You are on page 1of 4

PANGKAT TATLO

POSISYONG PAPEL

Isa sa mga kasanayang dapat mahubog sa kabataang Pilipino ay ang kakayahang manindigan sa isang
desisyong ginawa o pinanghahawakang katotohanan o prinsipyo. Maisasagawa ito kung may kakayahang
mangatwiran sa desisyon o panig na napili sa pamamagitan ng paglalatag ng matitibay na ebidensiya o
katibayan. Ang pangangatwiran ay isang uri ng diskursong naglalayong mapatunayan ang katotohanan ng
ipinahahayag at pinaniniwalaan at ipatanggap sa nakikinig o bumabasa ang katotohanang iyon. Mahalagang
ang taong nangangatwiran ay may sapat na kaalaman tungkol sa paksang pinangangatwiranan. Kailangang
mabatay ang katwiran sa katotohanan upang ito ay makahikayat at makaakit nang hindi naman namimilit. Ito
ang mga kaisipan at kasanayang bibigyang-diin sa kabuuan ng araling ito.

Posisyong Papel
Ayon kay Jocson, et al., sa kanilang aklat na Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik (2005), ang
pangangatwiran ay tinatawag ding pakikipagtalo o argumentasyon na maaaring maiugnay sa sumusunod na
mga paliwanag:
 Ito ay isang sining ng paglalahad ng mga dahilan upang makabuo ng isang patunay na tinatanggap ng
nakararami.
 Ito ay isang uri ng paglalahad na nagtatakwil sa kamalian upang maipahayag ang katotohanan.
 Ito ay isang paraang ginagamit upang mabigyang-katarungan ang mga opinyon at maipahayag ang
mga opinyong ito sa iba.
Narito ang mga dapat isaalang-alang para sa isang mabisang pangangatwiran:
1. Alamin at unawain ang paksang ipagmamatuwid.
2. Dapat maging maliwanag at tiyak ang pagmamatuwid.
3. Sapat na katwiran at katibayang makapagpapatunay.
4. Dapat ay may kaugnayan sa paksa ang katibayan at katwiran upang makapanghikayat
5. Pairalin ang pagsasaalang-alang, katarungan, at bukas na kaisipan sa pagpapahayag ng
kaalamang ilalahad.
6. Tiyaking mapagkakatiwalaan ang mga ilalahad na katwiran.
Ang posisyong papel ay naglalayong maipakita ang katotohanan at katibayan ng isang tiyak na
isyung kadalasan ay napapanahon at nagdudulot ng magkakaibang pananaw sa marami depende sa
persepsiyon ng mga tao. Ang layunin ng posisyong papel ay mahikayat ang madla na ang
pinaniniwalaan ay katanggap-tanggap at may katotohanan. Mahalagang maipakita at mapagtibay ang
argumentong ipinaglalaban gamit ang mga ebidensiyang magpapatotoo sa posisyong pinaniniwalaan at
pinaninindigan.
Ayon naman kay Grace Fleming, sumulat ng artikulong “How To Write an Argumentative Essay,”
ang posisyong papel ay ang pagsalig o pagsuporta sa katotohanan ng isang kontrobersiyal na isyu sa
pamamagitan ng pagbuo ng isang kaso o usapin para sa iyong pananaw o posisyon. Kapag nailatag na ang
kaso at ang posisyon hinggil sa isyu, mahalagang mapatunayang totoo at katanggap-tanggap ito sa
pamamagitan ng paggamit ng mga ebidensiyang kinapapalooban ng mga katotohanan, opinyon ng mga
taong may awtoridad hinggil sa paksa, karanasan, estadistika, at iba pang uri ng katibayang magpapatibay
sa posisyong pinanghahawakan. Ayon sa kanya, sa pagsulat ng posisyong papel ay mahalaga ang
pagkaroon ng isang mahusay at magandang paksa ngunit higit na mahalaga ang kakayahang makabuo
ng isang kaso o isyu. Maaaring ang paksa ay maging simple o komplikado ngunit ang iyong gagawing
argumento o pahayag ng tesis ay mahalagang maging matibay, malinaw at lohikal.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Posisyong Papel
Ang pagsulat ng posisyong papel ay hindi lamang sining ng paglalahad ng mga argumento at
pangangatwiran kundi ito rin ay isang agham na kinapapalooban ng mga katibayang kinalap sa
Page 1
pamamagitan ng pananaliksik. Kaya naman, napakahalagang mapag-isipan at mapaghandaang mabuti
ang paggawa nito. Narito ang mga hakbang na maaaring sundin sa pagsulat ng posisong papel.
1. Pumili ng paksang malapit sa iyong puso. Ang posisyong papel ay kadalasang naglalaman ng
mga paniniwala at paninindigan ng may-akda. Makatutulong nang malaki kung ang paksang
tatalakayin ay malapit sa iyong puso at lubos na nakaaantig ng iyong interes at maging ng maraming
makababasa nito.
2. Magsagawa ng panimulang pananaliksik hinggil sa napiling paksa. Ang pagsasagawa ng
panimulang pananaliksik ay naglalayong malaman kung may sapat na ebidensiyang makakalap hinggil sa
nasabing paksa. Magsaliksik sa mga aklatan, maging sa mga mapagkakatiwalaang web site tulad ng
educational at government sites upang makahanap ng mga propesyonal na mga pag- aaral at
pananaliksik at mga estadistika tungkol sa iyong napiling kaso o isyu. Kung makalipas ang ilang oras
ng pananaliksik sa internet ay wala pang makitang sapat na datos na magsisilbing mga patunay at
ebidensiya para sa iyong napiling posisyon, mas makabubuting pumili na lamang ng ibang paksa.
3. Bumuo ng tesis statement o pahayag ng tesis. Ayon kina Pamela C. Constantino at Galileo S. Zafra sa
kanilang aklat na Kasanayan sa Komunikasyon II (1997), ang pahayag ng tesis ay naglalahad ng
pangunahin o sentrong ideya ng posisyong papel na iyong gagawin. Isa itong matibay na pahayag
na naglalahad ng pinapanigang posisyon o pananaw ng mananaliksik tungkol sa paksa na handa niyang
patunayan sa pamamagitan ng pangangalap ng mga datos o ebidensiya. Kadalasang ito ay maikli
lamang na binubuo ng isa o dalawang pangungusap. Sa pamamagitan ng pahayag ng tesis ay malalaman
ng mga mambabasa kung tungkol saan ang posisyong papel. Dito rin nakasalig ang gagawing
pangangalap ng mga ebidensiyang magpapatunay sa kanyang argumento.
4. Subukin ang katibayan o kalakasan ng iyong pahayag ng tesis o posisyon. Ito ay napakahalagang bahagi
sa pagsulat ng posisyong papel. Kailangang mabatid ang mga posibleng hamon na maaaring
harapin sa gagawing pagdepensa sa iyong napiling tesis o posisyon hinggil sa isyu. Ilatag din ang mga
kahinaan ng pinasusubaliang posisyon sa pamamagitan ng pag-iisa-isa sa mga argumentong maaaring
iharap dito upang mapagtibay ang kahinaan at kakulangan nito.
5. Magpatuloy sa pangangalap ng mga kakailanganing ebidensiya. Kapag ganap nang napatunayan na ang
napiling posisyon ay may matibay at malakas na laban sa pinasusubaliang posisyon ay maari nang
magsagawa nang mas malalim na pananaliksik. Ayon kay Constantino at Zafra (1997), nauuri sa dalawa ang
mga ebidensiyang magagamit sa pangangatwiran:
a. Mga Katunayan (facts) -- Ito ay tumutukoy sa mga ideyang tinatanggap na totoo dahil ang
mga katibayan nito ay nakabatay sa nakita, narinig, naamoy, nalasahan, at nadama. Hindi
kinakailangang ang mananaliksik mismo ang nakaranas o nakakita ng pangyayari para
magamit itong katibayan, maaari ding ito ay nasaksihan o naranasan ng ibang tao. Ang
kanyang mga pahayag ay magagamit bilang testimonya o patotoo.
b. Mga Opinyon (opinion) -- Ito naman ay tumutukoy sa pananaw ng mga tao, mga ideyang
nakasalig hindi sa katunayan kundi sa ipinapalagay lamang na totoo. Hindi ito katunayan
kundi pagsusuri o judgment ng katunayan. Kung gagamiting ebidensiya ang opinyon sa
iyong sulating papel, kailangang manggaling ito sa taong may awtoridad na magsalita
hinggil sa isang isyu o paksa.

6. Buuin ang balangkas ng posisyong papel. Bago tuluyang isulat ang kabuuang sipi ng posisyong
papel ay gumawa muna ng balangkas para rito.
Balangkas ng Posisyong Papel
Bago tuluyang isulat ang kabuuang sipi ng posisyong papel ay gumawa muna ng balangkas para
dito. Narito ang pormat na maaaring gamitin.
I. Panimula
a. Ilahad ang paksa
b. Magbigay ng maikling paunang paliwanag tungkol sa paksa at kung bakit mahalaga itong pag-
usapan.
c. Ipakilala ang tesis ng posisyong papel o ang iyong stand o posisyon tungkol sa isyu.

Page 2
Sa pagsulat ng panimula, mahalagang maunawaan na ito ay may dalawang layunin. Una,
ipakilala ang paksa at ang tesis at pangalawa, maantig ang interes ng mga babasa nito. Tunghayan ang
halimbawa nito:
a. Isa sa napapanahong isyung pinag-uusapan sa lipunan ngayon ay ang Enhanced Basic Education Act of
2013 o Republic Act No. 10533.
b. Bawat pamilya at mag-aaral na Pilipino sa kasalukuyan ay labis na naapektuhan ng programang ito.
Puspusan ang isinasagawang paghahanda at pagsasanay ng pamahalaan upang maihanda ang paaralan at mga
guro sa maayos na pagpapatupad nito.
c. Mahalagang maihanda ang mga mag-aaral sa totoong buhay lalo na sa paglinang sa kanilang mga
kasanayang kakailanganin sa papasuking larangan o trabaho kaya mahalagang maipatupad ang
programang ito.
II. Paglalahad ng Counterargument o mga argumentong Tumututol o Kumukontra sa Iyong Tesis
a. Ilahad ang mga argumentong tutol sa iyong tesis
b. Ilahad ang mga kinakailangang impormasyon para mapasubalian ang binanggit na counter
argument.
c. Patunayang mali o walang katotohanan ang mga counterargument na iyong inilahad.
d. Magbigay ng mga patunay para mapagtibay ang iyong ginawang panunuligsa.
Maaaring matukoy ang mga posibleng counterargument tungkol sa isyu sa pamamagitan ng pag-
iisip ng mga tanong na maaaring iharap sa isang taong nakaalam ng paksa tungkol sa iyong posisyon sa
isyu sa pangkalahatan. Matapos mong matukoy ang mga posibleng counterargument pag-isipan kung
paanong sasagutin o pangangatwiranan ang mga ito. Kailangang mahimok at mapaniwala ang mga
mambabasa na higit na matibay ang katotohanang iyong pinaniniwalaang nakasaad sa tesis. Gayunman,
mahalagang mailahad ang bawat pangangatwiran bilang iyong depensa sa pinasusubaliang argumento
nang patas at obhetibo upang maipakitang iyong lubos na napag-aralan ang bawat anggulo ng isyu at
hindi lilitaw sa iyong isinulat na binabatikos mo lamang ang kabilang panig nito.
III. Paglalahad ng Iyong Posisyon o Pangangatwiran tungkol sa Isyu
a. Ipahayag o ilahad ang unang punto ng iyong posisyon o paliwanag
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa unang punto.
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa mapagkakatiwalaang sanggunian
b. Ipahayag o ilahad ang ikalawang punto ng iyong posisyon o paliwanag
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa ikalawang punto
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa mapagkakatiwalaang sanggunian
c. Ipahayag o ilahad ang ikatlong punto ng iyong posisyon o paliwanag
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa ikatlong punto
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiy a na hinango sa tatlong mapagkakatiwalaang
sanggunian
Upang higit na maging matibay ang iyong pangangatwiran o posisyon, sikaping maglahadng
tatlo o higit pang mga puntos tungkol sa isyu.
IV. Kongklusyon
a. Ilahad muli ang iyong argumento o tesis.
b. Magbigay ng mga plano ng gawain o plan of action na makatutulong sa pagpapabuti ng kaso o
isyu.
Ang pinakamabisa at pinakasimpleng paraan ng pagwawakas ng posisyong papel ay sa
pamamagitan ng muling pagbanggit sa tesis sa ibang paraan ng paglalahad nito at ang pagtalakay sa mga
magiging implikasyon nito.

Page 3
Page 4

You might also like