You are on page 1of 18

Aralin 5: Pagsulat ng Posisyong Papel

Ang Posisyong Papel

Kasanayang Pampagkatuto:

 Nakasusulat ng organisado, malikhain, at kapani-paniwalang sulatin


 Nakasusulat ng sulating batay sa maingat, wasto, at angkop na paggamit ng wika
 Nakabubuo ng sulating may batayang pananaliksik ayon sa pangangailangan

PAGTUKLAS
Simulan Natin!

Isa sa mga kasanayang dapat mahubog sa kabataang Pilipino ay ang kakayahang


manindigan sa isang desisyong ginawa o pinanghahawakang katotohanan o prinsipyo.
Maisasagawa ito kung may kakayahang mangatwiran sa desisyon o panig na napili sa
pamamagitan ng paglalatag ng matitibay na ebidensiya o katibayan. Ang pangangatwiran ay
isang uri ng diskursong naglalayong mapatunayan ang katotohanan ng ipinahahayag at
pinaniniwalaan at ipatanggap sa nakikinig o bumabasa ang katotohanang iyon. Mahalagang
ang taong nangangatwiran ay may sapat na kaalaman tungkol sa paksang pinangangatwiranan.
Kailangang mabatay ang katwiran sa katotohanan upang ito ay makahikayat at makaakit nang
hindi naman namimilit. Ito ang mga kaisipan at kasanayang bibigyang-diin sa kabuoan ng
araling ito.

Ipagpatuloy ang pagbabasa tungkol sa pangangatwiran...

Ayon kay Jocson et al. (2005), sa kanilang aklat na, Pagbasa at Pagsulat Tungo sa
Pananaliksik, ang pangangatwiran ay tinatawag na pakikipagtalo o argumentasyon na maaring
maiugnay sa sumusunod na mga paliwanag:

 Ito ay isang sining ng paglalahad ng mga dahilan upang makabuo ng isang patunay na
tinatanggap ng nakararami.
 Ito ay isang uri ng paglalahad na nagtatakwil sa kamalian upang maipahayag ang
katotohanan.
 Ito ay isang paraang ginagamit upang mabigyang-katarungan ang mga opinyon at
maipahayag ang mga opinyong ito sa iba.

Narito ang mga dapat isaalang-alang para sa isang mabisang pangangatwiran:

1. Alamin at unawain ang paksang ipagmamatuwid.

2. Dapat maging maliwanag at tiyak ang pagmamatuwid.

3. Sapat na katwiran at katibayang makapagpapatunay.

4. Dapat ay may kaugnayan sa paksa ang katibayan at katwiran upang makapanghikayat.

5. Pairalin ang pagsasaalang-alang, katarungan, at bukás na isipan sa pagpapahayag ng


kaalamang ilalahad.

6. Tiyaking makapagkakatiwalaan ang mga ilalahad na katwiran.

PAGLINANG
Masusing pagbasa…

Posisyong Papel
Ang posisyong papel, kagaya ng isang debate, ay naglalayong maipakita ang
katotohanan at katibayan ng isang tiyak na isyung kadalasan ay napapanahon at nagdudulot ng
magkakaibang pananaw sa marami depende sa persepsiyon ng mga tao.

Ayon naman kay Grace Fleming, sumulat ng artikulong, “How to Write an


Argumentative Essay,” ang posisyong papel ay ang pagsalig o pagsuporta sa katotohanan ng
isang kontrobersiyal na isyu sa pamamagitan ng pagbuo ng isang kaso o usapin para sa iyong
pananaw o posisyon. Ayon sa kanya, sa pagsulat ng posisyong papel, mahalaga ang
pagkakaroon ng isang mahusay at magandang paksa ngunit higit na mahalaga ang kakayahang
makabuo ng isang kaso o isyu. Maaring ang paksa ay maging simple o komplikado ngunit ang
iyong gagawing argumento o pahayag sa tesis ay mahalagang maging matibay, malinaw, at
lohikal.

Layunin ng Posisyong Papel


Ang layunin ng posisyong papel ay mahikayat ang madla na ang pinaniniwalaan ay
katanggap-taggap at may katotohanan. Mahalagang maipakita at mapagtibay ang argumentong
ipinaglalaban gamit ang mga ebidensiyang magpapatotoo sa posisyong pinaniniwalaan o
pinaninindigan.

Kaya mo yan!

ARALIN 5: Gawain blg. 1 Kaya kong panindigan!

Panuto: Basahin ang gawain sa ibaba. Kopyahin at ilagay ang sagot sa iyong
panggawaing papel o intermediate paper.

Ang kakayahang manindigan o tumayo para sa isang paniniwala o katotohanan ay


isa sa mahahalagang katangiang dapat taglayin sa oposisyon sa pagsulat ng posiyong papel.
Nagpapakita ito ng katatagan at katalinuhan ng isang tao hindi kaagad-agad maaring
mahikayat o maimpluwensyahan ito.

Maraming isyu ngayon ang direktang nakaapekto sa mga kabataan. Ibigay ang
iyong paninindigan sa ilang mga isyung ito at maglahad ng mga punto kung paano ito
nakatulong o nakatutulong para sa iyong kabutihan. Sa huli ay bumuo ng sariling kongklusyon
kung bakit mahalagang magkaroon ng paninindigan sa buhay.
Ang aking paninindigan . . .
Pagkakaroon ng face ______________________________________
to face learning sa ______________________________________
paaralan ______________________________________
_____________________________________

Paggamit ng tablet o Ang aking paninindigan . . .


iba pang gadget sa ______________________________________
pag-aaral sa halip na ______________________________________
aklat ______________________________________
_____________________________________

Ang aking paninindigan . . .


Malayang paggamit ng
internet at social ______________________________________
media sa pag-aaral at ______________________________________
pagpapahayag ______________________________________
_____________________________________

Kailangan kong magkaroon ng paninindigan dahil. . .

_____________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________

Mga Hakbang sa Pagsulat ng Posisyong Papel


1. Pumili ng paksang malapit sa iyong puso.

Ang posisyong papel ay kadalasang naglalaman ng mga paniniwala at panindigan ng


may-akda.

2. Magsagawa ng panimulang pananaliksik hinggil sa napiling paksa.

Ang pagsasagawa ng panimulang pananaliksik ay naglalayong malaman kung may sapat


na ebidensiyang makakalap hinggil sa nasabing paksa. Magsaliksik sa mga aklat, maging sa
mga mapagkakatiwalaang web site tulad ng educational at government sites upang makahanap
ng mga propesyonal na mga pag-aaral at pananaliksik at mga estadistika tungkol sa iyong
napiling kaso o isyu.
3. Bumuo ng thesis statement o pahayag ng tesis.

Ayon kina Pamela C. Constantino at Galileo S. Zafra (1997) sa kanilang aklat na


Kasanayan sa Komunikasyon II, ang pahayag ng tesis ay naglalahad ng pangunahin o sentrong
ideya ng posisyong papel na iyong gagawin. Isa itong matibay na pahayag na naglalahad ng
pinapanigang posisyon pananaw ng mananaliksik tungkol sa paksa na handa niyang patunayan
sa pamamagitan ng pangangalap ng mga datos o ebidensiya. Kadalasan ito ay maikli lamang na
binubuo ng isa o dalawang pangungusap.

4. Subukin ang katibayan o kalakasan ng iyong pahayag ng tesis o posisyon.

Ito ay napakahalagang bahagi sa pagsulat ng posisyong papel. Kailangang mabatid ang


mga posibleng hamong maaaring harapin sa gagawing pagdepensa sa iyong napiling tesis o
posisyon hinggil sa isyu. Ilatag din ang mga kahinaan ng pinasusubaliang posisyon sa
pamamagitan ng pag-iisa-isa sa mga argumentong maaaring iharap dito upang mapagtibay ang
kahinaan at kakulangan nito.

5. Magpatuloy sa pangangalap ng mga kakailanganing ebidensiya.

Maaaring isaalang-alang ang sumusunod na mga sanggunian sa pangangalap ng mga


katibayan batay sa kakailanganing impormasyon.

Uri ng Impormasyon Uri ng Sangguniang Maaring Gamitin

Panimulang impormasyon at pangkalahatang talatinigan, ensayklopedia, handbooks


kaalaman tungkol sa paksa
Mga pag-aaral hinggil sa paksa o isyu aklat, ulat ng pamahalaan
Mapagkakatiwalaang artikulo dyornal na pang-akademiko
Napapanahong isyu pahayagan, magasin
estadistika sangay ng pamahalaan at mga
organisasyon/samahan

Para sa higit na pagpapatibay ng iyong posisyon ay maari ding gamitin bilang saligan ng
paliwanag ang mga pananaw ng mga taong eksperto sa larangang iyong tinatalakay tulad ng
doktor, abogado, propesor, at iba pa o kaya naman ay personal na karanasan ng kaibigan,
kamag-anak, o kakilala na makapagdaragdag ng impormasyon para sa iyong paksa.

2 Uri ng Ebidensiyang Magagamit sa Pangangatwiran


(Ayon kina Constantino at Zafra -1997)

A. Mga Katunayan (facts)


Ito ay tumutukoy sa mga ideyang tinatanggap na totoo dahil ang mga katibayan nito ay
nakabatay sa nakita, narinig, naamoy, nalasahan, at nadama. Hindi kinakailangang ang
mananaliksik mismo ang nakaranas o nakakita ng pangyayari para magamit itong katibayan,
maaari ding ito ay nasaksihan o naranasan ng ibang tao. Gayunman, tiyaking reliable
omapagkakatiwalaan ang testimonyang gagamitin sa iyong posisyong papel. Gayundin, dapat
isaisip na hindi lahat ng itinuturing na katotohanan ay unibersal at panghabampanahon.
B. Mga Opinyon
Ito naman ay tumutukoy sa pananaw ng mga tao, mga ideyang nakasalig hindi sa
katunayan kundi sa pinapalagay lamang na totoo. Hindi ito katunayan kundi pagsusuri o
judgment ng katunayan.

6. Buoin ang balangkas ng posisyong papel.

Narito ang pormat na maaring gamitin:


I. Panimula
a. Ilahad ang paksa.

b. Magbigay ng maikling paunang paliwanag tungkol sa paksa at kung bakit mahalaga itong
pag-usapan.

c. Ipakilala ang tesis ng posisyong papel o ang iyong stand o posisyon tungkol sa isyu.

II. Paglalahad ng Counterargument o mga Argumentong Tumututol o


Kumukontra sa Iyong Tesis
a. Ilahad ang mga argumentong tutol sa iyong tesis.

b. Ilahad ang mga kinakailangang impormasyon para mapasubalian ang binaggit na


counterargument

c. Patunayang mali o walang katotohanan ang mga counterargument na iyong inilahad

d. Magbigay ng mga patunay para mapagtibay ang iyong ginagawang panunuligsa

III. Paglalahad ng Iyong Posisyon o Pangangatwiran Tungkol sa Isyu


Upang higit na maging matibay ang iyong pangangatwiran o posisyon, sikaping maglahad ng
tatlo o higit pang mga puntos tungkol sa isyu.

IV. Konklusyon
a. Ilahad muli ang iyong argumento o tesis.

b. Magbigay ng mga plano ng gawain o plan of action na makatutulong sa pagpapabuti ng kaso


o isyu.

Ang pinakaabisa at pinakasimpleng paraan ng pagwawakas ng posisyong papel ay sa


pamamagitan ng muling pagbanggit sa tesis sa ibang paraan ng paglalahad nito at ang
pagtalakay sa mga magiging implikasyon nito.
PAGPAPALALIM

Unang Halimbawa ng Posisyong Papel

Posisyong papel ukol sa Patas at Mabilis na Internet Connection


Sa pag-usbong ng makabagong panahon ng teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon, ang
mundo ay muling nagbago. Nagkaroon ng lumalaking pangangailangan para sa telecommunication at
serbisyo sa internet.

Ito ay mas lubos na kinakailangan ngayong tayo ay humaharap sa "new normal" na epekto ng Covid-
19. Dahil sa striktong pagpapatupad ng lockdown at limitadong paglabas ng bahay, ang Internet access ay
naging pangunahing pangangailangan ngayon ng isang tao hindi lamang para sa komunikasyon bagkus
maging sa pag-aaral at trabaho. Ayon sa record ng Pilipinas naitala noong Pebrero, ang pinaka mataas na
porsyento (64%) ng mga gumagamit ng internet.

Maraming dapat iprayoridad ngayong tayo ay humaharap sa mapinsalang pandemya. Kabilang na


dito ang pagpondo sa Social Amelioration Program (SAP), pagpapataas ng kalidad sa medikal, pagtugon sa
pangangailangan ng sambayanan, muling pagpapataas ng ekonomiya, at marami pang iba.

Ngunit alam natin na ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang may mahihinang Internet access sa
Asia. Sa katunayan, ayon sa 2020 Inclusive Internet Index na isinagawa ng UK-based The Economist
Intelligence Unit (EIU), ang Pilipinas ay ika-63 sa overall ranking ng 100 na mga bansa pagdating sa internet
availability, affordability, relevance and readiness sa Asia-Pacific region. Dahil dito maraming mamamayang
Pilipino ang sumisigaw sa patas at mas malakas na Internet connection.

Ang pagtugon sa problema ng mahina at hindi patas na internet access sa ating bansa ay dapat lang
pagtuunan ng pansin at gawing prayoridad ng Gobyerno at ng mga Telecommunication Company ngayong
tayo ay humaharap sa malawakang pandemya, dahil halos lahat ng pang araw-araw na gawain at maging
ang mga pangangailangan ay dito nakasaalang-alang.

Ang pagkakaroon ng Internet connectivity ay isang paraan upang maipagpatuloy ang ating buhay
sakabila ng kinakaharap na pandemya, ngunit ipinapakita rin nito na maraming manggagawa, mag-aaral, at
mga mamamayan ang hindi naisasama at napag-iiwanan. Walang dapat umakyat sa puno o ilagay sa
panganib ang sarili alang-alang sa mas maayos na internet acces, sapagkat tayo ay nagbabayad ng maayos.
Dapat lang pakatandaan na hindi lahat ng mamamayang Pilipino ay konektado sa internet; at pangalawa,
hindi lahat ng nakakonekta sa internet ay may malakas na signal o internet connection.

Citation:

https://dict.gov.ph/the-state-of-ph-telecoms-service/

Sanggunian: https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=3791163020995539&id=100003056351452
Pangalawang Halimbawa ng Posisyong Papel

Posisyong Papel tungkol sa Online Class at Academic Freeze


Nakalipas na ang anim na buwan at hindi pa rin natin tuluyang nasusugpo ang COVID-19. Ang mga
kaso ay patuloy pa rin sa pagtaas at nagpapabalik-balik lamang sa General Community Quarantine at
Enhanced Community Quarantine ang ilang lungsod sa Metro Manila.

Nagsimulang ipatupad ang community quarantine noong Marso na dapat ay hanggang Abril lamang.
Subalit nangailangang pahabain pa ito hanggang sa naapektuhan na ang pagbubukas ng klase. Ang mga
klase na dapat na magbubukas sa buwan ng Hunyo ay iinusog sa buwan ng Oktubre sa kadahilanang hindi
pa rin natin napupuksa ang mga banta at bagsik ng pandemya. Dahil dito, inilunsad ang pagbubukas ng
klase sa pamamagitan ng online class.

Bago pa man magsimula ang online classes ay marami ng hinaing ang mga mag-aaral. Marami sa
kanila ang nagsabing hindi ito para sa lahat. Ilan sa mga dahilan nila ay ang mabagal na internet connection
sa bansa. Nabanggit rin ang kakulangan sa kagamitan katulad ng maayos na mobile phone at laptop.

Dahil dito at sa ngalan ng mga estudyante, kailangan nating pag-isipan nang mabuti ang academic
freeze. Hindi natin maitatangging mahirap ang set-up ng online class at ito ay hindi para sa lahat. Subalit,
ating isipin ang mga gurong maaaring mawalan ng trabaho kung ihihinto ang akademik year. Mas mabuting
udyokan natin ang pamahalaan na mas pagbutihin ang pagtugon sa pandemya upang maibalik ang lahat sa
dati at magkaroon ng #LigtasNaBalikEskwela.

Kung hindi tayo mabibigyan ng ligtas na balik eskwela, patuloy ang pagtawag ng mga mag-aaral sa
academic freeze.

Ang ilang impormasyon ay nakuha sa: DepEd dismisses calls for ‘academic freeze' as ‘shortsighted’
solution. (2020, September 9). Retrieved from https://www.cnnphilippines.com/news/2020/9/9/DepEd-
opposes-academic-freeze.html

https://www.google.com/amp/s/news.abs-cbn.com/amp/news/09/09/20/deped-rejects-calls-for-academic-
freeze

Sanggunian: https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=3276582712455830&id=100003124011681
Aralin 5 Gawain blg. 2 Saliksikin mo!

Panuto: Magsaliksik ng isang halimbawa ng napapanahong posisyong papel sa iyong aklat o


internet. Suriin ang nasaliksik na halimbawa bilang paghahanda sa isang posisyong papel na
iyong gagawin sa huling bahagi ng araling ito. Gamitin ang balangkas na RAPS sa gawaing ito.

(Read) Pamagat ng Nabasang Posisyong Papel

(About) Tungkol saan ang Posisyong Papel

(Point 2) Punto 2
(Point 1) Punto 1

(Summary) Buod ng Binasang Posisyong Papel


PAGLILIPAT

ARALIN 5: Gawain blg. 3 Tayo nang magsulat!

Panuto: Sumulat ka ng isang posisyong papel upang maipakita ang katotohanan at katibayan
ng iyong pagmamatuwid at mahikayat ang mga kabataan tulad mong maganda at tama ang
iyong pinaniniwalaang panig. Maaaring pumili ng iba pang paksang malapit sa iyong pusong
alam mong may malaking kaugnayan sa buhay ng mga kabataang gaya mo sa kasalukuyan
nang may pahintulot ng iyong guro. Ilagay mo ang sagot sa iyong panggawaing papel o
intermediate paper.

Gawing gabay ang pamantayan sa ibaba.

Pamantayan Puntos

Naisagawa nang mataman ang mga hakbang sa pagsulat ng posisyong 5


papel
Nakasusulat ng organisado, malikhain, at kahika-hikayat na posisyong 5
papel
Nakasusulat ng posisyong papel batay sa maingat, wasto at angkop na 5
paggamit ng wika
Nakabatay sa pananaliksik at matibay ang ebidensiya ng posisyong papel 5

Kabuoang puntos 20
Aralin 6: Pagsulat ng Replektibong Sanaysay (Sining ng Paglalahad)
Replektibong Sanaysay

Kasanayang Pampagkatuto:

 Nakakasusulat nang maayos na akademikong sulatin


 Nakasusunod sa istilo at teknikal na pangangailangan ng akademikong sulatin
 Nakasusulat ng sulating batay sa maingat, wasto, at angkop na paggamit ng wika

PAGTUKLAS
Simulan Natin!

Aralin 6: Gawain blg. 1 Ibalik ako sa nakaraan

Panuto: Naaalala mo pa ba ang mga pangyayari sa iyong buhay nang ikaw ay bata pa
lamang? Itala ang tatlong mahahalagang karanasan na hindi mo malilimutan. Ipaliwanag kung
bakit hindi mo malilimutan ang mga ito at ano ang nagawa ng mga ito sa iyong sarili.
Kopyahin at ilagay ang sagot sa iyong panggawaing papel o intermediate paper.

Mga Karanasang Hindi Malilimutan

Hindi malilimutan Hindi malilimutan


Hindi malilimutan dahil… dahil…
dahil…
PAGLINANG
Iyong Basahin…

Ang Sining ng Paglalahad

Ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino (Binagong Edisyon, 2010), ang paglalahad ay isang


detalyado at kompehensibong pagpapaliwanag ng isang bagay, pook, o ideya.

Ayon naman kay Jose Arrogante (2000) sa kanyang aklat na Filipino Pangkolehiyo:
Kasiningan, Kakayahan, at Kasanayan sa Komunikasyon, “Sa Ingles, ang paglalahad ay
tinatawag na expository writing. Madalas makikita ang anyong ito sa pagtalakay sa karaniwan
nating binabasa sa araw-araw gaya ng mga aklat, mga editoryal sa diyaryo, ng mga artikulo sa
mga magasin, at iba pa. Ito ay hindi nagsasalaysay ng isang kwento. Ito ay hindi rin
naglalarawan ng isang bagay. Ito ay hindi rin nagpapahayag ng isang paninindigan. Bagkus, ito
ay nagpapaliwanag. Ito ay isang pagpapaliwanag na obhetibo, walang pagkampi, at may sapat
na detalyeng pawang pampapawak ng kaalaman sa paksang binibigyang-linaw nang lubos na
maunawaan ng may interes (2000:217).”

Ilan sa malimit na paggamitan nito ay:

 pagbibigay-kahulugan
 pagsunod sa panuto
 pangulong-tudling
 suring-basa
 ulat
 balita
 sanaysay

Upang maging mabisa o epektibo ang paglalahad, ayon sa aklat na Sining ng


Pakikipagtalastasan na ginawa ng Kagawaran ng Filipino (TUP, Manila), ito ay dapat na
magtaglay ng sumusunod na mga sangkap o elemento:

1. Sapat na kaalaman o impormasyon sa paksang tinatalakay

2. Ganap na pagpapaliwanag sa buong kahulugan

3. Malinaw at maayos na pagpapahayag

4. Paggamit ng larawan, balangkas, at iba pang pantulong upang madali ang pag-unawa sa
ipinaliliwanag

5. Walang pagkiling na pagpapaliwanag ng anumang bagay na nasasaklaw ng tao

Sa araling ito, isang uri ng paglalahad ang ating bibigyang-pansin. Ito ay ang replektibong
sanaysay. Ngunit bago natin pag-usapan ang ibig sabihin ng replektibong sanaysay ay
bigyang-kahulugan muna natin ang salitang sanaysay at kailan ito nagsimula.

SANAYSAY
 Kahulugan
 Ayon kay Francis Bacon, ang sanaysay ay isang kasangkapan upang isatinig ang
maikling pagbubulay-bulay* at komentaryo sa buhay.
 Ayon kay Alejandro Abadilla, ang salitang sanaysay ay nangangahulugang
nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay. Ito’y isang akdang
pampanitikang nasa anyong paglalahad.
 Ayon naman kay Paquito Badayos sa kanyang aklat na Retorika Susi sa Masining na
Pagpapahayag (2001:111), naglalahad ang sanaysay ng matalinong kuro at
makatwirang paghahanay ng kaisipan. Naglalahad din ito ng mga personal at
pansariling pananaw ng manunulat tungkol sa isang paksa. Sa madaling salita, ito ay
isang paglalahad ng sariling opinyon o kuro-kuro ng sumulat tungkol sa isang bagay
o paksa.

 Pinagmulan
Ang salitang sanaysay ay hango sa salitang Pranses na essayer na ang ibig sabihin ay
“sumubok” o “tangkilikin.”

Ito ay nagsimulang yumabong sa mga sulatin ni Michael de Montaigne (1533—92). Bago pa


man isilang si Kristo, ay nagsimula na rin ito sa Asya sa pangunguna ni Confucius na sumulat
ng Analects at ni Lao-Tzu na sumulat naman ng Tao Te Ching. Noon naming ika-14 na dantaon,
nakilala si Yushida Kenko ng Hapon na may katha ng “Tsurezuregusa” o “Mga Sanaysay sa
Katamaran.”

2 Uri ng Sanaysay
1. Pormal — Ito ay nagbibigay ng patalastas sa isang paraang maayos at mariin at bunga
ng isang maingat na pagtitimbang-timbang ng mga pangyayari at mga kaisipan. Kung
minsa’y tinatawag din itong impersonal o siyentipiko sapagkat ito’y binabasa upang
makakuha ng impormasyon.

2. Impormal — Tinatawag din itong pamilyar o personal, at nagbibigay-diin sa isang


estilong nagpapamalas ng katauhan ng may-akda. Ito’y naglalarawan ng pakahulugan ng may-
akda sa isang pangyayari sa buhay, nagtatala ng kanyang pagbubulay-bulay, at naglalahad ng
kanyang kuro-kuro o pala-palagay.

12 Natatanging Uri ng Sanaysay


A. nagsasalaysay G. editoryal

B. naglalarawan H. makasiyentipiko

C. mapag-isip o di praktikal I. sosyo-politikal

D. kritikal o mapanuri J. sanaysay na pangkalikasan

E. didaktiko o nangangaral K. mapagdili-dili o replektibo

F. nagpapaalala L. sanaysay na bumabalangkas sa


isang tauhan

3 Bahagi ng Sanaysay
I. Panimula
II. Katawan
III. Wakas

REPLEKTIBONG SANAYSAY

 Ang replektibong sanaysay, ayon kay Michael Stratford, isang guro at manunulat, ay
isa sa mga tiyak na uri ng sanaysay na may kinalaman sa introspeksiyon na pagsasanay.

 Ayon naman kay Kori Morgan, guro mula sa West Virginia University at University of
Akron, ang replektibong sanaysay ay nagpapakita ng personal na paglago ng isang
tao mula sa isang mahalagang karanasan o pangyayari. Ibinabahagi nito sa mga
mambabasa ang kalakasan at kahinaan ng sumulat batay sa mga karanasang natutuhan
o nakuha. Madalas ibinabahagi rin ng sumulat ang kanyang mga natutuhan at kung
paano ito gagamitin sa buhay sa hinaharap o kaya naman ay kung paano ito pauunlarin
ang mga kahinaan hinggil sa isang tiyak na aspekto ng buhay.

 Dahil ito ay kadalasang nakabantay sa personal na karanasan, malayang makapipili ng


paksa o pangyayaring bibigyang-pasin sa pagsusulat ang manunulat.

 Kinapapalooban ito ng pagbabahagi ng mga bagay na naiisip, nararamdaman, pananaw,


at damdamin hinggil sa isang paksa at kung paano ito nakalikha ng epekto sa taong
sumusulat nito.

 Maihahalintulad ito sa pagsususlat ng isang journal kung saan nangangailangan ito ng


pagtatalaga ng mga kaisipan at nararamdaman tungkol sa isang tiyak na paksa o
pangyayari.

 Maiuugnay rin ito sa pagsususlat ng mga academic portfolio kung saan nagkakaroon ng
malalim na pagsusuri ang may akda kung paano siya umunlad bilang tao kaugnay ng
paksa o pangyayaring binibigyang-pansin sa pagsulat.

 Ang replektibong sanaysay ay kadalasang nakabantay sa karanasan kaya mula sa


nailalaman nito ay maisasalamin ang pagkatao ng sumulat.

Narito ang halimbawa ng mga paksang maaring gawan ng replektibong sanaysay:


 librong kakatapos lang basahin
 kakatapos na proyekto hinggil sa pananaliksik
 pagsali sa isang pansibikong gawain
 praktikum tungkol sa isang kurso
 paglalakbay sa isang tiyak sa lugar
 isyu tunggkol sa pagkagumon sa ipinagbabawal na gamot
 isyu tungkol sa mga pinag-aawayang mga teritoryo sa West Philippine Sea
 paglutas sa isang mabigat na suliranin
 isang natatanging karanasan bilang mag-aaral
 at marami pang iba

Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagsulat ng Replektibong Sanaysay


1. Magkaroon ng isang tiyak na paksa o tesis na iikutan ng nilalaman ng sanaysay.

2. Isulat ito gamit ang unang panauhan ng panghalip. Tanggap nang gamitin ang mga
panghalip na ako, ko, at akin sapagkat ito ay kadalasang nakasalig sa personal na karanasan.
3. Tandaan na bagama’t nakabantay sa personal na karanasan, mahalagang magtaglay ito ng
patunay o patotoo batay sa iyong mga naobserbahan o katotohanang nabasa hinggil sa paksa
upang higit na maging mabisa at epektibo ang pagkakasulat nito.

4. Gumamit ng pormal na salita sa pagsulat nito. Tandaang ito ay kabilang sa akademikong


sulatin.

5. Gumamit ng tekstong naglalahad ng pagsulat nito. Gawing malinaw at madaling maunawaan


ang gagawing pagpapaliwanag ng mga ideya o kaisipan upang maipabatid ang mensahe sa
mga mambabasa.

6. Sundin ang tamang estruktura o mga bahagi sa pagsusulat ng sanaysay: introduksiyon,


Katawan, at konklusyon

7. Gawing lohikal at organisado ang pagkakasulat ng mga talata.

Mga Hakbang sa Pagsusulat ng Replektibong Sanaysay


Gaya ng nabanggit sa itaas, ang replektibong sanaysay ay dapat magtaglay ng:

I. Introduksiyon
 Sa pagsusulat ng simula, maaaring mag-umpisa sa pagsagot sa mga sumusunod na
mga tanong: Ano ang aking nararamdaman o pananaw tungkol sa paksa? Paano ito
makaaapekto sa aking buhay? Bakit hindi ito makakaapekto sa aking pagkatao? Matapos
masagot ang mga tanong na ito, lagumin ang iyong mga sagot sa loob ng isang
pangungusap. Ito ang iyong magsisilbing tesis o pangunahing kaisipang siyang magiging
gabay o batayan sa pagsusulat ng iyong replektibong sanaysay.
 Sa pagsulat ng simula, tandaang ito ay dapat na makapukaw sa atensiyon ng mga
mambabasa.
 Maaaring gumamit ng ibat ibang paraan ng pagsulat ng mahusay na panimula. Maaaring
gumamit ng kilalalang pahayag mula sa isang tao o quatation, tanong, anektoda,
karanasan, at iba pa.
 Sundan agad ito ng pagkakakilala ng paksa at layunin ng sanaysay ng isang magsisilbing
preview ng kabuoan ng sanaysay. Isulaat ito sa loob lamang ng isang talata.

II. Katawan
 Sa pagsusulat ng katawan, dito inilalahad ng mga pantulong o kaugnay na kaisipan
tungkol sa paksa o tesis na inilahad sa panimula.
 Maglagay sa bahaging ito ng mga obhetibong datos batay sa iyong naobserbahan o
narasan upang higit na mapagtibay ang kaisipang iyong ipinaliliwanag.
 Makatutulong nang malaki kung gagamit din ng mga mapagkakatiwalaang mga
sanggunian bilang karagdagang datos na maipapaliwanag sa paksa.
 Sa bahagi ring ito makikita o isusulat ang iyong mga napagnilay-nilayan o mga
natutuhan.
 Gayundin, kung paano umunlad ang iyong pagkatao mula sa mga patotoo kung paano
nakatulong ang mga karanasang ito sa iyo.

III. Wakas o Kongklusyon


 Pag-isipan ding mabuti kung paano mo tatapusin ang iyong replektibong sanaysay.
 Sa pagsusulat ng wakas o konklusyon, muling banggitin ang tesis o ang
pangunahing paksa ng sanaysay. Lagumin ito sa pamamagiran ng
pagbanggit kung paano mo magagamit ang iyong mga natutuhan sa
buhay sa hinaharap.
 Bilang pangwawakas, maaaring magbigay ng hamon sa mga mambabasa na sila man ay
magnilay sa kanilang buhay hinggil sa iyong natutuhan o kaya naman ay mag-iwan ng
mga tanong na maaari nilang pag-isipan.
 Tandaang ang replektibong sanaysay ay isang personal na pagtataya tungkol sa isang
paksang maaring makapagdulot ng epekto o hindi sa iyong buhay o sa mga taong
makakabasa nito.

Aralin 6: Gawain blg. 2


Panuto: Ayon kay Socrates na isang pilosopo, ang pangunahing daan upang maging
matagumpay sa buhay ay ang makilala ng sarili (“Know thyself”). Sa pagkilala ng sarili ay
mahalagang makagawian ang introspeksiyon o pagbubulay-bulay tungkol sa sariling buhay.
Kung susuriin mo ang iyong sarili sa kasalukuyan bilang isang mag-aaral, masasabi mo bang
nahuhubog nga sa iyo ang kasanayang dapat taglayin ng isang mag-aaral sa ika-21 siglo?
Magbanggit ng mga paraan kung paanong lalo pang mahuhubog sa mga kabataang tulad mo
ang mga nasasabing kasanayan. Ilagay ang sagot sa iyong panggawaing papel.

Pagsusuri sa Sarili/Introspeksiyon:

_________________________________________________
_________________________________________________
_________________________________________________
_________________________________________________
_________________________________________________

Mga Hakbang Kung Paano Lalong Mahuhubog


ang Sarili:

_________________________________________________
_________________________________________________
_________________________________________________
_________________________________________________
_________________________________________________

PAGPAPALALIM
Replektibong Sanaysay Patungkol Sa Isang Natatanging
Karanasan Bilang Mag-aaral
“Ang Pag-ibig ng Edukasyon”
ni: Dian Joe Jurilla Mantiles

Tunay ngang ang edukasyon sa buhay ng bawat isa ay kapara ng isang walang
katapusang paglalakbay sa mundong sinasaklawan ng aspektong ‘pagbabago’. Ito ang pinaka-
makapangyarihang sandata na kahit sinuman ay walang kakayahang baguhin at angkinin
sapagkat ito ay permanenteng nakaukit na sa diwa at kamalayang pantao ng isang nabubuhay.
Sa bawat umaga ng ating buhay, tayo ay binabasbasan ng Poong Lumikha ng kalayaan upang
makaanib at makasabay sa kung ano mang kakatwa ang sumasaklaw sa ating lipunang
kinabibilangan. Hindi man lingid sa ating kamalayan subalit buhat nang tayo ay nasa
sinapupunan pa lamang ay batid na natin ang espiritu ng ‘pagkatuto’. Maging sa kauna-
unahang pagsambit natin ng salitang “mama” hanggang sa tayo ay unti-unting nabihasa sa
ating “abakada” tayo ay nabibilang na pundasyon ng edukasyon. Karaniwang pamantayan sa
edukasyon na kung ang tao ay nasa gulang tatlo na ay maari na itong magsimulang pumasok
sa isang paaralan. Sa makatuwid, mahabang panahon ang iginugugol ng isang tao para sa
kanyang edukasyon.

Sa aking labindalawang taon na pananatili sa loob ng paaralan, masasabi kong ako ay parang
nasa isang paraiso. Bagamat hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya ako, maraming
pagkakataon naman sa aking buhay ang nagpapaunawa sa akin na ang edukasyon ay patuloy
na umaangkla sa aking pagkatao at maging sa aking kalapit na hinaharap. Ito rin ay patuloy na

nag-iiwan ng hindi mga matatawarang implikasyon ng pagbabago sa aking pagkatao na siyang


dahilan kung bakit ganito ako katatag ngayon. Bukod sa mga karaniwang talakayin, prinsipyo at
pang-akademikong layunin na siyang ipinapabatid ng edukasyon, ito rin ang nagsilbing
balangkas upang mabuksan ko pa ang lagusan sa kabilang ibayo. Mula dito ay binigyan din ako
ng pagkakataon upang makakilala ng iba’t ibang deskripsyon ng aking kapwa tao at mga
karanasang aking daldalhin habambuhay. Ito ay ang aking karanasan noong ako ay nasa ika-4
na baitang. Ang karanasan na marahil para sa akin ay mapanglaw at natatangi lamang.

Isa akong walang kwentang mag-aaral. Oo, tama ang nababasa mo. Wala akong ibang
inisip noon kundi ang makawala sa paaralan na kapara ng isang bartolina sa akin ay nagbibigay
lamang ng pasakit at matinding paghihirap. Ang tanging namumutawi na lamang sa aking
isipan noon ay ang pagpasok buhat sa kagustuhan ng aking mga magulang. Naaalala ko pa
noon na sa tuwing darating ang katapusan ng Marso ay wala akong ibang ginawa kung hindi ay
panoorin na lamang ang aking mga kaklaseng maglakad sa harapan ng entablado kasama ng
kanilang mga magulang upang tanggapin ang kanilang mga parangal. Gustuhin ko mang itago
ang aking nararamdaman, subalit ito ay pilit na kumakawala at ako ay tila isang ibon na sa
piitan ay nananahanan. Hindi man hayag sa aking mga magulang ang kanilang pangingimbulo
subalit nararamdaman ko ito. Pinipilit ko itong labanan subalit wala akong magawa.
Napakalakas ng enerhiyang ito at siya ring enerhiya ang unti-unting sumisipsip sa aking pag-
asang makapagbagong buhay. “Bakit kahit na anong gawin ko ay wala pa ring nangyayari?” ito
ang katanungan na patuloy na sumisilab sa aking mura at gahasang isipan.

Sinusubukan ko ang lahat ng aking makakaya. Sinubukan kong magsipag at umayon sa kung
ano ang pamantayan sa aming klase. Lahat ng ito ay hindi naging madali sa akin. Sapagkat
noo’y wala pa akong kabatiran patungkol sa mahalagang papel ng edukasyon sa aking
magiging kinabukasan. Wala pa akong alam sa edukasyon maliban sa ito ay “mahirap at walang
kwenta”. Nagdaan ang maikling panahon at dito ay nakilala ko si Ginang Adora Madayag. Ang
aming guro sa asignaturang Filipino. Siya ay may edad na sa panahong iyon subalit
napakalakas ng kanyang impresyong iniwan sa akin. Hindi ko maipaliwanag subalit dahil sa
kanyang mga pangaral ay tila unti-unting nagbago ang pagtingin ko sa aking sarili na noo’y
walang pakialam sa halaga ng edukasyon. Sa kanya ko rin natutuhan na hindi lamang pala
akademikong kaalaman ang batid na ipamalita ng mga talakayin sa paaralan bagkus ay
naglalayon din itong bigyan ang lahat ng pagkakataong makabuo ng pagkakaibigan at pamilya
sa lahat ng aspektong sinasaklawan nito. Hindi lang dapat kaalaman ang ating panghawakan
mula sa ating mga guro nararapat ding maunawaan natin ang tunay na karunungan mula dito.
Sa markang “90” ako nagsimulang yumabong at nagpatuloy sa pagkamit ng aking mga adhikain
sa paaralan. Hanggang ngayon sa kasalukuyan, patuloy pa rin akong naglalakbay papalapit sa
aking mga pangarap sa buhay.

Ang karanasang ito ang nagturo sa akin kung paano umunlad hindi lamang sa aking
mga markang nais matamo subalit nakaanib na rin dito ang mga prinsipyo at impresyong hindi
na maiaalis sa aking puso’t isipan sa kalagitnaan ng aking paglalakbay sa mundong ibabaw.
Nawa’y lubusan nating mabatid na sa ibayo ng mga pamantayang sumasaklaw sa kultura ng
edukasyon, ang layon nitong magbigay ng magaganda at makabuluhang karanasan ang
magsisilbing proteksyon at sandata natin sa pakikidigma sa ating mga sarili at sa kung ano
mang pagbabagong nakaukit na sa ating panahon.

PAGLILIPAT
Aralin 6: Gawain blg. 3 Tayo nang magsulat!

Panuto: Gamitin nang makatotohanan ang iyong natutuhan sa araling ito. Sumulat ng isang
replektibong sanaysay batay sa napili mong paksa sa ibaba. Isa alang-alang ang pamantayan sa
pagsusulat. Ilagay mo ang sagot sa iyong panggawaing papel.

Librong kakatapos mo lamang basahin

Paglutas sa isang mabigat na suliranin

Kakatapos na proyekto hinggil sa pananaliksik

Paglalakbay sa isang tiyak na lugar

Isang natatanging karanasan bilang mag-aaral


Gawing gabay ang pamantayan sa ibaba.

Pamantayan Puntos
Naisasagawa nang mataman ang mga hakbang sa pagsulat ng 5
replektibong sanaysay.

Nakasusulat ng organisado, malikhain, at kahika-hikayat na replektibong 5


sanaysay.

Nakasusulat ng replektibong sanaysay batay sa maingat, wasto, at 5


angkop na paggamit ng wika.

May isang tiyak na paksa ang replektibong sanaysay na nabuo. 5

Kabuoang puntos 20

You might also like