Professional Documents
Culture Documents
Ikalawang eksena
(Tauhan: Babae 1, Babae 2, Babae 3)
(Props: Pamaypay [3])
(Bg: Bayan ng San Diego)
(SFX: Morning sounds)
Babae 1: Nabatid niyo na ba ang magaganap na pagtitipon sa Kalye Analogue bago
magwakas ang buwan ng Oktubre? Kayo ba ay dadalo?
Babae 2: Iyon bang magaganap sa bahay ni Kapitan Tiago? Malapit sa Pampang ng
Ilog Binondo?
Babae 3: Oo yun nga! Naku, iniisip ko na nga kung ano ang aking isusuot at sasabihin
sa mismong araw ng handaan.
Babae 1: Nais ko ring dumalo sapagkat si Kapitan Tiago ay isang mabuting tao,
mapagbigay at laging bukas ang palad sa mga nangangailangan.
Babae 2: Kung gayon ay dadalo na rin ako. Tiyak na ang paanyaya ay madalíng
lumaganap sa lahat ng sulok ng Maynila kung kaya’t marami rin ang dadalo.
Ikatlong eksena
(Tauhan: Tiya Isabel, mga kababaihan, Padre Damaso, Dayuhan, Ginoong Laruja,
Padre Sibyla, Tinyente Guevarra, Don Tiburcio, Donya Victorina, Kapitan Tiago,
Crisostomo Ibarra, Kapitan Tinong, Utusan ng Café La Compana)
(Props: Pamaypay [6], biskoto [4], alak [4], mesa [2], upuan [4], mga pagkain, salamin)
(Bg: Sala ni Kapitan Tiago)
(SFX: Classical music)
(SFX: Broken plates)
Tiya Isabel: Mga walang ingat! Ano bang nangyari? (Aalis sa eksena)
Mga kababaihan: (Mag – uusap at pagmamasdan ang mga panauhin)
Padre Damaso: Alam mo ba ginoo, napakalaki ng kaibhan ng pangangasiwa dito sa
Pilipinas kung ito’y iyong ikukumpara sa Madrid.
Dayuhan: Talaga po?
Padre Damaso: Oo, sa loob ng dalawampung taon kong paninirahan sa Pilipinas na
sanay sa pagkain ng saging at kanin, ako’y punong – puno na ng karanasan kaya’t
lubusang pinaniniwalaan ng maraming tao.
Dayuhan: Ah, ganoon po ba.
Padre Damaso: Sa katunayan, kilala ko na ang halos anim na libong taong naninirahan
doon na itinuturi kong aking mga anak. Ngunit nang ako’y mahalinhan bilang kura, iilang
hermano tersoro at matatandang babae lamang ang naghatid sa akin.
Dayuhan: May kaugnyan po ba ang inyong ipinahayag sa pag – aangkat ng tabako?
Padre Damaso: (Masusuntok ang mesa at magagalit sa dayuhan) Hindi mo ba
naiintindihan?! Ang repormang ginagawa ng ministro ay hindi tama! Tulad na lamang ng
aking paniniwala na ang sanhi ng mabagal na pag – unlad ng bayan ay walang iba
kundi ang pagiging tamad ng mga Indio. Wala na atang hihigit pa sa kamangmangan ng
mga Indio. Tama ba ako, Ginoong Laruja?
Ginoong Laruja: Sa aking pananaw, –
Dayuhan: Senyores, gunitain natin na tayo’y nasa pamamahay ng isang Indio.
Padre Damaso: Si Kapitan Tiago ay hindi nabibilang sa mga itinuturing na Indio,
makikita ninyo, ilang buwan lamang ay tiyak na mababago na ang inyong palagay.
Makatikim lamang kayo ng tinola’y –
Dayuhan: Ang tinola po ba’y tila prutas na loto na maaaring maging sanhi ng pagiging
makakalimutin ng tao?
Padre Damaso: Ano bang loterya? Ang tinola’y ginisang manok na nilahukan ng upo.
Kailan ka pa ba dumating dito, ginoo?
Dayuhan: Aapat na araw pa lamang po ako dito. Naparito po ako sa kadahilanang nais
ko pong makilala ang bansang Pilipinas.
Padre Damaso: Ika’y naparito para lamang sa walang kuwentang layunin?
Padre Sibyla: Huwag mo siyang alalahanin, ginoo. (Haharap kay Padre Damaso)
Padre Damaso, hindi po ba kayo nasiyahan sa dalawampung taong paninirahan ninyo
sa San Diego?
Padre Damaso: Aba’y syempre hindi!
Padre Sibyla: Papaano po nangyari iyon? Ako na may iilang buwang tumira ng
Camiling ay labis na nalungkot sa aking pag – lisan roon. Ngunit inisip ko na lamang na
ang paglilipat sa akin ng aking pinuno sa ibang lugar ay para sa aking kabutihan.
Padre Damaso: (Masusuntok ang mesa) May relihiyon ba o wala? May kalayaan ba
ang mga pari? Napasama na ang bayan at kaya maraming kapahamakang nangyayari
ay dahil sa pangungunsinti ng mga opisyal sa mga erehe na kalaban ng Diyos.
Tinyente Guevarra: Ano pong ibig ninyong ipahiwatig, padre?
Padre Damaso: Sinasabi kong malinaw ang ibig kong ipahiwatig, na kapag
nagpahukay ang isang kura ng bankay ng isang erehe sa libingan para ipatapon, hindi
siya dapat pakialaman o parusahan, maging ng hari.
Tinyente Guevarra: Padre, ang heneral ay isang Vice Real Patrono!
Padre Damaso: Anong vice real? Anong patrono? Kung nangyari ito noon, kinaladkad
na siya sa hagdananan gaya ng kay Gobernor Bustamante na walang turing sapagkat
iyon ang kapanahunan ng tunay na pananampalataya.
Tinyente Guevarra: Bawiin ninyo ang inyong mga sinabi kundi bukas na bukas rin ay
makakarating ang inyong mga sinasabi sa heneral!
Padre Damaso: Aba’y kung gayon ay nararapat na kayong lumisan ngayon din maski
gamitin niyo pa ang aking karwahe.
Padre Sibyla: Huwag niyo nang pagtalunan ang mga bagay na walang dahilan. Iba ang
sinasabi ni Padre Damaso bilang pari sa kanyang sinasabi bilang tao.
Tinyente Guevarra: Kayo na ang magsuri sa mga pangyayari, Padre Sibyla. Wala si
Padre Damaso sa San Diego noong payagan ng kanyang kawani na paring Pilipino na
mapalibing ang isang marangal na ginoo. Siya’y hindi nangumpisal, ngunit ang
pagbintangan na siya’y nagpakamatay ay pawing kasinungalingan lamang. At hindi ito
batayan upang ipahukay ang kanyang bangkay at ipatapon sa ilog. May pananalig ang
taong ito at may bugtong na anak na pinag – aral sa Europa kaya’t hindi mapaniwalaan
ang bintang na pagpapapakamatay. Nakaabot ito sa Kapitan Heneral at ipinalipat si
Padre Damaso sa bayan. Mawalang galang sa inyo, ngunit ako’y mauuna na. (Aalis sa
harap ng mga panauhin)
Padre Sibyla: Dinaramdam kong maungkat ang isang maselang bagay ngunit kung
mas nakabuti naman ang iyong pagkakalipat.
Padre Damaso: Ano bang nakabuti?! May mga bagay na nawawaglit at nawawala sa
paglilipat – lipat tulad nito.
Don Tiburcio at Dona Victorina: (Dadating sa eksena) Magandang gabi sa inyong
lahat!
Mga tauhan: Magandang gabi!
Dayuhan: Ano naman po ang masasabi ninyo sa may – ari ng pamamahay na ito,
Ginoong Laruja?
Ginoong Laruja: Sumipot na raw ito subalit maging ako ay hindi ko pa siya nasisilayan,
ni hindi ko pa ngang naisasagawang magpakilala sa kanya.
Padre Damaso: Hindi na kailangang magpakilala dito dahil si Santiago ay mabuting
tao.
Ikasiyam na eksena
(Tauhan: Mga kababaihan, mga padre, mga guwardiya sibil, Padre Salvi, Maria Clara,
Donya Victorina, Padre Damaso, Padre Sibyla, Kapitan Tiago)
(Props: Pamaypay [5])
(Bg: Sala ni Kapitan Tiago)
(SFX: Classical music)
Mga kababaihan: (Naguusap at nagtatawanan)
Mga padre at mga guwardiya sibil: (Naguusap at nagtatawanan)
Padre Salvi: (Pinagmamasdan ang mga kababaihan)
Maria Clara at Donya Victorina: (Papasok sa eksena)
Padre Salvi: (Malilipat ang buong atensyon kay Maria Clara)
Padre Damaso: Kamusta, mga binibini.
Padre SIbyla: Magandang gabi sa inyo.
Maria Clara at Donya Victorina: Magandang gabi po padre.
Donya Victorina: Maria Clara, maiwan muna kita rito at makikisalamuha muna ako sa
mga kababaihan.
Maria Clara: Sige po.
Donya Victorina: (Makikipagusap sa mga kababaihan)
Maria Clara: (Makikipagusap sa mga kura)
Donya Victorina: (Matatapos makipagusap sa mga kababaihan at magpapaalam na)
Clarita! (Lalapit kay Maria Clara) Hindi ba’t aking ibinilin sa iyo na ayusin ang iyong mga
palamuting perlas at brilyanteng buhok? (Aayusan si Maria Clara)
Padre Salvi: (Bubulong) Napakagandang dalaga talaga ni Binibining Maria Clara.
(Lalapit kay Kapitan Tiago) Kapitan Tiago, Maria Clara, ako’y mauuna na. Paalam sa
inyo.
Ikatatlumpung eksena
(Tauhan: Babae 4, Babae 5, Matandang Kastila)
(Props: Tali, puno, pamaypay [2])
(Bg: Gubat)
(SFX: Night sounds)
Babae 3 (VO): Hindi nagtagal ang matanda ay naglaho. Nang lumaon…
Babae 4: Nahanap na ba ang nawawalang matandang kastila? Balita ko ilang araw na
ang nakalipas mula nang siya’y naglaho.
Babae 5: Hindi pa nga eh, sa – (Matitigilan at makikita ang matandang kastila)
AHHHHH!
Matandang Kastila: (Nakabigti sa punong balite)
Babae 4: (Makikita rin ang matandang Kastila) AHHHHH!
Babae 4 at 5: (Tatakbo paalis ng gubat)
Ikapitumpung eksena
(Tauhan: Mga trabahador, Crisostomo Ibarra, Nol Juan, mga kalalakihan, Dayuhan,
Padre 1, Pilosopong Tasyo)
(Props: Martilyo, mga ladrilyo)
(Bg: Gusaling hindi pa tapos ang paggawa)
(SFX: Musiko at orchestra, kuwitis at bomba, kampana)
(Sa isang lugar naman na malapit sa bahay ni Ibarra…)
Mga trabahador: (Tinatapos ang katagang semento na siyang pagtatayuan ng bahay
paaralan)
Crisostomo Ibarra: (Abala ang isip sa paghahanda ng mga kailangan upang mayari
ang sementadong pundasyon ng mga halig ng ipapatayong gusali ng paaralan)
Nol Juan: (Kakausapin ang mga trabahador) Kailangang kumilos na tayo ng maliksi.
Sa makalawa gaganapin ang seremonya. Tandaan ninyong hindi tayo
makapagtratrabaho bukas. (Kakausapin ang mga naroon) Mga kaibigan, narito ang
eskuwelahan na ipinapatayo ni Don Crisostomo Ibarra. Ito’y isang napakalaking
paaralan na nahahati sa dalawang bahagi, ang isa’y para sa mga mag – aaral na lalaki
at ang isa’y para sa mga mag – aaral na babae. Ang paaralang ito’y kahalintulad ng
isang paaralan sa Alemanya na ang gumawa’y ang arkitektong si Ginoong R. Sa
pinakagitna ng gusali ay magkakaroon ng daluyan ng tubig na tila magiging ulan. Ang
mga bakod ay tataniman ng mga punong kahoy. Magkakaroon din ng halamanan ang
mga mag – aaral na babae na lalagyan pa ng mga upuang bato.
Lalaki 1: (Lalapit kay Ibarra) Ginoong Ibarra, nais po naming tumulong para sa
isinasagawa ninyong paaralan.
Crisostomo Ibarra: Naku, salamat na lamang. Hindi naman simbahan ang aking
ipinapagawa at isa pa’y sasagutin ko ang lahat ng gastos.
Padre: Don Ibarra, hihilingin ko sanang maging padrino at magbasbas sa paglalagay ng
unang bato sa mismong araw ng kapistahan
Crisostomo Ibarra: Napakalaking karangalan po kung kayo ang magsasagawa non at
ikinagagalak ko pong tanggapin ang iyong kahilingan.
Dayuhan: Don Ibarra, napakaganda po ng iyong proyekto. Panatilihin niyo lamang po
ang iyong mabuting gawain.
Lalaki 2: Oo nga po, Don Ibarra. Hinahangaan ko po kayo. Tunay nga po kayong isang
huwaran!
Crisostomo Ibarra: Naku, maraming salamat sa inyo. (Makikita si Pilosopong Tasyo na
nagangamba at lalapit rito) Pilosopong Tasyo, alam ko pong inaalala ninyo hanggang
ngayon ang inyong mga paratang ngunit, ito’y inyo munang kalimutan at kayo’y
magsaya sa nararating na pista.
Pilosopong Tasyo: (Lalapit kay Ibarra) Ginoong Ibarra, malugod kong itinatanggap ng
pantas ang inyong iwinika bagamat nais kong ipaalala sa iyo ang isang pariralang
hango kay Balagtas na “Kung ang isalubong sa iyong pagdating may masayang
mukha’t pakitang gilliw, lalong pag – ingata’t kaaway na lihim…siyang isaisip na
kakabakahin.”
Kabanata 27: Takipsilim
Ikapitumpu’t apat na eksena
(Tauhan: Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Victoria, Iday, Sinang, Neneng, Tiya Isabel,
Padre Salvi, Pulubing ketongin, Manong, Manang, Sisa, mga guwardiya sibil)
(Props: Gitara, lalagyan ng limos, isda, bigas, agnos)
(Bg: Sala ni Kapitan Basilio)
(SFX: Morning sounds)
Mga kababaihan at Crisostomo: (Mapapadaan sa kumbento at matatanaw ang
malungkot na si Padre Salvi)
Sinang: Malungkot ang kura dahil sa malaking gastos na kanyang gugugulin sa pista
sa dami ng kanyang panauhin.
Victoria: Sh! Huwag ka ngang maingay. Baka maulinigan ka ng kura.
Sinang: Tsk! Masama ang loob ko sa kanya dahil sinira niya ang gulong ng kapalaran.
Hinding – hindi na ako mangungumpisal sa kanya.
Mga kababaihan at Crisostomo: (Magpatuloy sa paglalakad)
Pulubing Ketongin: (Kumakanta habang nag – gigitara na may kalayuan sa kaniyang
ang lalagyan ng limos)
Maria Clara: (Naagaw pansin ang ketongin)
Manang: (Nagbibigay ng isda)
Manong: (Nagbibigay ng bigas)
Pulubing ketongin: (Kukunin ang mga limos kapag umalis na ang naglimos)
Maria Clara: Sino ang kahabag – habag na taong iyan?
Iday: May apat na taon na siyang ganyan. Nakatira siya sa libingan ng mga Intsik. At
ang sabi ng iba ay nahawa siya sa sakit ng kanyang ina. May iba namang nagsabi ay
nakuha niya iyan sa loob ng piitan. Lumalayo siya sa mga tao ngunit kung minsan ay
ipinapapalo siya ng kapitan.
Maria Clara: Bakit?
Iday: Iniligtas kasi niya ang batang nahulog sa kanal. Ang sabi ng kapitan ay mas
makabubuti pang malunod ang bata kaysa magkaroon ng ketong.
Maria Clara: (Inilimos ang agnos na kabibigay pa lamang ni Kapitan Tiago)
Mga kaibigan ni Maria Clara: (Magugulat sa inakto ni Maria Clara)
Victoria: Walang saysay ang iyong hiyas sapagkat walang sinumang makikipagpalit sa
kanya ng pagkain sa labis na takot ng mga tao na mahawa sa kanya.
Pulubing ketongin: (Kukunin ang hiyas at hahagkan ito pati na rin ang bakas ni Maria
Clara ay kanyang ihahagkan)
Maria Clara: (Palihim na maluluha sa kanyang nasaksihan)
Sisa: (Dumating at mahigpit na hinawakan ang kamay ng kentongin) Tara at magdasal
tayo (Tatawa) May sakit ang kura kaya’t hindi ko na dinalaw sina Basilio at Crispin.
Maraming onsa ng ginto ang kura at maaaring mawala ang mga onsa. Dinalhan ko siya
ng ampalaya at sarsalida… may dalawa akong anak… (Tatawa at kusang bibitawan
ang kamay ng kentongin at tatakbo ng parang baliw)
Maria Clara: Hindi ba’t may ginagawa ka para matulungan ang babaeng iyan?
Crisostomo Ibarra: Sa ngayon ay wala pa akong nagagawa. Subalit, nakausap ko na
ang kura at nangako siyang tutulungan niya ako tungkol sa babaing yan. Ayaw lamang
ipabatid ng kura sa mga guwardiya sibil sapagkat naniniwala siyang may kinalaman ang
mga ito sa nangyari sa pamilya ng babae at kung bakit siya nagkaganyan. Maging ako
ay pinag – iingat niya.
Mga guwardiya sibil: (Bibitbitin si Sisa)
Crisostomo Ibarra: (Lalapit sa mga guwardiya sibil) Teka, teka… Anong ginagawa
niyo? Bakit niyo siya hinuhuli? Anong kasalanan niya?
Guwardiya sibil: Hindi mo ba nasisilayan ginoo? Siya’y aming binibihag sapagkat siya
ay nanggugulo.
Maria Clara: Mayroon talaga palang mga taong kulang – palad.
Pulubing kentongin: (Tatakbo nang nakita ang mga guwardiya sibil na dala si Sisa)
Ikawalumpung eksena
(Tauhan: Mga musikero at orchestra, Don Filipo, Manang, Manong, Utusan ng
Hermano Mayor, mga kababaihan, mga mamamayan)
(Props: Gitara, alpa, akurdiyon at tambuli, mga imbitasyon, pamaypay [5])
(Bg: Labas ng simbahan)
(SFX: Musiko at orchestra, kuwitis at bomba, kampana)
Mga musikero at orkestra: (Tumutugtog ng musiko habang nagpaparada)
Don Filipo: Magbitiw! Kung tutuusin ay hindi karangalan ang tungkuling ito kundi isang
pasanin.
Manang: Ano ba iyan! Napakaraming tao sa patyo, masyado nang marami ang
dagsaan ng mga mamamayan.
Manong: Oo nga, kalat na ang lahat, pati na ang mga musikero na patuloy lamang sa
pagtutugtog ng mga musiko.
Utusan ng Hermana Mayor: (Mag – iimbita ng iba’t ibang panauhin) Iniimbitahan po
naming kayo sa pagpapakain ng Hermano Mayor… Magandang umaga po! Imbitado ho
kayo para sa pagpapakain ng Her – … Nais niyo po bang magkape? Magtsokolate?
Magtsaa? O magminatamis? Mayroon po sa handaan ng Hermano Mayor!
Babae 1: Kung si Padre Hernando ang nagmisa at si Padre Manuel naman ang nag
sermon para sa Araw ng birhen ng kapayapaan, sino kaya sa palagay mo ang
magmimisa at magsesermon ngayon?
Babae 2: Sa tingin ko’y si Padre Salvi ang magmimisa at si Pare Damaso naman ang
mga sesermon.
Babae 3: Si Padre Damaso? Hindi ba dinadaing niya na napakasakit daw ang
lalamunan niya dahil sa pagkain niya ng sorbetes kahapon, at pati na rin daw ang
panonood niya sa pagatatanghal.
Babae 1: Ngunit, higit siyang nakababatid ng kasaysayan ng San Diego kung kaya’t
siya ang malamang na magsesermon.
Babae 2: At balita ko’y hindi siya kumain ng agahan at sa halip ay uminom lamang siya
ng alak na hinaluan ng binating itlog.
Babae 1: Inaalagaan pa nga siya ng mga manang ng kumbento at tinatapalan ng kung
anu – anong mga gamot. Hinilot nito ng langis ang kaniyangdibdib at binalot siya ng
pranela.