You are on page 1of 10

Pambansang Kaunlaran

PALATANDAAN NG PAMBANSANG KAUNLARAN

Ayon sa ekonomistang si Mankiw (2012) ang pambansang kaunlaran ay nasusukat ayon sa


kakayahang makapagprodyus ng isang bansa. Ito ay dahil ang antas ng produksiyon ang batayan
ng uri at presyo ng mga produkto at serbisyo na mapakikinabangan ng mga mamamayan.
Kinakailangang sabayan ng antas ng produksiyon ang bilis ng pagtaas ng populasyon ng bansa
upang matugunan ang mga pangangailangan at kagustuhan ng mamamayan. Kapag mataas ang
produksiyon ng isang bansa ay nakapapamili ang mga mamamayan ng mga produkto at serbisyo na
makapagpapaayos sa kanilang buhay. Gayundin ay umiikot ang salapi na nakatutulong naman sa
pag-unlad ng bansa.

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga manggagawa sa prosesong ito sapagkat


nakaaapekto ang kanilang pagiging produktibo sa antas ng produksiyon ng bansa. Kailangan silang
pangalagaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na suweldo at benepisyo upang masiguro ang
kanilang pangangailangang medikal at maayos na pamumuhay. Makatutulong naman ang pribadong
sektor sa pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga negosyo, pagpapaikot ng
salapi sa pamilihan, at pagbibigay ng maayos na produkto at serbisyo sa mga mamamayan. Malaki
rin ang papel ng pamahalaan sa pambansang kaunlaran sapagkat sa kanila nagmumula ang mga
polisiya tungkol sa pagnenegosyo, pasuweldo, pagbubuwis, pagmamay-ari, at iba pa. Tungkulin ng
pamahalaan na panatilihin ang kaayusan at katahimikan ng bansa upang siguraduhin sa mga
mamumuhunan, lokal man o dayuhan, na maayos na makapagpapatuloy ang kanilang operasyon ng
negosyo sa bansa.

PRODUKSIYON

Ang kakayahang makapagprodyus ng isang bansa ay nababatay sa kung gaano karami,


kaayos, at kaepisyente ang mga salik ng produksiyon na mayroon ito. Kapag ang mga salik ng
produksiyon ay nakagagawa ng maraming produkto at serbisyo na mataas ang kalidad,
natutugunan nito ang mga pangangailangan ng mga mamamayan at mabibigyan sila ng mas
maraming mapagpipilian. Ang Gross Domestic Product o GDP ng isang bansa ang mainam na
pamantayan ng antas ng produksiyon nito.

Ipinapakita ng sumusunod ang mga salik ng produksiyon at kung paano nakatutulong ang
mga ito sa pambansang kaunlaran:

a. Likas na Yaman. Upang makapagprodyus ang isang bansa ng produkto ay kailangan nito ng
mga kagamitang panangkap (raw materials) na nagmumula sa likas na yaman tulad ng
pananim, hayop, mineral, at iba pa. Ang Pilipinas ay sagana sa likas na yaman, at kung
mataas ang produksiyon ng sektor ng agrikultura at pagmimina ay matutustusan nito ang
pangangailangan ng bansa para sa kagamitang panangkap. Sa kabilang banda, salat naman sa
langis ang Pilipinas kung kaya ay umaasa ito sa mga bansa sa Kanlurang Asya para sa suplay
ng langis. Sa mga panahon na may kaguluhan sa mga bansa sa Kanlurang Asya o kaya naman
ay sa panahon ng taglamig sa ibang bansa ay kakaunti ang suplay ng langis sa pandaigdigang
pamilihan na dahilan upang tumaas ang presyo nito.
b. Lakas – Paggawa. Tulad ng nabanggit, malaki ang papel na ginagampanan ng mga
manggagawa sa pag-unlad ng bansa sapagkat nakaaapekto ang kanilang pagiging produktibo
sa antas ng produksiyon ng bansa kung kaya dapat mamuhunan ang mga bansa sa edukasyon
ng mga mamamayan upang maiangat ang kanilang kakayahan. Dahil dito, mahalaga na ang
kurikulum sa paaralan ay kombinasyon ng mga aralin at gawain na makapagpapaunlad sa
kakayahayan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang larangan. Ang mga aktibong miyembro naman
ng lakas-paggawa ay dapat magpatuloy sa pagsasanay upang mapanatili ang husay ng
kanilang gawa, at upang malaman ang mga makabagong teknolohiya o pamamaraan ng
produksiyon at pagbibigay serbisyo. Dapat ding siguraduhin ng mga employer, pribado man
o pamahalaan, na makatatanggap ng sapat na suweldo at benepisyo ang kanilang mga
empleyado at manggagawa upang sila ay maging malusog, masaya, handa, at produktibo sa
kanilang trabaho. Kailangan na maayos ang kanilang sistema ng pasahod, oras ng paggawa,
kaligtasan sa lugar ng pinatatrabahuan, promosyon, at pagreretiro.
c. Pisikal na Kapital. Kinakailangan ang pisikal na kapital upang mapabilis at maging higit na
episyente ang proseso ng produksiyon. Ang halimbawa ng pisikal na kapital ay pabrika,
makina, sasakyan, at kompyuter. Malaking tulong para sa mga magsasaka ang mga sasakyan
na magdadala ng kanilang mga produkto sa pamilihan. Gayundin, ang mga makina sa
pangingisda kapalit ng mga gawa sa kahoy, ay makatutulong sa mga mangingisda upang
dumami ang kanilang huling isda. Ang paggamit ng oven sa pagluluto ng tinapay ay higit na
mabilis kompara sa pagluluto gamit ang uling. Sa laki ng tulong na nagagawa ng mga pisikal
na kapital sa produksiyon ay nararapat na panatilihing matibay at maayos ang mga ito.

POPULASYON

Kontrobersiyal ang isyu ng populasyon sa konteksto ng pambansang kaunlaran. Hindi pare-


pareho ang antas ng kaunlaran ng mga bansa ayon sa dami ng populasyon. Halimbawa ay may mga
bansang malaki ang populasyon ngunit mataas ang antas ng kaunlaran tulad ng Estados Unidos at
Tsina, ngunit mayroon ding mataas ang populasyon ngunit di pa lubos na maunlad ang ekonomiya
tulad ng India at Indonesia. Mayroon namang mga bansa tulad ng Singapore, na maliit ang
populasyon ngunit maunlad ang ekonomiya. Pinupunan nilang ang kakulangan sa lakas – paggawa sa
pamamagitan ng pagkuha ng mga manggagawa mula sa ibang bansa. Sa kabilang banda ay may mga
bansa na pinigilan ang paglaki ng kanilang populasyon na naging sanhi ng “pagtanda” ng populasyon,
kung saan mas marami ang matatanda at paretiro kaysa sa mga batang miyembro ng lakas –
paggawa. Tulad ng Singapore, kinailangan ng mga bansang ito na kumuha ng lakas – paggawa mula
sa ibang bansa. Sa kabuuan, ang mataas na populasyon ay mainam kung may kakayahan ang bansa
na tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan upang sila ay maging produktibong miyembro
ng lakas – paggawa at magkaroon ng kakayahang bumili ng mga serbisyo at produkto ng bansa.
Subalit kung hindi matutugunan ang pangangailangan ng mataas na populasyon at marami ang
walang trabaho, bumabagal ang pag-unlad ng bansa. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang nasa
ganitong sitwasyon. Kung kaya ay pinaigting ng pamahalaan ang mga programa sa pagkontrol ng
populasyon katulad ng pagpasa sa Reproductive Health Law.

ANG PAPEL NG PAMAHALAAN SA PAMBANSANG KAUNLARAN

Malaki ang papel ng pamahalaan sa pambansang kaunlaran sapagkat ito ang gumagawa ng
mga proyektong may direktang epekto sa mga salik ng produksiyon. Ang pamahalaan din ang
gumagawa ng mga batas o polisiyang makahihikayat o makapipgil sa mga mamumuhunan na
magnegosyo, at magbigay proteksiyon sa mga mamimili at manggagawa. Ilan sa mahahalagang
batas at proyekto na mula sa pamahalaan na may direktang kinalaman sa pambansang kaunlaran ay
ang land reform, pagpapatayo ng mga impraestruktura, pag-aangkat, palitan ng piso sa dolyar,
pasahod, at benepisyo para sa mga manggagawa, karapatan ng mga mamimili, at pagbibigay ng
permit sa mga negosyo. Ang ilan sa mga programa, batas, at ahensiya ng pamahalaan ay pag-
aaralan sa mga susunod na Learning Activity Sheets.
ANG PAMBANSANG KAUNLARAN SA MATA NG MGA ORDINARYONG PILIPINO

Sa tuwing nagkakaroon ng State of the Nation address o SONA ang pangulo ng Pilipinas ay
madalas na itinatanong ng media sa mga karaniwang mamamayan kung nararamdaman ba nila ang
pag – unlad ng Pilipinas. Ang mga sumasagot na hindi nila nararamdaman ang pag – unlad ay
madalas ginagawang dahilan ang sumusunod:

 Mataas na halaga ng mga bilihin, pamasahe, kuryente, at tubig


 Mababang pasahod
 Trapik, kakulangan sa pampublikong sasakyan, at sirang mga daanan
 Patuloy na paghihirap ng maraming Pilipino
 Maraming Pilipino ang walang sariling bahay
 Paghinto ng maraming kabataan sa pag-aaral
 Kakulangan ng guro, silid-aralan, aklat, at iba pang materyales sa mga pampublikong
paaralan
 Kawalan ng trabaho kung kaya kailangan pang mangibang-bansa ang mga OFW upang
mabigyan ang pamilya ng maayos na pamumuhay
 Hindi maayos ang serbisyo ng mga tanggapan ng pamahalaan, lalo na sa mga pampublikong
ospital
 Korupsiyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan

Samakatuwid, ang batayan ng kaunlaran para sa mga ordinaryong mamamayan ay ang pag –
angat ng antas ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na trabaho o
pagkakakitaan upang makabili ng kanilang mga pangangailangan at kagustuhan sa abot-kayang
halaga. Ito ang dahilan kung bakit hindi madaling paniwalaan ng ordinaryong mamamayan ang
mga datos na nagpapakita ng pag – unlad ng ekonomiya.

SAMA – SAMANG PAGKILOS PARA SA PAMBANSANG KAUNLARAN

Bagama’t malaki ang papel ng pamahalaan sa takbo ng ekonomiya ng isang bansa, malaki pa
rin ang papel ng mamamayan sa pag-unlad ng bansa dahil sa kanilang impluwensiya sa pamilihan
sa pamamagitan ng pagkonsumo at pagiging miyembro ng lakas-paggawa. Ang mga sumusunod
ay mga paraan upang makatulong ang bawat Pilipino sa pagkamit ng pambansang kaunlaran:

 Magbayad ng tamang buwis upang magkaroon ng sapat na pondo ang pamahalaan para sa
mga pampublikong serbisyo. Sa kabilang banda, dapat maging tapa tang pamahalaan sa
paggamit ng pondo ng bayan para sa ikabubuti ng mga mamamayan.
 Gamapanan nang maayos ang trabaho upang maging produktibo at magdulot ng
kabutihan sa kompanya at ekonomiya.
 Tangkilikin ang mga gawang Pilipino at ang mga lugar bakasyunan sa Pilipinas upang
tulungang umunlad ang mga local na namumuhunan.
 Sumunod sa batas upang maging maayos at mapayapa ang bansa nang sa gayon ay
makapamumuhay at makapagtatrabaho nang maayos ang mga mamamayan.
 Pangalagaan ang kalikasan upang patuloy itong magbigay ng mga likas na yamang
kailangan sa produksiyon.
 Mag – impok sa bangko upang ang salapi ay magamit ng mga mamumuhunan sa pagtatayo
ng negosyo na makapagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan.

Sektor ng Agrikultura
ANG SEKTOR NG AGRIKULTURA

Ang partisipasyon sa sektor ng agrikultura ay maaaring sa simpleng paraan ng pagtatanim,


pangingisda, at paggugubat para matustusan ang pangangailangan ng pamilya o maaaring sa
pamamagitan ng malakihang operasyong komersiyal.

Ang agrikultura ay isang agham na tumutulong sa pagpapalago at paglinang ng mga halaman,


hayop, isda, at iba pa upang gawing pagkain. Hindi lamang ang pagkain ang sakop ng sektor na ito
pati ang mga hilaw na materyales na ginagamit ng tao para sa pagpapanatili at pagpapabuti ng
buhay.

Ang pamilihan o merkado ay may iba’t ibang produkto na makikita mula sa sektor ng
agrikultura. Ito ay ang mga prutas, gulay, bigas, karne, isda, at iba pang lamang dagat, kopra,
kahoy, at marami pang iba. Ang agrikultura ay isa sa pinakamahalagang sektor sa industriya dahil
dito nakukuha ang mga hilaw na materyales o intermediate goods para makagawa pa ng maraming
produkto.

Ang ating bansa ay tinaguriang mayaman sa agrikultura dahil karaniwan sa ating konsumo
ay nagmumula sa agrikultura. Karamihan din ng ating manggagawa ay nagmumula sa sektor ng
agrikultura katulad ng mga magsasaka, mangingisda, manggugubat, at mga tagapag-alaga ng mga
hayop.

Sangay ng Agrikultura

1. Pagsasaka – ang pagsasaka ay nakapokus sa mga gawain tulad ng pagtatanim ng iba’t ibang
uri ng halaman at pananim tulad ng palay, mais, tabako, tubo, niyog, kape, saging, mangga,
at marami pang iba. Ang bigas na pangunahing pagkain ng mga Pilipino ay nagmumula rin sa
sektor na ito.

Samantala, hindi magtatagumpay ang pagsasaka kung wala ang tulong ng mga magsasaka.
Nakilala ang mga produktong agrikultural ng Pilipinas dahil sa husay ng mga magsasaka.
Ilan sa mga produktong madalas iluwas ng Pilipinas ay mangga, saging, at mga produktong
gawa sa niyog. Kalimitan ang mga bansang Hapon, Estados Unidos; mga bansa sa Europa; at
mga kasapi ng ASEAN ang tumatangkilik sa mga produktong ito.

Mga uri ng Magsasaka

 Maggagawang agrikultural – sila ang mga magsasakang kumikita ng arawang sahod


sa mga plantasyon ng mga pananim na pang-eksport.
 Manggagawang rural na walang lupa – sila ang mga magsasakang kapag taniman at
anihan ay nagtatrabaho sa ibang magsasakang may malaking lupa.
 Magsasakang may-ari ng lupa – sila ang mga magsasakang nagmamay-ari ng sariling
lupa.
 Kasama – Sila ang mga magsasakang nangungupahan sa may-ari ng lupa, kung saan
nakadepende sa usapan ng dalawang panig ang paraan ng pagbabayad. Maaaring hati
sila sa kita ng maaani o kaya naman ay may takdang bayad, umani man o hindi.
2. Pangingisda – ang Pilipinas ay isa sa may pinakamalaking yamang-tubig sa buong Asya dahil
sa laki ng sakop na katubigan na nakapalibot sa ating bansa mula Luzon, Visayas, at
Mindanao. Sa yamang-tubig din nagmumula ang malaking bahagdan ng pagkaing kinokonsumo
ng mga Pilipino.

Mga uri ng Pangingisda


 Commercial Fishing – tumutukoy sa pangingisdang gumagamit ng mga malalaking
Bangka o fishing vessel na may kakayahang mag-imbak ng mga yamang tubig na may
timbang na tatlong tonelada pataas. Sakop ng uri ng pangingisda nito ang 15
kilometro sa labas ng nasasakupang bayan. Karaniwang ginagawa ito para sa kalakal
at pagnenegosyo.
 Municipal Fishing – tumutukoy sa pangingisdang gumagamit ng maliliit na Bangka sa
loob ng 15 kilometrong sakop ng isang bayan o munisipyo. Ang bangkang ginagamit ay
may kakayahang mag-imbak ng yamang dagat na may timbang na tatlong tonelada
pababa.
 Aquaculture – tumutukoy ang pangingisdang aquaculture sa pag-aalaga at
pagpapadami ng mga piling uri ng isda o yamang tubig. Ayon sa tala, ito ay itinuturing
na may pinakamalaking produksiyon ng isda. Napupunan din nito ang kakulangan ng
isda sa tubig-alat. Mahalaga rin ito sa mga mamamayan dahil sa kita na nagmumula
sa uri ng pangingisdang ito.
3. Paghahayupan– ito ay bahagi ng sektor ng agrikultura na kung saan inaalagaan ang iba’t
ibang klase ng hayop upang pakinabangan at ibenta sa merkado. Sa paghahayupan
makukuha ang mga karne, itlog, at balat ng hayop para sa ating pang-araw-araw na
pangangailangan at kagustuhan.
Ang paghahayupan ay may dalawang uri, ang livestock at poultry.

Uri Halimbawa
Livestock Baka, kambing, baboy
Poultry manok, bibe, pato

4. Palagubatan – ito ay ang sangay ng sektor ng agrikultura kung saan nakukuha ang
pinakamalaking yaman na sepal at papel. Isa ring halimbawa ng yaman na nakukuha natin sa
kagubatan ay ang kahoy. Ang mga bahay – kalakal mula sa industriya ng kahoy ay isa sa may
malaking kapakinabangan sa paggugubat. Karamihan sa ginagawa nila ay ang plywood, troso,
at tabla. Malakas noon ang industriya ng kahoy mula noong 1980’s at nagresulta sa
pagkakalbo ng ating kagubatan. Sa ngayon, ito ay hindi na masyadong pinahihintulutan ng
gobyerno dahil dumadami ang mga illegal na nagtotroso na umaabuso sa ating kagubatan.

Mga Suliranin ng Sektor ng Agrikultura

Ang Pilipinas ay sagana sa likas na yaman dahil ang kalupaan nito ay mainam sa pagtatanim
at ang katubigan nito ay sagana sa isda. Ang tropical na klima ng bansa ang dahilan upang buong
taon ay maaaring pakinabangan ng mga Pilipino ang biyaya ng kalikasan. Kung tutuusin ay mataas
ang kakayahan ng sektor ng agrikultura na magkaroon ng sapat na ani upang tustusan ang
pangangailangan ng mga Pilipino. Subalit may mga aspekto na kailangan bigyan ng atensiyon upang
higit na umunlad ang sektor ng agrikultura.

Ang sumusunod ay ang mga suliranin na kinakaharap ng sektor ng agrikultura na


nakaaapekto sa kakayahan nitong makapagprodyus:

1. Kakulangan sa irigasyon. Maraming mga sakahan o taniman ang hindi naaabot ng irigasyon
dahil malayo sila sa pinanggagalingan ng tubig kung kuya umaasa lamang sila sa ulan para sa
patubig ng kanilang mga pananim. Sa panahon ng tagtuyot o El Niño ay kinakailangan ang
episyenteng patubig upang mabuhay ang mga halaman kaya maaaring malugi ang mga wala
sa linya ng irigasyon dahil sa pagkamatay ng mga pananim.
2. Pangangailangan sa makabagong teknolohiya. Ang pagkakaroon ng makabagong
teknolohiya ay makakatulong upang mapabilis at maging episyente ang mga gawain sa
sektor at magdudulot ng paglago ng produksiyon. Subalit maraming mga magsasaka,
mangingisda, at naghahayupan ang walang kakayahang bumili ng makabagong teknolohiya
kaya nananatiling tradisyonal ang paraan ng kanilang produksiyon.
3. Kakulangan sa impraestruktura katulad ng daan at daungan na magkokonekta sa mga
taniman at isdaan patungong pamilihan. Kung walang daan na nagdurugtong sa mga
taniman at isdaan ay mapipilitan ang mga magsasaka at mangingisda na ibenta ang kanilang
mga produkto sa mga negosyanteng dumarayo sa kanilang lugar nang mas mura kompara sa
presyo sa pamilihan. Ang kakulangan sa impraestruktura ay nagdudulot ng pagmamahal ng
halaga ng produktong agrikultural dahil ipinapasa ng mga negosyante sa mga mamimili ang
halaga ng pagbibiyahe ng mga produkto patungong pamilihan. Pinakanararamdaman ang
epekto nito tuwing may kalamidad katulad ng pagbaha o pagguho ng lupa kung saan walang
ibang madaanan ang mga negosyante. Dahil dito ay kakaunti ang suplay ng produktong
agrikultural kaya nagtataas ang presyo nito pagdating sa pamilihan. Sa kabilang banda,
kung hindi man makarating sa tamang oras ang mga produkto sa pamilihan dahil sa nasabing
kalamidad ay masisira o mabubulok ang mga ito na magdudulot naman ng pagkalugi sa mga
negosyante, magsasaka, mangingisda, at naghahayupan.
4. Global Warming. Ang pabago-bagong panahon sa Pilipinas at ang mga kalamidad ay
nagdudulot ng pagkasira ng kapaligiran at kalidad ng mga produktong agrikultural.
Halimbawa ang marami at malalakas na bagyo na sumisira sa mga punongkahoy at dahilan ng
pagkamatay ng mga pananim. Ang malalakas na bagyo ay humahadlang din sa mga
mangingisda upang pumalaot kung kaya’t nababawasan ang suplay ng isda. Samantala, ang
sobrang pag-ulan at sobrang init ng panahon ay parehong hindi maganda para sa mga nag-
aalaga ng hayop dahil maaari nang maging sanhi ito ng pagkakasakit at pagkamatay ng
hayop.
5. Pagkasira sa kapaligiran dulot ng mga illegal na gawain. Ang illegal logging ay sumisira
sa mga kagubatan na siyang nagpapalambot sa lupa na sanhi ng pagguho nito. Bagama’t
sinasabing mahigpit ang batas laban sa illegal logging ay mayroon pa ring mga nakakalusot
at nagpuputol ng puno na nakababawas sa kagubatan. Sa pangingisda naman ay mayroon pa
ring mga gumagamit ng dinamita at maninipis na lambat sa pagnanais na makakuha ng
maraming huli. Ang ganitong paraan ay pumapatay maging sa maliliit na isda na maaari pa
sanang lumaki at makapagluwal ng maraming isda. Sinisira din nito ang mga korales kung
saan naninirahan ang mga isda, kung kaya ay nababawasan ang mga isda sa karagatan.
6. Konbersiyon ng mga taniman upang bigyang - daan ang urbanisasyon. Sa nakalipas na
dalawang dekada ay nasaksihan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas ang pag-usbong ng mga
bagong siyudad mula sa mga lupain na dating taniman. Halimbawa, ang mga probinsiya ng
Laguna, Cavite, Bulacan, Iloilo, Cebu, at Davao ay naging tahanan ng malalaking subdibisyon,
at komersiyal at industriyal na mga komunidad. Ang pagbabagong ito ay nakaaapekto sa
sektor ng agrikultura dahil nababawasan ang mga lupain na pansakahan samantalang
kakaunti lamang ang mga bagong lupain na ginagawang taniman.
7. Ang paglipat ng mga manggagawa ng sektor ng agrikultura sa ibang sektor. Ang sektor
ng agrikultura ay isa sa may mababang pasahod kumpara sa ibang mga sektor. Dahil dito ay
bibihira lamang ang nagnanais na mapabilang sa sektor na ito. Karaniwang pinag-aaral ng
mga magsasaka at mangingisda ang kanilang mga anak hanggang kolehiyo upang magkaroon
ng trabaho ang mga ito sa siyudad.
8. Ang paglaki ng populasyon na hindi masabayan ng produksiyon ng sektor ng
agrikultura. Mas maraming produktong agrikultural ang kailangang maprodyus ng bansa
upang matustusan ang pangangailangan ng mga mamamayan. Kaya kung hindi tataas ang
antas ng produksiyon ng sektor ng agrikultura ang populasyon ay hindi maiiwasan ang
kakulangan sa pagkain at non – food na produktong agrikultural.

Ang Kahalagahan ng Sektor ng Agrikultura sa Pambansang Kaunlaran

Ang mga suliranin ng sektor ng agrikultura ay mahalagang magawan ng solusyon dahil


malaking bahagi ng ekonomiya ng Pilipinas ang nakasalalay rito. Ang mga sumusunod ay ang mga
benepisyong dulot ng sektor ng agrikultura:

1. Pagkain. Ang lumalaking populasyon ng Pilipinas ay kailangang tapatan ng masiglang sektor


ng agrikultura upang masiguro na ang mga mamamayan ay makabibili ng mura, maraming uri,
at magandang kalidad na pagkain. Kung hindi magiging maunlad ang sektor ay tataas ang
presyo ng pagkain at marami ang magugutom. Ang Pilipinas ay sagana sa likas na yaman na
mainam sa agrikultura kaya hindi magiging katanggap-tanggap na may kakulangan sa
pagkain ang mga mamamayan nito.
2. Pinagmumulan ng dolyar. Ang mga ine-export na produktong agrikultural ng Pilipinas ay
nagpapasok ng malaking halaga ng dolyar sa bansa. Kabilang sa mga produktong may
pinakamataas na kita ay ang mga high value crops tulad ng saging at mangga. Malaki ang
pangangailangan ng ibang bansa sa dalawang produktong ito dahil sa limitado nilang
kakayahan na makapagprodyus nito.
3. Kagamitang panangkap (raw materials) para sa sektor ng industriya. Ang mga
produktong agrikultural ay pinoproseso ng sektor ng industriya upang maging bagong mga
produkto. Halimbawa nito ang sardinas kung saan ang isda ay niluluto at inilalagay sa lata,
ang balat ng niyog o kopra na ginagawang mga palamuti sa bahay, at ang katas ng bulaklak
na pampabango sa sabon at shampoo. Kung ganoon, ang masaganang sektor ng agrikultura
ay nangangahulugang maraming suplay ng kagamitang panangkap ang sektor ng industriya
upang makagawa ng maraming produkto. Ito ay magbibigay ng maraming pagpipiliang
produkto sa mga mamamayan.
4. Lakas-paggawa. Maraming mga mamamayan ang nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura at
marami pa ang kailangan upang maging maunlad ang sektor na ito. Ang masaganang sektor
ay makaeengganyo sa maraming mamamayan upang magtrabaho rito o magtayo ng negosyo
na may kinalaman dito.

Mga Patakarang Pang –ekonomiya na Nakatutulong sa Sektor ng Agrikultura

Sa kasaysayan ng Pilipinas ay marami nang patakaran ang nalikha upang tulungan at palaguin
ang sektor ng agrikultura. Ang halimbawa ng mga patakarang ito ay ang mga batas ukol sa
pagmamay-ari ng lupa, agrarian reform, pag-aangkat ng bigas, at pag-aangkat ng produktong
agrikultural.

Patakaran ukol sa Pagmamay-ari ng Lupa at Agrarian Reform

Bago dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, ang mga lupain sa bansa ay nahahati sa iba’t
ibang grupo ng mga katutubo na naninirahan dito. Nang sakupin ng Espanya ang Pilipinas ay
pinaghati-hatian ng mga Kastila ang bansa maliban sa Mindanao at ibang bahagi ng Luzon at
Visayas na hindi nila nagawang sakupin. Habang ang karamihan sa mga lupain ay naging pagmamay-
ari ng mga miyembro ng pamahalaang kolonyal ng Espanya, ang ibang lupain ay naging pagmamay-
ari ng iba’t ibang mga sekta ng Simbahang Katolika sa pamumuno ng mga prayle. Ang mga Pilipino
na dating may – ari ng mga lupain ay nangungupahan ng sakahan sa mga Kastila na kanilang
binabayaran ng buwis na 1/10 ng kabuuang ani. Ang sistemang ito ay mas kilala sa tawag na
encomienda.

Sa paglisan ng mga Kastila at pagdating ng mga Amerikano ay ipinatupad ang Friar Land
Purchase kung saan ang mga lupaing nasa pagmamay-ari ng mga prayle ay binili ng pamahalaang
kolonyal ng Amerika. Ang mga lupaing ito ay ibinenta nang hulugan sa mga Pilipinong umookopa
rito.

Ipinagpatuloy ang programang ito noong panunungkulan ni Pangulong Ramon Magsaysay sa


pamamagitan ng Republic Act 1400 o Land Reform Act of 1995 kung saan inatasan ng batas ang
Land Tenure Administration na bumili ng mga pribadong lupang sakahan upang maibenta sa mga
nananakahan dito. Pinalawig ni Pangulong Diosdado Macapagal ang programang ito sa pamamagitan
ng Republic Act 3884 o Agricultural Land Reform Code na tuluyang nagtanggal sa sistema ng
pananakahan. Isinabatas ang pagbili ng pamahalaan ng mga pribadong lupaing pansakahan upang
ilipat ang pagmamay-ari nito sa mga magsasakang umookupa rito sa pamamagitan ng mahabang
installment plan. Binuo naman ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Department of Agrarian
Reform o DAR sa bisa ng Presidential Decree 2 o Code of Agrarian Reform. Inatasan ng batas na
ito na ang bawat magsasakang nangungupahan sa mga pribadong sakahan ng bigas at mais ay
dapat magkaroon ng limang ektaryang parte sa lupang kanilang sinasaka. Ang pinakamalawak na
agrarian reform na isinabatas ay ang Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law
sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino na nag-uutos na ipamahagi ang lahat ng pampubliko at
malalaking pribadong sakahan sa mga magsasakang walang sariling sakahan.

Marami ang batas na naglalayong mamahagi ng lupain sa mga magsasaka. Bawat pangulo ng
bansa ay nagkaroon ng pagnanais na magpatupad ng agrarian reform. Ngunit matapos ang ilang
dekada mula nang simula ang pamamahagi ng sakahan ay hindi pa rin nagkakaroon ng sariling
lupain ang lahat ng mga magsasakang Pilipino.

Patakaran Ukol sa Pag-aangkat ng Bigas at Produktong Agrikultural

Ang pag-aangkat ng bigas sa Pilipinas ay dapat na naayon sa pamantayang itinalaga ng NFA


Council Resolution No. 556 – 2010 – L ng National Food Authority. Ang batas na ipinatutupad
ng pamahalaan upang limitahan ang pagpasok ng mga produktong agrikultural mula sa ibang bansa
na maaaring makaapekto sa demand ng mga lokal na produktong agrikultural ay ang Agricultural
Tariffication Act o ang Republic Act No. 8178. Ipinag-uutos din ng batas na ito na tanggalin
ang quota sa mga produktong agrikultura, maliban sa bigas, na inaangkat ng Pilipinas. Bilang
kapalit ay papatawan ng taripa ang mga nasabing produktong agrikultural. Sa gayon ay hindi
maibebenta ang mga ito sa pamilihan nang mas mababa sa halaga ng mga local na produktong
agrikultural. Ang kompetisyong idudulot ng pagpasok ng mga dayuhang produkto ay inaasahang
makapagtataas ng kalidad ng mga produkto.

Mga Sangay ng Pamahalaan na Nangangasiwa sa Sektor ng Agrikultura

Ang Kagawaran ng Agrikultura ang siyang may mandato na mangasiwa sa pagpapaunlad ng


sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Kabilang sa mga gampanin ng Kagawaran ang pagbalangkas ng
mga polisya at pagsuporta sa mga negosyong agrikultural. Ang lahat ng ito ay inaasahan na
makapagpapaunlad sa kita ng mga magsasaka, mangingisda, at iba pang nasa sektor ng agrikultura,
at maghihikayat sa aktibong partisipasyon sa pagpapaunlad ng sektor. Gayundin, inaasahan ang
pakikilahok ng mga mamamayan sa mga policy-making bodies ng Kagawaran upang ang mga polisiya,
plano, at programa nito ay matagumpay na maipatupad para sa kapakanan ng mga nasa sektor. Sa
ilalim ng Kagawaran ng Agrikultura ay may ahensiya na kabalikat nito sa pagtupad ng kanyang mga
gawain. Ito ang mga sumusunod:

1. Agricultural Training Institute (ATI) – Inatasan ng batas ang ahensiyang ito na


magsaliksik, magplano, magbadyet, mag – organisa, at magpatupad ng mga training program
para sa mga nasa sektor ng agrikultura at pangingisda. Tungkulin din nilang tulungan ang
mga lokal na pamahalaan upang magkaroon ng pare-parehong programa para sa mga
manggagawa sa sektor. Inaasahang ang mga programa ng Agricultural Training Institute ay
makakatulong sa pag – unlad ng mga probinsiya na agrikultural ang pangunahing kabuhayan.
2. Bureau of Agriculture and Fisheries Product Standard (BAFPS) – Tinitiyak ng
ahensiyang ito na mataas ang kalidad ng mga produktong agrikultural sa pamamagitan ng
pagtatakda ng mataas na pamantayan sa produksiyon, pagpoproseso, packaging, labeling,
importasyon, eksportasyon, distribusyon, at pag – aanunsiyo ng mga produktong
agrikultural. Kailangang siguraduhin ng ahensiya na ang pamantayan na ginagamit sa mga ito
ay naayon sa international standard.
3. Bureau of Animal Industry (BAI) – Tungkulin ng ahensiyang ito ang siguraduhin na may
masiglang industriya ng pag – aalaga ng hayop (livestock at poultry) sa bansa. Kasama rito
ang pagkakaroon ng masaganang pagkakakitaan (livelihood) ang mga mamumuhunan at
pagkakaroon ng marami at de kalidad na pagkain ang mga mamamayan. Kung kaya’t ang
ahensiya ay may mandato na gumawa at magpatupad ng mga patakaran tungkol sa kalusugan
ng mga hayop, mataas na kalidad na feeds, post-harvest technology, at human resource
development.
4. Bureau of Soils and Water Management (BSWM) – tungkulin ng ahensiyang ito ang
magsaliksik, magbalangkas ng mga patakaran, at gumawa ng mga programa para sa kapaki-
pakinabang na paggamit at upang mapanatili ang pagiging produktibo ng lupa at tubig bilang
mahalagang salik ng produksiyon sa sektor ng agrikultura. Kabilang dito ang paghahanap ng
solusyon sa mga suliranin ng sektor ng agrikultura tulad ng soil erosion at tagtuyot.
Kaagapay sila ng lokal na pamahalaan sa paggawa ng mga programa sa patubig tulad ng
pagtatayo ng irigasyon at ng tanggapan ng Kagawaran ng Agrikultura sa iba-ibang rehiyon.
Upang mabigyan ng priyoridad ang mga lugar na kailangan ng pananaliksik, pagpapadala ng
teknolohiya, pagpapatayo ng impraestruktura, pagpapautang, at iba pang serbisyo, kasama
sa gawain ng ahensiya ang pagdedeklara ng mga lugar bilang Strategic Agriculture and
Fisheries Development Zone (SAFDZ).
5. Bureau of Agricultural Statistic (BAS) – Nangangasiwa sa koleksiyon ng datos tungkol sa
sektor ng agrikultura, pagsusuri sa mga datos upang makabuo ng report, at pagpapaalam ng
impormasyong ito sa mga mamamayan at sa Kagawaran ng Agrikultura ang mandato ng
ahensiyang ito. Ang mga datos ay mahalagang makarating sa mga mamamayan, lalo na sa
mga tanggapan, korporasyon, at opisina sa ilalim ng Kagawaran ng Agrikultura upang maging
basehan ng kanilang mga programa at patakaran. Bukas sa publiko ang mga datos ng sektor
ng agrikultura at ito ay matatagpuan sa kanilang website na http://www.bas.gov.ph .
6. Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Sa kabuuan, ang mandato ng
ahensiyang ito ay ang pagpapaunlad, pagpapalakad, at konserbasyon ng yamang-dagat ng
Pilipinas. Kasama sa responsibilidad na ito ang: pagbibigay ng lisensiya sa mga sasakyang
pangisda; pangangasiwa sa kasunduan sa pangingisda sa pagitan ng Pilipinas at mga dayuhan;
pananaliksik kung paano mapauunlad ang pangingisda; pagbigay serbisyo, tulong na teknikal,
impraestruktura, at planta upang siguraduhin ang mataas na kalidad ng produktong
pangingisda; koordinasyon sa lokal na pamahalaan upang siguraduhin ang kalinisan ng mga
bagsakan at bilihan ng isda; pakikipagtulungan sa Kagawaran ng National Defense upang
bantayan ang gawain sa pangingisda sa katubigan ng Pilipinas; implementasyon ng sistema
sa pag-aangkat at pag-eeksport ng produktong pangingisda; at siguraduhin ang mataas na
produksiyon ng isda para sa pangangailangan ng bansa.

You might also like