You are on page 1of 3

 

KRITIKAL NA SANAYSAY SA KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK


NINA: CARITATIVO, CARREON, AT SINLAO
11- DE REGGI
“THE KINGMAKER”

Ang “The Kingmaker” ay isang dokumentaryo na ipinalabas noong taong 2019. Ito ay
isinulat at idinirekta ni Lauren Greenfield, na nagtatampok ng karera ng pamamahala ng mga
Marcos noong taong 1965 hanggang 1986. Ipinapakita rin dito ang pagsisikap ni Imelda Marcos
para linisin ang nadungisang pangalan ng kanilang pamilya. Sa pang karagdagan, ipinapakita rin
ng dokumentaryong ito kung paano ginagawan ng paraan ni Imelda Marcos ang kanilang
sitwasyon para makabalik ang kanyang pamilya sa larangan ng pulitika. Sa katunayan, ang
kanyang anak na si Ferdinand “BongBong” Romualdez Marcos Jr. ay tumatakbo ngayong
eleksyon para sa pagka pangulo ng ating bansa. Nais ni Imelda Marcos na makitang manalo sa
pagka-pangulo ang kanyang anak, at nais niya ring maitatag ang alyansang nabuo sa pagitan ng
mga Marcos at mga Duterte noong panahong tumatakbo bilang presidente ng Pilipinas si
Rodrigo Duterte. Ang dokumentaryong ito ay humakot ng samot-saring mga parangal katulad
na lamang ng “Most Compelling Subject of a Documentary” at “Audience Award for Best
Documentary Film” sa Warsaw International Film Festival noong taong 2019. Ito rin ay na- iboto
bilang “Best Documentary Film”  sa London Film Festival at sa Stockholm Film Festival.
(IMDB,2020). Ang mga nabanggit ay i-ilan lamang sa mga parangal na nakamit ng
dokumentaryong ito. 
   
       Ayon kay Imelda Marcos, ang Pilipinas ay bumagsak mula noong nawala ang kanyang
pamilya sa posisyon. Dagdag pa dito, sinabi niya rin na noong namumuno sila ay walang pulubi
sa daan. Masaya siyang kinuhanan ng kamera ang pagbibigay niya ng pera sa batang lansangan
at mga batang may kanser. Ngunit saan ba galing ang pera at kayamanan na ipinamamahagi
niya? Ang pagiging bukas-palad niya ba ay sapat na? Kilala ang pamilyang Marcos dahil sa
pamumuno ni Ferdinand Marcos ng halos dalawang dekada at ang pagnanakaw sa kanilang
sariling bansa. Nagkakahalagang limang (5) bilyon hanggang sampung (10) bilyong dolyar ang
kanyang ninakaw mula sa bansang Pilipinas. 
          Noong sila ay namumuno sa bansa, sa isla ng Calauit ay pinuno ni Imelda Marcos ang isla
ng mga hayop na binili niya pa galing Africa. Sinabi niya na, gusto niya raw magkaroon ang
bansa ng mga hayop na wala pa ito, dahil ganun ang pagiging ina, kailangan punan ang mga
kulang sa bansa. Ipinapakita lamang niya dito kung gaano pabigla-bigla ang kanyang desisyon
nang hindi pinag-iisipan ang maaaring masamang maidudulot nito. Nasira at nawalan ng tirahan
ang mga mamamayan na nakatira sa Calauit, gawa ng mga hayop na dinala ni Imelda dito. Ayon
sa mga katutubo, hindi raw nila alam kung paano alagaan ang mga ito sapagkat wala rin
namang nagturo sa kanila. Basta na lamang nilagay ni Imelda ang mga hayop doon ng walang
konkretong plano sa mga ito. Ang ideya ng pamumuno ng mga Marcoses ay hindi naging
mabisa sa karamihan, ngunit para kay Imelda nagkaroon ng disiplina ang bansa noong
ipinatupad ng kanyang asawa na si Ferdinand Marcos ang martial law. Maririnig natin ang mga
hinaing ng mga naging biktima nito sa dokumentaryong napanood, inilarawan din ng mga
biktima kung paano ang pagpaparusang nakamit nila noong martial law. Ang pananakit,
panggagahasa, at pagpatay ba ang depinisyon ni Imelda ng disiplina? Mismong mga tauhan pa
nila ang gumawa ng mga karumal dumal na bagay sa ating bayan kung saan nilabag nito ang
karapatang pantao. 
        Kitang-kita sa mukha ni Imelda kung gaano niya kagustong linisin ang pangalan ng kanyang
pamilya sa interbyu, kung saan ibinahagi niya ang mga nagawa nila para sa bansa. Binanggit
niya rin kung gaano kahirap ang kanilang pinagdaanan noong panahon ng kanilang pamumuno.
Sa kabilang banda, makikita natin sa kanyang likuran, ang mga mamahaling gamit tulad ng
sapatos, alahas, at iba pang sosyal na gamit na kanyang nabili gamit ang ninakaw nilang pera sa
taong bayan. Ipinapakita rito kung paano nagka kasalungat ang mga sinasabi ni Imelda sa mga
nakikita natin. Naibahagi rin ni Imelda Marcos na may pera nga sila ngunit, hindi nila magalaw
ang kanilang mga perang nakatago sa iba’t-ibang mga bangko. Dagdag pa rito, ayon kay Sandro
Marcos (ang anak ni Bongbong Marcos) mahilig daw si BBM sa science partikular ang biology
ngunit sabi ni lolo (na si Ferdinand Marcos) kay dad (BBM) “there is no money in that, switch to
politics”. Mula na sa kanilang mga bibig, hindi nila gustong mamuno upang tulungan mapaunlad
at iangat ang bansang Pilipinas, kundi magkaroon ng kapangyarihan at mas palawakin ang
kanilang yaman. Mapapansin din natin sa dokumentaryong napanood kung gaano ka-peke ang
mga luha o iyak ni Imelda Marcos noong binanggit niya ang kanyang mga pinagdaanan noong
siya ay first lady ng bansa. Sinabi niya kung gaano siya nahirapan sa mga responsibilidad na
nakapatong sa kanyang ulo at kung gaano kasakit sa kanya ang pangangaliwa ng presidente.
Kung tutuusin, parehas lamang nilang ginamit ang kapangyarihan para sa kanilang pansariling
luho at kasakiman. 
       

 Nakakatawa kung paano pinaniniwalaan ni Imelda Marcos ang kanyang mga sinasabi
mula sa mga pagrereklamo niya hanggang sa paniniwalang naging mabuti ang pamamalakad ng
mga Marcoses sa bansang Pilipinas. Nakita kong nais iparating ni Imelda sa buong bansa ang
naging paghihirap ng kanilang pamilya at ang kanyang pagpapaawa, gusto niyang makuha ang
simpatya ng karamihan. Ang buong intensiyon ng kanyang interbyu ay maghugas kamay, linisin,
at ibalik sa kapangyarihan ang kanilang pamilya. Lalo na at tumatakbo ang kanyang anak na si
Bongbong Marcos bilang bise presidente noong ginawa ang dokumentaryong ito. Ngayon
naman ay tumatakbo ito bilang presidente ng Pilipinas sa 2022 nasyonal eleksyon. Nakakatakot
kung bibigyan pa natin ng pangalawang pagkakataon ang pamilyang Marcoses dahil minsan na
nila tayong nabigo. Hindi na dapat pang maluklok sa pwesto ang ganitong mga politiko, ang
isang pagkakamali ay hindi na nararapat pang maulit. Huwag nating hahayaang mapasakamay
muli ng mga magnanakaw at walang pusong politiko ang kinabukasan ng ating bansa. 
BIBLIOGRAPHY: 

 https://bloomspresidents.wordpress.com/ferdinand-edralin-marcos-1965-1986/

 https://www.theguardian.com/film/2019/dec/12/the-kingmaker-imelda-marcos-
philippines-documentary-lauren-greenfield

 https://entertainment.inquirer.net/385726/award-winning-docu-the-kingmaker-now-up-
for-streaming

 https://www.imdb.com/title/tt5105734/awards

You might also like