You are on page 1of 11

SA RIZAL PARK

Noong ika-30 ng Disyembre, nasa Rizal Park


ang Tatay, Nanay at ang maliit na si Ernesto.
Maaga pa noong umagang iyon nang magkatipon
ang maraming tao sa harapan ng monument ni
Rizal. May ilang tao na may hawak na
magagandang korona.
“Bakit po napakaraming tao?” tanong ni
Ernesto.
“Araw ng kamatayan ni Rizal ngayon,’’ sagot
ni Nanay. “Umaga noong ika-30 ng Disyembre
1896 nang barilin si Rizal dito. Kaya nga tinawag
na Rizal Park ang magandang parkeng ito.”
“Sino po ba si Rizal,” tanong ni Ernesto.
“Siya ang ating pambansang bayani,” sagot
ng Tatay. “Kapag nag-aral ka, marami kang
matututunan sa iyong guro tungkol kay Rizal.’’

ANG KALUSUGAN
Isang malaking biyaya ang kalusugan. Dapat
gawin ng bawat isa ang kanyang makakaya
upang manatiling malusog. Ang pagiging
malusog ay nangangahulugang kapwa nasa
maayos na kalagayan at ligtas sa sakit ang ating
katawan at pag –iisip.
Tamang pagkain, sariwang hangin,
ehersisyo, magandang tindig, sapat na
pahinga, sikat ng araw, maraming tubig,
maginhawang kasuotan, malinis na katawan,
at pagkonsulta sa doktor at dentista ang
makakapagpanatili sa ating kalusugan.
Minsan ang palaging pagsunod sa mga
tuntunin sa kalusugan at gawing bahagi nang
ating pang araw–araw na gawi. Kailangang
matutuhan ang mabuting gawi habang maaga.

ANG SAKONG NI
ACHILLES
Isang bayaning Griyego si Achilles.
Makisig, malakas at matapang siya.
Noong sanggol pa si Achilles, inilubog
siya ng kanyang Ina sa Ilog Styx. May
paniwala ang mga Griyegong hindi
masasaktan ang anumang bahagi ng katawang
nabasa sa ilog na ito. Buong katawan ni
Achilles ang nabasa, maliban sa kanyang
sakong na siyang hinawakan ng kanyang Ina
nang siya ay ilubog. Hindi nga naano si
Achilles sa mga pakikipaglabang kanyang
pinuntahan at pinangunahan.
Ngunit nang minsang makipaglaban si
Achilles, nasugatan siya nang malubha.
Tinamaan siya sa sakong ng sibat ni Paris,
isang prinsipeng Trojan. Ikinamatay niya ito.

ANG HANGIN
May hangin sa buong paligid natin. May
hangin din kahit sa loob ng ating katawan.
Hindi ito nakikita, nahihipo, nalalasahan o
nararamdaman. Maraming katunayang may
hangin sa paligid.
Hindi totoong walang laman ang isang
bote na sa tingin ay walang laman. Puno ito
ng hangin. Hindi nauubos ang laman ng isag
baso kapag iniinom ang gatas dito.
Nagkakahangin ito habang nauubos ang
gatas. Sinasabing walang laman ito dahil
hindi natin nakikita ang hangin sa loob.
Binubuo ang hangin ng iba’t-ibang gas
na karaniwan ay hindi nakikita. Ilan sa mga
ito ang oxygen, carbon dioxide at nitrogen.

ANG KAMBING
Isang araw, may gutom na kambing na
naghahanap ng makakain. Nakakita siya ng
kumpol ng bayabas na nakalawit sa sanga ng
isang mataas na puno. Hinog at masarap ito sa
tingin. Ngunit may kataasan ang sanga.
Lumukso nang lumukso ang kambing ngunit
hindi niya ito maabot.Nang lumaon sumuko na
siya.
“Maasim naman ang mga bayabas na
iyon.’’ sabi niya sa sarili habang papalayong
nakaismid. Ganyan din ang ginagawa sa isang
taong nagkukunwaring ayaw niya ang isang
bagay na hindi niya nakuha. Sa halip na
pagsumikapan niyang makamit, pinipintasan
niya ito. Sa madaling sabi, wala itong
pagpupunyagi.

MAGANDANG DAIGDIG
Nagbabakasyon noon si Elena sa kanyang
mga Lolo at Lola na nakatira malapit sa
baybay–dagat. Gustong-gusto niyang maglaro
sa baybay-dagat.
Isang umaga, habang nakaupo si Elena sa
buhangin malapit sa baybay-dagat, nakita niya
ang magaganda at maiinam na bagay. Nakita
niya ang mapuputing ulap sa bughaw na
langit. Nakita niya ang malalaking alon na
nag-uunahan sa buhanginan. Nadama niya ang
mainit na hangin. Nakita niya ang mabilog at
malaking araw na sumisikat sa dako pa roon.
Namalas niya ang mga kabibe na may iba’t
ibang kulay .
Tumingala si Elena at nagpasalamat sa
Diyos dahil sa magandang daigdig.
ANG AKING MANIKA
Noong ako ay mahigit na siyam na taon pa
lamang, pinadalhan ako ng aking Tiya sa
America ng manikang lumalakad.
Napakagandang manika niyon. Bughaw ang
kanyang damit, itim ang kanyang sapatos, at
asul ang kanyang medyas. Pumipikit ang
kanyang mga mata kapag inihihiga ngunit
nakamulat ito kapag nakatayo o naglalakad.
Kulot at malasutla ang kanyang ginintuang
buhok. Mahahaba ang pilik ng kanyang
bughaw na mata. Nakangiti ang kanyang
maaliwalas na mukha.
Isang araw, wala na ang aming bahay nang
umuwi ako buhat sa paaralan. Nasunog ito
kasama ang lima pang bahay sa aming pook.
Wala na rin ang aking magandang manika!

PUNUNGKAHOY
Ano kaya ang magiging anyo ng daigdig kung
walang mga punungkahoy? Mahalaga ang mga
punungkahoy. Hindi lamang nila pinagaganda ang
ating paligid kundi pinalalamig at binibigyan pa
rin nila ng lilim. Binibigyan nila tayo ng pagkain,

NIYEBE
Isang batang Pilipino si Eric na bagong
dating lamang sa America. Isang araw, nais
niyang maglaro sa labas ngunit malakas ang
ulan.
“Hindi ka maaaring maglaro sa ulan,” sabi
ng kanyang Ina.” Napakalamig pa ngayon.
Diyan ka na lamang sa tabi ng bintana at iyong
panoorin ang ulan na tumutulo mula sa bubong.”
Nonood nga si Eric ng ulan. Kumulimlim
ang langit, pagkatapos, may nangyari na hindi
pa niya nakikita kundi noon lamang. “Inay,”
tawag niya, “nagiging puti ang ulan.”
Dumungaw ang kanyang Ina. “Niyebe
iyan.” sabi niya.
“Ano po ba ang niyebe?” tanong ni Eric.
“Yaon ang ulan na nabubuo dahil sa
lamig,” sagot ng kanyang Ina.

MGA BAGAY NA PILIPINO


Dumating buhat sa America noong isang lingo
si Sandra, isang magandang batang may labing-
isang taong gulang. Pilipino ang mga magulang
niya ngunit doon siya ipinanganak. Ngayon
lamang siya nakaratong dito at maraming bagay
ang kanyang ikinatuwa.
Nasiyahan siyang Makita ang mga
sumusunod: ang makukulay na dyip na
nagpaparito at paroon sa mga lansangan; isang
kulay abong kalabaw sa halip na itim na tulad ng
nakita niya sa mga larawan; isang babaing may
sunong na basket ng mga bungangkahoy at gulay;
at isang lalaking nag-aararo.
Sa mga bungangkahoy na kanyang natikman,
naibigan niya ang saging, manga at tsiko.
Nang tanungin siya kung ibig tumira rito sa
Pilipinas, mabilis niyang sinabing gusto niya rito.

ANG GULAY
Iba’t ibang bahagi ng gulay ang ating
kinakain. Maaaring ito ay ugat, ulo, tangkay,
dahon bulaklak, buto o bunga.
Ang ilan sa mga gulay na ugat ay labanos,
patatas at carrot. Ang sibuyas at bawang ang
halimbawa ng gulay na ulo. Kinakain natin ang
tangkay ng celery at ang buto ng sitaw at
balatong. Maraming gulay na dahon tulad ng
petsay, repolyo, spinach at kangkong. Ang ilang
gulay na bulaklak ay ang cauliflower at bulaklak
ng saging. Ang ilang gulay na bunga ay talong,
upo at kalabasa.
Ayon sa mga doctor, kailangan nating kumain
ng gulay araw-araw. Alinman sa mga gulay na
berde o dilaw ang kailangan nating kainin. May
mga mineral at bitamina ang gulay na kailangan
ng ating katawan.

HINDI NA TAKOT
Ang mag-anak na Simon ay nasa silid tanggapan
ng bahay. Nananahi si Ginang Simon samantalang
nagbabasa ng pahayagang panggabi si Ginoong
Simon. Naglalaro si Susan ng kanyang mga manika.
Gumagawa ng takdang-aralin si Mario. Walang anu-
ano, may gumuhit na kidlat sa kalangitan at kasunod
nito ay matunog na kulog. Tumakbo si Susan sa
kandungan ng kanyang Ama.
“Hindi dapat katakutan ang kulog, Susan,” sabi
ng kapatid niyang si Mario na nasa ikaapat na
baiting. “Hindi ka maaano noon. Isa lamang yaong
ingay sa langit.”
“Totoo iyon,” sang-ayon ni Ginoong Simon.
“Palagi itong kasunod ng kidlat.” May gumuhit na
namang kidlat, sumunod ang isang malakas na
kulog.
“Ganon po ba, Tatay?” ang sabi ni Susan.
“Ngayon, hindi na ako matatakot sa kulog,” dagdag
pa niya.

You might also like