You are on page 1of 4

Edukasyon sa

Pagpapakatao 9

Ikatlong Markahan
Modyul para sa Sariling Pagkatuto 6
Mga Indikasyon na May Kalidad o
Kagalingan sa Paggawa
*Mga Hakbang Tungo sa Kalidad o Kagalingan sa Paggawa
*Kaya Kong Taglayin, Kagalingan sa Paggawa

MGA INAASAHAN
Naipamamalas ng mag-aaral ang kahalagahan ng kagalingan sa paggawa kaakibat ang wastong
paggamit ng oras para dito.

Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:

A. natutukoy ang mga indikasyon na may kalidad o kagalingan sa paggawa ng isang gawain o
produkto kaakibat ang wastong paggamit ng oras para dito;

B. napahahalagahan ang mga naging kontribusyon ng ilang mga Pilipino na nakatulong sa kanila ang
mga katangian upang magkaroon ng matalinong pag-iisip na kailangan upang maisabuhay ang kagalingan sa
paggawa; at

C. nakasusulat ng mga maaaring gawin sa panahon ng pandemya upang maisabuhay ang


pagpapahalaga sa paggawa na taglay mo na at kailangan mo pang malinang.

ARALIN
Sa panahon ng pandemya, maraming mamamayang Pilipino ang nakaisip ng iba’t ibang
gawain at nakagawa ng mga produkto hindi lamang para magamit ng kaniyang sariling pamilya kundi
para maibenta o maibahagi sa iba na maaaring makatulong din sa kapwa. Ngunit masasabi ba nating
may kalidad ang mga gawain o produktong ito?

Ayon kay Pope John Paul II (1981) kanyang sinulat na “Laborem Exercens”, ang paggawa ay
mabuti sa tao dahil sa pamamagitan nito naisasakatuparan niya ang kaniyang tungkulin sa sarili,
kapwa at sa Diyos. Ang kagustuhang maisabuhay ang mga layuning ito ang nagtutulak sa kaniya
upang magkaroon ng kagalingan sa paggawa. Hindi dahil sa lakas ng kanyang katawan, pagkakaroon
ng propesyon o kursong natapos ngunit dahil sa hangarin niyang makagawa ng kabutihan sa kanyang
paggawa.

Nararapat na maging maayos ang pagsasakatuparan ng mga hakbang o yugto na dapat


isaalang-alang sa paggawa dahil ang mga ito nagsisilbing susi sa pagtupad ng iyong layuning
makagawa ng isang mahusay na produkto o serbisyo/gawain.

Kaya Kong Taglayin, Kagalingan sa Paggawa

Ang paggawa ay tumutukoy sa paggamit ng mga kakayahan ng isang


indibidwal maging ito man ay sa isip, lakas o talento upang maisakatuparan
niya ang kanyang layunin. Ito ay isang malikhaing proseso na naglalayong
mapaunlad ang sarili at tugunan ang mga personal na pangangailangan ng
tao. May iba’t-ibang pakahulugan ang tao sa paggawa gaya ng:
Ang paggawa ay may moral na batayan. Kalooban ito ng Diyos upang malinang
ng tao ang kaniyang sarili at matugunan ang kaniyang mga pangangailangan. Nilikha
Niya ang mga tao upang maging kabahagi sa Kanyang mga gawain sa pamamagitan ng
paggawa. Ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ang pagpapatuloy, pagpapabuti at
pagmamahal sa lahat ng kanyang mga nilikha.
Ang paggawa o pagtatrabaho ay may mabuting naidudulot hindi lamang sa tao
kundi pati na rin sa lipunang kanyang kinabibilangan. Sa tuwing tayo ay gumagawa ng
mga gawaing kapaki-pakinabang, hindi lamang sarili natin ang nasisiyahan at
napapabuti kundi pati na rin ang lipunan ay nababahaginan ng ating pagpapagal na
nagdudulot ng kabutihang panlahat.
Mahalaga ang pagiging balanse sa paggawa, masiyahan sa paminsan-minsang
pamamahinga, pagrerelaks at paglilibang. Mas kasiya-siya ito pagkatapos magtrabaho
ng mabuti.
Mahalagang sa pagsasagawa ng mga gawain ay kasabay ang pagsisikap na
taglayin ang mga kinakailangang katangian upang magkaroon ng kagalingan sa
paggawa sapagkat maisasakatuparan mo ang pananagutan mo sa sarili, sa iyong
kapwa, sa lipunang iyong kinabibilangan at higit sa lahat sa Diyos na maylalang sa iyo.
May mga pagpapahalagang kaugnay ang kagalingan sa paggawa. Ito ay ang mga
sumusunod:
1. Kasipagan – tumutukoy sa pagsisikap na gawin o tapusin ang isang gawain.
Ang isang taong masipag ay nagbibigay ng buong kakayahan sa paggawa, walang
pagmamadali at hindi nagpapabaya.
2. Tiyaga – tumutukoy sa pagpapatuloy sa paggawa sa kabila ng mga hadlang
hanggang sa matapos ang gawain. Ang taong matiyaga ay nakatingin sa dulo at sa
pagtatapos ng kanyang gawain. Ibinubuhos niya ang kanyang lakas sa pagpapatuloy ng
kaniyang sinimulan anuman ang hadlang na kanyang kaharapin.
3. Malikhain – tumutukoy sa kakayahang makaisip o makabuo ng mga ideya,
alternatibo o mga posibilidad na magiging kapaki-pakinabang. Ang isang taong
malikhain ay may natural na pagkakuryoso, malawak ang interes, maimahinasyon,
palapuna, mapakiramdam, hindi mabilis umayon, malaya, intuwitibo, may tiwala sa
sarili at orihinal.
4. Pagkamasigasig – tumutukoy ito sa pagtataglay ng positibong pakiramdam,
pagkagusto at paglalagay ng isip at puso sa gawain. Ang taong masigasig sa paggawa
ay may positibong pananaw, kasiya-siya at kakikitaan ng kahusayan ang kanyang mga
gawain.
5. Disiplina sa sarili – tumutukoy ito sa kusang pagpigil sa sarili sa
paggawa ng mga bagay na makasisira sa sarili, kapwa at sa lipunan. Ang taong may
disiplina sa sarili ay produktibo, may paggalang sa sarili at sa kapwa, hindi makasarili,
alam ang kanyang limitasyon at may wastong paggamit sa sariling oras.
` 6. Pagkamasinop – ay tumutukoy sa pagsunod sa tamang paraan o sistema ng
paggamit ng isang bagay. Ang isang taong masinop ay malinis, organisado at maingat
sa gamit. Naipapakita din ito sa hindi pag-aaksaya ng anumang bagay at wastong
paggamit o pamamahala sa panahon, oras at materyales sa paggawa. Ang kasipagan ay
dapat samahan ng pagkamasinop upang higit na maging maayos ang kalalabasan ng
gawain.

You might also like