You are on page 1of 2

Ang Talaarawan ng Bayan: Isang Sulyap sa Nakaraan

Kapag inilapag natin ang tanong na, “posible bang makita ang nakaraan kahit
panandalian lamang?”, maaaring hati ang sagot na ating matanggap – mayroong oo, at mayroon
din namang hindi. Kung ang pagpapakahulugan ng isang tao sa tanong na ito ay kaugnay ng
konsepto ng time travel, o ang kakayahang makapagpabalik-balik sa nakaraan at hinahaharap sa
pamamagitan ng teoretikal na kagamitang tinatawag na time machine, mauunawaan na “hindi”
ang sagot niya sa tanong na ito. Ngunit kung “oo” naman ang kanyang tugon, paano mangyayari
iyon?
Sa bawat pagbuklat at pag-unawa natin sa nilalaman ng mga aklat tungkol sa kasaysayan,
para na rin tayong panandaliang nabubuhay sa nakaraan. Ito ay dahil ang kasaysayan ang
sistematikong pag-aaral at pagtatala ng mga makabuluhang pangyayaring naganap noon na
humubog sa ating lipunan ngayon. Sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa kasaysayan, nagiging
sariwa sa isip at puso ng ating kasalukuyang henerasyon ang mga bagay at kaganapang malaki
ang kontribusyon sa ating pag-iral.
Upang makapagbahagi ng tala ng kasaysayan, isa sa mga pinakamahahalagang dapat
isaalang-alang ay ang mga pinagkukuhanan ng datos tungkol sa nakaraan. Ang mga ito ay
maaaring nasa paraang pasulat tulad ng mga dokumento ng gobyerno, libro, at liham; pasalita
gaya ng salaysay ng mga mapagkakatiwalaang tao na naging saksi sa mga pangyayaring nais
nating pag-aralan; o di kaya’y sa mga bagong midya na makukuha mula sa Internet.
Hindi natatapos sa paghahanap ng mga basehan ang pagsulat ng kasaysayan. Gaya nga ng
sinabi ni Prof. Ma. Luisa Camagay, instruktor ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas-
Diliman, tayo ang nagpapakahulugan sa mga batis ng kaalaman na ating nakolekta. Ayon naman
kay Prof. Ferdinand Llanes, instruktor ng parehong larangan at unibersidad, kailangan nating
imbestigahan ang mga impormasyong ating nakalap hinggil sa kanilang mga kakulangan (gaps),
komonalidad (patterns), at kakaibang nilalaman (oddities). Sa pamamagitan ng malalimang
pagsisiyasat sa mga ito, maaari tayong makabuo ng mga pangkalahatang kaisipan na siya
namang magiging sandigan ng mga susunod na henerasyon sa kanilang pagsasaliksik sa
kasaysayan.
Mahalaga ring maunawaan maging ang mga maliliit na detalye ng isang pangyayari
sapagkat kadalasan ay malaki ang tulong nila sa paghahanap ng kasagutan. Isang magandang
halimbawa ng importansya ng mabusising pagtingin sa mga kaganapan ay ang karanasan ni Prof.
Llanes nang siya ay nagbabasa ng aklat tungkol sa liham ni Dr. Jose Rizal sa kanyang pamilya at
mga kapwa propagandista. Noong una, hindi malinaw sa kanya kung paanong ang simpleng
pagnanais ng reporma ng mga propagandista ay naging isang pag-aaklas na pinamunuan ng mga
katipunero. Ngunit dahil sa kanyang malalim na pag-unawa, napagtanto ni Prof. Llanes na
habang humihingi ng reporma ang mga propagandista, mayroon na rin palang nabubuong
kaisipan na magsimula ng rebolusyon na kalaunan ay pinangunahan ng kilusang KKK. Isa pang
manipestasyon ng kahalagahan ng detalye ay ang pananaw na isinulat ni Prof. Llanes hinggil sa
nangyari sa Bud Dajo at Bud Bagsak noong panahon ng mga Amerikano. Sa pamamagitan ng
pagkokonsidera sa klase ng armas na mayroon ang mga Amerikano na higit na mas moderno
kaysa sa gamit ng mga Moro, mas napatibay ang argumento na ang pagkasawi ng halos isang
libong Moro sa Bud Dajo ay resulta ng brutal na pagpatay (massacre) at hindi ng isang labanan
(battle).
Bukod sa mga naunang nabanggit, binibigyang konsiderasyon din sa kasaysayan ang
konteksto at perspektibo. Ang dalawang ito ay nakaaapekto sa paraan ng paglalahad ng mga tao
hinggil sa isang bahagi ng kasaysayan. Maiuugnay dito ang naging karanasan ni Prof. Ricardo
Jose, isa ring instruktor ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, kung saan
magkaiba ang pananaw ng kanyang mga magulang hinggil sa pananakop ng mga Hapones sa
ating bansa sa loob ng tatlong taon. Malupit ang sinapit ng pamilya ng kanyang ama sa kamay ng
mga manlulupig habang ang kanyang ina naman ay nagkaroon ng mga kaibigang Hapones.
Mababanaag dito na sa bawat kaganapan, may dalawang panig na magkaiba ang inilalahad.
Kinakailangan na ang mananalaysay ay nakatuon sa pangkabuuang imahe ng pangyayari
kung saan ang lahat ng mga pananaw, pareho man o salungatan, ay naikokonsidera. Kung iisang
bahagi lamang ng kwento ang gagawing basehan sa paglalahad ng kasaysayan, kasaysayan pa
nga bang maituturing iyon?
Ang paglalapat ng mga konseptong binanggit sa larangan ng historya ay lubhang
mahalaga. Sa pamamagitan nito, mas magiging epektibo ang isang mananalaysay sa kanyang
ginagawa sapagkat ang mga mambabasa at mga nangangarap na sumunod sa kanyang yapak ay
kumpiyansa na ang kanyang tala ng kasaysayan ay walang pinapanigan kung hindi ang
katotohanan. Ngunit tandaan, sa mundo ng historya at pananaliksik, hindi permanente ang
katotohanan. Ang sa tingin nating tiyak sa ngayon, maaaring iba na sa susunod na panahon.
Walang pinal na sagot sa mga katanungan sapagkat araw-araw, mayroong mga bagong
impormasyong nakakalap na maaaring susuporta o hindi kaya’y tataliwas sa umiiral nang
kaalaman. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nakasasabik ang ganitong larangan. Saad nga ni
Prof. Camagay, “walang gasgas na paksa sa kasaysayan”.
Ang historya ay isang larangang napakayaman. Isang larangang buhay at kasama nating
umiiral. Kasabay ng pagbabago ng panahon, ang kasaysayan ay patuloy ding yumayabong. Nasa
kamay ng mga mananalaysay ang patuloy na pagpapausbong nito sapagkat sila ang tulay na
nagdurugtong sa kasaysayan at mga mamamayan.
Napagtanto kong maaari kong iugnay ang kasaysayan sa aking kurso ngayong kolehiyo.
Ang mananalaysay ay tulad ng isang arkitekto sapagkat sinisiguro niya na ang kasaysayan ay
may matibay na pundasyon. Malaki ang kontribusyon niya sa pagdidisenyo ng kasaysayan dahil
siya ang gumagawa ng interpretasyon sa kanyang mga nakalap na impormasyon. At ako naman,
bilang isang kabataan at Iskolar ng Bayan na nag-aasam na maging arkitekto balang araw, ay
nangangakong makikiisa sa pagpapayabong ng ating kasaysayan sa pamamagitan ng
pagdidisenyo ng mga gusali’t imprastruktura na tiyak na makatutulong sa pag-unlad ng bansa
habang pinananatili ang ating pagkakakilanlan. Sa ganitong paraan, isa ako sa mga masasayang
magbabahagi ng aking kwento kung paano ko nagawang mabalikan ang nakaraan at makita ang
hinaharap.

You might also like