You are on page 1of 2

EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 8

Week 3 (3rd Quarter)

I. PAKSA: PAGGAWA NG MABUTI SA KAPWA

II. Layunin:
Sa modyul na ito, inaasahang maipapamalas mo ang sumusunod na kaalaman,
kakayahan, at pag unawa:
 nagugunita ang mga kabutihang ginawa sa kapwa;
 natutukoy ang mga pangangailangan ng iba’t ibang uri ng tao at nilalaang na maaaring
tugunan ng kabataan; at
 naisasagawa ang mga angkop na kilos sa isang mabuting gawaing tumutugon sa pangangailangan ng
kapwa.

III. Nilalaman

Mabuti Ka Ba sa Iyong Kapwa?


Ang buhay dito sa mundo ay masasabing walang katiyakan. Iniluwal ang bawat nilalang sa oras nang
walang nakaaalam at ang buhay na kaloob na ito ay maaaring mawala o bawiin sa takdang oras. Kaya
naman nararapat na gawin ng tao ang kaniyang tungkulin habang naririto siya sa mundong ibabaw. Isa na
sa kaniyang moral na tungkulin ay ang pagpapamalas ng kabutihan o kagandahang-loob sa kapwa.

Sa kasalukuyang panahon, maririnig at mapapanood sa mga balita ang tungkol sa iba’t ibang krimeng
nagaganap sa ating bansa at sa buong mundo. Sa Tsina halimbawa, isang munting bata ang hinayaang
masagasaan ng sasakyan at walang pakundangang iniwan sa daan. Dito naman sa ating bansa noong nakaraang
taon, isang MMDA traffic enforcer ang pinagalitan at sinaktan ng isang pribadong mamamayan. Sa isa pang
kaganapan, isang bata na nasa unang baitang ang napatay ng isa ring mag-aaral na nasa ika-limang baitang nang
dahil lamang sa paglalaro ng holen. At ang huli, isang kasambahay ang minaltrato ng kaniyang amo sa
pamamagitan ng pagplantsa ng kaniyang mukha, pagkukulong dito, at pagpapakain ng sirang pagkain.

Tila nagiging mahirap ng magpakabuti o magpakita ng kagandahang-loob sa kapwa. Tunay na bang nawala
ang kabutihan o kagandahang-loob dito sa mundo? Napakasakit matunghayan at maramdaman na may mga
pangyayaring ganito.
Ang kabutihan o kagandahang-loob ay isa sa mahirap unawain at maisabuhay lalo na kung ang
pakikipagkapwa ang tatalakayin. Ano nga ba ang kahulugan ng kabutihan o kagandahang-loob? Ano ang
kinalaman nito sa pakikipagkapwa?

Kahulugan ng Kabutihan o Kagandahang-loob


Ang salitang kabutihan o kagandahang-loob ay magkasingkahulugan. Ang una ay hango sa salitang-
ugat na buti na nangangahulugang kaaya-aya, kaayusan, at kabaitan. Ang kagandahang-loob naman ay
hango sa dalawang payak na salita na ganda at loob. Ang loob ay tumutukoy sa “inner self o real self”. Ang
“inner or real self” na tinatawag ay ang kakanyahan ng tao. Dito sa “inner self” na ito naroon ang tunay na
kahalagahan o silbi ng isang tao. At ayon sa ilang may-akda, ang lahat ng mga pagpapahalaga at birtud ng
tao ay bumubukal sa kabutihan o kagandahang-loob.

Kaligayahan, Kabutihan, o Kagandahang-loob ayon sa Etika ni Aristoteles (Aristotle)


Binigyang-lalim ni Aristoteles, isang Griyegong pilosopo ang naisaad na kahulugan ng kabutihan o
kagandahang-loob. Siya ay mag-aaral ni Platon at guro ni Alexander the Great. Ang kaniyang pilosopiya ay
nagkaroon ng pangmatagalang impluwensya sa pag-unlad ng lahat ng “Western philosophy”.

Isa sa mga etikang naisulat ni Aritoteles ay ang Etika Nikomakiya. Dito sa nabanggit na etika ay
tinalakay niya ang kaligayahan. Bago niya pinalawig ang tungkol sa kaligayahan, binigyang-diin niya ku
ng ano ang pagpapakatao. Ayon sa kaniya, hindi ang pagsunod sa mga iniidolo nakasalig ang pagiging tao
na tao. Ang pagpapakatao ay nag-uugat sa kalikasan niyang magpakatao at ang pagkilos na may layunin
(telos).
Para kay Aristoteles, ang “ultimate end” o huling layunin ng tao ay ang kaligayahan. Pero saan ba natin
matatagpuan ang kaligayahan? Ang kaligayahan ay maaaring nasa kasarapan, karangyaan o yaman sa
buhay. Ito ay nasa karangalan na maibibigay ng ibang tao. At ang kaligayahan ay maaaring nasa birtud na
moral. Kailangan ba natin ang mga ito?

Kinakailangan pa rin ng tao ang kasarapan, karangalan at moral na birtud ngunit isaisip na ang
kaligayahan ay may angking katangian. Ito ay pangmatagalan, may kasarinlan, aktibo at panghabang-
buhay. Mula sa mga katangian na nabanggit, dito makikita na ang layuning makagawa ng maganda o
mabuti ay ang magbibigay ng kaligayahan sa tao. Ang tao ay magiging lubos ang pagpapakatao kung siya
ay makikipagkapwa-tao.

Ang kagandahang-loob sa kapwa ay isang ekspresyon ng kagandahan ng buhay. Ang kabutihan o


kagandahang-loob ay maipaliliwanag sa iba’t ibang pagkaunawa:

1. Ang tao ay nilikhang kawangis ng Diyos na manlilikha. Ang kagandahang-loob o kabutihan ay likas na
kaloob ng Diyos sa tao. Kaya naman ang tao ay pinagkalooban ng ispiritwal at materyal na kabutihan.
2. Ang kabutihan o kagandahang-loob ay ang pinag-uugatan ng mabuti at magandang pag-iisip,
damdamin, at gawa ng tao habang namumuhay ito nang matiwasay.
3. Ang kabutihan o kagandahang-loob ay hindi magiging ganap kung hindi ito maipamamalas sa iba. Ito
ay
nararapat na magmula sa kalooban at maibahagi sa kapwa para sa kabutihang panlahat.
4. Ang kabutihan o kagandahang-loob at mabuting buhay ay nakasalalay sa antas ng kamalayan o
pang-unawa kung ano nga ba talaga ang mabuti. (Alejo,1990 )

Ang Kabutihan o Kagandahang-Loob sa Kapwa


Ang tao upang maging makatao ay nararapat na tunay na mabuti sa kapwa. Ang kagandahang-loob ay
hindi patungkol sa sarili lamang. Sa halip, ito ay patungo sa kabutihang panlahat. Ang tunay na paggawa ng
kabutihan o kagandahang-loob ay nangangailangan ng pagsasakripisyo. Dumarating sa punto na kailangang
kalimutan mo ang sarili alang-alang sa ikabubuti ng iba.

IV. Gawain:
A. Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

1. Magbigay ng isang tao na natulungan mo at kung ano ang epekto ng pagtulong mo sa kanyang buhay.
2. Bakit mahalaga ang paggawa ng kabutihan sa kapwa?
3. Ano ang pakiramdam mo kapag may natutulungan kang tao?
4. May hangganan baa ng paggawa ng kabutihan? Ipaliwanag.

B. Magtala ng tiglilimang bagay na maari mong maitulong sa mga sumusunod:

1. Magulang
2. Kapatid
3. Kaibigan
4. Kaklase

V. Takdang Aralin
Ano ang kahalagahan ng katapatan?

VI. Sanggunian:

Edakasyon sa pagpapakatao. Modyul para sa Mag-aaral

You might also like