You are on page 1of 9

Go to Free

Rene Bendal

BUNGA NG KASALANAN

FEBRUARY 8, 2018 · PUBLIC

Bunga ng Kasalanan

Cirio H. Panganiban

Si Virginia, ang babaing madasalin, palasimba at mapagluhod sa mga tabi ng “Confesionario” ay may
10 taon nang kasal kay Rodin.

Sampung taon. At sa ganyang kahabang panahong kanilang ipinagsama nang buong tahimik at
pagsusunuran, nang buong pag-ibig at katapatang-loob ay hindi man lamang nag-ugat sa tigang na
halaman ni Virginia ang masaganang punla ng sangkatauhan.

Wala silang anak. Si Virginia ay hindi man lamang nakaramdam kahit minsan ng matamis na
kaligayahan ng pagiging ina.

Nasunod nila ang lahat ng layaw sa daigdig: Mayaman si Virginia, may pangalan si Rodin, at silang
dalawa ay nabubuhay sa kasaganaan. Subali’t katanghalian na ng kanilang pag-ibig ay hindi pa
dumadalaw sa kanilang tahanan ang anghel, ang magiging mutya ng kanilang tahanan at ang
magmamana ng dakilang pangalan ni Rodin.

Ang panalangin ni Virginia sa Mahal na Birhen na sinasalitan ni Rodin ng taimtim na pagtawag sa


Diyos, ang kanilang ginawang pamimintakasi sa Ubando alang-alang sa kamahal-mahalang San
Pascual at sa kapinu-pinuhang Santa Klara ay hindi rin nagbigay sa kanila ng minimithing anak.

At sa puso ng nalulungkot na mag-asawa ay nawala na ang pananalig sa huling kaligayahan.

II

Nguni’t . . . ang malaking pagkasulong ng matandang karunungan sa panggagamot, ay nagbigay ng


panibagong pag-asa kay Virginia at kay Rodin.

Nahuhulog na ang Araw ng kanilang pagmamahalan sa kanluran at ang mga ulap sa dapit-hapon ng
buhay ay unti-unti nang nagpapalamlam sa ilaw ng kanilang pag-ibig. Higit kailanman ay noon
naramdaman ng ulilang mag-asawa ang lalong malaking pananabik na magbunga ang kanilang
malinis at kabanal-banalang pagsisintahan.

Parang hiwaga, matapos ang matiyagang pagpapagamot ang karunungan ng isang doktor ay lumunas
sa sala ng katalagahan. Si Virginia ay nagdalang-tao at pagkaraan ng mahabang buwan ng kanyang
paghihirap, ay sumilang sa liwanag ang isang maliit na kaluluwang wagas na nagtataglay ng pangalan
ni Rodin at ng pangalan ng kanilang angkan.
O, ang tuwa ni Rodin! Nang sabihin sa kanya na siya ay ama ng isang batang lalaki ay napalundag siya
sa malaking kagalakan; tuluy-tuloy siya sa silid ng mag-ina at dala palibhasa ng malaking uhaw sa
kaluwalhatian matapos mapagbalingan ng isang tinging punung-puno ng paggiliw ang lanta at
maputlang mukha ni Virginia, ay nilapitan ang kanyang panganay na anak at sa noo ng walang malay
na sanggol ay ikinintal ang kauna-unahang halik ng kanyang pangalawang pag-ibig.

Si Virginia, palibhasa’y madasalin, marupok ang puso at natatakot sa Diyos; palibhasa’y mahinang-
mahina noon ang katawan at mahina rin ang pag-iisip ay unti-unti nang nag-aalinlangan sa kalinisan
ng kanyang pagiging Ina.

Ibig na niyang maniwala na siya’y makasalanan, na ang lalong mabigat na parusa ng langit ay
lalagpak sa kanya,

Aloha

Ni Deogracias A. Rosario

MANIWALA KA sa kadalubhasaan ni Rudyard Kipling! Hindi ako naniniwala sa kasabihan niyang:

“Ang Silangan ay Silangan

Ang Kanluran ay Kanluran;

Magkapatid silang kambal,

Magkalayo habang buhay.”

Ayaw kong ipahalata sa kausap ko ang malaking pagkamangha sa pagpapasinungaling niya sa sumulat
ng “The Ballad of East and West.” Noon ay magkaibayo kami sa isang mesa sa veranda ng Waikiki
Tavern sa Honolulu at nakikipagpaalam sa “paglubog ng araw” sa bantog na pasigan ng Waikiki. Tig-
isa kaming tasa ng mainit na kapeng Haba na isinasalit namin ang paghigop sa pagtanaw sa
malalapad na dalig sa ibabaw ng malalaking alon.

Ang tanawing ito’y pangkaraniwan sa pasigan ng Waikiki, kung laki ang dagat at nagngangalit ang
alon. Isang sport ito ng mga taga-Haway na sariling-sarili lamang nila. Bawat isa ay may mga dalig na
tatlong dipa ang haba at kalahating dipa ang lapad na taluhaba ang hugis. Sa ibabaw ng mga dalig na
itong sumasalunga sa ibabaw ng alon ay doon sila tumitindig na nakadipa ang dalawang kamay at
kung minsan nama’y itinutukod ang kanilang ulo na unat na unat ang katawan na ang dalawang paa
naman ang tuwid na tuwid na tila itinuturo sa langit. Ang “pangangabayong ito sa alon ng mga taga-
Haway” ang ipinagmamalaki sa akin ni Dan Merton, Amerikanong mamamahayag sa Honolulu noong
ako’y maparaan doon.
Iyan ang dahilan kaya’t noong hapong yaon ay magkaharap kami sa veranda ng Waikiki Tavern.
Palibhasa’y nagtapos sa Unibersidad ng Southern California sa Los Angeles, at lipi ng isang angkang
milyonaryo sa Hollywood, si Merton ay isang tunay na gentleman na wala kang sukat ipintas sa
pakikihrap kanino man.

Nalalaman ni Dan Merton ang sakit ng kanyang mga kalahi, at hindi lamang ng mga Amerikanong
katulad niya, kundi lahat ng kakulay nila ... ng lahat ng puti.

“Ako ay may ibang paniwala, kaibigan,” ang sabi niya sa akin bago nabuksan ang kay Rudyard Kipling.
“Ang palagay ng mga taga-Kanluran ay binigyan sila ng maputing balat ng katalagahan upang maging
Kayumangging sumilang sa Kasilanganan. Ang kasaysayan ng sangkatauhan ay aking pinag-aralan.
Ngunit kailanman ay hind nabanggit sa mga aklat kong napagaralan ang mga tagumpay sa panitikan
ng isang Rabindranath Tagore at ng mga tagumpay sa karunungan ng mga dalubhasang Hapones na
kinukusa nilang itago. Balang araw ay naasahan kong isa namang Pilipino ang maririnig nating
magwawagi kung di sa pulitika ay sa kabuhayang pandaigdig. Makikita mo kaibigan!”

Kinakailangan kong tumungga ng kape at sundan ng hitit ng sigarilyo upang huwag mahalata ni
Merton na ako’y pinanunuyuan ng laway nang mabanggit niya ang ukol sa aking kalahi. Diyata’t may
isang Amerikano pang gaya nito na umaasang balang araw ay may isang Pilipinong magkakaroon ng
isang katangiang pandaigdig? Diyata?

Pasasalamatan ko sana si Merton sa kanyang mabuting hangad sa aking kalahi, datapuwa’t doon nga
nga nabanggit ang “pagkaligaw” ni Rudyard Kipling sa pagkasulat ng kanyang kasabihang ngayo’y
palasak na sa buong daigdig.

“Kung ang langit at lupa’y maaaring paglapitin,” ang giit niya sa akin nang mahulaan niyang ako’y may
pag-aalinlangan sa kanyang sinabi, “ay ang Kanluran at Silangan pa kaya?”

Sasabihin ko sanang ako’y naniniwala na sa kanyang palagay, ako ay naakit na niya laban sa
:kasinungalingan ni Kipling” at nahuhulaan ko na ang kanyang ibig sabihin, datapuwa’t siya na rin ang
nagdugtong. “Hala, ubusin mo na ang iyong kape. Tayo na sa bahay. At ang asawa ko ang magsasabi
sa iyong “ligaw” si Kipling.”

NANG MAGTAPOS si Dan Merton sa Unibersidad ng South California, ang naging gantimpala sa kanya
ng kanyang ama ay isang pagliliwaliw sa “Paraiso ng Pasipiko” – ang Haway. Bagong labas sa kolehiyo,
may pangalan at tanyag palibhasa’y kapitan ng mapagwaging koponan sa football ng kanilang
paaralan; anak ng milyonaryo sa Hollywood at sadya namang magandang lalaki, si Merton ay naging
“idolo” ng mga sakay sa Malolo, nang minsang tumulak ito buhat sa Los Angeles hanggang Honolulu.

Halos ay sundan siya sa kanyang kamarote ng mga kasama niyang mga debutante sa bapor. Hindi
lamang dalawang dosenang “aklat ng mga lagda” ang napaglagyan ng kanyang pangalan at
lilimampung pamaypay ng mga pasahera ang kanyang nasulatan. Minsang ipininid niya ang pinto ng
kanyang kamarote, ang maluwang na laylayan ng isang paa ng “pajama” ng huling humingi sa kanya
ng lagda ay naipit pa.

“O, ang mga babaing ito!” ang nasabi na lamang niya, “bakit kaya ayaw akong patahimikin?”
Sa agahan, hindi pa siya nakatatapos ay may kumakasundo na sa kanya upang maging kalaro ng deck
sports. Sa tanghali, hindi pa siya nakapaghihimagas, ay may lumalapit na sa kanya upang siya’y
makalaro, kung di ng bridge ay kahit na mahjong. At sa gabi, anim-anim na may sulat na menu ng
mga dalaga ang dinaratnan niya sa kanyang mesa at nagsasabing ibig nilang maging kapareha nila
siya sa sayawan sa kubyerta.

Kung nag-iisa na si Merton sa kanyang silid, ang gayong tila paghanga sa kanya ng karamihan ay
nagiging paksa ng kanyang dilidili. Akala niya’y sa isang Rudolph Valentino o isang Ramon Navarro
lamang maaaring “masira” ang mga dalaga. “Hindi pala’t sa isang bagong labas sa kolehiyong gaya ko
ay mayroon ding maaaring mahaling.”

RODOLPH VALENTINO

(May 6, 1895 - December 23, 1913)

Natatawa lamang si Merton sa harap ng nangyayari sa kanya. Kung hindi kaya siya si Dan Merton, na
kapitan ng koponan ng football sa Unibersidad ng Southern California at angkan ng milyonaryong
Merton sa Hollywood, ay pintuhuin kaya siya ng sinuman na gaya ng ginagawa sa kanya sa bordo ng
bapor Malalo? Palibhasa’y mapag-aral siya ng ugali ng mga tao, kaya’t ang kilos ng kanyang kapwa ay
pinag-aalinlanganan pa rin niya. Naniniwala siya hangga ngayon, na ang sangkatauhan ay sumasamba
pa rin sa diyus-diyusan, hindi lamang sa ayos-bakang pintakasi ng mga taga-Ehipto, kundi sa gintong
sangkap sa katawan ng nasabing baka. Kabalintunaan!

Bago siya nagtungo sa Haway ay wala siyang anumang yaring palatuntunan ng kanyang dapat gawin.
Maliban sa kanyang nababasang polyeto na ipinamamahagi ng mga turista tungkol sa nasabing
“Paraiso ng Pasipiko” ay wala siyang anumang nalalaman tungkol sa nasabing lupaing sakop ng
Amerika. Nasa sari-saring pagmumuni siya sa loob ng kanyang kamarote nang sa butas ng lagusan ng
hangin sa bapor ay tila kalatas na ibinalita sa kanya ng taginting ng musika ang pagdaong nila sa
Honolulu. Noon niya nasukat na may limang araw na pala siyang naglalayag, hindi man lamang siya
nainip, at dumating na siya sa kanyang patutunguhan.

Agad niyang binuksan ang kanyang traveling trunk at sa isa sa mga kahon ay kinuha ang tarhetang
bigay sa kanya ng kanyang ama na kinaroroonan ng pangalan ng isang taong sasalubong sa kanya.

“Aha!” ang nasabi niya sa sarili. “Editor ito ng pinakamalaganap na pahayagan sa Honolulu. Dapat
siyang maging malaking tao.”

Pagbaba niya sa andamyo , isang lalaking may kagulangan na, mapuputi ang buhok at may kunot na
ang mukha, ang biglang sumunggab sa kanya.

“Hindi ako maaaring magkamali,” sabi sa kanya. “Kamukhang-kamukha ka ng aking kaibigang si


Daniel Merton. Hindi ba ikaw ang kanyang anak? Tinanggap ko ang kable ng iyong ama, kaya kita
sinalubong.!”

Hindi pa nakasasagot man lamang ng “salamat po!” si Merton ay isinabit sa kanyang liig ang isang
mahabang kuwintas ng mga bulaklak na sariwang kilala sa tawag na lei.

“Iyan ang Aloha ko sa iyo,” sabi sa kanya.


May isang buwan na si Dan Merton sa Royal Hawaiian Hotel sa Waikiki. Isang magandang suite de
luxe ang sa pamamagitan ng kable ay ipinahanda ng kanyang ama buhat sa Hollywood upang
kanyang matirhan. Nagsawa na siya sa lahat ng sinasabing ganda ng Honolulu. Napagod na siya sa
paglangoy sa War Memorial Natatorium at sa Waikiki. Hindi miminsang nagdaan-daan siya sa
matayog na Pali, nadalawa na niya ang templo ng mga Mormon na may bughaw na tubig ukol sa mga
binibinyagan, at makailan na ring nagpalipas siya ng gabi sa sayawan sa Kailuwa, kung nagsasawa na
siya sa bulwagan ng kanyang otel. Nakadalawa na rin siya sa Hilo at sa Molokai, sa pamamagitan ng
eroplano, nakita na niya ang kumukulong laba ng bulkan, saka ang mga “buhanging tumatahol”. Ano
pa ang nalalabi sa kanyang hindi nakikita sa “Paraisa ng Pasipiko”?

Talagang naghahanda na siya sa pag-alis nang sabihin sa kanya ng kaibigang editor ng kanyang ama
sa Honolulu, na hintayin muna niya ang pagtatapos ng klase sa kolehiyo ng Punahu. “Ako ang
nahirang na magbigay ng pangaral sa mga natapos sa taong ito,” ang sabi niya kay Merton, “at
maibabalita mo sa iyong ama sa Hollywood kung gaano kabuting magsermon sa mga wahini (babae
sa wikang Kanaka )ang kanyang kaibigan sa Honolulu.”

Pumayag si Dan Merton. Sa nasabing Commencement ng Punahu School, doon niya nakilala si
Noemi, isang tunay na Kanaka, subali’t halimbawa ng dalagang may mataas na pinag-aralan. Hindi
niya malaman kung bakit ang mga matang buhay na buhay ni Noemi ay walang iniwan sa palasong
sabay na tumuhog sa kanyang puso. Si Noemi ang naging patnubay ng mga pangaral, palibhasa’y
siyang pangulo ng Kapisananng mga Senior sa nasabing kolehiyo. Anong tamis niyang magsalita ng
wikang Ingles! Anong lambing niyang bumigkas ng mga pangungusap!

“Wala pa akong naririnig na dalagang Amerikana na kasintamis niyang magsalita!” ang sabi pa ni
Merton pagkatapos.

“Ginoong editor,” ang sabi niya sa kaibigan ng kanyang ama, “Hindi ako uuwi na di kasama si Noemi.”

“Talaga bang totoo ang sinasabimo?” ang usisa sa kanya ng matanda.

“Paris ng katotohanang ang umaga’y sumusunod sa gabi.”

“Dan!” ang may halong pangaral na pahayag ng matanda, “ang mga Kanaka ay mamamayang
Amerikano lamang, ngunit hindi laging Amerikano. Kawika lamang natin sila, datapuwa’t hindi natin
sila kalahi.”

Ang palagay ni Dan Merton ay napakakitid ng noo ng kanyang kausap. “Matanda na at editor pa
naman ng pahayagan,” ang bulong niya sa sarili. “Maanokung hindi kalahi? Maano kung hindi
kakulay? Hindi ba bayan ng pagkakapantay-pantay ang Amerika? At hindi ba lahat ng tao ay
mamamayan ng daigdig?”

Sa sarili na lamang nangatuwiran si Merton. At nang minsang umalis sa Honolulu ang bapor City of
Los Angeles, sa talaan ng mga sakay ay mababasa ang ganitong mga pangalan: “Mr. Dan Merton” at
“Mrs. Dan Merton”. Ang “Mrs. Merton” ay si Noemi – ng Punahu School.

Nang umuwi si Merton, halos ang mga kasabay rin niya sa malalo na mga debutanteang kanyang
kasamang umuwi, ngunit hindi na gaya ng dati. Kahit na siya nag-iisa sa kubyerta kung ayaw lumabas
ni Noemi, ay maanong sulyapan man lamang siya. Kung pagmasdan niya’y tila pa nasusuklam sa
kanya, dahil sa nanghahaba ang kanilang mga labi , at nagsisitalim ang kanilang mga mata sa
pagtanaw sa kanya.

“Kabalintunaan sa sangkatauhan!” ang nasabi na lamang. “Ako’y nag-asawa sa aking iniibig, dahil
ako’y sumunod sa tibok ng puso ko at hindi sa alituntuning magdaraya ng lipunan at kinasusuklaman
na ako ngayon.”

Nguni’t may iba siyang naisip.

“Ano kaya ang sasabihin ni Ama, kung malamang nag-asawa ako sa isang hindi namin kalahi, sa isang
kayumangging Kanaka?”

Natira si Dan Merton sa gayong pagmumuni-muni. Sa kanyang mga mata’y may sampung daliring
maliit na tumakip buhat sa likod:

“Hulaan mo kung sino ako!” ang impit ng tinig na utos sa kanya.

Disyembre na nang sila’y papauwi sa Los Angeles. Ilang araw na lamang at Pasko na. Sa loob ng
kanilang suite de luxe sa bapor ay inisa-isa ni Merton kay Noime kung gaano magiging kasaya ang
kanilang Pasko. Humigit-kumulang ay nababatid ni Noemi na milyonaryo ang ama ni Dan, kaya’t di
kataka-takang magkaroon siya ng Paskong lalong masaya sa kanyang buhay sa piling ng sinumpaan
niyang “sa buhay at kamatayan” ay kanyang makakahati.

Kinusa ni Merton na huwag ipaalam sa kanyang ama ang kanyang pagbabalik. Ang ibig niya’y
makagawa ng isang “sorpresa.” Datapuwa, isang araw nang dumating ang bapor sa Wellington,
tumanggap siya ng isang kable mula sa Hollywood na humigit-kumulang ay ganito ang sinasabi:
“KUNG IBIG MONG MABUHAY HANGGANG PASKO SA PILING NG IYONG ASAWANG KANAKA, HUWAG
KANG MAGKAKAMALING TUMUNTONG SA UNANG BAITANG NG ATING HAGDANAN...DANIEL
MERTON.”

Rolls Royce Phantom II

Ayaw na niyang maniwala ay nasisinag niya sa gayong mga kataga ang pangungusap ng kanyang ama
– matitigas, matutulis at mababagsik. Kilala niya ang kanyang ama. Sabi lamang niya sa lumuluhang si
Noemi na isang biro lamang yaon, bagama’t iniisip niya kung sa Embassy o sa Baltimore sila tutuloy
na mag-asawa pagsapit sa Los Angeles. Hindi siya magtutuloy sa Hollywood.

Balisa at kumakaba ang kanyang dibdib, ang bapor ay dumaong sa Wellington, datapuwa’t laban sa
kanyang pag-asa , nasa himpilan ng perokaril ang malaki niyang Rolls Royce.

“Nakita mo na!” ang sabi ni Merton kay Noemi. “Hayun ang awto namin. At hayun si ama sa loob.
Hinihintay tayo!”

Isang ngiting may kahulugan – ang ngiting may pangamba at alinlangan -- ang itinugon ni Noemi sa
malaking galak at lukso ng puso ng kanyang asawa. At sino naman ang hindi malulugod?

Ang mag-ama ay nagyakap at si Noemi ay kinamayan ng kanyang biyenan. “Wala kayong dapat
alalahanin!” ang sabi sa kanila na lalo pang ikinatahimik ng loob ni Merton.
“Sa bahay, at nang makapagpahinga kami agad!” ang utos ni Dan sa kanilang tsuper, na gaya ng
karaniwang pag-uutos kung ginagamit niya ang nasabing kotse kung siya ang nagpapalakad.

“Hindi!” ang sigaw ng matanda. Ikukuha ko kayo ng isang bungalow sa Sta. Monica beach, malapit sa
bahay ni Bebe Daniels!”

“Mabuti nga’t nasa tabi ng dagat.” salo ni Dan. “Hindi na maninibago si Noemi, dahil sa katulad din ng
Waikiki beach. Makalalangoy kami kahit anong oras!”

“Kahit saan ay masisiyahan ako,” ang bulong ng Kanaka ng hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang
bisig, “nasa piling lamang kita.”

Napatingin sa kanila ang matanda na tila sinusukat ang ibig na sabihin. “Bilang pasalubong sa inyo,”
sabi ng matanda, “ay magdaraos doon ng party ngayong gabi. Pinaanyayahan ko na ang lahat ng
dalaga’t binata sa Hollywood, karamihan ay mga artista sa sine, upang masiyahan kayo sa
pagsisimula sa pagsisimula ng isang bagong kabuhayan.”

“Pasintabi sa inyo,” ang pakli ni Noemi, “inaasahan kong ang nasabing party – ay hindi katulad ng
mga wild party na ikinamatay ng isang artista nang magdaos si Fatty Arbucle o kaya’y ng nangyari kay
Miss Pringle nang magdaos naman si Pantages.”

Tatangu-tango ang matanda na tila noong lamang niya nakilala kung gaano kataas ang napag-aralan
ng kanyang manugang. Ibig sabihin ng kanyang sarili ay “Mahigit pa sa roon” subali’t iba ang binigkas
ng kanyang bibig: “Marahil ay mahuli-huli roon.”

“Nguni’t, Ama!” ang agaw ni Dan, “ang asawa ko ay marangal na babae. Tila hindi dapat sa kanya ang
gayong pasalubong.”

Tutugunin pa sana ng matanda ang pasalubong ay siya ang may handog, nguni’t biglang tumigil ang
awto sa tapat ng isang gusali sa tabi ng dagat.

“Narito na ang inyong bahay!” ang sabi sa kanila. “Lahat ay nakahanda na para ngayong gabi!”

Ipikit at idilat ni Noemi ang dalawa niyang mata ay hindi niya mapaniwalaan ang kanyang nakikita,
gayong mag-iikaapat na ng madaling-araw. Ang mga babaing panauhin at halos wala nang damit,
sapagka’t punit-punit na ang kanilang mga kasuutan sa pakikipagbatakan sa mga lalaki. Ang mga
lalaki naman ay kusa nang nag-aalis ng kasuutan nila at wala nang natitira sa katawan kundi ang
kahuli-hulihang inaalis bago matulog.

Ang lahat ay lasing. Lasing na ang lahat na ang mga mata’y nakulabaan na ng matapang na sugapa ng
alak, kung kaya’t hindi na napapansin ang kahiya-hiyang kalagayan ng lahat. Si Dan ay lasing na rin.
Apat na kilalang artista sa Hollywood ang nagpupulupot ng katawan nilang halos ay bilad nang lahat
sa kanyang matipunong katawan.

Si Noemi ay nagdahilang nahihilo pa sa malaking hapo sa bapor, kaya’t kahit pinagbatakanan siya ay
hindi siya nakihalubilo. Samantalang pinagmamasdan niya ang magandang kuwadro ng kahalayan sa
kanyang tahanan ay may tumapik sa kanyang balikat. Nang lumingon siya ay nakita niya ang ama ni
Merton, ang kanyang biyenan.
“Ano, Noemi?” ang bati sa kanya. “Hindi ba nanghihinawa ang pag-ibig mo kay Dan? Ibig mo ba ng
ganyang buhay? Hindi ka ba nasusuklam? Kung ibig mong tumakas ngayong gabi ay nariyan ang
kotse. May bapor na tutulak bukas. Pababaunan kita ng sampung libong dolyar. Ano, sumagot ka?”

Tinitigan ni Noemi ang matanda. Ibig niyang sa kanyang tingin ay mawatasan ng matanda na
nababatid niya na ginawa yaon upang mapawi ang pag-ibig niya kay Merton, sapagkat laban sa
kanyang kalooban ang pagkakapag-asawa nito sa isang hindi kalahi, sa isang Kanaka. Tutugon na sana
si Noemi ng “Gayon pala!” datapuwa’t naunahan siya ng matanda.

“Hindi magiging maligaya sa piling mo si Merton,” ang sabi uli. “Sa habang panahon ay lalayuan siya
ng kanyang mga kakulay, ng kanyang mga kalahi. Gagawin kong $25,000, pabayaan mo na lamang
siya.”

Sa nagdidilim na pag-iisip ni Noemi, ang mga pangungusap ng matanda ay naging kidlat na nag-iwan
ng apoy, kaya’t nagliwanag. Walang kibo, si Noemi ay tumakbo sa kanyang silid, at nang lumabas ay
hindi na ang Noemi na gayak-Amerikana, kundi isang tunay na Kanaka; walang takip sa dibdib kundi
ang makapal na lei at sa ibaba ng katawan ay ang kanyang sayandamo. Nanaog siya. Nakisalamuha
siya sa madla at sa saliw ng inaaantok nang orkestra ay nagsayaw ng Hulahula.

Sa gayo’y tila nagising ang mga lalaki. Ang kanyang katawang katutubo ang pagkakayumanggi at hindi
sinunog sa araw, paris ng mga Amerikana, nguni’t walang iniwan sa kumikiwal na ahas ang galaw ng
katawan, pati ng dalawang bisig at ng dalawang paa, ang damdaming makahayop ng mga lalaki ay
nagising. Iniwan ang mga kapiling nilang babae at ibig nilang yakapin, lingkisin at kung ano pa, nguni’t
maliksi naman nitong naiwasan.

Sa gayong ayos nadilat ang mga mata ni Merton. Nakita niya ang babaing “una at huli” niyang inibig
ay nasa bunganga ng mga halimaw na lasing na hindi nalalaman ang ginagawa. Bigla siya
nagpupumiglas sa apat na babaing “namumulupot” sa kanya at humadlang sa nagsisihabol kay
Noemi.

“Mga alibugha,” nakadipang wika niya sa paghadlang sa lahat. “Madudurog ang liig ng sinumang
mangangahas humipo sa katawan ng asawa ko!”

Nang marinig ito ni Noemi ay napahalakhak ng tawa sa kanyang tagumpay. Noon din ay lumapit siya
sa piyano, sinimulan niyang saliwan ang kanyang sarili sa pagawit ng Aloha, awit ng tagumpay! Awit
ng luwalhati!

Nang lumingon siyang muli ay wala nang ibang tao sa bulawagan. Pati ang biyenan niya ay wala na
rin. Walang natira kundi si Dan Merton na hawak sa kamay ang isang tsekeng $500,000. Nguni’t yaon
man ay pinagkasunduan nilang ibalik sa matanda.

“Babalil uli tayo sa Honolulu!” ang may pagdaramdam na sabi ni Dan Merton. “Iniwan ni ama ang
pabaon niya sa atin!”

“Nasabi ko na sa iyo,” ang ulit ni Noemi. “Kahit saan ay masisiyahan ako, nasa piling lamang kita,
aking hari!”
“Pag-ibig! Pag-ibig, kaibigan, ang makapaglalapit sa Silangan at Kanluran” – ang buong kasiyahang
nasabi ni Merton nang matapos isalaysay ni Mrs. Noemi Merton ang magandang romansa ng
kanilang pag-iibigan. “Ang langit at lupa man ay mapaglalapit, dahil sa pag-ibig!”

Tila nga naman totoo ang sabi ng mamamahayag na Amerikanong ito. Idinugtong niyang kung
itinaboy man silang mag-asawa sa Paraiso sa Hollywood ay lalong paraiso sa kanya ang Honolulu,
palibhasa’y nakikilala niyang “may katinuan ang mga Amerikanong” naroon, kaysa mga
aristokratikong nasa baybayin ng Pasipiko.

Sa katunayan, nang magbalik sila, ang editor ding kaibigan ng kanyang ama ang nagbigay sa kanya ng
tungkuling makasama sa staff ng pahayagang kanyang sinusulatan matapos tukuyin sa kanya ang
“Sinasabi ko na nga ba!”

“Maganda nga sana ang aking bayan,” ang sabi pa ni Merton, “datapuwa’t lumabis nang totoo ang
yabang na balang araw ay mahuhulog din sa kanyang sariling bigat.”

“Narito na ang nagdurugtong sa Kanluran at Silangan!” ang sabi ng ina.

“Oo nga,” ani Merton, “ang nagkakabit sa langit at lupa.”

“May anak na kayo?” ang pamangha kong tanong.

“Oo,” ang sabay nilang tugon. “Bininyagan namin ng ALOHA.”

You might also like