You are on page 1of 16

7

Republika ng Pilipinas
Kagawaran ng Edukasyon
Rehiyon III
SANGAY NG ZAMBALES

FILIPINO
Kagamitan sa Pinatnubayang
Kasanayang Pampagkatuto
Panandang Anaporik
at Kataporik ng Pangngalan
Ikatlong Markahan – Ikalawang Linggo
(Aralin 1)
FILIPINO – Ikapitong Baitang
Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto
Panandang Anaporik at Kataporik ng Pangngalan
Ikatlong Markahan – Ikalawang Linggo (Aralin 1)

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayonpaman, kailangan
muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung
ito ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan
ay ang pagtakda ng kaukulang bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand name,
tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito ay
nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang
makuha ang pahintulot sa paggamit ng kagamitan. Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala
at mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anomang gamit maliban sa modyul na ito
ay kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga ito. Walang
anomang parte nito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa anomang paraan nang walang
pahintulot sa Kagawaran.
Bumuo sa Pagsulat ng Kagamitan
sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto
Manunulat: Veronica D. Atienza
Editor: Milagros A. Hipolito
Tagasuri: Marie Ann C. Ligsay PhD
Zaldy B. Millanes
Bryan M. Balintec
Tagaguhit: Jonas B. Navarro
Tagalapat: Bryan M. Balintec
Tagapamahala: Ma. Editha R. Caparas EdD
Leonardo D. Zapanta EdD, CESO V
Michelle A. Mejica EdD
Manolito B. Basilio EdD
Ma. Lilybeth M. Bacolor EdD
Garry M. Achacoso
Rachelle C. Diviva
Inilimbag sa Republika ng Pilipinas ng Kagawaran ng Edukasyon
Rehiyon III
Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales
Zone 6, Iba, Zambales
Tel./Fax No. (047) 602 1391
E-mail Address: zambales@deped.gov.ph
Website: www.depedzambales.ph
Panandang Anaporik
at Kataporik ng Pangngalan

Panimula

Kumusta ka? Batid kong noong nakaraang linggo ay natutuhan mo ang


isang bagong kasanayan. Para sa linggong ito ay isang kagamitang pampagkatuto
ang idinisenyo para sa iyo upang linangin naman ang iyong kasanayan sa
paggamit ng mga pananda bilang panghalili sa mga pangngalan.

Mahalaga ang gampanin ng mga pangngalan sa pagbuo ng pangungusap.


Sa araw-araw na pakikipag-usap o komunikasyon, gumagamit tayo ng iba’t ibang
ngalan ng tao, bagay, hayop, lugar at pangyayari. Kaakibat ng mga pangngalang
ito ang mga panghalip na ginagamit natin bilang pamalit sa pangngalan na ating
tinutukoy, binabanggit o ginagamit. Mahalagang matutuhan mo ang wastong
gamit ng mga panandang ito upang maiwasan ang paulit-ulit na pagbanggit sa
mga tinutukoy na pangngalan. Makatutulong din ang mga ito upang mas maging
mabisa ang ating pakikipagtalastasan sa pang-araw-araw na buhay.

Handa ka na ba sa panibagong kaalamang iyong matututuhan? Ihanda mo


na ang iyong sarili sa pag-aaral ng mga panandang anaporik at kataporik ng
pangngalan. Inaasahan din na sa pagtatapos ng kasanayang pampagkatuto na ito
ay makasusulat ka ng isang talata tungkol sa iyong karanasan at magagamit mo
nang wasto ang mga panandang anaporik at kataporik ng pangngalan.

Kasanayang Pampagkatuto

Nagagamit ang mga wastong panandang anaporik at kataporik ng


pangngalan. (F7WG-IIIh-i-16)

1|Pahina
Mga Layunin

Sa pagtatapos ng Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto


na ito, ikaw ay inaasahang:

1. natutukoy ang mga panandang anaporik at kataporik ng pangngalan na


ginamit sa kuwentong binasa;
2. nailalapat ang wastong mga panandang anaporik at kataporik ng
pangngalan sa pagbuo ng pangungusap; at
3. nagagamit ang mga panandang anaporik at kataporik ng pangngalan sa
pagsulat ng talata.

Balik-Aral

Sa nakaraang aralin ay nalinang ang iyong kasanayan sa pagbibigay ng


kahulugan ng salita sa pamamagitan ng pagpapangkat, batay sa konteksto ng
pangungusap, denotasyon, konotasyon at ayon sa kasingkahulugan at kasalungat
nito. Bago ka magpatuloy sa panibagong aralin ay magbalik-aral tayo sa mga
natutuhan mo noong nakaraang linggo.
Panuto: Isulat ang K kung konotasyon, D kung denotasyon at KS kung kasalungat
ang nakatala sa bawat bilang. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.
______ 1. gintong kutsara – mayaman
______ 2. hanapbuhay – trabaho
______ 3. malaki – maliit
______ 4. halimuyak – bango
______ 5. buwaya – taong makasarili at sakim
______ 6. puti – itim
______ 7. aralin – leksiyon
______ 8. dapit-hapon – pagtanda
______ 9. araw – bahagi ng solar system na nagbibigay ng liwanag sa atin
______ 10. malasa – matabang

2|Pahina
Mahusay! Nagawa mong kilalanin ang iba’t ibang pamamaraan sa pagbibigay ng
kahulugan. Ngayon ay unawain mo sa susunod na bahagi ang pagtalakay sa
bagong aralin, ang gamit ng mga panandang anaporik at kataporik ng pangngalan.

Pagtalakay sa Paksa

Panuto: Basahin at unawain ang isang maikling kuwento tungkol sa pagbibigay at


pagbabahagi sa kapuwa. Bigyang-pansin ang mga salitang may salungguhit na
nakapaloob sa kuwento.

Recess Time
ni Veronica D. Atienza, San Guillermo NHS

Hindi lamang iisang


beses ko siyang nakitang
umalis sa silid-aralan sa
tuwing tutunog ang bell na
hudyat ng recess time.
Palaging ginagawa iyon ni
Jun. Sa tuwing ililibot ko ang
aking paningin sa loob ng
aming silid-aralan pagpatak
ng oras na iyon, masasayang
mukha ang aking nakikita.
Maging ako ay nakararamdam
ng tuwa sapagkat
nagkakaroon kami ng saglit
na pahinga mula sa aming mga aralin. Iyon din ay ilang sandali ng kasiyahan
dahil mabubusog na naman ang aming mga tiyan ng mga baon naming pagkain.
Ang oras na iyon ay napupuno ng kanilang malalakas na tawanan at kuwentohan
kasabay ng bawat subo at nguya sa mga baong pagkain ng aking mga kamag-aral.
Halos kaming lahat ay masaya maliban lamang kay Jun.

Si Jun ang pinakatahimik sa aming klase. Halos hindi siya umiimik. Payat
ang kaniyang pangangatawan at lagi na lamang siyang matamlay. Ang maiilap
niyang mga mata ay agad niyang iniiwas sa sinomang mapapatingin sa kaniya at
bakas sa mga ito ang kalungkutan. Taliwas sa masasayang mukha na aking
nakikita tuwing recess time, ang kay Jun ay malungkot. Tila ba hindi siya masaya
sa tuwing kakain na ng masasarap na pagkain kasabay ng masasayang
kuwentohan at tawanan.

3|Pahina
Kapag tumunog na ang bell ay agad siyang tatayo mula sa kaniyang upuan
at lalabas ng aming silid-aralan. Pagkalipas ng recess time ay babalik siya sa
aming silid-aralan at uupong muli nang tahimik sa kaniyang upuan.

Hindi ko man sinasadya ay napuna ko ang paulit-ulit na gawaing iyon ni


Jun. Naisip ko tuloy na baka ayaw niya kaming kasabay sa pagkain. Siguro ay
naiingayan si Jun sa amin kaya sa tuwing tutunog ang bell ay mas pinipili niyang
lumabas ng silid-aralan. Sa hardin ng aming paaralan ay pinalilipas niya ang
recess time at marahil ay doon din niya inuubos ang kaniyang baon.

Dala na rin ng labis na pagtataka, isang araw ay palihim ko siyang


sinundan paglabas niya sa silid-aralan. Mabilis kong dinampot ang aking baonan
at binitbit ko ito habang dahan-dahan ko siyang sinusundan papunta sa hardin.
Habang ako ay nagkukubli sa mga halaman upang hindi niya ako mapansin,
nasaksihan ko ang pagbukas niya sa lalagyan ng kaniyang pagkain. Dahan-dahan
niya itong binuksan at nakita ko na wala naman itong laman. Nakaramdam ako ng
lungkot mula sa aking kinatatayuan sa nasaksihan kong iyon. Lalo pa akong
nalungkot nang makita kong mula sa kaniyang kinauupuan ay tumayo si Jun at
nagtungo sa gripo malapit sa hardin. Ilang beses siyang uminom ng malinis na
tubig na mula sa gripo at palagay ko ay pilit niyang binubusog ang sarili sa
pamamagitan nito.

Matinding habag ang


naramdaman ko para kay
Jun ng mga sandaling iyon.
Iyon pala ang dahilan ng
paglabas niya tuwing
sasapit ang recess time.
Wala siyang baong pagkain.
Sinulyapan ko ang dala
kong baonan at dahan-
dahan akong naglakad
patungo sa kinaroroonan
niya. Bakas sa kaniyang
mukha ang pagkagulat sa
aking presensiya ngunit agad akong ngumiti kay Jun sabay abot ng pagkain mula
sa aking baonan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko ang saya sa
kaniyang mukha habang nagpipigil ng kaniyang mga luha. Masaya naming
pinagsaluhan ang aking baon bagaman nararamdaman kong nahihiya pa rin siya
sa akin.

4|Pahina
Nakapagtataka, ngunit tila higit na mas naging malinamnam ang aking
pagkain ng mga sandaling iyon gayong may mga pagkakataong nananawa na ako
sa lasa ng mga ito. Hindi ko rin mawari kung bakit higit na mas busog ang
pakiramdam ng aking puso kaysa sa aking tiyan nang mga oras na iyon.

Mga Gabay na Tanong


Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa sagutang papel.

1. Ano ang katotohanang natuklasan ng nagsasalaysay tungkol sa palaging


paglabas ni Jun tuwing sasapit ang recess time?
2. Anong damdamin ang namayani sa iyo matapos mong basahin ang kuwento?
3. Pansinin ang mga salitang may salungguhit sa ilang pangungusap sa kuwento.
Ano-ano ang tawag sa mga ito?
4. Alin sa mga pangungusap na may sinalungguhitang salita ang ginamitan ng
pangngalan sa unahan at panghalip sa hulihan bilang panghalili rito? Alin
naman ang ginamitan ng panghalip sa unahan at pangngalan sa hulihan?
5. Naiwasan ba ang pag-uulit ng pangngalan sa tulong ng mga panghalip sa loob
ng kuwento? Patunayan ang iyong sagot.
_________________________________________________________________________________

Panandang Anaporik at Kataporik ng Pangngalan

Ang mga pangngalan ay may mga pananda na ginagamit sa pangungusap


upang ang mga ito ay hindi na muling babanggitin sa pangungusap. Ito ay mga
salita na nakakawing sa mga salita, parirala o sugnay.
Maiiwasan ang pag-uulit sa pangngalan kung gagamit ng mga panghalip
tulad ng siya, sila, niya, tayo, kanila, kaniya at iba pa bilang panghalili sa ngalan
ng tao. Ginagamit naman ang mga pananda o panghalip na ito, iyon, dito, rito,
doon, roon at iba pa bilang pananda o panghalili sa ngalan ng bagay, lugar, hayop
o pangyayari.

1. Anaporik o Anapora - Ang panghalip ay nasa hulihan bilang pananda sa


pinalitang pangngalang binanggit sa unahan ng teksto o pahayag.

Mga Halimbawa:
a. Si Jun ang pinakatahimik sa aming klase. Halos hindi siya umiimik.
b. Sa hardin ng aming paaralan ay pinalilipas niya ang recess time at marahil
ay doon din niya inuubos ang kaniyang baon.

2. Kataporik o Katapora - Panghalip na ginagamit sa unahan ng teksto o pahayag


bilang pananda sa pinalitang pangngalan sa hulihan ng teksto o pahayag.

5|Pahina
Mga Halimbawa:
a. Hindi lamang iisang beses ko siyang nakitang umalis sa aming silid-aralan sa
tuwing tutunog ang bell na hudyat ng recess time. Palaging ginagawa iyon ni
Jun.
b. Ang oras na iyon ay napupuno ng kanilang malalakas na tawanan at
kuwentohan kasabay ng bawat subo at nguya sa mga baong pagkain ng aking
mga kamag-aral.

Narito ang iba pang halimbawa at paliwanag upang higit mong maunawaan ang
mga panandang anaporik at kataporik ng pangngalan:

• Anaporik

Mga Halimbawa:
1. Nakamamangha ang lungsod ng Maynila dahil maraming
nagtataasang gusali na makikita roon.

Paliwanag:
Sa pangungusap na ito, dalawa ang mga salitang tumutukoy sa
ngalan ng lugar, ang pangngalang Maynila at panghalip na roon.
Nauuna ang pangngalang Maynila sa panghalip na roon na humalili rito
kaya ang pahayag ay nasa anyong anaporik.

2. Si Gabriela Silang ay tinaguriang ‘Unang Babaeng Martir’ dahil sa


katapangan at kagitingang ipinamalas niya para sa bansa.

Paliwanag:
Sa pangungusap na ito, dalawa ang mga salitang tumutukoy sa
ngalan ng tao, ang pangngalang Gabriela Silang at panghalip na niya.
Nauuna ang pangngalang Gabriela Silang sa panghalip na niya na
humalili rito kaya ang pahayag ay nasa anyong anaporik.

• Kataporik

Mga Halimbawa:
1. Hindi matatawaran ang kanilang sakripisyo sa panahon ng pandemya
kaya naman, itinuturing na bagong bayani ang mga doktor at nars.

Paliwanag:
Sa pangungusap na ito, dalawa ang mga salitang tumutukoy sa
ngalan ng tao, ang panghalip na kanila at pangngalang doktor at nars.

6|Pahina
Nauuna ang panghalip na kanila na humalili sa pangngalang doktor at
nars kaya ang pahayag ay nasa anyong kataporik.

2. Dahil sa magagandang lugar at tanawin na matatagpuan dito, dinarayo


ng mga turista ang lalawigan ng Zambales.

Paliwanag:
Sa pangungusap na ito, dalawa ang mga salitang tumutukoy sa
ngalan ng lugar, ang panghalip na dito at pangngalang Zambales.
Nauuna ang panghalip na dito na humalili sa pangngalang Zambales
kaya ang pahayag ay nasa anyong kataporik.

Naunawaan mo na ba ang gamit ng mga panandang anaporik at kataporik


ng pangngalan? Ngayong may kaalaman ka na tungkol sa paksang ito, subukin
mong sagutan ang mga sumusunod na gawain. Paghusayan mo ang iyong
pagsagot. Kaya mo iyan!

Gawain

Pinatnubayang Pagsasanay 1
Panuto: Itala sa talahanayan ang iba pang pangungusap mula sa binasang
kuwentong ‘Recess Time’ na ginamitan ng mga panandang anaporik at kataporik
ng pangngalan. Salungguhitan ang panghalip na ginamit at ang pinalitang
pangngalan. Pagkatapos ay lagyan ng tsek ( ) ang kolum kung ang pananda ay
anaporik o kataporik. Gawing gabay ang halimbawang ibinigay. Isulat ang sagot sa
sagutang papel.

Pangungusap mula sa Kuwento Anaporik Kataporik


Halimbawa:
Si Jun ang pinakatahimik sa aming
klase. Halos hindi siya umiimik.
1.
2.
3.
4.
5.

7|Pahina
Pinatnubayang Pagsasanay 2
Panuto: Tukuyin kung ang panandang ginamit sa pangungusap sa bawat bilang ay
Anaporik o Kataporik. Isulat ang sagot sa sagutang papel.
_______________ 1. Nangungulila man sa kanilang mga pamilya ay patuloy pa rin
ang pagpapakasakit ng mga Overseas Filipino Workers sa ibang
bansa.
_______________ 2. Nagkamit ng karangalan si Sally dahil matataas ang kaniyang
mga grado sa lahat ng asignatura.
_______________ 3. Ang Araw ng Kalayaan ay dapat na pahalagahan sapagkat
patuloy itong nagpapaalala sa ginawang pagpapakasakit ng
mga bayani upang makamit ang ating kalayaan.
_______________ 4. Walang katulad ang ganda ng lugar na ito kaya patuloy na
dinarayo ng mga turista ang Palawan.
_______________ 5. Tanyag ang lalawigan ng Zambales dahil sa mga produktong
mabibili rito tulad ng matatamis na mangga.
_______________ 6. Ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan kaya nararapat
lamang na maging mabuting impluwensiya ang mga
nakatatanda para sa kanila.
_______________ 7. Patuloy siyang nagsusumikap sapagkat nais ni Joy na
mabigyan ng maginhawang buhay ang pamilya.
_______________ 8. Hinahangaan tayo sa buong mundo sapagkat kilala ang mga
Pilipino sa pagiging masipag at pagkakaroon ng kakaibang
talento.
_______________ 9. Ang ating mga magulang ang nag-aruga sa atin kaya dapat ay
alagaan natin sila sa kanilang pagtanda.
_______________ 10. Dapat nating ingatan ang kalikasan sapagkat ang ating
ikinabubuhay ay nagmumula rito.

8|Pahina
Pang-isahang Pagsasanay
Panuto: Gumamit ng wastong panandang anaporik o kataporik ng pangngalan
upang mabuo ang pangungusap sa bawat bilang. Isulat ang sagot sa sagutang
papel.
1. Masayang ipinagdiriwang ang okasyong __________________ saan mang panig
ng mundo dahil ang Bagong Taon ay simbolo ng panibagong buhay at pag-asa.
2. Hindi alintana ng mga magulang ang hirap sa paghahanapbuhay masiguro
lamang ang magandang kinabukasan para sa __________________ mga anak.
3. Maagang pumalaot ang mangingisda upang makahuli __________________ ng
maraming isda.
4. Maraming pumapasyal sa Luneta Park sapagkat nais nilang makita ang
bantayog ni Dr. Jose P. Rizal na nakatayo __________________.
5. Dapat __________________ parangalan at kilalanin dahil hindi matatawaran ang
pagpapakasakit ng mga bagong bayani ng ating bayan.
6. Hindi __________________ magpapatalo sa mga hamon ng buhay sapagkat ang
mga Pilipino ay matapang na humaharap sa anomang pagsubok.
7. Nagsusumikap si Mark sa pag-aaral nang sa gayon ay matupad ang lahat ng
__________________ minimithi sa buhay.
8. Ang mga hayop ay dapat na inaalagaan at hindi pinagmamalupitan sapagkat
__________________ ay may buhay din tulad ng tao.
9. Hindi malilihis ang landas ng mga kabataang marunong makinig sa payo ng
__________________ mga magulang.
10. Payapa at simple ang buhay sa probinsiya kaya naman marami ang nais na
manirahan __________________.

Pagsusulit

Panuto: Sumulat ng isang talata na nagsasalaysay ng iyong sariling karanasang


may kaugnayan sa pagbibigay o pagbabahagi sa kapuwa tulad ng iyong nabasa sa
kuwentong ‘Recess Time’. Gumamit ng mga panandang anaporik at kataporik ng
pangngalan at salungguhitan ang mga ito. Isulat ang talata sa iyong papel.

9|Pahina
Pamantayan sa Pagsulat at Pagmamarka sa Talata
1. Wasto ang gamit ng mga panandang
anaporik at kataporik ng 10 puntos
pangngalan.
2. May simula, gitna at wakas. 4 puntos
3. May kaugnayan sa paksa ang
4 puntos
nilalaman.
4. Malinis ang gawain. 2 puntos
Kabuoan: 20 puntos

Pangwakas

Panuto: Ilahad mo ang iyong mga natutuhan tungkol sa gamit ng mga panandang
anaporik at kataporik ng pangngalan sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong.
Isulat ang sagot sa sagutang papel.

Sagot:
Ano ang kahalagahan
ng paggamit ng mga
panandang anaporik
at kataporik ng
pangngalan?

Paano nakatutulong
ang paggamit ng mga
panandang anaporik
at kataporik ng
pangngalan sa
pagkukuwento o
pagsasalaysay?

10 | P a h i n a
Mga Sanggunian

Api-it, Marilyn S., Ma. Teresa P. Barcelo, Asuncion B. Bola, Christopher G.


Francisco, Nemia G. Gajo, Arnesto Jr. U. Natividad, Geraldine V. Nones,
Kent Mike S.A. San Juan, Jocelyn C. Trinidad, and Bennedick T. Viola.
2017. Panitikang Rehiyonal 7. Pasig City: Kagawaran ng Edukasyon.
Accessed 12 16, 2020.
https://www.scribd.com/document/381110746/Panitikang-Rehiyonal-LM-
FILIPINO-7.

Department of Education. 2020. "Deped Commons." Deped. Accessed 2020.


https://commons.deped.gov.ph/K-to-12-MELCS-with-CG-Codes.pdf.

11 | P a h i n a
12 | P a h i n a
Balik-Aral
1. K Pang-isahang Pagsasanay
2. D (Mga posibleng sagot)
3. KS 1. ito
4. D 2. kanilang
5. K 3. siya
6. KS 4. roon/rito
7. D 5. silang
8. K 6. tayo
9. D 7. kaniyang
10. KS 8. sila
9. kanilang
Gawain 10. dito/doon
Pinatnubayang Pagsasanay 1
Pagsusulit
1. Ang maiilap niyang mga mata ay agad May kaniya-kaniyang sagot ang mga mag-
niyang iniiwas sa sinomang mapapatingin sa aaral.
kaniya at bakas sa mga ito ang kalungkutan.
Anaporik Pangwakas
May kaniya-kaniyang sagot ang mga mag-
2. Mabilis kong dinampot ang aking baonan aaral.
at binitbit ko ito habang dahan-dahan ko
siyang sinusundan papunta sa hardin.
Anaporik
3. Mas lalo pa akong nalungkot nang makita
kong mula sa kaniyang kinauupuan ay
tumayo si Jun at nagtungo sa gripo malapit
sa hardin.
Kataporik
4. Ilang beses siyang uminom ng malinis na
tubig na mula sa gripo at palagay ko’y pilit
niyang binubusog ang sarili sa pamamagitan
nito.
Anaporik
5. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat
sa aking presensiya ngunit agad akong
ngumiti kay Jun sabay abot ng pagkain mula
sa aking baonan.
Kataporik
Pinatnubayang Pagsasanay 2
1. Kataporik 6. Anaporik
2. Anaporik 7. Kataporik
3. Anaporik 8. Kataporik
4. Kataporik 9. Anaporik
5. Anaporik 10. Anaporik
Susi sa Pagwawasto
Pasasalamat
Ipinaaabot ng Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales ang
taos-pusong pasasalamat sa mga sumusunod, na nakapag-ambag ng tagumpay
para sa paghahanda, pag-unlad, pagtiyak ng kalidad, paglimbag at pamamahagi
ng Ikatlong Markahang Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto
sa lahat ng asignatura sa iba’t ibang antas bilang tugon sa pagbibigay sa mag-
aaral ng naaangkop na kagamitang pampagkatuto hango sa Pinakamahalagang
Kasanayang Pampagkatuto (MELCs) - ayon sa mga pagsasanay na nakabatay sa
mga pamantayan ng pinatnubayang kasanayan at tuwirang pagtuturo:
Una, ang Learning Resource Development Team na binubuo ng mga
manunulat at tagaguhit, sa kanilang iginugol na panahon at kakayahan upang
makabuo ng iba’t ibang kinakailangang kagamitang pampagkatuto.
Ikalawa, ang mga tagapatnugot sa nilalaman, tagasuring pangwika, at mga
tagasuring pandisenyo na maingat na nagwasto at bumuo sa lahat ng Kagamitan
sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto upang matiyak ang kawastuhan at
katugunan sa mga pamantayan ng Kagawaran ng Edukasyon;
Ikatlo, ang mga gurong tagapatnubay at mga guro sa bawat asignatura sa
kanilang malapit na pakikipag-ugnayan sa mga punongguro, sa kanilang
lingguhang pamamahagi at pagbabalik ng mga Kagamitan sa Pinatnubayang
Kasanayang Pampagkatuto at sa kanilang madalas na pagsubaybay sa pag-unlad
ng mag-aaral sa lahat ng paraan; at
Panghuli, ang mga magulang at iba pang pantahanang tagapagdaloy sa
kanilang pagbibigay sa mag-aaral ng kinakailangang patnubay at gabay upang
maisagawa ang mga gawain at upang patuloy na matulungan ang bawat mag-aaral
na maging responsableng indibiduwal sa hinaharap.
Sa inyong patuloy na paghahatid ng kaalaman sa mapanghamong panahon
ay lubos na makamit ang sama-samang pagpupunyagi at matibay na malasakit na
pagsilbihan ang ating mag-aaral na Zambaleño.
Muli, ang aming walang hanggang pasasalamat!

Tagapamahala
Para sa katanungan o karagdagang puna,
maaaring sumulat o tumawag sa:

Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales


Zone 6, Iba, Zambales
Tel./Fax No. (047) 602 1391
E-mail Address: zambales@deped.gov.ph
Website: www.depedzambales.ph

You might also like