng puhunan sa paggawa ng paaralan. Isang araw, bago gawin ang nasabing
proyekto ay idinaos ang paglalagay ng palitada at pundasyon ng paaralan. Kinausap ni Ñol Juan ang Taong
Madilaw, na siyang humihila sa panghugos. Tinanong niya ito kung paano iyon gumagana.

Ñol Juan: Paano gumagana ang panghugos na iyan?


Taong Madilaw: Ganito ho iyon. Kahit na sa kaunting pwersa lamang ay kaya kong maitaas at maibaba ang
mabigat na batong ito. Isang tao lamang ang kailangan upang mailinya ng maayos ang batong ito!
Ñol Juan: Mahusay, bata. saan ka natuto ng ganitong arkitektura?
Taong Madilaw: Namatay po ang aking ama sa pagtatrabaho sa mga Ibarra, Señor. Sa kanila ko po ito
natutunan.

Narrator: Sa malapit ay matatanaw ang isang dulang ang makikita na naglalaman ng mga pahayagan, sulatin,
medalya at iba pang mga dokumento. Ilalagay ito sa mga silindrong kaha at ibabaon kasama ang mga
panulukang bato para sa mga susunod na henerasyon. Pagkatapos mailagay ang mga mahahalagang bagay
sa silindrong kaha, ay binigyan ng alkalde si Ibarra ng isa sa mga ito.
Alkalde: Señor, baka gusto ninyong maglagay ng kaha sa uka ng bato.
Ibarra: Hindi na, alkalde. Bayaan niyo na ang eskribano sa kanyang trabaho.
Inilagay na ng eskribano ang mga kaha sa uka. sinunod naman ang paglalagay ng palitada. Pinangunahan ito
ng Alkalde, sumunod ang Kura, ilang kawani, prayle at ni Kapitan Tiago. Iuutos na sana na ibaba ang
panghugos nang maalala ng Kura na hindi pa naglalagay ng palitada si Ibarra.
Alkalde: Bumaba na kayo, Señor! Kung hindi ay hindi ko ipag-uutos na ihugos ang bato.

Narrator: Napilitan si Ibarra na bumaba. Kinakabahan si Ibarra sa pagbaba, habang ang Taong Madilaw ay
tila nababagabag at pinagpapawisan ng malamig. Nagbabantay si Elias sa malayo, at bahagyang kinindatan si
Ibarra. Hanggang sa nagulat na lamang ang lahat dahil sa isang malakas na ugong. Nabalot ng makapal na
alikabok ang paligid. Nagsigawan ang lahat dahil nalansag ang panghugos ng hindi inaasahan. Mabuti at
nailigtas ni Elias si Ibarra, na bigla na ring nawala.

Ibarra: Huwag mag-alala, ligtas ako!


M. Clara: (hinimatay)
Tao 1: Ang taong naghuhugos!
Tao 2: Naku! Nahulugan siya ng mga bato.
Ibarra: Madali kayo! hanguin niyo ang bangkay niya dito. Ako na ang bahala sa kanyang libing.
Napakasawimpalad.
Alkalde: Kailangang maimbestigahan ang pangyayaring ito!
Ibarra: Huwag na, mahal na Alkalde. Kahit na gumawa tayo ng pagsisiyasat ay wala nang mangyayari.
Papatayin niya sana ako ngunit napatay niya ang sarili niya. Hayaan na lamang natin siya at bigyan ng
maayos na libing.
Tao 1: Kahit na pumuti na siguro ang aking buhok ay wala na tayong makikita pang taong singbait ni Don
Ibarra!
Tao 2: Siyang tunay. Isa talaga siyang napakabait at napakapitagang tao.
Pilosopo Tasyo: Naku! Tsk. Tsk. Tsk. Masamang simula.

Kabanata 33: Malayang Isipan


Narrator: Nang sumunod na gabi…

Utusan: Señor, may gusto pong kumausap sa inyo sa labas.


Ibarra: Sino siya?
Utusan: Hindi po siya nagpakilala, pero ang sabi niya ay kilala mo daw siya.
Ibarra: Sige, papasukin mo siya.

Narrator: Pinapasok ng utusan ang panauhin at tumambad kay Ibarra si Elias.

Ibarra: Elias! Tuloy ka. Hindi ko inaakala na ikaw ang darating. Tara mag-usap tayo.
Elias: Patawad, Señor. Pero dapat talaga ay mag-ingat na kayo. Marami kayong lihim na kaaway!
Ibarra: Hindi lang ikaw ang unang nagsabi sa akin niyan.
Elias: Marami pa silang mga nagtatago sa likod ng mga nakangiting mukha at mabait na katauhan. Isa na ang
taong madilaw kanina sa kanila. Hindi lamang po ako sigurado sa iba sa kanila. Upang hindi kayo
mapahamak, kailangang hindi malaman ng inyong kaaway na kayo’y handa. Mas mabuti kung makikita ng
inyong kaaway na kayo’y hindi nag-iingat at kayo’y nagtitiwala sa lahat.
Ibarra: Ikinalulungkot ko lamang ang pagkamatay ng taong iyon kanina. Kung nabuhay siya ay malamang
napakinabangan natin siya upang matunton ang iba ko pang kaaway.
Elias: (napangiti) Patawad, Don Ibarra ngunit nagkakamali kayo. Sa galit niya, kung siya’y buhay, ay
magtatago na lamang siya mula sa baluktot nating pamahalaan. Ngunit mukhang nilalayon ng Diyos ang
mamatay siya. Sana ay lagi ninyong paghandaan ang bawat sandali dahil paniguradong naghahanda rin sila
upang mapuksa ka. Bueno, Señor. Aalis na ako. Maraming salamat po.
Ibarra: Ako ang dapat magpasalamat dahil niligtas mo ang aking buhay. Magkikita pa ba tayo ulit?
Elias: Oo naman, Señor. Kahit kalian ninyo naisin at kahit kalian ninyo ako kailangan. May pagkakautang pa
ako sa inyo, at alam kong hindi sapat ang aking ginawa upang mabayaran iyon.
Ibarra: Paalam, Elias.
Elias: (ngumiti)
Kabanata 34: Ang Pananghalian
Narrator: Ilang araw na ang lumipas. Pagkatapos magawa ang buong paaralan, ay isang piging ang
naihanda, na dinaluhan ng maraming mga taga-alta de sociedad. Nag-uusap ang Alkalde at si Ibarra. Puro
papuri ang ipinukol ng Alkalde sa kausap, habang sumimangot at nagpasaring sa kanya si Padre Damaso.

P.Damaso: Bakit hindi ninyo ipagpatuloy ang inyong pag-uusap?


Alkalde: Nabanggit lamang sa akin ni Crisostomo ang mga taong nakatulong sa kanya gaya ng arkitekto at ng
Reverencia.
P.Damaso: Nakatatawa ang mga taong kumukuha ng serbisyo ng isang arkitekto. Nagpapakita lamang ng
kamangmangan ng isang Indio na nagdudunung-dunungan! Ako lamang ang gumuhit ng plano ng simbahang
iyan.
Alkalde: Subalit ang ipinapatayong gusali ni G. Ibarra ay nangangailangan ng eksperto.
P.Damaso: Eksperto? Ang isang paaralan ay binubuo lamang ng apat na pader at isang bubong na sawali.
Alkalde: Sandali lamang Padre Damaso.
P.Damaso: Magbabayad ang lahat! Ngayon pa lamang ay pinarurusahan na ang ama ng isang ulupong!
Nangangamatay sa loob ng bilangguan at ni walang mahigaang…

Narrator: Sa sobrang galit ni Ibarra ay hinawakan niya ang leeg ng pari upang hindi ito makakilos at saka
iniamba ang matalim na kutsilyo.
Ibarra: Wala kahit sinuman ang maaaring umalipusta sa aking ama! Itong paring ito ang pinakainiwas-iwasan
ko. Isang paring walang galang, at walang utang na loob! Isa siyang demonyong nagbabanal-banalan! Siguro
naman ay dapat siyang mamatay!

Alkalde: Huwag, Señor. Huwag niyong hayaan ang sarili ninyong magkasala sa Diyos!
Ibarra: Magdasal ka na sa lahat ng santo, Padre. Makikita na natin kung dugo o lusak ang dumadaloy sa mga
ugat mo!

Narrator: Iniangat ni Crisostomo ang braso at aktong uundayan ng saksak si Padre Damaso sa dibdib.

M. Clara: Crisostomo, huwag! Para sa akin, maawa ka sa kanya!

Narrator: Nanghihinang binitiwan niya ang kutsilyo pati na rin si Padre Damaso. Mabilis siyang lumayo at
nawala.

Kabanata 37: Ang Kapitan-Heneral


Narrator: Isang araw, sa opisina ng bagong dating na Kapitan-Heneral…

Alkalde: Kamahalan, kung pahihintulutan ninyo ay nais kayong makausap ni Don Crisostomo Ibarra.
K. Heneral: Don Ibarra? Ang sinasabing nakaalitan ni Padre Damaso?
Alkalde: Opo, at ang napatawan ng ekskomunyon.
K. Heneral: papasukin mo siya. Gusto ko siyang makausap.

Narrator: Nang nasa loob na si Ibarra…

K. Heneral: Isang karangalan ang makilala kayo, Señor Ibarra.


Ibarra: Ginulat po ninyo ako sa inyong kabaitan, kamahalan. Sa bansang ito ay hindi ako itinuturing na
mabuting tao.
K. Heneral: Tungkol sa pagkakaalitan ninyo ni Padre Damaso, sinisigurado ko sa iyo na hindi ka magagalaw
ng mga pari hangga’t ako ang namumuno sa bansang ito. Kakausapin ko na rin ang arsobispo na sumulat sa
Santo Papa upang maibsan na ang iyong ekskomunyon. Kahit ako ay gagawin iyon kung ginawa sa aking ama
ang ganoong kalapastanganan.
Ibarra: Gracias, kamahalan. Ngayon ay alam ko na kung bakit pinupuri kahit sa Madrid ang inyong kahusayan,
kamahalan. Pagpalain pa nawa kayo ng Maykapal.
K. Heneral: Bueno, may pupuntahan pa akong mahalagang bagay. Maraming salamat at nakausap kita, Don
Ibarra.
Ibarra: Sige po, kamahalan. Aalis na po ako. Maraming salamat din po.

Narrator: Pagkaalis ni Ibarra ay pinatawag ulit ng Kapitan-Heneral ang Alkalde.

K. Heneral: Mula sa araw na ito Alkalde, inihahabilin ko sa ilalim ng inyong proteksiyon si Señor Ibarra.
Ipaalam mo ito sa Alperes at suportahan mo siya sa kanyang mga adhikain.
Alkalde: Masusunod, kamahalan.

Kabanata 39: Si Doña Consolacion


Narrator: Sa bahay ng Alperes, sa parting bintana, ay may makikitang silyon na laging inuupuan ni Doña
Consolacion. Si Doña Consolacion ay isang gusgusing babaeng nag-aastang Oropea. Asawa siya ng Alperes.
Mas kilala siya bilang Doña Alperesa. Mahilig siyang mag-Espanyol, at nagpapautal-utal ng Tagalog upang
hindi siya mahalata. Isang araw ay maririnig na umaawit si Sisa na inaalagaan sa bahay ng Alperes kaya’t
ipinatawag ito ni Donya Consolacion upang pakantahin.Hindi ito nakapagbigay galang kaya’t agad na kinuha ni
donya ang nakasabit na latigo.

D. Consolacion: (nilatigo ang baliw) Vamos magcantar icau! Guardia! Dile a esa mujer que canta tagalo! Él
no me entiende! No hace falta ser español!
Narrator: Ipinabatid ng guardia civil ang sinasabi ng Doña kay Sisa. Kumanta ng kundiman si Sisa na siyang
nagpalungkot sa Donya.
D. Consolacion: Tigil na! Wag ka nang kumanta! Wag kang kumanta! Nakahahapis sakin ang tulang iyan!

Narrator: Nabigla ang mga guardia civil dahil ang Doña ay narinig nilang matatas managalog. Napahiya ang
Doña. Sa pagkapahiya, pinaalis ng Donya ang bantay. Lumalakad na payaot padito sa silid na hinuhutok ng
kamay ang latigo; at saka huminto sa harap ng baliw.

D. Consolacion: Bayla—baila, baila!

Narrator: Nag-iindak siya upang ganyakin ang baliw na siya ay gayahin. Minamasdan ni Sisa ang donya na
nakangiti at natutuwa sa ginagawa ng Doña. Napahiya ang Doña at itinaas ang hawak nitong latigo.

D.Consolacion: Ngayo’y ikaw naman ang sumayaw-----sayaw! (palo) Baila, india! [Tuloy tuloy na palo] Baila,
baila, condenada, salbahe!

Narrator: Dumating ang alperes na walang kibo.

D.Consolacion: Ano ang nangyayari sa iyo? Hindi ka man lamang nagbigay ng magandang gabi.

Alperes: (Tinawag ang bantay) Dalhin mo ang baliw na ito. Sabihin mo kay Marta na bigyan niya ng ibang
baro at gamutin. Pakainin mo siya ng maigi, bigyan ng mabuting higaan----mag-ingat kayo at huwag siyang
lapastanganin. Bukas ay ihahatid siya sa bahay ni Ginoong Ibarra.

Kabanata 42: Ang Mag-Asawang de Espadaña


Narrator: Patakbong nanaog si Kapitang Tiyago at Tiya Isabel nang marinig ang pagtigil ng sasakyan sa
harap ng bahay. Ang dumating ay si Dr. Tiburcio de Espadaña, ang asawa nito na si Doktora Donya Victorina
de los Reyes de Espadaña, at Linares]

Donya Victorina: Ipinakikilala ko sa inyo si Don Alfonso Linares de Espadaña, Siya’y inaanak ng kamag-anak
ni Padre damaso at tanging kalihim ng lahat ng ministro.

Narrator: Magalang na yumuko ang binata. Ang mga maleta ay dinala sa itaas at sinamahan ni Kapitang
Tiyago ang mga panauhin sa kani-kanilang silid. Samantalang sila’y nagmiminindal ay dumating si Padre Salvi
at si Linares ay ipinakilala na kakabit ang lahat ng titulo.
Donya Victorina: Naparito ang Kapitang Heneral? KASINUNGALINGAN!!!
K. Tiago: Maniwala kayo at diyan umupo.
Donya Victorina: Sayang! Kung Maaga-aga sana ang pagkakasakit ni Clarita! Narinig mo ba, pinsan?
Hindi karaniwang tahanan ang iyong pinanhik. Sinasabi ko sa iyo, Don Santiago, na ang aming pinsang ito ay
kaibigan ng mga duke at ministro sa Madrid at malimit kumain sa bahay ng Conde del Campanario.
Don Tiburcio: Ng Duque de la Torre.
Linares: Saan ko po kaya matatagpuan si Padre Damaso? May liham po akong dala para sa kanya. Siya
sana’y sasadyain ko kundi dahil pagkakataong ito na ako’y naparito.
Salvi: Nasa Bayang ito siya ngayon at mamaya’y parito.
Donya Victorina: De Espadaña, Tingnan natin si Clarita. Alang-alang lamang sa inyo ang asawa ko’y hindi
gumagamot kundi sa matataas na tao noong siya’y masa Madrid pa.

Narrator: Pinulsuhan ni Don Tiburcio si Maria Clara. Tinignan ang dila at saka nagtanong ng ilan, kasabay ang
pag-iling ng ulo.]

Don Tiburcio: Ma…may sakit, ngunit mapagagaling. Sa umaga ay Liquen at gatas, jarabe de altea at
dalawang pildoras de Cinaglos.
Donya Victorina: Gagaling ka, Clarita. Lakasan mo ang iyong loob. Ang sadya naming ay gamutin ka.
Ipakikilala kita sa aming pinsan.

Narrator: Si Linares ay napatigagal sa pagtingin sa mga matang iyon na waring may hinahanap, kaya’t di
marinig ang tawag ni Donya Victorina.

Padre Salvi: G. Linares, narito si Padre Damaso.

Kabanata 43: Mga Balak


Narrator: Si Padre Damaso ay tuluy-tuloy sa katre ng maysakit at saka hinahawakan ang kamay ng dalaga.

Padre Damaso: MARIA!!! Maria, anak ko, hindi ka mamamatay. (bulong na lumuluha)

Narrator: Namangha si Maria Clara nang idilat ang kanyang mga mata dahil sa namalas niyang anyo ni Padre
Damaso. Siya’y lumabas, at sa silong ng balag na nasa balkon ni Maria Clara ay ibinulalas niya ang
kanyang damdamin. Si Donya Victorina ay lumapit kay Padre Damaso nang ito’y matiwasay na at
ipinakilala si Linares. Iniabot ng binata ang liham, ngunit sisya’y minasdan ni Padre Damaso mula ulo
hanggang paa. Ang liham ay binasa na tila hindi naunawaan.

Padre Damaso: A…….! Ikaw ang inaanak ni Carlicos. (Niyakap ni Damaso Si Linares) May liham siya sa
akin ukol sa iyo, ngunit hindi kita nakilala. Dangan kasi’y hindi ka pa isinisilang nang ako’y umalis sa
Espanya. (Hinigpitang lalo ang pagkakayakap kay Linares. Nakalimutan ang kalungkutan)
Damaso: A….! sinasabing ihanap kita ng mapapasukan at asawa. Um!. Sa mapapasukan ay madali.
Marunong ka bang magbasa at sumulat?
Linares: Ako po ay nag-aaral ng pagkamanananggol sa Universidad ng Central.
Damaso: Diyaske! Hindi ko akalain. Para kang mahinhing babae… A!!! bibigyan kita ng isang babae. Oo,
isang babae.
Linares: Hindi po naman ako nagmamadali, Padre.

Narrator: Si Padre Damaso ay lumakad na panay ng bulong ng “isang babae” at wala na ang kanyang
kalungkutan. Hinatak si Linares.

Damaso: Halika at kausapin natin si Santiago.

Narrator: Si Linares ay namutla ngunit sumunod din. Si Padre Salvi naman ang humaliling paroo’t parito na
nag-iisip.

Kabanata 45: Ang Mga Pinag-uusig


Narrator: Samantala, si Elias naman ay kinakausap ang isang kaibigan sa gubat sa Batangas.
Elias: Huwag nating hayaan na dumanak ang dugo, Kapitan. Alam kong tutulungan tayo ni Senor Ibarra.
Maipaaabot niya ang ating mga hinaing sa Kapitan-Heneral na malapit sa kanya.
Kapitan Pablo: Hindi ako kumbinsido, lalo na’t siya’y isang mayaman. Ang halos lahat ng mga mayayaman ay
walang inatupag kundi ang magpayaman pa.
Elias: Bigyan niyo po ako ng pagkakataon na gawin ang mapayapang planong ito. Kung maisasagawa ito,
maiiwasan ang pagdanak ng dugo.
Kapitan Pablo: At kung ika’y hindi nagtagumpay?
Elias: Kung gayon ay ilalagay ko ang sarili ko sa ilalim ng iyong pamamahala.

Narrator: Napangiti ang kapitan sa narinig kay Elias.

Kapitan Pablo: Kung gayon ay ipakilala mo sa akin ang mga kasama mo at ang kanilang mga sariling sinapit
sa kamay ng mga napakalupit na Espanyol.
Elias: Apat na araw mula ngayon, magpadala ka ng isang taong makipagkikita sa akin sa baybayin ng San
Diego. Sasabihin ko sa kanya ang mga makukuha kay Señor Ibarra. Kung pumayag si Señor ay makukuha
natin ang hustisya! Kung hindi naman ay siguradong ako ang unang malalagas sa himagsikang ito.
Kapitan Pablo: Maghihintay ako, Elias. Para sa kapayapaan at kalayaan, sana ay magtagumpay ka sa iyong
binabalak.

Kabanata 46: Ang Sabungan


Narrator: Nang sumunod na araw…

Anino: Magkakaroon ka ng mas malaking halaga ng salapi, Lucas. Payag ka ba sa aking plano?
Lucas: Opo. Ako po ang bahala dito.
Anino: Maipapangako mo ba na walang makaaalam nito kundi tayong dalawa lamang?
Lucas: Mamamatay po akong nakatikom ang bibig.

Narrator: Makatapos ulit ang ilang araw, sa sabungan…

Lucas: Pumayag na ba ang kapatid mo sa plano, Bruno?


Bruno: Hindi pa.
Lucas: Bakit? Bakit ka tumatanggi, Tarsilo?
Tarsilo: Dahil mapanganib ang inyong binabalak.
Bruno: Siyang tunay, Lucas.

Narrator: Katahimikan ang namayani sa kanila. Ilang saglit pa…

Tarsilo: Lucas, pahiramin mo naman ako ng pera. Kahit apat, tatlo, o dalawang reales lang. Ibabalik ko ito sa
iyo ng doble.
Lucas: (umiling) Ngunit hindi akin ang perang ito. Inilalaan lamang ito ni Señor Ibarra sa mga taong sasang-
ayon sa plano. Patawarin ninyo ako, ngunit hindi ko kayo mapahihiraman.

Narrator: Binigyan ni Lucas ang magkapatid ng pagkakataong mag-isip at mag-usap. Pagkaraan ng ilang
minuto...

Bruno: Tatanggapin ba natin?


Tarsilo: Oo, ngunit sabihin muna natin kung ilan ang makukuha natin.
Bruno: Lucas, magkano ba ang mapapala namin?
Lucas: Bawat isa sa inyo ay tatanggap ng tatlumpung piso, at sampung piso sa bawat isang maaaya ninyo. At
kung magtagumpay ito, lahat ng sumali ay tatanggap ng tig-isangdaang piso! Mayaman si Señor Ibarra,
tandaan niyo yan.
Bruno: Kung gayon ay payag ako.
Tarsilo: Ako na rin, Lucas.

Kabanata 47: Ang Dalawang Senyora


Narrator: Naglalakad ang mag-asawang de Espadana sa lansangan sa katanghaliang tapat. Tumitingin-tingin
sila sa mga bahay ng mga Indiyo, habang panay pintas at panlilibak ang maririnig sa bibig ni Dona Victorina.

Dona Victorina: Ang papangit ng mga bahay! Talagang isang Indiyo lamang maaaring tumira!
At aba! Mga wala pag galang! Hindi man lamang magbigay-pugay sa mga katulad nating mga maharlika! Hindi
kataka-takang puro pangungutya ang maririnig mo sa mga prayle tungkol sa kanila!
(Nakasalubong ng mag-asawa ang Alperes, ngunit tiningnan lamang sila nito at saka umalis)

Narrator: Napadaan ang mag-asawa sa bahay ng Alperes. Tulad ng dati, ay matatanaw si Dona Consolacion
sa bintana ng bahay, suot ang kanyang pranela at may tabako sa bibig. Hinagod niya ng tingin si Dona
Victorina at saka lumura.

Dona Victorina: Bakit ganyan kayo makatingin? Naiinggit ba kayo?


Don Tiburcio: (pabulong) Mahal kong esposa, huwag kang mag-iskandalo dito! Nakakahiya sa mga tao!
Dona Victorina: Huwag kang humarang kung ayaw mong tumilapon ang pustiso mo (tinabig ng malakas ang
Don na halos masubasob)
Dona Consolacion: Kayo? kaiinggitan ko? At bakit? A, kinaiinggitan ko nga pala ang inyong kulot. (ngingisi)
Extra 1: Napagkagandang tanawin! Dalwang donyang walang asal na nag-away sa mismong durungawan ng
bintana ng bahay ng Alperes.
Extra 2: (tatawa) Ano kaya ang kahihinatnan niyan?
Dona Victorina: Para sabihin ko sa’yo Dona Alperesa, hindi ako probinsyanang katulad mo. Sa sobrang
sopistikada kong tao, walang nakakapasok na alperes sa aming bahay kundi naghihintay lamang sa aming
pintuan!
Dona Consolacion: Aba! Excelentisima Senyora Puput! Hindi nga nakakapasok ang mga alperes kundi ang
mga pilakyod na tulad ng iyong asawa. (tatawa ng malakas)
Dona Victorina: Aba talagang ginagalit mo ako ah…Bumaba ka rito walang galang! (susugurin ang
tarangkahan ng bahay ng Alperes ngunit aawat ang dalawang bantay na guardia civil.) Paraanin niyo ako mga
walang modo! Bumaba ka diyan Dona Consolacion! Dito tayo magtuos, walang hiyang probinsyana!
Labandera ka lang naman noon ng napikot mong asawa! (Pinipigil siya ni Don Tiburcio ngunit kumakawala
siya) Bitawan mo ako!
Dona Consolacion: Gusto mo ng gulo?(kinuha ang latigo) Pagbibigyan kita Senyora Grosera!

Narrator: Nagsabunutan ang dalawa na labis na ikinatuwa ng mga kanina pang nanonood. May mauulinigan
pang nagpupustahan kung sino ang unang titimbuwang. Hanggang sa dumating ang Alperes…

Alperes: Hesusmaryosep! Consolacion! Anung gulo na naman ito? Magtigil ka at nakakahiya sa mga tao!
Dona Victorina: Ibili mo yan ng disenteng damit at kung wala kayong pera, magnakaw kayo sa taong-
bayan…may mga sundalo naman kayo!
Alperes: Ikaw ang bumili ng asal! Mga walang modo. Naturingang mayaman ngunit sayad sa lupa ang ugali!
Don Tiburcio: Magtigil ka Alperes! Kung makaalipusta ka sa amin ay parang kayganda ng iyong moral!

Narrator: Napadaan si Padre salvi sa kalye ng bahay ng Alperes at nakita ang namuong komosyon.

Padre Salvi: Magtigil kayo sa ngalan ng Panginoon! Para kayong mga hayop! Mga edukado naman kayong
mga tao! Nakahihiyang isipin na pati kayong mga taga-alta de sociedad ay tumutulad na sa mga Indiyo! Hala,
pagsisihan nin ang inyong mga kasalanan at siguraduhin ninyong magkukumpisal kayo. Intiendes?
Lahat: Si, Reverencia.
Padre Salvi: Kayong mga manonood, magsiuwi na kayo! Nandito na kayo’t lahat ay hindi pa ninyo inawat!
(titingala) Diyos ko po, patawarin mo sila at hindi nila alam ang kanilang mga ginagawa! (maiinis)
Dona Victorina (wala na ang Alperes at si Dona Consolacion): Luluwas tayo ng Maynila. Magsusumbong tayo
sa Kapitan-Heneral. (Inis na inis sa asawa) Hindi mo man lang ipinaglaban ang pagkalalaki mo! Dapat ay
hinamon mo ang Alperes ng rebolber o kaya’y sable o kaya’y…(napatingin sa pustiso ng asawa)
Don Tiburcio: Iha, alam mo naming hindi pa ako nakakahawak ng…

Narrator: Hindi na natapos ng Don ang pagsasalita pagka’t dinagukan siya sa ulo ng asawa na ikinalaglag ng
kanyang pustiso. Pagkalaglag nito sa lupa ay tinapak-tapakan ito ng Dona.
Kabanata 51: Mga Pagbabago
Narrator: Samantala, sa bahay ni Kapitan Tiago, Si Maria Clara, Linares, Sinang at Victoria ay nag-uusap.

Maria Clara: Gaya ni Ibarra ay nagpunta ka rin pala sa maraming bansa!


Linares: Marahil ay magkaparehas kami ni Ibarra ng hilig.

Narrator: Ngunit naputol ang kanilang usapan dahil sa pagmumukmok ni Doña Victorina.

Doña Victorina: Linares, puntahan mo ang alperes at hamunin mo siya ng sable o…


Linares: Bakit Doña Victorina? anong nangyari?
Doña Victorina: Dahil siya at ang querida niya ay nilibak kami! Responsibilidad mong ipagtanggol kami. Kung
hindi ay malalaman nila ang tunay mong pagkatao!
Linares: Huwag kayong mag-ingay Doña Victorina.

Narrator: Biglang sumingit si Kapitan Tiago sa usapan.

K. Tiago: Kung gayon ay ano ang gusto mong mangyari, Doña?


Doña Victorina: Ang pinsan kong si Linares ay hahamunin ang alperes. Kung hindi siya pumayag ay huwag
mo siyang ipakasal sa iyong anak!

Narrator: Nabigla si Maria Clara sa nasabi ni Doña Victorina. Nalaman na niya na ipinagkasundo siya kay
Linares.

Doña Victorina: Bakit umiiyak si Clarita?


K. Tiago: Hindi siya nasabihan sa ating pagkakasundo… na hindi si Ibarra ang pakakasalan niya kundi si
Linares.
Kabanata 54- Walang Lihim na Hindi Nabubunyag
Narrator: Si Padre Salvi ay nagmamadaling tumungo sa tahanan ng alperes.

P.SALVI: Ngayon ninyo mapapatunayan ang kahalagahan ng mga prayle. Isang babae ang nangumpisal na
ngayong gabi, ganap na ikawalo ay sasalakayin ang kwartel, papasukin ang kumbento at papatayin ang mga
Kastila. Magkakaroon ng isang malaking pag-aalsa.
ALPERES: [kinuha ang rebolber] Sino ang taong huhulihin ko?
P.SALVI: Huminahon kayo. Ang dapat ay paghandaan ninyo ang pagsalakay nila. Padalhan ninyo ako ng apat
na guwardiya sibil at pasabihan din ang mga bantay sa mga daungan. Kailangang maging maingat kayo
upang sila’y mahuli. Tungkulin ninyo iyan at sapagkat kayo ang tatanggap ng medalya sakaling magtagumpay
kayo, sana’y hindi ninyo malimutang banggitin ang aking ginawa.

Narrator: Dali dali namang pumunta si Elias sa bahay ni Ibarra

ELIAS: Natuklasan na magkakaroon ng isang malaking pag-aalsa at kayo ang nakatakdang mapahamak
sapagkat isisigaw ang inyong pangalan ng mga manghihimagsik na bayaran. Huwag na kayong mag-
alinlangan pa, Ginoo. Anumang oras ay maaaring sumiklab ang pag-aalsa! Kailangan na ninyong umalis.
IBARRA: Saan ako pupunta? May naghihintay sa akin?
ELIAS: Kahit saang lugar..sa Maynila o sa bahay ng isang makapangyarihan upang hindi nila masabing
totoong may kinalaman kayo dito.
IBARRA: Paano kung ako ang magsuplong ng pag-aalsa?
ELIAS: Iisipin nila kayo’y taksil at ipinain sila para mahuli. Sunugin ang mga kasulatan, tumakas at maghintay
kung ano ang mangyayari yan ang dapat mong gawin.
IBARRA: Si Maria Clara? Hindi..mabuti pang mamatay na lang. Tulungan mo ako Ginoo. Diyan nakatago ang
kasulatan ng aming pamilya. Ibukod ninyo ang sulat ng aking ama na lalong magpapahamak sa akin.

Narrator: Kumilos sina Elias at Ibarra. Pinunit ang ilang kasulatan at itinago ang iba.

ELIAS: Nakikilala po ba ninyo si Don Pedro Eibarramendia?


IBARRA: Siya ang lolo ko sa tuhod.
ELIAS: Siya ang dahilan ng kasawian ng aming angkan. Kayo ang itinuro sa akin ng Diyos para
makapaghiganti. (Niyugyog ang balikat ni Ibarra) Tingnan ninyo akong mabuti! Tingnan ninyo ang mukhang ito
na punung-puno ng pagtitiis! Samantalang kayo’y nabubuhay..umiibig…may
kayamanan…kinikilala…nabubuhay! Nabubuhay!

Narrator: Nakita ni Elias ang iba’t ibang armas at bumunot siya ng dalawang balaraw. Pagkasabi ni Elias ng
“anong gagawin ko?” ay nagtakbong bumaba ng bahay ito at iniwan si Ibarra.

Kabanata 55: Ang Pagkakagulo


Narrator: Oras ng hapunan at magkakasalo sina K.TIAGO, T.ISABEL, at LINARES ngunit nagdahilan si Maria
na wala siyang ganang kumain kaya niyaya niya ang kaibigang si Sinang sa piyano. Nasa bulwagan at hindi
mapakali si P.SALVI. Tumugtog ang orasan at sumapit na ang ganap na ikawalo ng gabi. Nangangatog na
napaupo sa isang sulok ang Pari. Pumasok ng bahay si Ibarra na nakasuot pangluksa at bakas ang matinding
kalungkutan. Tinangkang lapitan ni Maria Clara ang kasintahan ngunit narinig ang magkakasunod ng putok ng
baril. Naglabasan mula sa komedor sina K.TIAGO,T.ISABEL & LINARES. Nagyakapan sina Maria Clara &
Sinang habang panay ang usal ng dasal ni Tiya Isabel.

ALPERES: Padre kura, manaog kayo! Wala ng panganib.

Narrator: Pinapasok ni T.Isabel ang mga dalaga sa kwarto. Napilitang manaog si Padre Salvi. Nanaog din si
Ibarra kahit na pinigilan ni T.Isabel. Nagmadali sa paglalakad si Ibarra hanggang sa nakarating sa kanyang
bahay.
IBARRA: Ihanda ang aking pinakamabilis na kabayo at pagkatapos ay matulog na kayo.
GS: Sa ngalan ng Hari ng España, buksan ninyo ang pinto.

Narrator: Sumilip sa bintana si Ibarra at nagkasa ng baril. Saglit pa ay pinagbuksan niya ng pinto ang mga ito.

GS: Hinuhuli namin kayo sa ngalan ng hari!


Ibarra: Bakit?
GS: Sa kwartel na kayo magtanong. Kung nangangako kayong hindi kayo tatakas ay hindi naming kayo
igagapos. Ito’y kaluwagang ibinibigay sa inyo ng alperes.

Narrator: Naisipan ni Elias na bumalik sa bahay ni Ibarra. Nalaman niya sa mga utusan ang nangyari sa
kanilang amo. Nagkunwari siyang umalis ngunit ang totoo ay umikot lamang at dumaan sa bakod. Umakyat si
Elias sa bintana at pumasok ng silid ni Ibarra. Kinuha niya ang baril at mahahalagang bagay at isinilid sa sako
at inihulog sa bintana. Kinuha din nito ang larawan ni Maria Clara. Kumuha siya ng papel at binuhusan ng
gaas mula sa ilawan at sinilaban. Tumalon si Elias mula sa bintana.

Kabanata 57: Vae Victis (Sa Aba ng mga Natalo)


Alperes: Ito ang buong tapang na nanlaban at nag-utos sa mga kasamahan na tumakas! ( iniharap ang
anyong malungkot na si Tarsilo) Ano ang ipinangako sa inyo ni Crisostomo Ibarra para salakayin ang kuwartel
kagabi?
Tarsilo: Iginanti lang namin ang aming ama na pinatay ninyo sa palo. Hanapin ninyo ang inyong dalawang
kasama. Inihulog namin sila sa bangin kahapon.. Doon sila mabubulok.! (Pasigaw na sinabi Tarsilo kay
Alperes)
Alperes: Sino ang inyong mga kasabwat? Dalhin yan sa mga bangkay! Kilala mo sila? (ipinakita kay Tarsilo
ang bangkay nina Lucas at kapatid na si Bruno.)

Narrator: Hindi nagsalita si Tarsilo at sinimulan ang pagpalo sa kanya. Natatakot subalit nagkunwaring walang
nakikita si Padre Salvi.
Tarsilo: Patayin na ninyo ako kung totoo kayong Kristiyano.

Narrator: Walang makuha na anumang impormasyon at hindi napaamin si Tarsilo kaya ito ay itinimba na sa
balong nakakasulasok ang amoy. Hindi natagalan ng lalaki ang pagpapahirap at kalupitan hanggang sa
napugto ang hininga nito.
Kabanata 60: Ikakasal si Maria Clara
Narrator: Nag-uusap sina Tiya Isabel at K.Tiago ng biglang dumating ang mga Espadaña.

Dona Victorina: Malaki talaga ang nagagawa ng isang may kamag-anak na nanunugkulan sa pamahalaan, di
ba? Dahil diyan ay nakakapaglabas-masok siya palagi sa loob ng palasyo ng Kapitan-Heneral .Una ko pa
lamang nakita iyang si Ibarra ay naniwala na akong isa siyang Pilibustero.
Kapitan Tiago: Ano pala ang sabi ng Kapitan-Heneral sa kalagayan ni Crisostomo Ibarra?
Dona Victorina: Iminugkahi ng pinsan kong si Linares na siya’y bitayin.(sabay tawa)
Linares; Hindi..(tututol pa sana siya, ngunit di siya binigyan ng pagkakataong magsalita ng donya)
Dona Victorina: Wag mo nag ipaglihim sa amin, pinsan. Ikaw ang tagapayo ng Kapitan at..”

Narrator: Nakita ng Doña na paparating si Ma. Clara

Doña Victorina: Clarita, iha. Ikaw talaga ang dinadalaw namin. Mabuti naman at nakita kita. Kaya kami
nagpunta rito ay upang mapag-usapan na ang mga hindi natapos na pag-uusap noon.
Ma.Clara: Mawalang galang na po..babalik na po muna ako sa aking silid.
(Tiningnan lang siya ng Donya habang papasok siya sa silid)
Dona: O siya Tiago, dapat nang matuloy ang kasalan ni Ma. Clara at ng aking pinsan.
(Tumingin si kapitan tiago kay tiya Isabel)
Kapitan Tiago: Ipagsabi mong magdaraaos tayo ng isang piyesta.
(napangiti ang Donya sa narinig)
Dona: Maganda yan! O siya, mauuna na kami!
Kapitan tiago: Sige. Salamat sa pagdalaw.

Narrator: Kinabukasan, ganap na ikawalo ng gabi ay napuno ng panauhin ang bulwagan ng bahay ni Kapitan
Tiago.Nangunguna sa mga bisita sina Padre Salvi, Padre Sibyla. Kasali din si Tinyente Guevarra. Nagpahuli
ng dating sina Donya Victorina at Alfonso sa paniniwalang sila’y importanteng tao. Sa umpukan ng kalalakihan
ang usapan ay tungkol sa paglipat ng kura sa Maynila

Lalaki 1: Kura, bakit po pala kayo napalipat sa Maynila?


Kura: Ako’y wala nang gagawin dito kayat minarapat kong maglagi sa Maynila.
Alperes: Ako man ay aalis na rin sa bayang ito upang pamunuan ang isang pangkat na magyayao’t parito sa
iba’t ibang lalawigan para puksain ang rebelyon at pag-aalsa.
Lalaki2: Ano nga po pala ang mangyayari sa pilibustero?
Alperes: Kung si Crisostomo Ibarra ang iyong tinutukoy, sa paniniwala ko’y dapat siyang bitayin gaya ng mga
salarin noong himagsikan sa taong 1872.
Tinyente: Ang sa aki’y dapat siyang ipatapon. Masyado syang nanalig sa kanyang iniharap na kasulatan.
Kung ang mga tagausig ay hindi nagbigay ng ibang pakahulugan sa mga kasulatan at ebidensyang iniharap
niya, naniniwala ako na maaring mapawalang sala si G. Crisostomo.
Lalaki3: Ano ang nais ninyong ipakahulugan?
Tinyente: Sinabi ng manananggol na ayon sa salaysay ng mga tulisan na kailanman ay hindi nakipag-
unawaan sa kanila si G. Crisostomo manapa’y kaaway niya ang taong nagngangalang Lucas. Isang sulat
lamang ang naging batayan ng mga tagausig laban kay Crisostomo Ibarra. Kinilala niya na kanya ang sulat na
ito. Ang sulat ay ibinigay sa isang babae bago siya pumunta ng Europa. May malabong mga pahayag at talata
na ipinagpapalagay na ito’y naglalaman ng mga pagbabanta laban sa pamahalaan.
Padre Salvi: Paano nakarating ang sulat sa mga tagausig?
Lalaki1: Malamang ay natakot ang babaeng binigyan at kusang isinuko ang sulat sa mga tagausig.
Lalaki2: Marahil naman ay nalaman ng pamahalaan ang tungkol sa sulat at pinuntahan nila ang
napagkamalang binigyan.

Narrator: Biglang nilapitan ng tinyente ang papalapit na si Ma. Clara.

Tinyente: Mabuti ng ginawa niyang pagbibigay ng sulat. Nakatitiyak kayo ng magandang kapalaran.
Napatingin ang mga lalaki sa dalaga. Biglang nakaramadam ng pagkahilo si Ma. Clara at nagpahatid sa
kanyang silid.
Ma.Clara: Mawalang galang na po.
Narrator: Patuloy na kumakatok si Kapitan Tiago sa pintuan ng silid ngunit ayaw itong pagbuksan ng dalaga.
Tumayo siya at pumunta sa asotea, nakita ang bangka malapit sa kanilang bahay at nagulat siya ng makita
ang isang lalaking papalapit sa kanya.

Ma.Clara: Crisostomo!
Ibarra: Ako nga. Sa bangkay ng aking ina ay nangako akong paliligayahin kita anuman ang aking maging
kapalaran. Nagpunta ako rito para tuparin ang pangakong iyon bagama’t ikaw ay hindi tumupad sa ating
sumpaan. Palalayain na kita.
Ma.Clara: Patawarin sana ako ng alaala ng aking ina sa sasabihin ko sayo. Natuklasan ko sa gitna ng aking
karamdaman ang aking tunay na pagkatao. Ang kinikilala kong ama ay hindi ko tunay na ama. Hindi ako
maaaring magpakasal sa iyo sapagkat ibubunyag ang lihim na iyan. Matutuklasan ang naging kataksilan ng
aking ina at masisira ang dangal ng kinikilala kong ama.
Ibarra: Kailangan mo ng katibayan.
Ma.Clara: Totoo ang lahat ng aking sinabi. May sulat na iniwan ang aking ina. Ibinigay sa akin ng taong
nakakabatid ng aking lihim ang sulat na ito kapalit ng sulat mo sa akin. Totoong pinagtaksilan kita. Ngunit
alang-alang sa alaala ng aking ina, napilitan akong ipagpalit ang sulat mo nang hindi ko nalalaman kung saan
nila iyon gagamitin. Wala akong maaring gawin kundi ang magtiis upang patuloy na maitago ang lihim ng aking
pagkatao. Kailangan kong makipag-isang dibdib upang hindi maibunyag ang aking lihim. Ngayon, magagawa
mo pa kaya akong libakin?
Ibarra: Maria, isa kang anghel.
Clara: Maligaya akong marinig na pinaniniwalaan mo na ako.
Ibarra: Ikakasal ka na.
Clara: Oo. Iyon ang gustong mangyari ng kinikilala kong ama. Minahal at inalagaan niya ako kahit hindi niya
tungkulin kaya’t bilang ganti ay kailangang sundin ko siya. Ngunit hindi ko malilimot ang naging sumpaan natin.
Ibarra: Ano’ng ibig mong mangyari?
Clara: Madilim ang hinaharap. Ngunit gusto kong malaman mo na minsan lamang ako umibig at hindi na ito
maaangkin ninuman. Ano ang manyayari sa iyo?
Ibarra: Tumakas lang ako, Maria. Hindi magtatagal malalaman nila ito.
Clara: Paalam, Crisostomo.

Narrator: Ayaw niyang iwan ng kasintahan ngunit kailangan na niyang umalis. Nagbalik na siya sa bangka
kung saan naghihintay si Elias para itakas siya.

Kabanata 61: Ang Pamamaril sa Lawa


Narrator: Mabilis na sumasagwan si Elias patungong San Gabriel.

Elias: Dadalhin ko kayo sa bahay ng isa kong kaibigan sa Mandaluyong. Ihahatid ko doon ang salapi ninyo na
itinago ko. Magagamit ninyo iyon sa pangingibang bansa.
Ibarra: Mangingibang bansa?
Elias: Sa ibang bansa ay makakapamuhay kayo ng tahimik. Marami kayong kaibigan sa Espanya at
matutulungan kayo para kayo’y mapatawad.
Ibarra: Iniligtas mo ang buhay ko ng dalawang beses sa kabila ng kasawian ng iyong angkan sa aking angkan.
Marapat lamang na ibalik ko sa iyo ang inyong yamang nawala. Sumama kayo sa akin sa ibang bansa at
magturingan tayong magkapatid. Tayo’y kapwa sawimpalad sa sarili nating bayan.
Elias: Hindo ako magiging maligaya sa ibang lupain. Dito ko nais magtiis at mamatay.
Ibarra: Pero bakit pinaaalis n’yo ako?
Elias: Sa ibang bansa ay maari pa kayong magtagumpay. Kung daranasin ninyo ang ibayong hirap ay baka
dumating ang araw na itakwil ninyo ng sariling bayan.
Ibarra: Hindi totoo ‘yan! Wala akong ibang inisip kundi ang kapakanan ng bayan.
Elias: Hindi ninyo ko nauunawaan. Naniniwala ako na iniibig ninyo ang bayan sapagkat wala pa kayong
dinaranas na paghihirap. Subalit isang araw na maranasan ninyo ang hirap, gutom at pag-uusig, naniniwala
akong itatakwil ninyo ang bayang ito. Humingi ako ng tulong sa inyo para sa mga sawimpalad, ngunit hindi
ninyo ako pinakinggan. Sila ang inyong pinanigan. Ngayon ay tinutugis na nila kayo at itinuturing na kaaway.
Ibarra: May katwiran ka, Elias. Ako’y taong umaayon sa takbo ng panahon. Malinaw na sa akin ang lahat
ngayon na ang ating bayan ay may nabubulok na sakit na kailangan ng panlunas. Isang kanser ng lipunan na
kailangang gamutin at sugpuin. Akong nagtatanggol sa bayan ay isa na ngayong pilibustero. Tatlong daan
taong silang nagpasasa sa atin habang tayo’y naging sunud-sunuran sa kanilang pang-alipusta. Nagyaon ay
halos nawawalan na tayo ng pagasa…nawawalan na tayo ng pananalig sa Diyos. Wala nang natitira kundi
hingin natin ang ating karapatan at lakas.

Narrator: Nakita nila sa harapan ng palasyo na nagkakagulo ang mga kawal.

Elias: Natuklasan na nila ang iyong pagtakas.

Narrator: Pinahiga ni Elias sa bangka si Crisostomo at tinakpan ng maraming damo..napadaan sila sa harap
ng polvorista. Sila’y pinatigil ng bantay.

Bantay: Saan ka nanggaling?


Elias: Nirasyunan ko po ng damo ang kura at ang hukom sa Maynila.
Bantay: Sige,maari ka nang magpatuloy. Huwag ka lamang magsasakay ng maski na sino sapagkat may
isang bilanggong nakatakas na ngayon ay pinghahanap. Kung siya’y iyong mahuhuli tiyak na magagawaran ka
ng gantimpala.
Elias: Pano ko siya makikilala?
Bantay: Nakalebita at mahusay magsalita ng wikang Kastila. Kaya huwag kang pakakatiwala.
Elias: Sige po, Salamat.

Narrator: Nagpatuloy na sa pagsasagwan si Elias at saka lumihis ng landas. Pumasok ang bangka sa may
Ilog Beata.

Elias: Liliwas tayo para mapagkamalan akong taga-Peñafrancia.


Ibarra: Marapat siguro na tayo’y maghimagsik.
Elias: Makinig kayo sa aking sasabihin. Mayaman kayo at maaari kayong makapagbayad ng iyong
makakasama. Ngunit baka ang maliliit na tao lamang ang masaktan. Kaunting kalayaan at katarungan lamang
ang hinihingi ng mga sawimpalad at hindi ang pagtatakwil sa Espanya.
Ibarra: Kung ganoon ay gagawin ko itong mag-isa, Elias. Hindi ako papayag na matapos akong maging
matapat sa bayan at naghangad ng kagalingan ay ito ang igaganti sa akin. Kailangang mailantad ko sa bayan
ang kaapihang ito kung hindi’y walang kabuluhan ang paghahangad ng kalayaan. Maaari ba ninyo akong
ihatid sa bundok?

Narrator: Nagpatuloy sa pagsagwan si Elias.

Elias: Andito na po tayo sa Sta. Ana. Ito ang lugar kung saan ginugol ko ang maraming masasayang araw.
Ang lahat ng alaalang iyon ay hindi na maibabalik pa.

Narrator: Nakarating sila sa malapad na bato at magbubukang liwayway na nang marating nil ang lawa.

Elias: Iyan ang palwa. Humiga kayo at tatakpan ko kayo ng bayong.

Narrator: Nagpatuloy sila sa pamamangka hanggang sa marinig nila na may isang tinig na sumisigaw.
Hinahabol sila ng isang palwa. Nakita ni Elias ang isang bangka na papalapit sa kanila lulan ang mga
guwardiya sibil.

Elias: Crisostomo, mahuhuli tayo. (Mas mabilis na ang pagbangka ni Elias) Kayo na ang mamangka sapagkat
tatalon ako. Lulundag ako sa tubig para ako ang kanilang tugisin..ililigaw ko sila.
Ibarra: Huwag kang umalis. Lumaban na lang tayo.
Elias: Hindi tayo magtatagumpay..wala tayong sandata.
(Isang punglo ang humaging sa tubig. Sinundan pa iyon ng isa pang putok.)
Elias: Magkita na lamang tayo sa Noche Buena, sa libingan ng inyong nuno.

Narrator: Pagkasabi niyon ay tumalon na sa tubig si Elias. Nakita ng palwa at guwardiya sibil ang naglalangot
na si Elias at kanilang tinugis. Sunod na putok ang pinakawalan ng mga ito kay Elias. Sumisid si Elias at di na
muli pang lumitaw. Makalipas ang ilang oras ay umalis na ang palwa at mga sibil. Nakita nilang may bahid ng
dugo sa tubig baybayin ng pampang.

Kabanata 62: Ang Pagpapaliwanag ni Padre Damaso


(Nakatingin si Maria Clara sa pahayagan na nagbabalitang nalunod si Ibarra.Ang isip ay nasa kawalan ng
sandaling iyon. Dinatnan siya ni Padre Damaso sa ganoong kalagayan.)

Padre Damaso: Natakot ka ano? Hindi mo inaasahan ang aking pagdating. Nandito ako para masaksihan ang
kasal mo. (Inabot ang kamay para hagkan ng dalaga) May sakit ka na naman ba, anak? Bakit namumutla ka?
[Walang imik si Maria Clara]
Padre Damaso: Wala ka na bang tiwala sa akin na inaama mo? Sabihin mo sa akin kung ano ang nangyayari
sa’yo.
Maria Clara: Mahal pa ba ninyo ako? (lumuhod sa harap ni Padre Damaso) Tulungan ninyo ang aking ama
para di matuloy ang aking kasal! Noong buhay si Ibarra, gusto kung lumaban, umasa at manalig. Ibig kong
mabuhay para marining kahit paano ang mga bagay tungkol sa kanya pero ngayon patay na siya. Bakit pa ako
mabubuhay at magtitiis?
Padre Damaso: Hindi hamak na nakahihigit si Linares kay…
Maria clara: Maaari akong magpakasal kaninumang noong nabubuhay pa si Crisostomo. Wala namang gusto
ang ama ko kundi malalaking ugnayan sa mga nasa poder. Pero ngayong patay na siya, walang sinumang
tatawag sakin ng asawa. Kumbento o sementeryo lamang ang aking pagpipilian.
Padre Samaso: Anak ko patawad. Hindi ko sinasadya ang kalungkutan mong ito. Ibig ko lang mabigyan ka ng
mabuting kinabukasan, ng kaligayahan. Ito’y dahil mahal kita.
Maria Clara: Mahal mo palay ako’y wag mong hayaang ako’y malungkot habambuhay. Patay na siya. Ibg ko
na ring mamatay o maging madre.
Padre Damaso: Isang madre! Isang Madre! Hindi mo lamang alam, anak ko, ang buhay na misteryong
nakakubli sa mga pader ng kumbento. Matanda na ako, Maria. Hindi na kita mapangangalagaan, pati ng
kaligayahan mo. Humiling ka ng iba pa. Mahalin ang binata kahit sino man sya.. wag lang ang kumbento..
Maria Clara: Ang kumbento o ang kamatayan!
Padre Damaso: Diyos ko! Diyos ko! Pinarurusahan mo ako. Pagpalain mo ang anak ko! (sigaw ni Padre
Damaso) Ayokong mamatay ka… magmamadre ka! Diyos ko! Talagang narito ka nga nagpaparusa ka.
(umalis nang malungkot)
Kabanata 63: Ang Noche Buena
Basilio: Gantihan po sana kayo ng Diyos sa inyong kabutihang loob. Ngayong Pasko po ay gusto ko sanang
umuwi para makita ang aking ina at kapatid.
Matanda: Hindi ka pa lubusang magaling at lubhang may kalayuan ang inyong bayan. Mahihirapan ka pang
makauwi sa inyo.
Basilio: Tiyak na naghihintay ang kalooban ng aking ina sa paghahanap sa akin. Kayo po ay maraming anak
subalit kami’y dadalawa lamang na magkapatid. Babalik po ako dito at ipagsasama ko ang aking kapatid.
[Mabilis na umalis si Basilio bagama’t may tali sa paa at paika-ika kung maglakad]

[SAN DIEGO]
Narrator: Samantala ay nakauwi na sa bahay si Basilio at dinatnan iyong sira-sira at wala ang Ina. Paika-ikang
pinuntahan nito ang bahay ng alperes. Inutusan ng babaing nasa bintana ang guardia civil na papanikin si Sisa
subalit kumaripas ito ng takbo nang makita ang mga bantay. Hinabol ni Basilio ang ina pero binato siya ng
isang babae sa daan. Tinamaan ng bato si Basilio pero hindi ito tumigil sa pagsunod sa ina.

Basilio: Inang! Ako po si Basilio Inang!

Narrator: Nagsuot sa gubat si Sisa at sumunod pa rin si Basilio hanggang doon. Makailang ulit na nadapa at
bumangon si Basilio pero hindi pa rin siya tumigil sa pagsunod sa ina. Narating nila ang libingan na nasa tabi
ng puno ng balite. May pintuan ito na pilit binubuksan ni Basilio. Anyong tatakas muli si Sisa subalit
nagpatihulog na si Basilio. Nagawa pang yakapin at halikan ni Basilio si Sisa. Tigmak ng dugo ang noo ni
Basilio at nawalan ng malay tao. Pinagmasdan ni Sisa ang mukha ng bata at natigilan siya nang makilala ito.
Napasigaw si Sisa at nagbalik ang alaala. Hinagkan at niyakap nang mahigpit ni Sisa ang anak hanggang sa
napalugmok na rin ito. Nagbalik ang ulirat ni Basilio at nakita ang inang pinanawan ng malay. Kumuha ng
tubig si Basilio at winisikan sa mukha ang ina. Idinikit niya ang tainga sa dibdib nito hanggang sa sinakmal ng
matinding pagkasindak si Basilio. Patay na si Sisa. Niyakap ni Basilio ang malamig na bangkay ng ina. Pag-
angat ng ulo ni Basilio nakita niya si Elias.
Elias: Sino ang babaing iyan?
Basilio: Siya po ang aking ina.
Elias: Nasugatan ako at may dalawang araw na akong hindi kumakain o umiinom man lang. Hindi magtatagal
at mamamatay rin ako. Sunugin mo ang aming bangkay ng iyong ina. Kung walang darating na sinuman,
hukayin mo ang mga gintong ibinaon ko. Ariin mo iyon at gamitin mo sa pag-aaral. Mamatay akong hindi ko
man lamang nasilayan ang ningning ng bukang liwayway ng aking Inang bayan. Kayong mapapalad na
makakakita, batiin ninyo siya at huwag kalimutan ang mga nalugmok at nasawi sa dilim ng gabi.

Narrator: Pagkatingala sa langit ay kumibot pa ang mga labi na tila nananalangin hanggang sa unti-unting
nabuwal sa lupa si Elias.

Wakas

You might also like