You are on page 1of 1

“ANG ASIGNATURANG FILIPINO”

- Angelica Capoquian

Napagdesisyunan ng Commission on Higher Education (CHED), na tanggalin ang lahat ng


asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo at ilipat na lamang ang mga ito sa Grade 11 at 12. Isa
umano sa mga dahilan nito ay upang mas mapagtuunan ng pansin ng mga mag-aaral sa kolehiyo ang
kanilang tinatahak na propesyon. Kung sakali mang tanggalin ang asignaturang Filipino, paano na ang
mahigit sampung libo (10,000) nating guro na nagtuturo nito sa kolehiyo? Paano na ang mga kabataang
nangangarap makapagturo ng nasabing asignatura? Paano na ang mga mag-aaral sa kolehiyo na ibig pa
ring matuto at pagyamanin ang kaalaman sa wikang Filipino?

“Redundant.” Isa sa mga salitang bukod-tanging nanatili sa utak ko. At ang salitang ito ay isa rin
umano sa mga dahilan kung bakit ganoon ang naging desisyon ng CHED. Labis-labis na ba ang pagtuturo
ng asignaturang Filipino, kaya ito ay kanilang babawasan? Dahil ba ito ay naituturo na simula pa sa
elementarya hanggang sa sekondarya, kaya hindi na kailangan pang ituro sa kolehiyo? Ngunit hindi pa
rin ito sapat na dahilan. Kung ang pag-uulit ng pagtuturo ng asignatura ang ipinagpuputok ng butsi nila,
aba’y sila ay mga hangal! “Masteridad” ang ipinaglalaban ng K-12 Kurikulum. Kaya, kung ibig itiwalag ng
CHED ang asignaturang Filipino sa kolehiyo, wala nang masteridad na makikita! Talagang wala. Dahil ang
labing dalawang (12) taon na pag-aaral at pagtuturo ng Filipino ay hindi sasapat upang lalo pang
mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral ukol sa asignatura. Pakaisipin natin, kung mababawasan ng
ilang taon ang pagtuturo’t pag-aaral sa asignaturang ito, mababawasan din ang kaalaman at
kakahayahang mapaunlad ang wikang Filipino. Oo nga’t naririyan pa rin ang pag-aaral sa ating
pambansang wika, ngunit ang kaalamang taglay ng mga kabataang Pilipino tungkol sa ating wika ay nasa
mababang antas na lamang— paimbabaw na lamang na lebel. At kung mababawasan ang kaalaman at
kakayahan sa paggamit ng wikang ito, may posibilidad na lumala at tuluyang maging isang sakit sa
lipunan ang paggiging mahina ng mga Pilipino sa sariling wika— hangal. At kung tuluyang lumala ang
sakit na ito, magiging isang lason na ito sa ating bansa na siyang lilipol ng ating pagka-Pilipino. Unti-
unting mamamatay ang ating wika dahil sa tuluyang pag-aalis ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. At
tayo’y tuluyang aalipinin ng mga bansang banyaga. Isaalang-alang natin hindi lamang ang pagpapairal ng
ating nasyonalidad, kung ‘di, gayundin ang magiging kinabukasan ng mga sumusunod pang henerasyon
ng kabataang Pilipino.

Lubhang mahalaga ang asignaturang Filipino , sapagkat ito ay instrumento sa pagpapalaganap


ng wika at panitikang Filipino. Kung wala ang asignaturang ito, nasaan ang ating pagka-Pilipino? Tayo’y
mababansagan pa kayang Pilipino kung tayo ay walang kadunungan sa wika’t kultura ng ating bansa?
Kung walang humuhulmang asignatura na magpapakilala ng ating kasaysayan, kultura at pagka-Pilipino,
tayo’y may pagkakakilanlan pa rin kaya? Tayo ay maituturing na mga “walang muwang” at ignorante
kung walang asignaturang magtuturo’t pupuno ng ating puso’t isipan tungkol sa wika at panitikan ng
ating bansa. Kaya, nararapat lamang na hindi alisin o tanggalin sa kurikulum ng kolehiyo ang
asignaturang Filipino. Walang ibang magpapayaman nito, kundi tayo lamang ding mga Pilipino.

You might also like