You are on page 1of 1

Ang báse militár ay isang pasilidad na direktang pagmamay-ari at pinamamahalaan at para sa hukbong

sandatahan. Naglalaman ang base militar ng mga kagamitan at tauhang militar at dito nagsasagawa ng
mga pagsasanay at operasyon. Sa pangkalahatan, nagsisilbing tirahan o kampo para sa isa o higit pang
pangkat ng mga sundalo ang base militar ngunit maaari rin itong gawing sentro ng mga operasyong
militar dahil dito matatagpuan ang mga pinunong militar. Karaniwan sa mga base militar ay nakadepende
sa mga tulong mula sa labas upang maisagawa ang mga operasyon nitó. Sa kabilang banda, mayroon
namang malalaking pasilidad na may sapat nang pagkain, tubig, at kagamitan upang makatagal habang
nakikipaglaban.

Ang 1947 Military Bases Agreement ay nagbigay ng kapangyarihan sa Estados Unidos na humawak ng
mga lupain upang gawing base militar sa Filipinas sa kabila ng pagbibigay ng kasarinlan sa Filipinas.
Kabilang sa itinatag na mga base sa bansa ang Clark Field Air Base (Pampanga), Fort Stotsenburg
(Pampanga), Mariveles Military Reservation, POL Terminal and Training Area (Bataan), Camp John Hay
Leave and Recreation Center (Baguio), United States Armed Forces Cemetery No. 2 (Rizal), Angeles
General Depot (Pampanga), Leyte-Samar Naval Base, Subic Bay (Olongapo), Tawi-Tawi Naval
Anchorage (Sulu), Caiacao-Sangley Point Navel Base (Cavite), Bagobantay Transmitter Area (Lungsod
Quezon), Taumpi- tao Point (Palawan), Talampulan Island, Coast Guard No 354 (Palawan), Naule Point
(Zambales), at Castillejos, Coast Guard No 356 (Zambales). May karapatan din ang Estados Unidos sa
mga baseng Mactan Island Army and Navy Air Base (Cebu), Florida Blanca Base (Pampanga), Camp
Wallace (La Union), Puerto Princesa Army and Naby Air Base (Palawan), Tawi-Tawu Naval Base (Sulu),
at Appari Naval Air Base. Ang kasunduang ay may bisà sa loob ng 99 taon at maaaring dugtungan batay
sa mapagkakasunduan ng Filipinas at Amerika. Nagkaroon ito ng pagbabago noong 1966 na ginawang
25 taon na lamang ang bisà at noong 1979 na inililipat sa Filipinas ang kapangyarihan sa mga base.
Ibinasura naman ng Senado ng Filipinas ang balak na dagdagan ang taon ng pananatíli ng mga base ng
Estados Unidos noong 16 Setyembre 1991.

Ang U.S. Naval Base Subic Bay sa Olongapo, Zambales ang naging pangunahing pasilidad para sa pag-
aayos ng mga barko, pagpupuno ng suplay, at pahingahan ng hukbong pandagat ng Estados Unidos. Ito
rin ang pinakamalaking overseas military installation ng puwersang Amerikano matapos magsara ang
Clark Air Base noong 1991. Nang ipasara noong 1992, ginawa itong Subic Bay Freeport Zone ng
Pamahalaang Filipino.

Ang Clark Air Base ang dating base ng hukbong himpapawid ng Estados Unidos sa Filipinas.
Matatagpuan ito tatlong milya sa kanluran ng Lungsod Angeles at 40 milya sa hilagang kanluran ng Metro
Manila. Nasasakop nitó ang 37 kilometro kuwadrado at may reserbasyong militar na 596 kilometro
kuwadrado pahilaga. Ito ang kuta ng puwersang Amerikano at Filipino noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig hanggang Digmaang Vietnam. Naging pagmamay-ari ito ng mga Amerikano mula 1903. Dahil
sa pinsalang dulot ng pagputok ng Bulkang Pinatubo at sa lumalaganap noong sentimyento laban sa
mga base militar, iniwan ng Estados Unidos ang Clark noong Nobyembre 1991. Kasalukuyang ito ng
Pamahalaan ng Filipinas at katatagpuan ng Clark International Airport, Clark Freeport Zone, at Philippine
Air Force. (KLL) ed VSA

You might also like