You are on page 1of 8

THE BEDAN JOURNAL OF PSYCHOLOGY 2016 | VOLUME II

Perspektibo ng pakikiuso sa materyal na bagay at sa pag-uugali ng ilang mga kabataan sa


Baguio City
Macaraeg, Grace Anne
Bullecer, Ma. Fatima

ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay tumalakay sa perspektibo ng pakikiuso sa materyal na bagay at sa pag-
uugali. Sampung kabataan ang naging kalahok at isinagawa sa Aurora Hills, Baguio City. Ang
mananaliksik ay gumamit ng impormal na pakikipanayam at pagtatanung-tanong upang higit na
matalakay ang pakikiuso ayon sa kamalayang Pilipino. Ayon sa resulta, ang ilan sa mga
katwiran ukol sa pakikiuso ay, “pakiki-in”, pagsabay sa pagbabago ng panahon at pakikibagay.
Mayroon namang positibo at negatibong naidulot ang pakikiuso. Ang ilan sa positibo ay ang
pagkatutong makibagay at pagkakaroon ng tiwala sa sarili. Ang ilan naman sa negatibo ay ang
pagkakaroon ng siraan, pagiging magastos at pagkalimot sa kinalakihang kultura. Sa pananaw
naman, mayroong positibo at negatibo. Sa materyal na bagay at positibo, ito raw ay bahagi na
ng buhay at nangyayari ng dahil sa inobasyon at ito rin daw ay nangyayari sa bawat
henerasyon. Sa negatibo naman, sinasabing ito raw ay magastos. Sa pag-uugali naman at
positibo, sinasabing hindi ito masama dahil ito raw ay nabuo na sa pang araw-araw na buhay at
nakasanayan na. Sa negatibo naman, tingin nila na ito ay kawalang respeto at pagkalimot sa
sariling kagustuhan.
Keywords: Pakikiuso, Perspektibo, Sikolohiyang Pilipino, Inobasyon, Kultura,
Kabataan

Sa araw-araw na kaganapan ng buhay, hindi na maitatanggi ang malaking gampanin ng


pakikisalamuha at pakikihalubilo sa kapwa bilang isang natural na aktibidad ng tao. Ayon nga
kay Le Bon (1985), kapag ang tao ay isinama sa isang grupo, makararamdam daw ito ng kahali-
halinang impluwensiya galing sa grupo ng walang kaalam-alam. Inihantulad pa nga niya ang
pakiramdam na ito sa isang taong sumailalim sa hipnosis. Ganito maihahalintulad ang epekto ng
herd mentality. Ito ay isang mentalidad na naglalarawan sa pag-uugali ng mga tao kung saan
naihahalili nito ang kanyang mga ginagawa ayon sa mga taong nakapaligid sakaniya. Sinasabing
ang isang halimbawa ng mentalidad na ito ay ang pakikiuso. Ito ay isang kaugaliang nag-uudyok
sa isang tao upang sumunod sa kung ano ang tinatangkilik o ginagawa ng karamihan sa
kasalukuyan.
Ayon kay Pamintuan (2001), hindi malinaw ang katayuan ng Pilipinas sa umiiral na
sistema. Ito ay nagbibigay sa atin ng kakayahang tumuklas at magbahagi. Sa kasalukuyan, hindi
na mabibilang sa kamay ang samu’t-saring nauuso. Ang ilan sa karaniwang makikitang
kinahuhumalingan ng mga kabataan sa materyal na bagay ay ang mga gadyets, damit, sapatos.
Nariyan na din ang iba’t ibang istilo ng buhok at kaugaliang maoobserbahan sa mga kabataan sa
paraan ng pananalita at pakikisalamuha. Ayon sa perspektibo ng mananaliksik, higit na mabilis
ang pagbabago at mabilis naaabisuhan ang mga tao sa kung ano ang bago ng dahil sa teknolohiya
at ang mga kabataan ngayon ang masasabing henerasyon na lumaki sa impluwensya ng
teknolohiya at ang mga nanguguna sa pagsunod sa uso.
Ang pag-aaral ay isinagawa sa bayan ng Aurora Hills sa lungsod na Baguio dahil isa ang
Baguio sa mga lungsod sa ating bansa na kilala sa kanilang mayamang kultura. Ngunit sa likod
nito, mapapansing namumuhay na din ng ayon sa modernong panahon ang mga tao dito. Ang
mga bahay ay yari na sa bato at kumpleto na rin sa mga makabagong kagamitan. Madalas nag
pupunta noon ang mananaliksik sa nasabing lugar at ayon sa mananaliksik, hindi maikakailang
maraming nagbabago sa lungsod habang tumatagal. Ayon nga sa mga matatanda, simula noong
umusbong ang teknolohiya, nagsimula nang mag hiwahiwalay at naging kalat na sa iba’t ibang

74
THE BEDAN JOURNAL OF PSYCHOLOGY 2016 | VOLUME II

lugar ang iba’t ibang tribo sa Baguio at mas pinili na ding mamuhay ayon sa modernong
panahon. Kahit anong gawin nilang pagsusumamo sa patuloy na pag-gapos ng pamilya at
kultura, pinipili na din talaga ng kanilang mga anak na mamuhay ng ayon sa modernong
pamamaraan. Dahil sa maraming pagbatikos ukol sa pakikiuso, nilalayon ng pananaliksik na ito
na makuha ang perspektibo ng ilang mga kabataan ukol sa paksang ito at nang matutulungang
mabigyan ang mga magulang ng pagkaunawa ukol sa mga kabataan ngayon at ang sinasabing
generation gap na maaaring nagbubunga ng hindi pagkakaunawaan. Ang mga kabataan rin ay
dumadaan sa panahon ng transisyon mula pagka-bata patungo sa pagtanda. Tulad nga ng sabi ni
Erik Erikson, ang edad na ito na sumasaklaw sa 12-18 ay dumadaan sa proseso ng pagbuo ng
kanilang pagkakakilanlan. Ang mga kabataan ay higit na naguguluhan pa sa kanilang kagustuhan
at higit pang nakatuon sa mga impluwesiyang nasasagupa at mga taong nakasasalamuha. Kung
susuriin, tinatangkilik man ng nakararami o napapanahon, hindi naman lahat ng uso ay
mayroong mabuting naidudulot at mabilis din lumipas. Kaya naman madalas madidinig ang
batikos ng ilan lalo na ang mga matatanda dahil dito. Kaya naman naglalayon ang pananaliksik
na ito na sagutin ang mga sumusunod: (1) Ano ba ang katwiran ng mga kabataan ukol sa
pakikiuso? (2) Ayon sa kanilang karanasan, ano ba ang positibo at negatibong naidulot ng
pakikiuso? (3) Ano ang pananaw ng mga kabataan sa pakikiuso sa materyal na bagay at pag-
uugali?
Herd Mentality
Ayon sa ilang pag-aaral na ginawa ukol sa pakikiuso o herd mentality sa mas malawak na
konseptong banyaga, sinabi ni Dyer, Ioannou, Morrell, Croft, Couzin, Waters, & Krause, (2007)
na kahit walang tumatayong lider o kahit walang kinikilalang lider ang isang grupo ayon sa isang
eksperimento, malakas padin ang naging impluwensya ng desisyon na ginawa ng karamihan sa
grupo. Naakit ang ilang kalahok na walang alam sa eksperimento sa desisyong ginawa ng ilang
kalahok na ginamit bilang taga impluwensya.
Pakikiuso at pag-gawa ng desisyon
Katulad ng nabanggit, sinasabi din sa pag-aaral ni Torney, Lorenzi, Couzin, & Levin,
(2014) na ang pag-gawa ng desisyon ng ilang kalahok ayon sa isang pananaliksik ay mas higit na
nakabatay sa impormasyong nakukuha sa lipunan o paligid kaysa sa sariling pananaw.
Iminumungkahi din na natural na sa tao ang makisunod sa desisyon ng nakararami. Sinasabi sa
resulta na mas higit na mataas ang kompiyansa ng mga kalahok sa desisyong binase sa
karamihan.
Iminumungkahi naman sa pag-aaral na ginawa ni Campbell-Meiklejohn, Bach,
Roepstorff, Dolan, & Frith (2010) na ang opinyon ay madaling nakaka apekto sa kung paano
nating pinapahalagahan ang mga bagay. Sinisiyasat natin ang mga nangyayari sa ating isip kapag
tayo ay sumasang-ayon sa iba ukol sa halaga ng isang bagay. Bagamat may ebidensya man o
wala, para sa pakikiuso, mayroong pagkakataon na kaya natin itong baguhin. Sinasabi din na ang
pakikiuso ay may kinalaman sa reinforcement learning circuitry na bahagyang nakakapag
impluwensiya sa pagkalat ng isang bagay at madaling pagkatuto ng mga tao dahil sa
benepisyong natatanggap dito.
Bakit sumusunod sa pakikiuso
Ayon naman sa eksperimento na ginawa ni Klucharev (2009), ang utak natin ay
nagkakaroon ng kusang pag-aanalisa sa tuwing kaiba ang iniisip o nilalaman nito sa karaniwang
pamantayan o ginagawa ng karamihan. Ang ating utak raw ay nagbibigay sinyales o tinatawag
nilang prediction error kapag tayo ay kaiba sa mga taong nakapaligid sa atin. Ang proseso daw
na ito ay ang maaaring eksplanasyon kung bakit ang mga tao ay sumusunod sa uso, sumasali sa
mga grupo ng relihiyon, pati na rin sa iba’t ibang kilusang pampulitiko.
Pakikiuso at Kulturang Popular
Ayon kay Tolentino (2009), ang kulturang popular ay naglalarawan sa masa. Ito ay
nagiging paraan upang maging epektibo ang pagpapalaganap ng mga produkto. Ito ay maaaring

75
THE BEDAN JOURNAL OF PSYCHOLOGY 2016 | VOLUME II

sa paraan ng telebisyon, babasahin at internet at naglalayong gamitin pang hanap buhay, pang
libangan o pang pasikat. Sinasabing ang kulturang popular ang kumukonekta sa pakikiuso. Ito ay
inihantulad sa kalakalan o negosasyon na namamagitan sa mga nakikiuso at nagpapauso o
negosyante. Upang makamtan ng bawat sektor ang kagustuhan, ang kuturang popular ay
mayroon daw konseptong sado-masokismo kung saan sinasabi rito na mayroong mga tao
handang masaktan o magsakrispisyo upang makiuso sa kulturang popular.
Pagbubuo
Mula sa mas heneral na konsepto ng herd mentality na pinagmulan ng pakikiuso, sinasabi
na mga pag-aaral na kahit walang tumatayong lider sa isang grupo ay nagkakaroon pa din talaga
malaking impluwensiya ang ginagawang desisyon ng mga nakararami sa isang indibidwal.
Dalawang pag-aaral nga ang nagtugma at nagsabing malaki ang kumpiyansa ng isang tao sa
kanyang desisyon lalo pa’t kung ito ay hinango sa nakararami. Sinasabi din na malaking
impluwensiya ang naidudulot ng pakikiuso lalo pa kung mayroong benepisyong nakukuha dito.
Iminumungkahi naman na isang pag-aaral na ang dahilan daw ng pakikiuso mula sa bayolohikal
na perspektibo ay ang pagkaramdam ng ating utak ng sinyales o tinatawag nilang prediction
error kapag ang indibidwal daw ay nakararamdam na iba sila sa mga nakapaligid sakanya. Ayon
naman sa isang pag-aaral, ang kulturang popular daw ay konektado sa pakikiuso. Ito raw ang
konseptong nagpapaliwanag na ang pakikiuso ay parang isang imboluntaryong kalakalan na
naglalayong gamitin upang maging hanap buhay, pang libangan at pang pasikat. Sa kabuuan,
halos lahat ng mga nabanggit na pag-aaral ay ginawa sa mga bansang kanluranin at ang datos ay
kinuha mula sa metodong eksperimental kaya naman nilayon ng pag-aaral na ito na makuha
naman ang datos ayon sa perspektibo ng mga Pilipino at kunin ito gamit naman ang metodong
sikolohiyang pilipino.
Metodolohiya
Disenyo ng Pananaliksik
Ang kwalitatibong pag-aaral ayon kay Merriam (2009) ay naglalayong umintindi sa
pananaw ng tao sa mundong kanyang ginagalawan mula sa karanasan nito na akma naman sa
layunin ng pananaliksik na ito. Ang katutubong metodo naman na ginamit sa pananaliksik ay
impormal na pakikipanayam at pagtatanung-tanong na naglayong makuha ng mananaliksik ang
pananaw ng mga kabataang Pilipino sa paraang makakapagbigay sila ng saloobin at perspektibo
sa paksa ng walang alinlangan.
Mga Kalahok
Ang mga kalahok na bumuo sa pananaliksik na ito ay sampung kabataang pilipino na
pasok sa edad na 16-19. Ang mga kalahok ay halong lalaki at babae. Ang pamantayan na
kinailangan sa pananaliksik ay mga kalahok na sumasang-ayon na sila ay mahilig sumunod sa
uso at nagmamay-ari ng kahit anong uri ng teknolohiya. Ang mga kabataan naman na
nakapanayam ng mananaliksik ay mga tubong Baguio at dito na din lumaki.
Instrumento
Ang pananaliksik na ito ay gumamit ng mga talatanungan na binubuo ng anim na tanong.
Ang mga tanong na ginamit ay open ended na naglalayon na bigyan ng kalayaang sumagot ang
mga kalahok ayon sa daymensyong kaya nilang ibahagi. Gumamit naman ng recorder ang
mananaliksik upang maitala ang mga pahayag ng mga kalahok.
Pamamaraan
Ang paksa ng pananaliksik na ito ay tumatalakay sa hindi naman gaanong sensitibong
usapan kaya naman gumamit ng impormal na interbyu at pagtatanung-tanong ang mananaliksik
bilang Iskala ng Mananaliksik at Gumamit naman ito ng pakikipagpalagayang-loob bilang Iskala
ng Pagtutunguhan ng Mananaliksik at Kalahok. Nagsusuot lamang ng simpleng kasuotan ang
mananaliksik upang hindi maging kaiba ang imahe ng mananaliksik. Binuo ng mananaliksik ang
pakikipagpalagayang-loob sa mga kabataan sa pag tatanung-tanong ng mga impormasyon ukol
sa kanilang pakikiuso at kanilang buhay bilang estudyante. Nagkatugma naman ang ilang interes

76
THE BEDAN JOURNAL OF PSYCHOLOGY 2016 | VOLUME II

ng mananaliksik dahil ang ilan dito ay mga estudyante rin na nasa kolehiyo. Dahil mga kabataan
ang kalahok, ang palitan ng pahayag ng mananaliksik at kalahok ay ginamitan ng tonong
impormal upang hindi malimitahan ang sagot ng mga kalahok at hindi mahiyang magpahayag ng
kanilang saloobin at para narin mapanatili ang katangian ng sikolohiyang pilipino na
pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mananaliksik at kalahok.
Pagsusuri ng Datos
Sinuri ng mananaliksik ang mga nakalap na datos sa pamamagitan ng coding. Dito din
sinuri ang pagkakaiba, pagkakatulad at paulit-ulit na temang nabanggit ng mga kalahok upang
makuha ang malalim na pakahulugan ng perspektibo sa pakikiuso ng mga kalahok. Dito ay
bumuo ng tema ang mananaliksik at kinategorya ito ayon sa klasipikasyon nito.
Resulta at Diskusyon
Katwiran ukol sa pakikiuso
“Pakiki-In”
“...proseso talaga yan. Yung tipong gusto ko kasing maki-in. Para anjan na din yung
social status na.. kahit na mahirap ako, Eh kasi nga gusto ko ngang makisabay diba. Kahit na
sabihin nating low class yung ano ko, basta touch screen lang ako nay un. In parin ako nun” -
Kalahok #9
Ang pinakamadalas na nabanggit ng mga kalahok ay ang “pakiki-in”. Ayon sa mga
kalahok, ang tinatawag nilang”pakiki-in” ay sumasaklaw sa hangarin nilang maging pasok sa
pamantayan ng nakararami at maging pasok sa kung ano ang pinag-uusapan. Ayon sa mga
kalahok, kung hindi ka nakikiuso, ikaw ay nasa labas. Hindi ka nabibilang. Nagkakaroon sila
pakiramdam na kakaiba sila sa mga taong nakapaligid sakanila at sa lipunang pangkalahatan na
tumutugma naman sa pag-aaral ni Klucharev (2009) na ang ating utak raw ay nagbibigay
sinyales o tinatawag nilang prediction error kapag tayo ay kaiba sa mga taong nakapaligid sa
atin. Sa ilalim ng tinatawag nilang “pakiki-in” ay nakapaloob ang ibat’t-ibang rason. Andito ang
pakiki-in ng dahil sa (1) social status o kalidad ng pamumuhay. Dito pumapasok ang hangarin ng
ilang kabataan na maging pasok sa pamatayan ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Nabanggit
nga ng isang kalahok na kung minsan, kahit mahirap ang buhay nila, napipilitan syang sumunod
sa uso dahil sa imaheng pagkakaroon ng mataas na kalidad ng pamumuhay. Andito rin ang
pakiki-in ng dahil sa (2) peer pressure o pamimilit ng mga kaibigan. Ayon sa ilang mga
kabataan, nakikiuso sila upang makipagsabayan sa kapwa nilang kabataan. Kung minsan rin,
dahil sila ay nasasabihan ng “baduy” o “KJ” (Kill Joy) tumatahak silang maki-gaya o makiuso sa
kung ano ang patok o anong ang tinatangkilik ng mga kasamahan dahil napipilitan. Ang ilan
naman, bagamat napipilitan ay nasisiyahan rin sa resultang nagkakaroon sila ng maraming
kaibigan ng dahil sa pakikiuso.
Pagsabay sa pagbabago ng panahon
“Wala lang.. ahm, kailangan din kasi eh.. tulad ng kwan, Gadgets.. kailangan sa school
ahm.. sa komunikasyon ganon.” - Kalahok #7
“Parang pag wala ka sa uso, kj ka or baduy ka o kaya minsan, parang out of place ka.
Kasi ano, alangan naman na naka cellphone na yung mga tao ngayon tas ikaw naka beepeer pa
din yun bang ganun.” - Kalahok #10
Ayon sa mga kalahok, ang pakikiuso nila ay ayon sa kanilang hangarin na sumabay sa
pagbabago na nangyayari sa kanilang paligid. Isa rin dito ang pakikiuso upang punan ang
pangangailangan nila o upang magamit sa araw-araw ng kanilang buhay. Sa bilis raw ng
pagbabago ng panahon, sobrang bilis din ng mga pagbabagong nagaganap sa ating paligid. Ayon
sa kanila, kung minsan, ang pakikuso ay nagiging daan din upang mapadali ang kanilang
pamumuhay na humahalili naman sa pag-aaral na ginawa ni Campbell-Meiklejohn et al. (2010)
na nagsasabing ang pakikiuso ang may kinalaman sa reinforcement learning circuitry na
bahagyang nagpapaliwanag kng bakit nanghihikayat sa mga taong makisunod sa uso dahil sa

77
THE BEDAN JOURNAL OF PSYCHOLOGY 2016 | VOLUME II

benepisyong natatanggap dito. Ito raw ay nag bibigay daan sakanila upang mailapat o maiakma
ang pamumuhay nila ayon sa pagbabagong nangyayari sa kanilang paligid.

Pakikibagay
“...yun bang para iwas conflict nalang din? KJ ka or tingin nila weird ka kasi sa kanila
cool yun eh. Parang katuwaan din kasi yun pero kung minsan naman masakit din talaga. Pero
ayun nga, parang nakikibagay ka lang din. Pero syempre pag dumating na sa punto na, kwan..
sobra na, mejo taliwas nako pero kwan, pag keri naman, go with the flow.” - Kalahok #6
“...ewan ko parang nakasanayan na din eh.. para bang ano anjan na sya. Ganun tayong
mga Pilipino eh para bang nakikibagay ka din kasi sa pakikiuso. Parang pag wala ka sa uso, kj
ka or baduy ka o kaya minsan, parang out of place ka. Kasi ano, alangan naman na naka
cellphone na yung mga tao ngayon tas ikaw naka beeper pa din yun bang ganun.” - Kalahok #10
Ayon sa ilang kabataan, sila ay nakikuso dahil ito raw ay kanilang paraan ng
pakikibagay. Ito ay maihahalili sa konsepto ni Enriquez (1978) ng Kapwa o ang itinuturing na
ubod (core) ng sikolohiyang pilipino at pinaka sentro ng estruktura ng Filipino Values kung saan
nakapailalim dito ang pakikibagay. Kung minsan, kaiba man ang tunay na kagustuhan nila,
nakikisabay nalamang sila sa uso upang hindi sila lumabas na baduy o lumabas na masama ng
dahil sa pagiging kaiba sa ginagawa ng karamihan. Ito rin ay sumasaklaw sa hangarin ng ilang
mga kabataan na makisama rin sa mga kaibigan na humahalili din sa konsepto ni Enriquez
(1978) ng pakikisama na nakapailalim din sa konsepto ng kapwa. Ang pagtanggi o pagtutol raw
sa tinatangkilik ng karamihan ay tila nagpapahayag ng hindi pagsang-ayon.
Paghahangad ng bago (Thrill)
“May thrill eh. Kumbaga lalabas yung uso tapos makikita mo yung mga tao ganito suot
tapos parang maiintriga ka. Parang bang gagayayin ko tapos ah, so ito pala yon. Ganito pala
yun. Parang exciting din para sakin kasi bago eh. Kakaiba panibago sakin.. ayun.” - Kalahok #6
Ayon sa ilang kabataan, sila ay nakikiuso dahil ito ay sumasaklaw sa hangarin nilang
makaramdam ng bago. Ito ay nagbibigay sakanila ng kagalakan dahil ang pagsunod sa uso ay
naghahatid sakanila ng kasiyahan at kaaliwan dahil nga ito ay bago sakanila. Bagamat mayroon
itong pwedeng maging positibo at negatibong kahihinatnan, kung minsan, hindi na raw nila ito
gaano alintala dahil nga sa kapalit sa saya o aliw na dulot nito.Ito naman ay tumutugma sa
konsepto ni Tolentino (2009) na sado-masokismo kung saan sinasabi rito na mayroong mga tao
handang masaktan o magsakrispisyo upang makiuso. Ang mga bagong bagay o kaugalian na
nasasaksihan daw nila sa kanilang paligid ay nagbibigay sakanila ng curosity o nagiiwan
sakanila ng katanungan at akma naman nilang susubukan upang matuklasan mismo kung bakit
tinatangkilik ng mga tao ang uso o kanila ring masubukan ito.
Nakasanayan
“Nakasanayan na kasi ng mga Pilipino na gumaya sa ibang bansa eh like for example,
sa damit, diba po umuso sa korea kpop, syempre gagayahin din po kung ano yung uso ngayon.
Parang nakahiligan narin po.” - Kalahok #8
Ayon sa ilang mga kabataan, natural na raw ang sumunod sa uso at hindi raw ito dahil sa
kadahilang gusto nila o ayaw. Ito ay tumutugma sa sinabi ni Dyer et al. (2007) kahit walang
tumatayong lider o kahit walang kinikilalang lider ang isang grupo, malakas padin ang naging
impluwensya ng desisyon na ginawa ng karamihan sa grupo. Kung minsan daw, hindi raw ito
napipigilan o lumalabas nalamang lalo na kung akma sa interes o kagustuhan nila ang mga uso.
Para sakanila, tila kahalo na ng ating kultura at pamumuhay ang ganitong pag-uugali ng mga
Pilipino at tila hindi maiiwasan. Nariyan na daw ito at hindi na maalis sa mga Pilipino.
Mga naidulot ng pakikiuso ayon sa karanasan
Positibong naidulot ng pakikiuso
“Meron akong nagagamit sa pang araw-araw. Nakakatulong sakin yun.” - Kalahok #7

78
THE BEDAN JOURNAL OF PSYCHOLOGY 2016 | VOLUME II

“Sa positive, tiwala sa sarili? ano eh.. pag nakiuso ako.. para bang may dating ako eh,
Nasa loob ako ganun.. Di ako napag-iiwanan. May thrill tapos syempre nagiging interesado
sakin. Tapos minsan naman ang tingin nila sayo, cool.” - Kalahok #10
Ayon sa ilang kalahok, isa sa mga positibong naging epekto ng pakikiuso ay ang
pagkatutuo nilang makibagay. Ayon sa mga kalahok, ang pakikiuso ay naging paraan upang sila
ay madaling makapag adjust sa mga pagbabago sa paligid, sa panahon, at natututong makisama
sa iba’t ibang klase ng taong. Ang sumunod namang epekto ay ang pagkakaroon ng tiwala sa
sarili na tumugma naman sa pag-aaral ni Torney et al. (2014) kung saan sinasabi sa resulta na
mas higit na mataas ang kompiyansa ng mga kalahok sa desisyong binase sa karamihan.
Bagamat pare-parehong binanggit ang epektong pagkakaroon ng tiwala sa sarili, magkakaiba
naman ang dahilan nila dito. Una ay dahil sa hindi na sila naiiba sa mga kasama at pangalawa,
nagkakaroon sila ng kaibigan. Ayon naman sa pahayag ni kalahok 10, ito naman ay dahil sa
pagkakaroon niya ng dating sa paninginin ng iba. Ang sumunod namang epekto ay ito raw ay
nakakabata. Ayon kay kalahok 8, Siya ay labing syam na taong gulang palamang ngunit dahil sa
kanyang malaking postura at matured na imahe, lagi raw siyang napagkakamalang medyo
matanda higit pa sa kanyang edad. Kaya naman nakatulong daw ang pakikiuso sa kanya na
maging bata pa din ang tingin sa kanya. Ang huli namang epekto ay ang pagtugon sa kanilang
pangangailangan. Nakatutulong daw ito sa kanilang pangangailangan sa araw-araw. Ito ay
maiuugnay sa pag-aaral na ginawa ni Campbell-Meiklejohn et al. (2010) kung saan sinasabi na
ang pakikiuso ay bahagyang nakakapag impluwensiya sa pagkalat ng isang bagay at madaling
pagkatuto ng mga tao dahil sa benepisyong natatanggap dito. Napapadali ang paraan ng
pamumuhay dahil sa makabagong kagamitang nauuso. Itong epekto na ito ay higit na
sumasalamin sa pakikiuso sa materyal na bagay.
Negatibong naidulot ng pakikiuso
“...ayan magastos tapos minsan ano, nagkakaroon ng siraan. Yung ano.. kunwari hindi
naman bagay sa kanya nakikiuso lang! Yun bang ganun. Parang kahit ayun nasa uso ka nga
pero may mga taong naninira. Sasabihin, di naman bagay nakikiuso lang.” - Kalahok #6
Ayon sa ilang mga kalahok, isa sa mga naging negatibong epekto ng pakikiuso ay ang
pagkakaroon ng siraan. Ayon kalahok 1, ito daw ay kadalasang umaabot pa sa sagutan o pag-
aaway sa social media. Ang isa pang epekto ay ang pagiging magastos. Ito ay sumasalamin halos
sa aspeto ng materyal na bagay dahil kasangkot ang salapi sa pagtangkilik nila nito. Nakitang
mas malaking porsyento sa mga kalahok ay gumagastos dahil sa kagustuhan nila higit kesa dahil
ito ay kailangan nila. Ang sumunod namang negatibong epekto ay ang pagkalimot sa sariling
kultura. Hindi kaila ng ilang kabataan na kung minsan, ng dahil sa pakikiuso, nakakaligtaan na
nila ang kulturang pinagmulan. Ang huli namang epektong umusbong mula sa mga pahayag ng
mga kalahok ay ang pag balewala ng kanilang sariling kagustuhan. Maihahalili naman ito sa pag-
aaral na ginawa ni Campbell-Meiklejohn et al. (2010) na bagamat may ebidensya man o wala,
para sa pakikiuso, mayroong pagkakataon na kaya natin itong baguhin. Ito nga raw ay para
umiwas na sila ay mapagdiskitahan at umiwas na sa hindi pagkakasundo dahil sa pagtutol sa
ginagawa o inaasal ng karamihan.
Pananaw ng mga kabataan sa pakikiuso
Materyal na Bagay (Positibong Pananaw)
“Naniniwala ako na parte na yun ng kultura natin. Kasi, may mga pagbabago naman
talagang nagaganap eh anjan na yan tas para ano, yun pakikiuso, kwan kahit panandalian lang
tapos lumilipas na, may benefits pa din naman yan. Wag lang sumobra kasi lahat ng sobra ayun
diba… masama.” - Kalahok #6
“Sa tingin ko kinasanayan na siya eh.. tapos tayo syempre kabataan.. parang
technology kaya ayun tayo active sa mga ganito. Tingin ko din kasi yung pakikiuso, by
generation yan eh. Yung mga nakakatanda noon, mayroon ding nauso sa kanila na syempre
satin hindi na uso. Tas yung uso satin, syempre sakanila, hindi.” - Kalahok #10

79
THE BEDAN JOURNAL OF PSYCHOLOGY 2016 | VOLUME II

Ayon nga sa ilan, ang pakikiuso ay tila ba parte na ng buhay, kultura at nakasanayan na
kung saan tumugma muli sa pag-aaral ni Dyer et al. (2007) na kahit walang tumatayong lider o
kahit walang kinikilalang lider ang isang grupo, malakas padin ang naging impluwensya ng
desisyon na ginawa ng karamihan sa grupo. Ayon naman kay kalahok 5, mayroong inobasyon at
pagbabagong nangyayari at ang pakikiuso ay parte nito. Ito raw ay pagsabay sa panahon dahil
tila nagbabago ang paligid at ang mga tao, nagbabago rin ang kinasasanayan at ang hindi pag-
sabay rito ay tila nagbibigay ng pakiramdam na napag-iiwanan sila. Ayon naman kay kalahok
10, ang pagsunod raw sa uso nangyayari sa bawat henerasyon at ang pagsunod na mga kabataan
rito ay tila pagsunod sa kung ano ang kinahihiligan ng henerasyon nila. Naniniwala naman si
kalahok 6 na kahit panandalian lamang ang mga mga bagay na nauuso, may benepisyo pa din
naman daw na nakukuha rito na maitutugma muli sa pag-aaral ni Campbell-Meiklejohn et al.
(2010) at sinasabing malakas ang impluwensiya at pagkalat ng isang bagay at madaling
pagkatuto ng mga tao dahil sa benepisyong natatanggap dito .
Materyal na Bagay (Negatibong Pananaw)
“Nakakalimutan ko na yung sarili ko pati pag-gastos ko, naaapektuhan.” - Kalahok #7
“…Nasa tao pa din kung alam nyang masama at sobra na…kung against naman sa
paniniwala mo, tigil na. Yun din yung inaayos ko sa sarili ko madali ako madala.”- Kalahok #10
Bagamat pabor ang mga kalahok sa pakikiuso, naniniwala naman sila na kailangan din
naman ng limitasyon. Narito ang alalay sa pag-gastos at pagkalimot sa sariling kagustuhan. Ayon
naman kay kalahok 10, bilang mga Pilipino, naniniwala siyang ang pakikiuso ay nagpapakita na
mahilig tayong tumanggap ng tumanggap na kung minsan ay hindi tayo nakapaninindigan sa
ating sariling kagustuhan kaya mahilig tayong makiuso o makigaya. Ito naman ay maihahalili sa
Iminumungkahi ng pag-aaral na ginawa ni Campbell-Meiklejohn et al. (2010) na ang opinyon ay
madaling nakaka apekto sa kung paano nating pinapahalagahan ang mga bagay.
Pag-uugali (Positibong Pananaw)
“Kasi alam mo, may positibo at negatibo talagang resulta eh sa tuwing may
pagbabagong mangyayari pero nasasatin pa din naman yan kung paano mo dadalhin yung
pakikiuso diba.. Para sakin.. okay lang naman na makiuso basta yung alam mo limitasyon mo
kasi parte nayan ng kultura natin eh. ” - Kalahok #9
Ayon sakanila, marami raw ang nauusong pag-uugali kung minsan, hindi mo na
mapapansin na ito ay uso dahil tila nagiging parte na raw ito na kultura ng kanilang henerasyon
na maihahali naman sa pag-aaral ni Dyer. et al (2007) na nag sasabing ang ugali nating magaya o
maihalintuad ang galaw o kilos sa mga taong nakapaligid sa atin ay natural sa tao. Para sa mga
kalahok, walang masama pagdating sa pakikiuso sa pag-uugali higit nilang pinahahalagahan ang
limitasyon nito. Mas maganda raw kung titignan ang pakikiuso sa pag-uugali sa positibong
aspeto nito.
Pag-uugali (Negatibong Pananaw)
“Iwasan lang siguro makasakit diba tapos yung sobrang OA na halos gayahin mo yung
ibang tao wala nang matira sa sarili mo.” - Kalahok #6
Sa kabila naman na positibong pananaw, narito ang ilang negatibong pananawa ng ilang
kabataan kung saan ayon sakanila. Ito raw ay nag papakita ng kawalang respeto at tulad nga ng
nabanngit ni kalahok 7 na nagagalit raw ang matatanda sa kanila kapag ganoon. Nabanggit din
ng ilang kalahok ang tila pagkalimot sa sariling kagustuhan sa sobrang pakikiuso na tumugma
naman sa pag-aaral ni Campbell-Meiklejohn et al. (2010) na sinasabing bagamat may ebidensya
man o wala, para sa pakikiuso, mayroong pagkakataon na kaya natin itong baguhin. Bagamat
malaking bagay na ang naidulot ng modernisasyon sa pamumuhay ng mga taga Baguio, tila
mayroon pa ring alinlangan ang ilan pagdating sa pag-uugali. Bagamat mayroong iba na mabuti
ang pananaw dito, higit pa rin nilang pinapahalagahan ang hindi makasakit sa ibang tao.

80
THE BEDAN JOURNAL OF PSYCHOLOGY 2016 | VOLUME II

Konklusyon at Rekomendasyon
Ayon sa resulta ng pag-aaral na ito, mayroong ilang tema ang nabuo ukol sa katwiran ng
pakikiuso. Nakapaloob dito ang “pakiki-in”, pagsabay sa pagbabago ng panahon, pakikibagay,
paghahangad ng bago (thrill), at tila nakasanay na. Mayroon namang naging positibo ang
negatibong naidulot ang pakikiuso na ibinase sa kanilang karanasan. Ang ilan sa positibong
naidulot nito ay ang pagkatutong makibagay, pagkakaroon ng bilib o tiwala sa sarili,
pagkakaroon ng mga kaibigan, ito ay nakakabata, at natutugunan ang pangangailangan. Ang ilan
naman sa negatibong naidulot nito ay ang pagkakaroon ng siraan, magastos, pagkalimot sa
kinalakihang kultura at pagbalewala sa sariling kagustuhan. Sa pananaw ng mga kabataan,
mayroong positibo at negatibong mga pahayag ang nabuo. Sa materyal na bagay at positibo, ito
raw ay hindi masama dahil parte ng ito ng buhay at nangyayari ng dahil sa inobasyon, ito rin daw
ay nangyayari sa bawat henerasyon at mayroong ding benepisyo nakukuha dito. Sa negatibo
naman, sinasabing ito raw ay magastos at tila nagpapakita na tayong mga pilipino ay mahilig
tumanggap ng tumanggap na kung minsan ay hindi tayo nakapaninindigan sa ating sariling
kagustuhan. Sa pag-uugali naman at positibo, sa pananaw ng mga kabataan, hindi din ito
masama dahil ito raw namuo na sa pang araw-araw na buhay at nakasanayan na rin ngunit higit
nilang pinahahalagahan ang limitasyon nito. Mas maganda raw kung titignan ang pakikiuso sa
pag-uugali sa positibong aspeto nito. Sa negatibo naman, tingin nila na ito kawalang respeto at
pagkalimot sa sariling kagustuhan. Bagamat nakikiuso sa ilang aspeto, higit pa rin nilang
pinapahalagahan ang hindi makasakit ng ibang tao. Ang mga resultang nakalap sa pananaliksik
na ito ay mayroong pagkakatulad sa mga banyagang literaturang nakalap ng mananaliksik at
masasabing ang ilan dito ay mayroong katugmaan sa resulta ng ginamitan ito ng mananaliksik ng
makapa-Pilipinong metodo. Bagamat may pagkakatulad, nakita rin ng mananaliksik na
mayroong umusbong sa resulta sa pag-aaral na hindi nakita sa ilang banyagan literatura at
tumugma sa konspetong kapwa ng sikolohiyang pilipino.
Mairerekomenda ng mananaliksik sa mga susunod na pag-aaral na kunin naman ang
perspektibo ng kabataan sa sentrong lungsod kung saan higit na pinapairal ang pakikiuso at mas
mayroong modernong pamumuhay. Maaaring maikumpara ang magiging resulta nito sa
gagawing pag-aaral na bago at maaring makita kung mayroong pagkakahalintulad at pagkakaiba
sa pagitan ng dalawang klase ng mga kalahok. Mairerekomenda ng mananaliksik na mainam na
gamitin pa rin ang maka-Pilipinong metodo sa pag-aaral na iyon upang higit ding magkaroon ng
maka-Pilipinong datos.

Sanggunian:
Campbell-Meiklejohn, D., Bach, D., Roepstorff, A., Dolan, R., & Frith, C. (2010). How the
Opinion of Others Affects Our Valuation of Objects. Current Biology 20, 1165–1170.
Dyer, J. R., Ioannou, C. C., Morrell, L. J., Croft, D. P., Couzin, I. D., Waters, D. A., &
Krause, J. (2007). Consensus decision making in human crowds. Elsevier, 461-470.
Klucharev, V. (2009). Brain mechanisms of social conformity. Neuron, retrieved 19 January
2014 from http://phys.org/news/2009-01-brain-mechanism-social-conformity.html
Le Bon, G. (1985). The crowd: A study of the popular mind. Project Gutenberg.
Merriam, S. (2009). Qualitative research: A guide to design and implementation. San Francisco,
CA: Jossey-Bass
Tolentino, R. (2004). Kulturang Popular: Kulturang Mall. Volume 1. Anvil.
Torney, C. J., Lorenzi, T., Couzin, I. D., & Levin, S. A. (2014). Social information use and the
evolution of unresponsiveness in collective systems. The Royal Society Publishing, 1-9.

81

You might also like