You are on page 1of 24

Paghahabi ng Landas: Tugon sa hamon ng Ganap na

Pag-unawa sa Filipinolohiya.
MVRio-Apigo (2002)

Minsan ko nang sinabi sa isa sa aking mga binasang papel sa


mga talakayang ganito na may hamon ang Filipinolohiya sa ating
lahat. Bilang mga gurong nasa ilalim ng Kagawaran ng
Filipinolohiya dito sa PUP, kapanalig o hindi kapanalig sa pagbuo,
ginusto man natin o hindi na maging Filipinolohiya ang dating
Filipino lang na deskripsyon ng ating yunit na kinaaniban o
kinapapalooban sa malawak na sistema ng Politeknikong
Unibersidad ng Pilipinas---magkakasama o kasama tayong lahat sa
kahingiang tugunan o matugunan ang hamon ng Filipinolohiya
sapagkat alam man natin o hindi ay kasama tayo sa korpus na
nagsilang ng Filipinolohiya bilang programa at disiplina sa PUP at
marahil sa buong Pilipinas.

Kaugnay nito kung kaya’t may malabis akong


pagpapahalaga at pagnanasa na makatulong sa pagpapaunlad nito
kahit pa sa pinakamaliit na paraan na magagawa ko yayamang ito
ang pokus na disiplinang kinabibilangan ko bilang guro at mag-
aaral sa akademya at Pilipinong Lipunan.

Kailan lamang pagkaaran ng ilang araw na simula ng


pasukan ay inatasan ako ng ating butihing tagapangulo na
bumalangkas ng konsepto para sa isang seminar sa Filipinolohiya
na may antas na pangnasyunal. Dalawa ang agad kong naging
reaksyon; Una natuwa sapagkat napagtanto kong ang ating
kasalukuyang tagapangulo (Prop. Jesusa M. Asinas) ay may
pagpapahalaga at may konsepto ng pagpapatuloy sa Filipinolohiya
na minana niya sa nakaraang pamunuan ng kagawaran, mahalaga
at mapagbuong katangian yaon ng pagiging isang lider para sa
akin; ikalawa- nagulat ako na may kasamang pangangamba at pag-
aalinlangan bunga ng maraming kadahilanan.

Isa sa mga kadahilanan na yaon ay ang pagpapalagay ko


(nabanggit ko na ito sa papel na binasa ko noon sa kolokyum ng
KWI noong nakaraang Enero, 2004) na maraming marami pa sa
ating mga kasamang guro ang walang sapat na pagtanggap kundi
man ay dahop sa paggagap sa kung ano ang Filipinolohiya. Dahil
sa ganyan kong pagpapalagay medyo pesimistiko ako sa pananaw
na maglunsad agad ng nasyunal na paseminar ang ating kagawaran
ukol sa Filipinolohiya.

Kaya’t hinamon kong muli ang sarili ko na gumawa ng


nauukol na pag-aaral ukol dito. Pag-aaral na makapag-papawi ng
pesimistiko kong reaksyon sa nasabing planong seminar at marahil
pag-aaral na makatutulong upang minsan pa ay sama-samang
makapagpasya at makapagbalangkas ng nauukol na hakbang para
sa nasabing planong seminar. Dalawa ang direksyon ng papel na
ito, una ay mapag-ugnay--mahanap o matukoy ang pagkakatulad at
pagkakaiba ng Filipinolohiya ng PUP at Pilipinolohiya ng UP;
pangalawa ay makahugpong at makapaghain ng ilang mungkahi
para maging lundayan ng mungkahing pambansang seminar ng
ating pangulo.

Pilipinolohiya at Filipinolohiya sa usapin ng konsepto,


karunungan at kamalayang Pilipino.

Hindi lingid sa kaalaman natin na ang kapwa natin pang-


estadong unibersidad ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay may
programa ring tinatawag na may lohiya sa dulo gaya ng sa atin, na
Filipinolohiya sa atin at Pilipinolohiya sa kanila. At marahil tulad
ng iba madalas ang tanong natin ay may pagkakatulad o
pagkakaiba o kaya’y pagkakaugnay ang dalawa o baka naman sa P
o F na tunog sa simula ng terminolohiya?

FILIPINOLOHIYA
Kahulugan

Disiplina ng karunungan na nakasalig sa maka-agham na


pag-aaral sa pinagmulan, kalikasan at ugnayan ng wika, panitikan,
kultura, lipunan, kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng
karunungang Pilipino, gayundin ay nililinang nito ang mga
karunungang ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng mga
karunungan (nasa tesis ni MV Apigo-2001 batay sa panayam kay
Prop. Gandhi G. Cardenas).

Nakatuon sa pagpapakadalubhasa sa pagtuturo at pagkatuto


ng wikang Filipino gayundin sa holistikong pag-uugnay nito sa iba
pang batis ng karunungang Pilipino na bumubukal sa panitikan,
kultura, kasaysayan, antropolohiya, agham sikolohiya, pilosopiya
at iba pang disiplina na nangangahulugan ng pagtataglay nito ng
interdisiplinaryong paraan ng pag-aaral (mula sa artikulong isinulat
ni Prop. Cardenas sa pahina ng Dalubwika o The Lingguist
(opisyal na pahatid-kalatas ng KWL, p. 5, 2001).

Sa Pagsisimula

Sa tulong ni Prop. Abadilla iniharap ni Prop. Gandhi G.


Cardenas, (tagapangulo noon ng Dept. Ng Filipino na nasa ilalim
ng kolehiyo ng mga Wika at Linggwistika) sa pulong ng Pang-
unibersidad na Komite sa kurikulum na ebalwasyon (University
Curriculum Evaluation Committee) noong ika-28 ng Pebrero,
2001.

Matapos maaprubahan ay nagsimulang tumanggap ng mga


mag-aaral bilang pang-akademikong programang pambatsilyer
noong unang semestre ng TA 2001-2002.
Kasabay nito ang pagpapalit ng pangalan na Kagawaran ng
Filipinolohiya sa dating Departamento o Kagawaran ng Filipino.

Katangian at Kasaklawan bilang Pang-akademikong Programa

Bilang programa ay inilarawan ito bilang isang apat na taong


akademikong programa na papanday sa potensyal na talino ng mga
estudyante sa mga karunungang makakamit sa Filipinolohiya.
Sinasaklaw ng kurso ang wika, panitikan at kultura o pambansang
kabihasnan sa pangkalahatan. Nakatuon sa pagkamalikhain
(creativity) at sikhayan (scholarly works) ang lalim at lawak ng
mga pagpapakadalubhasa sa Filipinolohiya na napakahalaga sa
propesyon/disiplinang pagtuturo o pedagohiya at kahusayan sa
industriyang komunikasyon. Pinahahalagahan ng pinaunlad na
kurso ang kasalukuyang tunguhin ng elektronikong edukasyon o
cyber-culture sa daigdig kaugnay ng kapakanang pambansa at
kagalingang pambayan.

Tinutugunan ng kursong Batsilyer ng Sining sa


Filipinolohiya ang mga kahingian ng sistema ng edukasyon ng
bansa ayon sa sumusunod:
1. Pagpapataas ng pagkilala at pagpapahalaga sa pagka-
Pilipino
2. Pakikisangkot sa pagtatatag ng isang lipunang makabansa,
maunlad, makatao at makadiyos sa panahon ng sibilisasyong
cyberspace
3. Pagkakamit ng karunungan sa dalawang wika—Filipino at
ingles.
*(sinipi mula sa ABF Kurikulum-2001-02)

Nakatuon sa lapit at pamamaraan sa pagpapakadalubhasa


hindi lang sa Wikang Filipino kundi maging sa kaugnay na mga
disiplina ng karunungan—hindi lang makasining kundi
makaagham ang pag-aaral nito (sinipi din mula sa Dalubwika).

Bisyon/Pananaw

Nakatuon ang programang pang-akademiko ng KF sa


paghubog ng mga kabataang mag-aaral na magtatapos sa
Filipinolohiya na handang-handang harapin anag hamon ng
pagtuturo at/o pananagutan sa industriya ng komunikasyong
pangmadla ayon sa kahingiang panlipunan na tumutugon sa
bansang malaya, maunlad at matiwasay (sinipi mula sa Kurikulum
ng ABFilipinolohiya 2001-02).

Misyon

Puspusang makikipag-ugnayan ang KF sa iba pang kolehiyo


at departamento ng Unibersidad upang patuloy na mapangalagaan
ang mahusay na kalidad ng pagtuturo. Ipinoprograma ng
Kagawaran ang mga gawaing pananaliksik (ng mga guro at
istudyante) na nakatuon sa mga kaganapang pangkarunungan sa
daigdig at bansa (sinipi mula sa kurikulum ng ABFilipinolohiya
2001-02).

Sa Usapin ng Pagpapahalagang Pangwika

Maituturing na ang nukleyo ng Filipinolohiya ay ang wikang


Filipino at ang Filipinolohiya ang nukleyo ng Pilipinong
Sambayanan.. (Apigo, Kolukyum ng KWL, Enero 29, 2004).

Hindi maikakailang isa sa mga pangunahing kailangan nito


(Filipinolohiya) ay ang maayos at epektibong pag-aaral at
pagpaplano, na kung magkakagayun, walang pasubaling ang
pinakaubod nito na wikang Filipino ay may kakayanang tumagos
at/o magbunga ng iba pang sangay ng kaalaman at pag-aaral na
kailangan at kakailanganin ng mga Pilipino sa pagtuklas,
pagpapanatili, pagpapaunlad at pagsusulong pang lalo ng
Pilipinong Kalinangan at Karunungan (Rio: Nob. 03).

PILIPINOLOHIYA
Kahulugan
Sistematikong pag-aaral ng Kaisipang Pilipino, kulturang
Pilipino (Wika at Sining) at Lipunang Pilipino (Dr. Prospero
Cubar, na kay Bautista at Pe-Pua, p. 37, DAPP, UP, 1991).

Disiplinang bubuo ng isang pantayong pananaw o


pambansang diskurso para sa mga Pilipino sa loob ng isang
nagsasarili, malawak at matatag na kabihasnang Pilipino (Dr. Zeus
Salazar, na kay Bautista at Pe-Pua, p. 7, 1991).

May katutubong kamulatan at kamalayan na nakaugat sa


pananaw ng mga Pilipino upang makabuo ng pambansang
kabihasnan at hindi lamang upang pag-aralan ang mga pangyayari
sa Pilipino at sa bansa (p.44).

Sa Pagsisimula

Nagmula sa pangarap ng mga guro sa dating Dalubhasaan


ng Kolehiyo ng Agham (CAS) na magkaroon ang kanilang
kolehiyo ng Programang Doktorado sa Agham Panlipunan. Sa
pamamagitan ni Dekano Domingo, sa salita nalikha ang lupon ng
mag-aaral ukol sa nasabing mungkahi. Pinamunuan ang nasabing
lupon ni Dr. Armado Bonifacio noong Enero 24, 1973.

Taon-aralan 1974-75 Unang Semestre matapos dumaan sa


maraming talakayan at maaprubahan ng Sanggunian ng
Unibersidad tumanggap na ng mga mag-aaral ang Programang
Doktorado sa Araling Pilipino (Phd in Philippine Studies), sa
ilalim ng pamumuno ni Dr. Armado Bonifacio- unang naging
tagapangulo ng nasabing programa na nagtagal sa nasabing
tungkulin hanggang Enero 1982.

Sumunod na naging tagapangulo ng nasabing programa ay si


Dr. Vivencio Jose (na siya ring unang nakapagtapos sa nasabing
programa noong 1977). Nanungkulan siya mula 1982-1986
katuwang si Dr. Prospero C. Cubar sa pagpaplano at pagpapaunlad
pa ng nasabing programa.

Disyembre, 1984 nahati ang dating dalubhasaan ng Agham


sa tatlong dalubhasaan, ito ay sa Kolehiyo ng Arte at Literatura
(KAL), Dalubhasa ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (DAPP) at
Dalubhasaan ng Agham (DA). Sinasabing ang unang dalawa ay
nagpatuloy sa pag-oofer ng programa sa Araling Pilipino, Ang
KAL ay ang Masteral at Doktoradong lebel samantalang ang
DAPP ay sa Doktorado lang. Samantalang nasa panahon ng
kalagayan kahihiwalay ng 3 yunit na dating kabilang sa isang
dalubhasaan ay nagsilbing tagapag-ugnay ng programang Araling
Pilipino ng KAL at DAPP si Prop. Ernesto Cubar mula sa
panahong 1987-89.
Bago matapos ang dekada 80, nagkaroon ng bagong dekano
ang DAPP sa katauhan ni Dr. Zeus A. Salazar. Sapagkat nakatuon
ang kanyang programang pang-akademya sa pagpapaunlad ng
katutubong agham panlipunan, pinangunahan at napagtagumpayan
niyang palitan ang pangalan ng programang pandoktorado sa
Araling Panlipunan ng DAPP ng katawagang PILIPINOLOHIYA
upang mabigyang diin ang pananaw ng programa na nakaugat sa
katutubong kamulatan at kamalayan ng mga Pilipino.

Nagpatuloy ang pakikipag-ugnayan ng programang


Pilipinolohiya sa DAPP sa Programang Araling Pilipino ng KAL
at ng Sentrong Asyano (Bautista, 1991). Katunayan ayon kay Dr.
P. Cubar, ay may tatlong antas ang Pag-aaral ng Pilipinolohiya sa
buong sistema ng UP, ang BA, MA at Phd, idinagdag pa niya na
nag-oofer kapwa ng doktoradong digri sa Pilipinolohiya ang
DAPP, KAL at Sentrong Asyano.

Katangian at Kasaklawan bilang isang Programang Pang-


akademiko.

Ang Araling Pilipino na kalaunan ay tinawag na ngang


Pilipinolohiya, bilang isang Programang Pandoktorado ay
nagtataglay o nagtaglay ng mga sumusunod na katangian (ayon
kay Dr. Violeta Bautista):
1. Pagsasanay ng mga mag-aaral ng higit sa isang disiplina
2. Pakikilahok ng iba’t-ibang departamento sa konsorsyum ng
3 yunit
3. makatugon ang programa sa pangangailangan ng bansa.

Alalaon bagay batay ito sa katangian ng programa na


binigyang deskripsyon sa mga sumusunod na pangungusap:
“ As the title of the program suggests, the focus is on the
Philippine. Its principal objective is to train students who are able
to look at Philippine problems from a multidisciplinary point of
view. Students of this program are expected to gain valuable
insights from various participating disciplines and to bring this
insights to bear on problems that pertain to the Philippine situation.
The program is predicated on the principle that on this stage of our
history we need scholars trained along multidisciplinary lines just
as we need those whose training is on a single and specific
discipline” (catalogue CAS UP 1974, na kay Bautista p. 24).

Ayon sa pag-aaral ni Bautista, mula 1974 hanggang 1989 ay


nakapagtala na ng 55 doktorado sa Programang Pilipinolohiya ang
DAPP. 30 sa mga ito ay nagtapos noong 1986-89 kung saan ang
mga katawagang Pilipinolohiya ay sinisimulan ng palaganapin sa
nasabing kolehiyo. Isinasaad din ng pag-aaral ni Bautista na sa 55
na nagtapos ng nasabing programang pandoktorado, 32 dito ay
mga guro sa UP at sa mga gurong ito ay may 7 at pinakamalaking
bilang ang mga guro ng Departamento sa Filipino at panitikan ng
Pilipinas ng KAL ng UP.

Sa Usapin ng Pagpapahalagang Pangwika.

Sinabi ni Dr. Cubar, na mula ng gamitin nila ang


katawagang Pilipinolohiya noong 1989 kapalit ng Araling Pilipino
o Phil. Studies ay Pilipino na, hanggat maaari ang gagamiting wika
sa pagtuturo at pagsulat ng disertasyon. Dinagdagan pa ito ng
punto ni Dr. Salazar ng kanyang pananaw na dapat nasa wikang
F/Pilipino lamang ang mga pag-aaral na ukol sa kabihasnang
Pilipino na mauunawaan, mapapalalim, pag-iibayuhin at
mapapalawak ng Pilipinolohiya.

Pagkakaiba ng Araling Pilipino at Pilipinolohiya sa Loob Mismo


ng UP

Ayon kay Dr. Salazar, may dalawang aspekto ng pag-aaral


ng Kapilipinuhan at mga bagay Pilipino. Ang una daw ay ang
tinagurian ng mga Amerikano na Philippine Studies (na siyang
tinumbasan ng katawagang Araling Pilipino)
nangangahulugang pagsusuri sa mga Pilipino at bagay Pilipino
mula sa labas upang maintindihan, mapakinabangan at magamit ng
mga tagalabas ang mga nakalap na datos. At ang ikalawa naman
daw ay ang Pilipinolohiya na ikinokonsidera niyang disiplina na
bubuo sa isang pantayong pananaw o pambansang diskurso para sa
mga Pilipino sa loob ng isang nagsasarili, malawak at matatag na
kabihasnang Pilipino. Pag-aaral na atin at sang-ayon sa ating
pananaw upang mabuo ang ating pambansang kakanyahan, ang
isang pambansang konsensus. Nakatuon sa pag-aaral ng
kabihasnang Pilipino, bilang katas ng mga kalinangang Pilipino
(na katangian at buhay ng mga ethnolinggwistikong grupo ng
Pilipinas) at bilang tunguhin sa pagbubuo ng bansa.

Idinagdag pa ni Dr. Cubar na ang dating Araling Pilipino o


Phil. Studies ay walang pantayong pananaw sapagkat nakatuon ito
sa pananaw ng mga banyaga at ng ilang Pilipinong nananaliksik
ayon din sa pananaw ng mga banyaga. Samanatala ang
Pilipinolohiya na may katutubong kamulatan at kamalayan ay
nakaugat sa pananaw ng mga Pilipino upang makabuo ng
pambansang kabihasnan at hindi lamang upang pag-aralan ang
mga nangyari sa Pilipino at sa bansa (p. 44).

Pagpapatibay ng Bungang-Isip

Matapos mailahad ang nasabing mga impormasyon, na


maaaring kulang pa sa panig ng Pilipinolohiya kaugnay ng
kalagayan nito sa kasalukuyang panahon, hindi maaari na bukod sa
P at F per se ay wala tayong nasipat na pagkakatulad, pagkakaiba
at pinakamahalaga sa lahat ay ang pagkakaugnay ng dalawa.
Kung ilalapat ang ginawang pagkakaiba ni Dr. Salazar sa
Pilipinolohiya ng DAPP at Araling Pilipino ng KAL,
mahihinuhang magkaiba ang direksyon ng dalawa bagamat
parehong may layuning pag-aaralan ang tungkol sa kaisipan,
kultura at lipunang Pilipino. Mula sa labas ang pokus ng sa KAL at
sa loob naman ang tuon ng sa DAPP. Sa huling binanggit
mayroong higit na pagkakaugnay ang tuon ng Filipinolohiya ng
PUP. Alalaon baga’y ang Araling Pilipino (tinawag na
Pilipinolohiya) ng UP-DAPP ang may higit na pagkakaugnay sa
Filipinolohiya ng PUP.

Kaya’t sa mga susunod na bahagi ng mga talakay ay


ipopokus na lamang ito sa pagkakaugnay, pagkakatulad at
pagkakaiba ng Pilipinolohiya (UP-DAPP) at Filipinolohiya (PUP).

Pagkakatulad, Pagkakaiba at Pagkakaugnay


Batayang Pangkasanayan
1. Parehong nagsimula bilang isang programang pang-
akademiko. Bagamat Doktorado sa UP at batsilyer o BA sa
PUP.
2. Matagal na ang Pilipinolohiya sa UP, 1973 hanggang sa
kasalukuyan samantalang halos pa-apat na taon pa lang ang
Filipinolohiya sa PUP.
3. Kapwa isinilang sa ilalim ng sinag ng Agham at Sining. Ibig
sabihi’y kapwa nag-ugat sa kolehiyo ng Agham at Sining
ang mga dakilang palaaral na nagkonseptwalisa, ang DAPP
at KAL ng UP ay kapwa mula sa dating Kolehiyo ng Sining
at Agham (CAS) ng UP samantalang ang Kagawaran ng
Filipinolohiya na dating Departamento ng Filipino bagamat
nasa ilalim ng dating kolehiyo ng mga wika at
Komunikasyong Pangmadla ay nagsimula rin sa ilalim ng
kolehiyo ng Sining at Agham.

Kahulugan, Prinsipyo, Tuon o Pokus

1. May multidisciplinaryong inklinasyon ang Pilipinolohiya


samantalang interdisiplinaryo at holistiko ang tunguhin ng
Programang Filipinolohiya (ginamit ko ang tunguhin
sapagkat hanggang sa kasalukuyan sa ganang pagpapalagay
ay di pa ganap na natatamo ang ganitong layunin ng
Filipinolohiya.)
2. Kapwa pundasyon at gabay ng dalawang konsepto ang
siyensya o agham.
3. Bukod sa programa, ay pangalan din ng kagawaran ang
Filipinolohiya sa PUP. Hindi sa UP.
4. Kapwa nilalayon ng Pilipinolohiya at Filipinolohiya ang
makatugon sa pangangailangan ng bansa, bagamat higit na
nakapokus lamang sa mabisang pagtuturo at pagiging
praktisyuner sa midya ang pokus ng Filipinolohiya bilang
programa, samantalang ang Pilipinolohiya naman ay
nagsasaad na inaasahang ang mga mag-aaral ay magkaroon
ng kasanayan sa o higit sa isang disiplina. Inaasahan din na
ang mga magtatapos ng Pilipinolohiya ay makabuo ng
pambansang kabihasnan.
5. May pagpapahalaga sa paggamit ng sariling wika ang
Pilipinolohiya at Filipinolohiya. Bagamat mahihinuhang
bukas ang Filipinolohiya sa pag-aaral ng mga pandaigdig na
pananaw at karunungan, gayundin ng wikang Ingles
(mababasa ito sa paglalahad ng kurso). Ang Pilipinolohiya
bagamat may gayundin pagpapahalaga ay higit na
pinapahalagahan ang sariling karunungan, mahihinuha ito sa
pahayag ni Dr. Zeus Salazar na “Ang kabihasnang Pilipino
bilang katas ng mga kalinangang Pilipino at bilang
tunguhing pagbubuo ng bansa ang siyang dapat pagtuunan
ng pansin ng Pilipinolohiya. At mula sa kabuuang iyan ay
maaari na tayong tumingin sa labas at suriin ang ibat’-ibang
bayan ayon sa ating tinutungo at interes bilang bansa.”

Bilang Pang-akademikong Programa


1. May tatlong antas ng pag-aaral sa Pilipinolohiya sa UP, BA,
MA at PhD, ang Filipinolohiya BA lang.
2. May multidisciplinaryo at holistiko ang tunguhin ng
Programang Filipinolohiya (ginamit ko ang tunguhin
sapagkat hanggang sa kasalukuyan sa ganang pagpapalagay
ay di pa ganap na natatamo ang ganitong layunin ng
Filipinolohiya).
3. Kosorsyum ang isa sa naging hakbang para sa pagpapaunlad
ng Pilipinolohiya bilang isang programa at disiplina,
katuwang ng DAPP ang KAL at Sentrong Asyano. Ang sa
Filipinolohiya, minisyon lang at hindi pa nagkakaroon ng
katuparan.
4. Bukod sa pagiging programa ay kapwa ikinokonsidera din
ang dalawa bilang mga disiplina. Magkagayunman ang
PILIPINOLOHIYA ng DAPP bilang programa ay nilikha sa
ilalim ng pamunuan ni Dr. Salazar upang mabigyang diin
ang pananaw ng kanyang programa na nakaugat sa
katutubong kamulatan at kamalayan ng mga Pilipino
samantalang ang Filipinolohiya bilang programa ayon sa
mentor nito na si Prop. Gandhi Cardenas ay isang programa
na nakasalig sa makaagham na pag-aaral sa pinagmulan,
kalikasan at ugnayan ng wika, panitikan, kultura, lipunan,
kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng
karunungang Pilipino, habang nilalayon din nitong malinang
ang mga karunungang ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng
mga karunungan.
5. Kapwa nilalayon ng dalawang programa na matuto ang mga
mag-aaral sa iba’t-ibang disiplina kaalinsabay ang layong
makatugon at makatulong sa pangangailangan ng bansa.
Sa Ganang Akin—Isang Pagtatangkang Humugpong

Matapos mailahad at mapagnilay ang mga nasabing


impormasyon, may nabuo akong kasagutan sa sarili kong
katanungan na marahil ay tanong din ng marami sa atin, ano nga
ba talaga ang Filipinolohiya?

Bagamat may pagkakatulad sa Pilipinolohiya ng UP ay may


ganap na kaibahan ang Filipinolohiya ng PUP. May distink o tangi
itong katangian, tunguhin at dinamismo bilang isang disiplina,
larangan at programa di lang sa loob ng akademya kundi sa buhay
ng Pilipinong Sambayanan na may pagkilala at pagpapahalaga di
lang sa pambansa kundi gayundin sa pangmundong pananaw at
karunungan na nakapokus sa Pilipinong kagalingan at kahusayan.

Ang Filipinolohiya ay agham na nakatuon sa pag-aaral ng


mga Pilipinong kalinangan at karanasan (na nakapaloob at
kinapapalooban ng Pilipinong kaisipan, Pilipinong kultura at
Pilipinong lipunan) tungo sa pagbuo ng karunungan at kabihasnan
na mula, tungo at para sa Pilipino.

Bilang disiplina at larangan ay magsisilbing kasangkapan,


tagapagtago o imbakan at daluyan nito ang wikang Filipino na
maituturing na siyang pinakanukleyo nito. Kasangkapan o midyum
na gagamitin sa pagsasaliksik at pag-aaral ng dati na, ng
kasalukuyan at ng darating pa sa Pilipinong isipan, kultura at
lipunan. Tagapagtago o imbakan ng mga ibubunga ng paghahanap
at pagsasaliksik ng dati na, ng kasalukuyan at ng darating pa sa
Pilipinong isipan, kultura at lipunan. Gayundin, ay bukal itong
dadaluyan ng mga binanggit na sa una upang maipasa ang mga
bungang-paghanap at saliksik sa kasunod na henerasyon.
Henerasyon na magmamana ng ganap na Pilipinong Karunungan at
Kabihasnan.

Multidisiplinaryo ang tuon ng Filipinolohiya na gagamitin


ng interdisiplinaryong dulog sa pag-aaral. Multidisiplinaryo ang
mga tuon ng pag-aaral sapagkat lahat ng mga sanga ng pag-aaral
na nasa ilalim ng likas at sosyal na agham o sayans ay gagawing
timbulan sa pagsasaliksik at pag-aaral sapagkat magiging malinaw
na timbulan nito ang magkakasanib pwersa ng prinsipyo at
praktika ng pilosopiya, sining at agham, upang matalunton ang
landas tungo sa pagbuo ng Pilipinong Kabihasnan at
Karunungan.

Grapikong Presentasyon:
(HINDI KO NA MAGAGAWA ‘YUNG GRAP KASI HINDI NA
MAKITA SA KOPYA YUNG MGA KULAY, BLACK AND
WHITE NA... [XEROX COPY NA LANG KASI] )
Paano?

Yan ang mahirap na tanong. Subalit yan din po ang hamon


sa atin. Mahirap yan kung wala tayong gagawin, kung hindi tayo
magsasama-sama at magtutulungan. At pinaka sa lahat ng
pinaka ay kundi natin aalagatain na pahalagahan ang napasimulan
na natin. Nasa bukana po tayo, sana naman po ay maglooy na tayo.
Sa paanong paraan?

Pananaliksik ang Pangalan ng Unang Hakbang.

Magandang hiramin natin ang ideya ni Dr. Prospero Cubar


na sa pananaliksik ang metodo ay kailangang angkop at akma sa
datos, kung magkagayun aniya, dapat lang na ang datos ang
nagdidikta ng Metodo, hindi metodo ang maghahanap ng datos at
hindi ang datos ang kasangkapan ng metodo. Sa tiyakang sabi ay
iminumungkahi niya na maging malikhain tayo sa pag-imbento ng
metodo ng pananaliksik sa Filipinolohiya. Sa halip na
magpakalunod kung gayun sa paggamit ng mga metodong
kanluran at galing sa ibang lahi (na pilit nating ikinakapit at
ipinangkakahon sa mayaman at malawak na paksa ng pagsasaliksik
at pag-aaral natin) ay mas makabubuting lumikom, humanap at
tumuklas ng mga pamamaraang sarili at angkop sa ating sariling
kaisipan, kultura at lipunan. Gaya ng Pantayong Pananaw na nabuo
ni Dr. Zues Salazar, teyoryang Pakapa-kapa ni Dr. Virgilio
Enriquez at iba pa.

Ang Pangalawa ay Pakikipag-ugnayan sa Loob at


Labas ng Akademikong Yunit, sa iba pang Pang-
akademikong Institusyon sa pamamagitan ng
Pagdaraos ng mga gawaing Sikhayan gaya ng
talakayan, kolukyum, seminar at iba pang katulad
nito.

Kung mababalikan ng ating gunita, nakapagdaos na ng


tatlong kolokyum ang ating yunit para sa Filipinolohiya, dalawa sa
ilalim ni Prop. Cardenas at isa sa ilalim ni Prop. Asinas na
kasalukuyang tagapangulo ng kagawaran. Komon na layunin ng
nasabing tatlong kolokyum ay ang pagpapakilala ng kung ano ang
Filipinolohiya ng PUP hindi lang sa mga kasama sa yunit kundi
maging sa ibang sangay ng ating institusyon at maging sa mga
taga-ibang institusyon.

May maganda ang kinalabasan subalit gaya ng anumang


bago pa lang, medyo hilaw pa ito at makikita pa rin ang maraming
kakulangan. Kakulangan na dapat ay matugunan na natin sa
kasalukuyan ng mga gawaing pampananaliksik upang ganap na
tayong makapaglunsad ng isang pambansang seminar upang ganap
na nating maibanyuhay ang Filipinolohiya bilang programa at
disiplina. Mainam na dugtungan na natin ang nasabing mga unang
gawain sa pamamagitan ng mahigpit at seryosong pakikipag-
ugnayan, una sa loob ng ating pamantasan lalo na sa mga yunit,
departamento at kolehiyo na may higit na kaugnayan sa ating
tunguhin gaya halimbawa ng kolehiyo ng Sining, Kolehiyo ng
Agham at iba pa.

Mungkahing tuon ng mga plano at gawain.

Kaugnay ng mga mungakahing hakbang ay minumungkahi


ko rin po ang ipinagpapalagay kong tatlong tuon o hati ng ating
mga gawain gaya ng isinasaad sa kasunod na talahanayan.

YUNIT/TUON pananaliksik Akademik program Extensyon


Pilipinong Kaisipan
Pilipinong Lipunan
Pilipinong Kultura

Batay sa mga nabanggit na mungkahing tuon ng mga


gawain, ay ihinahanay ko rin ang ilang mungkahing paksa na
maaaring saliksikin ng bawat isa sa atin:

Pilipinong Pag-iisip
 Sikolohiyang Pilipino
 Sikolohiya ng mga Pilipina
 Sikolohiya ng mga Pilipinong Manggagawa o Pilipinong
Ploretaryo
 Sikolohiya ng Pilipinong edukasyon
 Atbp.

Pilipinong Lipunan
 Pilipinong pamilya
 Pilipinong komunidad
 Pilipinong ekonomiya
 Pilipinong Politika
 Pilipinong pananampalataya o paniniwala
 Pilipinong edukasyon
 Atbp.

Pilipinong Kultura
 Pilipinong paniniwala
 Pilipinong Sining
 Pilipinong batas
 Pilipinong pagpapahalaga
 Pilipinong Paniniwala
 Pilipinong Tradisyon
 Atbp.
At sa aking pagwawakas...
Isa tayo sa may hawak ng susi para sa ganap na paglaya
ng Pilipinong Sambayanan sa busabos at mahirap nitong
kalagayan. Kapit-kamay nating harapin ang hamon na ito
yayamang nasa atin at kasama tayo sa katawan na nagsilang ng
disiplinang Filipinolohiya.

Bibliyograpiya:
Bautista, V., R. Pe-Pua. Pilipinolohiya: Kasaysayan, Pilosopiya at
Pananaliksik. DAPP, UP Dil. Q C, 1991

Cardenas , Gandhi. AB Filipinolohiya, Binuksan. Dalubwika, Vol.


1, Blg 1. P. 5, Hunyo-Agosto, 2001

Paolo at Rolda. Sociology and Anthropology, an Introduction.


Goodwill Bookstore, Ayala Makati Center. 1988.

Rio, Ma. Victoria C. Pagpaplanong pangwika sa Politeknikong


Unibersidad ng Pilipinas tungo sa Aktibong pagpaplano ng wikang
Filipino, KAL-UP Dil. Q C. 2001 (tesis).

You might also like