You are on page 1of 2

Kasaysayan. Sampung letra, isang salitang nag uugnay sa nakaraan at sa kasalukuyan.

Ito
ay sumasalamin sa buhay na nagdaan. Ang mga karanasan at pangyayari sa bawat segundo,
minuto, araw at taon na nagdaraan ay nakapaloob sa kasaysayan. Ang ating kasaysayan ay
lubhang napakalawak at napakalalim ngunit kaysarap balikbalikan sapagkat nabibigyan nito ng
kasagutan ang mga katanungan sa kasalukuyan tulad ng kung paano nagsimula ang lahat
gayundin ang mga taong nakapaloob rito. Nag-iiwan ito ng mga aral at mahahalagang yaman ng
karunungan sa atin. Sa pamamagitan nito ay natutuklasan natin ang tagong yaman ng ating bansa
maging ang makulay nating kultura na sumisimbolo sa ating pagkakakilanlan.
Hindi lingid sa ating kaalaman na karamihan sa atin walang ideya kung ano ang nangyari
sa nakaraan. Mahalaga ang pagtuklas ng nakaraan upang ito ay maiugnay natin sa kasalukuyan.
Ang parte ng nakaraan ang sasagot sa ating mga katanungan. Sa pag-aaral ng kasaysayan ay
nagkakaroon tayo ng mas malalim na perspektibo sa mga bagay-bagay at mas nauunwaan natin
kung ano ang mga nangyayari sa kasalukuyan. Sa pamamagitan nito ay mas napapabuti natin ang
kasalukuyan at napaghahandaan natin ang hinaharap. Ang mga kamaliang nagawa sa nakaraan
ay maiiwasan na nating gawin o maitatama sa kasalukuyan.
Ang bawat bagay, hayop, tao, lugar o pangyayari ay may kanya kanyang kwento. Mga
kwentong pinalipas ng panahon ngunit hindi ng mga alaalang iniwan nito sa ating puso’t isipan.
Dito nakapaloob ang mga karanasan at pangyayaring nagpapaalala sa atin ng ating pinagmulan.
Ang mga pangyayari ay ‘di lang basta nangyari ng walang dahilan, ang mga ito ay
magkakarugtong tulad na lamang ng buhay noon at ngayon. Parte rin ng kasaysayan ang
pagdiskubre ng ating mundo gayundin ang mga sinaunang taong nanirahan dito. Ang mga
nadidiskubre at nahuhukay na mga antigong kagamitan ay sumasalamin sa mga sinaunang taong
nanirahan sa mundo.
Nakasaad din dito ang paghihirap at sakripisyo ng ating mga ninuno gayundin ang uri ng
pamumuhay na mayroon ang mga sinaunang tao noon. Ang kasaysayan ay may malaking bahagi
sa ating pamumuhay sa kasalukuyan. Sa tulong ng kasaysayan ay ating nalaman kung paano ang
paraan ng pamumuhay ng mga tao noon. Nalaman natin na noon ay simple at payak lamang ang
pamumuhay. Pagsasaka, pangingisda at pangangaso ang kanilang kinabubuhay samantalang
ngayo’y tayo na ay nagpasakop sa teknolohiya kung saan mas lalong umunlad at napadali ang
ating pamumuhay di gaya noon. Ibinunyag ng kasaysayan ang pakikipagkalakan natin sa ibang
dayuhan kung kaya’t may mga produkto at ugali tayong resulta ng impluwensiya nila. Ang
kasaysayan rin ang dahilan kung bakit buhay na buhay parin ang ating kultura at tradisyon kahit
pa mayroon na tayong modernong pamumuhay.
Parte ng ating kasaysayan kung paanong nakipaglaban at nagsakripisyo ang ating mga
bayaning Pilipino upang magapi lamang ang mga bansang sumakop sa ating bansa. Dito ay
namulat tayo sa hirap na kanilang dinanas upang makamit lamang natin ang ating kalayaang
tinatamasa noon. Iniwan tayo nito ng maraming aral tulad na lamang ng ating tungkulin bilang
isang mamamayang Pilipino na mahalin at ipagtanggol ang ating bansa at mas pag-ibayuhin ang
ating pagiging makabayan.
Nakatutulong ang kasaysayan upang lubos na maunawaan ang ating lipunang
ginagalawan tulad na lamang ng pagbabagong naganap dito at ang pag-usbong ng modernong
teknolohiya. Marami ang naging sanhi ng social change tulad ng pagbabago ng ating paniniwala
at pamamaraan ng pamumuhay. Atin ding binabalikbalikan sa kasaysayan ang pagkabuo ng ating
lipunan at maging ang mga namuno sa ating bansa. Dito ay nalaman natin ang kanilang naging
plataporma, mga batas na naipatupad, mga proyekto at aktibidad at maging ang kakulangan at
hindi kanaisnais na nagawa nila sa kanilang panunungkulan tulad na lamang noong panahong
pinamunuan ni dating president Ferdinand Marcos ang ating bansa. Dumanas ang karamihan sa
ating mga ninuno ng karahasan dahil sa batas military na pinatupad nito kung kaya’t sa
kasalukuyan ay may ilan sa atin na hindi pabor na maulit ito. Binabalik-balikan natin ang
nakaraan upang malaman natin ang paraan ng pamumuno ng mga lider noon kung kaya’t ito ay
nagagamit natin upang makapili ng karapat-dapat na mamuno sa ating bansa dahil narin sa ayaw
natin maranasan ang hindi magandang karanasan nila noon sa ibang pinuno. Nakasaad din dito
ang mga batas na naipatupad noon at ito napagbabasehan sa mga ginagawang batas ngayon. May
mga batas na di maganda ang resulta kung kaya’t nakaiisip tayo ng mas maganda pang batas na
makakatulong sa atin.
Bagamat magandang tuklasin ang ating kasaysayan, hindi basta basta ang alamin ang
nakaraan. Tulad ng ibang bagay ay dumaraan din ito sa masusing proseso. Kinakailangan ng
konkretong impormasyon at ebidensiya upang mapatunayan ito. Isa sa mga challenge na
kinakaharap ng mga historian ay ang sources o mapagkukunan ng ebidensiya upang
mapatunayan ang ilang mga teorya o mapagkabit- kabit ang mga resulta ng kanilang
imbestigasyon. Ang pagkakasulat ng kasaysayan ay nararapat lamang na puro katotohanan at
tumutugma sa mga ebidensiya. Kinakailangang tugma ang mga time periods kung kailan
naganap ang mga mahahalagang pangyayari.
Mahalaga ang kasaysayan upang lubos nating maunawaan ang mga nangyari sa nakaraan
at nangyayari sa kasalukuyan. Sa tulong nito ay maaari nating maitama ang mali sa nakaraan at
tayo ay magkaroon ng pagkakataon para sa pagbabago at gumawa ng pagbabago hindi lang para
sa ating sarili kun’di maging sa ating kapwa at ating bansa. Nag-iiwan ito ng mahahalagang aral
at nagbibigay inspirasyon sa atin sa pang-araw- araw. Pinaaalalahan tayo nito mga bagay na
maaaring mangyari o maulit sa hinaharap. Mas nabibigyan din natin ng halaga ang mga
makasaysayang pangyayari.
Ang kasaysayan ay hindi lamang isang salita, ito ang lagusan sa ating nakaraan at ang
repleksiyon ng ating pagkakakilanlan.

You might also like