You are on page 1of 20

Dugo sa Kanyang Pagsilang

ni: Domingo G. Landicho

NASISINAG NIYA ANG KISLAP NG MGA MATA NG kanyang guro at ng


mga kamag-aral, doon sa loob ng silid-aralan habang ang mga tinig ay
parang nagbabandila ng mumunting katotohanan ng lipunan; at habang
nagtatagal ay natatangay siya't inilulunday sapagkat ang mga tinig ay
namamalagi, nagpapapaniwala, naghahantad ng kagandahan na kanyang
sinasaliksik sa kalahatan maging sa kaibuturan ng kanyang diwa. Ngunit
aywan, hindi niya masumpungan kundi sa mga tinig na lamang na iyon, sa
sandali lamang na ganoon, na tumatangay sa kanya sa kung saan sa isang
uri ng payapang pagtakas o panandaliang pangangarap. Dito sa atin, mga
bata, ang lahat ay may pagkakataon sa pagkakapantay-pantay, parang
nangangarap ang tinig ng guro. At sa ating lipunan, lahat ay may pag-asang
makaahon, maging Pangulo ng bansa, maging tanyag, matagumpay, dakila.
Tinatangay siya ng nangangarap na tinig na yaong kay-lamyos pakinggang
parang kambal ng kundiman; at siya'y dinadala niyon sa mga sulok-sulok,
doon sa mga latag na dibdib ng lupang tila wala na yatang tabihan, na may
langit na nililiparan ng mga ibong kung saan patugpa. Sino ma'm 'yong
Filipinong mahirap na naging Presidente ng Filipinas? tanong ng isang tinig.

O, di mo ba alam, a, wala ka nga pala kahapon, pakli naman ng isa. Di ba


si Macapagal, 'yong taga Pampanga, sabad ng ikatlo. 'Yong nagpapastol na
tulad natin, na nakarating at naging hari. Gago, di hari, Pangulo. Iyon na rin
'yon, at tumira sa Malacañang. O, di ba n'yo natatandaan ang bayaning
Filipinong walang pamasok na damit kundi isa lang na naging utak ng
Himagsikan, sapagkat nakaahon sa kabila ng pagiging lumpo. Si Mabini, si
Mabini, ang Dakilang Lumpo, ugong ng mga tinig. At muli, nakadama siya ng
kakaibang damdamin ng pagmamalaki sa kalahian at kabansaang ang lahat
ay pantay-pantay. O, gaya ng mga taad ng tubong itinatanim sa kay-lalawak
na bukid ay sabay-sabay na tutubo, lulunti, at tatayong parang mumunting
puno ng may biyas na kawayan, kokoronahan ng mga bulaklak ng tubo na tila
may mga koronang sibat, paturo sa langit. A, ang mga tinig—na umalis-
dumating ngunit walang kamatayan sa loob ng tatlong taon sa pagyayao't dito
sa binabagtas na daang-asyenda pagawi sa dibdib ng silid-aralan—ay
nagbubukas sa kanya ng mga katotohanan ng uri ng payak na ganda at basal
na pagmamalaki na nadarama sa harap ng bandila: Bayang magiliw, Perlas
ng Silanganan, na parang sonata ng mga dahon ng tubo sa ugong ng
hanging sa kakatwa sa mga pag-awit, upang pagkatapos, maging sa pag-iisa
sa dibdib ng walang katapusang lawak ay kanyang isisigaw ang kanilang kay-
laong sinaulong panambitan wari. lniibig ko ang Filipinas. Ito ang lupa kong
sinilangan: Ito ang tahanan ng aking lahi. Na kanyang pag-ibig sa isang
kabansaang sabi ng kanyang guro'y Filipinas na may isang bandilang may
isang malaking araw na napalilibutan ng walong silahis, at waring nahihimlay
sa kulay na pula, puti't bughaw. At ngayon, sa tinig na muling nangangaral ay
unti-unti niyang nais kilalanin ang kabansaang iyon. At habang ang tinig ay
lumalagom sa kanya ay parang nais niyang itanong sa kanyang guro kung
nasaan ang puso ng bansa at ang kamulaan ng kagandahang iyon ng lipunan
na pawang wala sa mga naghuhumindig na puno ng tubo, ni sa walang
katapusang hininga ng parang, o sa mga bulaklak ng tubong pasibat sa langit.
Ang namamalas niya roo'y ang kanyang ama sa bukid, kasama ng mga anak-
pawis na sakada na noo'y nagtatanim ng tubo sa asyenda upang lumunti,
tumaas, magkabiyas, at mamulaklak na naghuhumindig, upang pagkatapos
ay gapakin, itumba, itimbon, ikarga sa mga higanteng trak na nagyayao't dito
sa panahon ng iluhan, at pagkaraan nang ilang buwang pagkilo, ang mga
sakahan ay susunugin, at ang gabi ay magiging usok at apoy na may mga
nagbabagang silakbong patudla sa karimlan ng karurukan. O, nasa pawis ng
kanyang ama, nasa tinig nito. Mag-aral ka, anak, hindi ka para sa daigdig na
ito namin ng iyong ina. Nakikita niya ang salaming malabo ng lipunan,
kinukulayan ng mga pangarap ng kanyang mga guro sa loob ng tatlong taon,
sa mga araling panlipunan upang siya'y parang bahagyang makatakas sa
daigdig na yaon ng ama't ina, at mabuhay sa diwa't sa isang nakaliligayang
katotohanan, sa mga pangarap nang kay-luluwalhati, kay-tatayog sa
tinatawag nilang pagpapantay-pantay, demokrasya, karapatan, bandila,
kabansaan, at kadakilaan ng lahi. Hanggang sa itatanong ng kanyang utak
ang pag-aalinlangan. Ang kahirapan ng mga magsasakang-asyenda. Ang
pagkakabaon nila sa utang. Ang kaning mais at tuyong ulam. Ang pagiging
diyos-diyosan ng matabang may-ari at ang kagaspangan ng katiwala. A,
ngunit ang kanya na ring pag-aalinlangan ay nananatili, maging sa pangarap,
bagama't nais niyang maniwala at yumakap sa mga musmos na paniniwala,
at sa kay-gandang larawang iginuguhit ng kanilang guro sa kanilang diwa.
"Naniniwala ka ba, Solomon?" tanong sa kanya ni Michael.
Reses noon, at sila'y nagpapahinga sa lilim ng isang malabay na puno ng
kaimito.
"Sa'n?" tanong niya.
"'To naman. Sa sinabi ng titser.”
"Na tayo'y magiging Presidente?"
"Hindi lang do'n. Na tayo e pare-pareho."
"E, 'kaw?"
"Pa'no 'yon?" sagot ni Michael na ang singkit na mga mata'y sumusukat
sa kanya, mula ulo pababa.
"Tamo tayo. Mas malaki 'ko 'ke sa 'yo. Teka nga, bakit ke Iiit mo,
Solomon?"
"Ewan.”
"Uminom ka lagi ng gatas."
'"Ala kami no'n," paiwas niya.
"At saka, ba't ke dumi mo?"
"'Alang tubig kasi ngayon sa sapa e. Natuyo.”
"E, pa'no kayo umiinom?"
"Me poso s'yempre. Do'n kami kumukuha ng tubig. Pero di araw-araw e
makapanliligo. Malayo kasi ang poso.”
"E, ang tatay mo?"
"Nasa amin."
"E, ano'ng tungkulin n'ya?"
"Presidente siya ng mga sakada. Lagi ngang me miting sa 'min e."
"Sapak pala naman e. Presidente."
"E, ang tatay mo?"
"Huwes."
"Ano 'yon?"
"Ito naman. 'Yon bang nagprepreso sa mga tulisan.”
"E, lalo palang sapak ang tatay mo e. 'Lam mo, ‘yan ang ibig ng Tatay ko.
'Yong paglaki ko raw, di na ako magkakarga ng tubo. Di na ako sakada. Kaya
mag- aral daw ako."
"Para maging Presidente?"
"Hindi.”
"Para ano?”
“Para di na ako maging sakada."
At nang muli na naman silang pumasok sa silid ng silid-aralan, naroroon
pa rin at lalong sumisigid ang mga gunita at mga munting alalahanin. Tumiim
sa kanyang balintataw ang larawan ng kanyang ama na pasan ang di halos
mayapos na talaksan ng tinimbong na tubo na ikinarga sa bunganga ng trak
panghakot; at waring nakikita niya ang kintal ng bigat sa magaspang na lipak
ng balikat ng kanyang ama. O, namamalas niya ang kanyang ama sa
pultahan ng kanilang kubo, sa dibdib ng natitipong sakadang maiitim,
mababaho madudumi, magagaspang. Ang tinig ng kanyang ama, kasanib ng
mga tinig anakpawis, ay maaapoy at may poot, na kakaiba sa malambing at
nakahihikayat na tinig ng kanilang guro na kay-inam pakinggan, pagkat yaon
ay nangangako, nangangarap na makapapawi pansamantala sa tumiim na
pangit na panganorin sa asyenda.
"Pero, Mam, kahapon, sabi ni 'Tay, me napatay daw pong mga tulisan,"
sabad ng isang tinig.
"Sssh," sumansala ang tinig at anyo ng kanilang guro. "Kayo'y mag-aaral
lamang at huwag 'yong kung ano-ano ang inyong nakikita."
"Pero, Mam, nakita namin sa munisipyo," hugong ng mga tinig.
"Biniyak pa nga, Mam, ang tiyan."
"Patay na? Biniyak pa'ng katawan?"
"Inalis ang bituka."
"Pero baka magmulto ang patay."
"Di bale, tulisan naman e.”
"E kahit na. Ba't pa biniyak?"
"Patay na naman. 'No pa?"
"Kahit na. Dapat ilibing lang ang patay”
"Di dapat biyakin ang tiyan ng patay."
"Nakakarumi naman ang istorya mo."
"Biniyak, sus. Baka magmulto ang patay!"
“Shh…ssh!" galit na ang mukha ng titser, at sila'y tumahimik. "Kaya dapat
kayong mag-aral nang mabuti. Pag me mataas na pinag-aaralan ang tao,
hindi siya magiging tulisan. Iiwasan niya ang gumawa ng masama. At hindi
siya mamumundok upang lumaban at gumamit ng dahas!"
At sumagi sa kanyang gunita ang kanyang ama at mga sakada. Sa gabi,
dala-dala nila ang mga sulo at mula sa kung saan-saang dibdib ng asyenda
ay doon magtitipon-tipon sa harapan ng kanilang bahay, mag-uusap nang
mahina kung minsan, at kung minsa'y kumukulog ang mga tinig na may
kakambal waring sasabog na poot habang sabay-sabay na iwinawasiwas ang
mga sulo na naglalagablab sa sinapupunan ng pusikit. Sa dilim ng gabi,
habang natitipon sila'y kakatwang nakikita niya ang mga matang may apoy ng
poot na kung minsa'y parang alitaptap sa himpapawid kung ang iniluhan ay
sinisigaan, sumasayaw-sayaw sumandali upang pagkatapos ay tuluyang
lagumin ng dilim. A, sa mga matang iyo'y nababakas niya ang buntong-
hininga ng kanyang ama, na mula nang maging pangulo ng kapatiran ng mga
sakada ay siya nang naging hantungan ng karaingan ng mga manggagawa.
Yaon ay mga gabi ng pagpupulong, mga gabing siya'y naroroong nakikinig sa
mga hibong karaingan. At ngayon, habang siya'y nasa harap kanyang guro ay
lalong sinasakmal ang kanyang puso ng pag-aalinlangan. Ang tinig na
pumapayapa ng kanyang guro'y nilulunod ng parang umaalunignig na sama-
samang daing ng mga sakada, at pinanlalabo ng mga bumabalik na larawan
ng mga yayat na katawan, at butuhang bisig na may mga nagliliyab na sulo
dilim ng gabi. At sa naglalabang katotohanan ng kanyang guro at ng mga
panganoring naglalaro sa kanyang isip ay animo nais niyang tumakas,
tumakas upang makapag-isa. Ngunit ang pintuan ng silid ay nakapinid, at
siya'y nakadama ng kaalipnan, ano't ang tinig ng guro ay pumapayapa, at ang
lahat ng naroroon ay nananatili at nananalig. O, at talos niya, paglagom ng
gabi, ang mga yayat na katawan na may nagliliyab na mga mata at
mapupulang sulo ay muling darating. Muli, siya'y manonood, makikinig doon
sa kanilang bintana, o sa butas ng kanilang dingding upang mamalas niya
ang kanyang ama na munting diyos sa dibdib ng santinakpang iyon, na may
tinig na napopoot at mga matang nagliliyab.
Ngayon ay nasa sinapupunan na naman Siya ng santinakpang yaong
parang nilalagnat ang mga hininga sa gabi. Nakasalagmak siya sa isang
ibinuwal na lusong sa kanilang pultahan na pinagtitipunan ng mga sakada.At
sa dibdib ng mga iyon ay parang tinatangay siya ng sa uri ng sigid, ng isang
uri ng musmos na isang pagkamuhi, na unti-unti ay napupukaw ng isang uri
ng poot sa kanyang kaibuturan at paghihimagsik ng kanyang ama. Sa mga
nilikhang yao'y namalas niya ang larawan ng gabing dinadamitan ng
mapupulang dagat ng ningas ng sulo; at sa mga nagbabagang tinig ay
nadarama niya ang isang uri ng pagbabangon ng kanyang ama, na kaipala'y
isang pagbabangong mula sa mga daing na sanib-sanib at nakahihindik. Sa
kanyang malabong pang-unawa'y pilit niyang sinasala ang santinakpang yaon
ng karimlang may mapupulang sulong nagpapaging dugo sa mga bangkay sa
dibdib ng gabi. Yao'y sama-samang mukha: amoy-pawis at kambal-lupa.
Yao'y sanib-sanib na mga tinig: kasuyong-dusa at kawalang-pag-asa, na sa
gabing yaon, sa pangunguna ng kanyang ama, ay sama-sama at kambal-
kambal na lumulutang na mga mata, mukha't bisig, bibig na bumubuka't
sumisigaw, kamaong umiimbay, umiigkas—habang ang mga sulo'y na
pumupulandit na dugo sa mukha ng dilim.
"Kailangan nang maiba ang trato sa 'tin ng ating panginoon. Mamamatay
na yata tayong busabos sa buhay na 'to! Yawa!"
"'Ba'y pa'no bang buhay 'to? Mamatay ka na halos sa hirap, e baon ka rin
sa utang pagkatapos!"
"Yawa gid!"
"Ikaw lang Pangulong Gat ang aming inaasahang mangunguna!"
"Ngunit ano ang ating gagawin? Ang ating petisyon ng pagbabago'y
ginhatag ko ke Kapatas Digo kahapon para iyang ibigay ke Don Lazario. Pero
pinagpunit-punit ni Kapatas ang ating petisyon. Napoot siya't sinampal ako sa
harap ng maraming tao kabayanan!"
"At dinuraan pa sa mukha si Pangulong Gat. Yawa gid si Kapatas Digo!"
Kumukulog ang tinig ng kanyang ama. At sa isang saglit, para yaong
nagbabagang espiritu sa mapulang liwanag. Ang mga sulong tangan ay
parang sumandaling ipinako, parang nakikiramay sa isang paghamak, at ang
nangakatirik na tilandoy ng ningas ay nagsaningas kandilang tumatanglaw sa
bangkay na gabi.
"Napapanahon nang tayo'y humingi ng pagbabago, mga kasama.
Kailangan natin ang kaunting dignidad. Kailangan natin ang kaunting
pagkakataong mabuhay na parang tao, para man lang sa 'ting mga anak.
Bawat sandali, busabos ang buhay natin. Anong buhay 'to, mga kasama?"
lalong tumutulig ang tinig ng kanyang ama habang ang kumukumpas na
kamay ay tumatabak sa dilim.
Ang mga lantang mukha'y nagkabuhay, ang mga bibig ay nangagsibuka,
at sa kandungan ng karimlan, nagtagisan ang mga tinig ng santinakpan.
Kumilos ang mga sulo, na tila may mga dumudugong ningas na humahamon
sa dilim.
"Ano ang ating gagawin?" pasigaw na tanong ng isa.
"Ano pa? Di lumaban tayo!" ang sagot ng ilan.
"At pa'no ang ating mga anak?"
"At pa'no rin ba ang ating mga anak sa busabos na buhay na 'to ng
kanilang mga ama. A, mabuti pa nga'y mangyari na ang mangyayari.
Mamatay kung kinakailangan, upang mamulat ang ating mga anak sa
gunitang tayo'y natutong lumaban, natutong mamatay nang may sa layuning
makaahon!"
"Ano ang ating gagawin?"
"Gamitin natin ang ating bisig!"
"Gamitin natin ang ating mga itak pantabas!"
Kumukulog ang napopoot na mga tinig. Itinaas ng kanyang ama ang
dalawang bisig at iwinasiwas ang mga iyon. Tumikom ang mga nakabukang
bunganga ng santinakpan at pumaikpik ang gabi.
"Tayo'y makikipaglaban sa isang mapayapang paraan. Kailangang
tamasahin natin ang ating tagumpay!"
"Ngunit pa'no, Pangulong Gat? Bata pa 'ko nang paasahin ng pagbabago.
Pero, ga'no ang sahod ko? Salamat na kung kumita ng dalawang piso isang
adlaw. Yawa."
"At ano ang ginagawa sa aton? Lahat ng binibili natin, doble ang bayad.
Panabas, pagkain, doble ang tubo. Ang utang natin, dalawang da'ng
pors’yento ang interes sa santaon. Ay kalisod, Pangulong Gat. Tegulang
na’ko. Bata pa ako nang maghintay. Ngayon, habang nawawalan ako ng
lakas, nababaon ako sa utang. Ay kalisod, Pangulong Gat!"
"Pero mga kasama! Ang dugo'y hindi siyang panubos sa 'tin. Tayo'y
maghintay, mga kasama!"
“Yawa! Yawa, Pangulong Gat! Kalisod ang maghintay. Baka maparis pa
tayo ke Tegulang. Buti na'ng habang me lakas pa'y lumaban na!"
"At kung tayo'y pumatay, kung tayo'y mamatay, ano'ng maidudulot
niyon?"
"Hindi ba't sabi mo noon, kung tayo'y magkakaisa ang pamahalaan ay
magigising. Ilalathala ng mga diyaryo ang nangyari at ang Manila e aadto dire
sa Negros."
"At hindi ba't sabi mo pa noon, maaaring maiproklama sa Negros ang
reporma sa lupa. At Diyos, Diyos na maayo, ang akon mga anak ay
magtatag-iya na ng mga lupa! Di ba't 'yon ang mangyayarl, Pangulong Gat?"
"Ngunit hindi sa dahas mga kasama!"
"A, hindi na kami maghihintay, Pangulong Gat!"
"Ang karahasan ay huling hakbang!"
"Ikaw na amon lider e dinuduraan ang mukha? Ano pang hakbang? Ito na
ang huling hakbang, Pangulong Gat! At kami ay handa!"
"Me baril ka, Pangulong Gat!"
"Meron akong paltik!"
"Meron tayong itak!"
"Ito na ang huling hakbang!"
Ang sama-samang tinig na yaon ay kumukulog, yumayanig, na
lumalagom sa pagtutol ng kanyang ama. Ang mga sulo ay kumilos sa dilim,
waring mga isinabog na pulandit ng dugo. Ang mga bisig ay itinaas, ang mga
hakbang ay dumiin sa mukha ng lupa, at ang mga nilikhang yaon ay parang
tuluyang nagising. Gayong gabing-gabi na'y hindi pa rin naghiwa-hiwalay, at
ngayon, ang mga kulay-lupang mukha'y hindi na mga lantang bangkay, kundi
animo nag-aapoy na galamay ng poot. Ang mga tinig ay sanib-sanib, ang
napopoot na mga mata'y nagkambal-kambal. Nagtagal din yaon. Nang
kinamayan-mayan, ang mga yabag ay biglang huminto, at ang mga
iwinasiwas na mga sulo'y tumindi, at lumagom ang mga bulong na parang
pakpak ng balitang-lupa sa santinakpang yaon ng mga anino. Dumarating,
pagawi rito, ang dalawang dyip na may lalaking sandatahan na
pinangungunahan ni Kapatas Digo, yaon ang mga anasan. At ang mga supil
na tinig ay nagpalipat-lipat, hanggang sa ang parang itinatago at
kinatatakutang katotohanang yaon ay isambulat ng bunganga ng gabi:
dumarating si Kapatas Digo, dumarating ang yawang Kapatas! At sumandali,
ang mga natitipo'y parang nagmukhang-hintakot upang maya-maya'y muling
kumilos at mapoot, at muling nilagnat ang gabi. Ang mga mukha'y parang
nagbabagang larawan ng poot, at ang mga anino’y naging handa sa darating.
Ano ang ating gagawin, sigawan ng mga tinig. Patayin ang ating mga sulo,
pasiya ng lahat. At sa loob ng ilang saglit, ang mga sulo'y pinagpapatay
maliban sa sulo ng kanyang ama samantalang nakaabang ang karimlan sa
maaaring mangyari. Dumapa kayo sa mga pilapil, ang sigawan, sa pagitan ng
mga tudling ng tubo. At ang mga katawa'y nilagom ng karimlan, at sumandali,
parang huminto ang pintig na kangi-kangina'y naghuhumindig na buhay.
Maya-maya'y dalawang dyip ang biglang bumukana, huminto, at padambang
bumaba si Kapatas Digo. Asan ang imong kampon, Gat, tumutulig ang tinig
niyon na parang masamang espiritu. Nasaan ang imong kampon, Gat, lalong
kumulog yaon. At bago natapos ang lahat nang iyon, ang mga anino sa pilapil
ay palundag na tumayo. At ang mga sandata sa loob ng sasakyan ay
namarakpak sa pagbubuga ng kamatayan. May ilang nabuwal na sumisigaw
ng paglait: yawa! yawa! At ang mga anino mula sa pilapil ay dumagsa,
hanggang sa tumigil ang mga putok. Gumagahak ang mga taga, nagtatagisan
ang talim at bakal ng baril, at nagsasanib ang sigaw na napopoot at daing ng
namamatay. Sumindi ang mga sulo; at sa dibdib ng lupa ay naghambalang
ang mga bangkay, mga sakada at tauhan ng asyenda. May laslas ang tiyan,
biyak ang ulo, putol ang braso, patid ang leeg. At ang dugo'y mapula at
kayumangging kamukha ng lupa. Sa lahat nang yaon, nakatayo ang kanyang
ama na hawak pa rin ang isang itak na tigmak ng dugo. Umiiyak ang kanyang
ina, at ang ilang kababaihang dumating. Ngunit ang poot ng kanyang ama'y
moog hindi natitighaw ng luha na parang lalong naging dambuhalang moog
sa ibabaw ng kamatayan. Sa'n tayo tutungo, Pangulong Gat? Saan tayo
tutungo, Pangulong Gat? Ang mga sandata ay pinagpupulot ng mga nabuhay,
at muli, ang mga tinig ay lumakas at dumagundong: sa Kanlaon, sa Kanlaon!
Hanggang sa lumapit sa kanya ang kanyang ama, at ang may bahid-dugo
niyong mga bisig ay isalikop sa kanyang katawan, at ihalik sa kanyang mukha
ang mga nagbabagang labi. Sumigid sa kanya ang sindak. Ilang sandali pa,
ang mga sulo'y papalayong umalis, kasama ang mga anino at ang kanyang
ama, patungo kung saan.
Sinuyod ng nakaunipormeng mga kawal ang kapatagan nang umagang
yaon, pagkaraan ng malagim na panganorin ng isang magdamag. Ang mga
kubo'y pinagpapanhik. Nakaamba ang mahahabang tubo ng baril,
pinagtatanong ang mga naninirahan, ang mga babae at matatandang lalaki.
At ang ilang pinaghihinalaan ay ipinapanhik sa loob ng isang malaking trak na
nakahimpil. Ang mga bangkay ay ikinarga rin sa mga sasakyan at iniutos na
dalhin sa pamahalaang bayan. Sa mukha ng tuyong lupa'y kumalat ang
kumutim na dugo. At ang lupa sa umaga'y parang naging pula ang kulay na
hinahakdawan ng mga umiimbay na ng mga kawal na may mukhang
mababangis at may mga baril na sakbat at mga balang nakasinturon, habang
buong kapatagan ng matatanda, babae't bata ay hintakot sa mukha ng
kabangisang bumati sa kanilang umaga. Hindi naglaon at nang ang lahat na
bangkay ay naikarga na sa sasakyan, ang mga yapak na yao'v mabangis na
dumako pagawing Kanlaon habang sa unahan ng mga humahakbang na mga
kawal ay inaamoy ng mga nakatanikalang aso ang mga yapak ng
santinakpang naglakbay sa dibdib ng gabi. Bumilis ang mga hakdaw, sa
pangunguna ng kumakahol na mga asong nakatanikala. At ang kabangisang
yaong bumati sa kapatagan ay paharap na dumako sa naghihintay na
katayugan ng bundok. Hanggang sa ang mga anino ng mga baril, sundalo at
aso ay maglaho; sa mukha ng kapatagan ay nakintal ang naiwang bakas ng
mga paa ng tao at hayop sa mukha ng lupang nalalatagan ng natuyong dugo.
Ang kapatagan ay naiwang nakasayod sa Kanlaon. Nakita niya ang kanyang
ina na lumuluha, sa kung anong bagay, at nang itanong niya ang dahila'y lalo
iyong nanangis, tulad ng panangis ng isang babaeng nayong ang asawa'y
nakahandusay sa isang kabaong na pinagtagni-tagning pinatpat na kawayan.
Ang iyong ama, Solomon, nanaghoy ang tinig na yaon. At nagunita niya ang
nagdaang kalagimang ibininhi ng gabi at ang nakatatakot na angil ng mga
nakatanikalang aso at mahahabang tubo ng mga baril na sakbat ng mga
kawal habang sila'y pasagsag at may poot na patungo sa Kanlaon. Nanatiling
hambal na naghihintay ang kapatagan sa isang uri ng katalagahan: ang mga
aninong yaon, malilibag na babaeng may mga pangkong pasusuhing supling
na nakalingap sa bundok, ilang sakadang hindi dinala sa kabayanan ng mga
trak ng PC at mga paslit na tulad niyang ngayo'y parang natatakot maglaro sa
lupang may latag na dugong ngayo'y dinadarang ng hininga ng araw. Tumirik
ang araw, at hindi naglaon ay kumiling sa kanluran. At ang kapatagan ay
naroon pa rin sa matiyagang paghihintay, nang walang kaginsa-ginsa'y may
mga bahagyang dagundong na inihatid ang simoy mula sa bundok. At ang
kanyang ina'y tumingala sa langit at bumulong-bulong na parang napaaawa.
Ang iyong ama, Solomon, ang iyong ama, anak, halos anas na ang tinig na
yaon, habang ang dagundong mula sa bundok ay lalong nagiging malinaw na
kakila-kilabot sa kanyang pandinig. Kay-tagal ng mga pabugso-bugsong
dagundong na yaon. At sa pagitan ng mga hibik ay lumambong doon ang
gabi, ngunit ang kapatagan ay hindi naiidlip. Pagkat kagisna't katulugan niya
ang kanyang ina na nakalupagi sa tabi ng kanilang banig na nakalatag na sa
buong magdamag ay inuulinig ang poot ng dagundong na wari'y gumagahak
sa lupa. A, ang kanyang ina'y hindi natutulog, samantalang ang dagundong
ay patuloy. Hanggang ang gabi at ang dagundong ay batiin ng mga tilaok sa
umaga. Sumilang ang araw, at ang paghihintay na yao'y binati ng umaga at
mga trak ng kawal, pababa mula sa Kanlaon, pabalatay sa kapatagan na
tatahakin palundo sa kabayanan. Umaalimpuyo ang alikabok maging sa
umaga. At nang mahawi ang kumukumot na balumbon niyon, ang mga trak
ay ngumuso sa dibdib ng daigdigan ng mga sakada sa datig-datig na kubakob
na doon may mga matang hintakot na nangakasilip sa siwang ng mga
bintanang pawid. Pagtapat sa pamayanan ng mga sakada'y tumigil ang mga
trak at sa isang sasakyang sumalubong sa umaga ng naghihintay na
kapatagan ay bumati ang malagim na panganoring yaon: nakahandusay ang
mga bangkay, si Mang Igme, si Leon, si Daniel, si Roman, si Basilio, si Tales,
at marami pang iba. Bawat bangkay, bawat kamatayan ay may kaukulang
paimpit na hiyaw at daing ng mga naghihintay na naiwan. May ilang lalaki
pang dinakip ang mga kawal at kinaladkad sa isang trak na kinaroroonan ng
mga nadakip nang buhay. At sa pagitan ng nakatalibang mga kawal at
nakatatakot na maiitim na sandata ay nakita niya ang kanyang ama na
nakamulaga rin sa kanya, ngunit waring walang nakikita. Nang ang mga trak
ay muling umandar ay pasigaw niyang tinawag ang ama, subalit ang kanyang
tinig ay nilamon ng ingay, at ang papalayong mga sasakyan ay nilagom ng
umaalimpuyong alikabok.
Sa dibdib ng pumapasong init, ang mga mamamayan ay abang nanonood
sa mga nakahandusay na mga bangkay sa malamig na semento sa
makalabas ng bahay-pamahalaan. Ang mga yao'y kay-papangit at kay-
babahong lupa noong nabubuhay, amoy-sunog at amoy-pawis, ngunit sa
kamatayan ay may sinag ng tapang na nababanghay at pumupukaw sa
kabayanihang nagupiling ng nabubuhay. Tigmak ng dugo ang mga damit,
walang sapin ang mga paa, may sabog ang bungo, may wakwak ang
tagiliran, may putol ang bisig, may Iuwa ang bituka, ngunit yaon ay mga
kamatayang dinumog ng bayan: bata at matanda, babae at lalaki, mayaman
at maralita. Subalit sa naroo'y walang umiiyak, bagama't lahat ay naaaba.
Nakataliba pa rin ang mga kawal, na ngayo'y naghuhumindig sa
pananagumpay habang ang maiitim na baril ay namamayani sa sinapupunan
ng mga patay. Walang kaginsa-ginsa'y may umikot-ikot na helikopter sa itaas,
lumapag sa plasa, at bumaba ang isang nakaunipormeng matabang lalaki.
Sumaludo ang mga kawal. At kumislap ang mga kamera sa mga bangkay, at
nahulo niyang yao'y isang kakaibang kamatayan.
Hinatak siya ng kanyang ina, patungo sa loob ng bahay-pamahalaan. Sa
isang mesa, lumapit ang kanyang Ina.
"Ano ang kinahanglan mo?"
"Puwede bang makausap si Gat Lazaro? Ako ang iyang asawa.”
Tumaas ang kilay ng guwardiya. Tinitigan niyon silang mag-ina nang
matagal.
"'Yon bang lider ng mga nahuling Huk?"
"Siya ang pangulo ng mga sakada sa amon."
“Mapanganib ang imong bana.”
“Maaari ko ba siyang makita?”
“Mahimo.”
“Puwede ko ba siyang makausap?”
“Mahimo. Indi lang magpadugay.”
Sa isang nakabukod na selda na parang sadyang inihukay sa lupa,
nakatingkayad ang kanyang ama na sa unang malas niya’y nakaluhod sa
maduming semento ng kinakukulungan. Parisukat ang malalamig na pader na
nakataliba. Sa selda’y makikita lamang ang nakapiit sa munting guwang na
lagusan ng pagkain. Sa katanghaliang iyo’y kay dilim sa loob ng
sementadong kulungan; at kakatwang naisip niya pagkakita sa kinaroroonan
ng ama’y ang bunganga ng isang libingang minsa’y nakita niya nang siya’y
magpasama sa libing ng sang sakadang namatay sa pagsuka ng dugo.
Bahagyang nakatalikod ang kanyang ama, at kaipala’y hindi napapansin ang
kanilang pagdating.
“Gat.”
Anas ang gumagaralgal na tinig ng kanyang ina.
Humarap sa kanila ang kanyang ama. Nakatutok ang mga mata niyon sa
kanya na manaka-naka’y itinutuon sa kanyang ina.
“Hindi mo ako sinisisi, mahal.”
“Bakit kayo lumaban?”
“Papatayin din kami, mahal. Kinakailangan na ang lumaban. Patyon man
kami gihapon.”
“Natatakot ako, Gat.”
“Hindi na ito para sa atin. Para kay Solomon. Para sa mga anak naton.
Ang inaalaala ko'y ikaw, mahal. At si Solomon.”
Umiyak ang kanyang ina. Ang pinipigil na damdamin ay nakawala. At sa
harap ng kaalipnan ng kanyang ama, at ng pader, ay humihikbi ang kanyang
ina ngunit ang kanyang ama'y hindi nabubuwag na moog, at waring nais
niyang pigilin ang kanyang ina sa ginagawang pag-iyak.
"Nahadlok ako, Gat. Natatakot ako."
"Pumayapa ka, mahal. Alam mong ayaw ko ng kalagiman. Hanggang sa
huling sandali, ayaw ko ng dugo. Ngunit sila ang nagsimula."
"Ano ang ating gagawin?"
"Tumelegrama ka sa Manila. Sa Kongreso. Ke Senador Diokno. 'Yong
tumutulong sa mahihirap na me kaso. Baka matulungan tayo. Ang puwersa
sa mga asendero e laban sa amin. Lalo na sa 'kin. Maaaring me mangyari.
Kung mapaparusahan ako, gusto ko'y batas ang magparusa sa akon."
"Hindi ka ba maaaring mapiyansahan?”
“Mabigat ang kaso ko, mahal. At ang huwes sa bayang 'to'y sakal ng
mayayaman"
"Gat, ano'ng nangyayaring 'to sa 'tin, Gat?"
"Me awa ang langit, mahal. Siya ang bahala sa atin."
Tumawag ang guwardiya sa kanilang likuran. Dumating na ang takdang
oras ng gayong pag-uusap.
"Aalis na kami, Gat."
"Aalis na kami, Ama."
Ang kamay ng kanyang ama'y pilit na inilabas sa pagitan ng rehas.
Hinagip ng magaspang na palad ang mukha ng kanyang inang may bakas pa
ng luha, at pagkatapos ay inabot ang kanyang ulo't pinaglaro-laruan ang
kanyang buhok.
Muling tumawag ang guwardiya. Maigting ang tinig niyon sa
pagpapalabas sa kanilang mag-ina.
"Aalis na kami, Gat," muling sabi ng kanyang ina na waring ayaw iwan
ang daigdig na iyong may nakapamagitang rehas at pader sa kanila ng
kanyang ama.
"Adiyos, mahal. Ikaw na ang bahala ke Solomon."
Ang kamay ng kanyang ama'y inialis sa kanyang ulo at ang bisig niyon ay
muling nilagom ng pader at rehas. Namalas niya ang mga mata ng ama,
walang luha, maliban sa nadadama niyang doo'y may umaaliping
kalungkutan. At sa pagpihit ng kanilang mga yabag papalabas, tumalikod ang
kanyang ama paluhod wari sa moog ng pader at parang hindi matagalan ang
katotohanan ng kanilang paglisan at pagkaiwan sa kanya sa maitim na
bunganga ng kulungan.
Kamanghad na naman niyang muli sa paaralang iyon ang dati at dati ring
tinig na nangangako, nangangarap, nagpapatiwasay ng guro ring yaon. Siya
na bahagi ng pangako, ng pangarap, ng katiwasayan. Sa silid na namang
yao'y pamuli silang itinatakas papalyo sa isang katotohanan, ngunit ang
katotohanan ay lalong nananatili. Kanginang umaga'y dinalhan niya ng
pagkain na inutang pa ang kanyang ama. At sa walang tinig nilang pagkikita
ng ama'y namanghad sa kanya ang sumisigid na uri ng kalupitan ng pader at
ng rehas o ng sinumang naglagay ng kalupitang yaon doon. Nakalupasay ang
kanyang ama sa maduming semento. Doo'y wala siyang nakitang upuan,
higaan, unan, banig, ilaw. At nang siya'y makita ay kumapit ang mga galamay
ng kamao niyon sa rehas ng maliit na bintana. Kinausap siya ng kapanglawan
ng mga mata niyong sa ilang araw na pagkakakulong ay nawalan ng ilaw at
kislap, kumulimlim, at nanalim. Namamarak ang mukha niyon, na ang
pagkahapis ay lalong tumitingkad sa umitim na balbas at hindi nasusuklay na
buhok. At sa harap ng kabuuan ng diyos-diyusang tinitingala niya noon, at ng
kalugamian, ang bumati sa kanya ngayon ay tila nais umiyak, sumigaw, at
mapoot. Subalit nahihiya siya sa kanyang ama, na sa kabila ng pagiging
lugami ay nanatiling matatag at moog. Paglaki mo, Solomon, itanong mo sa
iyong ina ang nangyari, at makikilala mo ang iyong ama. Siya'y lumabas at sa
piitang yao'y umaalunignig sa kanya ang mga katagang iyon na parang
musikang himig ng mga dahon ng tubo na sumasayaw patingala sa langit. At
ang lahat nang yaon ay mga gunitang humahabol sa kanya, maging sa loob
ng silid-aralan, maging sa kagandahan ng mga pangarap na ipinupunla ng
tinig ng kanilang guro. Namamayani ang mga gunita na sumusupil sa
katotohanan ng kanilang guro. At sa loob ng paaralan ay nakikita niya ang
malulupit na pader at rehas; at doo’y nag-aalumpihit na gulanit ang may bahid
dugo't dumi't pawis na damit ng kanyang ama. Ang lanta niyong katawan at
mapanglaw niyong mga mata. At ang bibig niyong bumuka't tumikom sa
pagnguya ng dala niyang pandesal. At ang mga kawal at mga asong
umaangil patugpa sa Kanlaon. Sa labi ng kanyang guro'y namumulaklak ang
kagandahan; ngunit sa kanyang isip ay nakita niya ang sinapupunan ng gabi
ng dagundong, sulo, tao, tabak, dugo, luha, pagkaapi, paghamak,
pagbangon, pagpatay, pagtakas. At ngayon, ang tinig ng guro'y wala nang
halina, wala nang tiwasay; at sa halip, ang namamalas niya'y ang luha ng
isang matandang sakada, ang pagkamatay ng isang sumuka ng dugo sa
pagkakarga ng tubo, ang pabagsak na nilang mga kubakob sa gitna ng
kasalatan, ang kawalan ng tubig, ang lungkot ng kanyang ina sa harap ng
isang hapag na may isinaing na mapulang mais, tatlong pingga't isdang tuyo
sa tanghali, sa umaga't saka gabi. Na sa halip pagkakapantay-pantay, naroo'y
namamalibhasang asendero at kapatas at pinamamalibhasaang mga sakada.
Sa halip na pag-ibig, nabubuhay ay ang kalupitan ng pasan-pasang tubong
nagpapasuka ng dugo. At nang tumunog na ang batingaw para sa labasan ay
gulong-gulo pa rin ang kanyang isip. At ang gunita'y parang patuloy na
humahabol sa kanyang nalilitong diwa.
Walang ano-ano'y lumapit sa kanya si Michael. Nakangisi si Michael, at
aywa't sa kanilang dalawa'y arang may biglang namagitang mabangis na
pader at rehas. Sa may pasilyo patungong hagdanan ay umagapay sa kanya
si Michael.
"Ke yabang mo, Solomon. Sabi mo'y presidente ang 'yong ama. Tulisan
pala 'yon!"
"Hindi tulisan si Ama, Michael!"
"Tulisan! Tulisan, Solomon!"
"Hindi tulisan si Ama!"
"Tamo't nakakulong!"
"Tumigil ka, Michael!"
"Papatyon din ang tulisan," hugong ng mga tinig.
"Tulisan! Tulisan!"
"Bibiyakin din ang iyang t'yan!"
"Tulisan! Tulisan!"
"Ha, ha. ha. ha. ha. ha. Tra la. la. la. la. la. la!"
"Tulisan! Tulisan, ang ama ni Solomon!"
At ang tanging naramdaman na lamang niya'y ang pagdidilim ng kanyang
mga mata't ang pagbabakal ng kamao na dumaklot sa damit ni Michael,
hanggang sa siya'y parang naghihimagsik na sawang lumingkis sa kamag-
aral, at sila'y nagpagulung-gulong sa sahig ng pasilyo sa kabila ng patuloy na
kantiyaw, panunudyo, padyak, palakpak, sigaw, kanta, paswit, sipol ng mga
kamag-aral. A, ngunit nang sandaling iyon ay lagom siya ng karimlan ng poot
kay Michael, at siya'y kumakagat, sumusuntok, sumasabunot, habang patuloy
silang pagulung-gulong, mapasailalim, mapasaibabaw, samantalang baliw na
sumisigaw ang mga nakapalibot na tinig. Subalit maya-maya’y dinaklot siya
ng dalawang parang bakal na kamao, at sa pagkakakubabang ay padaklot
siyang inihiwalay kay Michael.
“Ano’ng nangyari dito?” pasigaw ng guro.
Hindi siya umimik. Tikom din ang mga nakapaligid. A, sa kanyang
kaibuturan, aayaw niyang mahantad ang pinagsimulan ng lahat na yaon.
Ngunit nakasurot sa kanya si Michael, na nakita niyang wakwak ang damit at
may putok ang labing nababahiran ng dugo.
“Bigla na lang po n’ya akong inaway, titser!”
“Bakit ka nang-aaway, Solomon?”
Tikom ang kanyang labi.
“Katulad ka rin ng ‘yong ama!”
“Kailangang parusahan ka, Solomon!” sanib-sanib na pasiya ng mga
tumutulig sa kanya.
Siya’y pinadapa sa isang pandak na hapag-sulatan sa isang nakabukod
na silid-taguan ng mga kagamitan, at nagsalumpihit niyang tinanggap ang
parusa. Lumalagitik ang pamalo sa kanyang puwit; at ang bawat hagupit ay
naglalatay sa kanyang damdamin ng murang uri ng poot sa lipunang yaon ni
Michael, kaya’t ni hindi siya dumadaing, ni hindi siya umiiyak. Sa bawat
hagupit, sa bawat latay ng palo at parusa, tumitiim ang sigid ng hapdi,
lumalagom ang poot, hanggang bumuka ang kanyang labi, at bigla siyang
tumihaya at bumalikwas: yawa, yawa. Bawat bigkas niya ng kanyang poot ay
pumupulupot naman sa kanyang baywang, binti, at braso ang pamalo. Siya'y
parang baliw na nanalag, habang patuloy na sumisigaw: yawa, yawa! Hindi
naglaon at tumigil ang pamamalo sa kanya, ngunit siya'y ikinulong sa silid na
yaon, ipininid ang mga bintana at malaking pinto hanggang dumilim, Sa ilang
saglit niyang pag-iisa roon ay nagunita niya ang kanyang amang nakaluhod
sa kinakukulungan, at sa kanyang puso'y sumigid ang takot. Ngunit napansin
niyang sa mga munting butas ng bintana, sa butas ng dingding ay
nangakasilip ang paningin ng mga kamag-aral. At narinig niya ang paanas na
tinig ng mga yaong inihahatid sa karimlan ng kanyang kinaroroonan:
Solomon, Solomon, Solomon. May mga kamaong naghagis sa kanya ng
tinapay sa loob. Hindi niya pansin yaon, pagkat parang namamanhid ang
kanyang sikmura, ang kanyang ulo'y parang nanlalaki, at nakadama siya ng
katatagan sa hibo ng mga hindi nakikitang nakapaligid na awa ng mga kapwa.
A, sa loob ng kinaroroonan ay lalo siyang nagpakatatag. Nais niyang maging
matapang na tulad ng kanyang ama. Napopoot siya at ang uri ng poot na
yaon ang namamayaning kapangyarihan, maging nang ang mga nakasilip na
mga mata'y isa-isa nang lumisan pagtugtog ng batingaw na hudyat ng
pagsisimula sa klaseng panghapon. A, naisip niya, mabuti pa ngang siya'y
naroroon kaysa maging bahagi ng daigdig na yaong may pakunwaring
pagtingin tulad ng kay Michael at may uri ng hustisyang tulad ng kalupitang
lumatay sa kanyang murang katawan. Lumipas ang mga sandali; at sa
kanyang pag-iisa sa gitna ng gutom at pagal ay dinalaw siya ng mga
alalahanin, ng iba't ibang gunita hanggang ang kanyang kamalayan ay
lakbayin ng kanyang diwa. Tila siya'y nakawalang bigla sa mabangis na
dingding na nakataliba sa kanya, nakalabas, hanggang siya'y sumapit sa
isang malaking kastilyong kawangis ng kinaroroonan ng kanyang ama. A,
dala niya ang mga pira-pirasong tinapay na ibinigay sa kanya ng mga kamag-
aral at yaon ay kanyang ibibigay sa ama. Kumatok siya sa pintuan,
tumingkayad siya upang silipin ang nakaluhod na ama: Ama, Ama, Ama.
Ngunit nang yaon ay tumayo ay nagtaka siya, pagkat ang sumalubong sa
kanya'y ang mga mata niyong nagliliyab at ang katawan niyong nag-aapoy sa
init. Yao'y parang isang masamang espiritung naglagos sa nakatalibang rehas
at siya'y hinawakan ng kanyang ama sa kamao at kinaladkad sa isang
banyagang lugar, sa talim ng mga bato, at lawak ng mga patag. Hanggang
lumundo sila sa rurok ng bundok ng Kanlaon na kinatitimbonan ng kakila-
kilabot ng hibo ng mga patay, at doo'y naghambalang ang mga bangkay ng
mga nakaunipormeng kawal, ng mababangis na aso, ng Katiwala, ng
kanyang mga guro, ni Michael, ng kanilang mga kamag-aaral, at ng
taumbayan. Humahalakhak ang kanyang ama, at nakita niya'y ang mga
bakas niyong may itinitinang mapulang dugo sa mukha ng bundok. Ilang
saglit silang nanatili roon. Subalit kakatwang nakadadama siya ng
katahimikan sa piling ng mga patay. Maya-maya'y bumangon ang mga
bangkay. Bawat isa'y may hawak na pamatay: sibat, tabak, pana, punyal na
pawang nakaumang sa kanyang ama. At ang mga iyon ay umusad sa
santinakpang papalapit, datapwat ang kanyang ama'y buong tapang na
nanibasib nang may tabak at may apoy. Ang sambayanang napopoot ay
patuloy na dumadagsa. Siya'y natakot at yumapos sa kanyang ama,
hanggang ang buong bayan ay lumagom sa kanila, buong kabangisang
tinudla ang kanyang ama: pinana, sinibat, sinaksak, tinaga. Siya'y sumigaw
pagkat ang kanyang amang tigmak ng dugo'y tinangay ng napopoot na bayan
at siya'y naiwang mag-isa sa rurok ng Kanlaon.
Ginulantang siya ng sigawan ng mga guro; ng mga putok ng baril; ng
panakbuhan; at ng biglang pagbukas ng nakapinid na pinto. Pahangos na
pumasok ang isang gurong lalaki, at sa isang lambak sa di kalayuan ay
pasubsob silang dumapa, kasama ng mga kamag-aral.
"'Wag kayong tutunghay. Baka kayo matamaan ng balang ligaw!"
"'No ba'ng nangyari?"
"Me tumakas daw. At papalapit ang mga putok!"
"Manahimik kayo!"
Pumatlang ang mga putok. Ilang saglit lamang, mula sa kasukalan,
pahagibis tumakbong papalayo ang isang anino. Sumikdo ang kanyang
dibdib. Muling bumusa ang sanib-sanib na mga putok, at ang anino ay
nagpasuray-suray. Sa dumadaluhong na mga kawal ay nakataas na ang
kamay ng tumakas, hanggang sa pagpihit niyo’y mapaharap sa kanila, at sa
may kalayuan ding kinaroroonan nila ay nakilala niya ang lalaki. Si Ama! Si
Ama! Painat siyang tumayo at tumakbong papalapit sa kanyang amang
pasuray-suray na sapo ang tiyan ng isang kamay habang nakataas ang isa,
habang yaon ay sumisigaw na tila humihingi ng awa. Mabilis ang kanyang
pagtakbo; nakita niyang ang kanyang ama’y nakaluhod na sa harap ng mga
kawal. Madapa, tatayong miuli, tatakbong muli, at nang siya’y papalapit na’y
sumisigaw siya: Ama, Ama, Ama. Subalit ang mga tubo ng baril ay
nakaumang na sa nakauhod. At siya’y sumigaw nang sumigaw, datapwat
bumuga ang bunganga ng mga baril, at pabaligtad na tumihaya ang kanyang
ama. Bago siya nakasapit sa kinaroroonan ng nabuwal ay parang nilagom na
ang kanyang ama ng mga kawal at ng nangaglabasang taumbayan. At sa
pagitan ng nilalagnat na katawan ng mga tao ay lumusot siya, hanggang
sapitin ang katawan ng kanyang ama: tigmak ng dugo ang damit;
bumubulwak ang dugo sa bibig at kumakalat sa tuyong lupang kinabuwalan;
mulat ang mga matang nakatingala at parang humihingi ng katarungan sa
langit. Yumapos siya sa kanyang ama; at ang kanyang kamay, damit, mukha,
labi ay natigmak ng dugong bahagya pang maligamgam, hanggang may
kamaong naglayo sa kanyang katawan sa bangkay. Ang mga tao'y tuluyang
inilayo siya sa nakahandusay; at natagpuan niya ang kanyang sariling
tumatakbong pagawi sa landas-asyenda. Sa hilera ng mga kubakob ay
nakahanay ang mga tao. Wari kakulay ng dugo at apoy ang kanyang
tinutuntungan. Sa isang dako'y nasumpungan niya ang kulumpon ng mga
batang nangagsisipaglaro. Nang siya'y mapatapat sa mga iyon ay bahagya
siyang tumigil. Ang mga yao'y biglang tumigil sa paglalaro at minasdan siya,
paitaas, paibaba, at ang mga paslit ay parang mga ipinakong hugis-batang
putik sa dibdib ng pulang lupa. Ano'ng nangyari? Pinatay nila si Ama!
Magtago ka! Baka ka rin patayin, Solomon! At muling lumagom sa kanya ang
sumisigid na poot; at tila baliw na pinagsusuntok niya ang mga dating kalaro,
habang siya'y sumisigaw at umiiyak: duwag, mga duwag kayo. Pagkatapos
niyon, nagpatuloy siya sa pagtakbong pagawi sa bundok. Pasamba na halos
siya sa lumalagos na larawan ng bundok nang mapalingon siya. Sa kanyang
likuran, nakita niyang Siya 'y sinusundan ng mga batang aywan niya kung
bakit sumusunod, kasama ng mga babae at mga lalaking madudumi,
nagugutom, hinahamak, inaapi, at tumatawa sa kanya: Solomon, Solomon,
Solomon. Patuloy ang kanyang baliw na paglayo palapit sa bundok, habang
ang sumasapit na takipsilim na yaon ay naghuhunos dugo.

You might also like