You are on page 1of 3

Name: Reyes, Alliyah Keithly M.

Date: December 27,2020

Program and Section: BSED MT 1-1D Subject: RIPH

Kasaysayan: Nakaraan, Kasalukuyan, at Hinaharap

“Kasaysayan bilang bahagi ng nakaraan at gabay sa kinabukasan”

Ang naunang pangungusap ay nagsasabing hindi lamang sa nakaraan importante ang


kasaysayan kundi nagsisilbi rin itong gabay sa kasalukuyan at maging sa hinaharap. Ngunit paano nga
ba ito nakaaapekto sa ating kasalukuyan at kinabukasan? Ano nga ba ang kasaysayan at kahalagahan
nito?

Ayon kay Zeus Salazar, “Kung ang “History” ay “written record,” ang salitang ugat naman ng
“Kasaysayan” ay “saysay” na dalawa ang kahulugan: (1) isang salaysay o kwento, at (2) kahulugan,
katuturan, kabuluhan at kahalagahan. Samakatuwid, ang “Kasaysayan” ay mga salaysay na may
saysay.” Nangangahulugan itong pagsasalaysay ng mga pangyayari mula sa nakaraan na may
kahalagahan o kabuluhan at ang mga tao ang nagbibigay saysay sa kasaysayan sapagkat tayo ay
parte nito. Mga tao ang bumubuo ng kasaysayan. Mahalaga ang kasaysayan sapagkat dinadagdagan
nito ang pang-unawa at kasanayan ng mga tao sa mga bagay-bagay sa kapaligiran lalo na sa mga
pangyayari sa nakaraan. Kung walang kasaysayan marahil ay hindi mo alam kung bakit kayumanggi
ang iyong balat, kung bakit iba ang hugis ng iyong ilong kumpara sa mga banyaga, kung bakit kulot
ang tubo ng iyong buhok at kung bakit karamihan sa atin ay hindi katangkaran. Lahat ng ito ay nasagot
dahil sa kasaysayan. Makikita natin na malaki ang naging epekto nito sa ating kasalukuyan sa paraang
mas nadagdagan ang ating kaalaman ukol sa nakaraan at tiyak na makaaapekto rin ito sa ating
kinabukasan.

Ngunit paano nga ba tinitingnan ng mga Pilipino ang kasaysayan?

Ang mga dokumento ng nakaraan sa ating bansa ay isinulat ng mga edukado o mayayaman
(dahil sila lang ang may kaalaman sa pagsulat) na ang tingin sa mga Pilipino ay mabababang uri ng
nilalang, ganito tingnan ng mga Pilipino ang kasaysayan. Para sa karamihan sa mga Pilipino ang
kasaysayan ay nakasentro lamang sa kung paano nasakop ng mga banyaga ang bansang Pilipinas.
Tinitingnan ng mga Pilipino ang mga magagandang bagay bilang impluwensiya lamang ng mga
dayuhan na sumakop sa bansa (gaya na lamang ng ‘pananampalataya sa Diyos’ na impluwensiya ng
mga Espanyol at ang ‘edukasyon’ na impluwensiya naman ng mga Amerikano). Mababa ang naging
tingin natin sa ating mga sarili sapagkat pinaniwalaan natin ang nakasulat sa kasaysayan. Bukod pa
rito, para sa karamihan sa mga Pilipino ang kasaysayan o ang pag-aaral ng kasaysayan ay pag-
aaksaya lamang ng oras dahil ito ay “boring” o nakababagot. Sapagkat nakasanayan na ng mga
Pilipino na ang pagtuturo ng kasaysayan sa paaralan ay ang pag-mememorya ng mga pangalan, petsa,
lugar at pangyayari sa nakaraan. Bukod pa rito, kaya nakababagot ang tingin ng mga Pilipino sa
kasaysayan ay dahil sa ang mga dokumento ng nakaraan sa Pilipinas ay nakasulat sa wikang hindi
naiintindihan ng karamihan kung kaya pinaunlad ni Zeus Salazar ang “Pantayong Pananaw” – pag-
aaral ng kasaysayan ng Pilipinas sa ating sariling perspektiba gamit ang wikang naiintindihan ng lahat.
Sadyang mahalagang pagyamanin ang ating kaalaman ukol sa nakaraan upang higit nating
maunawaan ang mga bagay-bagay na parte ng agos ng ating pamumuhay, ang “Pantayong Pananaw”
ay labis na nakatulong sa mga Pilipino upang lalo pa nating yakapin ang ating tunay na pagkatao bilang
isang Pilipino. Nakalulungkot isipin na hindi gaanong pinahahalagahan ng mga Pilipino ang
kasaysayan, gaya na lamang ng sinabi ng aming guro sa Readings in Philippine History na karamihan
sa mga Pilipino ay alam kung ano ang ipinagdiriwang tuwing holidays katulad ng “Independence Day”
ngunit hindi nila alam kung bakit ba ito ipinagdiriwang. Saludo pa rin ako sa mga Pilipinong labis ang
pagpapahalaga sa kasaysayan, patunay na lamang ang mga mag-aaral na kumukuha ng kurso tungkol
sa kasaysayan.

Hindi ko maitatanggi na minsan na rin akong nabagot sa pag-aaral ng kasaysayan. Gaya ng


ibang estudyante, isa ito sa asignaturang hindi ko kinagiliwan noong ako’y nasa Elementarya pa
lamang. Ngunit sa pagtungtong ko sa Sekondarya, mas lalo kong naintindihan kung gaano
kaimportante ang kasaysayan hindi lamang para sa aking nakaraan kundi para na rin sa aking
kasalukuyan at maging sa aking hinaharap. Hindi lamang ito naiiwan sa apat na sulok ng silid-aralan.
Sa kasaysayan ko natutunan na hindi lahat ng nangyayari sa kasalukuyan ay basta-basta lamang
lumitaw, lahat ng ito ay may kaugnayan sa nakaraan. Isa rin ito sa nagbibigay dahilan upang
pahalagahan ang pagsasakripisyo ng ating mga bayani gaya na lamang nila Dr. Jose Rizal, Andres
Bonifacio, Heneral Antonio Luna at marami pang iba. Kung babalewalain natin ang kasaysayan para
na rin nating binalewala ang kanilang kabayanihan. Sa aking pananaw, bawat aspeto ng nakaraan ay
hinubog ang kasalukuyan at bawat aspeto ng kasalukuyan ay patuloy na huhubugin ang hiniharap.

Gayunpaman, ano man ang aking naging pagtingin sa kasaysayan ay tiyak na iba sa pagtingin
ng nakararami. Isa lang ang aking nakasisiguro, iba-iba man ang ating pagpapakahulugan sa
kasaysayan, iisa pa rin ang kahalagahan nito. Malaki ang bahagi ng ating nakaraan sa ating
kasalukuyan at malaki rin ang magiging bahagi ng ating kasalukuyan sa ating hinaharap sapagkat
bawat isa sa atin ay bahagi ng paggawa ng kasaysayan.
Sanggunian:

Chua, X. (2018). Saysay ng Sariling Kasaysayan: Ang Ambag ni Zeus Salazar sa Bayan. Retrieved on
December 25, 2020 from https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/content/638917/saysay-
ng-sariling-kasaysayan-ang-ambag-ni-zeus-salazar-sa
bayan/story/?fbclid=IwAR0CZMjAKkztBY0Fb3OW5pzepZtDZ2Ab86EXxfm3Y-njGm1LRujwW34izBI

You might also like