You are on page 1of 17

Senior High School

Komunikasyon at Pananaliksik
sa Wika at Kulturang Pilipino
Unang Markahan – Modyul 2:
Katuturan ng Wika

AIRs - LM
KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG
PILIPINO
Baitang 11 – Unang Semestre
Unang Markahan - Modyul 2: Katuturan ng Wika
Ikalawang Edisyon, 2021

Karapatang sipi © 2021


La Union Schools Division
Region I

Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may akda. Anomang paggamit o


pagkuha ng bahagi ng walang pahintulot ay hindi pinapayagan.

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Alvin D. Mangaoang


Editor: SDO La Union, Learning Resource Quality Assurance Team
Mga Tagasuri: Justine Carlos G. Villanueva
Ana Jane M. Morales
Tagaguhit: Ernesto F. Ramos Jr.
Tagalapat: Angela Pauline C. Ganuelas
Tagapamahala:
Atty. Donato D. Balderas Jr.
Schools Division Superintendent
Vivian Luz S. Pagatpatan, PhD
Assistant Schools Division Superintendent
German E. Flora, PhD, CID Chief
Virgilio C. Boado, PhD, EPS in Charge of LRMS
Luisito V. Libatique, PhD, EPS in Charge of Filipino
Michael Jason D. Morales, PDO II
Claire P. Toluyen, Librarian II

Inilimbag sa Pilipinas ng: _________________________

Department of Education – SDO La Union


Office Address: Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union
Telefax: 072 – 205 – 0046
Email Address: launion@deped.gov.ph

LU_Q1_KomPan_Module2
SHS

Komunikasyon at
Pananaliksik sa Wika
at Kulturang Pilipino
Unang Markahan – Modyul 2:
Katuturan ng Wika

LU_Q1_KomPan_Module2
Paunang Salita

Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating


mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na
gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga
kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ang modyul na ito ay may inilaang Gabay sa Guro/Tagapagdaloy na
naglalaman ng mga paalala, pantulong o estratehiyang magagamit ng mga magulang
o kung sinomang gagabay at tutulong sa pag-aaral ng mga mag-aaral sa kani-
kanilang tahanan.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng
mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung
kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding
pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan.
May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat
gawain at pagsusulit. Inaasahan naming magiging matapat ang bawat isa sa
paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang
magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang
anomang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa
mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro
kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng
SLM na ito.
Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga tagapagdaloy,
umaasa kaming matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila sa paaralan.

LU_Q1_KomPan_Module2
Sapulin

Binabati kita mahal na mag-aaral. Napagtagumpayan mo ang mga aralin at


gawain sa nakaraang modyul. Batid kong marami kang natutuhang mahahalagang
konsepto sa naunang modyul. Naging siksik at nag-uumapaw ang mga kaalaman at
impormasyong tumatak sa iyong isipan. Ngayon mahal kong mag-aaral,
ipagpapatuloy pa natin ang paghahasa ng iyong kakayahang komunikatibo.

Ang tao ang gumagawa ng kaniyang kapalaran, nag-iisip ng kaniyang gagawin


at naghuhulma ng kaniyang ikabubuhay. Ngunit tulad ng pagiging mahalaga ng tao,
nananatiling mahalaga ang wika sa tao. Ang bawat pangkat ng tao o ang lipunang
may sariling kultura at kabihasnan ay lumilikha at lumilinang ng wikang angkop sa
kanilang pangangailangan. Pangangailangan ng lipunan at hindi pangangailangan
ng isang partikular na tao lamang.

Ang Modyul 2 ay papaksa sa kahulugan, pinagmulan at katangian ng wika.


Mahalagang matutuhan mo ang iba’t ibang konseptong nakapaloob sa wika
sapagkat ito ay isang midyum at instrumentong nakatutulong sa malayuning
komunikasyon, pagpapalitan ng kaisipan, at pag-uunawaan ng mga tao.

Habang nagpapatuloy ka sa pag-aaral, mahalagang magamit mo ang iyong


kakayahan sa paggamit teknolohiya at mailapat ang kahusayan sa pananaliksik ng
kaugnayan ng paggamit ng wika sa iba’t ibang midyum at larangan.

Sa pagtatapos ng modyul na ito, inaasahang malilinang mo ang sumusunod:


Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELCs)
1. Natutukoy ang mga kahulugan at kabuluhan ng mga konseptong pangwika
(F11PT-Ia-85); at
2. Naiuugnay ang mga konseptong pangwika sa mga napakinggan/napanood na
sitwasyong pangkomunikasyon sa radyo, talumpati, mga panayam at
telebisyon. (F11PD-Ib-86)

Mga Tiyak na Layunin:


1. Natutukoy ang kahulugan at teoryang pinagmulan ng wika;
2. Naipaliliwanag ang katangian ng wika;
3. Naipaliliwanag ang mga terminong pangwika sa tulong ng sariling
kaalaman, karanasan at/o pananaliksik; at
4. Nakapagsasaliksik ng dokumentaryong pangwika at nakasusulat ng
komentaryo sa malikhaing paraan.

O mahal kong mag-aaral, nasasabik ka na bang malaman ang iba’t ibang


impormasyon tungkol sa wika? Halika na’t magsimula na tayo sa pag-aaral at
pagsagot sa mga gawain.

LU_Q1_KomPan_Module2
Aralin
Kahulugan, Pinagmulan at
2 Katangian ng Wika

Simulan

Atin munang sukatin ang inisyal mong kaalaman sa wika. Isagawa mo ang
paunang gawain. Alam kong kayang-kaya mo ito, kaya’t simulan mo na.

Gawain 1: WIKAkrostik
Panuto: Gamit ang akrostik, bigyang-kahulugan mo ang WIKA mula sa iyong sariling
opinyon o kaalaman. Gayahin ang pormat sa sagutang papel. Maaari itong
gawing malikhain.

A
Ang galing mo! Binabati kita’t nagawa mo ang gawain. Ngayon naman ay atin
nang pag-aaralan ang iba’t ibang konseptong pangwika. Tiyak mas lalalim pa ang
inisyal mong kaalaman dito. Basahin at unawain mo lang itong mabuti upang
maintindihan mo.

LU_Q1_KomPan_Module2
Lakbayin

Kahulugan ng Wika

Alam mo bang…
Wika ang tawag sa kalipunan ng mga salitang ginagamit ng tao sa isang lipunang
may natatanging kultura at kabihasnan?
➢ Ayon kay Henry Gleason “Ang wika ay masistemang balangkas ng
sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo na ginagamit
sa komunikasyon ng mga tao sa lipunang may natatanging kultura”.
➢ Dagdag naman nina Mangahis et. al. (2005) na “Ang wika ay may mahalagang
papel na ginagampanan sa pakikipagtalastasan. Ito ang midyum na ginagamit
sa maayos na paghatid at pagtanggap ng mensaheng susi sa
pagkakaunawaan”.
➢ Ayon sa Webster (1974), “Ang wika ay isang sistema ng komunikasyon sa
pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng mga pasulat at pasalitang simbolo”.
➢ Ayon kay Archibald Hill, What is language? “Ang wika ang pangunahin at
pinakaelaboreyt na anyo ng simbolikong gawaing pantao”.
➢ Ayon kay Bienvenido Lumbera, 2007 (Pambansang Alagad ng Sining para sa
Literatura), “Ang wika ay parang hininga, sa bawat sandali ng buhay natin ay
nariyan ito. Palatandaan itong buhay tayo at may kakayahang umugnay sa
kapwa nating gumagamit din dito.”

Mga Teorya ng Pinagmulan ng Wika

Teoryang Biblikal
1. Tore ng Babel – Ang teoryang ito ay nahalaw mula sa Lumang Tipan ng Banal
na Kasulatan. Ayon sa pagsasalaysay, noong umpisa’y iisa ang wika ng mga
tao na biyaya ng Diyos – ang wikang Aramaic ng Syria (Aram) at Mesopotamia.
May paniniwalang ito ang kauna-unahang wikang ginamit sa daigdig. Dahil
sa nagkakaunawaan ang lahat, napag-isipang magtayo ng isang tore upang
hindi na magkawatak-watak at nang mahigitan ang Panginoon. Nang mabatid
ito ng Panginoon, bumaba Siya sa lupa at sinira ang tore. Nang nawasak na
ang tore, nagkawatak-watak na ang tao dahil iba-iba na ang wikang kanilang
binibigkas kaya nagkani-kaniya na sila at kumalat sa mundo. (Genesis kab.
11:1-8)
2. Pentecostes – Hango sa Bagong Tipan ng Banal na Kasulatang nagsasabing
sa pamamagitan ng biyaya ng Espiritu Santo, natuto ang mga apostol ng mga
wikang hindi nila nalalaman. Nilukob sila ng maladilang apoy na nagpasigla
sa kanila hanggang sa magsalita ng iba-ibang wika. Dito nagsimula ang
paglalaganap sa salita ng Diyos sa iba’t ibang lupalop ng daigdig.

Teoryang Siyentipiko
3. Teoryang Bow-wow – Sinasabi sa teoryang ito na nagkaroon ng wika ang tao
dahil noong umpisa’y ginagaya nila ang tunog na nililikha ng mga hayop gaya
ng tahol ng aso, tilaok ng manok at huni ng ibon.
4. Teoryang Ding-dong – Maliban sa tunog ng hayop, ipinapalagay sa teoryang
ito na ang lahat ng bagay sa kapaligiran ay may sariling tunog na siyang

LU_Q1_KomPan_Module2
kumakatawan sa nasabing bagay. Mga tunog ang nagpapakahulugan sa mga
bagay tulad ng kampana, relo, tren, patak ng ulan, langitngit ng kawayan,
talbog ng bola at iba pa.
5. Teoryang Pooh-pooh – Ipinagpapalagay sa teoryang ito na ang tao ay
nakalilikha ng tunog sanhi ng bugso ng damdamin. Gamit ang bibig,
napabubulalas ang mga tunog ng pagdaing na dala ng takot, lungkot, galit,
saya at paglalaan ng lakas.
6. Teoryang Yo-he-ho – Isinasaad ditong nagsimula ang wika sa indayog ng
himig-awitin ng mga taong sama-samang nagtatrabaho.
7. Teoryang Sing-song – Ito ay nagmula sa pag-awit ng mga kauna-unahang
tao; may melodiya at tono ang pag-usal ng mga unang tao. Halimbawa nito’y
paghimno o paghimig.
8. Teoryang Yum-yum – Sinasabi sa teoryang ito na ang wika ay nagmula sa
pagkumpas ng maestro ng musika at sa bawat kumpas ay nagagawa niyang
lumikha ng tunog mula sa kaniyang labi.
9. Teoryang Ta-ta – Mula sa wikang Pranses na nangangahulugang paalam.
Sabi sa teoryang ito, ginagaya ng dila ang kumpas o galaw ng kamay ng tao
na kaniyang ginagawa sa bawat partikular na okasyon tulad ng pagkumpas
ng kamay nang pababa at pataas tuwing nagpapaalam.
10. Teoryang La-la – Ayon sa teoryang ito, may mga puwersang may kinalaman
sa romansa. Ito ang salik na nagtutulak sa tao upang magsalita.
11. Teoryang Ta-ra-ra-boom-de-ay – Sinasabing ang mga tao ay natutong
humabi ng mga salita mula sa mga seremonya at ritwal na kanilang ginagawa.
Mangyari pa, sa mga ritwal na ito kadalasan ay may mga sayaw, sigaw at iba
pang gawain, nagkakaroon ng mga salitang kanilang pinananatili upang
maging bahagi na ng kanilang kultura.
12. Teorya ni Charles Darwin – Ito ay nakasaad sa aklat na Lioberman (1975)
na may pamagat na “On the Origin of Language”, sinasaad niya ang
pakikipagsapalaran ng tao para mabuhay ang nagtuturo sa kaniya upang
makalikha ng iba’t ibang wika. Wikang natutuhan tungkol sa mga
pakikipagsapalaran.
13. Teorya ng Kahariang Ehipto – Ayon sa paniniwalang ito, Ang hari ng Ehipto
na si Haring Psammetichus ay nagsagawa ng isang ekspiremento kung saan
ang isang sanggol ay inilagay sa isang kweba na walang maririnig na kahit na
anong salita. Makalipas ang mga taon, ang unang salitang nabigkas ng bata
ay “Vekos” na ang ibig sabihin ay tinapay. Sa madaling sabi, likas na
natutunan ng tao ang wika kahit hindi ito itinuturo. “Unconsciously learning
the language.”

Gawain 2: Unawain Natin!


A. Panuto: Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong sagutang papel.
1. Anong mahalagang kaisipan ang iyong natutuhan sa kahulugan ng wika?
Pumili ng isang pagpapakahulugan at ipaliwanag.
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________

2. Anong mahalagang idea ang naikintal sa natalakay na teorya ng pinagmulan


ng wika? Sa tingin mo, alin sa mga teoryang ito ang pinakanakapaglahad ng
pinagmulan ng wika? Bakit?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________

LU_Q1_KomPan_Module2
B. Panuto: Basahin at piliin mo sa Kolum B ang tamang deskripsyon ng mga
teoryang nasa Kolum A. Isulat ang letra ng tamang sagot sa iyong
sagutang papel.
KOLUM A KOLUM B
_____ 1. Sing-song A. mula sa ritwal at mga seremonya
_____ 2. Bow-wow B. wikang natutuhan sa pakikipagsapalaran
_____ 3. Ta-ra-ra-boom-de-ay C. puwersang may kinalaman sa romansa
_____ 4. La-la D. nangangahulugang paalam
_____ 5. Ding-dong E. nagmula sa pag-awit ng mga tao
_____ 6. Pooh-pooh F. nagkawatak-watak ang mga tao
_____ 7. Tore ng Babel G. natututuhan kahit walang nagtuturo
_____ 8. Charles Darwin H. paggaya sa tunog ng mga hayop
_____ 9. Yo-he-ho I. indayog ng himig-awitan ng mga tao
_____ 10. Ta-ta J. mula sa tunog ng mga bagay sa paligid
K. nakalilikha ng tunog dahil sa bugso ng
damdamin

Katangian ng Wika
1. Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga
makabuluhang tunog (ponema) na kapag pinagsama-sama sa makabuluhang
sikwens ay makalilikha ng mga salita (morpema) na bumabagay sa iba pang
mga salita (semantiks) upang makabuo ng mga pangungusap. Ang
pangungusap ay may estruktura (sintaks) na nagiging basehan sa
pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.
a. Ponolohiya – pag-aaral ng ponema; ponema ang tawag sa makabuluhang
yunit ng binibigkas na tunog sa isang wika. Halimbawa ay ang mga
ponemang /k/, /o/, /m/, /u/, /n/, /i/, /k/, /a/, /s/, /y/, /o/ at /n/ na
kung pagsama-samahin sa makabuluhang ayos ay mabubuo ang salitang
“komunikasyon”.
b. Morpolohiya – pag-aaral ng morpema; morpema ang tawag sa
pinamakamaliit na makabuluhang yunit ng salita sa isang wika. Sa
Filipino, ang tatlong uri ng morpema ay ang salitang-ugat, panlapi at
ponema.
Hal. Salitang-ugat = tao, laba, saya, bulaklak, singsing, doktor
Panlapi = mag-, -in-, -um-, -an/-han
Ponema = a
*tauhan, maglaba, doktora
c. Sintaksis – pag-aaral ng sintaks; sintaks ang tawag sa pormasyon ng mga
pangungusap sa isang wika. Sa Filipino, maaaring mauna ang paksa sa
panaguri at posible naman ang kabaligtaran nito. Samantalang sa Ingles,
laging nauuna ang paksa.
Hal. Mataas ang puno.
Ang puno ay mataas.
*The tree is tall. (hindi maaaring ‘Tall is the tree.’ o ‘Tall the tree.’)
d. Semantiks – pag-aaral ng relasyon ng salita sa bawat isa sa iisang
pangungusap; ang mga salita sa pagbuo ng pangungusap ay bumabagay
sa iba pang salita sa pangungusap upang maging malinaw ang nais
ipahayag.
Hal. Inakyat niya ang puno.
Umakyat siya sa puno.
*Makikita na nang ginamit ang pandiwang [inakyat] ang panghalip ng aktor
sa pangungusap ay [niya] at ang pantukoy sa paksa ay [ang]. Samantalang

LU_Q1_KomPan_Module2
sa ikalawang pangungusap, ang pandiwa ay napalitan ng [umakyat] kaya
nakaapekto ito sa panghalip ng aktor na dati’y [niya] ngayo’y [siya] na. Imbis
na pantukoy na [ang] ay napalitan na ng pang-ukol na [sa]. Nagkaiba na ang
kahulugan ng dalawang pangungusap.
2. Ang wika ay binubuo ng mga sinasalitang tunog. Upang magamit nang
mabuti ang wika, kailangang maipagsama-sama ang mga binibigkas na tunog
upang makalikha ng mga salita. (Tingnan ang ponolohiya)
3. Ang wika ay pinili at iniayos sa paraang arbitraryo. Lahat ng wika ay
napagkakasunduan ng mga gumagamit nito. Alam ng mga Ilocano na kapag
sinabing (balay), bahay ang tinutukoy nito. Sa Chavacano naman ay (casa)
kapag nais tukuyin ang bahay at (bay) naman sa Tausug samantalang (house)
sa Ingles.
4. Ang wika ay natatangi o may kakanyahan. Lahat ng wika ay may sariling
set ng palatunugan, leksikon at estrukturang panggramatika. May katangian
ang isang wika na pangkaraniwan sa ibang wika samantalang may katangian
namang natatangi sa bawat wika.
Hal.
Wikang Swahili – atanipenda (magugustuhan niya ako)
Wikang Filipino – Opo, po
Wikang Subanon – gmangga (mangga)
Wikang Ingles – girl/girls (batang babae/mga batang babae)
Wikang Tausug – tibua (hampasin mo), pugaa (pigain mo)
Wikang French – François (pangngalan /fransh-wa/)

* Mapapansin sa wikang Swahili (isang wika sa Kanlurang Africa) isang salita


lamang ngunit katumbas na ng isang buong pangungusap na natatangi sa
wikang ito. Sa Filipino lamang matatagpuan ang mga salitang opo at po bilang
paggalang. Sa Subanon naman, mayroon ding pangkaraniwang ayos ng mga
ponema gaya ng di-kompatibol na dalawang magkasunod na katinig sa iisang
pantig na wala sa karamihang wika. Sa Ingles naman, isang ponema lamang
ang idinagdag ngunit nagdudulot ng makabuluhang pagbabago. Sa Tausug
naman ang pagkabit ng ponemang /a/ ay nagdudulot na ng paggawa sa kilos
na saad ng salitang-ugat. Sa French naman, mayroon silang natatanging
sistema sa pagbigkas ng mga tunog pangwika.
5. Ang wika ay nagbabago o dinamiko. Patuloy na nagbabago at yumayaman
ang wika. Nagbabago-bago ang kahulugan ng isang salita na dumaragdag
naman sa leksikon ng wika.
Hal. BOMBA
Kahulugan
a. Pampasabog
b. Igiban ng tubig mula sa lupa
c. Kagamitan sa paglalagay ng hangin
d. Bansag sa malalaswa at mapanghalay na larawan at pelikula
e. Sikreto o baho ng mga kilalang tao
6. Ang lahat ng wika ay nanghihiram. Humihiram ang wika ng ponema at
morpema mula sa ibang wika kaya ito’y patuloy na umuunlad. Gaya sa
Chavacano, binibigkas na ang ‘ka’ na hiniram sa Cebuano bilang kapalit ng
‘tu’ at ‘bo’. Ang Filipino ay madalas manghiram gaya ng paghiram sa mga
salitang dyip at edukasyon na mula sa Ingles na jeep at Kastilang educaćion.
7. Ang wika ay kabuhol ng kultura. Madali nating makilala ang isang tao sa
pamamagitan ng wikang kaniyang ginagamit. Ang ice ay may limitadong
katumbas sa Filipino dahil tropical na bansa ang Pilipinas at ang rice naman
ay may limitado ring katumbas sa Ingles sapagkat hindi bahagi ng kanilang
kultura ang pagkain ng bigas.

LU_Q1_KomPan_Module2
8. Ang wika ay ginagamit sa komunikasyon. Nabuo ang lipunan dahil sa
grupo ng tao na patuloy na nag-uugnayan at nakikipagtalastasan.
Kasangkapan ang wika upang magpatuloy ang sirkulasyong ng lipunan at
magpatuloy ang ating pag-iral bilang tao. Tuluyang mamamatay ang wika
kung hindi ginagamit.
9. Ang wika ay nasusulat. Bawat tunog ay sinasagisag ng mga titik o letra ng
alpabeto. Ang tunog na “bi” ay sinasagisag ng titik na ‘b’. Ang simbolong ‘m’
ay sumasagisag sa tunog na “em”.
10. Ang wika ay may lebel o antas. May antas o level ang wika na naayon sa
kausap, lipunan, panahon o pagkakataon. Maaring pormal o di-pormal ito.

Galugarin

Gawain 3: Sagutin Natin!


Panuto: Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong sagutang papel.
1. Bakit nasabing masistemang balangkas ang wika? Ilahad ang proseso nito.
___________________________________________________________________________
2. Bakit nasabing ang wika at pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo?
Ipaliwanag.
___________________________________________________________________________
3. Ipaliwanag kung bakit ang wika ay natatangi o may kakanyahan. Iugnay ito
sa sariling wikang ginagamit sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang
halimbawa.
___________________________________________________________________________
4. Paano mo magagamit ang wikang iyong natutuhan upang makilala ang lugar
na iyong pinanggalingan?
___________________________________________________________________________
5. Sa paanong paraan nakatutulong ang pagkakaroon ng pormal na wika upang
maipahatid ang mensahe sa ibang lugar?
___________________________________________________________________________

Gawain 4: Paunlarin Pa Natin!


Panuto: Ipaliwanag ang mga terminong pangwika ayon sa sariling kaalaman,
pananaw at mga karanasan. Maaaring magsaliksik ng pansuportang idea.
Gayahin ang pormat sa sagutang papel.

PONEMA MORPEMA SINTAKS SEMANTIKS

LU_Q1_KomPan_Module2
Palalimin

Gawain 5: Online Wika Doku-mentaryo


Panuto: Gamit ang kaalaman sa modernong teknolohiya gaya ng Social Media Sites
na Facebook, Youtube at Google, magsaliksik ka ng isang dokumentaryong
pumapaksa sa wika. Matapos kang makapagsaliksik, gagawan mo ito ng
komentaryo sa malikhaing paraan. Maaaring gayahin ang pormat sa
sagutang papel. Isaaalang-alang ang rubrik sa pagtataya ng awtput.

Pamagat ng
Dokumentaryo

Rubrik sa Pagtataya ng Awtput

Krayterya Napakahusay Mahusay Katamtaman Papaunlad Nangangailangan


(20) (16) (12) (8) ng gabay (4)
Nilalaman Naipahayag nang Naipahayag nang Katamtamang Papaunlad ang Hindi malinaw na
sobrang husay mahusay ang naipahayag ang paraan ng naipahayag ang
ang sariling sariling komento o sariling komento o pagpapahayag ng sariling komento o
komento o opinyon sa opinyon sa sariling komento o opinyon sa
opinyon sa nasaliksik na nasaliksik na opinyon sa nasaliksik na
nasaliksik na dokumentaryo dokumentaryo nasaliksik na dokumentaryo
dokumentaryo dokumentaryo
Kasiningan Napakamasining Masining ang Katamtaman ang Papaunlad ang Hindi masining ang
ng presentasyon o presentasyon o kasiningan ng kasiningan ng presentasyon o
pagkakabuo ng pagkakabuo ng presentasyon o presentasyon o pagkakabuo ng
awtput awtput pagkakabuo ng pagkakabuo ng awtput
awtput awtput
Gramatika Mahusay na Nailapat ang Katamtamang Papaunlad ang Hindi nailapat ang
nailapat ang wastong nailapat ang pagkakalapat ng wastong gramatika
wastong gramatika sa wastong wastong sa awtput
gramatika sa awtput nang may gramatika sa gramatika sa
awtput kakaunting awtput awput
kamalian

LU_Q1_KomPan_Module2
Sukatin

Ang galing! Binabati kita dahil nakaabot ka sa bahaging ito. Batid kong marami
kang natutuhan sa iba’t ibang mga aralin sa Modyul na ito. Ngayon, ating tatayahin
ang iyong kaalaman sa nakalipas na mga aralin.

PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. Panuto: Basahin at unawain mo ang sumusunod na tanong. Isulat sa iyong
sagutang papel ang letra ng tamang sagot.
_____ 1. “Ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinili
at isinaayos sa paraang arbitraryo na ginagamit sa komunikasyon ng
mga tao sa lipunang may natatanging kultura”. Ang
pagpapakahulugang ito ay mula kay _____________________.
A. Archibald Hill B. Bienvenido Lumbera
C. Henry Gleason D. Mangahis et al.

_____ 2. “Ang wika ay parang hininga, sa bawat sandali ng buhay natin ay


nariyan ito. Palatandaan itong buhay tayo at may kakayahang
umugnay sa kapwa nating gumagamit din dito.” Ito ang
pagpapakahulugan sa wika ni __________________.
A. Archibald Hill B. Bienvenido Lumbera
C. Henry Gleason D. Mangahis et al.

_____ 3. Alin sa sumusunod na paliwanag ng pinagmulan ng wika ang mula kay


Charles Darwin?
A. Ang wika ay kusang natututuhan kahit walang nagtuturo.
B. Ang wika ay nagmula sa paggaya sa tunog ng mga hayop.
C. Ang wika ay natututuhan sa pakikipagsapalaran.
D. Ang wika ay naipalaganap ng mga apostol.

_____ 4. Sinasabi sa teoryang ito na ang wika noong unang panahon ay iisa
lamang ngunit nang tangkain ng mga taong higitan ang Panginoon,
nagalit Siya’t nagkawatak-watak ang mga tao.
A. Teoryang Bow-wow B. Teoryang La-la
C. Teoryang Pentecostes D. Teorya ng Tore ng Babel

_____ 5. Alin sa sumusunod na teorya ang nagpapalagay na ang tao ay


nakalilikha ng tunog sanhi ng bugso ng damdamin?
A. Teoryang Ding-dong B. Teorya ng Kahariang Ehipto
C. Teoryang Pooh-pooh D. Teoryang Ta-ta

B. Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang sumusunod na pangungusap. Isulat


sa iyong sagutang papel ang FACT kung ang pangungusap ay Tama at
kung ito’y mali, isulat naman ang BLUFF saka isulat sa sagutang papel
ang salita / mga salitang nagpamali sa pangungusap.
___________________ 1. Hindi lahat ng wika ay may sariling set ng palatunugan,
leksikon at estrukturang panggramatika.
___________________ 2. Humihiram ang wika ng ponema at morpema mula sa
ibang wika kaya ito’y patuloy na umuunlad.

LU_Q1_KomPan_Module2
___________________ 3. Ang wika ay hindi maaaring makapagdulot ng ibang
kahulugan.
___________________ 4. Ang kapangyarihan ng wika ay siya ring kapangyarihan
ng kulturang nakapaloob dito.
___________________ 5. Ang wika ay isang komplikadong balangkas.

C. Panuto: Sinasabing ang wika ay kabuhol ng kultura. Ngayon, magbigay ka ng


mga salitang maiuugnay sa salitang nasa gitna ng grapikong
presentasyon at bigyan ito ng kahulugan batay sa kulturang Pilipino.
Gayahin ang pormat nito sa sagutang papel. Maaaring magdagdag ng
bilog.

RICE

https://www.pngaaa.com/download/715583

Napakahusay mo! Natutuwa ako’t


matiyaga kang natututo at ginawa mo nang
buong husay ang mga gawain. Sulit na sulit
ang iyong paglalakabay dahil naging siksik
ang iyong natutuhan sa iba’t ibang
konseptong pangwika. Ihanda mo ang iyong
sarili sa kasunod na modyul – Modyul 3:
Kabuluhan ng Wika.

10

LU_Q1_KomPan_Module2
LU_Q1_KomPan_Module2
11
ARALIN 2 (Kahulugan, Pinagmulan at Katangian ng Wika)
SIMULAN
Gawain 1: WIKAkrostik Iba-iba ang sagot
LAKBAYIN
Gawain 2: Unawain Natin!
A. Iba-iba ang sagot B.
1. E 6. K
2. H 7. F
3. A 8. B
4. C 9. I
5. J 10. D
GALUGARIN
Gawain 3: Sagutin Natin! Iba-iba ang sagot
Gawain 4: Paunlarin Pa Natin! Iba-iba ang sagot
PALALIMIN
Gawain 5: Online Wika Doku-mentaryo Iba-iba ang sagot
SUKATIN
PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. B. C.
1. C 1. BLUFF Iba-iba ang maaring
2. B 2. FACT maging sagot ngunit
3. C 3. BLUFF narito ang batayan sa
4. D 4. FACT pagwawasto ng
5. C 5. BLUFF kasagutan.
Kanin
Bigas
Palay
Bahaw
Sinaing
Sinangag
Lugaw
Tutong
Malagkit
Susi sa Pagwawasto
Sanggunian
Anonymus, “Mga Potensyal na Sagabal sa Komunikasyon,” Tagalog Lang, Hulyo 24,
2020, https://www.tagaloglang.com/potensyal-na-sagabal-sa-komunikasyon.

ArJay Bolisay, “Unang wika at Pangalawang wika,” Slideshare, Hulyo 24, 2020,
https://www.slideshare.net/ArJayBolisay/unang-wika-at-pangalawang-wika.

Christian Blue, “Mga Sangkap at Proseso Ng Komunikasyon,” Scribd, Hulyo 24,


2020, https://www.scribd.com/document/271188474/Mga-Sangkap-at-Proseso-
Ng-Komunikasyon.

Karmina Gumpal, “Komunikasyon - Akademikong Filipino tungo sa Epektibong


Komunikasyon,” Slideshare, Hulyo 24, 2020,
https://www.slideshare.net/1777414445/komunikasyo.

P.D.S., Carpio et.al., Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino


(Malabon City: Jimczyville Publications, 2016).

12

LU_Q1_KomPan_Module2
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Department of Education – SDO La Union


Curriculum Implementation Division
Learning Resource Management Section
Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union 2500
Telefax: 072-205-0046
Email Address:
launion@deped.gov.ph
lrm.launion@deped.gov.ph

LU_Q1_KomPan_Module2

You might also like