You are on page 1of 2

Pangarap sa Ilalim ng Pandemya

ni Rhonabelle R. Mission

Ang krisis ng pandemya ang isa sa mga humadlang sa pangarap ng


nakararami. Dahil dito, maraming limitasyon ang ipinatupad na siyang
ikinalungkot ng mga katulad kong mag-aaral. Ang mga dating normal
na ginagawa sa paaralan ay bihira na lamang na pinahihintulutan.
Nakakalungkot isipin na ganito na ang sitwasyon na ating natatamo.
Ngunit kasabay nitong problema, gumagawa naman ng paraan ang
ating gobyerno upang maibalik ang dating kasanayan. Kahit papano,
tayo ay napahintulutan na matuto gamit ang gadgets at iba pang
kasangkapan sa pakikipagkomunikasyon. Ito ay lubos na nakatulong
ngunit hindi lahat ay mapalad na maranasan ito.

Nang ako ay nakapagtapos ng Grade 10, agad isinulong ang


lockdown na siyang humadlang sa aking pangarap na makaakyat ng
entablado. Tinanggap ko naman ito dahil alam kong hindi rin ginusto
ng nakararami na mapunta sa ganitong sitwasyon. Ako’y nagpatuloy ng
aking senior high sa parehong paaralan sapagkat dito ako ninanais
ipasok ng aking mga magulang. Dahil sa naninibago ako sa online class,
hindi ko lubos maintindihan kung paano ito gawin. Sa unang linggo ng
klase ay inaral ko ang paggamit nito. Hindi ganoon kadali ngunit
mabilis ko namang natutunan. Nahihiya man sa camera, pinilit ko pa
rin ang sarili na humarap dito. Bagong kaklase ang aking nakilala
ngunit nahirapan akong makisama. Hindi ito tulad ng face-to-face class
na kung saan personal mong nakakaharap at nakakausap ang iyong
mga kaklase. Hindi ako pamilyar sa iba lalong lalo na sa mga hindi
dumadalo ng klase. Noong una ay nagustuhan ko ang ganoong
sitwasyon dahil hawak ko ang aking oras sa lahat ng bagay. Kaya kong
matuto kahit nakahiga, nakaupo, kumakain man o gumagala. Ngunit
nitong mga nakaraang buwan ay mabilis na akong maabala ng mga
bagay sa paligid. Naiistorbo ako ng mga ingay sa labas na siyang sanhi
ng hindi ko pagkinig sa klase. Nawawala ako sa pokus sa tuwing
inuutusan ako ng aking ina sa mga gawaing bahay. Wala naman akong
magawa kundi sundin siya dahil nabali niya ang kanyang kaliwang
braso at kailangan niya ng kaagapay sa mga gawain. Nagkataon din na
kinailangan kong maghanap ng mapagkakakitaan at naisipan kong
sumali sa isang streaming application. Dahil dito, tuluyan akong
nawalan ng oras sa pag-aaral at naging pokus ko ang pag-iipon ng pera.
Mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho ngunit kailangan
kong pumili ng prayoridad. Kinalaunan, napagtanto ko na kailangan
kong unahin ang aking pag-aaral dahil dito nakasalalay ang aking
kinabukasan. Inayos ko ang aking oras para mabalanse ang dalawa
kahit mahirap at sobrang nakakapagod. Iniisip ko na lamang na ang
aking ginagawa ay para sa aking mga magulang. Hindi ganoon kalaki
ang kita ng aking ama kung kaya’t gumagawa rin ako ng paraan upang
makatulong sa kanila. Hindi biro ang magtrabaho kaya nais kong
ipakita sa kanila ang aking pagsisikap. At nang ako’y nakaabot ng
Grade 12 ay labis ang aking galak. Sa wakas at malapit na akong
magkolehiyo at matutupad na ang aking mga pangarap. Hindi naging
madali ang aking mga naging karanasan ngunit masaya naman ako na
may nadadala akong aral sa mga ito.

Bilang mag-aaral, kinailangan kong maging matatag. Marami pa


akong pagdadaanan ngunit kailangan kong palakasin ang aking sarili
upang hindi sumuko sa anumang hamon ng buhay. Sa aking mga
naranasan, natutunan kong balansehin ang aking oras dahil hindi
mainam na magbigay pokus lamang sa isang bagay at hayaan naman
ang isa. Natutunan ko rin na dapat magsikap dahil mahirap mamuhay
kung tamad. Wala akong mararating kung paiiralin ko na lamang ang
salitang “Bahala na.” Napagtanto ko na ang lahat ng ito ay hindi
maisasaalang-alang kung wala akong disiplina sa sarili. Sa akin
magmumula ang pagbabago kung kaya’t sarili ko rin ang aking aayusin.
Walang madali sa lahat ng bagay kaya pinapatatag ko na lang ang
aking sarili. Ika nga ni Fr. Luciano Felloni, “Huwag madaliin ang
pagbabago ng sarili, bagkus ay maging pursigido upang
magtagumpay.”

You might also like