You are on page 1of 6

Ang Magkapatid

Ni Karan Tamber

Si Maria at Vicente ay magkapatid, parehas silang matalino at mga mababait na bata. Sila ay matulungin sa
kanilang magulang, palagi silang magkasundo kahit kailan hindi sila nag-away nagmamahalan silang dalawa, palagi
silang ‘First honor’ sa kanilang eskwelahan. Silang dalawa ay pinagpala ng Diyos. Palagi nilang pinapasaya ang
kanilang mga magulang. Lahat ng gusto nila ay nakukuha nila pero ang kapalit ay matataas na marka. Sila ay mapala-
kaibigan sa kanilang bayan, kilala sila dahil sa kanilang ugali. Lahat ng tao ay gusto silang ampunin. Masipag sila sa
pag-aaral lahat ng pinapagawa sa kanila ay tinatapos nila sa oras. Masaya din ang kanilang guro sa kanilang dalawa.
Si Vicente ay mas malapit sa kanyang nanay dahil mas masaya siya kasama ang kanyang nanay at si Maria naman ay
mas malapit sa kanyang tatay, ito naman ay masayahin kapag kasama nya ang kanyang tatay.

Isang araw may sorpresa ang kanilang magulang para sa kanila, pupunta sila sa ibang bansa para mag-bakasyon dahil
‘first honor’ nanaman silang dalawa sa kanilang eskwelahan. Masayang- masaya silang dalawa , niyakap nila ang
kanilang magulang at hinalikan sa pisngi. Isang araw bago sila umalis at pumunta sa ibang bansa, pumunta muna sila sa
simbahan at nagpasalamat pagkatapos ay umuwi na sila at nagpahinga.
Excited na excited silang dalawa pumasyal sa ibang bansa.
Napakasaya nilang pamilya sa kanilang pagba- bakasyon sa ibang
bansa. Halos isang buwan na sila sa ibang bansa. Pauwi na sana sila
ng Biglang may tumawag sa kanilang tatay at bigla na lang itong
nahimatay at dinala sa ospital. Nalaman nila na bumagsak ang kanilang
negosyo dahil sa pinagkatiwalaan niya ang kanyang kaibigan na ahas,
kinuha nito lahat ng pero sa negosyo nila. Pauwi na sila sa Pilipinas at
nakipag- usap sa kompanya, walang- wala na daw sila dahil wala na
yung pera na dinonasyon nila para sa kompanya. Di na sila makapag-
aral dahil wala na silang pera at kailangan nilang maghanap buhay.
Isang araw, may kilala si Vicente na isang grupo ng mga
kasing- edad niya, hindi niya alam na mga adik pala silang lahat.
Sumama si Vicente sa kanila at natuto siyang mag- adik. Sayang ang buhay at talino ng batang ito. Halos limang
buwan na siyang nawawala, hindi siya makita ng kanyang pamilya. Lumipas na ang ilang taon, namatay ang kanyang
tatay dahil sa kakaisip sa kanya at sa bumagsak na negosyo nila. Ilang lingo lang din ay namatay ang kanilang nanay,
di maisip ni Maria kung ano ang gagawin niya. Makalipas ang ilang buwan ay muling bumalik si Vicente sa kanyang
kapatid, halos mamatay sa tuwa si Maria dahil bumalik na ang mahal na kapatid. Nangako silang dalawa na lilinisin nila
ang kanilang pangalan at magsusumikap na ayusin ulit ang kanilang buhay at ibalik sa dati ang kanilang pamumuhay.
Naghanap- buhay ang magkapatid at sila ay naging matagumpay ulit sa kanilang buhay. Unti- unti silang yumayaman
at gusto na nila magpatayo ng eskwelahan para sa kanilang bayan at ito naman at napatupad at unti- unti nang
bumabalik ang respeto sa kanila ng mga taong bayan. Makalipas ulit ng ilang taon nagkaroon ng kasintahan si Vicente,
nagmahalan sila ng tapat at tunay. Ang sabi ni Vicente kay Maria, “Kapatid, ako ay aalis na sa Ikapito ng Marso dahil
may malaki akong kontrata sa ibang bansa”. Sa tatlong linggo na natitira nagpakasaya ang dalawang magkapatid
kasama din ang kasintahan ni Vicente. Pumunta sila sa iba’t ibang magagandang lugar. At eto na, aalis na si Vicente, di
mapigilan ni Maria ang kanyang luha at umiyak siya. “Hinding hindi kita kakalimutan, oh mahal kong kapatid”, Sabi ni
Vicente. Hinalikan ni Vicente ang kanyang tanging maganda at mapagmahal na kapatid.

Nasa ibang bansa na sila Vicente at doon na nahirapan ng matagal. Si Maria naman ay nagkaroon din ng kasintahan
agad niyang sinabi ito sa kanyang kapatid at masaya naman ang kanyang kapatid para sa kanyang kasintahan.
Sinurpresa ni Vicente ang kanyang kapatid at ito ay naging isa sa pinakamasaya sa buhay ni Maria dahil binalikan na
siya ng kanyang kapatid at unang una na ginawa nilang dalawa ay pumunta sila sa libingan ng kanilang mga magulang.
Halos luhang luha ang dalawang magkapatid dahil naalala nila ang kanilang mabuting magulang. Halos isang araw
silang nakaupo na maalala nila ang mahal nila sa buhay, pagkatapos nun ay umuwi na sila at nagpahinga. Kinabukasan,
may sasabihin si Maria kay Vicente pero hindi niya ito masabi, nahihiya si Maria kay Vicente pero hindi niya ito
mapigilan at agad niya itong nasabi kay Vicente na magpapakasal na si maria kay Jose. Biglang sumigaw ng malakas si
Vicente. “Hindi ka magpapakasal!”, sabi ni Vicente kay Maria. Agad namang sumunod si Maria dahil mahal na mahal ni
Maria ang kanyang kapatid pero ang hindi alam ni Maria na nagbibiro lamang si Vicente dahil alam na ni Vicente ang
sorpresa ni Maria. Natawa naman si Maria nung sinabi ni Vicente na pwede silang magpakasal kung kailan daw nila
gusting magpakasal. Niyakap ni Maria si Vicente. “Mahal na mahal kita, Kuya.” Sabi ni Maria kay Vicente. Maraming
tao ang pumunta sa kasal nila Maria at Jose, marami ring masasarap na pagkain sa kasal, lahat sila ay masaya para
kay Maria at Jose. Lalo na si Vicente. Matapos ang apat na araw babalik na si Vicente at ang kanyang kasintahan na si
Victorina. “Huwag kang susuko kahit na ano o ilang pagsubok sa buhay ang dumating, Wag na wag mong kalimutan
kung sino ka man, sana walang mangyari sa inyo na kung ano mang masama.” Ang huling payo ni Vicente kay
Maria.“Oo, kung hindi ko pababayaan ang mga kailangan kong gawin sa buhay, sana hinding hindi mo kami
makakalimutan, sana balikan mo kami”, sabi naman ni Maria. Yan ang huling payo ng magkapatid sa isa’t-isa nago sila
magkalayo. Masayang nagyakapan ang dalawang magkapatid at matapos magkalayo sila Vicente at Maria, ‘Back to
Normal’ ulit ang buhay ni Maria. Puro trabaho at wala ng pahinga si maria dahil gusto niya na patunayan kay Vicente
na isang masunurin ang kapatid nya. Tuwang-tuwa si Vicente sa nalaman niyang buntis si Maria at makalipas ang
siyam na buwan, manganganak na si Maria at lalaki pala ang anak nito. Napakasaya nilang mag-asawa dahil sa isang
malaking biyaya na binigay sa kanila n gating Diyos. Kumalat ang balita sa buong bayan, nagkaroon ng isang malaking
handaan sa bayan nila Maria, sila ay masayang masaya. Habang si Vicente ay nagtatrabaho, hindi siya makakapunta o
makakauwi ng Pilipinas dahil tambak na tambak siya sa Gawain na binibigay ng boss niya pero ang sabi ni Vicente kay
Maria na babawi daw siya kay maria sa susunod. Limipas ang ilang taon na makakauwi na din si Vicente sa Pilipinas,
hinding-hindi na siya makapigil na makita ang pamangkin niya. Dumating na si Vicente sa Pilipinas at nagkita na sila
ng kanyang kapatid na si Maria. Hinahanap ni Vicente ang kanyang pamangkin pero hindi niya ito mahanap. Umiyak ng
umiyak si Maria, tinatanong ni Vicente si Maria pero ayaw nitong tumahan sa pag-iyak. Ilang sandal, tumahan na din si
Maria tsaka na nagtanong si Vicente kay Maria. “Anong nangyari sa’yo?, Nasaan na yung pamangkin ko, ba’t wala siya
dito Maria?, sumagot ka!”. Tanong ni Vicente kay Maria. “Wala na ang anak ko, patay na siya”, sabi ni Maria. “Paano
at bakit hindi mo sinabi sa akin?” sabi naman ni Vicente. “Kuya, pasensya ka na. hindi ko kinaya dahil nagtatrabaho ka
at malayo ka dito kaya hindi na kita inabala pa”. Sagot ni Maria. Hindi na nagsalita si Vicente at napaluha nalang ito at
hindi matanggap ni Vicente na waka na ang pamangkin niya na hindi niya oa nakikita, hindi niya nahawakan at hindi
niya pa narinig mag salita. Hindi lumabas sa bahay o nag saya si Vicente. Ilang araw na ang nakalipas at ayaw ni
Vicente bumalik sa kanyang bahay sa ibang bansa dahil sa kalungkutan na dinanas ni Vicente hanggang sa ngayon,
hindi pa din matanggap ni Vicente na wala na ang kanyang pamangkin pero hindi siya nagpadala sa kalungkutan ng
matagal. Tatlong lingo lang ay naging masaya na ulit si Vicente, pumunta sila sa simbahan at nag-dasal at pagkatapos
ay pumunta sa libingan ng anak ni Maria at dinalaw na din nila ang kanilang magulang.
Lumipas ang ilang taon, magpapa-kasal na sina Vicente at Victorina sa malaki at sikat na simbahan sa bayan nila sila
magpapakasal. Napakasaya ng mga taong bayan sa magkasintahan na ikakasal dahil parehas silang tapat sa isa’t isa at
pareho silang matulungin at pinagpala ng Diyos. May sorpresa din sila Maria at Jose kina Vicente at Victorina at yun
ay ang magkakaroon sila ng pangalawang anak. Doble- doble ang saya at ang selebrasyon na magaganap sa bayan
nina Maria at Vicente. Masaya ang lahat sa nabalitaan nila kila Maria at Jose. Pagkatapos ng kasal at selebrasyon,
pumunta sila Maria at Vicente sa libingan ng mga nawala nila sa buhay. Doble doble din ang lungkot dahil bata pa lang
ang anak ni Maria ay namatay dahil sa isang malaking sakit na kumalat noong panahon na yon. Makalipas ulit ang ilang
buwan manganganak na ulit si maria, dali-dali sinugod sa ospital si Maria at pagkatapos ng ilang oras na ilabas na ang
bata, unang nakakita ng bata ay si Vicente halos tumulo na ang luha sa mga mata ni Vicente dahil sa sobrang saya.
Nakauwi na sila sa kanilang bahay ng masaya kasama ang anak ni Maria.

Lumipas ang ilang araw at babalik na sila Vicente sa kanilan pangalawang bahay. Nalulungkot si Vicente na umalis
dahil ayaw niya iwanan ang kanyang pamangkin, nalulungkot ang mga kaibigan ni Vicente dahil aalis na siya at di na
alam kung kailan siya babalik. Halos lahat ng tao sa bayan ay umiyak bago umalis sila Vicente. Pumunta muna sila sa
simbahan at nagdasal si Vicente at umalis na sila Vicente. Alam ng taong bayan kung kelan sila babalik.

Makalipas ang ilang buwan, nagkaroon na din ng trabaho si Maria sa ibang bansa. Masayang masaya siya dahil
makakasama niya ulit ang kanyang pinakamamahal na kapatid. Magsasama na sila ulit habang buhay habang tumatagal
maraming amerikano ang naming kay Maria kaysa kay Vicente. Nagseselos si Vicente kay Maria, hindi inakala ni
Maria na magaaway sila ng kapatid. Di matanggap ni Vicente na mas magaling si Maria kesa sa kanya. Halos lagi nang
magkaaway sila Maria at Vicente, hindi kinaya ni Maria ang mga pang-aaway ni Vicente kaya umuwi nalang si Maria
sa Pilipinas sapagkat ayaw siyang pauwiin ni Victorina, nagmakaawa si Victorina kay Vicente pero hindi niya ito
pinansin.

Lumipas ang ilang taon at pumunta sa Pilipinas si Vicente. Nagmakaawa si Vicente kay Maria at agad nitong pinatawad
si Vicente.

ANG KALUPI
Benjamin Pascual

Mataaas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barung-barong.
Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinagdilim ng kanyang malalagong kilay ay
nakakintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang maninipis na labi, na bahagyang pasok sa
pagkakalapat at maputla, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga;
sa gabing iyon at tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na
paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na: ang
magkaroon ng isang anak na nagtapos sa high school ay hindi na isang maliit na gaya niya. Sa mapangarapin niyang
diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuutang putting-puti, kipkip ang ilang libro at
nakangiti patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang
makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring
balang araw ay magkaroon din siya ng mamaniganging may sinasabi rin
naman. Nasa daan na siya, para pa niyang naririnig ang matinis na
halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong isinusukat
sa harap ng salamin ang nabuburdahang putting damit na isusuot sa
kinagabihan. Napangiti siyang muli.
Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ang isang
pangnang sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin. Habang daan,
samantalang patungo sa pamilihang-bayan ng Tondo, ay mataman niyang
iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw
ito at kinakailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang
pananghalian. Bibili rin siya ng garbansos. Gusting-gusto ng kanyang
magtatapos na anak ang minatamis na garbansos.
Mag-iikasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa
lamang ay naririnig na ang di-makamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob,
ang ingay ng mga magbabangos na pakanta pang isinisigaw ang halaga ng
kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili. Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa
harapan niya piniling magdaan. Ang lugal ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya
daraan upang magdaan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa
panggitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok ay siyang paglabas ng humahangos na isang batang lalaki, na
sa kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata at tumama sa kanyang kaliwang dibdib.
“Ano ka ba?” bulyaw ni Aling Marta. “Kay sikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”
“Pasensiya na kayo, Ale,” sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos na tig-bebente, sa loob-
loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.”
“Pasensya!” sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo’y pagpapasensyahan nang
pagpapasensyahan ay makakapatay ka ng tao.”
Agad siyang tumalikod at tuluy-tuloy na pumasok. Paano’t paanuman, naisip niya, ako ang huling
nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng di mabuti ay sa kanya pa manggagaling ang
huling salita. Mataman niyang inisip kung may iba pang nakakita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita
sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng
mga tuyong paninda at bumili ng isang kartong mantika.
“Tumataba yata kayo, Aling Godyang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang
nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.
“Tila nga ho,” ani Aling Godyang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”
Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad.
“Bakit ho?” anito.
“A, e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.
“Ku, e, magkano naman ang laman?” ang tanong nga babae.
Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa
nang sinundang gabi, Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit sa di pa ma’y nakikiramay nang tono ng nagtatanong ay
nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihin, “E, sandaan at sampung piso ho.”
Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang
pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga.
Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi
pa marahil iyon nakakalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakararaan. Inisip niya kung ano ang kasuutan nito na
maaari niyang pagkakilanlan, ang tabas ng mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na
kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit at mangilan-ngilang namimili at mga batang panakaw na nagtitinda ng gulay,
ay nagpalinga-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa
pagmamadali, at sa gawing dulo ng pusisyon, na di-kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay
nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad.
Hindi siya maaaring magkamali; ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang pantalon na wari’y salawal ding
ginagamit ng kanyang ama ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na
tig-bebeinte.
Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig.
“Nakita rin kita!” ang sabi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot ng pitaka ko, ano? Huwag kang
magkakaila!”
Tiyakan ang kanyang pagkakapagsalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay
masukol niyang buung-buo. Ngunit ang bata ay mahinahong sumagot:
“Ano hong pitaka?” ang sabi. “Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.”
“Anong wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumukot ng pitaka ko at wala nang iba.
Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano, ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa
palengke!”
Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaing mamimili. Hinigpitan ni Aling
Marta ang pagkakahawk sa liig ng bata at ito’y pilit na iniharap sa kababaihan.
“Aba, kangina ba namang pumapasok ako sa palengke, e banggain ako,” sabi niya. “Nang magbabayad ako
ng pinamili ko’t kapain ko ang bulsa ko, e wala nang laman!”
“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing nakalabi ng isang babaing nakikinig. “Talagang dito ho sa
palengke’y maraming naglipanang batang gaya niyan.”
“Tena,” sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”
“Bakit ho, saan ninyo ‘ko dadalhin?”
“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta na pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita
kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”
Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawang-kamayin ang pag-aalis
sa mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pagkakasakal sa kanyang liig. May luha nang nakapamintana sa
kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga nanonood ay
lumapit an isang pulis, na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit ay sinimulan ni Aling Marta
ang pagsusumbong.
“Naseguro ko hong siya dahil sa nang ako’y kanyang banggain, e naramdaman ko ang kanyang kamay sa
aking bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagka’t akoy nagmamadali.”
Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot at ang nagmamapa-sa-duming katawan,
pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay
tuluyan nang umiiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na
papel at ang tig-bebeinteng bangos.
“Natitiyak ho ba ninyong talaga na siya ang dumukot ng inyong pitaka?” tanong ng pulis kay Aling Marta.
“Siya ho at wala nang iba,” sagot ni Aling Marta.
“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aling ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo,
kung di ay dadalhin kita.”
“Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata.
“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin namin sa iyo kung ang pitaka ko, e
naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganoon kayong mga tekas kung lumakad, isa-isa, dala-
dalawa, tatlu-tatlo! Ku, ang mabuti ho yata, Mamang Pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matutong
matakot iyan at magsabi ng totoo.”
Tumindig ang pulis. “Hindi natin kara-karaka madadala ito nang walang evidencia. Kinakailangang kahit
paano’y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung
hindi siya?”
“E, ano pang evidencia ang hinahanap mo?” sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. “Sinabi ko
nang binangga ako nang pasadya, na naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa?”
Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat gawin. Maya-maya, muling naupo at dumukot ng
isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa kanyang bulsa.
“Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata.
“Andres Reyes po.”
“Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis.
Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming
bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho, e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa
Blumentritt. Kung minsan naman ho, e sa mga lola ko sa Quiapo at kung minsan, e sa bahay ng kapatid ng nanay ko
rito sa Tondo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam, para mamayang tanghali.”
“Samakatwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tondo?” ang tanong ng pulis.
“Oho,” ang sagot ng bata, “pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong
makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa, e.”
Ang walang-kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay nakabagot sa kanyang pandinig; sa
palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa paligid at ang pulis na umuusig
ay tila siyang-siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.
“Ang mabuti ho yata, e dalhin na natin iyan kung dadalhin,” sabi niya. “Pinagkakaguluhan lamang tayo ng
mga tao rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang
pulis.”
“Hirap sa inyo ay sabad kayo nang sabad, e,” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto n’yong dalhin ngayon din
ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon n’yo sabihin ang gusto n’yong sabihin at doon n’yo
gawin ang gusto n’yong gawin.”
Inakbayan nito ang bata at inilakad patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiimik na si Aling Marta at ang
isang hugos na tao na ang ilan ay ngingti-ngiti habang silang tatlo ay minamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto
ang pulis.
“Maghintay kayo rito sandal at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” sabi sa kanya at pumasok.
Naiwan siya sa harap ng bata, na ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro
ng mga payat na daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; iilan-ilan na lamang ang nakikita
niyang pumapasok sa palengke. Inisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang paghintay bago siya makauwi:
dalawa, tatlo o maaaring sa hapon na. Naalaala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na
kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang naririnig ang sasabihin nito kung siya’y uuwi na walang dalang
anuman, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may
kung anong sumulak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa
isang bisig at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay pabalingat niyang pinipilit sa likod.
“Tinamaan ka ng lintik na bata ka!” sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang binabaing pulis na
makapagpapaamin sa iyo, e ako, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan?
Saan?”
Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa likod.
Ang mga nanonood ay para-parang nangapatdan ng dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni
Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa
kanyang bibig ay buong panggigigil na kinagat.
Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa
matitigas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong
papaurong, ay naalala niya ang kalayaan, kalayaan kay Aling Marta at sa dumarakip na pulis, at siya ay humanap ng
malulusutan at nang makakita ay walang lingod-likod na tumakbo, patungo sa ibayo ng maluwang na daan. Bahagya na
niyang narinig ang mahahayap na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta; ang sigaw ng pulis at ang
sumunod na tilian ng mga babae; bahagya nang umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng isang
humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng
kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madidilim na anino ng mga
mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.
Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng kanyang mukha ay aywan
ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay
parang nangangalog. Hindi siya makapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng
lahat at siya ay binubuntunan ng sisi. Bakit ba ako manganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili, Ginawa ko
lamang ang dapat gawin ninuman at nalalaman ng lahat na ang nangyaring ito’y pagbabayad lamang ng bata sa
kanyang nagawang kasalanan.
Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay napagtulungan ng ilan
na buhatin sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang
katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanit niyang kamiseta ay tuluyan nang nawalat sa
kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis, ay pamuling nagmulat ito ng paningin at ang mga mata ay
ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta.
“Maski kapkapan n’yo ako, e wala kayong makukuha sa akin,” sabing pagatul-gatol ng nilalabasan ng dugo
sa iong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.”
May kung anong malamig ang naramdaman ni Aling Martang gumapang sa kanyang katawan; ang bata ay
pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang
naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni Aling Marta sa kanyang sarili.
“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya. Nakatayo ito sa kanyang
tabi at hawak na naman ang kanyang kuwaderno at lapis. “Siguro matutuwa na kayo niyan.”
“Sa palagay kaya ninyo ay may sasagutin ako sa nangyari?” tanong ni Aling Marta.
“Wala naman sa palagay ko,” sagot ng pulis. “Kung may mananagot niyan ay walang iba kundi ang pobreng
tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan.”
May himig pangungutya ang tinig ng pulis. “Makaaalis nap o ako?” tanong ni Aling Marta.
“Maaari na,” sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailangang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at
direksiyon ng inyong bahay upang kung mangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan naming kayo ng ulat.”
Ibinigay ni Aling Marta ang kanyang pangalan at tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumayo sa
karamihan. Para pa siyang nanghihina at magulung-magulo ang kanyang isip; Sali-salimuot na alalahanin ang
nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumalakad siya ngayon na walang-tiyak na patutunguhan. Naalaala niya ang
kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuwi na, sana’y naiuwi na, at ang nananalim, nangungutyang
mga mata ng kanyang asawa sa sandaling malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit,
hanggang siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang
anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng panangis hanggang sa sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay.
Katakut-takot na gulo at kahihiyan! Sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako ang pinag-
uulapang diwa sa bangkay ng batang natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.
Kung di sa tinamaan ng lintik na iyan ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili. Kasi’y
imbi, walang-pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti nga sa kanya!
Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya ng
ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na ang kukote nito at saka niya sasabihin ang
pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa
malabis niyang paghahangad na makapagpadala ng labis na salaping ipamimili, upang makapamburot at maipamata sa
kapwa na sila ay hindi naghihirap, ngunit ang lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililingid din niya ang nangyayaring
sakuna sa bata; ayaw ng kanyang asawa ng iskandalo at anuman pangangatwirang gawin niya ay siya rin ang sisisihin
nito sa dakong huli; at kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihiman niya ito. At tungkol sa ulam,
mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Godyang, at iyon ang kanyang ipamimili; nasabi niya rito na ang
nawala niyang pera ay sandaan at sampung piso at ang halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung piso
ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon makapaghihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa maninipis na
labi ni Aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan.
Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang, bago siya pumasok ng tarangkahan, ay natatanaw na
niya ang kanyang anak na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ang minamasdan,
ngunit nang malapit na siya at makita ang kanyang dala ay napakunot-noo, lumingon sa loob ng kabahayan at may
tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa.
“Saan ka kumuha ng ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate.
“A, e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.”
Nagkatinginan ang mag-ama.
“Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa, “ang pitaka mo, e naiwan mo! Kanginang bago ka umalis ay
kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong
isauli. Saan ka kumuha ng pinamili mo niyan?”
Biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng
isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal
na tinig nito: Maski kapkapan ninyo ako, e wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa
hagdanan; para siyang pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang kanyang buong paligid; at
bago siya tuluyang nawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at
papaliit, lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?

You might also like