You are on page 1of 1

Peralta, Coeli Mae L.

11/21/2021
BPA 3-1 Panitikang Filipino

Bago ang lahat, sisimulan ko ang pagsusulat ng aking sanaysay sa pagbibigay ng aking sariling
depinisyon ng Panitikan. Ito ay hindi lamang isang anyo ng sulatin at kwento. Ang panitikan ay isang
sandaigdigan kung saan ang manunulat ay mayroong mensahe para sa kaniyang magbabasa sa
pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang imahinasyon. Maraming kagandahan ang panitikan. Ang laman
nito ay mayroong dalawang pinanggagalingan: ang mensahe ng manunulat at ang interpretasyon ng
magbabasa. Ang panitikan ay isang uri ng likhang sining at katulad nito ay mayroong iba’t ibang
pananaw ang madla rito. Malapit ang pagpapaliwanag ko ng panitikan sa ibinahagi ng aming guro sa
nakaraang pagpupulong kung saan naisaad niya na ang panitikan ang malikhaing paraan ng pagsisiwalat
ng manunulat sa kaniyang karanasan at pamumuhay. Ang panitikan ay isa ring instrumento sa
pagpapanatili ng kasaysayan ng Pilipinas.
Mula sa maikling kuwento ni U Z. Eliserio, maaaring may malikhaing paggamit sa likod ng
salitang bunga o maaaring wala naman itong kabuluhan. Sa aking pagbabasa ay unang naipakilala ng
manunulat ang karakter na si Guibuan at ang kaniyang kapatid na si Alisot. Mula sa pamagat ng maikling
kuwento na ito, “Ilang Eksena Mula sa Pre-kolonyal na Pilipinas” ay kahit sino pa mang magbabasa ay
makakabuo ng palaisipan na gaganapin ang storyang ito sa panahon ng mga Datu, Rajah, Babaylan at
kung ano pang mga tema sa pre-kolonyal na kapaligiran ng Pilipinas. Ngunit sa aking pagpapatuloy sa
pagbabasa ay unti-unti kong napapagtanto na ang gamit na wikang Filipino ay nasa anyong kolokyal.
Bagamat ito ay ginaganap sa pre-kolonyal na panahon ay ang kaugalian at pagkatao naman ng mga
Pilipino sa kuwentong ito ay makabago. Narito na rin ang mensahe ang pagkakaroon ng kamalayang
sekswal at ang mga nang-aabuso nito. Dito mo makikita ang pagiging instrumento nito sa pagpapanatili
ng kasaysayan sa pamamaraang makakaunawa ang kasulukuyang henerasyon, at muling maisasalin ng
mga darating na henerasyon. Naiingatan ang ating kultura at sagisag ng pagka-Pilipino sa paraang hindi
mapag-iiwanan o makakainip sa isip ng isang modernong Pilipino.
Gayon na lamang ang mensahe na ipinaparating ng dokumentaryong handog ni Kara David na
mayroong pamagat na Ang Huling Prinsesa. Sapagkat ang ating madalas na napag-aaralang mga
tagapamahala ng ating bansa ay ang mga may tatak na Pangulo, nais ipakilala ng dokumentaryong ito ang
mga binukot o ang mga pawang prinsesa ng Pilipinas sa panahon ng pre-kolonyal. Ang binukot ay ang
tinatratong pinakamagandang babaeng anak sa punong tribo. Sa kanyang paglabas ng bahay ay hindi ito
maaaring basta-basta na lamang naglalakad gamit ang kaniyang mga paa. Dapat siyang nakaupo sa isang
duyan at binubuhat hanggang siya’y makarating sa pinaroroonan. Pinaniniwalaan rin na ang binukot ay
mayroong kapangyarihan sa pag-aani. Sa pagpasyal ni Kara sa Capiz, at sa iba pang lugar ay naipalabas
na sa kasalukuyan ay mayroon pa ring natirang mga binukot ngunit ang kanilang estadong prinsesa ay
hindi na ipinapairal. Ang sabi nilang kahinaan nila ay ang paglaki nilang nakabukod sa mga ordinaryong
mamamayan ngunit sa kabila noon ay dapat natin silang maipagmalaki bilang retaso at nalalabing
katibayan ng ating magandang kultura na sa atin ay nanakaw nang hindi inaasahan.
Muli, ito ang kagandahan ng panitikan. Ipinapahatid nito sa atin ang isang daigdig na puno ng
imahinasyon, pagkamalikhain at pinaka-importante sa lahat, kasaysayan. Bagamat ang panitikan ay hindi
namamatay ngunit nagbabago lamang, dapat nating ipagpatuloy ang pagbuo ng pananaw na maipapamana
natin sa mga darating na Pilipino.

You might also like