You are on page 1of 25

Republic of the Philippines

UNIVERSITY OF SOUTHERN MINDANAO


GRADUATE STUDIES
Second Semester, School Year 2021-2022

“Ang Recipe ng Intsik”: Isang Paghihimay

Isang Papel Pananaliksik

Bilang Isa sa Pinal na Kahingian sa Asignaturang

(EdDFIL802) NAPAPANAHONG LITERATURA

EMEGELINE ARGULLA-VELARDE, MAEd


Mag-aaral
Doktor ng Pilosopiya sa Edukasyon
Medyor sa Filipino

NELIA ORPIANO-DU, PhD


Propesor

AGOST0 2022

1 |V E L A R D E
ABSTRAK

Layunin ng pag-aaral na ito na masuri ang tulang ‘’Ang Recipe ng Intsik’’ at mahimay

ang kontekstong pangnilalaman nito. Ang pananaliksik na ito ay isang deskriptibong

pag-aaral na isinagawa upang mabatid kung ang naturang akda ay nagtataglay ng

katangiang naaayon sa pamantayan nina Norton (2003), Lukens (1995), at Mcguire

(1982) na nagsasaad na mahalaga ang pagbibigay-diin sa mga elementong literari

(Aguila, 2017) sa pagsusuri ng isang tula. Ang mga ito ay nakapaloob din sa ginamit na

dulog sa panunuring pampanitikan ni Glazer (1997) na text-focused at context-focused

approach. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral na ito, natuklasan ng mananaliksik na

mahalaga ang pagsusuri ng mga akdang ipinagagamit sa mga mag-aaral. Mula sa mga

nakuhang pamantayan at naging batayan ng pag-aaral, nakabuo ng isang

instrumentong maaaring gamitin bilang pamantayan sa pagsusuri ng tula. Mahalaga

ang pagkakaroon ng panimulang ebalwasyon upang matiyak ang kaangkupan nito sa

mga mambabasa at magamit bilang kagamitan sa pagtuturo. Ito ay mahalagang ambag

na makatutulong ng lubos sa mga gurong gumagamit ng ganitong uri ng tula.

Susing Salita: Pagsusuri, Pamantayan, Kagamitan sa Pagtuturo

2 |V E L A R D E
KABANATA I

PANIMULA

Isa sa kasanayang binibigyan ng pagpapahalaga sa ngayon lalo na sa mga mag-

aaral ay ang pagiging mapanuri, mapagmasid at marunong makialam. Ayon kay

Koopman (2013), ang pakikibahagi ay isang magkasamang desisyong o

impluwensiyang pinagtutulungan nang magkakasama.

Sa panahon ng ika-21 siglo, higit ding binibigyang-tuon ng Kagawaran ng

Edukasyon ang paghasa at paglinang sa kasanayan ng mga mag-aaral na matuto at

masanay na tumayo sa sariling kakayahan. Pinaniniwalaang ang pagiging matatag ng

pamayanan ay nakasalalay sa matibay na kasanayan sa pagdedesisyong analitikal.

Ilan sa mga nararapat linangin sa mga mag-aaral ay ang pagkakaroon ng interes

sa pagbasa ng mga makabuluhang akdang pampanitikan na aangkop sa kanilang

pagkatuto. Inilahad ni Rushdie (2018) na ang mga mag-aaral na may taglay na

maraming karanasan ay inaasahang magkaroon ng higit na pag-unawa sa daigdig ng

imahinasyon na nilikha ng mga akdang pampanitikan. Samakatuwid, ang katangiang

ito ay mahalaga sa pag-uugnay ng karanasan ng mambabasa sa mga pangyayari,

tauhan, at mga sitwasyong inilalahad. Ito ay nilalakipan ng mga nakaaaliw na mga

larawan na panghalina sa mga mag-aaral. Marami sa mga ito ay punompuno ng kulay

para mahikayat ang target na mambabasa na mga batang mag-aaral (Aguila, 2017).

Bilang bahagi ng proseso sa pagtuturo at pagkatuto, isa ang tula sa mga uri ng

panitikang may matayog na antas ng pagpapahayag na naglalarawan ng kaisipang

nagbibigay hugis sa iba’t ibang anyo ng damdamin sa buhay (Rey, 2016). Binigyang-

3 |V E L A R D E
halaga rin ni Rey (2016) ang kaisipan ni Sitwel, na ang tula ay ang napakataas na antas

ng kamalayan (heigthened consciousness).

Upang higit na mahasa ang kasanayan sa pagbabasa, mas mainam ding matuto

at mahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral na masuri ang kanyang binabasa. Sa

resulta ng PISA 2018, lumalabas na napag-iiwanan ang Pilipinas sa larangan ng

pagbabasa na naging batayan upang isulong ng Kagawaran ang pagpapatupad ng mga

inisyatibong may kaugnayan sa paghasa ng kasanayang ito sa mga mag-aaral. Isa ang

pagpapabasa at pagpapasuri ng tula sa mga daan upang magsilbing lunsaran sa

pagpapaunlad ng kasanayang ito.

Sa pag-aaral na ito, pinili ng mananaliksik na gamitin at himayin ang isang

makabagong anyo ng tulang naaangkop sa panahon ng kabataang mag-aaral sa

makabagong panahon.

KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL

Ang katagumpayan ng pag-aaral na ito ay makakatulong sa sumusunod:

MAG-AARAL. Makatutulong ang pananaliksik na ito dahil magiging maayos na

ang kanilang makukuhang impormasyon sapagkat alam na ng guro ang pananaw na

magiging susi ng kanilang pagkatuto.

GURO. Makatutulong ang pananaliksik na ito upang malaman ang mga

pamantayang maaaring magamit sa pagtuturo ng pagsusuri ng tula.

MANANALIKSIK. Ang pag-aaral na ito ay makatutulong sa

pagpapaunlad at pagpapahusay sa sariling kakayahan sa pag-alam ng pananaw para

4 |V E L A R D E
sa lubusang pagkatuto sa mga ito. Magagamit din ito ng mananaliksik bilang gabay sa

kanyang pag-aaral.

SA IBA PANG MANANALIKSIK. Ang pag-aaral na ito makatutulong din sa

ibang mananaliksik dahil puwede nila itong pagbatayan ng kanilang gawing

pananaliksik na may kaugnayan sa pag-alam ng mga pamantayan sa pagsusuri ng tula.

MGA LAYUNIN NG PAG-AARAL

Layunin ng pag-aaral na ito na masuri ang tulang “Ang Recipe ng Intsik” at

mahimay ang kontekstong pangnilalaman nito.

Ang mga tiyak na layunin ng pag-aaral ay ang sumusunod:

1. Nasusuri ang siping tula ayon sa:

a. elementong saklaw nito; at

b. pagpapahalagang nakapaloob sa tula

2. Natataya ang pagsusuring ginawa

a. mga mag-aaral; at

b. mga guro sa akda

3. Nakabubuo ng pamantayan sa pagsusuri ng tula

MGA TANONG SA PAG-AARAL

Ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang masuri ang tulang “Ang Recipe ng

Intsik”, mahimay ang kontekstong pangnilalaman nito, at partkular na masagot ang

sumusunod na katanungan:

5 |V E L A R D E
1. Ano-ano ang sinasaklaw ng akda batay sa:

a. Elemento ng tula; at

b. Pagpapahalagang nakapaloob dito?

2. Ano ang naging impak ng akda sa mga mag-aaral at mga guro?

3. Anong pamantayan ang maaring mabuo sa pagsusuri ng tula?

TEORYANG PANANAW

Sa pag-aaral na ito matutumbok ang iba’t ibang uri ng pananaw na

kinabibilangan ng sumusunod:

FORMALISMO O PORMALISTIKO. Malinaw na malinaw ang pagkakalahad sa

tula ng layunin ng may-akda maging ang nais niyang ikintal sa isipan ng mambabasa.

Ang estilo ng may-akda sa paglalahad mula sa simula hanggang sa huling saknong ay

nagpapakita ng kaisahan at maayos na pagkakasunod-sunod.

MORALISTIKO. Saklaw rin ng pananaw moralistiko ang tema ng akda na

naglalahad ng panghahamong gawin ang tama at nararapat. Sa paraan ng

pagkakasunod-sunod ng kaisipan sa bawat saknong, maaaninag ang impluwensiyang

nagpapalitaw sa pag-uugaling nararapat lamang tularan ng mga mambabasa na

maaaring maging panuntunan sa pakikipagsapalaran sa buhay.

SOSYOLOHIKAL. Tiyak ang pagkakalarawan sa akda ng kaligirang sitwasyon

sa lipunan na nagsilbing pinakadiwa nito. Malinaw na naipakita ng may-akda ang

kalagayan at suliraning panlipunan sa lipunang kaniyang kinabibilangan. Ang tuwirang

paghahambing ng may-akda sa katangian at pag-uugali na maaaring tularan ng

6 |V E L A R D E
karamihan lalo na sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay ay nagdulot ng

karagdagang kariktan sa pagkakaayos ng akda.

HISTORIKAL. Masasalamin sa akda ang kaligirang impluwensiya ng

kasaysayan sa pang-araw -araw na pamumuhay ng tao. Sa pamamagitan ng estilong

ginamit ng may-akda, makikita ang imahen ng kultura at tradisyon maging ang mga

nakasanayang gawi ng mga ninuno na naging mahalagang parte ng kasaysayan.

SAKLAW AT LIMITASYON

Ang pag-aaral ay isinagawa sa mga mag-aaral na nasa Baitang 12 ng Alabel

National High School, Probinsiya ng Sarangani, Taong Panuruan 2021-2022. Ang mga

naging partisipants sa pananaliksik na ito ay ang 25 na mag-aaral ng Baitang 12 na

natukoy gamit ang Systematic Random Sampling Technique at dalawang (2) guro na

nagtuturo ng asignaturang Malikhaing Pagsulat sa naturang taon. Ang nabanggit na

mga mag-aaral ay pawang kumukuha ng Academic Track / Humanities and Social

Sciences Strand.

Ang pag-aaral ay ginamitan ng Kuwalitatibong Disenyo sa pamamagitan ng

pakikipanayam upang masuri ang tulang “Ang Resipe ng Intsik” at mahimay ang

kontekstong pangnilalaman nito.

KATUTURAN NG MGA TERMINO

Upang higit na magkaroon ng pantay na pag-unawa ang mananaliksik at ang

mambabasa, ang sumusunod na termino ay binigyang-kahulugan ayon sa

pagkakagamit nito sa pag-aaral:

7 |V E L A R D E
PAGSUSURI. Proseso ng paghihimay sa isang paksa upang maging isang maliit

na bahagi tungo sa mas mainam at malinaw na pag-unawa.

PAMANTAYAN. Balangkas na nagsisilbing gabay para sa anumang Gawain.

INTSIK. Naging dayo sa bansa bago pa man dumating ang mga kastila na

naging kapalitang produkto ng mga sinaunang Pilipino.

RECIPE/RESIPE. Isang hanay ng mga tagubilin para sa paghahanda ng isang

partikular na ulam, kabilang ang isang listahan ng mga sangkap na kinakailangan.

PAMILYA. Institusyon ng pagtutulungan at pagmamahalan.

ELEMENTO. Tumutukoy sa mga mahahalagang bahagi ng isang bagay o

kaganapan.

PAGPAPAHALAGA. Pagbibigay-galang o tuon sa ginagawa na nagresulta ng

mabuti at pagbabago sa sarili

KABANATA II

MGA KAUGNAY NA LITERATURA

Nakasalig ang pananaliksik na ito sa pag-aaral na ginawa ni Aguila (2017) at

iba’t ibang pananaw sa pagsusuri ng panitikan na binibigyang-diin ang kahalagahan ng

paghahanda sa mga mag-aaral na maging bihasa sa anumang kasanayang akademiko

at maging mapagpahalaga sa kanyang sariling moralidad, pagpapahalaga sa pamilya,

at mabuting pakikitungo sa kapwa at komunidad bilang bahagi ng kanyang pagpapa-

unlad ‘di lamang ng kaniyang sarili kung hindi maging sa lipunang kaniyang

kinabibilangan lalo na sa larangan ng pangkabuhayan.

8 |V E L A R D E
ELEMENTO NG TULA

Sinasabing ang pagsasanay sa pagsulat ng tula ay magpapahusay rin sa

koleksyon ng imahen sa iba pang mga anyo sapagkat ang tula ay isang napaka-imahen

na anyo ng pagsulat. Maaaring maikling pahayag lamang ang ginamit ng makata sa

pagsusulat nito ngunit maaari na itong magtaglay ng malakas na impak kung malalakas

na pananalita naman ang kaniyang ginamit. Samakatuwid, hindi kailangan ang

maraming salita upang ipahayag ang malawak na kaisipan at emosyon sa pagsusulat

nito. Sa gayon, makapagbibigay ito ng pagkakataon sa mga mag-aaral na maiugnay

ang dating kaalaman at karanasan sa kasalukuyang pinag-aaralan.

Higit na mas mapagaganda ang pagkakalahad ng kaisipan sa pagsusulat ng tula

sa pamamagitan ng paggamit ng mga elementong sumasaklaw rito. Ilan sa mga

elementong ito ay kinabibilangan ng anyo na tumutukoy sa kung paano isinulat ang

tula. Ito ay maaaring tulang may Malayang Taludturan na walang sinusunod na sukat,

tugma, o anyo. Ito ay karaniwang ayon sa nais ng manunulat. Tradisyonal naman kung

tawagin ang tulang may sukat, tugma, at mga matalinghagang salita. May Sukat na

Walang Tugma ang mga tulang may tiyak na bilang ang pantig ngunit ang huling pantig

ay hindi magkakasingtunog o hindi magkakatugma. Samantalang Walang Sukat na

may Tugma naman ang mga tulang walang tiyak na bilang ang pantig sa bawat

taludtod ngunit ang huling pantig ay magkakasintunog o magkakatugma.

Dagdag pa rito ang elemento ng Kariktan na tumutukoy sa pagtataglay ng mga

salitang umaakit o pumupukaw sa damdamin ng mga mambabasa. Mga salitang

ginamit ng may akda na malinaw na nakapag-iwan ng hindi malilimutang impresyon na

natatanim sa isipan ng mga mambabasa. Ang isang tula ay kinakailangang magtaglay

9 |V E L A R D E
ng maririkit na salita upang masiyahan ang mambabasa gayon din upang mapukaw ang

kanilang damdamin at kawilihan.

Samantala sa ibang bersiyon, naidagdag ang Persona ng Tula na tumutukoy sa

nagsasalita sa tula at maaari ding ang makata. Maari din naman na magkaiba ang

kasarian ng persona at makata na maaaring isang bata, matanda, pusa, aso, o iba

pang nilalang sa layuning mabigyang-buhay ang akda.

Nakadaragdag din ang mga Matatalinghagang Salita sanhi upang maiangat at maging

matayog ang pagpapakahulugan ng mga detalye at idea ng makata.

PAGPAPAHALAGA

Masasabing hindi lamang akademiko ang kailangan upang maitaguyod ang

isang balanse at produktibong estudyante. Kailangan din niya na maipamahagi at

mapaunlad ang kanyang angking kakayahan at mga talento anupa’t hindi lamang

sumasaklaw sa apat na sulok na silid aralan ang edukasyon na kailangan ng bawat

estudyante (Apostol et al., 2012).

Dagdag ni Guillermo (2015), hindi sapat ang katalinuhang dulot ng mga leksyon

kung hindi balanse at produktibo ng isang estudyante. Nararapat niyang maipamahagi

at mapaunlad ang kanyang natatanging talento. Ang kamalayan na kinabibilangan ng

isang mag-aaral ay hindi lamang saklaw ng apat na sulok ng silid aralan kundi maging

sa labas ng paaralan.

Bawat indibidwal ay nagtataglay ng iba’t ibang kapasidad at ang estudyante ay

maaaring may mga kalakasan at kahinaan sa iba’t ibang larangan. Ito ay maaaring ituro

at malinang sa pamamagitan ng paglalakbay ng mag-aaral, karanasan sa buhay, mga

10 |V E L A R D E
oportunidad, mga impluwensya, pag-aaral na may suporta at paghikayat ng kanilang

mga magulang (Tan, 2016).

Dito pumapasok ang tungkulin at papel ng mga magulang bilang bahagi ng pag-

unlad ng bawat kabataan. Ang paggabay lalo na sa pagpapahalagang moral bilang

bukal ng mga kaisipang batayan ng wastong pamumuhay at pakikipagkapwa (Magallo,

2021) ay angkop lamang na maikintal sa isipan ng kabataan. Nagsisilbing batayan ang

mga ito ng mga kaisipang magtuturo sa tamang pagpili at pagbuo ng mga desisyon sa

buhay na ayon sa pamantayang itinakda ng moralidad.

Ang magulang ay maaaring sumuporta at tumulong sa kanilang mga anak sa

maraming paraan lalo na sa pagbibigay ng mga mapagkukunan ng mga materyales

upang matuklasan ng isang mag-aaral ang larangan kung interesado siya. Ang

pagtulong sa mga anak na makatutulong sa kanila na makakuha ng impormasyon sa

pag-unlad sa pamamagitan ng pagbisita sa paaralan, panghihimok sa kanila na

makilahok sa mga ekstrakurikular na aktibidad at espesyal na kaganapan sa ibang

paaralan. Sinasabing ang paglalantad sa mga anak sa iba’t ibang mga karanasan ay

isang mahalagang paraan ng mga magulang upang masuportahan ang kanilang mga

anak upang umangkop sa lipunan (Scant, 2012).

Sinang-ayunan din ito ni Diaz (2015) na ang pakikisangkot ng mga magulang sa

isports ay aspetong labis na mahalaga sa pagkatuto ng mga mag-aaral na atleta. Ang

pakikisangkot ng mga magulang sa isports na aktibidad ay nagdaragdag ng

pakahulugan sa edukasyunal na karanasan ng isang atleta. Ang suporta ay

nakatutulong sa pag-unlad ng isang atleta sa kanilang pag-uugali gayundin sa kanilang

mga kasanayan.

11 |V E L A R D E
Sa pag-aaral ni Aguirre (2011) ay napag-alaman na halos 90% ng mga gawain

na nakasalalay sa pagbabasa ng mga mag-aaral ay kinakailangang isaalang-alang sa

ilang mga bagay upang maging kapaki-pakinabang ang mga ginagawa at maging

makabuluhan lagi ang panahon para sa pag-aaral.

Ang mga mag-aaral na aktibong nakikilahok sa proseso ng pagkatuto ay may

posibilidad na magkaroon ng mataas na marka. Kaya ang mga gawaing akademiko ng

mag-aaral, palagay kung papaano naimpluwensyahan ang estratehiya at bakgrawn ay

may direktang epekto sa kanyang marka at akademikong natamo nito sa sekondaryang

paaralan (Robert et al., 2011).

Sa pagkakataon ding ito nahahasa ang pagpapahalaga ng kabataan sa iba’t

ibang aspekto ng buhay at nagiging pundasyon ng kanyang pagtanaw ng utang na loob

sa pamilya lalo na sa mga magulang. Kasabay na rin dito ang kanyang pakikipagkapwa

at pakikisalamuha sa komunidad na kaniyang kinabibilangan.

KABANATA III

METODOLOHIYA

Ang isinagawang pananaliksik ay isang deskriptibong pag-aaral na naglalayong

masuri ang tula. Ang deskriptibong pananaliksik ay may paglalarawan, pagtatala,

pagsusuri, at pagbibigay interpretasyon sa kasalukuyang kalikasan o proseso.

Isinagawa ang pag-aaral na ito upang matuklasan kung ang mga detalyeng saklaw sa

akda ay nagtataglay ng katangiang naaayon sa pamantayan nina Norton (2003),

Lukens (1995), at Mcguire (1982) na nagsasaad na mahalaga ang pagbibigay-diin sa

12 |V E L A R D E
mga elementong literari sa pagsusuri ng isang tula. Ang mga ito ay nakapaloob din sa

ginamit na dulog sa panunuring pampanitikan ni Glazer (1997) na textfocused at

context-focused approach upang makabuo ng pamantayan sa pagsusuri ng tula bilang

gabay sa pagpili ng angkop na babasahin para sa batang mag-aaral.

Upang maisakatuparan ang naturang layunin ng pag-aaral, isinagawa ang mga

proseso o hakbang sa pagbuo ng deskriptibong pagsusuri na tumutugon sa isang

sistematiko at maayos na paraan ng pananaliksik.

DISENYO NG PANANALIKSIK

Ang mananaliksik ay gumamit ng Kuwalitatibong Disenyo sa pagsusuri ng tula.

Ito ay kinapapalooban ng mga uri ng pagsisiyasat na ang layunin ay malalimang

unawain ang pag-uugali at ugnayan ng mga tao at ang dahilan na gumagabay rito. Ang

disenyong ito ay pinapatnubayan ng paniniwalang ang pag-uugali ng tao ay laging

nakabatay sa mas malawak na kontekstong pinangyayarihan nito at ang mga

panlipunang realidad gaya ng kultura- institusyon- at ugnayang pantao na hindi

maaaring mabilang o masukat. Sa pangangalap ng datos, gumamit ng isang balidong

talatanungan upang makalap ang mga impormasyong kinakailangan na nagmula sa

mga partisipante. Isinagawa ang pamamahagi ng katanungan sa tulong ng google

forms samantalang ang panayam naman ay sa paraang birtuwal.

TUNGKULIN NG MANANALIKSIK

Ang mananaliksik ay ang taong nag-aaral, nagsasaliksik at nangangalap ng

kaalaman at impormasyon tungkol sa isang paksa o idea sa layuning mabigyang

13 |V E L A R D E
solusyon ang isang suliranin o ‘di naman kaya ay matugunan ang ilang mahahalagang

katanungan.

Tungkulin niya na makapagbigay ng mga bagong impormasyon kaugnay sa

paksang kanyang sinasaliksik. Sinisiguro niya na ang nakalap na impormasyon ay

tugma sa paksa na kaniyang pinag-aaralan. Responsibilidad niyang maglagay ng mga

sanggunian o references at higit sa lahat at dapat din niyang masiguro na

maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga kalahok sa kaniyang isinagawang pag-

aaral.

MGA KALAHOK SA PAG-AARAL

Ang pag-aaral ay isinagawa sa mga mag-aaral na nasa Baitang 12 ng Alabel

National High School, Probinsiya ng Sarangani, Taong Panuruan 2021-2022. Ang mga

naging partisipants sa pananaliksik na ito ay ang 25 mag-aaral ng Baitang 12 na

natukoy gamit ang Systematic Random Sampling Technique at dalawang (2) guro na

nagtuturo ng asignaturang Malikhaing Pagsulat sa naturang taon. Ang nabanggit na

mga mag-aaral ay pawang kumukuha ng Academic Track / Humanities and Social

Sciences Strand.

MGA HAKBANG NG PANANALIKSIK

Sa pagsasagawa ng pananaliksik, pumili ang mananaliksik ng angkop na

tekstong nagsilbing lunsaran ng daloy ng kaisipan at imahinasyon ng mga piling

kalahok. Ang deskriptibong pananaliksik ay may paglalarawan, pagtatala, pagsusuri, at

pagbibigay interpretasyon sa kasalukuyang kalikasan o proseso. Isinagawa ang pag-

14 |V E L A R D E
aaral na ito upang matuklasan kung ang mga nagwaging kuwentong pambata sa

Palanca ay nagtataglay ng mga katangiang naaayon sa pamantayan nina Norton

(2003), Lukens (1995), at Mcguire (1982) na nagsasaad na mahalaga ang pagbibigay-

diin sa mga elementong literari sa pagsusuri. Ang mga ito ay nakapaloob din sa ginamit

na dulog sa panunuring pampanitikan ni Glazer (1997) na textfocused at context-

focused approach upang makabuo ng pamantayan sa pagsusuri ng maikling kuwentong

pambata na magsisilbing gabay sa pagpili ng angkop na babasahin para sa mag-aaral.

Upang maisakatuparan ang naturang layunin ng pag-aaral, isinagawa ang mga proseso

o hakbang sa pagbuo ng deskriptibong pagsusuri na tumutugon sa isang sistematiko at

maayos na paraan ng pananaliksik.

PINAGMULAN NG DATOS

Ang mga datos na ginamit ay hango sa kasagutan ng 25 kalahok na mag-aaral

mula sa Baitang 12 ng Alabel National High School at dalawang (2) mga guro na

nagtuturo ng asignaturang Malikhaing Pagsulat sa nabanggit na baitang.

PAGSUSURI NG DATOS

Hinimay ng mananaliksik ang nilalaman ng tula ayon sa elemento at

pagpapahalagang saklaw nito. Sinuri at tinalakay ayon sa mga datos na nakalap mula

sa mga kalahok na kinabibilangan ng 25 mag-aaral mula sa Baitang 12 ng Alabel

National High School at dalawang (2) mga guro na nagtuturo ng asignaturang

Malikhaing Pagsulat sa nabanggit na baitang.

15 |V E L A R D E
ETIKAL NA PAGSASAALANG-ALANG

Ang mananaliksik ay humingi ng pahintulot sa punongguro ng paaralan maging

sa mga natukoy na partisipants upang maisagawa ang pag-aaral.

PAGIGING MAPAGKAKATIWALAAN NG PAG-AARAL

Ang pag-aaral na ay dumaan sa proseso ng paghingi ng permiso mula sa

kinauukulan at sumunod sa angkop na pamaraan ng pananaliksik. Lahat ng nakalap na

datos ay pinagtitibay at pinatunayang totoo’t mapakikinabangan sa iba pang pag-aaral.

KABANATA IV

PANANALIKSIK AT PAGTALAKAY

Sa kabanatang ito inilahad ng mananaliksik ang mga nakalap, sinuring datos at

binigyang pagpapaliwanag mula sa ginawang pagsusuri ng tula.

ELEMENTO NG TULA

Ang sinuring akdang ‘Ang Recipe ng Intsik’ ay nagtataglay ng sumusunod na

elemento: sukat, saknong, tugma, anyo, tono, talinghaga at mga pagpapahalaga. Batay

sa pagsusuri, nakita na higit na nakatulong ang paggamit ng mga nabanggit na

elemento upang maipakita ang sumusunod na katangian:

16 |V E L A R D E
1) Tuwiran ang pagkakalahad ng may-akda sa nais nitong ipabatid na mensahe sa

mambabasa; 2) ang pagkakaayos ng pantig ay hindi pareho ang sukat o hindi pare-

pareho ang bilang ng pantig sa bawat taludtod; tig-aapat na taludtod sa bawat saknong

at binubuo ng pitong saknong ang buong tula; 3) may tugma ang mga huling pantig sa

bawat taludtod mula sa una hanggang sa huli; 4) maikli at simple; tiyak at tuwiran ang

mga salitang ginamit; malinaw ang pagkakasunod-sunod; 5) ang tono ng persona sa

tula ay nanghahamon sa mga mambabasa ngunit gumagabay ng nararapat gawin nito;

at 6) ginamitan ng may-akda ng pagkumpara sa gawi at kultura ng dayuhan ang akda

sa maaaring gawi at kultura ng mambabasa.

PAGPAPAHALAGANG NAKAPALOOB SA TULA

Ang kabuoan ng tula ay kinakitaan ng mga pagpapahalagang nakatutulong nang

malaki sa paghubog ng katauhan ng mambabasa. Ito ay ang pagpapahalaga sa

pamilya, pagpapahalaga sa kabuhayan at pakikipagkapwa.

ANG PAGPAPAHALAGA SA PAMILYA. Ang bawat kasapi ng pamilya ay

mahalaga sapagkat bawat isa ay may kaniya-kaniyang papel na ginagampanan.

Nakasalalay sa pagtutulungan at pagtitiyaga ng bawat kasapi ng pamilya ang

pag-abot sa nais makamtang kayamanan.

PAGPAPAHALAGA SA KABUHAYAN. Bilang naghahanapbuhay,

binigyang-diin ng may-akda ang simple at karaniwang bagay, katulad ng isang

simpleng pagkain ngunit nagugustuhan. Higit pa sa binabangit ay ang mas

malalim na kahulugan ng pagtitiis. Kahit konti ang kita basta’t tuloy-tuloy ay

magiging tiyak ang walang hinto na pagdating ng grasya.

17 |V E L A R D E
PAGPAPAHALAGA SA PAKIKIPAGKAPWA. Na mahalagang matuto

kung papaano makisama sa lipunan o komunidad na iyong kinabibilangan. Mas

madali ang iyong pang-araw-araw na gawain kung marami kang kaibigan at

nagpakita ka ng kabutihan sa mga taong nakapaligid sa iyo.

IMPAK NG PAGSUSURING GINAWA NG MGA MAG-AARAL AT GURO

Sa panayam na ginawa ng mananaliksik sa partisipants na mag-aaral, lumalabas

na 1) madaling unawain ang pagkakalahad ng tula; 2) komprehensibo at epektibo ang

estilong ginamit ng may-akda; 3) nakapagbigay-aral at hikayat sa mambabasa ang

akda.

Higit na nangibabaw ang pagpapahalagang sosyolohikal na

tumutumbok sa pag-uugali ng tao tungo sa pag-abot sa minimithi sa buhay.

Batay naman sa ginawang ebalwasyon ng mga guro sa panitikan, higit na

nakaimpluwensiya ang anyo ng akda upang mapadali ang pag-unawa ng mambabasa.

Naging mabisa at epektibo ang ginamit ng may-akda.

Sa simpleng malayang pagpapahayag, higit na malalim na kaisipan

ang naipapahayag. Mas malawak na pag-unawa sa kahalagahang moral at

sosyolohikal ang umiral.

PAMANTAYAN SA PAGSUSURI NG TULA

Ang mga simulain nina Norton (2003), Lukens (1995), at Mcguire (1982) na

nagbigay-pokus sa elementong literari na ginamit din ni Aguila (2017) ay naging

mahalagang batayan sa pagbuo ng pamantayan sa pagsusuri ng tula, tema, estilo ng

awtor, at pagpapahalagang nakapaloob dito.

18 |V E L A R D E
Binigyang-halaga ang kontribusyon ng pag-aaral na ito ang binuong mga

pamantayan sa pagsusuri ng tula bilang instrumentong makatutulong sa pagtitiyak ng

kaangkupan ng nilalaman nito sa mga mag-aaral. Ang mga pamantayang ito ay ang

sumusunod: 1) kaayusan ng estruktura; 2) kawili-wiling daloy ng kaisipan; 3)

nagbibigay-katiyakan at tono ng tula; 4) temang may mataas na pamantayang moral at

karaparat-dapat ibahagi sa mga mambabasa; at 5) estilo na may orihinalidad at

pagsasaalang-alang sa pagpili ng angkop na pananalita

KABANATA V

KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON

Sa bahaging ito inilahad ng mananaliksik ang kongklusyon at rekomendasyon ng

pag-aaral.

KONGKLUSYON

Batay sa pag-aaral, ang sumusunod ay ang kongklusyon:

Ang sinuring akda ay nagtataglay ng sumusunod na elemento: sukat, saknong, tugma,

anyo, tono, talinghaga at mga pagpapahalaga. Batay sa pagsusuri, natukoy na ang

paggamit nito sa pagsulat ng tula ay higit na nakatulong upang maipakita ang mga

sumusunod na katangian:

1) Tuwiran ang pagkakalahad ng may-akda sa nais nitong ipabatid na mensahe sa

mambabasa; 2) ang pagkakaayos ng pantig ay hindi pareho ang sukat o hindi pare-

pareho ang bilang ng pantig sa bawat taludtod; tig-aapat na taludtod sa bawat saknong

at binubuo ng pitong saknong ang buong tula; 3) may tugma ang mga huling pantig sa

19 |V E L A R D E
bawat taludtod mula sa una hanggang sa huli; 4) maikli at simple; tiyak at tuwiran ang

mga salitang ginamit; malinaw ang pagkakasunod-sunod; 5) ang tono ng persona sa

tula ay nanghahamon sa mga mambabasa ngunit gumagabay ng nararapat gawin nito;

at 6) ginamitan ng may-akda ng pagkumpara sa gawi at kultura ng dayuhan ang akda

sa maaaring gawi at kultura ng mambabasa.

Sa panayam na ginawa ng mananaliksik sa mga kalahok na mag-aaral,

lumalabas na 1) madaling unawain ang pagkakalahad ng tula; 2) komprehensibo at

epektibo ang istilong ginamit ng may-akda; 3) nakapagbigay-aral at hikayat sa

mambabasa ang akda.

Ang mga simulain nina Norton (2003), Lukens (1995), at Mcguire (1982) na nagbigay-

pokus sa elementong literari na ginamit din ni Aguila (2017) ay naging mahalagang

batayan sa pagbuo ng pamantayan sa pagsusuri ng tula, tema, estilo ng awtor, at

pagpapahalagang nakapaloob dito.

Binigyang-halaga ang kontribusyon ng pag-aaral na ito ang binuong mga

pamantayan sa pagsusuri ng ng tula bilang instrumentong makatutulong sa pagtitiyak

ng kaangkupan ng nilalaman nito sa mga mag-aaral. Ang mga pamantayang ito ay ang

sumusunod: 1) kaayusan ng estruktura; 2) kawili-wiling daloy ng kaisipan; 3)

nagbibigay-katiyakan at tono ng tula; 4) temang may mataas na pamantayang moral at

karaparat-dapat ibahagi sa mga mambabasa; at 5) estilo na may orihinalidad at

pagsasaalang-alang sa pagpili ng angkop na pananalita

20 |V E L A R D E
REKOMENDASYON

Matapos ang masusing pag-aaral sa pagsusuri ng tula, ang sumusunod ay

inirerekomenda ng mananaliksik:

1) Sanayin ang mga mag-aaral sa pagbabasa at pagsusuri ng tula bilang

pagpapalawak ng kasanayang analitikal;

2) Maaaring gamitin ang pamantayan sa pagsusuri ng tula para sa mas

makabuluhang pagsusuri;

3) Maipagpatuloy ang pagkakaroon ng ibayong pag-aaral upang mas mapayabong

pa ang naging resulta ng pananaliksik.

21 |V E L A R D E
MGA SANGGUNIAN

Aguila, C. J. (2017). Isang salamisim sa pagkabata: pagsusuri, pagtuklas, at


ebalwasyon sa mga kuwentong pambata na nagwagi sa gantimpalang palanca
sa panitikan. The Normal Lights, 11(1), 176 – 197.

Apostol, et. al (2013). Isang pagsusuri tungkol sa epekto ng mga school activities sa
akademiko ng mga mag-aaral sa San Beda College ng taong panuruan 2012-
2013. Alabang, Muntilupa City

Burac, M.F. (2021) Balangkas Ng Pagsusuri Ng Tula.


(https://www.academia.edu/13027040/BALANGKAS_NG_PAGSUSURI_NG_T
ULA

Diaz, M. (2015). Parental Involvement in Sports and Academic Performance of Athlete


Pupils. (An Undergraduate Thesis). Mindanao State University, General Santos
City.

Dumlao, E. V. (2008). Tungo sa Mapagpalayang Pagtula. U.P. Los Baños Journal, Vol.
VI, No. 1.

Koopman, P.L. (2013). Participative Management, Handbook of Work and


Organizational Psychology

Margallo, M. (2021) Panunuring Pampanitikan. Mga Uri at Elemento ng Tula. (2021).


https://aralinph.com/mga-uri-at-elemento-ng-tula/

Noval, A. T. (2020). Silip sa Kwento ng mga Mag-Aaral na Panggabi: Awtobayograpikal


na Salaysay ng Pagpupursige at Tagumpay. The Normal Lights, 14(1).

Rey, R. (2016, February 20). Kahalagahan. Academia.edu. Retrieved August 8, 2022,


from https://www.academia.edu/22237450/KAHALAGAHAN

22 |V E L A R D E
Saul, A. J. G., Capiz, J. R. D., & Milan, K. C. (2020). Manipestasyon ng Ika-21 Siglong
Kasanayan at Mungkahing Gawaing Makalilinang ng Kasanayan sa Kurikulum
ng Filipino ng Ikasampung Baitang. Asia Pacific Higher Education Research
Journal (APHERJ), 7(1).

Tan, S. (2016). Extracurricular Activities and Multiple Intelligence of Maguindanaon


Pupils. Mindanao State University, General Santos City.

University, P. R. M. S. (2019). Kakayahan sa Pagsusuri ng Tula. American Journal of


Humanities and Social Sciences Research. https://doi.org/10.1111/j.1600-
0579.2010.

Valle, R. (2019). https://philnews.ph/2019/09/06/elemento-ng-tula-ano-ang-limang-mga-


elemento-nito/

http://tagalogtulapilipinas.blogspot.com/2011/07/isang-makabagong-tagalog-na-
tula.html

https://www.panitikan.com.ph/isang-makabagong-anyo-ng-tula-na-walang-sinusunod-
na-sukat-at-tugma

23 |V E L A R D E
ANG RECIPE NG INTSIK
(Halimbawa ng tula sa malayang taludturan)

Alam mo ba kung bakit


Mayaman ang Instik
Na may-ari ng restaurant
Sa kanto ng J. Abad?

Ang pamilya nila


Gising nang maaga
At kahit pagod na,
Pilit pa ring nagtitinda.

Masarap din naman


Mga recipe ng ulam
At kahit na karaniwan
Ay magugustuhan.

Kaya ring iluto


Ng kahit sinong Filipino,
Ang pansit na gisado,
Ngunit bakit sila ang dinarayo?

Masaya kasi ang ngiti


Sa kanilang mga suki,
Iyan ang kanilang recipe
Sa pagkita ng salapi.

Sipag na totoo,
Samahan ng trabaho,

24 |V E L A R D E
Iwasan ang luho,
Tiyak ang asenso.

Iyan ang recipe ng Chinese


Sa kanilang mga business
At kahit hirap ay labis
Sigurado ang success!

25 |V E L A R D E

You might also like