You are on page 1of 8

Si Liwayway Arceo Bilang Kuwentista ng Bayan

Third year high school ako nang una kong makita si Liwayway Arceo. Lumigaw noon (o kasintahan na
yata niya) ang manunulat na si Hilario Coronel sa titser kong si Miss Maniquiz at inanyayahan ang klase
naming bumisita sa opisina at imprenta ng Liwayway Publishing sa Maynila.

Noong ko nakita,mula sa malayo si Aling Lily nakatayo at kausap ang isang manunulat. Hindi siya ang
larawan ko ng isang manunulat. Para akong namamalikmata. Hindi ko akalain na may tulad niyang
maganda at katakam-takam na manunulat. Siyempre,tangang-tanga pa ako noon at hindi pa nakikita
sina Carmen Guerero Nakpil, Gilda Cordero- Fernando, Estrella Alfon, at iba pang katakam-takam na
manunulat ng Filipinas.

Ibig kong idiin ang ginamit kong pang-uri. Katakam-talam. Hindi ko ibig sabihing maganda lamang at higit
din sa halinang pisikal ang ibig kong ilarawan. May palagay ako na katakam- takam angbisang birtud ng
panitikang popular. Upang bumighani ng mambabasa,lalo na't ordinaryo't maraming
mambabasa,kailangn ng panitikang popular ng katakam-takam. At hindi maitatatwa na sumikat at
nagluningning ang panulat ni Aling Lily sa loob ng pangunahing kuta ng kulturang pupular- ang magasing
Liwayway.

Totoo,isinilang ang karera ni Aling Lily bilang manunulat sa pamamagitan ng kuwentong "Uhaw ang
Tigang na Lupa" na isinulat niya noong tin-edyer lamang siya. Labingpitong taon siya noon,kung tama
ang aritmetika ko. Ngunit dahil sa digma,lumabas ito pagkaraan ng dalawang taon at sa mga pahina ng
Liwayway. Pagkaraan ng digma,sa Liwayway siya matagal na nagtrabaho at dito lumabas ang karamihan
sa mga isinulat niyang kuwento hanggang sa panahon ng kanyang pagreretiro. Sa loob ng mahigit 50
taon niyang buhay bilang manunulat,nakakatha siya ng mahigit 50 nobela, umaabot sa sanlibong
maikling kuwento,daan daang dramang panradyo, at mahirap nang bilanging sanaysay.

Hinubog si Aling Lily ng adhikaing sumulat para sa madla. Ito ang pinagsanayan niya at ikinabuhay bilang
bahagibng patnugutan ng Liwayway. Dito niya tinupad ang natutuhang mga simulain sa pagsulat ng
isang maikling kuwento, at sa sariling salita na rin niya'y binubuo ng sumusunod: "(1) Ito'y may mga
tauhan, na ang isa ay pangunahing tauhanbatvsa paningin nito magaganap ang kuwento; (2) ito'y nag-
iiwan ng iisang diwa o impresyon sa damdamin ng bumabasa; (3) ito'y naglalarawan sa isang
pangyayari."

Parang halaw sa mga simulain ng kaisahan ni Aristotle. Ngunit sa praktika, sa totoong pagsusulat sa
Liwayway, nangangahulugan ito ng matipid ngunit sapat at may kulay na wika. Mainipin ang mambabasa
ngvmagasing popular,kailangan pa ring tumupad ang wika sa pagbuo ng tauhan, sa pagpapagalaw ng
kuwento, at sa pag-antig ng damdamin.

Matagal ding naging editor si Aling Lily ng seksiyong pambabae ng Liwayway. May regular siyang kolum
dito para sa pagluluto. Marahil, ito ang dahilan ng paghahambing niya sa pagsulat at pagluluto. Wika
niya:
Kung minsan talagang maniniwala tayo sa matandang pamamaraan ng pagsulat at pagluluto:walang
tuntunin,walang sukat-sukat. Sa pagluluto, ang makapangyarihan ay angvpagtugonbsa panlasa sa
sandaling makatikim. Sa pagsulat: ang paggawa o paglikha ng impresyon o kakintalan sa damdamin. Ito
lamang ang ginagawa naming panukat sa isang maikling kuwento: kung may naantig sa aming
damdamin.

Pansinin ang turing niya sa pag-akit ng mambabasa sa paraang katulad ng "pagtugo sa panlasa" ng
titikim sa niluto. Ito rin ang sinabi kong katangian ng "katakam-takam." Na muli, para sa kanya ay
paglikha ng impresyon o kakintalan na "aantig sa damdamin."

Hindi ko na dapat talakayin kung paano tinupad ni Aling Lily ang kanyang panukatan bilang mangangata.
Saksi ang maraming taon niyang pananatili sa Liwayway. Saksi ang maraming mambabasang
tumatangkilik sa kanayang magasin sa panahon niya,kaya hindi ito naibuwal ng malakas na
kompetisyong idinulot ng ibang magasing popular. Bukod sa saksi rin ang tinamong papuri ng mga katha
ni Aling Lily mula sa akdemya at mga kritikong may iba't ibang oryentasyong pampanitikan.

Higit na mahalagang itanong. Hindi ba't mga pamantayan din sa malikhaing katha ang binanggit kong
mga panukat ni Aling Lily bilang kuwentistang popular? Hindi ba't sinasabing maligoy,maluwag ang
balangkas at walang kaisahan ang karaniwang kuwento sa magasing popular? Bakit ibabang
pamantayang sinunod ni Aling Lily kaysa mga kuwentista na karaniwang kuwento magasing popular?

Sinasabi ko sa unahan na hinubog si Aling Lily ng adhikaing sumulat sa madla-- ang layunin ng panitikang
popular. Ibig kong idagdad sa pamamagitan ng halimbawa ni Aling Lily,na panitikan ang panitikang
popular at hindi nangangahulugang may pamantayang iba at higit na mababa ang panitikang popular
kaysa tinatawag nating Lehitimong Panitikan.

May pangunahin at palagian lamang ang panitikang popular-- adhikaing sumulat sa madla. Isang adhika
itong hindi pangunahin at tiyaking palagiang hindi nasa isip ng lahat ng manunulat. Subalit tiyakin ding
hindi mababa ang pamantayan ng panitikang popular. Marami lamang manunulat sa magasing popular--
at hindi ito maiiwasan-- na hindi nakatutupad sa mga pamantayang sinundan ni Aling Lily.Hinihingi rin ng
mabisang paglalathala ang mabilisang pagsulat kaya't mahirap garantiyahan ang palagiang "pag-antig ng
damdamin" ng mambabasa. Kahit henyo ay mahihirapang sumulat ng dakilang nobela at sanlibong
dakilang maikling kuwento.

Sa kabilang dako, hinubog din o sinikap hubugin ni Aling Lily ang adhikaing sumulat sa madla sa panahon
ng kaniyang aktibonh pagsulat at pamatnugot sa Liwayway. Ginamit niya ang kanyang mataas na
pamantayang pampanitikan sa pagsulat at pagpili ng kathang ilalathala sa Liwayway at sa gayon siya
nakatulong sa pagbago ng panitikang popular. Hindi matatawaran ang magandang bisa ng kanyang
seksiyong Bagong Dugo sa pagtuklas at pagpatnubay ng mga kabataang manunulat. Bukod
dito,naniniwala ako na naging modelo ng maraming mambabasang manunulat ang mga kathang
inilathala niya sa Liwayway.

Ang ibig kong sabihin,hindi lamang binabasa upang maaliw ang mga kuwento sa Liwayway.
Sinusubaybayan din ng mahilig sumulat,lalo na ang mga kabataang walang pagkakataong mag-aral ng
pagsulat at makadalobng writers' workshop. Kung walang tulad ni Aling Lily,magagaya lamang nila ang
mga kuwentistang maligoy at mabulaklak gumamit ng wika at mahilig lamang kumahig ng di-kapani-
paniwala.

Isang halimbawang fokus ng panulat ni Aling Lily ang sitwasyong domestiko.Nakilala siya dahil sa
kanyang seryeng Mag-anak na Cruz at dahil na rin sa pangyayaring tunay na marami siyang kathang
umiinog sa suliraning pantahanan at uganayan ng mga anak at mga magulang at mga mag-asawa.

Hindi bago ang paksang ito. Ngunit higit na naging sining at malimit na "umaantig sa damdamin" sa
pamamagitan ng dalubhasang pagkatha ni Aling Lily kapag binasa ang isinaaklat na nobelang Maling
Pook,Maling Panahon... Dito ngayon at bagong kalipunan ng kanyang kathang may bidang babae, ang
Ina,Maybahay, Anak,at Iba pa. Pinatutunayan din niya,bagamat matagal na niyang pinatunayan na may
makabuluhang sining sa likod ng tungkuling umaliw at maging katakam-takam sa panlasa ng
mambabasa.

Para kay Aling Lily, isang mundong kuwento ang ating mundo. May karapatang maikuwento ang
anumang bagay o anumang paksa. Ang trabaho ng manunulat ay magkuwento. Nasa pagkukuwento ang
sining ng kuwentista,para sa Collegian Folio o sa Liwayway ang isinusulat.

BILANG PANGWAKAS,NAIS kong balikan ang pamumuna sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos at
nalathalang "Lope K. Santos: Nobelista"sa librong Mula sa Parolang Ginto (1969),koleksiyon ng mga
"panunuring pampanitikan" ni Claudio del Mundo. Dinadakila ni C. del Mundo ang nobela ni Lope K.
Santos,gaya ng diumano'y pagsaludo dito ng mga unang kritiko mula kina Juan Cabreros Laya at Teodoro
A. Agoncillo. "(N)aniniwala kaming Banaag at Sikat", wika pa ni C. del Mundo,ay isang nobelang gintong
lantay,kung papaanong ang Noli e Tangere at El Filibustirismo ay ang nobelang namumukod ng isang
nobelistang Pilipino, at kung papaanong ang Florante at Laura ni Francisco Baltazar,ay nagtataglay ng
kasaysayang mala-nobela bagama't patulabang pagkakasalaysay."

Hindi ako interesadong sinsayin ang papuri ni C. del Mundo hinggil sa pagiging "nobelang gintong lantay"
ng Banaag at Sikat. Higit akong interesadong basahing mabuti ang kaniyang suhay hinggil sa pagiging
"nobelang gintong lantay" ng katha ni L.K. Santos. Halimbawa,kaugnay ng paghahambing niya sa nobela
ni L.K. Santos sa mga nobela ni Rizal at awit ni Balagtas ay naidugtong niya. " Ang tatlong kathang iyan ay
may nagkakaisang katangian: ang matapat na pagkakalarawan sa isang kapanahunan ng ating bayan,ang
pagkakalikha ng mga tauhang namumukod sa pagkakaroon ng matitibay na kapaniwalaang kanilang
pinanandigan,at pamamandila ng mga simulaing kasinlantay ng katotohanang hindi mapapawi sa alin
mang panahonbat sa alin mang bayan."

Wow, Bigat!

Subalit dahil hindi ko maintindihan ang ibig sabihin ni C. del Mundo. Ni hindi ko matiyak kung paanong
ang Florante at Laura ay totoong may "matapat na pagkakalarawan sa isang kapanahunan ng ating
bayan." Lubhang napakatipid naman ng espasyo ng Mula sa Parolang Ginto kaya walang tinangkang
ipaliwanag pa sa binanggit na tatlong katangian ng pagiging "gintong lantay" at pagiging kahanay ng
akda nina Rizal at Balagtas ng nobela ni L.K. Santos.
Basahin nating mabuti ang isinulat na papuri ni C. del Mundo sa naunang mga talata. Narito ang una: Sa
tandang pagtuturing,sa ganang aki'y maraming bagay ang ikinagiging kahanga-hanga ng Banaag at
Sikat-- ang malalim,maraming uri,at taos na kaalaman sa kalikasan ng tao; ang sagana at mapagbigay -
lugodna mga pananalita; ang matayog na kakanyahan,ang karurukan ng isipan, ang mapangahas na
kawagasan, at ang kakanyahan sa pamamaraang mapanarili.

Ang bawat isang katangiang ito'y gintong lantayin ng itinuturing na mahusay na nobela.

KRITISISMO BILANG MISTISISMO

Sa unang malas pa lamang ay mahiwaga ang may katangiang inilista ni C.del Mundo hinggil sa Banaag at
Sikat. Ano halimbawa ang kahulugan ng "mapangahas na kawagasan"? Ng kakanyahan sa pamamaraang
mapanarili"? Subalit nang isudlong niya pagkaraan ng mga katangian ito ng isang mahusay na nobela ay
maaring mahinuha na naglilista lamang si C. del Mundo ng mga nabasa niyang "gintong taglayin"ng
nobela. Malakinrin ang posibilidadbna nabasa niya ang mga ito sa isang sangguniang Kanluranin at
kayabsalin lamang niya mula sa Ingles ng mga unibersal na katangian ng nobela.Naging mistika ang mga
karaniwang katangian ng isang nobela dahil sa paraan ng pagkakasalin. Dili kaya,baka sinadya niyang
magmistulang mistikal ang salin upang hindi maintindihan ang kawalan niya ng orihinalidad bilang
kritiko?( Hanggang ngayon,isang bisyo ng maraming umaastang kritiko ang tila Orakulo ng Delphi sa
pananalitang mahiwaga.) Sa dulo, sa gayon, ay nagsalin lamang siya ng isang tersera klaseng kritikong
Amerikano at wala naman siyang naibigay na kakaibang katangian ng Banaag at Sikat upang maging
"nobelang gintong lantay." Sa kasunod na talata ay nagkaroon ng pag-asa tungo sa partikular na
katangian ng nobela ni L.K. Santos. Wika ni C. del Mundo,sa himig na tila bumibigkas ng isang kislap-
diwa:

May isang uri ng kahalagahan sa Banaag at Sikat--- at ito'y ang tinatawag na "pagkamakatao" sa
panitikan. Mayroong tiyak na kahalagahang makadiwa o ispiritwal,gaya ng katibayan bg
oananalig,pagkamaawain,pagkamaginoo,at iba pang mga kaanyuaan ng pagkamaunlarin. Ito'y hindi
simulaing ang kaanyuan ay walang maliw, hindi maituturing na tiyak na uri: ito'y likas na bunga lamang
ng iba-ibang kultura,ng pinagsama- samang kapaniwalaan, at ng pansariling paninindigan.

Masasabi pa nating dito'y nasasangkot ang kaalaman ng layunin at kaluguran ng tao,na hindi nagbabago
sapul pa noong bago magkaroon ng kasaysayan. Ang paningin ni Lope K. Santos ay naglagos sa kabila ng
mga kabaguhan upang makita ang mga walang katinagtinag na mga malasakit at damdamin.

Subalit muli ay napaglilimi na ang nais itampok na "kahalagahan" ni C.del Mundo ay ang isa ring
itinuturing na unibersal na damdamin ng tao-- ang pagiging makatao,at sa kanyang dagdag ng pang-uri
ay mahahalatang may uring Kristiyanong humanismo at ipinalalagay niyang matanda pa sa kasaysayan
at hindi nagbabago sa pagdaraan ng kasaysayan. Ito ang pinakagarapal na balintuna sa pagbasa kay L.K.
Santos. Pinupuri ni C.del Mundo si L.K. Santos ngunit sa paraan at pamantayang naglulubog sa Banaag at
Sikat mula sa pedestal nito bilang isang kathang tagapaglawag ng diwang sosyalista.

Ang Kritiko Bilang Kaaway na Lihim


Wala akong ni kapirasong hinala na may lihim na inngit si C.del Mundo kay L.K. Santos. Malinaw ang mga
palatandaan na nais purihin ng "tao sa Parolang Ginto" ang Banaag at Sikat. Subalit ang ganitong pagpuri
halimbawa ng masamang tipo ng "panunuring pampanitikan"na natampok noon at patuloy na umiiral sa
iba't ibang teksbuk at babasahing pampaaralan hanggang ngayon.

Unang-una,deribatibo ang panunuri. Nagmumula sa pagbabasa ng banyagang panitikan at sa pagtingin


sa ating panitikan alinsunod sa natutuhang pamantayang banyaga. Ikalawa, wala kahit munting
pagkabatidbsa kasaysayan ng panitikan ng Filipinas upang magamit na saligan sa wastong pagtingin sa
kabuluhan ng pinupuri o tinutuligsang akda. Ikatlo, nagkukunwaring eksperto sa pagbasa ng panitikan ng
Filipinas.

Ang ganoong kritiko ang maituturing na "kaaway na lihim" alinsunod sa paggunita ni Antenor. Ang
ganitong kritiko ang nagkalat ng tiwaling pagsusuri sa nobelang Filipino gamit ang mga kasangkapang
Kanluranin upang "mapalaya" diumano ang panitikan mula sa matandang bilangguang kolonyal nito.At
ibinilanggo ng ganitong kritiko ang nobela nitong ika-20 siglo sa mga bagong bilangguang Kanluranin.
Ang ganitong kritiko ang tulad ni C.del Mundo ay nagdudulot ng papuri na sa dulo'y ikapanganyaya pa ng
pinupuring akda. Ang ganitong kritiko ang sanhi ng mga maling paraan ng pagpapahalaga at pagtuturo
ngayon ng panitikan sa mga paaralan. Ang mga anak ng ganitong kritiko ang nagsisilbi ngayong
editor,rebyuwer o manunulat ng teksbuk, konsultant o eksperto ng panitikan sa DepEd nagtuturo ng
panitikan sa mga normal school, at patuloybna naghahasik ng krimen laban sa panitikan ng Filipinas.

Pambalot ng Tinapa

Isang katangi-tanging anekdota na napulot ko kay C. del Mundo ay ang isinudlong niyang "talababa" sa
kaniyang "panunuring pampanitikan" ng Banaag at Sikat. Nagkaroon siya ng magandang pagkakataon na
makausap si L.K Santos bago siya mamatay. Naikuwento raw ng nobelista kung paano niya naisulat ang
"Banaag at Sikat upang mailathala araw-araw sa Muling Pagsilang. Dalawang detalyebang napakatimyas
sa naturang kuwento. Una,isinulat-kamay ni L.K. Santos ang bawat labas ng nobela. Ikalawa, isinulat niya
ang buong nobela sa supot ng tinapay. Ang tungkol sa una ay ordinaryo lamang noong panahon nina
Dumas,Hugo, Dickens at Sue ( at kahit ni Rizal) at higit na mahahaba ang kanilang isinulat- kamay na mga
nobela. Ang tungkol sa ikalawa ang higit na kaakit-akit para sa mga sumusubaybay ng nobela ngayon.

Maaring nais lamang gulatin ni L.K. Santos si C.del Mundo. Kung baga,nais paandaran ng nakatatanda
ang nakababata. Bakit niya gagamitin ang supot ng tinapay upang pagsulatan ng nobela? Hindi naman
siya naghihirap sa panahong iyon bukod sa editor siya ng Muling Pagsilang kaya siguradong may rasyon
ng kailangang papel sa pagsulat. Maliban kung mas mainam pang sulatan noon ang supot ng pandesal
kasya rasyong papel sa opisina ng Muling Pagsilang kaya siguradong may rasyon ng kailangang papel sa
pagsulat. Maliban kung mas mainam pang sulatan noon ang supot ng pandesal kaysa rasyong papel sa
opisina ng Muling Pagsilang. At gaano kaya karaming pandesal ang nakokonsumo araw-araw sa
pasulatan para makalikom ng sapat na supot si L.K. Santos ukol sa kaniyang isinusulat na kabanata?
Kahit si Amado V. Hernandez ay hindi napilitang gumamit ng supot ng tinapay sa pagsulat ng kaniyang
mga tula habang nakapiit sa Muntinlupa. Ngunit ito ang ikinuwento ni L.K. Santos kay C.del Mundo at
totoong ikinamangha ng huli kaya ginamit na talababa sa kaniyang "panunuring pampanitikan" upang
ipangmangha rin marahil sa kaniyang mambabasa.

Ang haka kong reaksiyon ni C.del Mundo sa kuwento ni L.K. Santos at haka kong layunin niya sa
pagsusudlong nito bilang talababa ng kanyang "panunuring pampanitikan" ay isang paraan ng pagtukoy
sa malungkot na kapalaran ng nobela ay nakasulat na sa supot ng tinapay ang paghihirap na dadanasin
ng mga nobelista. Isang pithong alegorya ang pagsulat sa supot ng tinapay para sa panitikan ngayon.
Isang dagdag na idyoma ito sa palasak nang tudyo hinggil sa panitikang "pambalot ng tinapa" na totoong
dinanas ko sang-ayon sa kuwento ngvaking ina. Isang araw, excited daw na nilapitan ni Inay ng kumare
niyang tindera sa palengke hawak ang isang pahina ng diyaryo. Ipinakita kay Inay ang retrato ko sa
diyaryo. Pahina pala iyon ng The Dawn at kinalalagyan ng kolum ko! Nalaman ng kaniyang kumare at
marahil ng iba pang tindera sa palengke na sumusulat ako dahil sa kaniyang binasang pambalot tinapa.

Subalit mainam-inam na't may silbi kahit paano ang panitikang pambalot ng tinapa. Ang pagsulat sa
supot ng pandesal ang higit na marawal na larawan ng hikahos na buhay ng manunulat. Bakit nga ba
hindi bumabasa ng panitikan ang mayorya ng sambayanang Filipino?

Nasaan ang Mambabasang Pinoy?

Tamad daw magbasa ang sambayanang Filipino? Hindi-hindi. Ikinalat lamang din ang mapang-aglahing
pagtingin ito ng mga elitistang nagkukunwang umuunawa sa mababang panlasa at literal ngunit ang
totoo'y nais kutyain ang matagal na nilang inaalipustang lipunang bakya. Kapag hinandugan ng
babasahing gusto nila (at may presyong kaya ng kanilang bulsa) gaya nga ng romance novels ay
nagbabasa ang madlang Filipino.

May panahong sako-sakong ibinebenta ang mga sikat sa Divisoria, sa bangketa,sa harap ng simbahan, sa
perya, sa palengke. Natikman ni Iñigo Ed. Regalado na bayaran ng paunang ₱500 para sa hindi pa
nailalathalang una niyang nobela, ang Madaling-Araw.

At iyon ang tinagurian niyang "gintong panahon"ng nobela sa mga taong 1905- 1921sa kabila ng mga
pananakop ng mga Amerikano.

Ano ang nangyari at naglaho ang mambabasa ng nobelang nakaaklat? Dumating daw ang mga makabago
at murang anyo ng aliwan. Inagaw ng radyo,pelikula at telebisyon ang madlang mambabasa. Ngunit
patuloy din namang tumatangkilik at nagbasa ng magasin at komiks ang madla? Oo,ngunit lubhang
nagiliw sa layuning kapitalista ang mga babasahing popular. Dahil sa kompetisyong
komersyal,nagpaligsahan ang mga babasahin at mga panoorin sa paghuhulog ng madla sa kumunoy ng
purong aliwan-- ng aliwan sa ngalan lamang ng aliwan?

Nais kong magdagdag ng ilang hinala't haka't haka sa usaping ito.

Una, ibig kong isipin na maliit pa't kulang sa katatagan ang lipunang mambabasa ng panitikan sa unang
dalawang dekada ng ika-20 siglo. Kagagaling lamang nilang lumaya mula sa matagal na pagkapiit sa mga
metriko romanse at akdang makasimbahan at uhaw na uhaw sila sa kabaguhang idinudulot ng nobela't
tula. Ngunit tandaan din na higit din silang namihasa sa pantikang pabigkas. Anupa't madali nga silang
mabibighani ng makabagong aluwang hatid ng Amerkanisasyon, ang radyo, sinema't TV na bukod sa
mura ay nagbabalik sa nakamihasnan nilang panitikang oral.

Ikalawa, ibig kong iugnay bilang pangunahing salarin ang pinalaganap na sistema ng edukasyong publiko
sa panahon ng Amerikano. Isa itong edukasyong kasangkapan sa Amerkanisasyon, sa paghahasik ng
bighani't kapangyarihan ng kulturang Amerikano. Sa panahong nagsasalita na sa Ingles ang bagong
edukadong Filipino--na tamang- tamang nasa ikatlong dekada na at pinag-uusapan ang pagtatayo ng
Komonwelt tungo sa darating na "pagpapalaya" sa Filipinas -- ay nahadlangan ang maari pa sanang
paglaki at pagtatag ng madlang bumabasa ng panitikan sa wikang katutubo. Ang tinagurian ni Renato
Constantino na "miseducation" ng mga Filipino ang pangunahing bumigo sa pagsulong ng nobela at
panitikang nakasulat sa wikang katutubo.

Hinati ng Amerkanisasyon at edukasyon hindi lamang ang lipunang Filipino sa uring edukado't mariwasa
at ang uring mangmang at maralita; sa wikang Ingles at sa uring mangmang,maralita't nagbabasa sa
wikang katutubo. At nanatili ang sitwasyong ito hanggang bigyan ng kasarinlan ang Filipinas at hanggang
sa kasalukuyan. Ang sitwasyong ito ang pangunahing ugat ng mga anomalyang pangkultura sa lipunang
Filipino ngayon at di kasi'y pangunahing ugat ng hindi lumalaking bilang ng mambabasa ng nobela at ng
panitikangFilipino. Ang nakakatawa, hindu naman naging garantiya ang paggamit ng Ingles upang maakit
ng ating mga manunulat sa Ingles ang mga maykaya't edukado. Higit silang mabibighani ng mga
bestseller mulang Estados Unidos kasya akda ni Nick Joaquin o kahit na sinong sikat na manunulat na
Filipino sa Ingles.

Isang makabuluhang paliwanag sa nawawalang mambabasa ang sumusunod na pagtukoy sa kaayusang


kolonyal at feudal ng halagahang pangkultura sa lipunang Filipino ngayon. Sa kaayusang ito, nasa
taluktok ng kaayusan ang pagsamba sa imported at sa anumang mula sa sentro ng makabagong kultura,
na kinakatawan ng kulturang mula sa Estados Unidos. Pangunahing tagapagtaguyod ng halagahang ito
ang pang-itaas na saray ng lipunang Filipino na pinangungunahan ng mga edukado't mariwasa.
Dumadaloy paibaba hanggang sa pinakamababang saray ng mangmang at maralita ang halagahang ito
ultimong sa pamamagitan ng pagbili ng peke katumbas ng totoong imported. Sa ganito maipaliliwanag
pagbili ng peke katumbas ng totoong imported. Sa ganito maipaliliwanag kung bakit higit na bibili ng
bestseller na imported ang mga edukado sa Ingles kaysa bumasa ng nobelang Ingles ng isang nobelistang
Filipino. Kung bakit aambisyunin din ito ng isang pobreng may kakayahang bumasa kaya magtitiyagang
maghalungkat sa tindahan ng segunda manong librong Ingles kaysa bumili ng nobelang nakasulat sa
katutubong wika. Kung bakit sakaling bumasa ng aklat na sinulat ng Filipino ay nakabatay pa rin ang
pagpapahalaga ng mambabasa, mayaman man o mahirap, sa ipinalalagay na magandang katangian ng
popular na aklat sa Amerika.

Marami pang barsasyon, at lubhang hahaba ang aking talakay kapag isa-isang hinimay ang mga
manipestasyon ng ganitong halagahang pangkultura alinsunod sa pag-iral ng kaayusang kolonyal at
feudal. Biktima ng ganitong edukasyon kahit ang mayorya ng mga guro't administrador ng mga paaralan,
at lalo na ang mga opisyal ng DepEd at CHED.
Napakabigat sapagkat sistematiko ang problema. Sa gayon,kailangan ang sistematikong reoryentasyon
upang maitanim at malinang ang mga halagahang pangkultura na tatangkilik sa pambansang panitikan.
Hindi ito basta pag-aatas ng DepEd na magbasa at magsuri ng 10 nobela ang mga estudyante sa mataas
na paaralan. Hindi ito basta pagtatatag ng aktibong book club ng kabataan at katandaan sa buong bansa.
Hindi ito basta pagbibigay ng higit na espasyo sa mass media para sa mga aklat at gawaing literasi. Hindi
ito basta pagtatanghal ng mga sikat na artista sa mga I Read Books poster at bilbord. Hindi itobasta pag-
order ng ilang libong kopya ng aklat pampanitikan para sa mga aklatan. Hindi ito basta pagbibigay ng
parangal at gantimpala sa pinakamahusay na nobela ng taon at paggarantiya na bibilhin ito ng mga
layraryan. Hindi ito basta pagtatanghal ng mga natatanging aklat sa National Bookstore. Kailangan ang
lahat ng ito. Kailangan ang tulong-tulong na pagtataguyod sa mga ito ng mga manunulat,samahan ng
mga pabliser at bookseller,samahan ng mga laybraryan,samahan ng mga kritiko't guro ng
panitikan,samahan ng mga peryodista, brodkaster,t adbertayser, samahan ng mga negosyante't
bangkero,National Book Development Board, kahit samahan ng mga kolektor ng antik,atbp. Kailangan
ang pasiyang pampolitika ng mga lider at pinuno ng bansa upang isaayos ang sistemang pampolitika't
pangkabuhayan na magtataguyod sa pagbabago ng kabuuang halagahang pangkultura ng Filipinas. Kung
maari,kailangan ang lubos na paglahok ng Hukbong Sandatahan,ng PNP,ng Korte Suprema, at ng mga
kapisanang baranggay sa buong kapuluan, kahut na NPA at MILF, upang isulong ang pambansang
programa sa pagbabasa kahit sa loob lamang ng limang taon. Limang taon lamang. Limang taon lamang
at isang himala ang magaganap sa Filipinas-- nagbabaon ng aklat ang magsasaka at pulis pagpunta sa
trabaho,pumipila ang madla sa booklaunch ng makata, agawan ang mga tao sa bagong libro sa library, at
higit na malaki ang Filipiniana kaysa imported books s National Bookstore.

At himala ng mga himala: Higit na may pag-asa ang bansang nagbabasa. Higit na umuunlad ang
bumubuklat ng aklat.

You might also like