You are on page 1of 3

Pangalan: Elisan, Marilou

Kurso: BSE FIL 2

Subject: LIT102

Ang Mag-asawang Walang Anak

Noong unang panahon, may mag-asawang hindi biniyayaan ng Diyos ng kahit na isang
anak sa loob ng labinlimang taong pagsasama. Sila ay sina Teban at Osang. Lahat ng
paraan ay ginawa na nila ngunit wala ring nangyari. Dahil sa kabiguang ito, ibinuhos ng
mag-asawa ang kanilang panahon sa pag aalaga na lang ng maraming hayop tulad ng
aso, pusa, manok, pabo, baboy at iba pa. Bukod sa nalilibang sila sa pag-aalaga ng
hayop, sila ay kumikita din dito.

Sa lipon ng mga alaga nilang hayop, ang pusang puti ang pinaka paborito ni Osang.
Alagang-alaga ito ni Osang sa pagkain at inumin. Itinatabi pa niya ito sa pagtulog.
Parang isang anak na ang turing ni Osang sa puting pusa.

Ngunit sa kabila ng kanilang pagiging abala sa pag-aalaga ng mga hayop, hindi pa rin
sila nawawalan ng pag-asang magkaanak. Patuloy pa rin silang namamanata sa iba’t-
ibang santo sa ibat-ibang lugar.

Sa isang malayong bayan na kanilang pinuntahan ay nangako si Osang na kung siya


ay bibiyayaan ng isang anak ito ay hinding-hindi niya patatapakin sa lupa.

Ang kanilang kahilingan ay natupad. Hindi nagtagal at nagsilang si Osang ng isang


babae at ito ay pinangalanan nilang Rosalita. Lumaki si Rosalita sa piling ng
mapagpalang kamay nina Teban at Osang. Tulad ng kanyang pangako, hindi
pinatutuntong ni Osang ang anak sa lupa kung kaya’t si Rosalita ay hindi nakalalabas
ng bahay.

Hanggang sa magdalaga na si Rosalita ay hindi pa nasayad sa lupa ang mga paa nito.
Nagkasundo ang mag-asawa na ipagtapat kay Rosalita ang tungkol sa kanilang
pangako. Naintindihan naman ni Rosalita ang kalagayan ng mga magulang at iginalang
niya ang bilin ng mga ito.

Kahit na hindi naglalabas ng bahay si Rosalita, maraming binata pa rin ang nakabalita
sa angking kagandahan ng dalaga. Dumadalaw sila at nanliligaw sa dalaga. May isang
napupusuan si Rosalita, siya ay si Antonio.
Isang araw ay dumalaw si Antonio kay Rosalita. Tumawag siya sa labas ng bahay.
Nagkataon naman na sa mga oras na iyon ay wala ang mga magulang ni Rosalita.
Dumungaw si Rosalita sa bintana.

“Puwede ba akong makatuloy, mahal kong Rosalita?” ang tanong ni Antonio.

“Hindi maari, wala rito ang mga magulang ko. Kabilin-bilinan nina Tatang at Nanang na
huwag akong magpapatuloy ng tao sa loob ng bahay,” ang sagot ni Rosalita.

“Kung ganoon, hindi naman siguro masama kung magkuwentu-han tayo dito sa hardin,”
mungkahi Antonio.

Sa kapipilit ni Antonio ay napapayag din niyang makausap sila ni Rosalita sa may


hardin. Naisip ni Rosalita na hindi naman siguro masama kung mag-usap sila sa hardin
ni Antonio. Higit sigurong magagalit ang kanyang mga magulang kung patutuluyin niya
sa loob ng bahay ang binata.

Ngunit pagtuntong na pagtuntong ni Rosalita sa lupa ay biglang yumanig ang buong


kapaligiran. Umagos ang tubig na hindi malaman kung saan nanggaling. Nilamon ng
tubig ang kabahayan. Nagyakap sina Antonio at Rosalita at humihingi ng saklolo.
Walang tulong na dumating.

Kinahapunan ay dumating ang mag-asawang Teban at Osang. Laking gulat nila nang di
makita ang kanilang bahay. Parang bula itong naglaho. Tanging isang ilog ang kanilang
nagisnan at sa pusod ng ilog na ito ay naroroon ang dalawang buwaya.

TITULO: Ang Mag-Asawang Walang Anak

TAUHAN: Osang,Teban, Rosalita at Antonio

TAGPUAN: Tahanan at Hardin

PANIMULA: Mag-asawang hindi biniyayaan ng Diyos ng kahit na isang anak sa loob ng


labinlimang taong pagsasama.

SAGLIT NA KASIGLAHAN: Ang kanilang kahilingan ay natupad na magkaroon ng


anak.

KASUKDULAN: May isang napupusuan si Rosalita, siya ay si Antonio.


KAKALASAN: Pagtuntong na pagtuntong ni Rosalita sa lupa ay biglang yumanig ang
buong kapaligiran. Umagos ang tubig na hindi malaman kung saan nanggaling.
Nilamon ng tubig ang kabahayan.

WAKAS: Dumating ang mag-asawang Teban at Osang. Laking gulat nila nang di makita
ang kanilang bahay. Parang bula itong naglaho. Tanging isang ilog ang kanilang
nagisnan at sa pusod ng ilog na ito ay naroroon ang dalawang buwaya.

TUNGGALIAN: Tauhan laban sa Kalikasan

TEMA: Tungkol sa pagmamahal sa pamilya

URI NG KWENTO: Maikling Kwento

You might also like