You are on page 1of 9

MODYUL 1

MGA BATAYANG KONSEPTO SA PAG-AARAL NG WIKANG FILIPINO

PANIMULA

Sa panimulang bahagi ng kursong ito, mahalagang maunawaan mo ang mga batayang


konsepto sa wika. Tutukuyin natin sa bahaging ito ang mga konseptong may kinalaman
sa gamit at anyo ng wika sa loob ng isang lipunan. Ilalapat natin ang mga unibersal na
batayang konsepto sa konteksto ng wikang Filipino at lipunang Pilipino.

Ayon sa Pilipinong linggwist na si Consuelo Paz (2003), ang wika ay isang sistema ng
mga arbitraryong simbolo ng mga tunog na ginagamit ng mga tao sa loob ng isang
komunidad para sa komunikasyon. Sistematiko, malikhain, at patuloy na nagbabago
ang wika. Mayroon itong iba’t ibang anyo at gamit.

Nagtataglay ang wika ng gramatika, o ang sistema ng mga pamantayan kung paano
nakabubuo ng mga pangungusap sa isang wika. Nahahati ang gramatika sa ponetika,
ponolohiya, morpolohiya, sintaks, at semantiks. Nakatuon ang ponetika sa artikulasyon
ng mga tunog, inaaral dito ang katangian ng iba’t ibang tunog at kung paano binibigkas
ang bawat isa. Tinatalakay sa ponolohiya ang pagsasaayos ng mga makabuluhang
tunog o ponema. Bunga nito, nakabubuo ng pantig o silabol sa wika. Kalimitang
binubuo ng isang katinig at isang patinig ang batayang istruktura ng pantig sa wikang
Filipino ngunit posible rin naman ang pagkakaroon ng mga klaster o dalawang
magkasunod na katinig para sa ibang mga salitang-hiram. Sa morpolohiya naman
tinatalakay ang pagbuo ng mga salita, mula sa pagsasama-sama ng mga pantig.
Tinatawag na morpema ang pinakamaliit na yunit ng salita na nagtataglay ng
kahulugan, katulad ng mga salitang-ugat, gayundin ng mga panlapi. Pagbuo ng
pangungusap ang binibigyang-pansin sa sintaks, mula sa mga bahagi nito hanggang sa
pagpapalawak ng mga ito. Samantala, may kinalaman sa pagbibigay-interpretasyon ng
mga kahulugan ng mga salita at pangungusap ang semantiks na siyang mahalaga sa
higit pang ikatatagumpay ng pagkakaunawaan sa pagitan ng mga gumagamit ng wika.

Ayon kay Chomsky (1965), makikita ang pagkamalikhain ng wika sa kakayahan ng mga
taong gamitin ito sa pagpapahayag ng kanilang mga iniisip, nararamdaman, at
nararanasan, isang natatangi na kakayahang nasa mga tao lamang at wala sa ibang
nilalang. Patuloy ang pagbabago sa isang buhay na wika. Maaaring magbago ang
pagpapakahulugan, pagbigkas o maging pagbaybay sa mga salita habang lumilipas
ang panahon. Nagkakaroon din ng mga dagdag na salita sa isang wika dahil may
pangangailangan para sa mga ito, at bunga na rin ng modernisasyon at pag-unlad ng
teknolohiya. Walang buhay na wika ang hindi nanghihiram sa iba pang wika, isa lamang
ito sa mga patunay ng pagiging dinamiko nito.

Page 1 of 9
MGA LAYUNIN SA PAGKATUTO

Matapos ang modyul na ito, inaasahan na ikaw ay:


1. Makakatukoy ng mga gamit at anyo ng wika;
2. Makapagpaliwanag ng mga batayang konsepto sa wika;
3. Makapagpalalim ng kaalaman hinggil sa batayang konsepto sa wika.

MGA BATAYANG KONSEPTO HINGGIL SA WIKA

Sa pagsisimula ng kursong ito, mahalagang malaman mo kung ano ang kahulugan ng


mga sumusunod na batayang konsepto hinggil sa wika.

Wikang Pambansa
Wikang Opisyal
Wikang Panturo
Unang Wika (Bernakular)
Ikalawang Wika
Lingua Franca/ Linggwa frangka
Idyolek
Dayalek
Sosyolek
Register

Page 2 of 9
Gawain 1

Basahin ang mga artikulong “Varayti ng Wika” (Nilo Ocampo), “Ang Filipino Bilang
Linggwa Frangka” (Consuelo Paz) at “Madalas itanong hinggil sa wikang Pambansa
(Tanong 1-7),” (Virgilio Almario). Hanapin ang kahulugan ng mga sumusunod na
terminolohiya:

Wikang Pambansa
Wikang Opisyal
Wikang Panturo
Unang Wika (Bernakular)
Ikalawang Wika
Lingua Franca/ Linggwa Frangka
Idyolek
Dayalek
Sosyolek
Register

Humanap ng kapareha at ibahagi ang mga kahulugan ng konsepto sa itaas. Batay sa


nakuhang kahulugan ng mga konsepto, gumawa ng talahanayan tulad ng makikita sa
ibaba at igrupo ang mga konseptong magkakaugnay.

Mga Konseptong kaugnay sa gamit ng wika Mga Konseptong kaugnay sa anyo ng


wika
1.
2.
3.
4.
5.
2.
3.
4.
5.

DISKUSYON

Maaaring magamit ang una at/o ikalawang wika ng isang indibidwal bilang wikang
panturo, wikang opisyal, wikang pambansa, at lingua franca sa loob ng isang lipunan.
Bawat tao ay may kinalakihang wika, ito ang tinatawag na unang wika o bernakular.

Page 3 of 9
Anumang wika na natutunan matapos nito ang tinatawag na ikalawang wika. Sa kaso
ng wikang Filipino, ginagamit ito bilang wikang panturo, wikang opisyal, wikang
pambansa at lingua franca/linggwa frangka. May iba’t ibang anyo o varayti din ang wika,
ang dayalek, sosyolek, idyolek at register. Ngayong nalaman mo na ang mga batayang
konsepto hinggil sa wika, palalimin pa natin ang talakayan hinggil sa mga ito.

A. Wikang Panturo, Wikang Opisyal, Wikang Pambansa at Lingua Franca

Nabanggit sa naunang bahagi na ang wika ay ginagamit bilang wikang panturo, wikang
opisyal, wikang pambansa at lingua franca. Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang
wikang panturo ang ginagamit sa pagtuturo sa pag-aaral sa mga eskuwelahan at ang
wika sa pagsulat ng mga aklat at kagamitan sa pagtuturo sa silid-aralan (p.14). Ang
wikang opisyal ang itinadhana ng batas na maging wika sa anumang opisyal na
pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa loob at labas ng alinmang sangay o ahensya ng
gobyerno. Batay sa Konstitusyon ng Pilipinas, wikang Filipino at Ingles ang mga wikang
opisyal. Nagsisilbing pambansang sagisag naman ang wikang pambansa ng isang
bansa tulad ng Pilipinas. Isinasaad sa 1987 Konstitusyon ang pagiging wikang
pambansa, opisyal at panturo ng Filipino kaya sinasabing de jure ang wikang ito.

Bukod sa mga unang nabanggit na gamit ng wikang Filipino, ito rin ang ginagamit bilang
pambansang linggwa frangka. Kung babalikan ang kahulugan ng linggwa frangka, ito
ang wikang komon na sinasalita ng mga taong may magkaibang katutubo o unang
wika. Sa kaso ng Pilipinas, mayroon tayong mga rehiyonal at pambansang lingua
franca. Sa hilaga ng Luzon, Ilokano ang ginagamit na linggwa frangka habang Tagalog
naman ang sinasalita sa gitna at timog ng Luzon. Sa Visayas naman, wikang Cebuano
at Hiligaynon ang nagsisilbing linggwa frangka ng mga tao sa rehiyon ng Kabisayaan.
Sa Mindanao, wikang Cebuano (na tinatawag ding Bisaya) at Tausug ang ginagamit na
komon na wika ng mga Pilipinong nakatira sa rehiyon na iyon. Ngunit ang isang
katutubong Pilipino, anuman ang rehiyon na kaniyang pinanggalingan, na pupunta sa
ibang rehiyon sa bansa ay maaaring makipag-usap sa kapwa Pilipino na may ibang
katutubong wika, gamit ang pambansang lingua franca na Filipino.

B. Varayti ng Wika

Nag-iiba-iba ang konteksto ng paggamit ng wika na nagbubunga ng mga varayti nito.


Dayalek ang tawag sa heograpikal na varayti ng wika habang sosyolek naman ang
varayti ng wika batay sa kasarian, edad, trabaho at iba pang panlipunang salik.

Tulad ng nabanggit sa unang bahagi, ang wika ay isang sistemang binubuo ng tunog,
mga salita at pangungusap, ang pagbabago sa loob ng isang sistemang ito dala ng
lokasyon ang tinatawag na dayalek. Lokasyong heograpikal ang pangunahing salik na
nakakaapekto sa pagbabagong ito sa wika. Sa tunog, agad na mapapansin ng mga
tagapagsalita ng Tagalog na iba ang punto o aksent ng mga taga-Bulacan sa mga taga-
Batangas at taga-Quezon. Ginagamit ng nagsasalita ng Tagalog sa Quezon ang
salitang landi sa tubig (Hal. Huwag kang maglandi ng tubig.) na may kahulugang
paglalaro sa tubig ngunit ang mga taga-Bulacan naman ay ginagamit ang landi para sa

Page 4 of 9
tao na may kinalaman sa pakikipagrelasyon (Hal. Huwag mong landiin ang asawa ko).
Isa pang halimbawa ay ang gamit ng mga taga-Bulacan sa salitang urong na pantukoy
para sa paghuhugas ng pinagkainan (Hal. Mag-urong ka na.) na iba sa gamit ng mga
taga-Maynila na tumutukoy naman sa paglipat ng posisyon o espasyo (Hal. Iurong mo
ang silya rito.) Ang mga taga-Batangas naman ay gumagamit ng katagang ga sa
pagtatanong tulad ng Nakain ka na ga? habang ang katumbas nito sa mga taga-
Bulacan ay katagang ba tulad ng Kumain ka na ba? Mapapansin sa mga nabanggit na
halimbawa na bagaman parehong wikang Tagalog ang sinasalita sa Bulacan,
Batangas, at Quezon, may kaunting pagkakaiba ang mga ito ngunit kapag nag-usap-
usap ang mga tagapagsalita nito ay magkakaintindihan pa rin sila. Samakatuwid, mga
dayalek ng wikang Tagalog ang Tagalog-Batangas, Tagalog-Bulacan at Tagalog-
Quezon. Ngunit kapag nakipag-usap ang isang Tagalog sa isang Bisaya, hindi sila
magkakaintindihan dahil magkaibang sistema ang kanilang sinasalita kung kaya
maituturing itong magkaibang wika at hindi dayalek ng isa’t isa. Magkaiba ang
gramatika ng Tagalog, Bisaya, Ilokano, at Tausug kaya maling tawagin na mga dayalek
ang mga ito, wika ang lahat ng mga nabanggit at nagtataglay ng iba’t ibang dayalek sa
ilalim nila tulad ng Bisaya-Siquijor, Bisaya-Davao, Bisaya-Cagayan de Oro, Ilokano-
Ilocos Norte, Ilokano-Ilocos Sur, Ilokano-La Union, Tausug-Basilan, Tausug-Tawi-tawi
at Tausug-Sulu.

Bukod sa heograpikal na lokasyon, nakakaapekto rin sa pagbabago ng wika ang edad,


kasarian, trabaho at iba pang panlipunang salik at ito ang tinatawag na sosyolek. Nauso
noon ang Jejemon na sosyolek ng mga kabataan na ginamit nila sa pagte-text sa
cellphone at maging sa social media. Nauso rin ang datkilab o mga baliktad na salita
tulad ng lodi at werpa na una nang ginawa ng mga kabataan noong dekada sisenta at
otsenta kaya may mga salitang jeproks, ermat, erpat at dehins. Kilala naman sa mga
katawagang swardspeak, gay lingo, bekimon at bekinese ang sosyolek ng mga bakla
na kilala sa paggamit ng mga malikhaing salita at parirala tulad ng Haggardo Versoza,
pak ganern, shunga at itech.

Idyolek naman ang tawag sa varayti ng wika na yunik sa bawat indibidwal. Kung paano
ka magsalita, iyon ang idyolek mo.Ito ang nagsisilbing pagkakakilanlan ng bawat tao na
dala ng kanyang kasarian, edad, trabaho, uring pinanggalingan at iba pang mga
panlipunang salik. Nagbabago din ang anyo ng wika batay sa sitwasyon na kinakaharap
ng nagsasalita, tinatawag itong register. Nag-iiba ang paggamit ng wika sa bahay,
paaralan, hospital, simbahan, opisina at iba pang lugar, konteksto at taong kausap.
Tunay na malikhain ang wika at naiaangkop ng tao ang wika batay sa kanyang
pinaggagamitan.

Page 5 of 9
Gawain 2

Bumuo ng grupo na may 5 miyembro. Magsarbey sa 20 mag-aaral. Itanong ang mga


sumusunod:
1. Ano ang wikang pambansa ng Pilipinas?
2. Ano ang wikang ginagamit sa mga tanggapan ng pamahalaan sa inyong lugar?
3. Batay sa iyong mga nakuhang sabjek mula elementarya hanggang kolehiyo, ano
ang ginagamit na wika ng guro sa pagtuturo?
4. Kapag may kausap kang Pilipino na hindi mo katulad ang unang wika, anong wika
ang ginagamit ninyo upang magkaintindihan?
5. Sa iyong palagay ano ang pinakamainam na gamitin na wika sa pamahalaan? sa
paaralan? sa pakikipag-ugnayan sa kapwa Pilipino?

Itala ang kabuuang bilang ng resulta ng sarbey. Iulat sa klase upang maikumpara sa
resulta sa iba’t ibang grupo.

C. Di-berbal na komunikasyon

Hindi lamang sinasalitang tunog ang saklaw ng wika bagkus kabilang din dito ang mga
di-berbal na simbolo. Ayon sa pag-aaral ni Albert Mehrabian (1971), 93 porsyento ng
mga mensaheng ipinahahatid ng tao sa kanyang kapwa ay nagmumula sa di-berbal na
komunikasyon. Ilan sa mga anyo ng di-berbal na komunikasyon ang kilos o galaw ng
katawan, ekspresyon ng mukha, kumpas, panahon, oras, tindig, kapaligiran at marami
pang iba.

Gawain 3

Upang higit pang maunawaan ang mga uri ng di-berbal na komunikasyon, panoorin
mo ang bidyo na pinamagatang “Uri ng Komunikasyon”
(https://www.youtube.com/watch?v=-3YhdOFuVdo) Habang pinapanood ito, itala ang
mga anyo ng di-berbal na komunikasyon.

DISKUSYON

Batay sa bidyo, ang mga anyo ng di-berbal na komunikasyon ay Kinesika, Proksemika,


Kronemika, Haptiks, Bokaliks, Paralanguage, Aykoniks, Olpaktoriks, Kulay, Pananamit,
Katahimikan, Kapaligiran, at marami pang iba. Batay sa librong Pahiwatig, mismong
ang salitang pahiwatig ay tumutukoy sa isang katutubong pamamaraan ng
pagpapahayag na hindi man tuwirang ipinaaabot ay nababatid naman sa pamamagitan
ng matalas na pakikiramdam o ng mga berbal at di-berbal na palatandaan.

Page 6 of 9
Naglahad din si Maggay (2002) ng mga halimbawa ng di-berbal na paraan ng
pagpaparating ng mensahe sa pamamagitan ng iba’t ibang bahagi ng katawan.
Maaaring magsaad ng paggalang, pagkahiya, pagkalungkot o pag-iisip nang malalim
ang pagtungo o pagyuko; pagkahiya, pagkainis, o hindi pagkaunawa naman ang
isinasaaad ng pagkamot sa ulo. Sa mga Pilipino, kadalasang ginagawa ang pagtaas ng
ulo kasabay ng pag-usli ng nguso, isa itong paraan ng pagtuturo sa posisyon o
kinalaagyan ng isang bagay. Nagpapakita naman ng paggalang ang ginagawang
pagmamano sa mga nakatatanda, kilala rito ang mga Pilipino. Kung ang isang tao ay
nagkibit-balikat, nagpapakita ito ng pagwawalang-bahala.
Napakarami ring senyas na ginagawa sa pamamagitan ng mga kamay para sa mga
Pilipino. Pagsang-ayon ang isinasaad ng pagtaas ng hinlalaki; ang paglalahad naman
ng palad ay maaaring mangahulugan ng panghihingi habang ang pagtaas ng isang
kamay ay nagsasaad ng pagkaway o kaya’y kung may nais sabihin ang isang tao,
maaari itong gawin sa loob ng silid-aralan, kung sasagot ang estudyante o kaya nama’y
sa loob ng kainan, kung may nais hingin ang kostumer. Sa kabilang banda, nakikita rin
ang antas ng pagiging malapit ng mga tao sa isa’t isa sa kanilang mga di-berbal na
paraan ng komunikasyon. Hindi basta-basta ginagawa ang paghawak, paghalik, o
pagyakap sa kahit kanino lamang, sa halip ay sa mga taong mas malapit sa atin.
Nalalaman din natin ang damdaming nais iparating ng isang tao batay sa kanyang
boses, kung ito ba ay malakas, mahina, matinis, o mababa. Maging sa pananamit o
hindi pag-imik ay mababakas ang mensahe ng isang indibidwal. Sa kontekstong
Pilipino, maging ang mga kulay ay may iba’t ibang ipinahihiwatig. Kadalasan, iniuugnay
ang kulay puti sa pagiging malinis o dalisay habang ang kulay pula naman ay sa
katapangan, pag-ibig, o kaya’y sa pagiging masuwerteng kulay. Gayunpaman, hindi ito
paglalahat, kung kaya’t marapat lamang pakatandaan na ang pagpapakahulugan sa
mga di-berbal na paraan ng komunikasyon ay nag-iiba-iba batay sa kultura ng isang
grupo. Mainam na maging pamilyar at tiyak sa iba’t ibang pakahulugan na maaaring
isaad ng mga ito upang maiwasan ang maling interpretasyon na maaaring magbunga
ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga taong kasangkot sa proseso ng
komunikasyon.

Page 7 of 9
PINAL NA GAWAIN

Bumuo ng isang grupo na may anim na miyembro.

PORMAT
Pumili ng isang talk show sa telebisyon na nais magsisilbing gabay upang makagawa
ng sariling bersyon nito. Bigyan ng sariling pamagat ang talk show.

TAUHAN
Magtakda ng dalawang tagapagdaloy o host at ang apat na miyembro ay magsisilbing
mga panauhin sa programa. Ang mga panauhin ay dapat kumatawan sa iba’t ibang
personalidad mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan (pamahalaan, midya, edukasyon,
relihiyon, negosyo, atbp). Magsaliksik at alamin ang tindig ng mga personalidad
hinggil sa usaping pangwika at gawan ng impersonasyon ang mga kilalang
personalidad na mapipili. Ang mga tagapagdaloy at host ay pipili din ng mga kilalang
tv show host na gagayahin. Dapat isaalang-alang ang berbal at di-berbal na paggamit
sa wika ng mga gagampanang karakter.

PAKSA AT DALOY
“Filipino bilang Wika ng Lipunang Pilipino” ang magiging paksa ng talk show. Gamiting
batayan ang mga gabay na tanong mula sa Gawain 2:

1. Ano ang wikang pambansa ng Pilipinas?


2. Ano ang wikang ginagamit sa mga tanggapan ng pamahalaan sa inyong lugar?
3. Batay sa iyong mga nakuhang sabjek mula elementarya hanggang kolehiyo, ano
ang ginagamit na wika ng guro sa pagtuturo?
4. Kapag may kausap kang Pilipino na hindi mo katulad ang unang wika, anong wika
ang ginagamit ninyo upang magkaintindihan?
5. Sa iyong palagay ano ang pinakamainam na gamitin na wika sa pamahalaan? sa
paaralan? sa pakikipag-ugnayan sa kapwa Pilipino? sa negosyo? sa midya? sa
relihiyon?

Ang mga tanong sa itaas ang ibabato ng mga tagapagdaloy sa mga panauhin ng talk
show. Isaalang-alang ang panimula, gitna at wakas. Tiyaking makakapagsalita ang
lahat ng mga panauhin at mga host.

ORAS
Tiyaking hindi hihigit sa 10 minuto ang talk show ng bawat grupo.

BATAYAN SA PAGMAMARKA

Malinaw na paglalahad sa lawak at lalim ng kaalaman hinggil sa isyu 20 puntos


Akmang pagpapakita ng berbal at di-berbal na pagpapahayag 15 puntos
Masinop na presentasyon ng kabuuang programa 15 puntos

Page 8 of 9
PANGWAKAS

Sa kabuuan, sinasabing wika ang ginagamit ng mga tao sa pakikipag-ugnayan sa isa’t


isa. Bunga ng pakikipag-ugnayang ito, nagkakaroon ng iba’t ibang salik na
nakakaapekto sa gamit at anyo ng wika ng mga tao sa lipunan. Nagagamit ang wika
bilang midyum ng pagtuturo, pagkikipag-ugnayan sa gobyerno, pambansang sagisag
ng isang nasyon at komunikasyon sa pagitan ng mga taong may magkakaibang wika.
Nag-iiba-iba rin ang anyo ng wika batay sa kontekstong kinapapalooban nito. Anumang
wika ang tinutukoy, laging magkaalinsabay ang berbal at di-berbal sa pagpapahayag ng
mensahe ng mga gumagamit nito.

SANGGUNIAN

Almario, V. Madalas Itanong Hinggil sa Wikang Pambansa. Maynila: Komisyon sa


Wikang Filipino, 2014. p. 6-24.
http://kwf.gov.ph/wp-content/uploads/2015/12/FAQ_2.4.15-1.pdf

Maggay, M. Pahiwatig. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2002.

Mangahis, J., Nuncio, R., at Javillo, C. Komunikasyon sa Akademikong Filipino.


Lungsod Quezon: C&E Publishing Inc., 2005.

Ocampo, Nilo. “Varayti ng Wika.” Peregrino, J., Constantino, P., Ocampo, N., at Petras,
J., mga editor. Salindaw: Varayti at Baryasyon ng Filipino. LungsodQuezon:
Sentro ng Wikang Filipino, 2012. p. 18-39.

Paz, Consuelo. “Ang Filipino Bilang Linggwa Frangka.” Wikang Filipino Atin Ito.
Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, 2005. p. 17-26.

Paz, C., Hernandez, V., at Peneyra, I. Ang Pag-aaral ng Wika. Lungsod Quezon:
University of the Philippines Press, 2003.

Uri Ng Komunikasyon.” YouTube, 19 July 2016. www.youtube.com/watch?v=-


3YhdOFuVdo.

Page 9 of 9

You might also like