You are on page 1of 27

Ang Editoryal bilang Lunsaran

ng Panunuri
08/08/2008 / ROBERTO AÑONUEVO

Ang karanasan ng pagsulat ng editoryal sa wikang Filipino ay mauugat sa


pagkakalathala ng unang pahayagan sa Filipinas. Itinuturing na unang pahayagan sa
Filipinas ang Del Superior Govierno na lumitaw noong 8 Agosto 1811, may 197 taon
na ang nakararaan mula ngayong araw. Ngunit anim na buwan lamang ang itatagal ng
nasabing pahagayang nasa wikang Espanyol at mamamaalam. Susundan ito ng Diario
de Manila na ilalabas noong 1848; isisilang ang La Ilustración Filipina noong 1859
ngunit magsasara makaraan ang isang taon at siyam na buwan. Susunod ang El
Catolico Filipinona inilathala ni Padre Pedro Pelaez noong 1862; at lilitaw
ang Diariong Tagalog na ipinundar ni Marcelo H. del Pilar sa tulong ni Francisco
Calvo y Muñoz. Ang Diariong Tagalog ang kauna-unahang bilingguwal na
pahayagan noong 1882, at nabuhay sa loob ng limang buwan. Marami pang
pahayagan ang lilitaw, subalit nais kong itampok ang Diariong Tagalog dahil ginamit
doon ang wikang Tagalog para sa Katagalugan, at tinangka nang simulan ang diskurso
ng mga Tagalog alinsunod sa wika nito.

Libangan ang pagbabasa ng tabloyd.


Kung pagbabatayan naman ang saliksik ni Iñigo Ed. Regalado, ang kauna-unahang
pahayagang Tagalog—na kinabasahan ng mga mapaghimagsik na lathala na lumabas
noong panahon ng kalayaan sa Pananakop ng Espanyol—ay Ang Kapatid ng Bayan na
pinamatnugutan ni Pascual H. Poblete. Ang nasabing pahayagan ay ang dahong
Tagalog ng El Grito del Pueblo na si Poblete rin ang editor. Hindi magtatagal at
lilitaw ang Muling Pagsilang na tumuligsa sa mga patakaran ng rehimeng Amerikano
hanggang inusig at tuluyang ipasara ng pamahalaang kolonyal ng Amerikano.
Ang paglitaw ng mga pahayagang Tagalog noong bungad ng siglo 20 ang simula ng
masasabing malaking pagbabago sa pagsulat ng editoryal o higit na kilala noong
pangulong tudling. Tumutukoy ang “tudling” sa kolum o pitak sa pahayagan, at kapag
ikinabit ito sa “pangulo” (i.e., pang + ulo) ay nangangahulugang tampok na kolum na
walang nakasaad na pangalan ng may-akda. Ang editoryal ay kumakatawan noon sa
mga pananaw ng pangkat ng editor na maaaring lumilihis sa itinakdang pananaw at
patakaran ng pamahalaan, at hinahatak ang malawak na lipunan na makisangkot sa
pamamagitan ng pagbibigay ng mga opinyon at pagpapasiya hinggil sa naturang
pananaw at patakaran. Kung minsan, ang editoryal ay hindi lamang tinig na mula sa
mga editor at kasama nitong peryodista, kundi ang mismong paninindigan ng
publikasyon hinggil sa iba’t ibang usaping lumalaganap sa bansa. Kung babalikan ang
sinulat ni Iñigo Ed. Regalado, na pangunahing peryodista at editor sa Tagalog noong
bago at makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang editoryal at ang
malalayang pitak
“ay siyang tagapaghudyat sa nagsisibasa ng mga suliraning may-kinalaman sa iba’t
ibang sangay ng kabuhayan, sa katayuan ng mga lipunan, at sa kalagayan ng
bayan. Ang pangulong tudling ay siyang nagbubukas ng landas sa isipan ng mga
mambabasa sa pagbuo ng sariling palagay at kuro sa alinmang suliranin, at sa
ikapagkakaroon ng matibay na batayan sa paninindigang sasagisagin o ipakikitungo
sa kaninuman.”[1] (Sa akin ang diin).
Sa kasalukuyan, ang editoryal ay hindi lamang kinakasangkapan upang hatakin ang
mambabasa na pumaling sa isang panig ng pananaw o paniniwala, bagkus upang
kumbinsihin—kung hindi man tahasang pilitin—ang sinumang awtoridad o
pinatutungkulan na pumanig at gawin kung kinakailangan ang mungkahi ng isang
publikasyon. Malayo na ang kasalukuyang editoryal sa mga ninuno nito dahil ang
mga editoryal ngayon, lalo sa mga tabloyd, ay tila alingawngaw lamang ng malaganap
na opinyong maaaring nagmumula rin sa taumbayan.

Mapanganib ang pagsulat ng editoryal, dahil kung minsan ito ang nagiging sanhi
upang sindakin o patayin o kung hindi’y sampahan ng libelo ang lupon ng mga editor
at ang pabliser. Maihahalimbawa ang editoryal na “Aves de Rapiña” (Mga Ibong
Mandaragit) na sinulat ni Fidel Reyes at nalathala noong 1908 sa El Renacimiento.
Ang nasabing editoryal ay naging sanhi upang magsampa ng kaso sa hukuman si
Dean C. Worcester laban kina Martin Ocampo at Teodoro M. Kalaw na kapuwa may-
ari ng El Renacimientoat Muling Pagsilang. Sa pananaw ng korteng nasa ilalim ng
gobyernong kolonyal ng Amerikano, nagkasala ang dalawa at marapat lamang na
pagmultahin ng halagang 70 libong piso at ibilanggo. Ipinasubasta ang magkapatid na
publikasyon kaya nagsara, at nakulong si Kalaw. Ngunit di-maglalaon ay mapapalaya
si Kalaw alinsunod sa kapatawarang iginawad ni Gobernador Heneral Francis
Harrison.
Ang makasaysayang editoryal ng El Renacimiento ay gagawing inmortal ni Amado V.
Hernandez sa kaniyang nobelang Mga Ibong Mandaragit (1969), at tinumbasan ng
salin sa Filipino. Heto ang bahagi ng editoryal na inilahok sa nobela:
Mga Ibong Mandaragit
Sa ibabaw ng daigdig ay may isinilang upang kumain at lumaklak, ang iba’y upang
siyang kanin at lulunin. . . Ang pagsasamahan ng isa’t isa’y naaayon sa katakawan at
lakás ng una hanggang sa mabigyan ito ng kasiyahan sa kapinsalaan ng kapwa.
May mga taong bukod sa hangad na tularan ang lalong walang habas na ibon: ang
Agila, ay may mga palatandaan pa rin ng buwitre, ng kuwago, at ng malaking
bayakang (vampira) sumisipsip ng dugo ng tao.

Umakyat sa mga kabundukan ng Bengget upang uriin at at sukatin ang mga bungo ng
Igurot nang sa gayo’y mapag-aralan at maimulat umano ang liping ito, samantala’y
taglay ang paningin ng mga ibong mandaragit, ay kasabay na tinitiktikan kung saan
naroon ang malalaking deposito ng ginto na iniingatan ng Igurot sa liblib ng mga
ulilang bundok, upang maangkin yaon pagkatapos, salamat sa mga pamamaraang
legal na binago nang paulit-ulit, ngunit lagi nang ukol sa kanyang sariling kagalingan.

Magpahintulot sa kabila ng mga batas at kautusan, ng labag na pagkatay ng bakang


may sakit upang pakinabangan ang sirang karne na siya na rin ang nagbawal sa bisa
ng kanyang katungkulan.

Ipakilala ang kanyang sarili sa lahat ng pagkakataon bilang isang siyentipikong may
mga guhit sa noo, at nag-ukol ng buo niyang buhay sa mga hiwaga ng laboratoryo ng
siyensiya, gayong ang tanging gawaing siyentipiko na kanyang kinaaabalahan ay ang
pagsusuri sa mga insekto at pag-angkat ng itlog ng isda, na para bang ang isda sa
bansang ito’y kulang sa sustansiya at sa lasa, kaya kailangang palitan [yaon] ng isdang
nanggaling sa ibang lugar. . . .[2]
Iba ang datíng ng editoryal kapag naisalin na sa Filipino o Tagalog, dahil sumasapol
ito sa pandama ng mambabasang Filipino kumpara sa orihinal na Espanyol. Patunay
ito na ginagamit noon pa man ang editoryal hindi lamang para magbunyag ng
impormasyon, bagkus umusig sa awtoridad hinggil ipinapatupad nitong mapanakop
na patakaran sa buong bayan.
Anyo ng Editoryal
Nagbabago ang anyo ng editoryal sa paglipas ng panahon, at kung pagbabatayan ang
mga pahayagang nalalathala sa kasalukuyan, iba’t iba rin ang pagdulog sa pagsulat ng
editoryal alinsunod sa pahayagang pinagmumulan nito. Kung pagbabatayan ang mga
nalalathalang editoryal sa mga pahayagan o magasin, mapapansin ang apat na layon
ng editoryal: una, ipaalam sa mambabasa ang ilang mahahalagang impormasyong sa
tingin ng mga editor ay mahalaga para sa madla; ikalawa, himukin ang mambabasa na
maniwala sa isang diwain o kaisipang isinulat sa editoryal; ikatlo, aliwin ang
mambabasa at purihin kung hindi man tuligsain ang sinumang tao o sektor na dapat
purihin o tuligsain; at ikaapat, ipaalam ang nilalaman ng publikasyon. Ang ikaapat na
layon ay bihira nang gawin sa ngayon, ngunit matatagpuan pa rin panaka-naka sa mga
magasing de-kolor na may tema ang bawat labas.
Ang ilang editoryal na lumalabas sa mga pahayagang gaya ng Philippine Daily
Inquirer, Philippine Star, Manila Bulletin, at Philippine Standard Today ay
maituturing na isa nang ganap na sanaysay na mahaba kaysa editoryal ng mga
pangunahing tabloyd sa bansa na gaya ng Abante, Balita, Bulgar, at Tanod.
Gayunman, ang mga editoryal sa tabloyd ay maituturing na makabagong bersiyon ng
“dagli”[3] na nagtutuon sa isang isyu, at maikli kung ikokompara sa editoryal ng
malalaking pahayagan. At dahil maikli ang naturang editoryal—na karaniwang
binubuo ng 200 salita o higit pa—kailangang pagtuunan nito ang isang paksa lamang
at gumamit ng pagdulog na payak na makaaabot sa hinagap ng masa upang maisilid
ang lahat ng opinyon, puna, mungkahi, at kuro-kuro sa gaya ng politika, ekonomiya,
kultura, isports, at kaugnay na lárang.
Sa mga pahayagan sa Amerika, ang mga editoryal ay karaniwang binubuo ng 400-700
salita o higit pa, at siyang ginagaya rin ng ilang pahayagan dito sa Filipinas.
Nakatampok ang editoryal sa mga pahinang laan sa opinyon, at karaniwang
binabalanse o sinasalungat o sinusuhayan ng iba pang pitak ng mga kolumnistang may
sariling pananaw o pagkiling sa isang isyu. Sinusulat ang editoryal makaraang
talakayin ng pangkat ng editor ang makabuluhang paksang marapat itampok, at ito
ang nagiging nagkakaisang pananaw o paninindigan ng lupon ng mga editor kung
hindi man ng publikasyon.

Dahil naglaho na ang malalaking pahayagang gumagamit ng wikang Filipino, gaya


ng Diyaryo Filipino at Silangan Shimbun, kinakailangang titigan ang anyo ng
editoryal na lumalabas sa mga tabloyd. Ang ilang editoryal mula sa pili’t pangunahing
tabloyd ang gagamitin sa pagtalakay dito, at aalamin ang mga pagdulog na ginagawa
nito hinggil sa pagbibigay ng opinyon na kaugnay ng isang paksa. Samantala,
sisikaping iugnay ang mga pag-aaral dito sa paksang editoryal na ginagamit sa
mga teksbuk sa hay-iskul.
Dapat ipagpaunang nagbabago-bago ang wika alinsunod sa tabloyd at sa mga editor
na bumubuo nito. Kung ihahambing sa mga pahayagan sa Ingles, ang mga tabloyd sa
Filipino ay nangangailangan pa ng estandardisasyon ng ispeling o pagbabaybay, at
marahil may kaugnayan ito sa pangyayaring ang wikang Filipino ay dumaraan sa
yugto ng matinding pagdalisay mulang midya hanggang akademya hanggang
malawak na madlang mambabasa. Nasa wikang Filipino man o Ingles ang editoryal,
hindi nagkakalayo ang mga pinapaksa, at nagkakaiba lamang sa paraan ng
pangangatwiran at sa paraan ng pagtanaw hinggil sa kung ano ang karapat-dapat
itampok.

Lohika ng Editoryal
Mahalagang bahagi ng tabloyd ang editoryal nito. May editoryal, gaya ng sa Balita, na
halatang salin o halaw sa Ingles, at ang naturang salin o halaw ay tila Ingles na
Tinagalog ng editoryal ng Manila Bulletin. Ngunit may editoryal na sadyang isinulat
sa Filipino na hinaluan ng Ingles at kaya nagmumukhang Taglish. May editoryal na
halos sumigaw o manumbat o mang-usig, samantalang gamit ang halos balbal na
pananalita, at natatabunan ang esensiya ng paghahayag ng mga diwain sa makatwiran
at lohikong pamamaraan. Binanggit dito ang wika dahil wika ang nagsasakay ng
kaisipan at lohika ng mga editoryal na kumakalat araw-araw sa buong bansa.
Isa sa mga halimbawa ng halaw o salin mula sa Ingles na editoryal ay mababasa
sa Balita na nagpapaliwanag ng isang ulat.
Potensiyal ng maralita sa paggamit, produksiyon, pagbabago, at aktibidad sa
negosyo
(1) Sa isang ulat kamakailan, hinimok ng United Nations Development Programme
(UNDP) ang mga kompanya na magpalawak nang higit pa sa tradisyunal na
pamamaraan ng negosyo at inalok ang mga ito ng mga estratehiya at mga
kasangkapan upang maihatid sa maralita ng daigdig bilang kaagapay sa paglago ng
ekonomiya. Bilang bahagi ng Growing Inclusive Market’s initiative ng UNDP, ang
ulat na pinamagatang “Creating Value for All: Strategies for Doing Business with the
Poor” ay nakatuon sa extensive case studies at nagpapakita ng pagiging epektibo ng
mas inclusive business models.
(2) Tampok sa naturang ulat ang hindi pa nagagamit na potensiyal ng maralita para sa
paggamit o consumption, produksiyon, pagbabago o innovation, at aktibidad sa
negosyo. Ayon dito, kapag maraming kompanya ang kumuha ng maralita, hindi
lamang nila maisusulong ang kaunlaran kundi makaaambag pa sila sa pagtamo ng
Millennium Development Goals (MDGs)-ang pandaigdigang anti-poverty targets na
dapat matamo sa 2015. Binigyang-diin ng UNDP Administrator ang kapangyarihan
ng maralitang mamamayan na makinabang sa aktibidad ng merkado, sampu ng
kanilang abilidad na makilahok sa mga pamilihan at makamit ang oportunidad sa
merkado.

(3) Ang ulat ay kaakibat na mga estratehiya na matagumpay na ginamit ng mga


pribadong negosyo upang mapangasiwaan ang mga karaniwang hadlang sa
pagnenegosyong kasama ang maralita. Kasama rito ang mga produkto at serbisyo, ang
pamumuhunan sa impra(e)struktura o pagsasanay upang maalis ang mga pahirap, at
paggamit ng lakas ng maralita upang maparami ang labor at management pool at
mapalawak ang kaalaman. Sapagkat may puwang pa para sa maraming inclusive
business models, sinasabi ng ulat na maaari pang magkaroon ng mas maraming
inlusive markets at para sa mas malaking value creation.

(4) Sa harap ng maraming ehemplo sa kasalukuyan sa Pilipinas, ang ulat ng United


Nations Development Programme ay dapat magbigay ng isang gabay upang himukin
ang mga pribadong negosyo na kumuha ng mga maralita; na ang abilidad na
makadagdag ng kahalagahan sa mga produkto at serbisyo ay kinilala rin sa naturang
ulat.[4]
Binubuo ng 319 salita ang editoryal at hinati sa apat na talata, at bawat talata’y
binubuo ng isa hanggang tatlong pangungusap. Pinakamahabang pangungusap ang
nasa talata 4, na binubuo ng 51 salita. Sinundan iyon ng unang pangungusap sa talata
1, na may 48 salita. Binanggit ang anyo ng pagkakasulat ng editoryal dahil dito
matitingnan kung gaano kahusay maipaaabot ang mensahe. Ang dalawang binanggit
na mahabang pangungusap ay maaaring biyakin sa dalawa o tatlong pangungusap
upang mapagaan; o dili kaya’y mapaiikli, nang maiwasan ang tonong animo’y literal
na salin ng orihinal na akdang Ingles. Maaaring isaayos ang talata 1 sa ganitong
paraan:

Hinimok kamakailan ng United Nations Development Programme (UNDP) ang mga


kompanya na higtan ang nakagawiang pamamaraan ng pagnenegosyo, at gamitin ang
lakas-paggawa ng mga maralita. Nakasaad sa ulat ng UNDP ang malawak na kaso ng
mga pag-aaral at ang mga modelo ng negosyong bukás sa mga dukha.

Maisasaayos naman ang talata 4 sa ganitong hagod:


Isang gabay ang ulat ng UNDP na makahihimok sa mga pribadong kompanya na
kunin ang serbisyo ng mga maralitang may kakayahang magpataas sa kalidad ng
produkto at serbisyo.

Mapapansin na mapaiikli ang mga pangungusap at talata kung iiwas sa paglikha ng


mga editoryal na halos literal ang salin. Nakabibigat sa mambabasa ang jargon, bukod
sa pambihirang palaugnayan (i.e., sintaks) ng magkakatanikalang salita. Kapag
dumako naman sa nilalaman, masasabing payak lámang ang ibig ipaabot ng editoryal.
May ulat ang UNDP na nagsasabing gamitin ang nakakaligtaang lakas-paggawa ng
dukha. Ito ang dapat gawin umano ng mga pribadong kompanya upang lumago ang
kanilang negosyo dahil ang mga dukha ay hindi lamang konsumidor bagkus
maaasahang trabahador. Ang totoo’y tinanggap lamang ng editoryal kung ano ang
iniulat ng UNDP at hindi na ito sinuri. Ang pangwakas na talata nitong
nagmumungkahi na “dapat magbigay ng isang gabay” ang ulat ay maaaring tumukoy
sa mungkahi o kaya’y sa mga hakbanging dapat gawin. Ngunit kung para kanino ang
gabay ay malabo dahil hindi nailugar ang papel ng kapuwa gobyerno at pribadong
sektor sa paggamit ng lakas-paggawa ng dukha.

Maihahalimbawa ang sumusunod na editoryal na nalathala sa Abante Tonite na


nagtatangka namang manghimok, bukod sa bumabanat sa awtoridad.
‘Wag pagkakitaan
(1) Nag-isyu na ng bagong fare matrix o taripa sa mga pampasaherong bus ang Land
Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maipatupad na ang
dagdag na singil sa pasahe.
(2) Ang fare hike ay iimplementa bunsod ng walang tigil na pagtataas sa presyo ng
mga produktong petrolyo.

(3) Dahil ipatutupad ang dagdag-pasahe, malinaw na ibig sabihin nito ay tutulungan
ng gobyerno ang sektor ng transportasyon na makaahon mula sa matinding
sakripisyong dinaranas dala ng sobrang taas ng presyo ng langis.

(4) Pero hindi ba’t panibagong pagpapahirap sa mga tsuper at operators ang planong
paniningil ng LTFRB sa ipapalabas na fare matrix gayundin ang add-on sticker?
(5) Walang isyu kung kasing halaga [sic] lamang ng gagastusing materyales sa pag-
imrenta ng fare matrix at stickers ang sisingil [sic] ng LTFRB pero ang P50 hanggang
P300 na singil sa bawat sasakyang kakabitan ng taripa ay masyadong malaki.

(6) Anong klaseng tulong itong gustong gawin ng LTFRB kung hindi pa
nakakaramdam ng ginhawa ang mga tsuper at operator ay pasakit agad ang
ipapalasap?

(7) Kung sinsero ang LTFRB at ang gobyerno sa kabuuan na matulungan ang sektor
ng transportasyon, hindi tamang maningil ng napakalaking halaga sa fare matrix at
stickers.

(8) Huwag naman sanang pagkakitaan ang ating mga kababayang hirap sa buhay![5]
Eksaktong 200 salita ang editoryal na sinipi sa itaas. Nilagyan ng numero ang simula
ng bawat talata upang madaling masuri. Pamagat pa lamang ay pagtataasan na ito ng
kilay ng mga akademiko at pantas wika dahil ang katagang ‘wag na mula sa tinipil na
“huwag” ay iniiwasan hangga’t maaari sa Tagalog o Filipino, lalo kung pormal ang
anyo ng prosa. Dalawang pantig lamang ang “huwag” (hu·wág) kaya hindi na ito
tinitipil. Sa panutong ginawa ni Regalado, ang mga salitang tinitipil ay karaniwang
may tatlong pantig pataas, o kaya’y dalawang salitang pinagdikit. Maihahalimbawa
ang tinipil na bituin na naging bitwin; kanya na mula sa kaniya; nuha mula
sa kinuha; nikat mula sa sumikat; hamo na mula sa hayaan mo; ngunit mula
sa nguni at. Mahabang usapan ang pagtitipil ng salita, at marahil kinakailangan ng
ibang talakayan upang maipaliwanag ang lahat ng ito.
Balikan natin ang editoryal ng Abante Tonite. Mahahalatang magkaugnay ang mga
talata 1-2, na hinggil sa paglalabas ng taripa sa mga publikong sasakyan nang maitaas
ang pasahe. Ngunit ang talata 3 ay malabo hindi lamang ang palaugnayan kundi ang
kaugnayan nito sa mga naunang talata. Dahil kahit itaas ng gobyerno ang pasahe ng
publikong sasakyan ay hindi nangangahulugang katumbas iyon ng pagtulong ng
gobyerno sa mga tsuper at operator. Trabaho ng LTFRB na subaybayan at itakda ang
angkop na pasahe na makatwiran sa kapuwa tsuper at pasahero. Ang talata 4-5 ay
hinggil sa mataas na singil ng LTFRB sa ipinalalabas nitong taripa at istiker, at ang
talata 6 ay umuusig sa gayong gawain ng LTFRB dahil dagdag na pasanin umano
iyon sa mga tsuper na nahihirapan sa mataas na presyo ng krudo. Biglaan ang
pagpapasok ng salitang “add-on sticker” sa talata 4 at ipinapalagay dito na alam na
iyon ng mambabasa kahit hindi nakasaad sa bukanang talata ng
editoryal. Magkaugnay naman ang mga talata 7-8, na nagpapasaring sa motibo ng
LTFRB ukol sa taripa at istiker, ngunit kung bakit napakataas ng singil sa nasabing
taripa at istiker—kung mataas ngang maituturing kompara sa ordinaryong istiker na
ginagamit halimbawa sa subdibisyon—ay hindi napalawig at nasuhayan nang
matatag. Delikado ang talata 8, dahil kahit hindi nito tahasang pinararatangan ang
LTFRB na pinagkakakitaan nito ang mga dukhang tsuper ay gayon ang lumalabas
dahil sa pahiwatig na hindi makatwiran ang presyo ng taripa at istiker.
May editoryal naman na hindi basta nanunuligsa, bagkus idinaraan ang panunuligsa sa
pamamagitan ng pagsipi sa isang grupo o awtoridad, at nagwawakas sa pahayag
hinggil sa silbi o katwiran ng isang panig. Maihahalimbawa rito ang nalathala
sa Bulgar:
Student power vs. Meralco
(1) Nakisali na rin ang mga estudyante sa isyu ng over-charge sa electricity bill.
(2) Pinutakte na rin ng mga estudyante ang internet blogs at chat rooms upang
ireklamo ang hindi makatarungang paniningil ng Meralco gamit ang system loss at iba
pang diskarte.

(3) Kamakailan lamang ay tinalakay sa Energy and Consumer Rights forum ng mga
lider ng Union of Catholic Student Councils (UCSC) sa San Beda College ang isyu sa
illegal charge sa electricity bill.

(4) Ipinakikita rin dito ang paghuhunos ng pagkamulat ng mga kabataan mula sa dati-
rating radikal na pananaw-pampulitika patungo sa mas napapanahong isyu sa
ekonomiya at SIKMURA.

(5) Kasi naman, apektado ng mataas na singil sa elektrisidad ang mga estudyante na
umuupa sa mga dormitoryo kung saan nababawasan nang malaki ang kanilang
allowances na dapat ay napupunta sa pangmatrikula, pambili ng aklat at mga gamit sa
eskuwelahan.

(6) Sakaling nagbabayad ang mga estudyante ng P5,000 o P3,000 sa electricity bill,
nagogoyo sila ng P900 hanggang P1,500 sa overcharged dahil sa ikinakatwirang
system loss.
(7) Kinukuwestiyon din ng mga estudyante kung bakit nananatiling kontrolado ng
pamilya Lopez ang Meralco, gayung hawak lamang nito ang minoryang sosyo na 33.4
porsiyento kumpara sa pinagsanib na 35.7 porsiyentong sosyo ng mga government
corporation.

(8) Nagtataka ang mga estudyante kung anong klase ng matematika ang ginamit na
pormula o MAHIKA ng MINORYA upang makontrol ang operasyon ng isang
malaking korporasyong may sagradong tungkulin paglingkuran ang mga maliliit na
mamamayan sa serbisyo ng elektrisidad.

(9) Anu’t anuman, ang pakikilahok na ito ng mga estudyante sa isyu ng ekonomiya ay
tanda ng isang malaking pagbabago sa pamamaraan ng kanilang PAKIKIBAKA sa
makabagong henerasyon gamit ang cyberspace.[6]
May 265 salita ang siniping editoryal sa itaas. Nilagyan ng numero ang simula ng
bawat talata upang madaling masuri ang daloy. Mapapansin sa naturang akda na ang
bawat talata ay binubuo ng isang pangungusap lamang na ang pinakamahaba ay
matatagpuan sa talata 5 (39 salita), at susundan ng mga talata 8 (38 salita) at talata 7
(35 salita). Pinakamaikli ang talata 1 (13 salita) na nagsisilbing pangkalahatang
paksang susuhayan ng mga talata 2-3. Ang paksa ng editoryal ay may kaugnayan sa
pakikilahok ng mga estudyante sa isyu ng labis na paniningil sa kuryente ng Meralco.
Ang ingay mula sa hanay ng mga estudyante ay matatagpuan umano mulang internet
chat room hanggang akademikong forum. Pagsapit sa talata 4, lilihis ang talakay at
pagtutuunan ang pagbabago ng kaisipan o estratehiya, kung hindi man priyoridad, ng
mga pangkat na kabataang dati’y pulos pampolitikang pagkilos ang inaatupag.

Sa ganitong paraan ng lohika, ang mga estudyanteng tinutukoy sa talata 1 ay


maipapalagay na siya ring mga aktibistang estudyante sa talata 4. Kung ganito nga,
mapanlagom ang talata 1 dahil aakalain ng mga mambabasa na ang mga tinutukoy na
“estudyante” roon ay kumakatawan sa malawak at sari-saring kapisanan ng mga
estudyante sa buong Filipinas at nagtataglay ng iba’t ibang programa, simulain, at
ideolohiya. Kung ang tinutukoy ay ang mga estudyanteng kabilang sa Union of
Catholic Student Councils (UCSC), at isama na ang mga blogista, hindi pa rin
masasabing kumakatawan ang mga ito sa pangkabuuang lunggati ng mga estudyante
sa buong Filipinas. Dagdag pa’y maingay man ang mga blogista sa cyberspace, hindi
rin matitiyak na pawang mga estudyante ang hanay nito at aakalain pang karamihan sa
kanila’y propesyonal kung hindi man nagtapos sa kolehiyo o sadyang walang magawa
sa buhay kundi makipagkudkuran (i.e., chatting).

Ang mga talata 5-8 ay waring litanya ng mga aktibistang maririnig sa rali. Tumutukoy
ang mga talata 5-8 sa mga estudyanteng nangungupahan sa dormitoryo, ngunit
nagbabayad man sila ng mataas na singil sa kuryente ay hindi maipapalagay na sa
sariling bulsa nila kinukuha ang bayad bagkus mula sa suweldo o kita ng kani-
kanilang magulang. Ang paratang hinggil sa “labis na singil,” “system loss,” “kontrol
ng pamilya Lopez sa Meralco,” at pahiwatig ng “panloloko ng Meralco sa
taumbayan” ay mga paratang na hindi naipaliwanag nang maigi at nasuhayan ng mga
patunay sa editoryal. Ipinapalagay samakatwid sa naturang editoryal na ang gayong
mga termino ay maliwanag na sa isipan ng madla, kahit ang totoo’y hindi pa.

Samantala, ang talata 9 ay pagpansin ng editoryal sa pagbabago ng estratehiya ng mga


estudyanteng aktibista. Ngunit kung babalikan ang mga pagkilos ng mga aktibistang
estudyante, gaya ng mga kasapi ng League of Filipino Students (LFS), ang kanilang
pagkilos noon pa man ay laging kaugnay ng pag-urirat sa ekonomiya ng bansa dahil
nakasalalay sa ekonomiya ng bansa ang buhay ng mayhawak ng produksiyon at ang
buhay ng mga manggagawang sumasandig sa produksiyon para mabuhay at pawang
mauugat sa Marxistang pananaw. Kung labis mang naging politisado ang mga
estudyanteng aktibista at nakalimutang paksain ang hinggil sa pangkabuhayang usapin
ay maipipintas marahil iyon sa kanilang sinaunang anyo ng pakikibaka at sa laos na
programa ng kanilang kilusan. Nagbago lamang ng arena ang pakikibaka ng mga
estudyante, na kung dati’y laging laman ng kalye ay malimit ngayong
nakikipagdebate sa cyberspace.

Marupok ang ganitong uri ng editoryal, dahil ang pamumuna ay ipinapalaman sa mga
bibig ng mga estudyante upang ikubli ang tunay na paninindigan at opinyon ng lupon
ng mga editor ng Bulgar. Animo’y balita ang editoryal, at ang dapat sanang
pagtalakay sa kapangyarihan ng mga estudyante sa loob man ng paaralan o sa
malawak na cyberspace ay hindi napanindigan sa talakay. Baluktot ang lohika ng
editoryal, at lalo lamang makapagpapalakas sa gaya ng Meralco sa paninindigan
nitong itaas ang singil ng kuryente dahil kinakailangan upang manatili itong
humihinga.
Nagmumungkahi rin ang ilang editoryal, at maihahalimbawa ang mababasa sa PM
Pang-Masa:
Huwag turuang umasa sa limos ang mahihirap
(1) May second round pa raw ang subsidies na ibibigay sa mga mahihirap. Iyan ang
magandang balita ng pamahalaan kaugnay sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng
bilihin at ang patuloy na krisis sa pagkain. Kukunin ang ipagkakaloob na subsidies sa
malaking excess collection ng value added tax (VAT) sa oil products. Tinatayang nasa
P4 bilyon ang excess collections ng VAT. Sabi pa ng gobyerno, malaki ang pagtataas
ng presyo ng petroleum products. Aabot daw sa P70 bilyon ang revenue ng bansa sa
loob lamang ng ilang buwan.
(2) Unang nagbigay ng subsidies ang pamahalaan noong nakaraang buwan. Nagbigay
ng P500 sa mga mahihirap para may maipambayad sa kuryente. Nagbigay ng tulong
sa mga mahihirap na estudyante at ganundin [sic] sa mga jeepney drivers at operators.
Ang pagbibigay daw ng subsidies ay para mapagaan ang pasanin ng mahihirap sa
patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin partikular ang bigas.

(3) Nang magsalita si President Arroyo kamakalawa sa Angeles City, Pampanga para
sa inagurasyon ng medical building na dedicated sa kanyang inang si Doña
Evangeline Macapagal, sinabi ng Presidente na dadagdagan ang subsidies para sa mga
mahihirap. Depende raw kung magkano ang idadagdag sa subsidies at nakabatay sa
laki ng excess ng koleksiyon sa VAT ng langis. Agad namang nagpalabas ng P4
billion si Mrs. Arroyo para sa subsidies. Para na naman ito sa mga small electricity
consumers at mga mahihirap na estudyante.

(4) Maganda ang nagbibigay [sic] ng subsidies sapagkat makatutulong sa mga


nagdarahop sa buhay. Subalit kung pawang pagbibigay o paglilimos ang gagawin ng
gobyerno sa mga kawawang mamamayan, ay baka hindi na matutong gumawa ang
mga ito at umasa na lamang. Lagi na lamang silang aasa sa limos ng pamahalaan at
hindi na pauunlarin ang sarili.

(5) Mas makabubuti kung trabaho o mapagkakakitaan ang ipagkaloob ng pamahalaan


sa mahihirap kaysa pagkalooban ng barya-baryang pambayad sa kuryente. Saan aabot
ang limos na P500. [sic, ?] Pantapal lamang ito at hindi lubusang makagagamot sa
sugat nang umaantak na kahirapan. Turuang magbanat ng buto para kumita at hindi
para umasa sa limos. Kailangang matuto ang mahihirap na gumawa para umunlad ang
buhay.[7]
Binubuo ng 347 ang kabuuang editoryal. Taliwas sa editoryal ng Abante Tonite, ang
editoryal ng PM Pang-Masa ay may mga talatang naglalaro sa tatlo o higit pang
pangungusap at nagtatangkang bumuo ng isang diwa. Ang daloy ng pangangatwiran
ay pasuysoy (i.e., inductive) na ang maliliit na detalye ay tumutumbok sa
pangkalahatang diwa sa pangwakas na talata.
Simple lamang ang nais ipaabot ng editoryal. Dalawang beses nagbigay ng subsidyo
ang pamahalaan sa ilang dukhang sektor, gaya ng estudyante, manggagawa, at
motorista. Hindi dapat umano paasahin ang mga dukha sa subsidyo mula sa gobyerno
dahil baka maging tamad lalo sila. Bigyan daw sila ng trabaho. Ang problema sa
editoryal ay kinokontra nito ang sarili dahil sa talata 5 ay isinaad na napakaliit ng
subsidyong mula sa gobyerno. Kung hindi sapat ang subsidyo para buhayin ang isang
maralitang tagalungsod, paanong magiging lalong tamad ito at hindi na magtatrabaho?
Magkasiya na lamang sa subsidyo? Mahihinuha rito na gaano man kalaki ng subsidyo
ay walang kaugnayan sa katamaran, bagkus sa iba pang panloob at panlabas na
aspekto sa buhay ng tao na nakaaapekto sa mismong tao. Samantala’y mahahalata na
ang salitang “tamad” o “katamaran” ay kargado ng pahiwatig sa editoryal dahil kahit
ang prehuwisyo laban sa sinumang dukha at kulang-palad ay maiuugnay sa naturang
salita. Ang pagiging “tamad” ay hindi lamang kawalan ng sigasig at pagsisikap sa
buhay, ngunit maaaring maikabit din sa paglayo at pagbalikwas, o kaya’y panlulumo
at kawalang pag-asa sa buhay, kung sisipatin sa anggulo ng sosyolohiya at sikolohiya.

Ang mungkahi sa gobyernong bigyan ng trabaho ang dukha ang maganda sanang
punto, ngunit kung paano isasagawa iyon ay nabigong mapalawig sa akda. Paano
makalilikha ng trabaho ang gobyerno, o paano ito makikipagtulungan sa pribadong
sektor upang bigyan ng trabaho ang walang trabaho? Hindi nasuhayan ang pamagat
ng editoryal, bukod sa baluktot ang pangangatwiran nito, kaya hindi kapani-paniwala
ang mala-bibliko nitong alusyon. Ang masaklap, hindi nabigyan ng konteksto ang
ekonomikong kahirapang dinaranas ng mababang uri kaya pumapabor sa kaisipan ng
naghaharing uri.

Isa pang editoryal na pumapaksa sa subsidyo ng pamahalaan ang tinalakay sa Tanod:


Malikhaing pamamaraan
(1) Bakit sinasabi ng mga eksperto na maaari lamang mas magpalala sa nararanasang
mga problemang ekonomiko ng Pilipinas ang mga subsidyo sa maralitang sektor para
sa pagbili ng pagkain at panggatong? Nagkamali ba ang gobyerno sa pagtugon sa mga
mungkahi ng mga institusyong multilateral tulad ng World Bank na ang pagkakaloob
ng subsidies sa mahihirap ay kapaki-pakinabang dahil makababawas sa pagligwak ng
salapi kapag inililipat mga [sic] nakaluluwag sa kabuhayan?
(2) Bagaman mahalaga para sa gobyerno, na gipit sa pananalapi, ang maglaan ng mga
limitadong rekurso sa mga mamamayang talagang nangangailangan sa mga ito,
mahalaga ring kilalanin ang “lohika ng pag-uukol ng sudsidyo,” na nakabatay sa
maraming pamamalagay, ayon sa mga eksperto mismo. Kabilang sa tinukoy nila ang
kawalan ng sirkumstansiyang makapagpapahupa sa masulak na paglobo ng presyo,
mahinang revenue collection, kakapusan ng alokasyon para sa imprastrukturang
pampubliko na sadyang kailangang maitayo, at lumalaking depisit pangkalakal.

(3) Napagtuunang-pansin ang mga bagay na iyan kasunod ng mga komentaryong ang
paghahatid ng subsidies ay makahihikayat lamang sa mga tao para lalong kumonsumo
ng panggatong at pagkaing sobra ang taas ng presyo. Sapagkat limitado nga ang mga
rekurso ng pamahalaan, ang pagdaragdag ng subsidyo ay may katumbas na
pangangailangang magbawas ng gastos sa ibang uri ng guguling pambayan o
mangutang, at mas masama, magkasabay na gawin ito, anang mga kritiko.

(4) Lilitaw sa pagbubuod ang ganitong takbo ng pagkukuro: may mga hangganan
[sic], na itinatakda ng pangyayari at panahon, sa pagkakaloob ng subsidies, lalo na sa
yugtong itinatakda ng pangyayari at panahon, sa pagkakaloob ng subsidies, lalo na sa
yugtong nararamdaman ang malawig ng [sic] epektong mataas na antas ng implasyon.

(5) Tinatanggap naman ng mga eksperto, o ng mga sektor na may bukás at malayang
pananaw, ang matataguriang pinakaangkop na hakbangin: gumastos para sa subsidyo
at para sa imprastruktura, sa patas na pagtuturing at pagsasakatuparan, upang
mabigyan ng daan ang pagbubuo ng mga hakbangin din mula sa pribadong sektor.
Kung may pagtaliwas, hindi maiiwasang makita ang paglaki ng depisit sa larangan ng
kalakalan-o ang mas pag-import ng bansa ng paninda at serbisyo kaysa pagbebenta
nito sa ibayong-dagat. Kaakibat niyan ang panganib na maubos ang nakareserbang
foreign exchange.
(6) Bagaman tinitiyak ng mga dalubhasa na malayo pang mangyari ang naturang
kalagayang magbabadya ng pagkabahura ng ekonomiya, ipinagugunita nila ang mga
senyal niyon, na narito na sa ating pamumuhay.

(7) Malaking bahagi ng kalutasan ang nakasalalay sa pgabubuo [sic, pagbubuo] at


pagpapatupad ng malikhaing mga hakbanging tutugma sa sitwasyon, sabi nga ng mga
manunuri. Kabilang diyan ang pagkonsumong mas matutustusan sa abot ng
kakayahan. Kasabay ng ipinapanukalang maging matimpi sa pagtugon sa
pangangailangang lubhang napakagastos para matamasa, kinakailangan ding pairalin
at panatilihin talaga ang pagtitipid at sa bagay na ito, ang pambansang liderato at mga
tagapanday ng patakaran ang unang-unang dapat magpakita ng magandang
halimbawa.[8]
Binubuo ng 453 salita ang siniping editoryal, at maituturing na mahaba-haba kompara
sa editoryal ng ibang tabloyd. Bagaman maipipintas ang di-konsistent na paggamit ng
“subsidyo” at ng panghaliling salitang Ingles na “subsidies,” mahihinuhang ginawa
iyon upang hindi maging paulit-ulit ang gamit ng salita. Maingat din sa wika ang
editoryal, bagaman nakalusot ang dalawa o tatlong tipograpikong mali. Tantiyado ng
sumulat ang pagbabaha-bahagi ng mga talata, at ang daloy ng lohika ay pasuysoy.
Ang tesis ng editoryal ay nasa pangwakas na talata, na nagsasaad na bagaman
kailangan ang subsidyo para tulungan ang mga dukha, kailangan ng pamahalaang
magtipid, at gumawa ng mga programang angkop at tutugon sa kahirapan.

Binubuksan ng talata 1 ang argumento sa tanong kung nagkamali ba ang pamahalaan


sa pagbibigay ng subsidyo sa maralitang sektor, alinsunod sa opinyon ng “mga
eksperto.” Ang tinutukoy na “mga eksperto” sa talata 1 ay maaaring ang parehong
hanay din ng “mga eksperto” sa talata 2 at talata 5. Maaari ding isiping ang “mga
eksperto” sa talata 5 ay iba sa binanggit sa talata 1, ngunit kabalahibo ng binanggit sa
talata 2. Binanggit ito dahil ang editoryal ay nagtatangkang maghambing at
magtambis (i.e., compare and contrast) ng dalawang magkasalungat na pananaw mula
sa iba’t ibang eksperto. Hindi lamang malinaw kung ang naturang mga eksperto ay
mula sa larang ng ekonomiya, politika, o iba pang kaugnay na larang. Maaaring ang
mga eksperto at manunuri ay pawang mga manunulat ng opinyon din sa mga
pahayagan, magasin, at internet, subalit walang makatitiyak.

Nakatuon ang talata 2 sa halaga ng subsidyong dulot ng pamahalaan para sa


maralitang sektor. Sumasalungat naman na argumento ang talata 3 dahil ang
pagbibigay ng subsidyo ay makababawas sa ibang pondong gugugulin sa iba pang
programa, at sanhi para muling mangutang ang pamahalaan sa ibang bansa.
Samantala, ang talata 4 ay maikling lagom at sintesis hinggil sa kakayahan ng
subsidyo bilang tulong sa mahihirap. Kaugnay ng talata 4, ang talata 5 ay nagsasaad
ng kahalagahan ng subsidyo ngunit dapat iagapay ito sa iba pang makatwitrang
programa ng pamahalaan mulang kalakalan hanggang pangangalaga ng reserbang
dolyar. Mapapansin lamang ang pagkiling laban sa pagbibigay ng subsidyo pagsapit
sa talata 7, dahil higit na mahalaga umano ayon sa mga kritiko ang “pagbubuo at
pagpapatupad ng mga malikhaing hakbang” na mahihinuhang ewfemismo sa
“makabuluhang programa” para sa mga maralita. At maisasagawa iyon sa pag-iwas sa
maluhong paggastos bukod sa seryosong pagtitipid na dapat gawin ng pambansang
liderato at tagalikha ng mga patakaran.

Mabisang paglalarawan naman ang tangka ng editoryal ng Pilipino Star Ngayon na


ang pamagat ay gumamit ng idyomang hiram sa Ingles:
Malambot ang ngipin laban sa Sulpicio
(1) Labintatlong araw makaraang lumubog ang MV Princess of the Stars na pag-aari
ng Sulpicio Lines, balik na naman sa laot ang mga cargo vessel ng nasabing shipping
lines. Parang nagpahinga lamang ang mga kapitan at crew ng mga barko at balik na
naman sa operasyon. Ang pahintulot na muling makapaglayag ang mga cargo vessels
ng Sulpicio ay inaprubahan ng Malacañang. Katwiran ng Malacañang apektado ang
ekonomiya kapag pinahinto ang mga cargo vessels ng Sulpicio. Maraming
kargamento raw na dapat maihatid sa maraming lugar sa bansa ang Sulpicio kaya
dapat nang payagang makapaglayag. Ayon sa Malacañang, makapaglalayag ang cargo
vessels ng Sulpicio kung mayroong mga kasamang “safety marshals” na magmumula
sa Coast Guard at mga opisyal ng Maritime Industry Authority (Marina). Kahapon ay
tumulak na ang ilang cargo vessels ng Sulpicio patungong Cebu at iba pang lungsod.
(2) Ang pagbibigay ng pahintulot sa Sulpicio para makapaglayag ang mga cargo
vessels nila ay nagpapakita lamang na malambot ang ngipin ng gobyerno. Walang
isang matibay na salita o utos para ang isang kompanyang marami nang nagawang
pinsala sa taumbayan ay maparusahan at magkaroon ng aral. Nang araw na lumubog
ang MV Princess of the Stars at tawagan ni President Arroyo ang hepe ng Coast
Guard ay umuusok ang ilong niya sa galit. Walang tigil siya sa pagmumura sa hepe ng
coast guard. Sa himig ng kaniyang pagsasalita, lahat nang mga [sic] nagkasala sa
paglubog ng barko ay dapat maparusahan. Kaya ang pagmumurang iyon ng Presidente
ay nagbigay ng liwanag na ang sangkot na shipping company ay hindi na muling
makapaglalayag pang muli [sic]. Lalo pa nga’t marami nang paglubg ang
kinasangkutan ng mga barko ng Sulpicio.

(3) Pero makaraan nga ang 13 araw at ni hindi pa man halos nagagampanan ng
Sulpicio ang kanilang [sic] tungkulin sa mga kamag-anak ng mga nabiktima nang
[sic] paglubog ay eto at nasa lalot na muli sila [sic]. At ang mabigat pa, lumabag pa
ang Sulpicio sa pagkakarga ng kemikal sa MV Princess. Ang kemikal na endosulfan
ay nananatili pa sa loob nang [sic] na barko at nagbabantang kumalat ang lason. Sira
ang karagatan at ang kabuhayan ng mga taga-San Fernando, Romblon, kung saan
lumubog ang barko.

(4) Malambot ang ngipin ng gobyerno at hindi na nakapagtataka kung sa mga susunod
na araw ay baka makapagbiyahe nang lahat ang mga barko ng Sulpicio. Ganyan
naman ang karaniwang nangyayari sa bansang ito. At wala nang magtataka kung ang
paglubog ng barko ay masundan na naman.[9]
Binubuo ng 404 salita ang editoryal. Hindi konsistent ang ispeling ng akda, at
mapapansin ang sablay sa gamit ng pangmaramihang pangngalan, sa gamit ng “nang”,
at sa gamit panghalip panao. Masatsat ang editoryal bagaman payak lamang ang ibig
sabihin. Nakapaglayag muli ang mga barkong pangkargamento ng Sulpicio Lines
makaraang suspidihin ng gobyerno dahil kailangan daw ng ekonomiya. Lahat ng
barko ng Sulpicio ay hinulaang makapagbibiyahe muli sa darating na araw, dahil
“malambot ang ngipin” ng gobyerno laban sa Sulpicio. Ano ang maaaring ibig sabihin
nito? Na parang tratong pambata ang patakaran ng gobyerno sa nagkasalang
dambuhalang negosyo. Nakalulusot ang salarin dahil sadyang pinalulusot ito ng
maykapangyarihan.

Kakatwa ang pamagat ng editoryal dahil halatang hango iyon sa ewfemismong Ingles
na “To go at it with tooth and nail” o kaya’y “To go at it with tooth and claw” na
literal na pakikipagtalo at mabangis na pakikipaglaban sa ibang tao. Ang pamagat ng
editoryal ay maaaring ipakahulugan din sa mahinang gulugod o kapasiyang
pampolitika (i.e., political will) ng gobyerno na ipatupad ang nararapat alinsunod sa
batas at alang-alang sa kapakapan ng mga pasahero at apektadong tao o sektor.
Humihina ang pamagat, dahil inakala ng nagsulat ng editoryal na mauunawaan ang
“malambot na ngipin.” Ang gayong ligoy ay maaaring sinadya upang pagaanin ang
banat sa gobyerno, habang ikinukubli sa kalabuan ang dapat sanang maging tugon
nito sa Sulpicio. Maiisip na kung may “malambot na ngipin,” marahil ay may
“matigas na ngipin o pangil” para magbayad sa kasalanan ang Sulpicio. Ngunit hindi
ginagamit na mabisang ambil ang “matigas na ngipin” o “matalas na pangil” sa panig
ng gobyerno dahil baka akalaing bampira ito kung hindi man makamandag na
ulupong.
Panukalang Panunuri
Hinggil pa rin sa sakuna ng lumubog na barko ang editoryal ng Abante, ngunit
inilarawan naman nito ang panloloko ng taong nagpapapirma ng waiver sa mga
naulilang pamilya:
Ano ang laban nila?
(1) Nakapangingilabot ang mga panaghoy noon ng mga kaanak ng mga biktima ng
paglubog ng MV Princess of the Stars. Doble ang lungkot na kanilang nadarama dahil
marami sa mga biktima ang hindi na nakabalik sa kanilang piling kahit na malamig na
bangkay nito.
(2) Ngunit tila hindi pa sapat ang sinapit na dagok ng mga naulilang pamilya, ngayon
ay nagagawa pa silang biktimahin ng mga walang pusong ‘fixer.’

(3) Kamakalawa ay inilutang ng Public Attorneys [sic] Office (PAO) na mayroong


mga lalaking umikot noon sa pamilya ng mga biktima sa mismong opisina ng Sulpicio
Lines Inc., sa North Harbor at nagpapirma raw ng blangkong ‘waiver’ sa mga naulila.

(4) Lumalabas ngayon na nakasaad sa ‘waiver’ na binibigyan ng pahintulot ng


pamilya ang taong may hawak ng dokumento na siya nang mag-asikaso sa lahat ng
proseso ng kanilang ‘claim’ at nag-o-awtorisa rin sa may hawak ng ‘waiver’ para
kumuha ng anumang suportang pinansyal na ibibigay ng Sulpicio Lines, ang may-ari
ng barko.

(5) Sabi raw ng mga lalaki ay kailangang pirmahan ang kapirasong papel na ito para
mapadali ang pagpapalabas ng perang makukuha ng pamilya ng mga biktima.

(6) Ang malaking problema ngayon ay hindi naman nakilala ng mga naulila ang
nagpapirma sa kanila ng ‘waiver.’ Ano nga ba naman ang kanilang laban sa
mapagsamantalang buwitreng it gayong gulung-gulong ang isip nila noong mga
panahong iyon at ang nais lang nila ay makita ang kanilang mahal sa buhay na sakay
ng barko?

(7) Isa pa, marami rin sa mga biktima ang walang sapat na kaalaman sa tunay na
pakahulugan ng ‘waiver.’

(8) Itong mga ganitong klase ng tao ang talaga namang nakakapagpasulak ng ating
dugo. Sa halip na tulungan at damayan sa pagdadalamhati ang mga naulila ay
biniktima pa ang mga ito.

(9) Sana naman, patunayan ng Sulpicio Lines na hindi nila ‘pakawala’ ang mga taong
ito at hindi nila alam ang ganitong aktibidad sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala
sa anumang waiver na ipiprisenta sa kanilang tanggapan.

(10) Dapat ay masuring mabuti na tunay talagang kadugo ng nasawi ang ‘claimant’ o
kukuha ng P200,000 death claim. At ang mapatutunayang ‘pekeng claimant’ ay dapat
na kasuhan at ipakulong.

(11) Tunay na nakapanlulumo na mayroon tayong mga kababayang magsamantala


[sic] sa pagdadalamhati ng iba.[10]
Maaaring suriin ang siniping editoryal sa dalawang antas. Una, tingnan ang anyo ng
pagkakasulat. Ikalawa, tingnan ang nilalaman, at alamin kung epektibo ang ginawang
pagbubunyag hinggil sa naganap na panloloko sa mga pamilya ng nasawi o nakaligtas
sa trahedya.

Makapagsisimula sa pag-alam sa kaugnayan ng pamagat sa kabuuan ng teksto. Ang


tinutukoy sa panghalip panaong “nila” sa pamagat ay mahihinuhang tumutukoy sa
mga pamilyang nalagasan ng kaanak nang lumubog ang barko. Ang buong akda ay
binubuo ng 11 talata na bawat isa’y naglalaro mulang isa hanggang dalawang
pangungusap. Pinakamahabang pangungusap ang talata 4 na may 52 salita,
samantalang pinakamaikli ang talata 11 na may isang pangungusap na 13 ang salita.
Sa kabuuan, ang editoryal ay may 360 salita, na mahaba-haba na kompara sa ilang
siniping editoryal kanina.
Ang siniping editoryal sa itaas ay nagtatangkang magsalaysay kung paano ginagawa
ang panloloko sa mga pamilyang ang mga kaanak ay naging biktima ng sakuna. Ang
mga talata 3-7 ay nagsasaad ng proseso ng panloloko. Kabilang dito ang pagbubunyag
sa mga di-kilalang tao na umiikot umano sa tanggapan ng Sulpicio Lines, ang
paglalabas ng kahina-hinalang waiver, ang pangungumbinsi sa mga pamilya, at ang
kawalang-muwang ng mga pamilya na pumirma sa waiver. Ngunit ang problema sa
ganitong editoryal ay walang matibay na batayan sa paglitaw ng mga
pinaghihinalaang manloloko. Walang detalye hinggil sa nilalaman ng waiver, at hindi
mababatid kung ano ang anyo o laman nito, alinsunod sa masusing imbestigasyon.
Malawak ang banggit, at kung ito man ay may kinalaman o kagagawan ng mga tauhan
ng Sulpicio ay walang makaaalam. Kung nasa korte ang kaso, mabilis bansagan iyon
na “haka-haka” o “tsismis” lamang. Ang mga talata 9-10, bagaman kapuri-puri, ay
maiisip na walang kaugnayan sa pamagat, dahil patungkol ang gayong mungkahi sa
pamunuan ng Sulpicio. Magiging walang laban lamang sa maykapangrihang
manloloko ang mga pamilyang namatayan ng kaanak kung ang hukuman, ang pulisya,
ang gobyerno, at ang Sulpicio Lines ay walang kakayahang protektahan ang karapatan
ng agrabyado at kumikiling sa pangangalaga ng sari-sariling interes. O kaya’y hindi
papalag at tatanggapin na lamang ng mga pamilya ang kanilang masaklap na tadhana.
Maimumungkahi kung gayon na baguhin ang pamagat, at ipatungkol ito sa pamunuan
ng Sulpicio at PAO na pawang susuri kung talagang karapat-dapat tumanggap ng
benepisyo ang mga sinasabing pamilya ng mga biktima.
Ginagamit din ang editoryal bilang kritika sa mga patakarang pinaiiral ng gobyerno o
pribadong korporasyon, at maihahalimbawa ang lumabas sa Remate:
Oil Price Hike Dapat Itigil Na
(1) Bumabagsak ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado mula sa $147 bariles
sa nagdaang mga araw sa nasa $125 sa mga araw na ito.
(2) Sinasabing malaking dahilan ang pag-atras sa negosyo ng maraming ispekulador o
tagasulsol ng mataas na presyo para lang kumita nang kumita ang mga ito kahit
maghirap ang mundo.

(3) Ang mga ispekulador ang pangunahing itinuturo maging ng Organization of


Petroleum Exporting Countries na responsable sa mahal na langis at malaki ang
paniniwalang may kaugnayan ang mga ito sa mga kompanyang langis o may puhunan
sa negosyong langis.
(4) Dahil na rin sa nasabing pagbaba ng presyo ng langis, hindi masamang itigil muna
ng mga kompanyang langis ang kanilang lingguhang pagtataas ng presyo ng mga
produktong petrolyo sa bansa.

(5) Isa pa, dapat isipin ng mga kompanya na hindi na tumutugma ang kanilang
sinasabi na nalulugi sila sa gitna ng krisis sa langis sa sarili nilang mga deklarasyon na
kumikita sila sa mga panahong ito ng malalaki.

(6) Dagdag pa, inaamin mismo ng isang kompanya ng langis na bumabagsak na sa


10% ang benta ng lahat ng mga kompanyang langis dahil sa napakamahal nilang
benta ng mga produktong petrolyo.

(7) Sa kabuuan, napeperhuwisyo na ang lahat, maging ang mga kompanyang langis, at
ito ang dapat isaalang-alang.

(8) Hindi pupuwedeng magsawalang kibo na lamang din ang pamahalaan lalo pa’t
tungkuling protektahan ang mamamayan sa pagmamalabis ng anomang
kompanya.[11]
Masusuri ang siniping editoryal mulang anyo hanggang nilalaman. Sa anyo, maaaring
usisain ang gramatika at palaugnayan at maging ang gamit ng salita. Halimbawa, ang
talata 1 ay maisasayos sa ganitong paraan:

Bumagsak mulang $147 kada bariles ang presyo ng langis noong isang linggo
tungong $125 kada bariles ngayong araw.

May problema rin sa palaugnayan ang talata 5, at maisasaayos nang ganito:

Taliwas sa pahayag na pagkalugi ang pahayag ng mga kompanya na kumikita ang


mga ito nang malaki sa kabila ng krisis.

Ang ispeling ng “ispekulador” ay maimumungkahing palitan ng “espekulador” dahil


ang pinagmulan nito ay salitang Espanyol na “especulador.” Samantala, ang
“tagasulsol” sa talata 2 ay mahihinuhang hindi angkop bilang sinonimo, kung hindi
man kapantay ng “espekulador” dahil ang pinatutungkulan dito ay ang mga
namumuhunan sa merkado ng petrolyo at hindi ang puwersang nagdidikta sa
pandaigdigang presyo ng petrolyo.

Pagkaraang matalakay ang anyo ay maaaring dumako sa nilalaman. Maaaring simulan


ang pagtalakay sa nilalaman sa pamamagitan ng pagbusisi sa balangkas ng editoryal.
Una, binubuo ng 221 salita ang editoryal na ikinalat sa walong talata, at bawat talata
ay binubuo lamang ng isang pangungusap. Ikalawa, ang akda ay gumagamit ng paraan
ng pagsusuri sa pagtaas ng petrolyo at kung bakit dapat ibaba ang presyo nito sa
kasalukuyan. Ikatlo, ang paraan ng lohika ng akda ay pasuysoy, na ang pangwakas na
talata ang sukdulan ng mga pahayag.
Pinakamahalagang alamin kung ano ang tesis ng editoryal. Ano ito? Bumaba umano
ang presyo ng petrolyo sa merkado sa buong daigdig, kaya dapat ibaba rin ang presyo
ng petrolyo sa Filipinas. Ang tesis na ito ang dapat alamin kung nasuportahan nang
maigi sa akda. Ang mga talata 2-3 ay inuurirat ang papel ng mga espekulador na
kumokontrol sa presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado. Ngunit pagsapit sa
talata 4 ay lumihis ang talakay sa mungkahing “ibaba” ng mga kompanya ng langis
ang presyo ng petrolyo sa bansa. May kaugnayan ang mga talata 5-7 sa talata 4 na
pawang nagtutuon sa deklarasyon, patakaran, at kita ng mga kompanya ng langis.
Samantala, ang talata 8 ay nagsasaad na dapat kumilos ang pamahalaan upang
masugpo ang “pagmamalabis” ng anumang kompanya.

Mahihinuha sa daloy ng pahayag na walang kaugnayan sa tesis ang pangwakas na


talata na nagpapahiwatig sa mungkahing pagkilos ng pamahalaan. Kung ang mga
espekulador ang may kagagawan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, ang dapat sanang
talakay ay kung paano lulutasin ng pamahalaan ang problema sa masamang
espekulasyon at espekulador na kumokontrol sa presyo ng petrolyo. Maiisip tuloy na
ang mga kompanya ng langis ay bahagi rin ng sindikato ng mga espekulador, at
siyang bumubuo ng kartel. Ngunit mapagmalabis ang ganitong hinuha. Lumilitaw
lamang ang ganitong hinuha dahil malabo ang daloy ng lohika at pahayag ng
editoryal. Ikalilito ng pamahalaan kung sino ang dapat papanagutin sa batas.
Magkasalungat din ang talata 5 at talata 6, at hindi malaman kung sinong kompanya
ng langis ang nagsasabi ng totoo. Kung labas sa kapangyarihan ng pamahalaan na
kontrolin ang pagtaas ng presyo ng petrolyo—dahil nasa pandaigdigang antas ito—
maiisip na walang kakayahan ang pamahalaan sa isinasaad ng pangwakas na talata.

Editoryal bilang papuri


Hindi lamang sa panunuligsa ginagamit ang editoryal bagkus maging sa pagpuri sa
magagandang halimbawang patakaran o gawain ng ilang sangay ng pamahalaan.
Maihahalimbawa ang nalathala sa Taliba:
‘Justice on wheels’
(1) Isang napakagandang proyekto itong naisipan ni Supreme Court Chief Justice
Reynato Puno na ‘Increase Access to Justice Program’ na sa kaunaunahang [sic,
kauna-unahang] pagkakataon ay matutugunan ang mga preso sa legal nilang
pangangailangan sa loob ng kanilang selda.
(2) Sinimulan kamakalawa ang naturang programa nang magpadala ang Korte
Suprema ng kanilang ‘mobile court rooms’ sa Makati City Jail para dinggin ang mga
nakabinbin na kaso ng mga preso.

(3) Sa pamamagitan ng ‘mobile court rooms’ ay mababawasan ang paghihirap ng mga


preso tuwing dadalo sa pagdinig ng kanilang mga kaso sa korte.

(4) Di lamang ang mga preso ang makikinabang sa naturang programa kundi pati
iyong mga jail guard ay [sic, na] hindi na ring [sic, rin] kailangang magbiyahe pa para
samahan ang mga preso sa kanilang pagdinig sa korte.

(5) Sa naturang programa ay inaasahang mabilis na malulutas ang mga kaso na kung
ilan taon nang nakabinbin at mapaluluwag din ang nagsisikip na mga kulungan sa
Metro Manila.

(6) Dapat noon pa ginawa ni Puno ang naturang programa. Kaugnay nito, inatasan ng
Chief Justice ang lahat ng municipal at regional trial court judges na bilisan ang mga
pagdinig sa lahat ng mga kasong kriminal na nasa kanilang sala upang luminis ang
mga ‘dockets’ at maiwasan din ang matagal na pagkabilanggo ng taong may maliliit
lang na kaso.

(7) Tiyak na marami ang mapapalayang preso sa programang ito tulad ng tatlong
preso na may kasong panghoholdap at iba pang maliliit na kasong kriminal. Ang
tatlong preso ay pinalaya pagkatapos na di sumipot ang mga nagreklamo sa kanilang
mga hearing.
(8) Ang naturang programa ay di lamang sa Metro Manila dapat pairalin kundi sa
buong bansa. Kudos kay Chief Justice Puno.

May kabuuang 269 salita ang editoryal na sinipi, at ikinalat sa walong talata. Ang
paraan ng lohika ng akda ay pasuhay (i.e., deductive), na ang unang talata ang
nagtataglay ng pangunahing diwain at siyang susuportahan ng mga sumunod na talata.
Payak lamang ang tesis ng akda: maganda ang programang ginawa ang Korte
Suprema dahil malulutas nang mabilis ang mga kaso ng mga preso. Ang mga talata 2-
3 ay sumusuhay sa talata 1 at nagpapaliwanag hinggil sa mga mobile court room.
Nagsasaad naman ng benepisyo ang nasabing programa pagsapit sa mga talata 4-5.
Ngunit pagsapit sa talata 6 ay papaling ang talakay sa atas ng punong hukom na
bilisan ang pagdinig, at walang kaugnayan sa naunang pangungusap na “Dapat noon
pa ginawa ni Puno ang naturang programa.” Ang talata 6 ay mahihinuhang kaugnay
ng mga talata 2-3 ngunit tila biniyak at nagmukhang ordinaryong ulat lamang sa
pahayagan. Mapanlagom naman ang talata 7, dahil ipinapalagay nito na maraming
mapapalayang preso ngunit hindi naman tinalakay kung ang pagpapalaya ay kaugnay
ba ng paglilitis sa mabibigat o magagaang na kaso, o kaya’y sa pagkakaroon ng
abogadong magtatanggol sa preso. Ang talata 8 ay mungkahi na palawakin pa ang
naturang programa sa buong bansa.

Masatsat at mababaw ang editoryal ngunit sadyang wala nang mapipiga pa sa akda
kundi ang purihin lamang si Punong Hukom Reynato Puno. Kung ang nasabing
programa ay likha ng Korte Suprema, ang dapat purihin ay ang mga tao na nagpakana
ng gayong programa at hindi lamang si Puno ang dapat purihin.

Pang-uuyam at Satira
Ginagamit sa ibang pagkakataon ang editoryal upang uyamin ang mga politiko, at
maihahalimbawa ang nalathala sa Bagong Tiktik:
Premyo sa basura
(1) Naging kalakaran na sa gobyerno na ang mga kandidato ng administrasyon para sa
Kongreso na hindi nahahalal ay binibigyan ng magagandang puwesto isang taon
makaraan ang eleksyon.
(2) Tapos na ang isang taon na iyon at nagsisimula na ang Pangulong Arroyo na
ipagpupuwesto ang mga kandidato ng administrasyon na ibinasura noon ng mga
botante.
(3) Unang talunang ipinuwesto ng Pangulong Arroyo sa mataas na tungkulin si dating
Senador Vicente Sotto III, bilang hepe ng Dangerous Drug Board na may ranggong
Gabinete.

(4) Nakatakda namang ipagpupuwesto rin ng Pangulo sa Gabinete sina Michael


Defensor, Prospero Pichay, Ralph Recto, at Tessie Oreta, na pawang ipinagbabasura
ng mga botante nang tumakbo sila para sa Senado nong nagdaang eleksyon.

(5) Ang limang iyan ay basura ngang maituturing pagkat ibinasura sila ng mga
botante-hindi inakala ng mga mamamayan na karapat-dapat maging mga senador.
Ngunit eto ngayon at ipagsasaksakan sila ng administrasyon sa lalamunan ng bayan
bilang mga miyembro ng Gabinete.

(6) At bakit sa Gabinete na ang trabaho ay napakalaki ng konksyon sa mismong mga


mamamayang nagbasura sa kanila? Bakit hindi sa mga tungkuling halos walang
kaugnayan sa madla? Halimbawa, puwede silang gawing mga embahador sa iba’t
ibang bansa, o kaya ay mga direktor ng mga tanggapang walang koneksyon sa
kapakanan ng bayan.

(7) Si Sotto, halimbawa, ay puwedeng maging direktor ng upisinang-gobyerno na


mamamahala sa mga komedyante, at si Oreta ay doon naman sa mamamahala sa mga
dancer? Diyan sa mga iyan sila eksperto, hindi ba?[12]
Gumugol ng 258 salita ang editoryal na may walong talatang naglalarawan sa
ginagawa ng pamahalaan hinggil sa mga kakamping politikong nabigong mahalal
bilang senador. Ang bawat talata ay isa o dalawang pangungusap lamang at iniayon sa
masikip na disenyo ng pahayagan. Payak lamang ang tesis ng editoryal:
Ginantimpalaan ng posisyon sa gabinete ng pamahalaan ang mga politikong natalo sa
halalan noong nakaraang taon. Ang nasabing gantimpala ay mahahalagang posisyon
umano sa pamahalaan. Ang tesis na nasa mga talata 1-2 ay susuhayan ng mga talata 3-
4 na bumabanggit kina Vicente Sotto III, Michael Defensor, Prospero Pichay, Ralph
Recto, at Tessie Oreta. Ngunit ang talata 5 ay lilihis at susurutin ang pamahalaan dahil
tinanggihan na ng taumbayan ang naturang mga politiko at ngayon ay ibinabalik na
naman sa puwesto. Ang talata 6 ay mungkahi kung ano ang marapat gawin sa limang
politiko: Ilagay sila sa mga tungkuling “walang kaugnayan sa madla” na
inihalimbawa ang pagiging embahador. Subalit kalokohan ang gayong pahayag, dahil
wala namang posisyong “walang kaugnayan sa madla.” Ang pagiging embahador ay
sangkot pa rin ang pakikiharap sa madla, lalo na sa mga nandarayuhang Filipino, at sa
malawak na komunidad ng daigdig. Lumalabis ang pang-uuyam ng talata 7, at suntok
sa bayag kumbaga sa boksing. Na walang alam si Sotto kundi magpatawa, at walang
alam si Oreta kundi magsayaw. Argumentum ad hominem. Ang pamagat na “Premyo
sa basura” ay nagdudulot ng kalabuan, dahil ang “basura” ay maaaring magbigay ng
“premyo” para sa kapuwa pamahalaan at publiko; o kaya’y ang “basura” ay ang
premyo mismo, tulad ng isinusulong ng editoryal. Ang pahayag na pasuhay mulang
talata 1 ay hindi naipagpatuloy, dahil ipinapalagay dito na “kalakaran” nga sa
gobyerno ang paghirang sa mga talunang politiko. At kung kalakaran ay dapat
binanggit hindi lamang ang administrasyon ni Pang. Arroyo bagkus maging ang iba
pang nakaraang administrasyon.
Pagharap sa hinaharap
Ipinakikita lamang sa papel na ito na may mga halimbawang matatagpuan kahit sa
mga tabloyd at siyang masusuri nang masinop upang tumalim ang isip ng mambabasa.
Ang mga itinuturo sa retorika, gaya ng paglalahad, paglalarawan, pagsasalaysay,
proseso, panunuri, paghahambing at pagtatambis, at iba pang kaugnay na teknik, ay
magagamit sa pagsusuri ng mga akda. Ngunit dapat ding idiin na iba ang Filipino
kaysa Ingles, at ang diskurso ng Ingles ay hindi maisisilid basta-basta sa diskurso ng
Filipino.
Matindi ang hamon sa mga pahayagan, lalo sa hanay ng mga tabloyd, na sumulat ng
mahuhusay na editoryal. Ang mga editoryal sa tabloyd ang natitirang halimbawa sa
pagsulat sa Filipino, at kung hindi iyon pagbubutihin ay walang makikitang
mabubuting halimbawa ang mga estudyante, kung hindi man ang malawak na
mambabasang Filipino.

Kinakailangan din ng mga editor sa iba’t ibang pahayagang gumagamit ng wikang


Filipino na magkaisa sa estandardisadong pagbaybay ng mga salita, at pag-iwas sa
balu-baluktot na gramatika at palaugnayang ikahihilo ng mambabasa. Yamang wika
ang lunsaran ng kaisipan, at ang wikang ito ang kasangkapan sa pagsulat at
pamamahayag, kinakailangan ng mga manunulat na maging maingat. Dapat din
maging mahigpit na tagapagbantay na kritiko ang mga guro at estudyante. Sa ganitong
paraan, mapatataas ang uri ng pagsulat ng editoryal dahil ang mga mambabasa ay
hindi lamang konsumidor bagkus isa ring kritiko. Mapatatalim din ang mga
manunulat dahil sa masasagap nilang puna at mungkahi mula sa publiko.

Panimulang pag-aaral pa lamang ito hinggil sa paksang pagsulat ng editoryal, na


maaari ninyong dagdagan, ituwid, o susugan para sa ikagagaling ng buong bayan.
Dulong Tala

You might also like