You are on page 1of 2

PAGMUMUNI-MUNI NI MAGDA

By: Sharmain Pranne D. Ngipol


Sa isang masikip na kwarto doon sa isang lugar kung saan laging pasko dahil sa patay-
sinding mga ilaw nito, napag-isip isip si Magda. Kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha, ang
ungol ng isang lalaking kanyang katabi sa kama ngunit hindi niya kilala. Napagmuni-muni si
Magda hanggang sa sandaling siya’y unti-unting mawala…
Kulungan.
Lahat ng ito’y isang kulungan. Nakagapos ang mga kamay. Isang alila sa sariling lupa.
Walang karapatan. Walang patutunguhan. Tanging isang babae lamang na dahil sa walang
pinag-aralan ay basta-bastang inaapakan. Isang babae lamang na ang tingin ay madumi at isang
kawalan. Tingin nila sa akin ay babaeng ang tanging layunin ay magbigay ng pansamantalang
kasiyahan sa isang pagkikita sa kama.
Maitatanggi kaya na sa isang sulyap sa akin ay dibdib ang unang pinagnanasahan? Ano
ang layunin? Tanging mga dekorasyon sa lipunan dahil sa taglay na kagandahan? Hanggang
ganda na lamang ba ang dahilan kung bakit nabubuhay? Ganoon na lamang ba kakikitid ang mga
utak?
Gapos ang bumabalot sa akin. Kung pwede lang sanang ipasa sa kanila lahat ng mga luha
at sakit na nadarama sa bawat gabi-gabing paulit-ulit na ginagapos sa kadena ay aking
ipapaubaya. Kasabay na rin nito ang mga dagok at talim ng kutsilyong paulit-ulit na sumasaksak
sa puso at isipan. Ilang buhos ng tubig ang kailangan upang linisin lahat ng dumi na naka-kabit
sa katawan? Lahat ng dumi na kinabit nila sa akin? Tatawaging putik at mababa ang lipad
pagkatapos nilang bumaba sa aming lebel at ipasa ang kanilang mga mantsa.
Inisip bang hindi lahat sa amin ay ginusto ang ganitong pamumuhay? Na hindi lahat sa
amin ay ginusto ang paulit-ulit na pagkakakulong sa isang mundong wala kaming takas. Na mas
masarap pang maranasan ang kalayaan kaysa sa kayamanan? Na ang bawat isa rin sa amin ay
naghahanap ng tunay na pagmamahal at hindi ang habol lang ay panandaliang kasiyahan? Na
kahit ano man ang dahilan ng bawat isang ganito ang pinasukan ay dahil kami’y bali sa kaloob-
looban?
Pauli-ulit nang pinapatay. Sa bawat gabi ay nakahimlay sa sariling kabaong kung saan
inuudyok pababa at kinukumutan ng lupa hanggang sa nakalibing na. Marami sa kanila ang may
sariling pamilya at sariling mga asawa na sa dilim rin kumakapit upang ilabas ang mga sikretong
di gustong malaman ng iba. Lumilipad din sila pababa. Ang tanging aming pagkakaiba ay ang
kanilang mga pakpak ay hindi naka-kadena.
Minsan ba’y inisip nila ang sariling mga anak na babae? Kung sila’y mahal nila ng buo,
hahayaan ba nilang sila’y mapadpad din sa lugar na ito? Hindi upang bumisita kundi
panghabangbuhay na tumira? Masisikmura kaya nila ang kanilang mga prinsesa na
lapastanganin ng iba? Kaya bang makita ang nag-iisang anak na pagpasa-pasahan sa iba’t ibang
kama? Ilang beses na tatadyakan at gagawing alipin hanggang sa lahat ng kayang ipagmalaki ay
isa-isang aakuhin at nanakawin?
Lahat kami ay isang biktima. Nakakulong sa kadena. Paulit-ulit na pinapadapa at
inaangkin ng mga taong tingin sa amin ay bagay na walang kwenta. Ilang beses pa bang kailangan
sabihin na kami ay may boses rin at kami’y may sariling layunin at karapatan bilang mga tao at
mamamayan at hindi mga ibon na kinukulong dahil hindi kami makalipad.
Napagmuni-muni si Magda hanggang sa siya’y sumuko na. Hawak hawak ang kutsilyong
nakita sa kusina, napag isip isip siya. Inalala ang amang unang gumahasa sa kanya, kasunod ng
mga tiyuhing pinagsamantalahan at pinagpasa-pasahan siya at ang nobyang nangako sa kanya
noon na mamahalin siya ngunit siya’y dinala sa Maynila at ibinenta sa isang masikip na iskinita.
Napagmuni-muni si Magda. Hanggang ang muni niya ay kanyang huli nang hininga.

You might also like