You are on page 1of 3

KUMAW | MAIKLING KWENTO | Jayson Arvene T.

Mondragon | Page 1 of 3

KUMAW | MAIKLING KWENTO


Jayson Arvene T. Mondragon

Nagising ako sa lakas ng iyak ni Kuya mula sa kusina. Dinig ko ang pilit na pang-
aalo sa kanya ni Papa pero hindi pa rin siya tumitigil sa pag-iyak.

“Lintek na! Titigil ka ba o hihintayin mo talagang bigyan kita ng iiyakan?” Dinig


kong sabi ni Mama, halatang hindi na rin mapigilan ang galit.

Pero imbes na tumahan ay lalo lamang lumakas ang pag-iyak ni Kuya. Nagtaka
na ako. Dati-rati, kapag ganoong galit na si mama, agad na titigil si kuya.

Dahan-dahan kong inalis ang pagkakayakap sa akin ni Bunso na masarap pa rin


ang tulog sa gitna ng nangyayari sa labas ng kuwarto. Nainggit pa ako ng bahagya sa
kanya dahil mahimbing pa rin ang tulog niya kahit na napakaingay na sa kusina.

Walang imik na hinawi ko ang kurtina na nagsisilbing pinto ng kusina para silipin
kung ano ang nangyayari. Tuloy-tuloy pa rin sa pag-iyak si kuya. Pilit niyang isinisiksik
ang sarili sa loob ng isang bukas na maletang nasa gitna ng kusina. Magkatulong pa
sina Mama at Papa na alisin siya mula doon pero hindi siya bumibitiw sa maleta.

“Sige! Umiyak ka lang! Para marinig ka nung Kumaw at kunin ka na niya!”


Pananakot na ni Mama kay Kuya.

Agad akong napaatras dahil sa takot.

Ilang beses ko na ring narinig mula kay Mama ang tungkol sa mga Kumaw.
Kinukuha daw nila ang mga batang hindi sumusunod sa mga magulang. Ang kwento pa
ni nanay, inilalagay daw sa mga sako ang mga bata saka inihuhulog sa malalim na
hukay kahit buhay pa. Alay daw sa mga ispirito sa tuwing may ginagawaang daan o
tulay para hindi iyon agad masira.

Katatapos lang gawin iyong tulay na malapit sa bahay namin. Ganoon na lamang
ang takot ko dahil baka totoong dumating ang Kumaw at kunin si Kuya. Lalo pa akong
natakot noong hindi pa rin tumigil sa pag-iyak si Kuya.

“Anak… Hindi ka puwedeng sumama sa mama mo… Nag-usap na tayo, ‘di ba?
Sasamahan mo ako dito para bantayan ang mga kapatid mo.” Mahinahong paliwanag
ni Papa kay Kuya.

Napatitig na lang ako kay papa dahil sa sinabi niya. Alam kong aalis si Mama
para magtrabaho. Hinintay nga nilang matapos iyong tulay para makadaan na ulit ang
jeep na sasakyan niya. Ang sabi ni Tita sa malayo daw kasi. Lampas pa ng tulay.
Lampas pa ng bayan. Ang tanda ko, sasakay pa siya ng eroplano.
KUMAW | MAIKLING KWENTO | Jayson Arvene T. Mondragon | Page 2 of 3

Pero sinabi naman niyang babalik din siya. Kaya hindi ko maintindihan kung
bakit parang ang lungkot-lungkot ni Papa; kung bakit umiyak si kuya.

Lalo pa akong naguluhan dahil imbes na tumahan ay lalong nagsumiksik si Kuya


sa maleta.

“Huwag ka na lang kayang tumuloy…” Sabi ni Papa kay Mama.

“Diyos ko naman! Anong mangyayari sa atin dito kung hindi ako aalis? Dalawang
anak na natin ang mag-aaral sa pasukan. Saan natin pupulutin ang panggastos sa
kanila kung hindi ako aalis?” Galit na sabi ni Mama kay Papa.

Hindi na lamang kumibo si Papa sa sinabing iyon ni Mama. Tinignan pa ni Mama


si Kuya bago siya nagmamadaling umalis. Nilampasan pa niya ako pero hindi niya ako
pinansin. Gusto ko sana siyang sundan pero naunahan ako ng takot sa nakikita kong
galit sa kanya.

Nagulat na lang ako noong muli kong tignan sina Kuya at makitang nakatayo ulit
sa loob ng kusina si Mama. Nagsimula na akong kabahan noong makita kong may
hawak siyang sako habang naglalakad papalapit kina Kuya. Tuluyan akong natakot
nang walang sabi-sabing sinimulan niyang isilid sa sako si Kuya.

Gusto kong sumigaw. Gusto ko siyang pigilan. Pero naunahan ako ng takot na
baka pati ako ay isilid din niya sa sako. Nanginginig na pinapanood ko lang si Mama,
hanggang sa tuluyang mailagay niya sa loob ng sako si Kuya at nagsimulang maglakad
papalabas ng bahay.

Iniharang ko ang sarili ko sa dadaanan ni Mama pero tumagos lang siya sa akin.
Nanginginig na ang tuhod ko sa sobrang takot pero sinundan ko pa rin sila ng tingin
hanggang sa makalabas sila ng bahay.

Agad akong lumingon kay Papa para humingi ng saklolo. Natulala na lang ako
pagkakitang nandoon pa rin si Kuya, hindi na umiyak, pero nasa loob pa rin ng maleta.

Muli kong tinignan si Mama na naglalakad na sa may kalsada. Kita kong bitbit pa
rin niya ang sako na pinagsilidan niya kay Kuya. Gumagalaw pa ang sako kaya
sigurado kong nandoon pa rin si Kuya. Hanggang sa bigla na lamang silang nawala.

Sa takot, ni hindi ako nakapagsalita. Nanginginig pa akong lumapit kina Kuya at


Papa. Hinawakan ko ang kamay ni Kuya para siguraduhing siya talaga ang nasa loob
ng maleta.

Ni hindi man lang ako tinignan ni Kuya. Tumigil na rin si Papa sa pagpipilit sa
kanyang lumabas na sa loob ng maleta.
KUMAW | MAIKLING KWENTO | Jayson Arvene T. Mondragon | Page 3 of 3

Maya-maya pa ay bumalik si Mama na halatang kagagaling din lang sa pag-iyak.


Napaatras pa ako sa takot dahil sa nakita kong pagsisilid niya kay Kuya sa sako.

“Anak… Kung puwede ko lang kayong isama, ginawa ko na…” Sabi pa ni Mama
saka mahigpit na niyakap si Kuya.

Naguguluhang nakatingin lang ako sa kanilang dalawa. Hindi ako puwedeng


magkamali. Nakita kong inilagay ni Mama sa sako si Kuya. Nakita kong umalis sila ng
bahay. Nakita kong bigla silang nawala.

Napatitig na lamang ako kay kuya. Nagkataon naman na nakatingin din pala siya
sa akin. Pero hindi siya nagsalita. Napasigaw na ako sa takot noong magsalubong ng
tuluyan ang mga mata naming dalawa. Hindi ko na rin napigilan ang umiyak na
ikinagulat nina Mama at Papa.

Sigurado ako, kinuha nga ng kumaw si Kuya. Hindi na si Kuya ang nakikita ko sa
mga mata niya. At walang ibang nakakaalam kundi kaming dalawa.

Pumalahaw na lamang ako sa iyak. Pilit din akong pinapatahan nina Mama at
Papa pero wala din silang nagawa.

Wala na si Kuya. Siya ang naging alay sa tulay para lang makaalis si mama nang
hindi iyon nagigiba.

You might also like