You are on page 1of 2

Paksa: Posisyong Papel

Ang posisyong papel, kagaya ng isang debate, ay naglalayong maipakita ang katotohanan at katibayan ng isang
tiyak na isyung kadalasan ay napapanahon at nagdudulot ng magkakaibang pananaw sa marami depende sa
persepsyon ng tao.

Dagdag pa, ang layunin ng posisyong papel ay mahikayat ang madla na ang paniniwalaan ay katanggap-
tanggap at may katotohanan. Mahalagang maipakita at mapagtibay ang argumentong pinaglalaban gamit ang
mga ebidensyang magpatotoo sa posisyong pinaniniwalaan o pinaninindigan.

Ayon kay Grace Feming, na sumulat ng artikulong “How to Write an Argumentative Essay” ang posisyong
papel ay ang pagsuporta sa katotohanan ng isang kontrobersyal na isyu sa pamamagitan ng pagbuo ng isang
kaso o usapin para sa inyong pananaw o posisyon.

Mahalagang mapatunayan na totoo at katanggap-tanggap ang isang usapin kapag nailatag na ang kaso at
ang posisyon hinggil sa isyu.

Isa itong sanaysay na naglalahad ng opinyon na naninindigan hinggil sa isang mahalagang isyu patungkol
sa batas, akademiya, politika, at iba pang mga larangan. Karaniwang isinusulat ang isang posisyong papel sa
paraang mapanghimok sa mambabasa upang maunawaan at sang-ayunan nito ang paninindigan ng nagsulat
hinggil sa isyung pinaksa.

Ang mga posisyong papel ay mainam sa mga kontekstong nangangailangan ng detalyadong


impormasyon upang lubos na maintindihan ang pananaw ng isa pang tao. lto ay karaniwang ginagamit sa
pampolitikong kampanya, mga organisasyon ng gobyerno, sa mundo ng diplomasya, at mga hakbang na
naglalayong baguhin ang mga pagpapahalaga ng komunidad at organizational branding o imahen ng isang
samahan o institusyon.

Mga Dapat Isaalang-Alang sa Pagsulat ng Posisyong Papel


Malayang Salin sa Fllipino ng “How to Write a Position Paper” ni Grace Fleming

1. Pagpili ng Paksa Batay sa Interes


Pumili ng paksa ayon sa iyong interes upang mapadali ang pagpapatibay ng iyong paninindigan o
posisyon. Kinakailangan ang ganito upang sa kabila ng pagiging mahirap ng pagsulat ay hindi ka mawalan ng
gana o panghinaan ng loob dahil gusto mo ang iyong paksa. Mas malawak din ang nagagawang pananaliksik
ng mga datos, opinyon, estadistika, at iba pang mga anyo ng mga katibayan kapag nasa iyong interes ang
paksa dahil nagiging mas bukas ang isipan sa mga bagong ideya.

2. Magsagawa ng Paunang Pananaliksik


Ang paunang pananaliksik ay kinakailangan upang matukoy kung ang katibayan ay magagamit upang
suportahan ang iyong paninindigan. Maaaring gumamit ng mga datos mula sa Internet, ngunit tiyaking
magmumula ito sa mga mapagkakatiwalaang web site, tulad ng mga educational site (.edu) ng mga
institusyong akademiko at pampananaliksik at mga site ng gobyerno (.gov), upang mahanap ang mga
propesyonal na pag-aaral at mga estadistika. Mahalaga ring magtungo sa silid-aklatan at gumamit ng mga
nailathala nang mga pag-aaral patungkol sa iyong paksa.

3. Hamunin ang lyong Sariling Paksa


Kailangang alamin at unawain ang kabaligtarang pananaw bukod pa sa nalalaman mo tungkol sa
iyong paksa upang mapagtibay ang iyong kaalaman at paninindigan sa iyong isusulat na posisyong papel.
Alamin ang lahat ng posibleng mga hamon na maaari mong makuha bilang suporta sa iyong mga pananaw.
Dapat harapin at kilalanin sa iyong posisyong papel ang mga kasalungat na posisyon at gumamit ng mga
kontra-argumento (datos, opinyon, estadistika, at iba pa) upang pahinain ang paninindigan ng mga ito.

Sa kadahilanang ito, dapat mong maisa-isa ang mga argumento para sa mga kasalungat na posisyon,
ilahad ang mga argumentong ito sa isang obhetibong paraan, at tukuyin kung bakit hindi tumpak ang mga ito.

Makatutulong din ang pagguhit ng isang linya sa gitna ng isang pirasong papel, ilista ang iyong mga
punto na sang-ayon sa iyong posisyon sa isang bahagi at mga kasalungat na punto naman sa kabilang
bahagi. Pagkatapos ay tayain kung anong posisyon ba talaga ang mas mahusay.

4. Magpatuloy Upang Mangolekta ng Sumusuportang Katibayan


Matapos matukoy na ang iyong posisyon ay makatitindig na at ang kasalungat na posisyon (sa iyong
opinyon) ay mas mahina kaysa sa iyong sariling posisyon, ikaw ay handa na sa iyong pananaliksik. Pumunta
sa aklatan at maghanap ng mas maraming mapagkukunan ng datos.
Maaari ding magsama ng opinyon ng isang dalubhasa o eksperto sa paksa (tulad ng mga doktor,
abogado, o propesor). Gayundin ng mga personal na karanasan mula sa isang kaibigan o miyembro ng
pamilya, personal na salaysay ng ibang tao, at iba pa na maaaring makaantig sa damdamin ng mambabasa.

5. Lumikha ng Balangkas (Outline)


Narito ang paraan kung paano babalangkasin ang isang posisyong papel:
1. Ipakilala ang iyong paksa gamit ang maikling paglalahad ng pangkaligirang impormasyon (background
information). Gumawa ng pahayag ng tesis na iginigiit ang iyong posisyon.
2. Itala ang mga posibleng kasalungat na pananaw ng iyong posisyon.
3. Ipakita rin ang mga sumusuportang punto ng mga kasalungat na pananaw ng iyong posisyon.
4. Pangatuwiran ang iyong posisyon sa kabila ng mga inilahad na mga kontra-argumento.
5. Ibuod ang iyong argumento at muling igiit ang iyong posisyon. Sa pagsulat ng posisyong papel,
ipahayag ang iyong opinyon nang may paninindigan at kasinupan sa impormasyon. Maging matatag sa
paninindigan, subalit panatilihin ang pagiging magalang. Iparating ang iyong mga punto at patunayan
ang mga ito gamit ang mga ebidensiya.

Narito ang isang halimbawa ng posisyong papel.

Diborsyo sa Pilipinas, Nararapat na Isabatas!


(Paglalahad ng Paksa)
Ang bawat bansa sa mundo ay pinapayagan ang mga nasasakupan na maghiwalay sa ilalim ng ilang mga kondisyon maliban sa
Pilipinas at ang Lungsod ng Vatican, isang ecclesiastical city , na walang pamamaraan para sa diborsyo. Ang usaping diborsyo ay
napakasensitibo sa ating bansa ngunit pinanindigan ng posisyong papel na ito na mahalagang gawing legal ang diborsyo sa ating bansa
bilang solusyon sa mga lumalalang problema ng mag-asawa at nang ito’y matuldukan na at magsimula muli.

(Posibleng kasalungat na pananaw ng iyong posisyon)


Matagal nang panahon na mainit na pinag-uusapan ang isyung ito. May mga sumusuporta at di-sumusuporta sa panukalang
batas ng senado na Divorce Bill. Ang Pilipinas ay kilala bilang relihiyosong bansa na kung saan, karamihan sa mga mamamayan dito ay
mga katoliko. Tutol sa panukalang batas na ito ang simbahang Katoliko dahil diumano ay labag ito sa kanilang doktrina. Para sa dalawang
taong nagmamahalan, ang pag-ibig ay mistulang pagkaing matamis na panghabambuhay na pagsasaluhan. At ang kasal ay isang bagay
na magtatali sa kanilang dalawa upang maging hanggang wakas ang pagmamahalan.

(Sumusuportang punto ng mga kasalungat na pananaw ng iyong posisyon.)


“To have and to hold from this day forward, for better, for worse, for richer, for poorer,  in sickness and in health, to love and to
cherish, till death us do part, according to God's holy law, in the presence of God I make this   vow”.Madalas nating marinig ang mga
pahayag na ito sa tuwing tayo ay dadalo ng isang seremonya ng kasalan. Ito ay pinaninindigan hanggang sa ngayon ng ating bansa.
Napakakoserbatibo natin kung kasalan ang pag-uusapan na.

Kaya naman, sa ating bansa, ang kasal ay hindi agad puwedeng basta na lang maghiwalay ang mag-asawa. Dahil dito wala
silang karapatan na muling magmahal at umibig. Maghihintay muna sila ng mahabang panahon hanggang sa maideklara ng korte na wala
ng bisa ang kasal.

(Pangangatwiranan ng posisyon sa kabila ng mga inilahad na mga kontra-argumento)


Ngunit hindi lahat ng kuwento ng pag-ibig ay nagtatapos na parang fairy tale. May pagsasamahan na sa paglipas ng panahon ay
unti-unting naging marupok at tuluyang inanod ng kataksilan. Nagiging masama ang samahan, nagkakaroon ng malalim na hidwaan at
kawalan ng tiwala ay ilan lamang sa mga bagay na sadyang nagpapagulo sa mabuting samahan ng mag-asawa. Minsan ay umaabot ito sa
karahasan na humahantong sa pisikal na sakitan hanggang mauwi sa hiwalayan.

May kasalukuyang batas ang Pilipinas na may kinalaman sa paghihiwalay ng mag-asawa. Ilan sa mga ito ay ang legal separation
at annulment of marriage. Ngunit ang nasabing mga batas diumano ay hindi ganap ang nagiging tugon sa mga kasong ito.

Sinasabing ang diborsyo ang makakapagbigay kasagutan sa mga isyung ito. Lahat halos ng bansa sa buong mundo ay may
ganitong batas, anuman ang kanilang paniniwala at relihiyon. Nakakapagtaka na ang mga Pilipino ay patuloy na nagpapakonserbatibo sa
pamamagitan ng turo ng simbahan gayong ang mga bansang mismong pinagmulan nito ay matagal ng tinangkilik ang ganitong batas. Ang
Spain na matagal tayong pinamahalaan at nagdala ng Kristiyanismo sa ating bansa ay may ganitong batas. Maging ang bansang Brazil na
may pinakamalaking bilang ng Katoliko sa mundo ay tinangkilik din ito. Ang Italy na kung saan ay kalapit lang ang Vatican na sentro ng
Katolisismo ay ginagamit din ito. Maging ang Israel na kung saan ipinanganak at namuhay ang panginoong Hesus ay isinabatas na ito.

Malaking kasalanan ba ang pagpasa ng nasabing batas? Imoral ba itong matatawag? Bakit naman tanging Pilipinas na lang ang
wala nito. Ibig sabihin ba ay mas mataas ang moral natin kumpara sa ibang bansa? Malamang hindi. Nagkataon lang siguro na karamihan
sa mga Pilipino ay ipokrita at ipokrito. Bagamat bawal ang aborsyon ay talamak itong nangyayari. Libo-libong kaso nito ang naiuulat.

(Pagbubuod)
Ang diborsyo ay isang batas na napakahalaga. Nagbibigay ito ng solusyon para sa mga hindi naging matagumpay na kasal at
pagsasamahan. Nagbibigay ito ng pagkakataon na subuking itama ang minsa’y pagkakamali. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon uli ng
tsansa ang mga nabigo at hindi naging matagumpay sa unang pagsasama na muling umibig at sumubok ng ikalawang relasyon. Ipagkakait
ba natin ito? Lahat naman ay nagkakamali. Hindi lahat ng kasal  at pagsasama ay nauuwi sa panghabambuhay. Ang diborsyo ay para sa
mga taong nasawi sa unang kasal.

Wala itong pinagkaiba sa kasalukuyang batas natin na Annulment of Marriage kung moralidad ang pag-uusapan. Iniba lang ang
pangalan, kung tinangkilik ang una bakit hindi ito? Magpakatotoo tayong mga Pilipino.

Minsan lang tayo mabubuhay dito sa mundo, nanaisin ba nating nabubuhay sa araw-araw na hindi tayo masaya? Karapatan ng
kahit sinomang tao ang lumigaya. Maging bukas ang isipan. Isabatas ang diborsyo!

You might also like