You are on page 1of 6

MGA NAGING TALAKAYAN SA IKATLONG MARKAHAN NG FILIPINO 8

Popular na Babasahin
Ang mga isinulat para sa masa at inilathala o ipinakalat para sa
maraming mambabasa ay kinikilala bilang popular na babasahin o
tinatawag na panitikang popular. Ito rin ang kasalukuyang mga umiiral na
babasahin na naglipana kahit saan. Ang pangunahing layunin sa pagsulat
nito ay magbigay-aliw (entertain) at sumalamin sa pang-araw-araw na
pangyayari sa buhay. Ang pagiging malikhain ng ganitong uri ng panitikan
ay kakaiba sa mga tradisyunal at sinaunang panitikan.
Narito ang iba’t ibang uri ng mga babasahing popular:
1. pahayagan, diyaryo, o peryodiko: ay isang uri ng paglilimbag na naglalaman ng balita, impormasyon
at patalastas, kadalasang na imprenta sa mababang halaga. Ito ay maaaring pangkalahatan o may
espesyal na interes, at kadalasan itong inilalathala ng araw-araw o lingguhan.
2. komiks; mga larawang-kuwentong sumasalamin sa mga
kasalukuyang isyung panlipunan,
3. magasin; babasahing nakapaloob ang mga nauuso o patok,
4. kontemporaryong dagli; maikling-maikling kuwentong mabilis ang
mga pangyayari, at iba pa.
KONTEMPORARYONG DAGLI
Ang dagli ay isang anyong pampanitikan na maituturing na maikling maikling
kuwento. Bagamat walang katiyakan ang pinagmulan nito sa Pilipinas, sinasabing
lumaganap ito sa unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano.
Wala ring nakatitiyak sa angkop na haba para masabing dagli ang isang akdang
pampanitikan. Subalit sinasabing kinakailangang hindi ito aabot sa haba ng isang
maikling kuwento. Kabilang sa kilalang mga manunulat ng dagli
sina Iñigo Ed. Regalado na may talipanpang Tengkeleng, Jose Corazon de Jesus,
Rosauro Almario (Ric. A. Clarin), Patricio Mariano, Francisco Laksamana, at Lope K.
Santos.
Sa pananaliksik ni Rolando Tolentino, sinabi ni Teodoro Agoncillo na sumulpot
ang dagli noong 1902, kasabay ng pagkakalathala ng pahayagang Muling Pagsilang na
pinamahalaan ni Lope K. Santos, at nagpatuloy hanggang 1930.
Ayon naman kay E. Arsenio Manuel, nag-ugat ang dagli sa panahon ng
pananakop ng mga Kastila. Naging tampok ang mga ito sa mga pahayagang Espanyol
at tinawag na Instantaneas. Gayunman, hindi malinaw kung hinango nga ng mga
manunulat sa Tagalog ang ganitong anyo mula sa mga Español dahil
hindi pa malinaw noon kung anong uri ang itatawag sa akdang anyong prosa ngunit
patula ang himig.
Nagkaroon lamang ng linaw ang anyong prosang gaya ng maikling kuwento at
nobela pagsapit ng 1920, at mula rito'y lalong sumigla ang pagpapalathala ng dagling
nasa ilalim ng sagisag-panulat
Ayon kay Aristotle Atienza, malaking bilang ng mga dagli na nakalap nila ni
Tolentino para sa antolohiyang “Ang Dagling Tagalog: 1903-1936” ang tumatalakay
sa karanasan ng mga lalaki sa isang patriyarkal na lipunang kanilang ginagalawan.
Karaniwan ding iniaalay ang dagli sa isang babaeng napupusuan subalit may ilan ding
ginamit ito upang ipahayag ang kanilang mga damdaming makabayan at kaisipang
lumalaban sa mananakop na Amerikano.
Sa obserbasyon ni Tolentino, nagpapalit-palit ang anyo ng dagli mula sa harap
na pahina ng mga pahayagan hanggang sa maging nakakahong kuwento sa mga tabloid
o tampok na kuwento (feature story) sa mga kolum, pangunahing balita (headline) sa
pahayagan, at telebisyon. Aniya, “na-transform na ang dagli, hindi na ito tinawag na
dagli at nagkaroon na ng ibang lehitimong pangalan at katawagan—anekdota, slice-
of-life, day-in-the-life, at iba pa at lehitimasyon (pagpasok ng ganitong uri ng
kwento sa media).”
ANG DAGLI SA KASALUKUYAN
Karaniwang napagkakamalang katumbas ng flash fiction o sudden fiction sa
Ingles ang dagli. Nguni't ayon sa panayam kay Dr. Reuel Molina Aguila, naunang
nagkaroon ng dagli sa Pilipinas (1900s) bago pa man nagkaroon ng katawagang flash
fiction na umusbong noong 1990. Maaari itong nagmula sa anyong pasingaw at diga ng
magbabarkada kung kaya't masasabing marami sa
mga probinsya at malalayong lugar ang nagkaroon ng ganitong paraan ng kuwentuhan.
Noong 2007, lumabas ang antolohiyang “Mga Kwentong Paspasan” na
pinamatnugutan ni Vicente Garcia Groyon. Taong 2011 naman nang mailathala ang
“Wag Lang Di Makaraos (100 Dagli Mga Kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay)” ni
Eros Atalia kung saan, ayon sa blogger na si William Rodriguez, tinatalakay ang
“samu’t saring pangyayari sa lipunan sa paraang madaling unawain dahil simple lang
ang paggamit ng wika.” Inilathala naman nitong Mayo 2012 ang koleksiyon ng mga
dagli ni Jack Alvarez na may pamagat na "Ang
Autobiografia ng Ibang Lady Gaga" na ayon kay Aguila: "Naiangat ni Jack Alvarez
ang dagli sa isang sining ng paglikha ng malaking daigdig mula sa maliit
at partikular na karanasan… Isang makabuluhang kontribusyon ito sa panitikan ng
bansa.
Sa kasalukuyang panahon, ang dagli ay halos ihambing din sa tulang tuluyan,
pasingaw, at proto-fiction o micro-fiction sa Ingles.
Narito ang isang halimbawa ng KISLAP ni Abdon Balde Jr. na umabot sa 116
na salita.
MGA HAKBANG SA PAGSULAT NG KONTEMPORARYONG DAGLI.
Una- magbigay tuon lamang sa iyong tauhan,banghay,tunggalian,diyalogo,paglalarawan ng matinding
damdamin o tagpo.
Ikalawa-laging magsimula sa aksyon ang unang bahagi ( halimbawa: naglalakad,
tumatakbo,nadapa,lumalapit..)
Ikatlo-sikaping magkaroon ng twist o punchline sa dulo ang iyong isinulat upang magkaroon sila ng
interest sa iyong dagli .
Ikaapat- magpakita ng kwento, huwag mag kwento ng kwento ( hindi mo ikwekwento ang talambuhay
nang isang tauhan o tinatawag na third person P.O.V kundi ikaw mismo ang magbabahagi nang kwento
sa pamamagitan nang First person P.O.V )
Ikalima- gawing double blade ang iyong pamagat ( mahalaga na maging dalawa ang kahulugan ng iyong
pamagat para maging kakaiba ito ).
Dalawang Patong na Hollow Blocks
Ni Gerwin L. Cortez
Kaparehong araw rin kagaya nito. Medyo umuulan-ulan lang noon. May badya ang langit na masungit.
Naghalo na sila ng semento. Inihanda ko ang aking mga kagamitan para magdiwang ng aming Christmas
Party sa bahay ng isa sa mga matalik kong kaibigan. Naipatong na ang unang hollow block. Masaya. Di
magkasya ang kasayahan sa ikatlong palapag. Tawanan. Mga repleksyon sa buhay. Mga plano. Mensahe
ng pasasalamat. Kaunting iyakan. PUNO NG PAGMAMAHALAN. Naipatong na ang ikalawang hollow
block. Krrrrengggg! Krrrrenggg! "Umuwi ka na. Pupunta kaming pagamutan." Hindi ko alintana ang lahat.
May kaunting pagmamadali para umuwi.
Nakita ko ang malungkot na mukha ni Sta. Rosa sa daan. "O, bakit ngayon ka lang? Anong oras kang
dumating?" malamig na malamig na tinig. Malamig na malamig ding katawan. Tagaktak ang pawis sa
lamig. Natibag ang dalawang patong na hollow blocks. Bisperas iyon ng Pasko. Tila may reunion. Kasama
namin lahat ng kamag-anak na nagmula sa karatig at malalayong lugar.
ANO NGA BA ANG MAGASIN
Ang magasin ay peryodikong publikasyon na naglalaman ng maraming artikulo,kwento,larawan, anunsyo
at iba pa. kalimitang pinopondohan ng mga patalastas. Ito ay nagbibigay ng impormasyon sa mga
mambabasa.
• Ito ay may sukat na mas malaki kaysa aklat ngunit mas maliit kaysa pahayagan/MAKULAY NA URI NG
BABASAHIN.
• Maaring ito ay naglalaman ng mga larawan ng mga produkto na iniindorso ng mga sikat na tao sa
bansa.
Mga Nangugunang Magasin sa Bansa sa Kasalukuyan
FHM (For Him Magazine) - Ang magasing ito ay tumatayo bilang mapagkakatiwalaan at puno ng mga
impormasyon na nagiging instrumento upang mapag-usapan ng kalalakihan ang maraming bagay tulad
ng buhay, pag-ibig, at iba pa nang walang pag-aalinlangan.
Cosmopolitan - Magasing pangkababaihan. Ang mga artikulo dito ay nagsisilbing gabay upang
maliwanagan ang kababaihan tungkol sa mga pinakamainit na isyu sa kalusugan, kagandahan, kultura at
aliwan.
. Good Housekeeping - Isang magasin para sa mga abalang ina. Ang mga artikulong nakasulat sa dito ay
tumutulong sa kanila upang gawin ang kanilang mga responsibilidad at maging mabuting maybahay.
Yes! - Ang magasin tungkol sa balitang showbiz. Ang nilalaman nito ay palaging bago, puno ng mga
nakaw- atensyon na larawan at malalaman na detalye tungkol sa mga pinakasikat na artista sa bansa.
Metro - Magasin tungkol sa fashion, mga pangyayari, shopping at mga isyu hinggil sa kagandahan ang
nilalaman ng Metro.
Candy Binibigyan ng pansin ang mga kagustuhan at suliranin ng kabataan. Ito ay gawa ng mga batang
manunulat na mas nakauunawa sa sitwasyon ng mga mambabasa
Men’s Health - Magasin na nakatutulong sa kalalakihan tungkol sa mga isyu ng kalusugan. Mga
pamamaraan sa pag-ehersisyo, pagbabawas ng timbang, mga pagsusuri sa pisikal at mental na
kalusugan ang nilalaman nito, kung kaya ito ay naging paborito ng maraming kalalakihan.
T3 - Isang magasin para lamang sa mga gadget. Ipinakikita rito ang mga pinakahuling pagbabago sa
teknolohiya at kagamitan nito. Ito rin ay may mga napapanahong balita at gabay tungkol sa pag-aalaga
ng mga gadget.
Entrepreneur -Magasin para sa mga taong may negosyo o nais magtayo ng negosyo.
PAHAYAGAN
Ang pahayagan ay isang uri ng paglilimbag. Ito ay naglalaman ng mga balita o tala tungkol sa
mga kaganapan na nangyayari sa lipunan. Nagbibigay din ito ng mga impormasyon tulad ng mga
patalastas. Ito ay karaniwang iniimprinta araw-araw at ipinagbebenta sa murang halaga. Ito rin
ay maaring pangkalahatan o may pokus na interes. Ang iba pang terminolohiya para sa salitang
ito ay dyaryo at peryodiko.

Dalawang Uri ng Pahayagan


Broadsheet. Ang broadsheet ay pormal na uri ng pahayagan, karaniwang nakaimprinta sa
malaking papel at nakasulat sa Ingles na wika. Malawak ang nasasaklaw ng sirkulasyon nito.
Bukod sa mga balita sa loob ng bansa, naglalaman din ang broadsheet ng mga internasyonal na
mga kaganapan. Ang target reader nito ay ang mga taong may mga kaya sa buhay.

Tabloid. Ito naman ay maituturing na impormal na uri ng pahayagan. Ito ay mas maliit at mas
maunti ang nilalaman kumpara sa broadsheet. Ang pangunahing wika na ginagamit sa Tabloid
ng Pilipinas ay Tagalog. Sa dyaryong ito, maari kang makabasa ng mga salitang balbal.

Ano ang mga Bahagi ng Pahayagan?


Ang mga sumusunod ay ang mga bahagi ng pahayagan o dyaryo:

Mukha ng Pahayagan – Ito ang pinakaunang pahina ng pahayagan. Naglalaman ito ng pangalan
ng pahayagan at headline ng mga balita. Makikita mo rin sa pahinang ito ang petsa kung kailan
nailimbag ang dyaryo.

Balitang pandaigdig – Mababasa naman sa bahaging ito ang mga kaganapan sa iba’t-ibang parte
ng daigdig. Naglalaman din ito ng mga balita na may kaugnayan sa labas ng ating planeta.

Balitang Panlalawigan – Nakapaloob naman sa bahaging ito ang mga kaganapan sa iba’t-ibang
lalawigan ng bansa.

Editoryal o Pangulong Tudling – Ang pahinang ito ay naglalaman ng matalinong kuro-kuro ng


patnugot o mamamahayag tungkol sa isang napapahong isyu o paksa.

Balitang Komersyo – Ang bahaging ito ng pahayagan ay naglalaman ng mga ulat na may
kaugnayan sa industriya, kalakalan, at komersyo. Mababasa din dito ang kasalukuyang estado ng
palitan ng piso kontra sa pera ng ibang bansa.

Anunsyo Klasipikado – Ang pahinang ito ay nakalaan para sa mga taong naghahanap ng trabaho
na pwedeng pag-aplayan. Dito rin mababasa ang mga patalastas tungkol sa mga bagay na
ipinagbebenta o pinapaupahan tulad ng kotse, bahay at iba pang ari-arian.

Obitwaryo – Ito ay parte ng pahayagan na naglalaman ng mga anunsyo tungkol sa mga taong
pumanaw na. Mababasa sa bahaging ito ang impormasyon ng mga namayapang tao, kung saan
ito nakaburol, kailan at kung saan ito ililibing.
Libangan – Ang pahinang ito ay naglalaman ng mga balita na naghahatid ng aliw sa mga
mambabasa. Mababasa dito ang mga balita tungkol sa mga kaganapan sa showbiz, mga tampok
na palabas sa pelikula at telebisyon, at iba pang maiuugnay sa sining. Naglalaman din ito ng mga
laro na nakakakuha ng interes ng mga mambabasa, tulad ng sudoku at crossword puzzle. Dito rin
matatagpuan ang komiks at horoscope.

Lifestyle – Mababasa sa bahaging ito ang mga artikulong may kaugnayan sa pamumuhay. Tulad
ng tahanan, pagkain, paghahalaman, paglalakbay at iba pang aspeto ng buhay sa lipunan.

Isport o Palakasan – Sa bahaging ito mababasa ang iskedyul ng mga laro. Mababasa din sa
bahaging ito ang mga kaganapan at balita tungkol sa iba’t-ibang isport sa loob at labas ng bansa.

You might also like