You are on page 1of 9

I.

Tungkol sa Pelikula
A. Pamagat ng Pelikula - Way Back Home
B. Direktor - Jerry Lopez Sineneng
C. Prodyuser - Charo Santos-Concio at Malou N. Santos
D. Pangunahing Tauhan
 Joanna/Ana (Kathyrn Bernardo) - Isang mabait at magalang
na anak na laki sa hirap. Siya ang nawawalang anak ni Ariel
at Amy na kapatid nila Jessica at Jeff. Isa sa magaling na
swimmer sa kanilang paaralan na mahigpit na kalaban ni
Jessica sa paglangoy.
 Jessica/Jessie (Julia Montes) - Sikat at magaling na swimmer
sa kanilang skwelahan. Siya ang sinisisi ng kanyang ina na si
Amy sa pagkawala ni Joanna sa tabi ng dagat.
 Jeff (Ahron Villena) - Panganay na kapatid nina Jessica at
Joanna.
 AJ (Sam Conception) - Kaklase at kababata ni Jessica na
may pagtingin din sa kanya.
 Michael (Enrique Gil) - Matalik na kaibigan ni Ana na may
lihim na pagtingin sa kanya.
 Ariel (Tonton Gutierrez) - Mapagmahal na ama at asawa ni
Amy.
 Amy (Agot Isidro) - Siya ay mabait at mapagmahal na ina
at nangungulila sa pagkawala ni Joanna.
 Lerma (Lotlot De Leon) - Ang kumupkop kay Joanna at
kinilalang ina ni Ana.
 Junior (Jairus Aquino) - Anak ni Lerma at nakakatandang
kapatid ni Buboy.
 Buboy (Clarence Relgado) - Anak ni Lerma na bunsong
kapatid ni Junior.
 Yaya Minda (Cecil Paz) - Ang mabait na katulong ng pamilya
Santiago.
E. Tema ng Pelikula

Ang pinapakitang tema sa pelikulang ito ay ang pantay pantay na pagtingin ng


magulang sa kanilang mga anak at pagiging isang mabuting magulang at anak.

F. Buod ng Pelikula

Mga bata pa ang tatlong anak ng mag-asawang Santiago sina Jess, Jessica
at ang bunsong si Joanna. Nagbabakasyon silang pamilya sa Pawikan Cove
Beach Resort sa Batangas nang biglang sumama ang pakiramdam ng panganay
nilang anak na lalaki na si Jess. Nagsusuka ito kaya naman umalis at
naghanap ng doctor ang kanilang ama na si Ariel. Habang si Amy naman ay
binabantayan ang may sakit na anak. Habang si Jessica naman ang binilinan ng
kanyang magulang sa pagbantay sa nakababatang kapatid na si Joanna.
Sinabihan na sila na huwag na lumayo at hintayin ang kanilang ama ngunit
dahil sa gusto nilang makita ang mga pawikan na papunta sa dagat, umalis at
nagpunta sa mga pawikan ang magkapatid kasama ang iba pang mga bata. Sa
sobrang pagkaaliw ni Jessica sa pawikan hindi na niya namalayan na hindi na
pala niya kasama si Joanna. Doon na nagsimula ang problema ng pamilya
Santiago. Nawala ang bunsong anak na si Joanna.

Si Joanna ay napunta sa ibang pamilya. Siya ay magalang at mabait na


anak na kinupkop ni Lerma. Ana ang tawag nito sa kanyang anak. Kinamulatan
na din ni Ana ang kinikilala niyang pamilya. Nakatira sila sa tabing dagat, kung
saan nagbebenta siya ng daing at ang kanyang ina naman ay ume-extra sa
trabaho para pandag-dag ng gastos sa kanila araw-araw. Patay na ang
kinikilalang ama ni Ana, mayroon siyang dalawang kapatid, si Junior at si
Buboy na ubod ng taba. Si Ana ay mahusay na swimmer sa kanilang paaralan,
hindi mahalaga ang mga bagay sa kanya ang mahalaga sa kanya ay ang
pamilya. Mayroong matalik na kaibigan si Ana, ito ay si Michael. Bata pa
lamang sila ay magkaibigan na sila. Si Michael ay may lihim na pagtingin kay
Ana. Hindi naman ito napansin agad ni Ana dahil matalik na magkaibigan
lamang sila. Malayong malayo ang buhay ni Ana/Joanna sa kapatid na si
Jessica. Si Jessica ay nakatira sa malaking bahay, nakakakain ng masasarap na
pagkain, pumapasok sa maganda at mamahaling paaralan na kung saan sikat
na sikat si Jessica sa kanilang paaralan. Pumapangalawa siya sa pagiging top
sa kanilang batch, at isa din siyang magaling na swimmer. Maliban sa mga
babaeng kaibigan ni Jessica, siya ay may kababatang kaibigan na kaklase din
niya. Siya ay si Aj, dating nagtapat ng pag-ibig sa kanyang ngunit binaliwala
niya dahil narin sa problema pinagdadaanan niya. Sa kabila ng tinatamasang
kaginhawaan sa buhay ng dalagang si Jessica, ang atensyon at pagmamahal ng
kanyang ina ang hindi niya makuha simula ng mawala si Joanna sa kanilang
pamilya. Iniisip niya siya ang sinisisi ng kanyang ina na si Amy sa pagkawala
ng kanyang kapatid.

Halos labing dalawang taon na nakalipas ng mawala si Joanna sa kanilang


pamilya. Hindi parin makalimutan ni Amy ang kanyang bunsong anak, kaya
naman naapektohan din ang pagsasama ng pamilya Santiago sa loob ng
kanilang tahanan.

Dumating ang araw ng swimming competition na kung saan naglaban-laban


ang iba’t-ibang school. Isa sa mga kalahok ay si Ana, hindi inaasahang
makakatunggali niya ang kanya kapatid na si Jessica. Sa sobrang kaba na
nararamdaman ni Ana sa kompetisyon, bago nagsimula ang laban nagpaalam
muna itong pumunta sa banyo. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nagtagpo
ang landas nila ng tunay niyang ina na si Amy na kasalukuyan ding nasa loob
ng banyo. Nang marinig ni Amy ang kantang kanyang itinuro sa anak,
naramdaman niya ang lukso ng dugo ng isang ina sa kanyang anak. Nagsimula
na ang paligsahan at nanalo si Ana, nalungkot naman si Jessica sa pagkatalo
niya dahil pumangalawa lamang siya kay Ana. Habang nasa labas sila Ariel,
Amy at Jess para salubungin si Jessica si Amy naman ay inaabangan ang
paglabas ni Ana. Sinabi ni Amy na anak niya si Ana sa harap ng kanyang
pamilya at sa kaibigan ni Ana na si Michael at sa kanyang traynor. Nagulat na
lamang si Ana sa kanyang narinig, at tinangging anak siya ni Amy. Kitang kita
sa mga mata ni Amy ang pangungulila ng isang ina sa kanyang nawawalang
anak. Habang sa tahanan naman ng Bartolome ay nagkaroon ng kaunting salo-
salo sa pagkapanalo ni Ana sa kompetisyon. Sumapit ang gabi at natuklasan na
din ni Ana na hindi siya tunay na anak ni Lerma. Kinabukasan dumating ang
tunay niyang pamilya. Pinili niyang manatili sa pamilyang kinalakihan niya,
nasaktan nman ng sobra si Amy sa disisyon ng kanyang anak ngunit wala
siyang magawa kaya pinagbigyan na lamang ang nais ng anak.

Sa tahanan ng mga Santiago ay nagkaroon ng pagtatalo si Amy at sa


kanyang anak na si Jessica. Kaya naman umalis si Amy at pinuntahan ang
tahanan ng mga Bartolome para makasama ang kanyang anak na si Joanna.
Binilhan ni Amy ng mga damit ang pamilyang kumupkop sa kanyang anak at
tumulong si Amy sa paghahanda ng hapunan sa kanilang tahanan. Nang
magkaroon ng pagkakataong makapag-usap ang mag-ina. Hiniling ni Amy kay
Joanna na bigyan siya at ng kanilang pamilya na makasama si Joanna sa
kanilang bahay.

Sumapit ang kaarawan ni Jessica at sinorpresa ni Amy si Jessica sa kanyang


pagdating. Hindi inaasahan ni Jessica na makakasama na niya ang kanyang
bunsong kapatid. Galit at inggit ang naramdaman ni Jessica kay Joanna, kaya
naman nagpakita na agad ito ng hindi magandang pakikitungo kay Joanna.

Sa paglipat ni Joanna sa bahay ng tunay niyang magulang ay lumipat na


din siya ng paaralan na kung saan doon din nag-aaral si Jessica. Ang dating
sikat sa kanilang paaralan na si Jessica ay napunta kay Joanna ang atensyon
ng iba. Dahil mas nalamangan ni Joanna si Jessica sa kanyang nakuha marka.
Dahil narin sa mabuting loob na taglay ni Joanna ay nakasundo niya si Aj na
kung saan abot ang selos at inggit ang naramdaman ni Jessica sa kanya.
Masamang masama na ang loob ni Jessica at pakiramdam niya inagaw na lahat
ni Joanna ang sa kanya. Nag-away ang magkapatid.

Dumating ang araw ng kanilang retreat na kung saan nagsimula ang


kanilang activity sa paghingi ng tawad sa nakaaway. Nagboluntaryo si Joanna at
si Jessica ang binigyan niya ng isang regalo. Ito ay ang medalyong
napanalunan ni Joanna sa kanilang swimming competition. Ayon pa kay Joanna
hindi mahalaga sa kanya ang medalyon na iyon dahil ang importante sa kanya
ang pagmamahal ng isang pamilya ang gusto niya makuha. Ipinakita ni Jessica
sa harap ng kanilang mga kaklase at guro na tinatanggap niya ang
pakikipagbati ni Joanna sa kanya.

Samantala, nang nasa kuwarto si Jessica ay pinuntahan ito ni Joanna.


Sinumbatan ni Jessica si Joanna, at kung bakit siya pinahiya sa harap ng mga
kaklase nila. Nagtalo ang dalawa, tinanong ni Joanna kung anong dapat niyang
gawin para mapatawad siya ng kanyang ate. Ang tugon naman ni Jessica ay
kapag natalo ni Joanna si Jessica sa pagpapaligsahan sa paglangoy sa dagat ay
papatawarin na niya ito. Kaya naman nagsimula na sila maglaban. Muntik na
mamatay si Jessica sa pagkakalunod sa dagat at doon ay naospital si Jessica.
Sinisi naman ni Joanna ang kanyang sarili sa pangyayaring iyon kaya naman
bumalik na lang siya sa tahanan ng Bartolome para makaiwas sa gulo. Si
Jessica naman ay natauhan na sa kanyang mga naging kasalanan.
Nagkapatawaran na sila ng kanyang ina kaya naman nagpagdisisyonan nila
pumunta kala Ana para sunduin ito. Nag-usap ang magkapatid at
nagkapatawaran na sa isa’t-isa kaya naman buo na ang kanilang pamilya.

II. Mga Aspektong Teknikal


A. Musika
 Ang musika na ginamit sa pelikulang ito ay tamang tama lang
para madama ng mga manonood ang mensaheng nais nitong
iparating. Ang musika din ang nagpapatindi ng emosyon ng mga
manonood. Tungkol ito sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang
anak.
B. Sinematograpiya
 Malinaw at maganda ang pagkakagawa ng pelikulang ito.
C. Pagkakasunod sunod ng mga Pangyayari
 Nagsimula sa pagkabata ng magkakapatid na Jess, Jessica at
Joanna na kung saan nawala si Joanna sa tabi ng dagat at
nagsimula na ang problema ng pamilya. Ang mga sumunod na
pangyayari ay maayos ang pagkakasunod sunod ng storya. Ang
mga manonood ay hindi mahihirapan sa pag-unawa ng takbo ng
storya sa pelikulang ito.
D. Pagganap ng mga Artista
 Bawat artistang kabilang sa pelikulang ito ay maayos at
maganda ang kanilang pagganap dahil naipadama nila sa mga
manonood ang bawat eksena kinabibilangan ng bawat isa.
Kahanga-hanga ang kanilang pag-arte dahil nakuha nila ang
aking loob at ng iba pang manonood.
E. Tagpuan
 Masasabi kong malaki ang nagastos sa pelikulang ito para
maging makatotohanan ang bawat eksena. Maraming tagpuan
ang makikita natin sa pelikula tulad ng sa tabi ng dagat, sa
tahanan ng mga Santiago at sa paaralan ang ilan sa mga
tagpuan ng pelikulang ito.

III. Kahalagahan Pangtao


A. Paglalapat ng Teorya

Realismo

Ang pelikulang ito ay hindi nalalayo sa kuwento ng bawat pamilya. Lahat


ay naiuugnay ang kanilang mga sarili sa pelikulang ito base narin sa kanilang
karanasan. Isa itong halimbawa ng totoong pangyayari nagaganap sa isang
pamilya.
Romantisismo

Nagpapakita ito ng teoryang romantisismo na kung saan pinapakita ang


pagmamahal ng isang magulang sa kanyang mga anak, pagmamahal sa mga
kapatid at kaibigan.

Eksistensyalismo

Ito ay kasalukuyan nangyayari sa buhay ng bawat pamilya. Hindi


naiiwasan ang pagkakaroon ng inggitan sa loob ng pamilya. Halibawa ito ng
kadalasang problemang hinaharap ng isang pamilya.

Humanismo

Ang pelikulang ito ay nakasentro sa mga tao. Nakapokus ang storya sa


mga tao lalo na mga taong nakatuntong ng pag-aaral na maituturing na
sibilisado.

B. Mga Aral

Ang pamilya ang siyang karamay natin sa ating mga problema,


inspirasyon sa bawat gawain para magingmatagumpay sa buhay. Ang pelikulang
ito ay nagbibigay aral sa bawat isa sa atin kung gaano kahalaga ang
pagkakaroon ng masaya at matibay na pundasyon ng isang pamilya. Pinapakita
dito ang kahalagahan ng bawat miyembro ng pamilya, ang pagmamahal ng
magulang sa mga anak at pagmamahal ng mga anak sa magulang. Hindi biro
magpalaki ng mga anak, bawat isa ay nangangaialangan ng sapat na atensyon
at pagmamahal. Bilang magulang kinakailangan mo magampanan ang pagiging
magulang sa bawat isa. Wala ka dapat maging paborito kinakailangan pantay
pantay ang pagtingin sa mga anak dahil magkakaroon ito ng masamang epekto
sa mga anak at para maiwasan ang pagkakaroon ng problema sa pamilya.

C. Kabuuang Pananaw

Ang pelikulang “Way Back Home” ay napakaganda. Ito’y pelikulang


pampamilya na kung saan marami kang matutunan na magagandang aral. Ang
musika, iskrip, mga tauhan, ang pagganap, at ang direksyon ay napakahusay
dahil ito’y nabuo ng may masining na kakayahan. Sa katunayan, unang beses
ko pa lamang nakapanood ng ganitong pelikula. Habang pinapanood ko ang
pelikulang ito ay damang dama ko ang bawat pangyayari. Hindi ko maiwasan
na mainis, magalit, kiligin, matawa at lalong lalo na ang maiyak sa pelikula.
Talagang nakakaiyak ang ibang parte ng pelikula, lalong lalo na kung patungkol
ito sa pamilya.

IV. Bisang Pampanitikan

Bisa sa Isip

Tumatak sa aking isipan ang karakter ni Joanna sa pelikula na kung


saan ang kanyang magandang katangian na ipinakita ay magandang
impluwensya sa mga manonood. Ipinakita niya ang kahalagahan ng pagkakaroon
ng isang pamilya kahit na salat sila sa pera.

Bisa sa Damdamin

Habang pinapanood ko ang pelikulang ito ay nakaramdam ako ng iba’t


ibang emosyon katulad ng pagkatuwa, pagkalungkot at pagkainis. Naramdaman
ko ang pangungulila ng isang ina sa kanyang anak. Hindi ko maiwasan maluha
sa ibang emosyonal na eksena.

Bisa sa Kaasalan

Matapos ko panooring ang pelikulang ito, marami akong natutunan bilang


isang anak, ina at bilang isang tao. Natuto ako pahalagahan ang buhay na
meron ako. Pagiging makunteto at pagtanggap ng isang kamalian. Importante
rin ang paghingi ng tawad at pagpapatawad. Ang pamilya ang karamay mo sa
bawat lungkot at ligaya kaya naman dapat pahalagahan at patibayin ang
pamilyang meron ka para maging masaya at masagana sa simple paraan ang
pamumuhay ng isang pamilya.
Republika ng Pilipinas

PALOMPON INSTITUTE OF TECHNOLOGY

Palompon, Leyte

COLLEGE OF EDUCATION
Basic Education Department

(Panunuring Pampanitikan MFil 18)

Ipinasa ni:

Alestrella M. Sanchez

BSEd IV-A (Filipino)

Ipinasa kay:

Gng. Jennifer A. Gorumba

Guro

Oktubre 13, 2014

You might also like