You are on page 1of 2

Alamat ng Tandang

Si Sidapa na Bathala ng Digmaan ay lagi nang nilalapitan ng mga datu upang mapanatili ang
kapayapaan sa kani-kanilang baranggay. Alam ni Sidapa na nasa pakikipagkaibigan ng mga pinuno
ang susi upang hindi matuloy ang alinmang digmaan.

Sumisikat pa lang ang araw ay nakapila na ang maraming puno ng baranggay. Si Sidapa ang
nagpapayo upang mapanatili ang kapayapaan sa kani-kanilang lugar.

May mga pagkakataong hindi kaagad nakakasangguni ang mga datu. Nagkakalaban ang mga puno.
Kapag nangyari ito, nauuwi sa digmaan ang.mga baranggay.

Matutulis na sibat ang karaniwang panlaban ng mga mandirigma. Kapag may nasusugatan o
namamatay sa labanan, lubos na nalulungkot si Sidapa.

Kapag napagkakasundo ni Sidapa ang nagkakahidwaang mga raha ay natutuwa Siya. Naliligayahan
Siyang nagbibigayan at may respeto sa isa't isa ang bawat datu. Naniniwala si Sidapa na kapag
may digmaan ay walang pag-iibigan. Na kapag may pag-iibigan ay walang digmaan. Lagi niyang
pangarap na nag-uusap-usap ang lahat at naggagalangan.

Sa dami ng mga mamamayan, datu, at mga baranggay sa bayan-bayan, at sa dami rin ng problema
na inihahain kay Sidapa, kailangang may nagpapaalala sa Kanya sa tuwi-tuwina. Kailangan ding
may gigising sa Kanya tuwing madaling araw bilang hudyat na may mga datu nang naghahain ng
problema.

Isa sa mga sundalo ni Sidapa ang nagprisintang orasan niya. Obligasyon niyang paalalahanan si
Sidapa na oras na ng pagkain, o oras nang tapusin ang isang pulong, o oras nang humarap sa ilang
bisita, o oras nang magbigay desisyon sa isang problema. Pinakamahirap na gawain ng Sundalong
Orasan ang paggising nang napakaaga tuwing madaling araw. Noong unang mga linggo ay laging
napakaaga niyang gumising pero kapag napapakuwento siya sa mga kapwa sundalo ay bahagya
siyang nahuhuli sa paggising kay Sidapa.

Mapagpasensya ang Bathala niya. Lagi nitong pinagbibigyan ang Sundalong Orasan. Upang
ganahan sa trabaho ay dinadagdagan ni Sidapa ang mga insentibo nitong pilak, damit at pagkain
para sa pamilya.

Tuwang-tuwa naman ang Sundalong Orasan pero mahina itong manindigan. Sa kaunting aya ng
mga kaibigan ay natatangay siya upang uminom ng alak. Hindi lamang isa o dalawang kopita. Kundi
maraming alak na nagpapalasing S£ kanya.

Sa pagkalasing ay naibalita pa niya sa ilang kawal ng naglalabang tribo ang mga sikretong
pandigmaang di dapat na ipaalam. Galit na galit si Sidapa. Maraming hindi pagkakaunawaan ang
naganap dahil hindi Siya ginigising ng Orasang Sundalo sa madaling araw.

Nang matuloy ang isang madugong digmaan ng dalawang malaking baranggay ay ipinatawag ni
Sidapa ang Orasang Sundalo.

Lasing na lasing ang Orasang Sundalo nang humarap sa kanyang Bathala.


"Ikaw ang dahilan sa madugong digmaang sana ay naiwasan."

"Pa...patawad po, Bathalang Sidapa."

"Pinagbigyan na kita nang ilang ulit! Marami ang namatay dahil sa iyong kapabayaan. Wala kang
utang na loob. Ang mga lihim pandigmaan at pangkapayapaan ay ipinaalam mo sa lahat. Ang
obligasyon mong gisingin ako sa madaling araw ay hindi mo pinahalagahan. Bilang parusa,
magiging isang hayop kang walang gagawin kundi gisingin ang daigdig tuwing nagmamadaling
araw!"

Sa isang kisapmata ang Sundalong Orasan ay lumiit nang lumiit. Nagkabalahibo ito sa buong
katawan. Naging pakpak ang mga kamay at nagkatahid ang mga paa. Sa halip na magsalita ay
tumilaok itong parang manggigising.

Sa sobrang kahihiyan, lumipad papalabas ng tahanan ni Sidapa ang Sundalong Orasan na


magmula noon ay tinatawag na Tandang. Ang Tandang na tumitilaok sa madaling araw ang
nagpapaalalang siya ang unang tagagising ng sandaigdigan. Ito naman ang pinagmulan ng Alamat
ng Tandang.

Pinoy Edition © 2020 - All rights reserved.

Source: https://www.pinoyedition.com/mga-alamat/alamat-ng-tandang/

You might also like